You are on page 1of 7

Yunit 9.

1:Kahulugan, Katangian, at Layunin ng Lakbay Sanaysay

Panimula

Lar. 1. Ang paglalakbay ay pagpapayaman ng karanasan at alaala.

“Baunin ang mga alaala, at iwanan lamang ang mga yapak." - Chief Seattle

Ang paglalakbay ay isang kamangha-manghang karanasan para sa maraming tao sapagkat


maaari kang tumuklas ng mga bagong lugar at mga kapana-panabik na gawain mula sa mga
kakaibang pakikipagsapalaran na napakasarap balik-balikan. Kay sarap ibahagi o ikuwento sa
iba ang naggagandahang lugar na iyong napuntahan at maging ang kakaibang mga karanasan
na iyong pinagdaanan upang marating ang iba’t ibang lugar.
Yunit 9.1:Kahulugan, Katangian, at Layunin ng Lakbay Sanaysay

Kaya naman, masasabing ang paglalakbay ay hindi lamang isang karanasang babaunin ng
manlalakbay, ito rin ay isang mabisang paraan upang matuklasan hindi lamang ang
naggagandahang tanawin, pati na rin ang mga bagay na matatagpuan dito, mamamayan at
maging ang kanilang mga paniniwala at tradisyon na magiging daan upang lubusan silang
makilala. Ang pinakamabuting gawin ng isang manlalakbay sa mga alaala bunga ng kaniyang
mga paglalakbay ay ang ibahagi ito sa iba, ang isang paraan nito ay sa pamamagitan ng
pagsulat ng isang lakbay sanaysay.

Mga Layunin
Pagkatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang
● natutukoy ang kahulugan ng lakbay sanaysay;
● naiisa-isa ang katangian ng lakbay sanaysay; at
● nabibigyang-pansin ang mga layunin ng manunulat ng lakbay sanaysay, gayundin ang
layunin ng mga mambabasa.

Mga Kasanayang Pampagkatuto ng DepEd


● nakikilala ang iba't ibang uri ng akademikong sulatin, gaya ng lakbay sanaysay ayon sa:
(a) Layunin (b) Gamit (c) Katangian (d) Anyo (CS_FA11/12PN-0a-c-90), at
● natitiyak ang mga elemento ng paglalahad ng pinanood na episodyo ng isang
programang pampaglalakbay (CS_FA11/12PD-0m-o-89).
Yunit 9.1:Kahulugan, Katangian, at Layunin ng Lakbay Sanaysay

Alamin

Ayon kay Alejandro G. Abadilla, ang sanaysay ay “ang salaysay ng isang sanay.” Ibig sabihin ito
ang pagsasalaysay ng isang taong sanay sa isang bagay at punong-puno ng karanasan. Ang
paglalakbay sa iba’t ibang lugar ay isang paraan upang mahusay na makasulat ng isang uri ng
sanaysay. Mula sa panimulang gawain, masasabi nating masayang ibahagi ang mga
paglalakbay, kaya naman sa araling ito ay tatalakayin ang isang paraan ng pagsasalaysay ng
iyong mga karanasan sa paglalakabay.

Matatandaan na sa mga nakaraang yunit at aralin ay tinalakay ang sanaysay at ang tradisyunal
na pagsulat nito.

Alalahanin
Ang sanaysay ay isang sulatin na kadalasang naglalaman ng mga
pananaw, kuro-kuro, o damdamin ng manunulat tungkol sa isang
paksa.
Yunit 9.1:Kahulugan, Katangian, at Layunin ng Lakbay Sanaysay

Kahulugan at Katangian ng Lakbay Sanaysay


Ayon kay Dinty W. Moore, ang lakbay sanaysay ay madali lamang dahil ang paglalakbay ay may
natural na kuwentong pakurba. Ibig sabihin, sinusunod ng manunulat ang natural na daloy ng
pagsasalaysay kung saan may panimula, gitna, at wakas. Sa madaling sabi, ang imahinasyon
din ng isang mambabasa ay naglalakbay sa tulong ng natural na paglalahad gamit ang lakbay
sanaysay.

Subalit, ayon din kay Moore, ang mahirap na bahagi sa pagsulat ng lakbay sanaysay ay
kailangan munang unawaing mabuti hindi lamang ang kagandahan ng lugar na itinatampok sa
paglalahad ngunit maging ang kultura ng mga tao at ang kanilang pag-uugali o paniniwala.
Kinakailangang mahusay na mailarawan ng manunulat ang paksa at ang kaniyang damdamin
kaugnay nito kaya tumatagal nang ilang araw ang pagsulat ng sanaysay sapagkat nararapat na
may angkop itong pananaliksik at nailalahad ito gamit ang pinakaangkop na mga salita.

Tandaan na sa lakbay sanaysay, ang mga naranasan ng isang manunulat na manlalakbay ay


dapat ding maiparanas sa mga mambabasa sa pamamagitan ng mahusay na paglalarawan at
paglalahad ng mga ito.

