You are on page 1of 18

8

Filipino
Ikalawang Markahan
Sariling Linangan Kit 1:
Pangunahin at Pantulong na
Kaisipan (Tula)
Filipino – 8
Ikalawang Markahan –Sariling Linangan Kit 1: Pangunahin at Pantulong na Kaisipan
Unang Edisyon, 2020

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring magkaroon ng
karapatang-sipi sa anomang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas. Gayonpaman, kailangan
muna ang pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng pamahalaan na naghanda ng akda kung
ito ay pagkakakitaan. Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan
ay ang pagtakda ng kaukulang bayad.

Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o brand
name, tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa SLK na ito ay
nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsumikapang matunton ang mga ito upang
makuha ang pahintulot sa paggamit ng materyales. Hindi inaangkin ng mga tagapaglathala
at mga may-akda ang karapatang-aring iyon. Ang anomang gamit maliban sa SLK na ito ay
kinakailangan ng pahintulot mula sa mga orihinal na may-akda ng mga ito.

Walang anomang parte ng materyales na ito ang maaaring kopyahin o ilimbag sa


anomang paraan nang walang pahintulot sa Kagawaran.

Inilathala ng Kagawaran ng Edukasyon – Rehiyon XI

Regional Director: Allan G. Farnazo


Assistant Regional Director: Maria Ines C. Asuncion

Bumuo ng Pagsulat ng Sariling Linangan Kit

Manunulat: Lyn Vincent J. Balatero, Emely L. Fajardo, Hope T. Quebec


Editor: Avelino T. Gapol
Tagasuri: Rene P. Sultan/ Avelino T. Gapol
Tagaguhit: Jemar D. Aliñabo/ Hareld O. Candari
Tagalapat: Wedzmer B. Munjilul
Tagagawa ng Template: Neil Edward D. Diaz
Tagapamahala:
Allan G. Farnazo Reynaldo M. Guillena
Mary Jeane B. Aldeguer Alma C. Cifra
Analiza C. Almazan Aris B. Juanillo
Ma. Cielo D. Estrada Mary Ann M. Jumuad
Mary Jane M. Mejorada Rene P. Sultan

Inilimbag sa Pilipinas ng ng Kagawaran ng Edukasyon XI


Department of Education-Division of Davao City

Office Address: Daang E. Quirino, Davao City


Telefax: 224-3274
E-mail Address: davaocity.division@deped.gov.ph
8

Filipino
Ikalawang Markahan
Sariling Linangan Kit 1:
Pangunahin at Pantulong na
Kaisipan (Tula)
Paunang Salita
Para sa tagapagdaloy:
Bilang tagapagdaloy, inaasahang bibigyan mo ng paunang
kaalaman ang mag-aaral kung paano gamitin ang Sariling Linangan
Kit na ito. Kinakailangan ding subaybayan at itala ang pag-unlad nila
habang hinahayaan silang pamahalaan ang kanilang sariling
pagkatuto. Bukod dito, inaasahan mula sa iyo na higit pang hikayatin
at gabayan ang mag-aaral habang isinasagawa ang mga gawaing
nakapaloob sa SLK.
Para sa mag-aaral:
Ang Sariling Linangan Kit na ito ay ginawa bilang tugon sa iyong
pangangailangan. Layunin nitong matulungan ka sa iyong pag-aaral
habang wala ka sa loob ng silid-aralan. Hangad din nitong madulutan
ka ng mga makabuluhang oportunidad sa pagkatuto.
Ang sumusunod ay mga paalala kung paano gagamitin ang SLK:
1. Gamitin ang SLK nang may pag-iingat. Huwag susulatan ang
bawat pahina nito. Gumamit ng ibang papel na maaaring
sulatan ng mga kasagutan mula sa iba’t ibang kasanayan.
2. Huwag kalimutang sagutan and Subukin Natin bago dumako sa
susunod na gawain.
3. Basahin at unawaing mabuti ang mga panuto bago isagawa ang
mga gawain.
4. Inaasahan ang inyong katapatan at integridad sa pagsagawa,
pagsagot at pagwawasto ng mga gawain.
5. Tapusin muna ang kahingian ng bawat bahagi bago ka dumako
sa susunod na gawain.
6. Isauli/ Ipasa ang SLK sa inyong guro o tagapagdaloy pagkatapos
ng mga gawain.
Kung may mga bahagi ng SLK na ito na nahihirapan ka sa
pagsagot, huwag mag-atubiling komunsulta sa inyong guro o
tagapagdaloy. Tandaan na hindi ka nag-iisa sa gawaing ito. Inaasahan
namin na sa pamamagitan ng SLK na ito, ay mararanasan mo ang
isang makabuluhan, masining at malalim na pagkatuto at pag-unawa
sa mga kasanayang pampagkatuto. Kaya mo yan!

