You are on page 1of 6

TALAKAYIN AT UNAWAIN

Pagsulat para sa Trabaho

Ang pagsulat para sa trabaho ay isang uri ng propesyonal na komunikasyon. Gagawin mo ito kapag
magpapahayag ka ng mensahe sa mga tao sa loob ng organisasyon o kaya naman sa iba pang oganisasyon, sa
mga kliyente, at iba pang indibidwal o grupong may kinalaman sa inyong organisasyon. Karaniwang sa Ingles
nakasulat ang mga sulating pantrabaho sa mga ahensiya ng pamahalaan. Ito ay sa kabila ng pag -iral ng Executive
Order No. 335, s. 1988 na naglalayong palaganapin ang paggamit ng wikang Filipino sa mga opisyal na
transaksiyon at korespondensiya sa mga tanggapan ng pamahalaan. Ayon pa sa kautusang ito, lahat ng
kagawaran/kawanihan/tanggapan/ahensiya/instrumentality ng pamahalaan ay dapat na magsagawa ng mga
hakbang na kailangan para sa layuning magamit ang Filipino sa opisyal na mga transaksiyon, komunikasyon, at
korespondensiya. Sa kasalukuyan, masigasig an g Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na ipatupad ang kautusang
ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga seminar sa pagsulat ng korespondensiya opisyal at iba pang sulating
pantrabaho.

TAMPOK NA TEKSTO
Ginagamit ang ganitong sulatin ng mga empleado, namamahala, may-ari ng kompanya, at ng mga
manggagawa sa pamahalaan. Ginagamit din ito sa mga akademikong institusyon, non-government at non-profit
organizations, at sa iba pang organisasyon sa iba’t ibang larangan. Ang sumusunod ay ilang halimbawa ng
dokumentong pantrabaho:

Resume Adyenda Liham-pagpapatunay


Curriculum vitae Katitikan ng pulong Liham-kahilingan
Liham-aplikasyon Memorandum Ulat
Liham-pasasalamat Panukalang proyekto Patalastas
Liham-resignasyon Ebalwasyon ng proyekto Press release
Liham-pagbati Gawad/Sertipiko E-mail

Isa sa mga pangunahing layunin ng pagsulat para sa trabaho ang mabasa ito nang mabilis at maiparating ang
mensahe (Knapp, 2006). Ang sumusunod ay ilan pang layunin nito (Harvard Business School, 2003):
• Ipaliwanag o ipagtanggol ang mga isinagawa o isasagawang aksiyon. Halimbawa nito ang pagpapaliwanag sa
isang empleado kung bakit karapat-dapat sa kaniya ang iginawad na promosyon.
• Magbahagi ng impormasyon, katulad ng report sa isinagawang pananaliksik o promulgasyon ng mga bagong
posisyon sa kompanya. Halimbawa nito ang memo na naglalahad ng hindi mabuting dulot ng labis na paggamit
ng social media sa opisina.
• Maimpluwensiyahan ang sinumang tatanggap ng mensahe na gumawa ng aksiyon. Halimbawa, “Umaasa ang
unyon na isasaalang-alang ng pamunuan ang papel ng mga manggagawa sa pag-unlad ng kompanya at ibibigay
na ang dagdag-sahod na matagal nang ipinangako.”
• Pag-uutos sa tumatanggap ng mensahe. Halimbawa, “Kailangang matapos ng iyong pangkat ang report sa
susunod na linggo.” “Maghanda ka ng presentasyon dahil ikaw ang napagkasunduan naming humarap sa mga
kliyente.”
• Maghatidngmagagandao di-magagandang balita. Halimbawa nito ang balitang pagtaas ng kita ng kompanya,
pagganda ng reputasyon ng kompanya sa mga mamimili, pagtataas ng sahod at pagkakaloob ng dagdag na
benepisyo para sa mga manggagawa, pagsasanib ng dalawang organisasyon, pagkakaroon ng tanggalan sa
trabaho, pagyao ng isa sa mga pinuno ng kompanya, at iba pa.

