You are on page 1of 12

Code ng Kurso at Titulo: FILE1: KONTEKSTWALISADONG KOMUNIKASYON SA

FILIPINO
Numero ng Leksyon: (Ikatlong Linggo) Leksyon 2:

Paksa: Pagproproseso ng Impormasyon para sa Komunikasyon

 Ang Komunikasyon
 Pagpili ng Batis ng Impormasyon

Introduksyon:

Bahagi na ng pang araw-araw na pamumuhay ng isang tao ang pakikipagtalastasan.


Natural sa isang tao ang hangaring maipahayag ang kanyang pag-isip, ideya, saloobin,
o kuro-kuro, at maunawaan ng ibang tao. Ang kawalan ng kakayahan sa wastong
komunikasyon ay magdudulot ng di pagkakaunawaan at kaguluhan sa iba’t ibang
sitwasyon at sa institusyon gaya ng tahanan, paaralan, pamayanan, o pamahalaan na
kanyang kinasasangkutan. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang komunikasyon. Kaya
naman ang araling ito ay hinggil sa paglinang ng kasanayan sa komunikasyon at tamang
pagpili ng batis o mapagkukunan ng impormasyon para sa epektibong komunikasyon.

Inaasahang Matutunan:

Kaalaman

1. Maipaliwanag ang kabuluhan ng wikang Filipino bilang mabisang wika sa


kontektwalisadong komunikasyon sa mga komunidad at sa buong bansa.

2. Matukoy ang mga mapagkakatiwalaan, makabuluhan at kapaki-pakinabang na


sanggunian sa pananaliksik.

Kasanayan

1. Magamit ang wikang Filipino sa iba’t ibang tiyak na sitwasyong pangkomunikasyon sa


lipunang Pilipino.
2. Makapagpahayag ng mga makabuluhang kaisipan sa pamamagitan ng tradisyonal at
modernong midyang akma sa kontekstong Pilipino.

3. Makagawa ng mga malikhain at mapanghikayat na presentasyon ng impormasyon at


analisis na akma sa iba’t ibang konteksto.

Halagahan

1. Mapalalim ang pagpapahalaga sa sariling paraan ng pagpapahayag ng mga Pilipino


sa iba’t ibang antas at larangan.

2. Maisaalang-alang ang kultura at iba pang aspektong panlipunan sa pakikipagpalitang-


ideya.

Paunang Pagtataya:
Panuto: Piliin ang titik na kumakatawan sa pinakamalapit na sagot sa bawat bilang.

1. Ito ay kategorya ng sanggunian na tumutukoy sa mga datos na hinalaw o nagmula sa mga


dokumentong isinulat sa panahon na isinasagawa ang akwal na pananaliksik
a. primaryang datos c. tersyaryang datos
b. sekondaryang datos d. lahat nang nabagggit

2. Ito ay tumutukoy sa pangongopya ng mga datos, ideya, mga pangungusap, o buod ng isang
akda, programa, himig at iba pa na walang pagkilala o rekognisyon sa orihinal na may-akda o
pinagmulan.
a. sanggunian
b. plagiarismo
c. buod
d. konteksto

3. Ito ay komunikasyon na gumagamit ng kagamitang pangkomunikasyon gaya ng telebisyon.

a. interpersonal na komunikasyon
b. intrapersonal na komunikasyon

c. pampublikong komunikasyon

d. pangmadlang komunikasyon

4. Ito ay ginagamit upang mabigyan ng tamang pagkilala ang may-akda para sa kanyang
napakahalagang ideya na gagamitin mo bilang pamantayan sa iyong pananaliksik at
pagsusulat.
a. sanggunian c. lahat ng nabanggit
b. siping panloob d. wala sa nabanggit

5. Ito ay uri ng komunikasyon na kinasasangkutan ng mga kilos at galaw ng katawan.

a. Komunikasyong berbal c. Tugon

b. Komunikasyong di berbal d. Komunikasyong pisikal

Presentasyon ng Aralin:

I. Ang Komunikasyon

A. Depinisyon ng Komunikasyon

Ang Komunikasyon ay ang proseso ng pagpapabatid ng mensahe mula sa


tagapaghatid tungo sa tagatanggap nito.

Sangkot sa komunikasyon ang mga sumusunod


na makrong kasanayan sa pag-aaral nito:

 Pagsasalita
 Pakikinig
 Pabasa
 Pagsulat
 Pag-unawa
B. Uri ng Komunikasyon

Dalawa ang uri ng komunikasyon. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

1. Komunikasyong Berbal - Ang komunikasyong ito ay ginagamitan ng wika na


maaaring pasulat at maaari rin naming pasalita. Gamit ito sa pakikipag-ugnayan sa
tao at lipunang ginagalawan.