1
Alamin Natin
Pagkatapos mong pag-aralan ang araling ito, inaasahang
matatamo ang kasanayang pampagkatuto na:

1. Napipili ang mga pangunahin at pantulong na kaisipang nakasaad sa


binasa.

Subukin Natin

Panuto: Suriin kung ang sumusunod na pahayag ay tumutukoy sa


kahulugan ng pangunahin o pantulong na kaisipan. Isulat ang titik A kung
ito ay natutungkol sa pangunahing kaisipan at B kung ito ay tumutukoy sa
pantulong na kaisipan. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.

___ 1. Tumutukoy ito sa isang malaking kaisipan o ideya na makikita sa


isang seleksiyon.
___ 2. Ang pangungusap na sinasaad nito ay tinatawag ding pamaksang
pangungusap.
___ 3. Isa itong paglalahat na nagbubuod sa mensahe ng seleksiyon.
___ 4. Maaaring nasa unahan o kaya ay nasa huling bahagi ito makikita.
___ 5. Ito ay karagdagang detalye upang maging malinaw ang mensahe ng
akda.

Aralin Natin
Basahin at unawain ang tula.

BAYANI NG BUKID
Al Q. Perez

2
Ako’y magsasakang bayani ng bukid
Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.

Ang kaibigan ko ay si Kalakian


Laging nakahanda maging araw-araw
Sa pag-aararo at sa paglilinang
Upang maihanda ang lupang mayaman.

Ang haring araw di pa sumisikat


Ako’y pupunta na sa napakalawak
Na aking bukiring laging nasa hagap
At tanging pag-asa ng taong masipag.

Sa aking lupain doon nagmumula


Lahat ng pagkain nitong aking bansa
Ang lahat ng tao, mayaman o dukha
Sila’y umaasa sa pawis ko’t gawa.

Sa aking paggawa ang tangi kong hangad


ang ani’y dumami na para sa lahat
Kapag ang balana’y may pagkaing tiyak
Umaasa akong puso’y magagalak.

At pagmasdan ninyo ang aking bakuran


Inyong makikita ang mga halaman
Dito nagmumula masarap na gulay
Paunang pampalakas sa ating katawan.

Sa aming paligid mamamalas pa rin


Ang alagang hayop katulad ng kambing
Baboy, manok, pato’t alay ay pagkain
Nagdudulot lakas sa sariling atin.

Ako’y gumagawa sa bawat panahon


Nasa aking puso ang taos na layon
Na sa bawat tao, ako’y makatulong
At nang mabawasan ang pagkakagutom.

3
Ako’y magsasakang, bayani ng bukid
Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.

Pinagyamang Pluma, Ang Bagong Baitang 8 ph. 153-154

Panuto: Sagutin ang sumusunod. Isulat lamang ang titik ng tamang sagot
sa iyong sagutang papel.

1. Sino ang nagsasalita sa tula batay sa saknong na:


“Ako’y magsasakang bayani ng bukid
Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.”

A. magsasaka C. makata
B. bayani D. manggagawa

2. Alin sa sumusunod ang kaisipan na ipinahahayag ng tulang “Bayani


sa Bukid”?
A. Ang paghihimutok ng isang magsasaka sa hindi pagpapahalaga sa
kanila sa sektor ng ekonomiya.
B. Ang mga hinaing ng magsasakasa sa kanilang mga hirap,
sakripisyo at pag-aaruga sa kanilang taniman sa bukid.
C. Ang pagpapamalas ng kasipagan at tiyaga ng mga magsasaka
bilang panawagan sa lahat upang sila ay pahalagahan.
D. Ang dedikasyon at pagmamahal ng isang magsasaka ay hindi
lamang para sa personal na interes kundi para sa ikabubuti ng
karamihan.

