You are on page 1of 19

Kakayahang Komunikatibo

ng mga Pilipino:
Tuon sa Kakayahang
Sosyolinggwistiko

Modyul ng Mag-aaral
sa Komunikasyon at Pananaliksik sa
Wika at Kulturang Pilipino Baitang
11
Ikalawang Markahan ∙ Ikaapat na Linggo

NILDA A. FERNANDEZ
Tagapaglinang ng Modyul

Kagawaran ng Edukasyon ∙ Rehiyong Administratibo ng Cordillera


Republika ng Pilipinas
KAGAWARAN NG EDUKASYON
Rehiyong Administratibo ng Cordillera
DIBISYON NG MGA PAARALAN NG LUNGSOD BAGUIO
82 Military Cut-off, Lungsod Baguio

Inilathala ng
Learning Resource Management and Development System

PAUNAWA HINGGIL SA KARAPATANG SIPI


2020

Nakasaad sa Atas ng Pangulo Blg. 49, Seksiyon 9 ang ganito:

“Walang umiiral na karapatang-ari sa anumang likha ng Pamahalaan ng Pilipinas.


Gayunman, kailangan muna ang pagpayag ng tanggapan ng ahensiya ng pamahalaang
lumikha nito para sa paggamit ng anumang likha upang pagkakitaan.”

Ang modyul na ito ay inihanda para sa implementasyon ng K to 12 Curriculum sa


pamamagitan ng Kagawaran ng Edukasyon, Dibisyon ng mga Paaralan ng Lungsod Baguio -
Curriculum Implementation Division (CID). Maaari itong kopyahin para sa layuning
edukasyonal na may pagkilala sa mga pinagkunan at paghingi ng pahintulot sa nagmamay-ari
nito. Ang paghalaw o pagpapaunlad nito ay maaaring gawin, ibigay lamang ang karampatang
pagkilala sa orihinal na lumikha. Hindi pinahihitulutan ang paghalaw ng anumang likha mula
rito kung ang layunin ay pangkomersiyo o pagkakakitaan.

ii
PAUNANG SALITA
Ang modyul na ito ay isang proyekto ng Curriculum Implementation Division,
partikular ang Learning Resource Management and Development Unit, Kagawaran ng
Edukasyon, Dibisyon ng mga Paaralan ng Lungsod Baguio bilang tugon sa pagpapatupad ng
K-12 Kurikulum.

Naglalayon itong mapataas ang performans ng mga mag-aaral sa Filipino.

Petsa ng Pagkakagawa : Oktubre 2020

Lokasyon : Dibisyon ng mga Paaralan ng Lungsod Baguio

Asignatura : Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at


Kulturang Pilipino

Baitang : Senior High School (Baitang 11/12)

Uri ng Materyal : Modyul

Wika : Filipino

Markahan/Linggo : Ikalawang Markahan,Ikaapat na Linggo

Kasanayang Pampagkatuto:

 F11PS-lle-90: Napipili ang angkop na mga salita at paraan ng paggamit nito sa mga
usapan o talakayan batay sa kausap, pinag-uusapan, lugar, panahon, layunin, at
grupong kinabibilangan.

 F11EP-llf-34: Nakabubuo ng mga kritikal na sanaysay ukol sa iba’t ibang paraan ng


paggamit ng wika sa iba’t ibang grupong sosyal at kultural sa Pilipinas.

iii
PASASALAMAT

Nais maghayag ang manunulat ng walang hanggang pasasalamat sa mga sumusunod: sa


Education Program Supervisor ng Filipino na si Gng. Marilyn S. Apiit, sa kaniyang
pamumuno sa proyektong ito at pagbibigay ng pagkakataon sa mga guro sa Kagawaran ng
Filipino na makagawa ng mga modyul; kay G. Norbert C. Lartec, ang Dalubguro ng Filipino,
sa kaniyang walang sawang paggabay, pagbibigay ng suhestiyon at pagwawasto upang
maging matagumpay ang pagbuo ng modyul; at kay Gng. Jonalyn D. Estolano na kaniyang
karamay sa pagbuo ng modyul. Maraming salamat din sa kaniyang mga kaguro sa Baguio
City National Science High School sa kanilang suporta sa manunulat.