2. Komunikasyong Di-berbal - Kinasasangkutan naman ng mga kilos o galaw ng


katawan ang uri ng komunikasyong ito. Karaniwang binibigyan ng interpretasyon ang
mga senyas upang maisakatuparan ang proseso ng komunikasyon. Ang simpleng
pagtango ay maaaring mangahulugan ng pag-sang-ayon, subalit maaari rin naman
na walang ibig sabihin dito ang taong kasangkot.

C. Anyo ng Komunikasyon

Maaaring matagpuan ang komunikasyon sa alinman sa mga sumusuond na anyo:

1. Intrapersonal na Komunikasyon

Ito ay isang uri ng pagmumuni-muni upang makabuo ng isang nararapat na


desisyon.

Halimbawa: Komunikasyon o pakikipag-usap ng tao sa kanyang sarili.

2. Interpersonal na Komunikasyon

Ang interpersonal na komunikasyon ay ang


ugnayang komunikasyon ng isang tao sa isa
pang tao. Karaniwang nagaganap ang
interpersonal na komunikasyon sa pang-
araw-araw na pakikisalamuha natin sa iba’t iba. Karaniwang dalawang tao lang
ang kasangkot sa komunikasyong ito.

Halimbawa: Komunikasyon ng isang ina sa kanyang anak.


3. Komunikasyong Pampubliko

Ito ay ugnayang komunikasyon sa pagitan ng isang tao at dalawa o higit pang


katao. Sa pamamagitan nito, ipinararating ng tagahatid ng mensahe sa dalawa o
higit pang katao subalit umaasa ang una para sa isang tugon.

Halimbawa: Komunikasyon sa mga miting de avance, seminar, at iba pa.

4. Komunikasyong Pangmadla

Maihahalintulad sa komunikasyong pampubliko ang komunikasyong pangmadla


ngunit nagkaiba lamang ito sa kasangkapang gamit sa pagpapadala ng
mensahe. Direktang pakikipag-usap sa tao ang sangkot sa komunikasyong
pampubliko, samantalang gumagamit pa ng kagamitang pangkomunikasyon sa
komunikasyong pangmadla.

Halimbawa: Komunikasyon gamit ang telebisyon, radyo

D. Elemento ng Komunikasyon

1. Ang Tagapaghatid ng mensahe (sender)

Nagsisimula ang proseso ng komunikasyon sa tagapaghatid. Maaari siyang mag-isip


ng ibat ibang estratehiya kung paano ba niya maipararating ang isang mensahe sa
paraang ito ay mauunawaan batay sa kanyang layunin.

2. Ang Tagatanggap ng mensahe (receiver)

Tinatawag na tagatanggap ng mensahe o interpreter ng mensahe ang taong


tumatanggap ng mensahe sa buong proseso ng komunikasyon.

3. Ang Mensahe

Ito ay tumutukoy sa impormasyon na nais maiparating ng tagahatid sa tagatanggap.


4. Daluyan (channel)

Ang daluyan o tsanel ng komunikasyon ay tumutukoy sa paraan kung paanong ang


mensahe ay maipapahatid nang buong husay mula sa tagapaghatid tungo sa
tagatanggap.

5. Tugon (feedback)

Ito ay ang pinakapinal na punto upang masabi na ang mensahe ay matagumpay na


naihatid, natanggap, o naunawaan.

6. Ingay/ Sagabal (noice/barrier)

Ang ingay ay hindi lamang tumutukoy sa naririnig ng tainga kundi anumang bagay o
balakid na nakakaapekto sa buong proseso ng komunikasyon.

E. Konteksto ng Komunikasyon

Bukod sa mga nabanggit na elemento ng komunikasyon, mahalaga rin na malaman ang


iba’t ibang konteksto o pagtingin sa komunikasyon. Ang mga sumusunod na konteksto
ng komunikasyon ay maituturing din na nakakaapekto sa buong proseso ng
komunikasyon:

1. Pisikal

Ang oras at lugar na pinagdarausan ng isang pangyayari ay mahahalagang konteksto ng


komunikasyon. Maaari itong kasangkutan ng aktwal na lugar, oras, ilaw, antas ng ingay
at mga kaugnay na salik.

Halmbawa: Kung gagamitin ang larong basketbol bilang lunsaran ng pagtalakay,


masasabi na ang pisikal na konteksto tulad ng lugar at oras ng pagdarausan ng
paligsahan ay mga salik na nakadagdag sa kompiyansya ng mga manlalaro para sa
isang maayos na komunikasyon.
2. Sosyal

Ang sosyal na konteksto ng komunikasyon ay


tumutukoy sa mga personal na ugnayan ng mga
kalahok sa komunikasyon.

Halimbawa: Dapat maunawaan ng manlalaro


kung sino ang kanyang kakampi sa loob ng
basketbol court at kung sino ang kalaban. Maaasahan ang ‘’teamwork’’ sa isang koponan
kung ang bawat manlalaro ay may maayos na ugnayan at iisang layunin na
mapagtagumpayan ang laro.

