You are on page 1of 20

Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

MODYUL 2:

PAGBASA
Aralin 1:
Ang Pagbasa at Kahalagahan Nito

Ang Pagbasa ay ang kasanayang unang hakbang sa pagtamo ng kaalaman. Bakit nga ba? Nahahasa ang
ating kaisipan, naragdagan ang ating kaalaman, napapalawak ang ating pananaw at nararating natin ang
ibang lugar dahil sa kasanayang ito, ang pagbasa. Ito’y may Kaugnayan sa pagkatuto at sa pagsulat ng
mga mag-aaral. Bago natin ipagpatuloy ang talakayan natin tungkol dito ay alamin muna natin ang mga
nais nating matamo sa paksang ito.

Inaasahang Kinalabasang Pampagkatuto:


1. Nakapagsalaysay ng sariling karanasan tungkol sa kahalagahan ng Pagbasa;
2. Nakapaglalahad ng sariling opinyon ukol sa posibleng maramdaman

Pansinin Mo!
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

Basahin at Unawain ang Salaysay na ito!

Uhaw sa Pagbasa

Lubhang magaan, masarap at nakapukaw ng damdamin ang bawat yugto ng buhay ko


mula nang natuto akong magbasa ng mga simpleng salita lalo noong nabasa ko ang
salitang MAMA. Naisip ko noong, ganito pala isulat ang salitang gustong-gusto kong
banggitin dahil sa labis kong pagmamahal sa inang nag-aaruga at nagmamahal sa’kin.
Iyan ang karanasang naikwento ng isang estudyante sa kapwa rin niya estudyante na
narinig ko rin lamang. Tsismosa ba ang lagay ko dito? Naisip ko lamang. Noon ko
lamang inalala ang aking karanasan din noong bago pa lamang din akong natutong
magbasa. Animo’y batang uhaw sa mga babasahin dahil bawat karatulang nakapaskil sa
daan na nakalagpas sa akin, binabasa ko talaga ito na walang palya. At ang dami kong
tanong sa nanay ko pagkatapos kong mabasa ito dahil nais kong maintindihan kung anong
kahulugan ng mga salitang ito. At matapos kong malaman ang mga kahulugan nito ay
para bagang nag-uupaw ang puso ko sa tuwa. Iyan pala ang mahika ng pagbasa. Labis na
Kaligayahan.

Suriin Mo!
1. Tungkol saan ang kwentong ito?
2. Anong simpleng salita ang nabasa niyang nakapagbibigay sa kanya ng labis na saya?
3. Ganito rin ba ang naramdaman mo noong unang natuto kang bumasa? Paano?
4. Isalaysay mo.

Pagyamanin Mo Pa!
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

Ang Pagbasa- ay teritoryo ng katatasan sa wika kung paano nagbibigay ng interpretasyon at tinatasa ang
mga simbolo nang may pag-unawa.
Ayon kina Urquhart at Weir (1998), inaakalang ng mga mag-aaral na simple lang at madaling
maiintindihan ang pagbasa. Anila, “Ang pagbabasa ay isang proseso ng pagtanggap at pag-interpreta ng
mga informasyong nakakoda sa anyo ng wika sa pamamagitan ng limbag na midyum.”
Sinabi naman ni Goodman (1967, 1971, 1973), na ang pagbabasa ay isang psycholinguistic
guessing game, na kung saan ang nagbabasa ay nagbubuong muli ng isang mensahe ayon sa kanyang
pagkakaintindi o kaisipang hango sa tekstong binabasa.
Si Coady (1979), ay nagbibigay ng elaborasyon sa kaisipan ni Goodman sa pagbasa. Ayon kay
Coady, para sa lubusang pag-unawa ng isang teksto, kailangang ang dating kaalaman ng tagabasa ay
maiugnay niya sa kanyang kakayahang bumuo ng mga konsepto/kaisipan at kasanayan sa pagpoproseso
ng mga impormasyong masasalamin sa teksto.
Ayon kay Coady, ang kakayahang pangkaisipan ay ang panlahat na kakayahang intelektwal ng
isang tagabasa. Ang mga istratehiya sa pagpoproseso ng impormasyon ay iyong may kinalaman sa
paggising ng mga impormasyong nasa isipan ng tagabasa gaya ng kaalamang semantika (impormasyon
tungkol sa daigdig, halimbawa mga konsepto, ideya, karanasan, atbp.) kaalamang sintaktika
(impormasyon tungkol sa wika, halimbawa ang pagbuo ng pangungusap at mga batayang hulwaran) at
kaalaman sa ugnayang graphophonic (halimbawa pormasyon ng pantig, pagbaybay atbp.). Ang dating
kaalaman ay binubuo ng lahat ng karanasan at impormasyong nasa isipan ng tagabasa na maaaring
gamitin bilang pantulong kung sakaling may kahinaan ang tagabasa sa kaalamang sintaktik.
Ang pagbasa ay pakikipagkomunikasyon ng awtor sa kanyang mambabasa. Ang sangkot dito ay
tatlo; ang aklat o anumang babasahin, na siyang magsisilbing midyum o tsanel ng tao, ang awtor o
ang taong may nais ipabatid o iparating, at ang bumabasa ng kanyang sinusulat. Ang pagbasa ay
isang proseso at isa ring kasanayan. Ito’y proseso ng pagtuklas sa sinasabi ng awtor; at gayundin ay
kasanayan sa pag-unawa sa pamamagitan ng salita o wikang ginamit nito, sa pamamagitan ng punto de
vista, tono ng sulatin, at layunin ng awtor.
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