Prinsipyo
Ang pagsulat sa konteksto ng trabaho ay isang sopistikadong gawain. Upang maging epektibo ang pagsulat
ng mga dokumentong pantrabaho, maaaring gawing gabay ang sumusunod:
1. Alamin kung bakit magsusulat at kung ano ang inaasahang resulta. Sinuman ang tatanggap ng isinula t—CEO
ng kompanya, sekretarya, mga kasamahang tagapamahala, o iba pang indibidwal o grupo sa labas ng
kompanya—siguraduhing malinaw sa kanila ang nais mangyari sa korespondensiya. Gawin ito nang may
paggalang.
2. Ang pagpapahayag ng malinaw na mensahe ang pangunahing layunin ng lahat ng komunikasyon, at sa
pagsulat para sa trabaho, ito ang magiging batayan kung nagtatagumpay o hindi sa layunin. Kung hindi
naipahayag nang malinaw ang mensahe, maaaring magdulot ito ng simpleng hindi pagkakaunawaan, o mas
malala, pagkawala ng kliyente o proyekto. Upang maiwasan ito, ipahayag ang intensiyon, magbigay ng mga
kinakailangang detalye, at hingin ang tumpak na tugon.
3. Gumamit ng mga simple at karaniwang salita. Iwasan ang mga jargon at mga teknikal na termino kung hindi
naman kailangan. Ngunit sikapin pa ring gawing tunog-propesyonal ang isinulat. Ibagay rin ang tono sa konteksto
ng komunikasyon. Nanghihikayat ka ba? Nagbibigay ka ba ng impormasyon? Nagpapaabot ka ba ng maganda o
masamang balita?
4. Gumamit ng maiikli at deklaratibong pahayag. Ang layunin ay magbigay o manghingi ng impormasyon, o
mang-impluwensiya o maimpluwensiyahan. Iwasan ang maliligoy na pangungusap.
5. Panatilihin ang propesyonal na tono sa lahat ng isusulat. Iwasan ang paggamit ng mga balbal o bulgar na salita,
tandang padamdam, text lingo, o mga impormal na panimulang pagbati. Kahit sa mga kaibigan sa trabaho,
kailangan pa ring panatilihin ang pormalidad ng korespondensiya.
Ebolusyon ng Pagsulat para sa Trabaho

Nabanggit na sa introduksiyon ng modyul na ito ang mga pagbabagong naganap at kasalukuyang


nangyayari sa pagsulat ng mga dokumento para sa trabaho. Noon, halos dalawang dekada na ang nakararaan,
nakalimbag sa papel ang mga sulating ito (liham, sulat-kamay na tala, brochure, at iba pa), at ang mga ito, lalo
na ang mga opisyal na korespondensiya, ay konserbatibo.

Ngunit sa pag-usbong ng Internet, nagkaroon ng malaking transpormasyon sa paraan ng komunikasyon,


partikular sa mga organisasyon o kompanya. Nagkaroon ng mga pagbabago sa pananaw sa pasulat na salita.
Tinitingnan na ito ngayon bilang mahalagang bahagi ng ating araw-araw at propesyonal na buhay. Ngayon,
nananaliksik tayo gamit ang mga search engine,tumitingin at bumibili ng mga produkto at serbisyo sa mga online
na tindahan, ginagamit ang social media upang ipakilala ang mga produkto at serbisyo, nanghihikayat ng mga
kliyente gamit ang e-mail o text, nagpupulong sa pamamagitan ng teleconferencing, at marami pang iba.

Nagbago na rin ang gamit ng mga salita. Ang pormal na lengguwahe ngayon na ginagamit sa e-mail, blog,
cell phone, at maging sa mga pormal na website ng mga organisasyon ay iba sa pormal na lengguwaheng ginamit
noon. Ngayon, mas maikli at madaling maunawaan ang mensahe dahil sa paggamit ng mga simpleng salita at
hindi komplikadong pangungusap. Dahil sa mga pagbabagong ito, naging isang mahalagang kasanayan ang
pagsulat para sa trabaho. Masasabing mas marami nang oras ang iginugugol ng mga nagtatrabaho sa pagsulat
kompara noon (Taylor, 2013).

You might also like