You are on page 1of 19

PANIMULANG KAALAMAN TUNGKOL SA ANTI-TERRORISM

BILL (ATB)

Panukalang Batas Blg. 1083 at 6875

Inihanda ng Anti-Terrorism Council (ATC) Secretariat at ATC-Program


Management Center (PMC)

Isinulat noong ika-11 ng Hunyo 2020

PANIMULA

Ang Anti-Terrorism Bill (ATB) ay panukalang batas na nagpapatibay sa


patakaran ng Bansa na pangalagaan ang buhay, kalayaan, at ari-arian ng
mamamayan laban sa terorismo. Ang mga karapatan at kalayaan ng
mamamayan na nakasaad sa Saligang Batas ay igagalang at ipagtatanggol sa
lahat ng oras ng pagpapatupad nito.

Layunin ng ATB na bigyan ng sapat na kapangyarihan at matibay na


batas ang bansang Pilipinas upang maisulong ang sistema ng hustisya at
upang mapaigting ang mga programa laban sa terorismo.

Kinakailangan ito dahil ang banta at pamamaraan ng terorismo ay


palihim at palaging nagbabago. Kailangan ang isang matibay na batas upang
mapanagot ang mga terorista, habang ginagalang ang karapatang pantao at
kalayaang sibil ng bawat indibidwal.

Ang mga gumawa, gagawa, o ang mga sumusuporta sa gawain ng mga


terorista ay isasakdal at papatawan ng karampatang parusa.

Ayon sa United Nations Security Council Resolution (UNSCR)1624, lahat


ng Bansang kaanib ay dapat gumawa ng mga kinakailangan at angkop na
hakbang alinsunod sa mga obligasyon nila sa batas pandaigdig. Kabilang dito
ang mga sumusunod:

(a) Paggawa ng batas na nagbabawal sa pag-uudyok ng gawaing


terorismo;

(b) Pagpigil sa mga gawaing terorismo; at

1
(c) Hindi pagkupkop ng kahit sino na napag-aalaman na may mabigat
at kapani-paniwalang dahilan upang sila ay ituring na may sala sa
gawaing terorismo.

Sa pagpapatibay ng ATB sa mga alituntuning panseguridad na ito, ang


Pilipinas ay makakatupad sa mga obligasyon nito sa batas pandaigdig. Ito rin
ay makakatulong sa pagpigil at pag-uusig sa mga terorista na nasa ating
bansa.

MGA MAHALAGANG BAHAGI NG ATB

1. Ayon sa Section 4 ng ATB, ang TERORISMO ay ang pagsasagawa ng mga


gawain na may layunin na: (a) makapatay o makapahamak nang kahit
sinong tao, o mailagay sa panganib ang buhay nito; (b) magdulot ng
matinding pinsala o pagkasira ng ari-arian o pasilidad ng gobyerno o ng
pribadong mamamayan, o sa pampublikong lugar; (c) makasagabal o
magdulot ng matinding pinsala, o pagkawasak ng mahalagang
imprastraktura; (d) bumuo, gumawa, magmay-ari, magkaroon, magdala
o magbyahe, magbigay, magbenta, o gumamit ng mga sandata, armas,
pampasabog, o ng mga sandatang biolohikal, nukleyar, radiolohikal, o
kemikal; o (e) pagpapakawala ng mapanganib na mga bagay o
materyales, o magdulot ng sunog, baha, o pagsabog.

Kinakailangan na ang layunin, katangian, at kontexto ng mga gawaing ito


ay upang takutin ang publiko o isang sektor nito; maghasik ng takot sa
sambayanan; udyukan o impluwensiyahan sa pamamagitan ng pananakot
ang pamahalaan o ang mga organisasyong internasyonal nito; sirain ang
mga istrukturang pampulitika, pang-ekonomiya, at pantao ng bansa; o
upang magdulot ng matinding panganib o ilagay sa panganib ang
kaligtasan ng publiko.

Upang maituring na terorismo, kailangan ay may dalawang elemento: ang


MARAHAS NA KILOS O GAWAIN, at MARAHAS NA LAYUNIN.

2. Nakasaad sa ATB na hindi ituturing na terorismo ang lehitimong


pagsagawa ng mga kilos na may kinalaman sa kalayaang magpahayag ng
saloobin at magsagawa ng mapayapang pagtitipon. Kasama na dito ang
pagsasagawa ng adbokasiya, protesta, pagtutol, malakihang pagkilos, at
iba pang mga gawaing katulad nito na hindi naglalayon na magdulot ng
matinding pinsala o pagkamatay ng tao, o upang mailagay sa panganib
ang buhay ng tao, o upang magkaroon ng banta sa kaligtasan ng publiko.