Apat na hakbang ang daraanan sa buong proseso ng pagbasa bagama’t ang bawat hakbang ay mabilis
na nangyayari: ang una ay ang persepsyon sa mga salita o yunit ng mga salita. Ito ang hakbang sa
pagkilala sa mga nakalimbag na simbolo. ; ikalawa ang pag-unawa o Komprehensyon ng mga salita
kung kailan nahiwatigan ang mga kahulugan ayon sa konteksto ng mga ito. Ito’y pagproseso ng mga
impormasyon o kaisipang ipinapahayag ng simbolong nakalimbag.; ikatlo, ang reaksiyon o kung
kailan ang mambabasa ay nakapaglimi sa sinabi ng awtor, hinahatulan o pinagpapasyahan ang
kawastuhan, kahusayan at pagpapahalaga ng isang tekstong binasa; at ang huli ay ang integrasyon
o Asimilasyon, isinasama at iniuugnay ang kaalamang nabasa sa dati ng kaalaman, pumapasok at lubos
na nauunawaan ng mambabasa ang kaniyang natunghayan at natutunan sa kanyang binasa. Nagagamit
niya ang bagong kaalaman para sa sarili at sa araw-araw na buhay.

Sa pagbasa ay sinusuri ng mata o pandama gaya ng braille ang mga simbolo. Ang mata ay
inihahalintulad ng kamera ng utak. Ang mata ang kumukuha ng larawan at ang utak naman ang
nagbibigay ng interpretasyon. Ito ay isang prosesong sikolohikal kaya makikita rito ang ekstenyon ng
ating utak.

Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagbasa:


1. Dapat pag-ukulan ng pansin ang mga bagay na may kinalaman sa pagbasa. Gaya ng kundisyon sa
mata at katawan.
2. Iwasan ang maingay na kapaligiran. Dapat tahimik, mahangin at maliwanag na kapaligiran at
komportable sa upuang ginagamit o gagamitin.
3. Kailangang may tiyak na layunin sa pagbasa
4. Kailangang linangin ang interes sa pagbasa
5. Kailangang may malawak na talasalitaan
6. Kailangang may lubos na kaalaman sa paggamit ng bantas.

3 salik sa bilis ng pagbasa:

1. Pamilyar sa material – lagi munang nakikita o nababasa ang mga material na ginamit.
2. Antas ng kahirapan – kung ang binasang teksto ay may kahirapang unawain o interpretahin.
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

3. Layunin ng pagbasa – kung ang layunin ng pagbasa ay pampalipas oras lamang ay medyo mabilis
ang iyong pagbasa ngunit kung ang layunin ay matuto o makakuha ng impormasyon ay medyo may
kabagalan kang magbasa.

2 salik sa mabisang pagbasa:

1. Nakikita o namamalas- ito’y tumutukoy sa pisikal na katawan gaya ng mabuting paningin,


pandinig, mabuting pangangatawan, kapaligirang pisikal (wastong pag-iilaw, bentilasyon at tahimik na
kapaligiran) at ang pormat ng babasahin.
2. Di- nakikita o di- namamalas- ito’y tumutukoy sa lagay ng pag-iisip (positibo) at determinasyong
matuto, pagtitiwala sa sarili, determinasyon ng layunin at konsentrasyon.

Teorya sa Pagbasa

1. Teoryang Bottom-Up o Baba- pataas - Ituturo ang mula sa letra, ponema, salita, pangungusap
hanggang sa makabuo ng impormasyon. Ayon sa teoryang ito pinoproseso ng mga nagbabasa
ang grapema (o mga simbolo ng tunog ng wika o mga titik) sa oras ng pagkakita nila sa mga ito.
Ang mga grapemang ito ay siyang katumbas ng tunog ng wika. Ang mga tunog ay ang mga
ponema – ang pinakamaliit na yunit ng makahulugang tunog ng wika – na pinagsama-sama
para makabuo ng salita. Mula sa tunog hanggang sa pinakamataas na hirarkiya ng mga
elemento ng wika, ang pagkakaunawa ay ganito: kailangang may makita ang tagabasa upang
maunawaan niya ang isang mensahe. Kung ano ang sinasabi nito, iyon ang pinagbabatayan ng
interpretasyon at wala nang iba. Ito ay tinatawag na teoryang bottom-up dahil ang pag-unawa ng
isang bagay ay nagsisimula sa bottom o sa ibaba, ang reading text, at napunta sa itaas (“up”)
- sa utak. Ang kaisipang ito ay batay sa teoryang behaviorist at sa paniniwalang ang utak ay
isang malinis na papel o tabula rasa.
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

2. Teoryang Top-Down o Taas- pababa – Ito’y nagsisimula sa proseso ng pagkilala sa salita,


nakalimbag na teksto, paggawa ng hinuha mula sa dating kaalaman sa paksa at sa pangungusap,
mapatunayan ang hinuha, makabuo ng kahulugan at makaunawa sa bagong kahulugan.
Ang teoryang ito ay sumasalungat sa direksyon ng komprehensyon na binanggit sa unang teorya. Ito ay
hango naman sa sikolohiyang Gestalt. Ang teoryang top-down ay nagsasabing ang pagbasa ay isang laro
ng panghuhula sa sikolohiya ng tao. Ito ay nangangailangan ng interaksyon ng pag-iisip (ang nasa utak ng
tao)at ng wika. Ang tamang pagbasa ayon sa teoryang ito ay ibinabatay sa kung ano ang naunawaan o
nakuha batay sa kung ano ang iskema ng tagabasa. (Ang iskema ay ang dating kaalamang nakaimbak na
sa utak ng tao.) Ang pag-unawa sa teksto ay ibinabatay ng tagabasa sa kanyang karanasan at kaalaman
tungkol sa paksa.