Higit na taos-pusong pasasalamat sa makapangyarihang Diyos na Siyang nagbigay ng


lakas ng loob at walang kapantay na pagmamahal tungo sa matagumpay at maluwalhating
pagkakabuo ng modyul na ito.

Development Team
Developer: Nilda A. Fernandez Teacher I
Layout Artist: Maria Ramelia M. Ulpindo

Quality Assurance Team


Marilyn S. Api-it EPS – Filipino
Norbert C. Lartec Master Specialist

Learning Resource Management Section Staff


Loida C. Mangangey EPS – LRMDS
Victor A. Fernandez Education Program Specialist II - LRMDS
Christopher David G. Oliva Project Development Officer II – LRMDS
Priscilla A. Dis-iw Librarian II
Lily B. Mabalot Librarian I

CONSULTANTS

JULIET C. SANNAD, EdD


Chief Education Supervisor – CID

CHRISTOPHER C. BENIGNO, PhD


OIC, Asst. Schools Division Superintendent

MARIE CAROLYN B. VERANO, CESO V


Schools Division Superintendent
TALAAN NG NILALAMAN
PAHINANG PANAKIP…..........................................................................................................i
PAUNAWA HINGGIL SA KARAPATANG SIPI...................................................................ii
PAUNANG SALITA................................................................................................................iii
PASASALAMAT.....................................................................................................................iv
TALAAN NG NILALAMAN...................................................................................................v
Alamin........................................................................................................................................2
Balikan........................................................................................................................................3
Tuklasin......................................................................................................................................3
Suriin..........................................................................................................................................5
Pagyamanin................................................................................................................................8
Isagawa.....................................................................................................................................11
Tayahin.....................................................................................................................................11
SUSI SA PAGWAWASTO.....................................................................................................13
TALASANGGUNIAN.............................................................................................................14
Alamin
Ang modyul na ito ay ginawa bilang tugon sa iyong pangangailangan. Layunin nitong
matulungan ka sa iyong pag-aaral habang wala ka sa loob ng silid-aralan. Hangad din nitong
madulutan ka ng mga makabuluhang oportunidad sa pagkatuto.
Iba’t ibang gawain ang nilalaman ng modyul na ito. Naririto ang mga hakbang na
dapat mong sundin.
1. Tunghayan ang talaan ng mga inaasahang bunga ng pagkatuto upang magkaroon ng
hinuha sa mga kaalamang dapat mong matutuhan at kasanayang dapat mong malinang
sa pamamagitan ng modyul na ito. Ang mga ito ay batay sa Pamantayang
Pangnilalaman, Pamantayang Pagganap at mga Kasanayang Pampagkatuto sa K to 12
na Kurikulum.

2. Sagutan ang Paunang Pagtataya. Ang iyong iskor ang magtatakda ng lawak ng
kaalaman sa araling saklaw ng modyul na ito. Kung ikaw ay makakakuha ng 100% na
tamang sagot, maaari ka nang kumuha ng susunod na modyul. Kung hindi naman ay
kinakailangan mong balikan ang mga naitakdang gawain sa modyul na ito.

3. Ang bawat gawain sa modyul na ito ay naglalayong malinang ang iyong pagkatuto.
May mga layuning dapat matamo pagkatapos ng pag-aaral at sa tulong ng modyul na
ito, inaasahang mapaghusay ang bunga ng iyong pagkatuto.

4. Basahin at unawain ang saklaw ng bawat aralin. Ang bawat bahagi ay naglalaman ng
mga impormasyon at kaalamang magiging patnubay sa iyong pagkatuto.

5. Pagkatapos ng aralin, gawin ang pansariling pagwawasto upang malaman ang lawak
ng kaalamang natutuhan. Kung hindi mo nakuha ang tamang sagot sa mga tanong,
balikan ang saklaw na mga aralin/gawain. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng
mabisang pagkatuto.

6. Isagawa ang bawat gawain na may isa o higit pang saklaw. Hindi makasasapat na
magkaroon ka lamang ng kaalamang pangnilalaman, sa halip ay dapat mong
maisagawa ang mga ito sa tunay na buhay.