2
Ang pagganap ng mga lehetimong karapatan na nakapaloob sa saligang
batas ay HINDI KAILANMAN maituturing bilang gawaing terorista.

3. Kinikilala ng ATB na ang terorismo ay krimen na hindi lamang sa Pilipinas,


kundi sa buong daigdig. Dahil dito, nakalakip sa batas ang mga salitang
“sa loob o labas ng Pilipinas.”

Ibig sabihin nito, magkakaroon na ng sapat na batayan ang Pilipinas upang


litisin and mga terorista na pupunta sa bansa upang maghasik ng lagim o
karahasan.

4. Upang maiwasan ang terorismo, ang ATB ay nagpapapataw din ng


kaparusahan sa mga panimulang gawain para maisagawa ito, o gawain na
makakatulong sa pagbuo nito tulad ng:

o Pagpaplano, Pagsasanay, Paghahanda, at Pagtulong sa


Pagsasagawa ng isang Akto ng Terorismo;

o Pagtatangka o Pakikipagsabwatan upang Magsagawa ng Akto ng


Terorismo (Sec. 7);

o Pagmumungkahi na Magsagawa ng Akto ng Terorismo (Sec. 8);

o Pag-uudyok na Magsagawa ng Akto ng Terorismo (Sec. 9);

o Pangangalap ng bagong miyembro at pagsanib sa mga


Organisasyong Terorista (Sec. 10);

o Pagbibigay ng Suportang Materyal sa mga Terorista (Sec. 12); at

o Pagiging Kasabwat sa isang Akto ng Terorismo sa kahit anong


bahagi ng pagsasagawa nito (Sec. 14).

(Ang mga ito ay kailangang basahin kasama ng Section 2 at Section 4


ng ATB. Ang mga gawaing may adhikaing mapayapa at walang
karahasan tulad ng mga kilos protesta, rally, at mobilisasyon ay hindi
kasama rito.)

3
5. May probisyon ito na patungkol tungkol sa mga Banyagang Terorista. Sa
ATB, maiiwasan o mapipigilan na ang mga banyagang terorista na
magtatago o magpakupkop dito sa ating bansa.

Sa Human Security Act, walang batayan ang ating mga Korte sa mga
banyagang teroristang naghasik ng terorismo sa ibang bansa at pumunta
sa Pilipinas upang magtago. Hangga’t wala silang ginagawang labag sa
batas, sila protektado ng kasalukuyang HSA.

6. Tinatanggal ng ATB ang napakataas at di makatuwirang multa na


Php 500,000.00 bawat araw na ipinapataw sa maling pagkakakulong at
pag-freeze ng mga ari-arian. Ito ang pumipigil sa mga awtoridad sa
pagpursige ng mga kasong may kinalaman sa terorismo, kahit na may
hawak silang ebidensya.

Mananatili pa rin ang mga parusang kriminal at administratibo laban sa


mga opisyal na lalabag o aabuso nito. Maari silang patawan ng sampung
(10) taon na pagkakabilanggo, tanggalan ng benepisyo, at hindi na sila
maaring pumasok sa serbisyo publiko. Maari din silang singilin ng civil
indemnity, o bayad-parusa, alinsunod sa Seksyon 32 ng New Civil Code.

7. Dinagdagan nito ang Anti-Terrorism Council (ATC) ng dalawa pang


kasapi: una, ang Kalihim ng Department of Information and
Communication Technology (DICT); at pangalawa, ang Executive
Director ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Dinagdagan din nito ang mga ahensiyang magsisilbing katulong ng ATC.


Ilan sa mga ito ay ang Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region
in Muslim Mindanao (BARMM), at ang mga Kalihim ng Department of
Science and Technology (DOST), Department of Labor and Employment
(DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD),
Department of Education (DepEd), at ang Presidential Adviser for Peace,
Reunification and Unity (PAPRU, na dating kilala bilang PAPP). Sa
pamamagitan nito, magiging komprehensibo ang pagtalakay at pagkilos
kontra terorismo, at magkakaroon din ng dagdag pananggalang kontra
sa pag-abuso.

8. Sa ATB, dinagdagan lang ang panahon ng judicial authorization, o


pagpahintulot ng Korte, sa pagsagawa ng surveillance, o pagmamatyag/
pagbabantay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa terorismo. Mula sa
dating 30 araw (na maaring palawigin pa ng 30 pang araw), ito ay
magiging 60 araw (na maaring palawigin pa ng 30 araw).

4
Mananatili pa rin ang mahalagang pananggalang dito na kailangang
kumuha ng pahintulot mula sa Court of Appeals bago maisagawa ito.