3. Teoryang Interaktibo at Kompensatori – dahil sa kakulangan ng teoryang “Bottom-Up” at “Top-


Down” sa pagpapaliwanag ng proseso sa pagbabasa, si Stanovich (1980) ayon kay Tatlonghari (1994) ay
nagmungkahi ng pangatlong teoryang tinatawag na interaktibo at kompensatori. Batay sa pangalan nito,
ipinahihiwatig na ang mga teksto ay pinoproseso sa pamamagitan ng paggamit ng sabay-sabay na mga
impormasyong nagmumula sa iba’t ibang pinagkukunan. Kabilang sa mga sources o pinagkukunan nito
ay ang magkahiwalay na mga palagay sa prosesong top-down at bottom-up.
Kung pinaniwalaang ang palagay ng iba pang mga eksperto – na ang pagbasa ay insidental
lamang ang pagiging biswal – ang mga pagdulog interaktibo ay nagbibigay-diin sa katotohanang ang
kahulugan o pag-unawa ay hindi lamang sa tekstong binabasa makukuha, kundi nabubuo sa pamamagitan
ng interaksyon ng teksto at tagabasa. Ang iskema o dating kaalaman ay makakatulong sa lubusang pag-
unawa ng teksto.
Samakatwid, sa prosesong interaktibo at kompensatori, ang tagabasa ay gumagamit ng estratehiya
sa paglilipat-lipat ng batayan sa pag-unawa ng teksto: maaaring batay sa teksto o batay sa kanyang dating
kaalaman (eskima) o batay sa dalawang nabanggit.
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

Teoryang Schema – ito’y tumutukoy sa mga malaking organisadong bahagi ng kaalaman o karanasan
ng tao, emosyon o damdamin.
Schemata – ito’y ginagamit sa anyong pang-isahan ng schema. Ito’y sistema ng pag-iimbak ng
impormasyon.

3 yugto ng Estratehiya sa Pagbasa

1. Bago bumasa – bigyang kalinawan ang mga salitang mahihirap, ihanda sa pamamagitan ng
interaktibong talakayan.
2. Pinatnubayang Pagbasa – layuning magabayan ang mga mambabasa na malagom ang mga
impormasyong nasa teksto, makabuo ng iba’t ibang pananaw, makasuri, makabuod, makabuo ng
konklusyon at makababago ng mga tanong na ano tunog sa tanong na paano at bakit.
3. Pagkatapos bumasa – bibigyan ng guro ng iba’t ibang paraan o estratehiya kung paano ipahayag
ang kanilang pag-unawa sa binasa at mapataya at bigyan ng gawain.

Uri ng Pagbasa

1. Skimming – Ito’y paraan ng pagkuha ng nilalaman ng teksto sa mabilisang paraan. Kinukuha ang
pangunahing punto at nilalaktawan ang ilang detalye upang mabasa nang mabilisan ang teksto. Ito’y
ginagawa upang makabuo ng pangkalahatang impresyon.
2. Scanning – Tukuyin o hanapin ang particular na impormasyon.
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

3. Pagbasa para sa Pag-aaral – mas mabagal, malalim at paulit-ulit na pagbasa para sa ganap na
maunawaan ang nilalaman ng teksto.
4. Magaan na Pagbasa – pagbasa na pampalipas oras lamang hindi nangangailangan ng malalim na
pagsusuri.
5. Salita-sa-Salitang Pagbasa – karaniwang ginagamit sa mga dayuhang wika, teknikal o
siyentipikong terminolohiya at mga pormulang matematikal.

Gawin Mo!
1. Alalahanin ang karanasan noong una kang natutong bumasa, ikuwento ito sa iyong kaibigan o
kapatid na hindi kukulangin sa 3 minuto sa pagkukwento. Kuhanan ang sarili ng bidyo habang
nagkukwento.
Rubrics:
Paraan ng Pagkukwento - 10 pts
Kalinawan ng boses at bidyo - 10 pts
Dating sa Madla - 5pts
Kabuuan - 25 pts

2. Magbasa ng mga tekstong may kinalaman sa covid19 vaccine at mula nito, maglahad ng sariling
opinyon ukol dito.
Rubrics:
Nilalaman – 10 pts
Kaisahan ng ideya - 5 pts
Gramar - 5 pts
Orihinalidad - 5 pts

Kabuuan - 25 pts

Sanggunian:

1. Arrogante, Jose A. et al. 2003. Pinaunlad na Pagbasa at Pagsulat sa Iba't ibang Disiplina. Manila.
National Bookstore.
2. Badayos, Paquito B. 1999. Metodolohiya sa Pagtuturo ng Wika. Makati City. Grandwater Publications
and Research Corporation.
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

3. Recorba, Felisa M. et al. 2003. Pagbasa at Pagsulat sa Iba't ibang Disiplina. Bulacan. Trinitas
Publishing Inc.
4. Tumangan, Alcomtiser P. et al.1997. Pagbasa at Pagsulat sa Iba't ibang Disiplina (Filipino 2). Makati
City. Grandwater Publication and Research Corporation.