7. Pagkatapos magawa ang mga gawain sa modyul na ito, kumuha ng Panghuling


Pagsusulit upang mataya ang pangkalahatang lawak ng pag-unawa hinggil sa aralin.

2
Balikan
Kumusta ang resulta ng iyong paunang pagtataya? Kung nakuha mo lahat ang mga
tamang sagot, tumayo ka at palakpakan ang iyong sarili. Kung hindi naman, huwag kang
malungkot dahil nangangahulugan lamang na kailangan mo pang pag- aralan ang araling ito
upang matuto ka nang lubos.

Ang sumusunod na gawain ay makatutulong upang masukat mo ang iyong kaalaman


sa nakaraang aralin tungkol sa kakayahang gramatikal.

Gawain 1: Piliin Mo!


Panuto: Isulat sa sagutang papel ang salitang angkop gamitin sa bawat pangungusap.

1. (Subukin, Subukan) mo nga ang bisa ng sabong ito.


2. Natuwa ang buong baryo (nang, ng) isilang siya sa mundo.
3. (Sundin, Sundan) mo ang payo ng mga magulang mo.
4. (Ooperahin, Ooperahan) si Abegail sa darating na linggo.
5. (Walisan, walisin) mo ang paligid ng bahay.
6. (Kung, Kong) aalis ka, sabihin mo sa akin.
7. Ikaw (raw, daw) ay napiling bibigkas ng tula.
8. Si Cardo Dalisay ay (napakasal, nagpakasal) kay Alyana.
9. Si Mang Rogelio ay (napakasal, nagpakasal) ng kaisa-isahang anak na lalaki.
10. May kumakatok. Buksan mo nga ang (pinto, pintuan).

Tuklasin
Hindi sapat na marunong kang pumili ng tamang salita at bumuo ng mga
pangungusap na sumusunod sa tuntunin ng gramatika. Mahalaga ring alam mo ang mga
tuntuning sosyal at kultural (social and cultural rules) na sinusunod sa iba’t ibang konteksto o
sitwasyon.

Bawat lipunan ay may mga sinusunod na paraan ng pakikipag-usap ayon sa kanilang


nakagawian at nakagisnang kultura. Magkaiba ang paraan ng pakikipag- usap sa mga
magulang ng kabataang Pilipino at kabataang Amerikano dahil magkaiba ang kulturang
kinalakhan. Magkaiba rin ang pakikipag-usap mo sa iyong mga kaibigan at sa mga magulang,
sa kaibigang babae at kaibigang lalaki, sa nakatatanda at nakababatang kapatid, at sa matalik
na kaibigan at bagong kaibigan dahil magkakaibang sitwasyon ang mga ito. Magkakaiba ang
paraan ng paggamit ng wika at gawi ng pakikipag-usap sa mga usapan o talakayan batay sa
kausap, pinag- uusapan, lugar, panahon, layunin, at grupong kinabibilangan. Isa ito sa mga
kasanayang dapat mong malinang, hindi lamang bilang manunulat, kundi bilang kasangkot sa
usapan. Ito ngayon ang ating tutuklasin sa araling ito.
Basahin at suriin ang diyalogo sa komik strip at iyong sikaping sagutin ang mga
pamprosesong tanong.

Larawan mula sa: http://images.app.goo.gl/vMHnNLVaqwHVvksU7

Mga Pamprosesong Tanong:


1. Sino-sino ang kalahok sa pag-uusap?
2. Ano ang layunin ng pag-uusap?
3. Paano ang takbo o daloy ng pag-uusap?
4. Pormal o impormal ba ang usapan?
5. Ano ang paksa ng pag-uusap?

Kung iyong napansin, dating magkakilala sina Clara at Donna. Ang pagiging
magkakilala nila ang dahilan kaya naging malapitan ang pag-uusap. Ang kumustahan ay
nauwi sa maayos na pagbabahaginan ng karanasan tungkol sa pag-asenso.