Bilang dagdag proteksyon, maaring magsampa ng Writ of Habeas Data


ang kahit sinong indibidwal na maaring maapektuhan ng probisyon na
ito.

Ang mga alagad ng batas na lalabag sa mga ito ay maaring makulong ng


sampung (10) taon at matanggal sa serbisyo. Maari ring humingi ng
indemnity o bayad-parusa ang taong ilegal na minatyagan, alinsunod sa
Section 32 ng New Civil Code.

9. Sa ATB, dinagdagan ang araw ng preventive detention sa mga may


kinalaman sa terorismo batay sa pag-aresto ng walang warrant mula sa
dating tatlong (3) araw na magiging labing-apat (14) na araw. Ito ay
upang iwasan ang sitwasyong tulad ng nangyari noong 2013, kung saan
ang teroristang si Mohammed Reza Kiram ay inaresto sa Davao, ngunit
kinailangan siyang pakawalan ng mga awtoridad bago matapos ang
pinapayagang araw para sa preventive detention dahil sa kakulangan sa
ebidensya hinggil sa kanyang pagkasangkot sa terorismo. Noong Hunyo
ng 2016, nakita si Reza sa isang Daesh/ISIS video kung saan isa siya
sa mga pumugot ng ulo ng kanilang mga bihag.

Sa ATB, ang dagdag na araw kung kailan ang isang tao ay maaring
pansamantalang ipiit ay matuturing na katamtaman lamang. Kung
titingnan natin ang ibang bansa na nagsasagawa rin ng mga pagsususog
sa kanilang mga batas kontra terorismo, ang mga bansang Australia at
Sri Lanka ay nagmumungkahi rin ng 14 araw na preventive detention
na walang warrant. May mga bansang mas mahaba pa dito: sa
Bangladesh, 15 araw; sa Indonesia, 21 araw; sa Pakistan, 30 araw; sa
Malaysia, 59 araw; at sa Singapore, 730 araw.

Sa ATB, maaring magkaroon pa ng palugit na sampung (10) araw pa,


kung maipapaliwanag ng mga awtoridad kung bakit ito kailangan, at
kung sila ay sumusunod sa mga alituntuning nakasaad sa ATB.

Ang ibang bansa ay pumapayag din sa ganitong palugit. Sa Thailand,


ang kanilang preventive detention na walang warrant ay pitong (7)
araw, ngunit maari itong palawigin hanggang tatlumpung (30) araw. Sa
Indonesia, ang palugit ay hanggang 120 na araw. Sa Malaysia, ito ay
hanggang dalawang taon. Samantala, sa Maldives at Singapore, ang

5
pagpapalawig ay maaring indefinite, o walang binibigay na takda, para
sa mga taong pinaghihinalaan na banta sa pambansang seguridad.

May ilang kampo na kumukwestiyon sa bilang ng mga araw na ito sa


ilalim ng ATB. Ang dahilan nila ay ang nakasaad sa saligang batas na
pinakamatagal na ang tatlong (3) araw na dapat ang taong inaresto ay
sampahan na ng pormal na sakdal o dadalhin na sa judicial authorities,
o sa hudikatura. Ngunit ang patakarang ito ay kung suspendido ang Writ
of Habeas Corpus.

Walang sinususpinde ang ATB. Ang taong inaresto ay remedyong legal


sa ilalim ng kasalukuyang batas. Isa na rito ang pagsasampa ng Writ of
Habeas Corpus upang kuwestiyunin ang pagpiit sa kanya.

10. Ang ATB ay nagbibigay ng mga sumusunod na mga pananggalang upang


maiwasan ang pag-abuso sa pagpiit ng walang warrant ang mga
pinaghihinalaang terorista:

o Kailangang patunayan ng umaaresto ang mga sumusunod upang


magkaroon ng extension o palugit: (1) na kinakailangan ang
patuloy na pagpiit sa tao upang mapangalagaan ang ebidensiya
na may kinalaman sa gawaing terorismo o upang tapusin ang
imbestigasyon; (2) upang maiwasan ang isa pang gawaing
terorismo; at (3) na ang imbestigasyon ay isinasagawa ng maayos
at walang antala.

o Kailangang ipagbigay-alam ng nag aresto sa Hukom ng


pinakamalapit na Korte kung saan ginawa ang pag-aresto, AT
PATI SA Commission on Human Rights (CHR) at sa ATC. Ang
notice ay kailangang nagtataglay ng mga sumusunod: (a) ang
oras, petsa, at paraan ng pag-aresto; (b) ang mga kinalalagyang
lugar ng inarestong (mga) suspetsado; at (c) ang kalagayan ng
katawan at isipan ng mga ito.