https://www.google.com/search?sxsrf=ALeKk00MxN6SI9sk06WX2EHhtw9vRg7JgQ:

Aralin 2:
Limang Dimensyon sa Pagbasa

Ipagpatuloy natin ngayon ang talakayan tungkol sa Pagbasa kung saan napag-alaman nating, ito ay susi
sa pagkakaroon ng kaalaman, pagkahasa ng ating isipan at pagbubukas ng daan upang marating ang lugar
na nais puntahan. Bago simulan natin ang diskasyon tungkol sa dimension ng pagbasa, alamin muna
natin ang mga layunin sa talakayang ito;

Inaasahang Kinalabasang Pampagkatuto:

Pansinin Mo!
Basahin at unawain ang usapan ng mag-asawa sa komiks na ito.
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

Suriin Mo!
1. Anong pinag-usapan ng mag-asawa sa komiks sa itaas?
2. Sino daw ang dapat pasalamatan kung kaya’t nalaman nila ang takbo ng virus?
3. Bukod sa mga taong nabanggit nilang dapat pasalamatan, ano pa ang dapat ipagpapasalamat?
Bakit?
4. Paano mo naunawaan ang pinag-usapan ng mag-asawa? Gaano ito kahalaga upang maintindihan
mo ang iyong binasa.

Pagyamanin Mo Pa!

Ang pagpapabasa ng guro sa mga mag-aaral ng mga aklat, magasin, pahayagan at iba’t ibang akdang
pampanitikan tulad ng kwento, nobela, sanaysay at iba pa ay may layuning hindi lamang malinang ang
kakayahan ng mga mag-aaral kundi ang magkaroon ng kaalaman kaugnay sa pagmamahal sa Diyos,
bayan at iba pa.

May limang dimensyon sa pagbasa na makatutulong sa paglinang ng kakayahan sa pagbasa.


I. Unang Dimensyon - Pag-unawang Literal
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

Dito nakapokus kung anong kahulugan lamang talaga sa mga salitang ginagamit, kung anong
impormasyong nais iparating ng manunulat o ito ay simpleng pag-unawa sa mga teksto.

Paraan ng Pag-unawang literal


A. Kahulugan (meaning)
1. Pagkuha ng pangunahin, literal at tuwirang kahulugan ng salita, o pagkuha nito ayon sa
pagkakagamit sa pangungusap.
2. Pagsasalin ng kaisipan ng may-akda sa sariling pagkakaunawa ng bumabasa.
3. Pagpokus ng atensyon sa mga ideya at impormasyong maliwanag sa sinabi ng babasahin
B. Mga Kasanayang napapaloob
1. Pagkilala(recognizing) sa mga sumusunod:
a. Detalye o nilalaman ng kwento – mahanap o makilala ang mga nilalaman
b. Pangunahing Kaisipan ng talata – mahanap o makilala ang mga sinabi sa loob ng
pangungusap
c. Paghahambing (Comparison)- mahanap o makilala ang mga pagkakapareho o pagkakaiba ng
mga tauhan o iba pa.
d. Sanhi at Bunga (Cause and Effect)- mahanap o makilala ang malinaw na sinabing dahilan
e. Mga katangian ng Tauhan (Character Traits) - mahanap o makilala nang malinaw sa mga
pangungusap ang makatutulong sa paglalarawan sa katauhan.
2. Paggunita (Recalling)
Masabi sa sariling pangungusap at maipaliwanag nang mabuti ang mga sinabi sa loob ng
kuwento.
a. Detalye (Details)– isasaulo ang mga pangyayari tulad ng pamagat, panahon at lugar na
pinangyarihan ng kwento.
b. Pangunahing Kaisipan ( Main Idea) – matalakay ang kaisipan ng kwento.
c. Pagkakasunud-sunod ng Pangyayari (Sequence) – maibigay ang pagkakasunud-sunod ng mga
pangyayari.
d. Paghahambing (Comparison) – mahinuha ang pagkakatulad at pagkakaiba ng mga tauhan,
pook at iba pa.
e. Pagkakaugnay ng Sanhi at bunga ( cause and effect) mga dahilan at bunga ng pangyayari.
f. Mga katangian ng tauhan ( character traits)
3. Pagbubuo ng Kaisipan (Reorganization) – Pag-aanalisa, pagsasagawa, Pagbuo ng mga
kaisipan o impormasyong malinaw na isinasaad ng kuwento Maaaring gamitin ang mga
sumusunod:
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

Paggamit ayon sa talagang sinabi ng may-akda, Pagbibigay ng kahulugan o pagpapakahulugan,


Pagsasalin
a. Pagbubukud-bukod ayon sa kategorya (Classifying)
1. tao
2. bagay
3. pook
4. pangyayari
b. Pagbabalangkas (Outlining)
Pagsasaayos ng akda ayon sa balangkas ng:
1. Tuwirang pagpapahayag
2. Pagpapakahulugan sa mga pahayag sa loob ng akda
c. Paglalagom (Summarizing) – pagbubuod ng akda sa pamamagitan ng tuwirang pagpapahayag o
pagpapakahulugan sa mga pahayag sa loob ng akda.
d. Pagsasama-sama (Synthesizing) – pagsasama-sama ng mga impormasyon o ideyang nanggaling
sa iba’t ibang pananaliksik.

