You are on page 1of 9

Code ng Kurso at Titulo: FILE1: KONTEKSTWALISADONG KOMUNIKASYON SA

FILIPINO

Numero ng Leksyon: (Ikaanim na Linggo) Leksyon 5:


Paksa:
Mga Gawaing Pangkomunikasyon ng mga Pilipino
 Tsismisan
 Umpukan
 Talakayan
 Pagbabahay-bahay
 Pulong-bayan

Introduksyon:
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng komunikasyon sa pang-araw-araw na
pakikipagsapalaran ng isang tao sapagkat nag-iiwan ito ng kakintalang maaaring magdulot
ng karanasang magpapatakbo ng kanyang buhay. Sa bawat umpukan, pamilihan, kainan,
klasrum, o pook pampamahalaan, o saan man, ay may nagaganap na komunikasyong berbal
gamit ang wika. Ang mga sumusunod na paksa ay ukol sa mga karaniwang gawaing
pangkomunikasyon na bahagi na ng pamumuhay ng mga Pilipino.

Inaasahang Matutunan:
Kaalaman
1. Maipaliwanag ang kabuluhan ng wikang Filipino bilang mabisang wika sa
kontekstwalisadong komunikasyon sa mga komunidad at sa buong bansa.

2. Maipaliwanag ang mahigpit na ugnayan ng pagpapalakas ng wikang pambansa,


pagpapatibay ng kolektibong identidad, at pambansang kaunlaran.

Kasanayan
1. Magamit ang wikang Filipino sa iba’t ibang tiyak na sitwasyong pangkomunikasyon sa
lipunang Pilipino.

2. Makapagpahayag ng mga makabuluhang kaisipan sa pamamagitan ng tradisyonal at


modernong midyang akma sa kontekstong Pilipino.

Halagahan
1. Mapalalim ang pagpapahalaga sa sariling paraan ng pagpapahayag ng mga Pilipino sa
iba’t ibang antas at larangan.
2. Maisaalang-alang ang wika at kultura at iba pang aspektong panlipunan sa
pakikipagpalitang-ideya.

Paunang Pagtataya:
Panuto: Piliin ang titik na kumakatawan sa pinakamalapit na sagot sa bawat bilang.
1. Ito ay tumutukoy sa malilit na pangkat o grupo ng tao na nag-uusap tungkol sa mga
usaping may interes ang bawat kasapi sa pangkat?
a. talakayan c. pagbabahay-bahay
b. pulong bayan d. umpukan

2. Alin sa mga ito ang tinuturing na di pormal na komunikasyon?


a. talakayan
b. tsismisan
c. pulong- bayan
d. lahat ng nabanggit

3. Ito ay tumutukoy sa proseso ng pag-uusap o pagpapalitan ng ideya para sa isang


nararapat o mahalagang desisyon?
a. pagbabahay-bahay
b. talakayan
c. tsismisan
d. umpukan

4. Ito ay kinasasangkutan ng indibidwal o higit pang maraming indibidwal na tumutungo sa


dalawa o higit pang maraming bahay upang isakatuparan ang anumang layunin
a. pulong-bayan
a. pagbabahay-bahay
b. talakayan
c. tsismisan
d. umpukan
5. Ito ay isang anyo ng konsultasyon sa mga mamamayan o partikular na pangkat upang
tugunan o paghandaan ang isang napakahalagang usapin.

a. pulong-bayan
a. pagbabahay-bahay
b. talakayan
c. tsismisan
d. umpukan

Presentasyon ng Aralin:

I. Mga Gawaing Pangkomunikasyon ng mga Pilipino

A. Tsismisan

• Bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang


pakikipagtsimisan o ang pakikipagkwentuhan sa buhay-
buhay at mga pamumuhay ng ibang tao. Kadalasan na
makikita ang mga gawaing ito ng dalawa o higit pang tao
sa tabi ng lansangan, sa palengke, sa tindahan, maging
sa mga tanggapan na pinapasukan ng mga
manggagawa sa mga panahong sila ay libre o walang
ginagawa.