Sa usapan, makikita natin na magiging mabisa ang komunikasyon kung maayos ang
paggamit ng wika at naisasaalang-alang ang mga konsiderasyon sa komunikasyon.
Mahalagang isaalang-alang natin ang tagpuan ng usapan, mga kalahok sa usapan, layunin sa
pakikipag-usap, daloy ng pag-uusap, paksa ng usapan, at iba pa. Ang kakayahang ito ang
tinatawag na kakayahang sosyolingguwistiko (sociolinguistic competence) na isang
komponent ng kakayahang komunikatibo.
Suriin
Mula sa naunang gawain, nakilala mo na siguro kung ano ang kakayahang
sosyolingguwistiko. Magpatuloy ka sa pagbasa upang maunawaan mo nang lubos ang aralin.

Kakayahang Sosyolingguwistiko - Sinipi ang mga tala kay Talegon (2016)

Ayon kay Bourdieu (1982), sa aklat na Language and Symbolic Power, mabibigo
ang pag-aaral ng anumang wika kung nakapokus lamang ito sa kahusayang gramatikal at pag-
unawa sa estruktura, samantalang binabalewala ang panlipunang papel ng wika. Ang
produksyon ng kahulugan ay isang sosyo-ekonomikong pangyayari. Ibig sabihin, hindi
lamang object of study ang wika kundi instrumento ito ng kapangyarihan na nakapaloob sa
bawat lingguwistikong interaksyon upang epektibong magamit ng isang tao ang wika.

Kung kaya bilang isa sa mga komponent ng kakayahang komunikatibo, tumutukoy


ang sosyolinggwistikong kakayahan sa kapasidad ng isang taong nakapaloob sa
komunikatibong proseso na alamin at unawain kung paanong gagamitin ang wika sa tiyak na
pagkakataon at iba’t ibang kontekstong panlipunan. Para sa isang taal o katutubong
tagapagsalita ng isang wika, hindi gaanong nagiging suliranin ang kakayahang ito sapagkat
likas na rin ang pagkaunawa sa mga kultural at institusyonal na konteksto ng wika. Bagama’t
hindi aktibong pinag-iisipan ng isang tagapagsalita ang prosesong ito, mahalagang bahagi pa
rin ito ng epektibong komunikasyon.

Pangunahing layunin ng isang taong may kakayahang sosyolinggwistiko sa isang


komunikatibong proseso ang makagamit at makaunawa ng wika sa iba’t ibang
sosyolingwistikong konteksto, nang may pagsasaalang-alang sa istatus ng mga kalahok sa
komunikasyon, proseso ng interaksyon at sa mga nakagawiang kaugalian at kumbensyon sa
interaksyon (Freeman, 2004). Nakapaloob din sa kakayahang ito ang tamang pagpapahayag
ng emosyon at angkop na ugali sa pakikipag-usap, pag- unawa sa antas ng pormalidad ng
wika at pagkilala sa mga idyomatikong ekspresyon. Isinasaalang-alang din na malaman sa
kakayahang ito ang layunin ng komunikasyon.

Kailangan ding isaalang-alang na kapag ang isang tao ay nagsalita na ng ibang wika
lagpas sa kanyang unang wika, maaaring mag-iba ang mga salik na nabanggit sa ibang
sitwasyon. Mahalaga ang sociolinginguistic relativity para sa mga taong nag- aaral ng
ikalawang wika. Ibig sabihin, kailangang maunawaan na ang bawat lipunan ay may iba’t
ibang kultura kung kaya’t may iba’t ibang kalipunan ng kumbensyon, patakaran, paniniwala,
kaugalian, at pamamaraan sa komunikasyon (Wolfson, 1989).

Ang kakayahang sosyolinggwistiko ay may kaugnayan sa kaalaman at kasanayan sa


paggamit ng wika sa kontekstong sosyal gaya ng pag-alam sa iba’t ibang salik tulad ng
kalagayan, tungkulin, saloobin, layunin, antas ng pormalidad, kahulugang kumbensyon at
tungkuling pangwika. May kaugnayan din ito sa
kaalamang sosyo-kultural na tuntunin ng wika at ng pakikipag-usap. Kasama rito ang
akronim na SPEAKING ni Dell Hymes na tumutukoy sa pagsasaalang-alang sa Setting,
Participants, Ends, Act Sequence, Keys, Instrumentalities, Norms at Genre.