o Dapat siguraduhin ng pinuno ng silid piitan na alam ng suspetsado


ang kanyang mga karapatan bilang isang detainee, Sisiguraduhin
din niya na ang nakapiit ay makakausap at mabibisita ng kanyang
abogado, o ng mga ahensiya na may kapangyarihang dalawin ang
mga silid piitan na ito ayon sa batas.

o Ang karampatang parusa na sampung (10) taong pagkakakulong


ay ipapataw sa mga tauhan ng pulis, militar, o iba pang alagad ng
6
batas na hindi makakapagbigay-alam sa Huwes ayon sa nakasaad
sa batas.

o Upang siguraduhin ang mabilis na paglitis at paglutas sa mga


kasong isasampa sa ilalim ng ATB, magtatalaga ng mga Regional
Trial Court bilang Anti-Terror Court, at pahihintulutan ang
videoconferencing upang ang mga taong sinampahan ng sakdal,
at pati na rin ang mga saksi, ay makakapagpakita at
makakatestigo.

11. Sa ATB, magkakaroon ng preliminary order of proscription, o paunang


kautusan ng proscription, mula sa Korte. Nakasaad dito na ang Court of
Appeals ay maaring maglabas ng preliminary order of proscription sa
loob ng 72 oras mula sa pagsumite ng aplikasyon para dito.

12. “PROSCRIPTION” ang tawag sa proseso kung saan tutukuyin ng


hukuman ang isang tao o grupo bilang terorista alinsunod sa batas. Ang
kapangyarihang ito ay hawak ng Court of Appeals.

Ang DESIGNATION ay isang EXECUTIVE ACT ng pagtukoy ng isang tao,


grupo, o asosasyon na gumawa, gagawa o nakipagsabwatan upang
magsasagawa ng gawaing terorismo. Hindi ito paraan upang ipagkait sa
tao ang kanyang buhay, kalayaan, o ari-arian ng walang kaukulang
proseso.

Ang designation ay magbibigay ng kakayahan sa ATC na ipaubaya sa


Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pagdesisyon kung dapat
bang i-freeze ang mga ari-arian ng tinutukoy na tao o grupo. Kailangan
magsumite ng aplikasyon sa AMLC upang i-freeze ang mga ari-arian ng
isang tukoy na grupo, o maari ding kusang gawin ito ng AMLC. Ito ay
katulad ng pagkakaroon ng immigration watchlist ng Department of
Justice, na iba pa sa hold departure order nito.

HINDI MAGIGING KRIMEN ang pagiging kasapi ng isang organisasyon,


maliban na lang kung ito ay mapapabilang sa Consolidated List of
Terrorists (Pinagsamang Listahan ng mga Terorista) ng UN Security
Council, o di kaya ay nakasaad sa constitution and by-laws ng samahan
na ito ay itinatag upang magsagawa ng terorismo.

Hindi rin awtomatiko ang pag-freeze ng assets. Ang designation na


nakasaad sa ATB ay sumusunod lang sa alituntuning nakasaad sa UN
Security Council Resolution (UNSCR) 1373.
7
13. Sa ATB, may proteksyon para sa mga kabilang sa Most Vulnerable
Groups tulad ng matatanda, buntis, maykapansanan, kabataan, atbp.
Walang nakasaad na ganito sa Human Security Act of 2007.

14. Binibigyan nito ng kapangyarihan ang Bureau of Corrections (BuCor) at


ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na gumawa ng
sistema ng pagkilatis at pagklasipika ng mga taong isinakdal dahil sa
pagsagawa ng terorismo o paghahanda para dito, ayon sa ATB. Kalakip
ng sistemang ito ang tamang pangangasiwa, pamamalakad, at gagawin
sa mga taong nakapiit dahil sa terorismo. Walang ganitong nakasaad sa
Human Security Act of 2007.

15. Ang kawang-gawang tulong ay hindi tinuturing na “material support”


para sa mga terorista. Kinikilala ng ATB na ang mga organisasyon tulad
ng International Committee of the Red Cross (ICRC), ang Philippine Red
Cross (PRC), at iba pang rehistradong organisasyon ay nagbibigay
lamang ng tulong sa mga tao.

Maliwanag na hindi saklaw ang mga organisasyong ito sa pag-uusig sa


pagbibigay ng material support sa mga terorista.