• Sa katotohanan ng buhay, ang salitang tsismis ay may negatibong implikasyon sa


taong gumagawa nito at maging sa taong paksa ng tsismis. Ang tsismis ay
tumatalakay sa isang akto ng pagsisinungaling, pag-imbento ng kwento,
pagmamalabis, bagamat kung minsan ay may halong katotohanan. Kadalasang
kaakibat ng salitang tsismis ang pagyurak sa reputasyon ng ibang tao sa
pamamagitan ng walang batayang panghuhusga sa kasalanang di umano ay kanilang
ginawa katulad ng homosekswalid, karahasan, paniningalang-pugad at kung anu-ano
pang mga negatibong pagpaparatang.
• Sa kasalukuyang panahon, ang tsismis ay mapapansin sa pamamagitan ng
impormasyong pangteknolohiya gamit ang social media katulad ng Facebook, Twitter,
Instagram, at iba pa; higit na naging mahirap na matukoy kung alin ang totoo at alin
ang tsismis, alin ang totoong balita at alin ang “fake news.” Delikado ito sapagkat higit
na mabilis na kumalat ang mga balita sa kasalukuyang panahon. Isang klik lamang sa
mouse ng kompyuter ay agad ka nang makatatanggap ng balita na hindi katulad
noong hindi pa uso ang teknolohiya na ginagamit natin sa kasalukuyan.

• Sa ilalim ng Kodigo Penal ng Pilipinas, ang tsismis ay maaari ring maituring na isang
krimen lalong higit kung malalampasan ng isang indibidwal ang limitasyon ng kanyang
kalayaan na makapagpahayag at mauwi ito sa paninirang puri na maaaring
makapagpahamak sa paksa ng kanyang pahayag, pasalita man o pasulat. Ayon sa
Artkulo 353, ang libelo ay isang pampubliko at malisyosong mga paratang sa isang
krimen o isang bisyo o depekto, na maaaring makatotohanan o kaya ay haka-haka, o
anumang kilos, pagkukulang, kondisyon, katayuan, o kalagayan na naging dahilan ng
kasiraang-puri, pangalan, o pagpapasala sa isang tao.

• Ayon kina Akyon, Yozgat at Ayas (2015), ang tsismis o tsimisan ay kilala bilang mga
di opisyal na pagpapalitan ng mensahe ng mga manggagawa. Dala ng masamang
reputasyon nito, ang tsismis ay pinaniniwalaang nagdadala ng mga alingasngas sa
bawat tao.

• Iminungkahi nina Guerin at Miyazaki (2206) na ang pangunahing layunin ng tsismis


ay hindi ang pagbibigay ng impormasyon sa mga nakikinig kundi ang magbigay ng
aliw o kuhanin lamang ang atensyon ng mga tagapakinig upang mapaganda ang
ugnayang panlipunan.

B. Umpukan

 Ang salitang umpukan ay tumutukoy sa maliliit na pangkat o grupo ng tao na nag-


uusap tungkol sa mga usaping may interes ang bawat kasama sa pangkat o grupo.
Maaaring ang pinag-uusapan ay may kabuluhan sa kanilang personal na buhay, sa
buhay ng ibang tao, o mga kaganapan sa lipunan sa loob man o labas ng bansa.

 Sa kabanata I ng Noli Me Tangere ay


inilarawan ang maraming umpukan ng
mga panauhin upang mapag-usapan ang
mga paksa ng kanilang interes katulad ng
asal ng katutubong Pilipino, monopolya ng
tabako, kapangyarihan ng Kapitan Heneral, at marami pang iba. Kung susuriin ang
kabanatang ito at marami pang kabanata ng Noli Me Tangere at maging ng El
Filibusterismo, lumalabas na ang umpukan ay isang gawaing pagsasama-sama sa
pangkat ng mga tao upang maging bahagi ng palitan ng kuro sa paraang berbal man
o di berbal.

 Impormal ang talakayan sa umpukan sapagkat bawat kasama sa pangkat ay


malayang makapagpahayag ng kanilang saloobin hinggil sa paksang napag-uusapan.
Walang tiyak na direksyon at wala ring totoong pinuno sa loob ng mga pagtalakay.

 Sa kalye ay may umpukan ng kabataan, sa harap ng tindahan ay mga kababaihan, sa


parlor ay mga parlorista, sa sabungan ay grupo ng mga kalalakihan, sa trabaho man
ay nagkakaroon din ng pagkakataon na mag-umpukan ang mga manggagawa sa mga
panaho o oras na sila ay libre.

