You are on page 1of 2

Posisyong Papel ng Tanggol Wika sa Anti-Terrorism Bill

Hunyo 6, 2020

Ipinapahayag ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA)


ang nagkakaisang paninindigan para sa agarang pagbabasura ng Anti-Terrorism Bill, sa
pamamagitan ng posisyong papel na ito. Nakabatay ang nasabing paninindigan sa mga
sumusunod na pangunahing punto:

UNA, sa panahon ng pandemya, pangangalaga sa kalusugan at kabuhayan ng


sambayanan ang dapat na bigyang-prayoridad ng gobyerno, lalo na at 15,150 pang Pilipino ang
kasalukuyang nagpapagaling sa COVID-19 (as of June 4, 2020) at inaasahang aabot na sa 10
milyong manggagawang Pilipino ang mawawalan ng trabaho sa taong ito dahil sa impact ng
pandemya, ayon mismo sa pagtataya ng Department of Labor and Employment.

IKALAWA, walang sapat na proteksiyon laban sa mga abusado ang panukalang batas
kontra-terorismo dahil inaalis na nito ang probisyon sa lumang batas na nagtatakda ng 500,000
piso kada araw na kompensasyon o bayaring danyos sa sinumang ikulong sa paratang na
terorismo, na mapatunayang walang sala.

IKATLO, sa esensiya ay pagbaligtad sa kinikilalang unibersal na prinsipyong legal na ang


lahat ay inosente hanggang mapatunayang maysala, ang kabuuan ng Anti-Terrorism Bill na
nagbibigay-kapangyarihan sa mga awtoridad na ipagbawal at ideklarang terorista ang isang
grupo o indibidwal kahit wala pang pagdinig o hearing.

IKAAPAT, sa konteksto ng 6,600 tokhang/ekstrahudisyal na pamamaslang (mula 2016-


2019 sa opisyal na estadistika) at sa serye ng mga dokumentadong malalalang paglabag ng mga
awtoridad sa karapatang pantao mula noon hanggang ngayon – gaya sa kaso ng maling bintang
ng “rebelyon at iba pang krimen” kay Amado V. Hernandez, manunulat, lider-manggagawa at
malao’y Pambansang Alagad ng Sining, na ikinulong ng 6 na taon bago napawalang-sala (detalye
sa desisyon ng Korte Suprema noong May 30, 1964 sa G.R. No. L-6025), pagdukot, ilegal na
pagkulong, at pagtortyur kina Raymond Manalo at Reynaldo Manalo (detalye sa desisyon ng
Korte Suprema noong October 7, 2008 sa G.R. No. 180906), pagdukot at ilegal na pagkulong
kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño (detalye sa hatol ng Malolos Regional Trial Court Branch
15 noong September 17, 2018), napatunayang maling bintang ng terorismo kay Edgar Candule
na halos 8 buwang ikinulong bago napawalang-sala (detalye sa report ng midya at sa ulat ng
Asian Legal Resource Center sa United Nations Committee Against Torture noong 2009), 11
buwan ilegal na pagkulong kay Rolly Panesa (detalye sa hatol ng Special 13th Division ng Court
of Appeals noong July 5, 2019, sa Case No. SP – 157740), at pagpaslang kay Kian de los Santos
(detalye sa hatol ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 125 noong November 29, 2018)
– malinaw na ang anumang karagdagang paghihigpit sa batas kontra-terorismo ay maaaring
gamitin pa sa pagsikil sa karapatan ng mga mamamayan.

IKALIMA, gaya ng ipinapahayag at idinedetalye sa Report of the United Nations High


Commissioner for Human Rights on the situation of human rights in the Philippines na inilabas
noong June 4, 2020, lalo pang lumala at dumami ang paglabag sa karapatang pantao sa bansa
sa mga nakaraang taon at buwan, kabilang na ang maraming kaso ng pananakot, pagbabanta,
at mali at mapanganib na pagbansag na “komunista” o “terorista” sa mga organisasyong legal
at/o mga aktibista – bagay na lalo lamang lalala kung maisabatas ang mas mapanikil na Anti-
Terrorism Bill na wala nang pagsasaalang-alang kahit sa minimum na due process na karaniwan
sa mga bansang nagsasabing sila’y demokratiko.