II. Ikalawang Dimensyon- Interpretasyon (Interpretation)


Dito medyo mas talasan natin ng konti ang ating pag-unawa sa ating binasa. Bibigyan muna
ng sarili mong interpretasyon ang teksto.
Paraan sa Pagbibigay ng Interpretasyon:
A. Kahulugan
1. Pagbasa sa pagitan ng mga pangungusap
2. Pagkuha ng malalalim na kahulugan, bukod sa mga nakuha ng literal na kahulugan.
3. Paglalahad ng tunay na kaisipan ng may-akda kasama pati ang mga implikasyon at
karagdagang kahulugan nito.
4. Pagkilala sa tunay na hangarin at layunin ng may-akda.
5. Mabigyan ng kahulugan ang kaisipan ng may-akda.
6. Makilala at mabigyan ng kahulugan ang mga pamamaraan sa pagsulat at paggamit ng mga
tayutay.
7. Pagbibigay ng kabuuan ng kwento na hindi malinaw na ipinhayag ng may-akda.
8. Pagsasaayos ng panibagong balangkas ng kaisipan
9. Pagbibigay ng opinion o pala-palagay
10. Pag-aanalisa upang magkaroon ng panibagong pananaw.
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

B. Mga kasanayang napapaloob


1. Paghinuha (Inferring)
a. Pagpapatunay o pagtataguyod sa detalye- pagbibigay ng haka-haka sa karagdagang bagay na
maaaring naisama ng may-akda upang makapagturo, maging kawili-wili at makatawag
pansin.
2. Mga Pangunahing kaisipan
Maibigay ang mga sumusunod na hindi gaanong maipahayag nang malinaw sa akda:
a. Pangunahing kaisipan
b. Ang ibig ipakahulugan
c. Paksa
d. Aral ng kwento
C. Pagkakasunud-sunod (Sequence)
1. Pagbibigay ng palagay kung anong mga kilos o pangyayari ang maaaring maganap sa pagitan ng
dalawang malinaw na ipinahayag na mga kilos o mga pangyayari.
2. Pagbibigay ng haka-haka sa kung anu-ano ang maaaring susunod na mangyari kung ang akda ay
natapos nang hindi inaasahan, ngunit ito’y pinabayaang mangyari.
D. Paghahambing (Comparison)
Mahulaan o mabigyan ng mga tauhan at kanilang mga ikinikilos ayon sa takbo ng panahon at
pook.
E. Pagkakaugnay ng Sanhi at Bunga
1. Paghahaka sa mga motibo ng mga tauhan at kanilang mga ikinilos ayon sa takbo ng panahon at
pook.
2. Pagbibigay ng palagay kung bakit isinasama ng may-akda sa kanyang panulat ang:
a. mga kaisipan
b. mga gayong pananalita
c. katauhan ng tauhan
d. mga ikinikilos ng tauhan
F. Katangian ng Tauhan
Pagbibigay ng haka-haka tungkol sa likas na ugali ng mga tauhan batay sa malinaw na
palatandaang ipinahayag sa akda.
1. Pagkuha sa maaaring kalabasan ng kuwento
Pagbasa sa unang bahagi ng akda at ibase sa pagbasang ito ang palagay sa maaaring
kahinatnan ng akda.
2. Pagbibigay kahulugan sa matatalinghagang salita
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

Mahinuha ang literal na kahulugan ng matatalinghagang pananalitang ginagamit ng may-


akda.
III. IKATLONG DIMENSYON: Mapanuring Pagbabasa (Critical Reading)
Sa dimensyong ito mas hihigitan pa ang pag-interpret sa nabasang teksto. Dito magbibigay na
kayo ng sariling opinyon o reaksyon buhat sa mga tekstong nabasa. Kailangan ang
pagbibigay ng mga ganting-galaw o reaksiyon, masaklaw na pag-iisip, paghahambing at
pagpapalitaw ng kaibahan, pagdama ng pananaw ng may-akda, Pagpapahalaga sa binasa,
Pag-unawa sa mga kakintalang nadarama, Pagdama sa kawalan ng kaisahan ng mga
pangungusap, Pagdama sa pagkakaugnay-ugnay ng mga pangungusap sa isang talaan at Pag-
unawa tungkol sa mga kanais-nais na katangian ng isang kwento
A. Kahulugan
1. Pagbibigay-halaga sa katumpakan ng pagbabasa
2. Tiyakin ang kaugnayan nito sa isang partikular na suliran
3. Pagbibigay ng sariling pasya tungkol sa
a. Katangian
b. Kabuluhan
c. Katumpakan
d. Pagkamakatotohanan
4. Pagbibigay ng sariling reaksyon tungkol sa mga kaisipang natutuhan o sa akdang
nabasa.
a. Naibigan o di naibigan sa pananaw ang akda
b. Sang-ayon o di sang-ayon sa kababasang akda
c. Makakita ng mga kaisipang nakagugulo ng damdamin o kaya’y
nakapagpapalubag-loob.
5. Gumawa ng tiyak na pagpapasya sa pamamagitan ng paghahambing ng ipinahayag
na mga kaisipan sa loob ng akda na:
a. Pamantayang galing sa guro, ibang tao o sa ibang babasahing pinaggagalingan ng
ginawang pananaliksik.
b. Pamantayang galing sa karanasan, kaalaman at pagpapahalaga ng mga bumabasa.
6. Paghatol at Pagbibigay-pansin sa katangian ng material na ginamit ayon sa:
a. Katumpakan
b. Pagiging kasiya-siya
c. Kung ito’ykinalulugdan
d. Kalimitan ng pangyayari.
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