C. Talakayan

 Isa pa sa mga gawaing kinahihiligan ng mga


Pilipino ay ang talakayan. Tumutukoy ito sa
proseso ng pag-uusap o pagpapalitan ideya para
sa isang nararapat o mahalagang desisyon. Higit
itong pormal kung ihahalintulad sa komunikasyong
nagaganap sa umpukan sapagkat mayroong
nakatalagang tagapangasiwa sa daloy ng komunikasyong sa talakayan na hindi
makikita sa proseso ng komunikasyon sa umpukan.
 Mahalaga ang talakayan sa loob ng klase sapagkat nabibigyan nito ng pagkakataon
ang bawat mag-aaral upang makapagpahayag at magbigay ng kani-kanilang mga kuro
na mahalaga sa pagkatuto ng bawat isa. Sa tulong at gabay ng dalubguro ay
nagaganap ang proseso ng pagsasalin ng kaalaman mula sa isang mag-aaral tungo
sa isa pang mag-aaral, mula sa mag-aaral tungo sa dalubguro, mula sa dalubguro
tungo sa mag-aaral.
 Mayroong tatlong dimensyon ang talakayan: nilalaman, proseso, at mga kasangkot.
Kadalasan na sa dimensyon ng proseso ng pagtalakay nag-uugat ang suliranin
sapagkat mayroong mga mag-aaral na dominante na humahantong sa punto na ang
ibang kasangkot ay hindi na nabibigyan ng pagkakataon na magpahayag ng kani-
kanilang punto. Ito ay maaaring mabigyan ng solusyon sa pamamagitan ng maayos
na pagpaplano at istruktura ng talakayan.
 Mahalaga ang papel na ginagampanan ng talakayan
bilang metodo ng pagtuturo na makatutulong sa
mga mag-aaral upang magkaroon ng mataas na
antas ng pag-iisip at pag-unawa. Ang talakayan ay
kinabibilangan ng mataas na antas ng pagtatanong,
at mga paglalahad na ibinibigay ng dalubguro at
mga mag-aaral at may tugon na manggagaling sa
kanilang dalawa upang magamit ang kaalaman at mapukaw ang kritikal na pag-iisip
upang ganap na mapag-ibayo ang pag-unawa sa isyu, suliranin, at iba pang nilalaman.

D. Pagbabahay-bahay

 Isa sa mga mahahalagang gawaing pangkomunikasyon ng mga Pilipino ay ang


pagbabahay-bahay. Kinasasangkutan ito ng indibidwal o higit pang maraming
indibidwal na tumutungo sa dalawa o higit pang maraming bahay upang isakatuparan
ang alinman sa kanilang mga layunin katulad ng pangungumusta sa mga kaibigan o
kamag-anak na matagal nang hindi nakita, pagbibigay galang o pugay sa nakatatanda,
paghingi ng pabor para sa isang proyekto o solisitasyon, at marami pang iba.
Makalipunan ang gawaing ito sapagkat personal ang pakikitungo ng tao na tuwirang
nakikipag-usap sa iba pang tao.

 Sa patuloy na paglakad ng panahon ay nagbabago ang mukha ng konsepto ng


pagbabahay-bahay. Malayo man o hindi nakikita ang mga kamag-anak ay maaari nang
magkumustahan sa pamamagitan lamang ng Facebook, Messenger, at iba pang
plataporma ng social media.

 Ang pagbabahay-bahay ay tradisyong


nagpapamalas ng mabuting pagpapakilala at
pagtanggap ng mga panauhin na pinatutunayan sa
mahahalagang okasyon sa buhay nating mga
Pilipino, katulad ng Pasko at Araw ng Kaluluwa.
Karaniwan na nagbabahay-bahay ang bawat
pamilya tuwing pasko upang magmano at magbigay
ng pagpapahalaga sa mga nakatatanda at mga
kamag-anak sa kahit na anumang paraan. Mayroon
ding nagaganap na pamamahagi at pagtanggap ng
munting aginaldo para sa mga bata.