MGA KATANUNGAN TUNGKOL SA ATB

1. ANO ANG IBIG SABIHIN NG TERORISMO AYON SA ANTI-


TERRORISM BILL (ATB)? (Seksyon 4)

Ayon sa Seksyon 4 ng ATB, ang isang tao ay maaring panagutin


sa gawaing terorismo kung may dalawang kritikal na elemento:
(1) una, kung may GINAWA na ang layunin ay magdulot ng
kamatayan, kapahamakan, o pinsala/pagkawasak ng pribado o
pampublikong ari-arian o imprastrakturang kritikal; at
(2) pangalawa, kung ang LAYUNIN ng gawaing ito ay upang
takutin ang publiko o (isang sektor nito); maghasik ng takot sa
sambayanan; udyukan o impluwensiyahan ang pamahalaan o
ang mga organisasyong internasyonal nito; sirain ang mga
istrukturang pampulitika, pang-ekonomiya, at pantao ng bansa;
o upang magdulot ng matinding panganib sa kaligtasan ng
publiko.

8
Malinaw na nakasaad sa seksiyong ito na HINDI KASAMA dito
ang adbokasiya, pagprotesta, pagtutol, pagtigil sa trabaho, at
malawakang pagkilos na isinasagawa bilang pagpapahayag ng
karapatang sibil at politikal ng mga tao, at hindi upang pumatay
o magpahamak, o maglagay sa panganib ng tao, o upang
magsagawa ng banta sa kaligtasan ng publiko.

2. ITUTURING BA NA TERORISMO ANG PAGTUTOL,


PAGSALUNGAT, PAGPROTESTA, PAGRA-RALLY, AT
BANDALISMO? (Seksyon 4, na may kinalaman sa Seksyon 2)

HINDI. Hindi saklaw ng terorismo ang adbokasiya,


pagprotesta, pagtutol, pagtigil sa trabaho, pagsagawa ng
malawakang pagkilos, at iba pang pagpapahayag ng
karapatang sibil at political, na hindi naglalayon na magdulot
ng kamatayan o matinding panganib sa buhay ng isang tao, o
ilagay sa alanganin ang buhay ng tao o magsagawa ng
matinding banta sa pampublikong kaligtasan.

Ang Seksyon 2 at 4 ng ATB ay malinaw na pinangangalagaan


ang mga karapatang sibil, politikal, at karapatan pantao.
Inaatas nito na ang karapatang pantao ay ipagtatanggol sa
lahat ng pagkakataon.

3. ITUTURING BA AKONG TERORISTA KUNG AKO AY MAGPO-


POST NG DAMDAMING LABAN SA GOBYERNO SA FACEBOOK,
TWITTER, O IBA PANG SOCIAL MEDIA? (SEKSYON 4, ito rin
ang basehan ng sagot sa Q#1)

Hindi. Ang mga taong magpo-post o tweet ng kanilang


nararamdaman kontra sa pamahalaan sa social media, gaya
ng Facebook at Twitter, ay hindi ituturing na terorista.

Ang posts o tweets laban sa pamahalaan ay protektadong


pagpapahayag ng saloobin.

Upang maituring na terorismo ang isang gawain, ito ay dapat


nagtataglay ng dawalang elemento ng MARAHAS NA GAWAIN
at MARAHAS NA LAYUNIN (ayon sa katangian at kontexto
nito).

9
4. MAITUTURING BA NA PAG-UUDYOK SA TERORISMO KUNG
AKO AY MAGPO-POST O MAGPAPAHAYAG NG KONTRA SA
PAMAHALAAN, NA SIYANG MAGSISILBING “INSPIRASYON”
PARA SA MGA TERORISTA?

Hindi. Upang maituring na pag-uudyok sa terorismo, kailangan


na ang tao ay may layunin na gawin ito upang kumbinsihin ang
ibang tao na magsagawa ng mga MARAHAS NA GAWAIN na
may MARAHAS NA LAYUNIN (ayon sa katangian at kontexto
nito), alinsunod sa Seksyon 4 ng ATB.

5. SINO ANG MAGPAPASIYA KUNG SINO ANG ITUTURING NA


TERORISTA? (Seksyon 25 at 26)

Ang kapangyarihan ng pagtukoy kung sino ang ituturing na


terorista ay nakasalalay sa ating mga KORTE.

Ang REGIONAL TRIAL COURT ang magdidinig at


magdedesisyon sa mga kaso laban sa mga taong sangkot sa
terorismo alinsunod sa batas. Ang isang taong
mapapatunayang may sala sa krimen ng terorismo ay isang
terorista.

Ang COURT OF APPEALS ang may kapangyarihan na


mag- PROSCRIBE, o tumukoy na ang isang grupo, asosasyon,
or organisasyon ay TERORISTA. Ito ay ginagawa sa
pamamagitan ng proseso sa korte kung saan tungkulin ng
Estado ang magpakita ng malinaw, at walang
kadudadudang ebidensiya.