3. Kultural

Ang kultural na konteksto ng komunikasyon ang isa sa pinakamahalahang salik na


nakakaapekto sa buong proseso ng komunikasyon. Tumutukoy ang kultura sa prinsipyo
at paniniwala ng isang pangkat.

Halimbawa: Maaaring paniwalaan ng isang pangkat na kaya nilang maipanalo ang laban
kung malinis at patas ang lahat ng gawi na kanilang ipapakita sa loob ng basketbol court.

4. Sikolohikal

Tinutukoy ng sikolohikal na konteksto ang ‘’mood’’ at ang emosyon ng mga kasangkot sa


buong proseso ng komunikasyon.

Halimbawa: Ang pag-aasam na maipanalo ang kampyonato ng isang koponan ay


sikolohikal na konteksto na batayan ng pagsusumikap ng bawat kasapi sa pangkat na
gawin ang kanilang makakaya.

5. Historikal

Tinutukoy ng historikal na konteskto ang mga inaasahan ng bawat kasali sa proseso ng


komunikasyon batay sa mga kaganapang nangyari sa mga nakaraan

Halimbawa: Kung ang isang koponan ay nagapi na ng kasalukuyang koponan sa puntos


o lamang na mahigit sa kalahati, maaari itong maging sanligan ng nagaping koponan
para sa kanilang paghahanda sa mga susunod na pakikipagtunggali.
II. Pagpili ng Batis ng Impormasyon

A. Mga Kategorya ng Sanggunian

Makatutulong sa lalim ng argumento ng isang pag-aaral ang kakayahan ng mga


mananaliksik na gumamit ng iba’t ibang uri ng sanggunian bilang batayan. Upang maging
gabay sa pagpili ng tamang sanggunian, ang mga sumusunod ay ibat ibang kategorya
ng sanggunian:

1. Primaryang Datos

Ang primaryang datos ay mga datos na hinalaw o nagmula sa mga dokumentong isinulat
sa panahon na isinasagawa ang aktwal na pananaliksik. Nanggaling ang mga ito sa mga
orihinal na dokumento kung saan ang pananaliksik ay nakabatay.

Halimbawa:

 talumpati
 liham
 birth certificate
 diary
 transkripsyon
 pangunahing balita ng kaganapan
 record ng korte
 panayam
 sarbey

2. Sekondaryang Datos

Tinutukoy ng mga sekondaryang datos ang mga datos na nanggaling sa mga


dokumentong isinulat matapos ang isang kaganapan.

Halimbawa:

 datos na nanggaling sa mga sangguniang materyal tulad ng ensayklopedia


 mga aklat
 mga artikulo na nagbibigay ng interpretasyon, rebyu, o binigyan ng
“synthesis” ang orihinal na pananaliksik

3. Tersyaryang Datos

Tumutukoy sa mga datos na hinalaw sa mga dokumentong naglalarawan sa mga primary


at sekondaryang sanggunian

Halimbawa:

 Indexes - nagbibigay ng mga pagkakakilanlan kung saan nanggaling ang


impormasyon katulad ng may-akda, pamagat ng aklat, artikulo at dyornal,
tagapaglathala, petsa at iba pa.
 Abstrak – ibinubuod nito ang primarya at sekondaryang sanggunian.
 Database – mga online na indexes na karaniwang kinabibilangan ng mga abstrak
para sa primarya at sekondaryang sanggunian.

B. Sistemang Pansilid-aklatan

Ang tamang “retrieval system” ng silid-aklatan (library) ay makatutulong nang malaki


upang higit na mapadali at mapaghusay ng mag-aaral ang pangangalap ng mga
impormasyon at datos na kailangan sa kanyang pag-aaral. Ang ‘’retrieval system’’ ay
nakatutulong nang malaki para sa higit na sistematikong database ng mga sangggunian
na kinasasangkutan ng mga sumusunod: pangalan ng may-akda, pamagat ng aklat o
publikasyon at iba pa.

C. Internet Bilang Sanggunian

Malaking hamon na maituturing sa kasalukuyang


panahon ang matukoy ng mga mag-aaral o mananaliksik
ang mga sanggunian mapagkukunan nila ng tama at may
kredibilidad na mga datos at impormasyon mula sa
internet. Maraming impormasyon ang naibabahagi ng
internet sa ibat iba nitong plataporma katulad ng webpages, blog, forum, at iba pa nang
walang sapat na regulasyon ng paglalagay (posting) dahilan kung bakit iminumungkahi
sa mga mag-aaral ang ibayong pag-iingat sa pananalig sa mga platapormang ito bilang
sanggunian ng kanilang pag-aaral o pananaliksik.