3. Bakit itinuturing na bayani ng bukid ang mga magsasaka?


A. Sapagkat nais nilang mamatay sa bukirin na kanilang sinasaka.
B. Sapagkat handa silang mamatay para sa lupang kanilang
sinasaka.
C. Sapagkat ipinaglalaban nila ang karapatan ng mga Pilipino sa
lupain ng Pilipinas.
D. Sapagkat sila ay nagsasakripisyo para sa pangangailangan ng
pagkain ng bawat mamamayan.

4
4. Sino si Kalakian mula sa saknong na
Ang kaibigan ko ay si Kalakian
Laging nakahanda maging araw-araw
Sa pag-aararo at sa paglilinang
Upang maihanda ang lupang mayaman.?

A. alagang aso C. kapwa magsasaka


B. alagang kalabaw D. kasamahan sa bukid

5. Ano ang layunin ng magsasaka ayon sa saknong na


Ako’y gumagawa sa bawat panahon
Nasa aking puso ang taos na layon
Na sa bawat tao, ako’y makatulong
At nang mabawasan ang pagkakagutom.?

A. makatulong na mabawasan ang kagutuman ng mayayaman


B. makahatid ng masustansiyang pagkain sa bawat pamilya
C. magtrabaho sa bukirin upang mapasaya ang kaniyang puso
D. makatulong sa bawat tao na maibsan ang pagkakagutom

Ngayon naman ay pag-aaralan mo ang tungkol sa pangunahin at


pantulong na detalye o kaisipan. Ito ang pagtutuonan natin ng pansin sa
araling ito na makatutulong sa iyo upang higit mong maunawaan ang
binasang tula.

PANGUNAHIN at PANTULONG NA KAISIPAN

Pangunahing Kaisipan
Ang pagtukoy ng pangunahing kaisipan ay isang kasanayan sa
pagbasa na kailangang malinang sa iyo bilang mag-aaral. Tumutukoy ito
sa isang malaking kaisipan o ideya na makikita sa isang seleksiyon na
maaaring matagpuan sa unahan o hulihan ng akdang binasa. Ang
pangungusap na nagsasaad ng pangunahing kaisipan ay tinatawag ding
pamaksang pangungusap. Isa itong paglalahat na nagbubuod sa mensahe
ng seleksiyon.

Pantulong na Kaisipan
Ang pantulong na kaisipan ay sumusuporta sa ideya ng
pangunahing kaisipan. Nagbibigay ito ng karagdagang detalye sa
pagtalakay ng pangunahing kaisipan upang maging malinaw ito.

Kalinangan 7, Binagong Edisyon, ph.237

5
Ang tulang binasa ay kinapalooban ng pangunahin at pantulong na
kaisipan. Ibig sabihin may sentrong ideya na siyang pinag-uusapan o
tinutukoy sa tula. Sa pangunahing kaisipan nakabatay ang lahat ng mga
detalye sa akda. Maaaring nasa unahan ng tula o kaya ay nasa huling
bahagi nito makikita ang nasabing kaisipan.

Ngayon, ano ang kaisipan ang tinutukoy sa iba pang mga linya
mayroon ang tula? Maaari mo bang matukoy kung saan nakasentro ang
ating tula na pinamagatang, “Bayani ng Bukid?”

Isusunod naman natin ngayon ang pagtukoy sa pantulong na


kaisipan. Siya namang sumusuporta sa ating pangunahing kaisipan. Siya
ang nagsasalaysay o nagsasabi ng mga bagay-bagay tungkol sa ating
pinakapaksang inilahad sa tula. Matukoy mo ba kung ano-ano ang mga ito?
Isa-isahin mo ang mga ito.

Sa kabuoan, ang tula na binasa mo ay nagtataglay ng dalawang


kaisipan.