Ang kultura ay nalilinang dahil sa wika. Ang wika ay daluyan ng komunikasyon at sa


pagkakaroon ng komunikasyon, naisasakatuparan ang ugnayan ng isang tao sa kaniyang
kapwa. Sa pagkakaraoon naman ng ugnayan, maaaring bumuo ng pagkakasunduan at dahil
ang tao ay tunay na isang sosyal na nilalang, ang pagkakasunduang ito ang maghahantong
upang magpasya na makisama sa kapwa at magtaguyod ng isang lipunan.

Pinangatwiranan ng librong Social Dimensions of Education, ang pagkatuto ng


isang kultura ay sa pamamagitan ng wika. Mula rito ay nagkakaroon tayo ng kolektibong
alaala tulad ng mga alamat, pabula, salawikain, at iba pa na naaayon sa ating kaalaman sa
kultura, gayundin ang pagsulat, sining, at kung ano-ano pang mga midya na humuhubog sa
kamalayan, makapag-ipon at makapagbahagi ng kaalaman.

Pinapatotohanan ng aklat ng Social Dimensions of Education na ang wika ng


isang nilalang ay ang repleksyon ng kaniyang pagkatao at ang pamamaraan at pagkilos na
inaasahang aasalin nila. Dagdag pa, ang wika ang susi sa tagumpay ng pag-usbong ng isang
lahi sa paglikha at pagpapanatili ng kultura sapagkat kung walang wika, ang kakayahan
upang makabuo ng mga kaisipan at tradisyon ay hindi makatotohanan.

Etnograpiya ng Komunikasyon

Ang salitang etnograpiya ay nangangahulugan ng sistematikong pag-aaral sa tao at


kultura sa pamamagitan ng personal na pagdanas at pakikipag-ugnayan sa mga kalahok sa
kanilang natural na kapaligiran.

Kung ilalapat ito sa komunikasyon, sinasabi na ang pag-aaral sa wika ay nararapat na


nakatuon sa paglalarawan at pagsusuri sa kakayahan ng tagapagsalita na gamitin ang wika sa
tunay na sitwasyon (Farah 1998).

1. Pormalidad at impormalidad ng sitwasyon – maaaring maging pormal o impormal


ang pananalita depende sa kung sino ang kinakausap.

2. Ugnayan ng mga tagapagsalita – may pagkakapareho sa paraan ng pagsasalita ang


mga magkakaibigan. Naiaangkop din nila ang mga biruan at pahiwatigan na hindi
mauunawaan ng hindi kabilang sa kanilang grupo.

3. Ugnayan ng pagkakakilanlang etniko at pagkakapaloob sa isang pangkat –


gumagamit ng lokal na wika at/o diyalekto sa kausap na nagmula sa kaparehong bayan ng
tagapagsalita.

4. Awtoridad at ugnayang pangkapangyarihan – tinitiyak ang pormalidad at


kaangkupan ng salita sa harap ng guro, magulang, at iba pang nakatatanda at may awtoridad.
Panlipunang Penomenon
Batay sa mga sosyolingguwistikong teorya, ang pagbabago sa wika ay dulot din ng
pamamalagay rito bilang panlipunang penomenon.
Nagkakaroon ng kabuluhan ang anomang salita o pahayag ng indibidwal kung ito ay
nailulugar sa loob ng lipunan at itinatalastas sa kausap o grupo ng mga tao.

Mga Dapat Isaalang-alang sa Pakikipag-usap

Ayon kay Dell Hymes, ang komunikasyon ay isang sistema ng mga gawaing
pananalita na napapaloob sa isang kontekstong kultural. Ibinuod niya sa akronim na
SPEAKING ang mga dapat isaalang-alang sa pakikipag-usap.

Setting and Scene. Tumutukoy ito sa sitwasyong pisikal (physical environment) at


sikolohikal ng pag-uusap kasama ang lugar at panahon kung saan at kailan nagaganap ang
komunikasyon. Mahalagang isaalang-alang ang mga ito tungo sa mabisang komunikasyon.
Halimbawa, iba-iba ang paraan ng pakikipag-usap sa palengke, silid-aralan, at simbahan
dahil iba-ibang lugar ang mga ito.

Participants. Tumutukoy ito sa mga kalahok sa komunikasyon. Dapat ikonsidera sa


pakikipag-usap ang kausap gaya ng kanilang kasarian, edad, kalagayang sosyal, ugali, atbp.