E. Pulong Bayan

 Ang isa pang mahalagang gawaing pangkomunikasyon ng mga Pilipino ay ang Pulong
Bayan. Karaniwan itong isinasagawa bilang isang anyo ng konsultasyon sa mga
mamamayan o partikular na pangkat upang tugunan o paghandaan ang isang
napakahalagang usapin. Pinangungunahan ng lider ang pagtalakay sa isang usapin
na may kaakibat na pagpapahalaga sa opinyon at mga mungkahi ng mga taong
kabahagi sa pag-uusap. May pagkapormal ang mga pagtalakay na nakapokus lamang
sa paksa na inihanda para sa espisipikong gawain na ito – ang pulong bayan.
 Inilarawan ni Dr. Jose Rizal ang
kahalagahan ng gawaing ito sa
Kabanata 20 ng Noli Me Tangere,
bagamat nakatuon ito sa pagpupulong
lamang sa isang tribunal. Sa bahaging
ito ay ipinakita kung paano
pinahalagahan sa bansang Pilipinas ang kapistahan. Dito nagbigay ng kani-kanilang
mga panukala ang mga kalahok sa pulong kung paano mapagaganda ang selebrasyon
ng kapistahan sa bayan ng San Diego.

 Malaki ang papel na ginagampanan ng mga pagpupulong bayan upang mabigyan ng


katwiran at ngipin ang lahat ng regulasyon at batas na nais nilang ipatupad lalong higit
kung ang mga ito ay may direktang epekto sa kanila bilang mga mamamayang
nagbabayad ng buwis. Bahagi ng proseso ng pagbuo ng mga regulasyong ito ang
konsultasyon sa tao at publiko. Inbalido o walang bisa ang anumang batas na
maaaprubahan kung walang isinagawang mga pagsangguni ang mga mambabatas na
nag-iisponsor nito.

Pagbubuod:

Ang mga pangkaraniwang gawaing pangkomunikasyon ng mga Pilipino ay ang tsismisan,


umpukan, talakayan, pagbabahay-bahay at pulong-bayan. Ang tsismisan ay
pagkukwentuhan sa buhay-buhay at pamumuhay ng ibang tao; ito’y isang impormal na
komunikasyon. Ang umpukan ay tumutukoy sa malilit na pangkat o grupo ng tao na nag-
uusap tungkol sa mga usaping may interes ang bawat kasapi sa pangkat. Ang talakayan ay
tumutukoy sa proseso ng pag-uusap o pagpapalitan ng ideya para sa isang nararapat o
mahalagang desisyon. Ito ay tinuturing na pormal na komunikasyon. Ang pagbabahay-bahay
ay kinasasangkutan ng indibidwal o higit pang maraming indibidwal na tumutungo sa dalawa
o higit pang maraming bahay upang isakatuparan ang anumang layunin. Ang pulong-bayan
ay isang anyo ng konsultasyon sa mga mamamayan o partikular na pangkat upang tugunan
o paghandaan ang isang napakahalagang usapin.

Gawain/ Ebalwasyon:
Panuto: Isulat sa papel o naka-computerized ang inyong sagot.

1. Magbigay ng halimbawa ng mga umpukan, talakayan, o punong-bayan


na iyong nadaluhan. Ano ang layunin ng mga nasabing gawing
pangkomunikasyon? Ano ang impormasyon/ mensahe na ipinahatid ng
mga ito? Sa iyong obserbasyon, naging epektibo ba ang pagpapahatid ng
impormasyon sa mga nasabing gawaing pangkomunikasyon na iyong
nadaluhan?

2. Panoorin ang video ng link na ito na dokumentaryong may pamagat na I Juander: Tsismis
at Filipino Time ng GMA News hinggil mga gawaing nagpapakilala ng identidad ng mga
Pilipino. https://www.youtube.com/watch?v=YM6GB0-PBSg.

Ano ang nilalahad ng dokumentaryong ito ukol sa tsimisan at “Filipino time?” Ano ang iyong
pananaw sa tsismisan bilang isang gawaing pinagtutuunan ng pansin at naging libangan na
ng mga Pilipino?

Dagdag/Pampatibay na Gawain:

Repleksyon:

Dahil sa pandemya at sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya, ang dating talakayan na


nagaganap sa klasrum ng ibat-ibang asignatura, ay napalitan na ng talakayang online (online
discussion). Ang talakayang virtuwal o online ay naging pamamaraan na ng pagtututuro at
pagkatuto.
Aktibo ka bang nakikibahagi sa mga talakayang
online ng klase? Sa iyong palagay, mas epektibo ba
ang talakayan na online kaysa sa harapang talakayan
sa klase upang higit na maunawaan mo ang
asignatura?

Pinagkunan:

Maranan, M.; Duque, J; Pattaguan, S. 2020. Kontekstwalisadong Komunikasyon sa Filipino.


Manila: Mindshapers Co., Inc.

You might also like