D. Sanggunian buhat sa Bibliyograpiya

Ang bibliograpiya ay mainam ding gamitin na sanggunian ng mga impormasyon at datos


ng isang pag-aaral. Sa pamamagitan ng pagsangguni sa ibang iskolar at sa mga
bibliograpiya na kanilang ginamit, makatutulong ito sa pagpapaunlad ng isinasagawang
pag-aaral.

E. Ang Paglalagay ng Siping Panloob at Sanggunian

Ang Siping Panloob (citation) at Sanggunian (reference) ay kailangan upang


mabigyan ng tamang pagkilala ang may-akda para sa kanyang napakahalagang ideya
na gagamitin mo bilang pamantayan sa iyong pagsusulat. Mahalaga ang paglalagay ng
sanggunian at siping panloob (citation) upang maiwasan ang plagiarismo. Ang paggamit
ng mga ito ay makatutulong din upang patunayan na ang iyong ideya ay sinusuportahan
ng hindi lamang isang literatura at pag-aaral. Bunga nito ay ang pagpapapatatag ng iyong
argumento o mga pangangatwiran.

F. Plagiarismo

 Mayroong nagaganap na plagiarismo kung sa iyong pagsusulat ay makikita ang


alinman sa mga sumusunod na pangyayari:
 Mayroong paglalahad ng mga ideya na mistulang ikaw ang orihinal na may-
akda,bagamat am katotohanan, ito ay hinalaw o kinuha lamang sa iba.
 Pagkopya at pagdikit (copy and paste) ng mga teksto at imahe na hindi binibigyan ng
rekognisyon kung saan ang mga ito ay nanggaling.
 Hindi pagpapakita ng sipi.
 Pagpapalit ng ilang mga salita sa isang seksyon ng teksto na hindi man lamang
binibigyan ng pagkilala ang orihinal na may-akda.
Pagbubuod:
Ang Komunikasyon ay isang proseso ng pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng
dalawa o higit pang tao. May dalawang uri ng komunikasyon, ang berbal at di-berbal.
Ang ibat ibang anyo ng komunikayon ay ang intrapersonal, interpersonal,
komunikasyong pampubliko at komunikasyong pangmadla. Ang konteksto ng
komunikasyon tulad ng pisikal, sosyal, kultural, sikolohikal at historikal ay nararapat
din isaalang-alang. Ilan sa mga batis ng impormasyon ay ang silid-aklatan, mga
sanggunian, at internet. Ang kategorya ng sanggunian ay maituturing na primarya,
sekondarya o tersyaryang datos. Ang plagiarismo ay tumutukoy sa pangongopya ng
mga datos, ideya, mga pangungusap, o buod ng isang akda, programa, himig at iba
pa na walang pagkilala o rekognisyon sa orihinal na may-akda o pinagmulan.

Gawain/ Ebalwasyon:

A. Sagutin:

1. Paano maiiwasan ang plagiarismo sa pagsulat ng pananaliksik?

2. Ano ang mga halimbawa ng primaryang datos? sekondaryang


datos?

B. Basahin ang sitwasyon at pagkatapos ay sagutin ito:

Madalas kang magbasa ng istatus ng iyong mga kaibigan sa Facebook at madalas mo


itong inila-like. Subalit nakatawag ng pansin sa iyo ang post ng isa sa iyong kaibigan na
nagwika: “Kahit saanmang gubat ay may ahas.” Hindi mo nagustuhan ang tono ng
kanyang post kaya nagpost ka rin na ang wika: “Di lahat ng ahas ay nasa gubat.’’ Umani
ng maraming komento ang inyong post na naging dahilan ng malalim na paghihidwaan
ninyo bilang magkaibigan. Talakayin ang mga sumusunod na mahahalagang salik ng
komunikasyon na matatagpuan sa sitwasyong ito: 1) anyo ng komunikasyon; 2)
mensahe; 3) ingay ng komunikasyon; 4) konteksto ng komunikasyon.
Dagdag/Pampatibay na Gawain:

1. Magbigay ng isang halimbawa ng islogan (komunikasyong berbal) na nasa wikang Filipino


at logo (komunikasyong di-berbal) ng isang produkto/brand/negosyo/serbisyo na iyong
narinig o nabasa. Ipaliwanag ang mensahe ng nasabing islogan at logo. (Hal. islogan: Family
Rubbing Alcohol – ‘’Di lang pampamilya, pang -isports pa’’).

2. Lumikha ng isang orihinal na islogan at logo ng isang produkto o brand na nais mong
ipakilala sa merkado. Ano ang mensahe (berbal at di-berbal) ng iyong islogan at logo na nais
mong iparating sa mga kostumer.

Sanggunian/ Pinagkunan:

Maranan, et. al. (2020) Kontekstwalisadong Komunikasyon sa Filipino. Manila:


Mindshapers Co., Inc.

You might also like