Una, ang puno o ang pangunahing kaisipan na siya ang


pinakapaksang pinag-uusapan. Ang ikalawa ay ang pantulong na
naglalahad ng mga ideya o nagsasabi tungkol sa paksa. Ang dalawa ay
parehong nagtataglay ng mahalagang papel sa anumang akda. Sa talata
man o saknong ang dalawa ay mahalagang gampanin nang magiging buo at
tumpak ang ideya na ihahatid ng isang sulatin. Maliwanag na ba sa iyo ang
mga bagay na ito? Naintindihan mo na ba ang tungkol sa pangunahin at
pantulong na kaisipan?
May pagsasanay na ibibigay sa iyo nang sa gayon ay mapagtibay ang
iyong pang-unawa at mga kasanayan sa paksa. Handa ka na ba para sa
mga gawain?

6
Gawin Natin

Panuto: Mula sa tulang “Bayani ng Bukid”, suriin at piliin kung alin


sa sumusunod ang pangunahin at mga pantulong na kaisipan na nasa loob
ng kahon. Sagutin ang graphic organizer sa ibaba at isulat ang sagot sa
iyong sagutang papel. (1 puntos bawat bilang)

• Ang mga magsasaka ay hindi natatakot kahit na sa lamig.


• Kaibigan ng mga magsasaka ang kalabaw.
• Maraming tao ang umaasa sa mga magsasaka.
• Ang mga magsasaka ay tunay na mga bayani ng ating bansa.
• Hangad ng mga magsasaka na mababawasan ang pagkagutom ng
lahat.

Pangunahing Kaisipan

Pantulong na Kaisipan Pantulong na Kaisipan Pantulong na Kaisipan Pantulong na Kaisipan

7
Sanayin Natin

Panuto: Suriin ang tula at sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong


sagutang papel.

Kung ang Tao ay Isinilang Upang Maging Tao Lamang


Emelita Perez Baes

1 Kung ang tao’y isinilang


upang maging tao lamang. . .
Mabuti pang ako’y naging ibon na lamang
na lilipad-lipad sa lawak ng kalangitan;

2 O nanaisin ko pang ako’y naging isang bulaklak


na maaaring pitasin sa mabangong halamanan;
O kaya’y naging isang punong may malagong
mga daho’t sangang malalabay;
Dili kaya’y isang kalabaw sa gitna ng kabukirang
napag-aanihan ng ginintuang palay;

3 Sapagkat sa pagiging ibon, bulaklak, puno o kalabaw


ay nakatitiyak akong may halaga ang aking buhay;
Na ako ay may kabuluhan!

4 Tulad ng isang isinilang


upang magpakatao at di maging tao lamang!

Pinagyamang Pluma, Ang Bagong Baitang 8 ph.169

1. Ano ang pangunahing kaisipan ng tula?


A. Mahirap magpakatao sa mundong ito.
B. Ayaw ng tao na siya ay isilang sa mundo.
C. May halaga ang buhay kapag isinilang ang isang tao na may
kabuluhan.
D. Mas mainam na mabuhay sa mundo na maging hayop kaysa maging
tao.

2. Sa anong mga bilang ng saknong mababasa ang dahilan kung bakit mas
gugustuhin pa niyang maging ibon, bulaklak, puno, o kalabaw kaysa
maging tao?
A. 1 at 2 B. 2 at 3 C. 1 at 3 D. 3 at 4

8
3. Alin sa sumusunod ang kahulugan ng nasa saknong bilang 4 sa tula?
A. Ang tao ay isinilang sa mundo upang maging tao.
B. Ang pagiging tao ay nangangahulugan ng mabuting pakikisama sa
kapwa tao.
C. Ang tao ay siyang panginoon at tagapangalaga ng mga halaman at
hayop.
D. Ang pagiging tao ay may kaakibat na tamang pag-uugali at
responsibilidad sa kaniyang sarili, pamilya, lipunan, at Diyos.