6. ANO ANG DESIGNATION? ANO ANG PROSCRIPTION?

Ang designation ay isang prosesong ehekutibo ng pagtukoy


ng isang tao, grupo, o asosasyon na gumawa, gagawa o
nakipagsabwatan upang magsasagawa ng gawaing terorismo
sa pamamagitan ng:

o Awtomatikong pag “adopt” sa consolidated sanction list


ng UN;

10
o Paghiling ng designation mula sa ibang bansa,
pagkatapos magpasya ng ATC na may sapat na basehan
ayon sa pamantayan ng UNSCR 1373; at
o Pagtiyak na may probable cause, o sapat na dahilan, na
ang isang tao o grupo ay nagsagawa, nagtangkang
magsagawa, o nakipagsabwatan upang magsagawa ng
terorismo alinsunod sa nakasaad sa ATB.

Ang Proscription ay isang proseso sa Korte kung saan ang isang


tao o grupo ay idedeklara bilang terorista.

Ang kapangyarihan na mag-PROSCRIBE ay hindi dapat ikalito


sa kapangyarihan na mag-DESIGNATE.

Ang pag-DESIGNATE ay isang ehekutibong proseso kung saan


ang tao, grupo, o organisasyong na-designate (tinatawag na
“designee”) ay ilalagay sa listahan na isusumite ng Anti-
Terrorism Council sa Anti-Money Laundering Council upang
imbestigahan. Ang pag-Designate ay hindi agad
nangangahulugan na ilegal na ang pangangalap ng kasapi o
pagiging kasapi ng organisasyong na-designate.

7. MAARI BANG MAGSAGAWA NG PAGMAMANMAN ANG ATC?


(SEKSYON 16)

HINDI. Ang ATC ay hindi maaring magmanman. Sa ilalim ng


ATB, may mahigpit na panuntunan bago maisagawa ito.
Kailangan muna ng pahintulot mula sa Court of Appeals, at
bago pa man ito, ang aplikasyon ay dapat mayroong pahintulot
mula sa ATC.

Maglalabas lang ang Court of Appeals ng pahintulot kapag


napatunayan na may probable cause na may mga gawaing
pinaparusahan sa ilalim ng ATB na naisagawa, isinasagawa, o
isasagawa; o kung ito ay makakatulong sa paglikom ng
kinakailangang ebidensiyang magpapatunay sa gawain ng
taong sinampahan ng reklamo upang masolusyunan, o
mapigilan, ang krimen na ito.

11
8. BAKIT DINAGDAGAN ANG BILANG NG ARAW NG
PAGBABANTAY O PAGMAMANMAN?

Dahil parating nagbabago at nagiging mas komplikado ang


mga paraang ginagamit ng mga terorista, kailangan ng
pamahalaan ng sapat na panahon upang matugunan ang
banta ng terorismo.

Ayon sa karanasan ng ating mga alagad ng batas, kulang ang


tatlumpung (30) araw sa pagtuklas, pagtukoy, pagdiskubre sa
mga sikretong mensahe, o sa pagbabantay at pag-iimbestiga
sa mga pinaghihinalaang organisasyong terorista dahil sila ay
may komplikadong sistema ng komunikasyon. Bukod pa rito,
kailangan din ng mas mahabang panahon upang
makipagtulungan sa ibang bansa dahil ang terorismo ay isang
problemang nakakaapekto rin sa ibang lugar.

9. MAGIGING GUILTY BA AKO SA PAGBIBIGAY NG SUPORTANG


MATERYAL SA MGA TERORISTA KAPAG AKO AY NAGBIGAY NG
DONASYON SA MGA NGO o PEOPLE’S ORGANIZATION (PO) NA
HINDI REHISTRADO SA SEC o CDA? (SEKSYON 12)

HINDI. Ayon sa Seksyon 12, ang isang tao ay hindi ituturing


na nagbibigay ng suportang materyal sa mga terorista kung
siya ay nagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga NGO o PO na
hindi rehistrado sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng
Securities and Exchange Commission (SEC), Cooperative
Development Authority (CDA), atbp.

Tanging ang mga taong nagbibigay ng suporta sa mga


organisasyong ALAM NILA na-PROSCRIBE bilang terorista, o
NA ALAM NILA na NAGSASAGAWA o NAGBABALAK na
magsagawa ng alin man sa mga gawaing terorismo na
nakasaad sa batas ay maitututring na may pananagutan sa
batas.

10. MAAARI BANG ARESTUHIN O IKULONG NG WALANG


WARRANT ANG PINAGHIHINALANG TERORISTA?
(SEKSYON 29)

12
OO. Alinsunod sa Rule 113, Section 5 ng Rules of Court,
maaring arestuhin o ipiit ng walang warrant ang
pinaghihinalaang terorista.