IKAANIM, sa panitikan man o sa totoong buhay, hindi magkakaroon ng mga Simoun at


Matanglawin kung walang mga inhustisya, kung walang nang-aapi at nagsasamantala.

IKAPITO, pinatunayan na sa karanasan ng maraming bansa na hindi kamay na bakal


kundi mapagkalinga at makatarungang pagsasaalang-alang sa karapatan at kapakanan ng mga
mamamayan ang tanging mabisang panlaban sa mga ugat ng terorismo – mga dakilang adhikang
sinasandigan at maituturing ngang panulukang bato ng ating republika, sa konteksto ng
Konstitusyong 1987 na, sa kabila ng ilang limitasyon, ay maituturing pa rin na isa sa mga
konstitusyong pinakamalawak at pinakamalalim ang pagpapahalaga sa karapatang sibil,
karapatang pantao, at konsepto ng katarungang panlipunan.

Sa ganitong diwa, binibigyang-diin ng TANGGOL WIKA ang marubdob na paninindigan


para sa agarang pagbabasura ng Anti-Terrorism Bill.

MGA SANGGUNIAN:
https://tanggolwika.org/2020/06/06/posisyong-papel-ng-tanggol-wika-sa-anti-terrorism-bill/
https://www.facebook.com/UPCESC/posts/opisyal-na-posisyong-papel-ukol-sa-buhay-
akademiko-sa-gitna-ng-covid-19-outbreak/3017826398260296/
Opisyal na Posisyong Papel ng UP College of Education Student Council Ukol sa Buhay
Akademiko sa Gitna ng COVID-19 Outbreak
Abril 12, 2020

Walang kahit anumang krisis o sakuna ang makapagpapabago sa tindig ng


Konseho ng Mag-aaral ng Kolehiyo ng Edukasyon na ang dekalidad, aksesible, at
makabayang edukasyon ay karapatan ng bawat Iskolar ng Bayan at mamamayang
Pilipino. Ngunit sa panahong kumakaharap ang buong bayan ng isang pandemiya,
naniniwala ang Konseho na ang kalusugan muna ang kagyat na dapat pagtuonan ng
pansin ng bawat mamamayan.
Buhat ng mga mas lumalang epekto ng COVID-19 outbreak sa iba’t ibang sektor
ng lipunan, umaalingawngaw sa sektor ng mga estudyante ang mga panawagan at
hinaing ukol sa pagdaraos ng mga natitirang araw ng kasalukuyang semestre. Una na
rito ay ang pagsasagawa ng mga online classes, kung saan naniniwala ang Konseho na
ito ay isang pagsasawalang-bahala sa kalagayan ng karamihan sa mga mag-aaral na
walang device o internet connection upang makapagpatuloy sa klase. Kabila pa ito sa
mga isyu sa mental health na kinakaharap ng mga estudyante sa gitna ng quarantine, at
ang ekonomikong paghihirap na maaari nilang kaharapin sa mga buwan na
magpapatuloy ang quarantine. Hanggang sa kasalukuyan, naniniwala ang Konseho na
ang pagsasagawa ng online classes ay nararapat lamang na hindi ipagpatuloy, lalo pa’t
nasa gitna ng isang krisis pangkalusugan ang bansa.
Batay sa anunsiyo ng Office of the Student Regent, magkakaroon ng pagpupulong
ang lahat ng Tsanselor ng bawat UP unit ukol sa mga usaping akademiko ngayong
semestre bukas, ika-13 ng Abril, bago ito pinal na pagdesisyunan ng Lupon ng mga
Rehente (BOR).
Kaugnay ng mga nasabi, narito ang mga alternatibo na nakikitang maaaring
solusyon ng Konseho at ang mga kaakibat na rekomendasyon upang tugunan ang mga
suliraning kinahaharap ng kasalukuyang semestre.

Babangon tayo! Lalaban tayo! Susulong tayo!

MGA SANGGUNIAN:
https://tanggolwika.org/2020/06/06/posisyong-papel-ng-tanggol-wika-sa-anti-terrorism-bill/
https://www.facebook.com/UPCESC/posts/opisyal-na-posisyong-papel-ukol-sa-buhay-
akademiko-sa-gitna-ng-covid-19-outbreak/3017826398260296/

You might also like