4. Sa anong mga bilang ng saknong mababasa ang pangunahing kaisipan


ng tula?
A. 1, 3, 4 B. 2, 3, 4 C. 1, 2, 4 D. 1, 2, 3

5. Alin sa sumusunod na sitwasyon ang kahulugan ng pagiging tao ayon sa


saknong bilang 4?
A. Si Dandy ay isinilang sa mundo kaya’t siya’y isang tao.
B. Si Maria ay gumagawa ng kaniyang mga gawain bilang tao.
C. Si Anna ay may mabuting pakikisama sa kaniyang kapwa tao.
D. Si Juan ay kumikilos at nag-iisip bilang tao at gumagawa ng kaniyang
mga nararapat na responsibilidad sa kaniyang kapwa tao at
kapaligiran.

Tandaan Natin

Maituturing na pinakamatandang sining ang tula sa kulturang


Pilipino. Tula ang pinagmulan ng iba pang mga sining tulad ng sining ng
awit, sayaw, at dula. Batay sa kasaysayan, ang mga unang Pilipino ay may
likas na kakayahang magpahayag ng kanilang kaisipan sa pamamagitan ng
mga salitang naiayos sa isang maanyong paraan na kinakitaan ng sukat at
tugma. Ang pagkadiwang makata ay likas sa ating mga ninuno. Ayon kay
Abadilla, “Bawat kibot ng kanilang bibig ay may ibig sabihin at may
katuturan.” Sa madaling salita, bawat sambit nila ay matalinghaga at
makatuturan. Ito ang ipinalalagay na pangunahing dahilan kung bakit
nabuo ang tinatawag natin ngayong mga kasabihan, kawikaan, at
salawikain na nakasulat sa anyong patula.
Isang katangian ng mahusay na mambabasa ay ang pagtukoy sa
pangunahing kaisipan ng binabasa. Ang pangunahing kaisipan ay
tumutukoy sa diwa ng buong binabasa. Ang pantulong na kaisipan naman
ang tumutulong upang mas mapalitaw ang pangunahing kaisipan. Dahil sa
mga pantulong na kaisipan ay mas nauunawaan ng mambabasa ang diwa
na nais iparating ng binabasa.
9
Suriin Natin

Panuto: Basahin ang tula sa loob ng kahon at suriin ang pangunahin at


pantulong na kaisipang nakasaad sa binasa. Isulat ang salitang
PANGUNAHIN at PANTULONG sa iyong sagutang papel.

Para sa bilang 1-5.

Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha


Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,


Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan;
Katulad mo ay si Huli, na aliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!

Sipi mula sa tulang Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan ni Amado V.
Hernandez, Baybayin, Paglalayag sa Wika at Panitikan, ph. 134-136

_____1. Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha


Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:

_____2. Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,


Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,

_____3. Katulad mo ay si Huli, na aliping bayad-utang,


Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;

_____4. Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,


Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,

_____5. Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,


Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!

10
Para sa bilang 6-10.

Ang paglilider mo’y namumukod-tangi


pulos halimbawa’t walang talumpati;
iyong inaakay ang buo mong lahi
sa paghihimagsik na may ibang uri.

Wala kayong armas na gamit sa laban


kundi boykoteo ng dayong kalakal;
kung wala nang damo’y lilipad ang balang,
kung wala nang ginto’y lalayas ang dayuhan!

Ika’y pasimuno sa ulirang gawa,


unang tumutupad sa sinasalita;
naghubad ng telang londres nilikha,
naghabi ng kaniya at nagbuhay-dukha.
Sipi mula sa tulang Mahatma Gandhi ni Amado V. Hernandez
Pluma II, Ikalawang Edisyon, ph. 288

_____6. Wala kayong armas na gamit sa laban


kundi boykoteo ng dayong kalakal;

_____7. Ika’y pasimuno sa ulirang gawa,


unang tumutupad sa sinasalita;

_____8. Ang paglilider mo’y namumukod-tangi


pulos halimbawa’t walang talumpati;

_____9. kung wala nang damo’y lilipad ang balang,


kung wala nang ginto’y lalayas ang dayuhan!

_____10. naghubad ng telang londres nilikha,


naghabi ng kaniya at nagbuhay-dukha.

11
Payabungin Natin
Panuto: Suriin at tukuyin ang pangunahing kaisipan at magbigay ng isang
pantulong na kaisipan mula sa tula na “Noon at Ngayon” na nasa ibaba.
Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.