B. Mga Kasanayang Napapaloob


1. Pagpapasya kung ito’y maaaring tunay na mangyayari o pantasya lamang batay sa
karanasan ng bumabasa.
2. Pagpapasya kung ito’y katotohanan o opinion lamang, analisahin o tantiyahin:
a. Ang pagsulat ay ibinase ayon sa kaalaman ng paksa ng mga bumabasa
b. Ang intensyon ng may-akda
Mga tanong na maaaring sundan:
a. Binibigyan ba ng sapat na pagpapatotoo ang kanyang katapusan?
b. Nagtatangka ba ang may-akda na ibaling ang inyong pag-iisip?
3. Pagpapasya sa katumpakan at kasapatan
Paghambingin ang mga pinanggalingan ng impormasyon patungo sa:
a. Pagkakasang-ayon at pagsalungat
b. Pagkabuo o di-pagkabuo
Tanong na maaaring sundan:
Ang impormasyon bang ibinigay ng akda ay naayon din sa inyong mga paksang
binasa sa ibang aklat?
4. Pagpapasya sa kaangkupan
Bigyang pasya ang kasapatan nito alinsunod sa iba’t ibang bahagi ng akda. Sa anong
bahagi ng kuwento inilalarawang mabuti ang tunay na katangian ng pangunahing
tauhan?
5. Pagpapasya sa pagpapahalagang moral
Pasyahan ang kinalulugdan at kinasisiyahang ugali ng mga tauhan batay sa
alintuntuning moralidad o Sistema ng pagpapahalaga.
Mga tanong na maaaring sundan?
a. Tama ba o mali ang tauhan sa kanyang ginawa?
b. Ang ikinikilos ba niya ay mabuti o masama?
IV. Ikaapat na Dimensyon: Aplikasyon ng mga Kaisipang Nakuha sa Pagbabasa
Ang kaisipang nais iparating o ibahagi ng may-akda sa kanyang teksto ay gagamitin mo na.
Maaring ang kaisipang nais iparating ay gamitin mo sa ibang pagbubuo ng teksto.
Halimbawa: Bubuo ka ng isang tula mula sa kaisipang napaloob sa isang tekstong
binasa. Pagsasanib ng mga kaisipang nabasa at mga karanasan upang magbunga ng mga
bagong pagkakilala sa mga katangian, pag- unawa at iba pa.

A. Kahulugan
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

1. Malaman ang kahalagahan ng nilalaman ng binabasa sa karanasan ng bumabasa


2. Maragdagan ang pansariling pang-unawa sa sarili
3. Pagpapahalaga sa ibang tao, pag-unawa sa daigidg na kanyang tinatahanan at ang
mga bagay sa mundo na magpapakilos sa tao upang siya’y mag-isip, makadama at
umasal ng kanyang ikinikilos.
B. Mga Kasanayang Napapaloob
1. Pag-uugnay ng nilalaman sa personal na karanasan
Naranasan mo rin ba ang katulad ng nangyari sa tauhan sa loob ng kuwento? Ano ang
ginawa mo?
2. Aplikasyon ng mga kaisipan sa binasa sa kasalukuyang isyu at mga problema
Kung ikaw ang tauhan, ano ang iyong gagawin kung (ang sitwasyon sa istorya)?
3. Pagbalangkas ng mga prinsipyo o pamamaraan sa pagkilos
Mula sa sitwasyon sa loob ng istorya, kunin ang tamang tuntunin o pamamaraan ng
bumabasa
4. Pagsamahin ang mga kaisipang natutuhan sa binasa sa kabuuan ng karanasan ng
bumabasa.
Bilang mga estudyante, ano ang maaari mong gawin (Ayon sa sitwasyon sa loob ng
kuwento)?
V. Ikalimang Dimensyon: Pagpapahalaga (Appreciation)
Sa dimensyong ito, pahalagahan natin dito ang kagandahan ng teksto ayon sa pagkabuo o
pagkalikha ng teksto.
A. Kahulugan
1. Pagdama sa kagandahan ng ipinahiwatig ng nilalaman ng kuwento
2. Pagbasa upang matugunan ang bisa ng sikolohiya ng pamamaraan ng may-akda o ang
masining na elemento nito.
3. Madama ang mga damdamin o kaisipang likha ng guniguni o mga damdamin ng mga tauhan
sa kanilang pakikipagtunggali, pagpupunyagi at paghihirap
4. Maipahayag ang mga damdamin (kasiyahan, kagalakan, kalungkutan, pagkabigo, pagdakila o
ang kabaligtaran nito) ayon sa pamamaraan ng may-akda sa kanyang:
a. Mabisang pagpapahayag
b. Pamamaraan ng pagbibigay ng mga katangian ng mga tauhan
A. Mga Kasanayang Napapaloob
Pagdama sa nilalaman ng seleksyon. Masabi ang mga damdaming napapaloob sa seleksyon ayon
sa:
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

a. Interes
b. Kagalakan
c. Pagkainip
d. Pagkatakot
e. Pagkayamot
f. Pagkagalit
g. Pagkasuklam
h. Kalungkutan at iba pa.