Ends. Tumutukoy ito sa layunin o dahilan ng pakikipagtalastasan. Magkaiba ang paraan ng


pakikipag-usap depende sa layunin kaya magkaiba ang pakikipag-usap kung nangungutang at
bumibili.

Act Sequence. Estruktura at nilalaman ito ng mensahe kasama ang takbo ng usapan. Dapat
ikonsidera kung paano nasimulan ang usapan at mga kaganapan habang nagaganap ang
usapan.

Keys. Daloy o tono ito ng pag-uusap gaya ng pagiging pormal o di-pormal, literal o
patalinghaga, seryoso o nagbibiro, atbp.

Instrumentalities. Saklaw nito ang paraang ginamit sa pag-uusap kung pasalita o pasulat,
berbal o di-berbal, magkaharap o sa tulong ng teknolohiya, atbp.

Norms. Tumutukoy ito sa kumbensyon at paksa ng talakayan kasama ang impluwensya ng


kultura. Dapat isaalang-alang ang mga maaari at di-maaring gawin at sabihin sa pakikipag-
usap. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang pag-aralan ang kultura at mga gawing sosyal
kung pupunta tayo sa ibang bansa o lugar upang maiangkop natin ang pakikipag-usap sa
kanilang nakagisnang gawing sosyal at kultural.

Genre. Tumutukoy ito sa paraan ng pakikipagtalastasan. Magkaiba ang tono at paggamit ng


wika sa pakikipag-usap kung tayo ay nagsasalaysay, naglalahad, naglalarawan o
nangangatwiran.
Pagyamanin
Naunawaan mo na ba ang paglalahad tungkol sa kakayahang sosyolinggwistiko?
Kung hindi, ulitin mo ang pagbasa upang ganap mong maunawaan ang paksa. Kung
naintindihan mo na ang teksto, gawin mo ang mga susunod na gawain upang malinang pa ang
iyong pag-unawa sa kakayahang sosyolinggwistiko at mga dapat isaalang-alang sa pakikipag-
usap.

Gawain 2: Hanapin Mo!


Panuto: Hanapin mula sa kahon ang salitang tinutukoy sa bawat bilang. Isulat ang
mga sagot sa sagutang papel.
Norms
Instrumentalities
Genre
Keys
Act Sequence

1. Tumutukoy ito sa uri o paraan ng pakikipagtalastasan.


2. Tumutukoy ito sa kumbensyon at paksa ng talakayan pati impluwensya ng kultura.
3. Saklaw nito ang ang paraang ginamit kung pasalita o pasulat, berbal o di-berbal,
magkaharap o sa tulong ng teknolohiya.
4. Ito ay daloy o tono ng pag-uusap gaya ng pagiging pormal o di-pormal, literal o
patalinghaga, seryoso o nagbibiro.
5. Tumutukoy ito sa estruktura, nilalaman ng mensahe, at takbo ng usapan.

Setting and Scene


Participants
Sosyolinggwistiko
Ends
Dell Hymes

6. Tumutukoy ito sa layunin o dahilan ng pakikipagtalastasan.


7. Tumutukoy ito sa mga kalahok sa komunikasyon.
8. Tumutukoy ito sa sitwasyong pisikal at sikolohikal.
9. Siya ang proponent ng akronim na SPEAKING.
10. Ito ay kakayahang gamitin ang wika ng may naaangkop na panlipunang
pagpapakahulugan para sa isang tiyak na sitwasyong pangkomunikasyon.
Gawain 3: Pagtapatin Mo!
Panuto: Balikan ang komik strip sa pahina 6 at pagtapat-tapatin ang Kolum A at Kolum
B. Isulat ang mga sagot sa sagutang papel.

Kolum A Kolum B
1. Act Sequence A. Pagiging magalang, taos-pusong pagpuri sa iba, paggabay bilang
pagtulong sa kapuwa
2. Ends B. Sa daan
3. Instrumentalities C. Clara at Donna
4. Genre D. Pagtatagpo – pakikipagkumustahan - pakikipagkuwentuhan –
pagmumungkahi – pamamaalam
5. Norms E. Berbal na pag-uusap na may kasamang di-berbal, kaswal na usapan

6. Keys F. Makipagkumustahan, magbahaginan ng karanasan, magmungkahi


7. Setting G. Nagsasalayay at nagpapaliwanag
8. Participants H. May pagkapormal

Gawain 4. Suriin Mo!