Tandaan
Ang sanaysay ay may mga partikular na layunin upang mabigyang buhay
ang mga paksa. Maaari itong nasa anyong replektibo, paglalahad ng mga
impormasyon, pagbibigay ng interpretasyon sa larawan o ang paglalahad ng
mga karanasan, katulad sa mga lakbay sanaysay.

Ang mga sumusunod ang ilang halimbawa ng lakbay sanaysay:


1. travel blog
2. travel show
3. travel guide
Yunit 9.1:Kahulugan, Katangian, at Layunin ng Lakbay Sanaysay

Katulad ng tinukoy sa simula, ang pagsulat ng lakbay sanaysay ay pareho lamang sa pagsulat
ng mga tradisyonal na sanaysay kaya ang mga uri at ang mga bahagi nito ay pareho lamang.

Uri ng Sanaysay
● Pormal na Sanaysay - Seryoso ang tono ng ganitong uri ng sanaysay, ito rin ay
nangangailangan ng masusing pananaliksik tungkol sa paksa.
● Di-Pormal na Sanaysay - Katulad sa pakikipag-usap sa isang kaibigan ang tono ng
sanaysay na ito, sapagkat ang paksa ay tumatalakay sa personal na karanasan.
Naglalahad din ito ng kasiya-siya o mapang-aliw na mga detalye para sa mga
mambabasa.

Bahagi ng Sanaysay
1. Simula/Panimula - Ito ang pinakamahalagang bahagi ng sanaysay sapagkat ito ang
magiging daan upang makuha ang atensyon ng mga mambabasa. Kinakailangan sa
bahaging ito na maipakilala ang paksa at ang layunin ng paglalahad.
2. Gitna/Katawan - Ang bahaging ito ay naglalaman ng mga sumusuportang detalye
tungkol sa paksa. Inaasahang sa bahaging ito, naipaliliwanag nang mabuti ang paksa at
natatalakay ang mahahalagang impormasyong kaugnay nito.
3. Wakas - Naglalaman ito ng kabuoang kongklusyon tungkol sa mga detalyeng inilahad sa
katawan ng sanaysay at nagbibigay-hamon sa mga mambabasa kaugnay sa
pagsasakatuparan o pagsang-ayon sa paksa.

Ano ang ipinagkaiba ng lakbay sanaysay sa


tradisyonal na sanaysay?
Yunit 9.1:Kahulugan, Katangian, at Layunin ng Lakbay Sanaysay

Layunin ng Lakbay Sanaysay


1. Maipakilala at maitaguyod ng manunulat ang lugar na kaniyang napuntahan.
2. Matukoy at higit na matutuhan ang mga naidokumentong heograpiya, kasaysayan, at
kultura ng isang lugar sa malikhaing paraan.
3. Magbukas ng industriya ng turismo sa lugar na itinampok.
4. Maging reperensya para sa mga taong mahilig maglakbay sapagkat maaari itong
gamiting gabay para sa paglalakbay. Halimbawa nito ang daan at ang mga paraan ng
transportasyong maaaring gamitin papunta sa lugar.
5. Mapahalagahan ang kalikasang kaloob ng Maykapal gayundin ang kulturang taglay ng
mga naninirahan dito.

Sa iyong palagay, bakit mahalagang sumulat ng


lakbay sanaysay?

Tip
Kung ikaw ay maglalakbay sa isang lugar at ninanais mong sumulat ng
lakbay sanaysay o travel essay, kinakailangang taglay mo ang kaisipan
ng isang manunulat na naglalakbay at hindi ng isang turista. Isaisip na
ang isang turista ay may layuning magbakasyon at makapagpahinga
samantalang ang manunulat na naglalakbay ay may layuning
makapagbahagi ng kaugnay sa lugar na kaniyang napuntahan at mga
karanasang natamo mula rito.
Yunit 9.1:Kahulugan, Katangian, at Layunin ng Lakbay Sanaysay
Bibliograpiya

Byahe with Ken. “MOTOVLOG ADVENTURE WITH BOY PERSTAYM | BUDA PART 1.” Byahe ni
Ken. March 30, 2020. https://youtu.be/LX68euIUnAA. Nakuha noong May 02, 2020.

Marxsen, Patti M. “The Art of Travel Essay”. The Writer. Oktubre 16, 2018.
https://www.writermag.com/improve-your-writing/nonfiction/the-art-of-the-travel-es
say/ Nakuha noong Abril 14, 2020.

Online Education. “Lakbay Sanaysay - Modules.” Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang -


Akademik.
https://modules.arvicbabol.com/files/FILI121/Aralin%205%20Lakbay-sanaysay.pdf Nakuha
noong Abril 14, 2020.

Rey, Maestro Valley. “Lakbay Sanaysay - Ang Kahulugan at Mga Layunin.” Philippine News.
Hulyo 23, 2019.
https://philnews.ph/2019/07/23/lakbay-sanaysay-kahulugan-layunin/ Nakuha noong Abril 14,
2020.

Wanderes. “Ano ang ibig-sabihin ng Lakbay Sanaysay?” Brainly.ph.


https://brainly.ph/question/491100 Nakuha noong Abril 14, 2020.

You might also like