You are on page 1of 1

Jenielyn M.

Cuadra

BSE- English

Ang presidente ang nagsisilbing ilaw at haligi ng isang bansa. Ito ay ang pinakamataas na
namumuno sa pamahalaan ngunit marapat pa rin na mas mataas kaysa rito ang mga mamamayan. Upang
maging isang presidente na mamumuno ng anim na taon, kailangang siya ay inihalal ng taong bayan sa
pamamagitan ng pag boto. Upang maging ganap na sertipikado sa posisyon, nararapat na siya ay
naninirahan sa kaniyang bansa ng mahigit sampung taon, isang rehistradong botante, gayundin ay
nakasusulat at nakababasa.

Dito sa ating bansa ay kilala si Ginoong Jose Rizal bilang bayani ng Pilipinas, siya ay may mga
katangiang nararapat na tularan ng bawat isa. Siya ay isang bayani na hindi gumamit ng kahit anong armas
upang labanan ang mga dayuhang nanakop sa atin, sa halip ginamit niya ang kaniyang talinong di
matatawaran upang ipaglaban ang ating mga Karapatan at adhikain. Bukod pa rito, marami sa ating mga
Pilipino ang humanga at ginawang motibasyon ang kaniyang mga nobelang naisulat at nailathala, pati na
rin ang mga kasabihang mula sa kaniya na sapul sa ating pagkabata ay naririnig na natin bilang tagapag
mulat at pangaral. Sa kasalukuyang panahon, dahil talamak nanaman ang mga taong maski tunay at isang
dugong Pilipino ay nagtataksil pa rin sa bayan, dahil dumarami nanaman ang mga negosasyon sa ibang
bansa na tila ipinagbibili ang ating mga karapatan, adhikain at prinsipyo, maging ang ating pagka-Pilipino,
kinakailangan na nating muli ang isang tagapag lingkod at mamumuno na isang kahalintulad ni Ginoong
Rizal.

Sa henerasyong ito na punong-puno ng pagbabago, nararapat na ang susunod na magiging


presidente na mamumuno sa ating bansa ay kawangis ng ating pambansang bayani pagdating sa ugali,
paggawa at katangian. Si Dr. Rizal ay isang taong inuuna ang pagtupad sa sinumpaang prinsipyo at
tungkulin bago pa isaalang alang ang pansariling interes, siya rin ay maabilidad, marunong makinig ng
kritisismo at suhestiyon hindi lamang ng mga kasamahan sa posisyon o organisasyon gayundin ng taong
bayan, may kaalaman sa pagiging isang tunay, tapat at disiplinadong lider, may mataas na antas ng
edukasyon, may karunungan sa paglalagda at pagsasaayos ng batas na ipatutupad, sumusunod sa mga
iniiimplementang batas gaya na lamang ng pagiging modelo o ehemplo ng pagiging makatao, makaDiyos,
makakalikasan at lalong higit ay ang pagiging makabansa. Bukod pa rito, sa aking obserbasyon sa mga
kritisismong inihahatol ng sambayanan sa kasalukuyang namumuno ay kadalasang napapansin ng ilan sa
mga Pilipino na hindi bulag sa reyalidad ng buhay ay ang pagiging marapat lamang din na ang susunod na
presidente ay may isang salita, hindi ginagawang biro ang pamumuno lalong higit sa gitna ng mga
pagsubok, hindi paaalipin sa mga bansang nagnanais na sumakop sa Pilipinas, ipinaglalaban ang ating
sariling yaman at pamana na hindi gagamit ng anumang patalim o armas na magpapadanak ng dugo sa
ating lupang sinilangan, bilang karagdagan pa ay ang pagkakaroon ng respeto sa mga mamamayang
Pilipino, sa mga taong naniwala at nagtiwala sa kaniya bilang iniluklok na presidente.

Si Dr. Jose Rizal ay isang taong katangi tangi bilang maging isang pangulo ng ating bansa, halos
lahat ng katangian na ating minimithing makita sa mga namumuno sa atin at nasasa-kanya. Bilang mag-
aaral na naniniwalang isa sa magiging pag-asa ng bayan, nagnanais ako sampu ng aking mga kapwa
kabataan na ang mga katangiang taglay ng ating bayani ay siya ring matatagpuan sa mga susunod na
presidenteng mamumuno sa atin. Gaya ng sinabi ni Rizal “Bukas, magiging mamamayan tayo ng Pilipinas,
kung saan ang kapalaran niya’y magiging maganda sapagkat nasa mapagkalinga siyang mga kamay”.

You might also like