Panuto: Basahin at unawain ang bawat pangungusap. Iguhit sa sagutang papel ang
♥ kung tama ang kaisipan ng pangungusap at ♦ naman kung mali.

1. Magkakaiba ang paggamit ng wika at gawi sa pakikipag-usap sa iba’t ibang


sitwasyon.

2. Halimbawa ng act sequence ang batian, purihan, pagpapahayag ng layunin, pagsang-ayon


o pagtanggi at pamamaalam.

3. Magkaiba ang tono at paraan ng pagpapahayag kung nagsasalaysay at


nangangatwiran.

4. Ang paggamit ng mga Pilipino ng “po” at “opo” ay halimbawa ng norms.


5. May pagkakaiba ang pakikipag-usap nang harapan at pag-uusap sa telepono.

6. Kasama sa setting and scene ang pag-alam sa sikolohikal at pisikal na kalagayan ng


kausap.

7. Ang mga participants ay tinatawag ding sender at resiber sa komunikasyon.

8. Iniaangkop sa pakikipag-usap ang layunin o dahilan sa pakikipagtalastasan.

9. Parehong mahalaga sa komunikasyon ang kaalaman sa gramatika at kaalaman sa mga


gawing sosyal at kultural.

10. Malaking tulong sa pagkakaroon ng magandang ugnayan sa iba ang pagtataglay ng


kakayahang sosyolingguwisitko.
Panuto: Basahin at unawain ang mga aytem bago sagutin sa sagutang papel.
Pamantayan:
Nilalaman - 5
Organisasyon - 5
Kabuoan- 10 puntos

1. Bakit mahalagang isaalang-alang sa pakikipag-usap ang SPEAKING ni Dell Hymes? (10


puntos)

2. Magbigay ng tatlong praktikal na kahalagahan ng kakayahang sosyolinggwistiko. (10


puntos)

Isagawa (Performance Task)


Gamitin mo ang iyong mga natutuhan sa modyul na ito sa susunod na gawain.
Unawin at sundin mo ang panuto at pamantayan sa ibaba.

Gawain 7: Isulat Mo!

Panuto: Sikapin mong bumuo ng sanaysay ukol sa iba’t ibang paraan ng paggamit
ng wika sa grupong sosyal at kultural sa lugar na iyong kinalakihan. Pumili ng isang
paksa sa pagpipilian at magsaliksik pa tungkol dito. Ibalangkas ang mga
impormasyon at sumulat ng maikling sanaysay tungkol dito. Tandaan na dapat
magkaroon ka ng maikling panimula, katawan ng sanaysay na naglalaman ng
paglalahad, at maikling pagwawakas.

Mga Mungkahing Paksa:


1. Paraan ng panliligaw sa inyong pangkat-etniko

2. Pagpapanatili ng pagtutulungan at magandang ugnayan sa inyong pangkat-etniko

3. Mga natatanging salita sa inyong pangkat-etniko

Gamiting gabay sa gawaing ito ang mga sumusunod na pamantayan:


Katumpakan at kasapatan ng nilalaman=15 puntos
Maayos na organisasyon=15 puntos
Wastong gramatika, pagbaybay at pagbabantas=10 puntos Kabuoan=40 puntos
Tayahin (Written Task)
Binabati kita dahil sa pagtitiyaga mong tapusin ang mga gawain sa modyul na ito.
Bilang huling gawain, sagutin mo ang panghuling pagtataya upang matiyak na nakamit mo
ang dapat mong matutuhan sa modyul na ito. Kapag nakuha mo lahat ang tamang sagot sa
mga aytem, maaari ka nang dumako sa susunod na modyul. Kung hindi, balikan mo ang
bahaging hindi mo nasagutan nang tama at pag-aralan pa ito. Maaari kang magsaliksik pa
tungkol dito sa ibang sanggunian.
PANGHULING PAGTATAYA

1. Si Maria ay nagkuwento sa kanyang kasintahan tungkol sa kanyang napanood na K-


drama gamit ang telepono. Ang telepono ay halimbawa ng
A. act sequence. C. participants.
B. instrumentalities. D. setting ang scene.