Ayon sa Rule 113, Section 5, ang pag-aresto ng walang


warrant: ay naaayon sa batas kung ito ay isasagawa ng isang
peace officer o isang pribadong indibidwal kapag:

a. Naroon siya habang ang taong aarestuhin ay nagsagawa,


nagsasagawa, o magsasagawa ng mga ipinagbabawal na
gawain;

b. Kakapangyari lang ng ipinagbabawal na gawain, at batay sa


kanyang sariling pagkakaalam sa mga kaganapan, siya ay
may sapat na dahilan upang paniwalaan na ang taong
kanyang aarestuhin ay siyang maygawa nito;

c. Ang taong aarestuhin ay isang bilanggo na tumakas mula sa


piitan, o mula sa isang lugar kung saan siya ay nahatulang
mamalagi, o mula sa isang lugar kung saan siya ay
pansamantalang nakakulong habang nililitis ang kanyang
kaso; o kung ang taong ito ay nakatakas habang siya ay
inililipat mula sa isang piitan patungo sa ibang silid piitan.

Alinsunod sa nakasaad sa ATB, kinakailangan na agad


magbigay ng notice of arrest sa pinakamalapit na korte kung
saan inaresto ang pinaghihinalaang terorista.

Bukod pa dito, kinakailangan din na ipaalam sa Commission


on Human Rights (CHR) ang isinagawang pag-aresto.

11. LABAG BA SA SALIGANG BATAS ANG LABING-APAT (14) NA


ARAW NA PAGKUKULONG/PAGPIPIIT SA
PINAGHIHINALAANG TERORISTA?

HINDI. Ang saligang batas ay hindi nagtatakda ng bilang ng


araw sa pagpipiit ng isang pinaghihinalaang terorista upang
pigilan sya sa pag-gawa ng terorismo.

Ang nakasaad sa saligang batas na kailangang sampahan ng


pormal na reklamo sa korte ang mga taong inaresto sa loob ng
tatlong (3) araw ay tumutukoy sa sitwasyong suspendido ang

13
Writ of Habeas Corpus kapag umiiral ang batas militar (martial
law).

Sa ordinaryong pagkakataon, at kahit na maisabatas ang ATB,


ang pribilehiyo o espesyal na karapatan ng Writ of Habeas
Corpus ay hindi suspendido. Kaya kahit sino ay maaring
magsampa nito, at maari din itong samahan pa ng Writ of
Amparo at iba pang remedyong legal.

Bukod pa rito, ang labing-apat (14) na araw ay kinakailangan


upang kaagarang maihihiwalay ang pinaghihinalaang terorista
sa mga kasamahan nito—ito ay mahalaga upang maiwasan ang
paghihiganti, pagsasagawa ng terorirsmo o ang pag-iwas ng
mga ito sa pagkakahuli o pagkakasakdal. At dahil ang
terorismo ay pandaigdigang suliranin, kailangan din
makipagtulungan sa ibang bansa para sa mga ganitong
pag-aresto. Kaya ang pangunang labing-apat (14) na araw ay
isang balanseng paraan upang labanan ang terorismo at
pangalagaan and ating mga institusyong demokratiko.

Mahalaga ring bigyang-diin na ang bilang ng araw ng pagpipiit


na nakasaad sa ATB ay mas maikli kumpara sa ibang bansa sa
Asya. Halimbawa, sa Thailand, maari itong tumagal ng
30 araw; sa Indonesia, hanggang 120 araw, at sa Malaysia,
hanggang 2 taon. Sa Singapore, umaabot ito ng 720 araw, at
maaring palawigin pa sa hindi masabing takdang haba ng
panahon.

12. ANO ANG MAARI KONG GAWIN KUNG AKO AY


PINAGHINALAANG TERORISTA AT IPINIIT?

Ang isang taong ipiniit ng ilegal ay maaring sumangguni agad


sa ABOGADO, sa COMMISSION ON HUMAN RIGHTS (CHR), at
sa HUKOM o HUWES ng pinakamalapit na korte.

Maaring magsampa kaagad ng PETITION FOR HABEAS


CORPUS. Maari ring magsampa ng iba pang mga remedyo
alinsunod sa Writ of Amparo.

Kapag napatunayang ilegal ang pag-aresto, ang biktima ng


illegal na pag-aresto ay maaring magsampa ng KASONG

14
KRIMINAL laban sa humuli sa kanya. Maaring MABILANGGO
ang alagad ng batas na nagsagawa ng pag-aresto.

Bukod pa sa kasong kriminal, maaring magsampa rin ng


KASONG ADMINISTRATIBO ang biktima ng maling pag-aresto.
Ayon sa Seksyon 15 ng ATB, ang parusa na maaring ipataw
dito ay ang pagkatanggal sa serbisyo ng nasabing alagad ng
batas, pagtanggal ng kanyang civil service eligibility,
pagtanggal ng kanyang retirement benefits, at hindi na siya
maaring tumakbo o humawak ng kahit anong posisyon sa
pamahalaan kailanman.