Gawin Mo!
Basahing maigi ang kwentong ito:
“ Maling Akala “
Ni: Darhyl John B. Cacananta
Ang buong paligid ay nabubudburan ng liwanag na nagmumula sa bilog na bilog na buwan. Malamig
ang simoy ng hangin at nakakakilabot ang katahimikan. Iyan ay ilan lamang sa salitang naglalarawan
sa isa sa mga tauhan sa kwento.
“ Mga friend, malapit na ang semestral break ah!!! Saan ba tayo magbabakasyon.”patanong wika ng
isa sa aking mga kabarkada.
“ Ah gusto niyo ba ang magbakasyon “ natutuwang sagot ng isa sa mga kamag-aral ni Aritha.
“Oo naman ah!!! Napakasaya kaya ng ganuon sapagkat malaya tayo at wala sa pangbabawal ng ating
mga magulang. Nakababagot naman kasi ang mamalagi sa bahay ng napaka habang panahon at
naghihitay lamang sa paglubong ni pebong araw “. Pagpapahayag ni Luisa.
“ Oh sige duon nalang tayo sa probinsya ng aking lola, tahimik duon at napakaganda ng tanawin”.
Panghihikayat ni Marita sa kaniyang mga kaibigan.
Ang akala ni Elea ay iyon ang magiging napakasayang karanasan na kanyang mararanasan sa
kanyang buhay. subalit isa palang malaking kamalian ang kaniyang inakala.
Ikaapat ng Oktubre ay nagpasya na pumunta sina Aritha, Angel, Elea at iba pang kabarda ni Marita sa
probinsya ng kaniyang lola. Sabik na sabik ang lahat ngunit tanging si Aritha at Elea lamang ang
nakapunta sa probinsya nila Marita sapagkat ang ilan ay hindi pinayagan sa kabila ng kanilang
pagnanais.
Hindi sukat akalain ni Aritha at Elea na ganuon na lamang kalayo ang lugar na kanilang pupuntahan.
Halos walang magkagusto na ihatid sila sa lugar na dapat ay kanilang pupuntahan na tila ba may
isang misteryosong bagay na naroroon sa lugar na kanilang pupuntahan.
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

Kahit gaano kalaki ang bayad na sabihin nina Aritha, Elea at Marita sa Driver ng sasakyan ay hindi
nila gusto na ihatid sila mismo sa lugar na sinasabi ni Marita. Kaya’t ganuon na lamang ang pagtataka
ni Aritha at Elea kaya naman ang kanilang naramdaman ay mayroon ng kahalong takot at kilabot.
Ngunit sa kabila ng kanilang nararamdaman ay wala na silang ibang magagawa kundi ang tumuloy
sapagkat isang sakayan na lamang ay naruon na sila sa bayan ng kanilang lola.
Nadagdagan pa ang takot na nadama nina Aritha at Elea nang sila bumaba na sa sasakyan at sinabi ng
driver sa kanila na mag-ingat kayo at sana ay makaalis kayo sa lugar na pupuntahan niyo nang buhay.
Nais nang hindi tumuloy nina Aritha at Elea ngunit tila ba mayroong hangin na siyang humahalina sa
kanilang dalawa.
Pagkatapos ng tatlong oras na paglalakad mula saa lugar na pinagbabaan nila nang sila ay inihatid ng
driver ay nagula’t na lamang sila at ang lahat ay napakasaya at natatayo ng mga poste, naglalagay
nang banderitas at marami pang bagay na mayroong kinalaman sa pista. Ngunit ang nakapagtataka sa
mga taong naroon ay sa kabila ng kanilang mga ngiti na sumalubong sa kanila ay ganuon na lamang
ang titig ng lahat kina Aritha at Elea habang naglalakad sa kanilang kalagitnaan.
Sa isang bahay na may bubung na kugon tumuloy sina Aritha, Elea at Marita. Ganuon nalamang ang
gulat ng dalawang bisita sapagkat maroon nang nakahandang higaan para sa kanilang tatlo. Sa isang
sulok ay mayroong matandang tila isang dekada nang hindi nasikatan ng araw sa sobrang puti at isang
dekada na rin na hindi nagpagupit. Ganuon na lamang ang takot na nadama ni Aritha at Elea sa
kanilang isip ay bakit pa ba sila tumuloy at pumunta sa lugar na iyon. Hindi pa sila nagtatagal sa lugar
na iyon ay ninanais na nilang bumalik ulit sa Manila at magkulong na lamang sa kanilang mga bahay.
Subalit ang lahat ay naroon na at wala na silang magagawa kundi ang palipasin ang mga araw at
hintaying sila ay makauwi na nang Maynila.
Lumipas ang mga araw at gabi. Isang hapon habang si Aritha at Elea ay nasa loob ng kubo ay
nagpaalam itong si Marita na mayroon lamang siyang pupuntahan at babalik din daw siya kaagad. Sa
may durungawan na bintana ay makikitang ang mga tao ay naghihihintay sa pagpanaog ni Marita.
Napakasama ng tingin ng mga tao kina Arita at Elea na tila ba gusto silang kainin ng mga ito. Subalit
nagbago ang mga iyon ay nawala ng pumanaog na si Marita at may salitang binanggit. Ngunit ang
salitang iyon ay hindi naunawaan ni Aritha at Elea sapagkat ito marahil ay nakabilang sa grupo
lamang nina Marita.
Nakatulog na ang dalawa sa kahihintay kay Marita. Nagising na lamang si Aritha dahil sa mayroon
siyang narinig na nag-uusap sa may bandang pinto ng kubo na kanilang kinalalagyan. At nagulat
nalamang si Aritha sa huling salita na kaniyang narinig.
“ Bukas ng gabi ay mangyayari na ang lahat, ibibigay dito ang inumin ninyo upang makatulog silang
dalawa at mailuto sa kawa. Ang baso sa gitna ang dapat mong inumin upang hindi ka makatulog”.
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