Noon at Ngayon
Kuwento ni Inay Higit na mabait
Noong sila’y bata pa Mga bata noon?
Tingin lang ni lola Mas malaya naman
Sila’y tumatahimik na Mga bata ngayon?
Respeto sa magulang
Kitang-kita sa kanila.

Ngayon daw ay iba na Bakit nag-iba?


Ugali ng mga bata Dahil ba sa panahon?
Pagsabihan mo’t sawayin Ang sagot diyan?
Sisimangutan ka na Ikaw ang tumugon.
Iba’y magdadabog pa
Paggalang ba’y wala na?
Pinagyamang Pluma, Ang Bagong Baitang 8 ph.20

Pangunahing Kaisipan (3 puntos)


__________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________

Pantulong na Kaisipan (2 puntos)


__________________________________________________________________________________
__________________________________________________________________________________

Pagnilayan Natin
Panuto: Sumulat ng isang talata na may 4-7 na pangungusap hinggil sa
anomang paksa na iyong gusto. Salungguhitan ang pangunahing kaisipan
at ilahad nang maayos ang mga pantulong na kaisipan upang makabuo ng
malinaw at lohikal na talata.
Pamantayan:
Nilalaman (pangunahin at pantulong na kaisipan) 10 puntos
Kaisahan ng mga pangungusap 5 puntos
Wastong gramatika 5 puntos
Kabuoan 20 puntos

12
13
Pagnilayan Payabungin Natin Suriin Natin Sanayin
Natin Natin
Pangunahing
Gawing Kaisipan 1. Pangunahin 1. C
batayan sa (3 puntos) 2. Pantulong
pagmamarka -Pagkakaiba ng ugali ng 3. Pantulong 2. D
ang inilahad mga bata noon at 4. Pantulong
ngayon. 3. D
na rubrics 5. Pantulong
sa Pantulong na
4. A
pagtataya. Kaisipan 6. Pantulong
(2 puntos) 7. Pantulong 5. D
-Respeto sa mga 8. Pangunahin
magulang ay kitang-kita
9. Pantulong
noon pero sa ngayon
ang paggalang ay wala 10. Pantulong
na.
-Mabait ang mga bata
noon samantalang
malaya ang mga bata
ngayon.
Gawin Natin (1 puntos bawat tamang sagot) Aralin Subukin
Natin Natin
Pangunahing Kaisipan
Ang mga magsasaka ay tunay na mga 1. A 1. A
bayani ng ating bansa.
2. D 2. A
Pantulong na Kaisipan
3. D 3. A
(Puwedeng magkabaliktad ang mga sagot.)
4. B 4. A
• Ang mga magsasaka ay hindi
natatakot kahit na sa lamig. 5. D 5. B
• Kaibigan ng mga magsasaka ang
kalabaw.
• Maraming tao ang umaasa sa mga
magsasaka.
• Hangad ng mga magsasaka na
mababawasan ang pagkagutom ng
lahat.
Susi sa Pagwawasto
Sanggunian

Julian, Ailene Baisa, Lontoc, Nestor S. Pluma II, Ikalawang Edisyon


Phoenix Publishing House, Inc. 927 Quezon Ave., Quezon City, 2009.

Julian, Ailene Baisa, Del Rosario, Mary Grace G., Lontoc, Nestor S.
Pinagyamang Pluma, Ang Bagong Baitang 8 Phoenix Publishing
House, Inc. 927 Quezon Ave., Quezon City, 2015.

Guimarie, Aida M. Kalinangan 7, Binagong Edisyon Rex Book Store, Inc.


(RBSI) 856 Nicanor Reyes Sr. St., Sampaloc Manila, 2015.

Infantado, Remedios. Baybayin, Paglalayag sa Wika at Panitikan,


Binagong Edisyon 8, Rex Book Store, Inc., Nicanor Reyes Sr. St., C.M.
Recto Avenue, Manila, Philippines, 2018.

14
Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa:
Department of Education – Region XI Davao City Division

DepEd Davao City, Elpidio Quirino Ave., Davao City

Telefax: 224-3274

Email Address: davaocity.division@deped.gov.ph


15

You might also like