2. Alin ang halimbawa ng Act Sequence?


A. Nagkaroon ng patimpalak sa aming paaralan.
B. Ang isang pamilya ay namasyal sa Burnham Park.
C. May quiz ba tayo, di ako nakapag-aral, bahala na.
D. Mare, pahiram nga ng pera mo?

3. Anong komponent ng kakayahang komunikatibo ang nagsasaad na ang komunikasyon ay


isang sistema ng mga gawaing pananalita na napapaloob sa isang kontekstong kultural?
A. Kakayahang Diskorsal C. Kakayahang Pragmatik
B. Kakayahang Gramatikal D. Kakayahang Sosyolinggwistiko

4. Aling pangungusap ang kakikitaan ng Setting and Scene?


A. Magandang umaga po.
B. Aba! ang aga mo yata ngayon?
C. Nag-uusap sila.
D. Nag-usap nang masinsinan ang magkasintahan sa parke kanina.

5. Alin ang halimbawa ng genre na nagpapaliwanag?


A. Nagtampisaw sa dagat ang magkakaibigan.
B. Ang pamilya ang pinakamaliit na yunit ng lipunan.
C. Halika ka na at magluto na tayo.
D. Tara na at uwian na.

6. Anong komponent ng kakayahang komunikatibo ang nagsasabi na ang produksyon


ng kahulugan ay isang sosyo-ekonomikong pangyayari?
A. Kakayahang Sosyolinggwistiko C. Kakayahang Pragmatik
B. Kakayahang Diskorsal D. Kakayahang Linggwistiko

7. Kapasidad ng isang taong nakapaloob sa komunikatibong proseso na alamin at unawain


kung paanong gagamitin ang wika sa tiyak na pagkakataon at iba’t ibang kontekstong
panlipunan.
A. Kakayahang Sosyolinggwistiko C. Kakayahang Pragmatik
B. Kakayahang Diskorsal D. Kakayahang Linggwistiko

Hanay A Hanay B
8. Uri o paraan ng pakikipagtalastasan A. Act Sequence
9. Kumbensyon at paksa ng talakayan B. Charles Darwin
kasama ang impluwensya ng kultura C. Dell Hymes
10. Dahilan ng pakikipagtalastasan D. Ends
11. Proponent ng modelong “SPEAKING” E. Genre
12. Nagsasaad na ang wika ay mabisang F. Instrumentalities
instrumento sa pakikipag-ugnayan G. Keys
13. Pangunahing tuon ang pormalidad o H. Norms
impormalidad ng usapan I. Participants
14. Estruktura at nilalaman ng mensahe J. Sosyolinggwistiko
kasama ang takbo ng usapan
15. Mga kalahok sa komunikasyon
SUSI SA PAGWAWASTO
BALIKAN: PAGYAMANIN:
Gawain 1 Gawain 2
1. Subukin 1. Genre
2. nang 2. Norms
3. Sundin 3. Instrumentalities
4. ooperahan 4. Keys
5. Walisan 5. Act Sequence
6. kung 6. Ends
7. raw 7. Ends Participants
8. Napakasal 8. Setting and Scene
9. Nagpakasal 9. Dell Hymes
10. pinto 10. Sosyolinggwistiko
TALASANGGUNIAN
Bernales, R. (2009). Mabisang Komunikasyon sa Wikang Pang-akademiko. Malabon
City. Mutya Publishing.

Dayag, A. & del Rosario, M.G. (2016). Pinagyamang Pluma. Quezon City: Phoenix
Publishing House Inc.

Jocson, M. (2016). Komunikasyan at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino. Quezon


City. Vibal.
Talegon, V. (2016). Daloy ng Wika.Quezon City: Brilliant Creations Publishing Inc.
For inquiries or feedback, please write of call: Department of Education – Schools Division of
Baguio City
No. 82 Military Cut-off Road, Baguio City Telefax: 442-4326 / 442-7819
Email Address: Social Media: facebook.com/DepEdTayoBaguioCity

You might also like