Ang salitang iyon ang tumatak sa isipan ni Aritha. Pinagpawisan siya ng malapot dahil sa kanyang
narinig at natuklasan. Hindi na sukat akalain na sila pala ni Elea ang magiging handa para sa pista ng
Banya nila Marita. Ngunit hindi pa huli ang lahat kaya’t may panahon pa para sila ay makatakas.
Paggising pa lamang sa umaga ay humahanap na nang pagkakataon si Aritha upang masabi ang
kanyang natuklasan kagabi. Ngunit hindi sila iniiwan ni Marita at talagang bantay sarado sila habang
ang mga tao sa labas ay nagkakagulo at abala sa paghahanda ng lahat.
Kumagat na ang dilim ngunit hindi parin nasasabi ni Aritha ang mangyayari sa kanila ni Elea. Ang
inumin na magpapatulog sa kanila ay nakahanda na rin at nasa isang sulok. Buti na lamang at
nagkunwaring masakit ang ulo ni Aritha at pinakuha niya ng gamut si Marita kaya’t nakausap ni
Aritha si Elea ng palihim.
Hindi makapaniwala si Elea na ganuon ang balak ni Marita sa kanila kaya’t ang ginawa nila ay pinalo
nila ang ulo ni Marita upang ito ay makatulog at ipinahiga nila si Marita sa kanila higaan upang siya
ang makuha at mailuto ng mga kapwa niya halimaw.
Ang akala nila ay ganoon na lamang kadali ang pagtakas pero nagkamali sila sapagkat ang mga taong
kanilang nakita noon ay naging ibang anyo at naging kawangis ng mga aso. At ang mga asong ito ay
sabik na makakain ng sariwang dugo at laman ng isang tunay na tao. Sapagkat sa loob ng isang taon
ay minsan lang silang nag-iibang anyo at kinakailangan nilang makainum at makakain ng laman ng
mortal na tao. Kung hindi ito mangyayari ay mamamatay silang lahat. Nakalabas na sina Aritha at
Elea sa loob ng kubo. Malayo na ang kanilang narating ng sila ay makarinig ng isang malakas na
alulong ng aso na tila magkahalong poot at pagluluksa ang ipinahihiwatig. Marahil ay nalaman na
nila ang kanilang pagkain ay ang kanilang kapamilya na hindi nila dapat kainin.
Tumakbo ng mabilis ang dalawa na hindi malaman kung saan sila patungo. Sa di kalayuan ay
mayroon na silang nakita na sumusunod sa kanilang isang naglalaway at galit na galit na halimaw.
Nadapa si Aritha at sinunggaban siya nang halimaw at nang aktong kakagatin na siya nito ay bigla
nalang itong tumumba at humandusay sa kanilang harapan. At di nagtagal ay ngumiti na si pedong
araw kina Aritha at Elea na nagpapahiwatig na ang panganib ay wala na sa kanilang paligid.
Sa kabila ng takot na kanilang nadama ay nakauwi parin ang dalawa ng buhay. Ngunit sinabi nila sa
kanilang sarili na sa susunod na Semestral Break ay gugugulin na lamang nila sa kanilang bahay ang
kanilang mga bakasyon.

Panuto: Gawin ang mga sumusunod:


A. Pag-unawang literal:
Buurin sa sariling pananalita ang kwento.
B. Pagbibigay Interpretasyon:
Dalumat ng/sa Filipino (DALUMATFIL)

Anong klaseng tao kaya ang lahi ni Marita? Ilarawan.


Si Marita kaya ang naging pagkain ng kalahi nila sa gabing iyon? Pangatwiranan.
C. Mapanuring Pagbabasa:
Anong mensaheng nais ibahagi ng may-akda sa kwentong ito? Patunayan.
D. Aplikasyon ng mga Kaisipang Nakuha sa Pagbabasa
Bumuo ng isang komik strip mula sa isang kaisipang nakuha sa kwento.
E. Pagpapahalaga:
Maglahad ng saloobin ukol sa pagkakabuo ng kwentong ito. Maganda ba ang kwentong ito?
Epektibo ba ang paraan ng paglalahad niya? May aral bang makukuha?

Rubrics:
PAGGAWA NG Reaksyon/komiks:
BUOD/LAGOM/SINOPSIS
Nilalaman – 10 pts

Krayterya Puntos Iskor Kaisahan ng ideya - 5 pts


Gramar - 5 pts
Nilalaman 10
Orihinalidad 5 pts
Orihinal ang 5
Gawa Kabuuan - 25 pts
Organisasyon 5
sa Bawat
Impormasyo
n
Kawastuan 5
Kabuuan 25

Sauco, Consolacion P. et.al. 1998. Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t Ibang Disiplina. Quezon City. Katha
Publishing Co. Inc.
https://www.coursehero.com/file/55004633/Limang-Dimensyon-sa-Pagbasapptx/
https://www.google.com/search?q=pagunawang+literal&sa=X&bih=662&biw=1366&
https://www.facebook.com/lancedavepage/posts/maling-akala-kwento-ng-katatakutan-ni-darhyl-john-b-
cacanantaang-buong-paligid-a/1809080702732161/

You might also like