Sa ilalim ng Seksyon 32 ng CIVIL CODE, maari ring


makatanggap ng bayad-pinsala o CIVIL INDEMNITY ang
biktima ng maling pag-aresto. Ang korte ang magpapasiya ng
halaga nito.

13. SA ILALIM NG ATB, ANG ANTI-TERRORISM COUNCIL BA AY


MAGIGING MILITARY JUNTA NA MAY KAPANGYARIHANG
MAGDESISYON SA MGA KASO AT IPATUPAD ANG MGA ITO?

HINDI. Hindi ginawang military junta ng ATB ang


Anti-Terrorism Council. Sa katunayan, ang Anti-Terrorism
Council ay binibuo ng mga sibilyan na opisyal. Ito ay
pinamumunuan ng Executive Secretary, kasama ang National
Security Adviser bilang vice chair. Ang mga Sekretarya ng
Foreign Affairs, National Defense, Finance, Justice, Information
and Technology, at Executive Director ng AMLC Secretariat ay
ang mga miyembro nito.

Idinagdag lamang ng ATB ang Kalihim ng Department of


Information and Communications Technology (DICT) at ang
Executive Director ng Anti-Money Laundering Council (AMLC)
bilang bagong miyembro ng Council.

Bukod pa rito, binibigyan ng ATB ng mahalagang papel ang


iba’t ibang sibilyan na opisyal upang siguraduhin na magiging
malawak ang saklaw ng pamamaraan natin sa pagpigil at
paglaban sa terorismo. Ilan sa mga sibilyan na opisyal na ito
ay ang mga Kalihim ng Science and Technology,
Transportation, Labor and Employment, Education, Social

15
Welfare and Development, ang PAPRU, ang punong ministro ng
BARMM, ang National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of
Immigration (BI), ang Philippine Center on Transnational
Crimes (PCTC), Philippine National Police (PNP), Commission
on Higher Education (CHED) at ang National Commission on
Muslim Filipino (NCMF).

Walang nakasaad sa mga tungkulin at kapangyarihan nito na


maituturing na katulad ng judicial na kapangyarihan ng Korte
na maghukom at magpatupad ng hatol. Wala rin itong
kapangyarihang quasi-judicial, katulad ng pagsagawa ng
pagdinig o paglilitis ukol sa mga paglabag sa mga alituntunin,
at magdesisyon tungkol dito.

14. BINIBIGYAN BA NG ATB ANG AFP AT PNP NG DAGDAG-


KAPANGYARIHANG KAPANTAY NG KAPANGYARIHAN NG
ESTADO?

HINDI. Sa ilalim ng ATB, mananatiling ganun pa rin ang


kapangyarihan ng militar at kapulisan. Hindi sila maaring
kumilos sa labas ng kanilang mandato.

15. ANU-ANO ANG MGA PANANGGAGALANG NA NAKAPALOOB


SA ATB? (SEKSYON 31)

Ang mga sumusunod ang mga pananggalang na nakapaloob sa


ATB:

i. Ang mga karapatang sibil at politikal ay protektado sa


ilalim ng Seksyon 2 at 4.

ii. Ang mga karapatang kustodyal ay pinapangalagaan sa


ilalim ng Seksyon 30, 31, at 33.

iii. Ang Commission on Human Rights (CHR) ay inaatasang


bigyang prayoridad ang imbestigasyon at prosekusyon ng
mga paglabag sa karapatang sibil at politikal sa ilalim ng
Seksyon 42 ng ATB.

iv. Ang mga remedyong legal tulad ng PETITION FOR


HABEAS CORPUS ay maaring isampa kaagad. Ang iba

16
pang remedyong nakasaad sa Rules on the Writ of Amparo
ay maari ring gamitin.

v. KASONG KRIMINAL ang maaring isampa sa mga alagad


ng batas na lumabag sa mga patakaran. Maari silang
patawan ng hanggang sampung taon na PAGKABILANGGO
ayon sa Seksyon 15 ng ATB. Bukod pa rito, maari rin
silang sampahan ng KASONG ADMINISTRATIBO. Ito ay
maaring ikatanggal nila sa serbisyo, at maari rin silang
tanggalan ng civil service eligibility, retirement benefits,
at hindi na sila maaring tumakbo o humawak ng
pampublikong posisyon kailanman.

vi. Maari ring makatanggap ng BAYAD-PARUSA o CIVIL


INDEMNITY sa halagang itatakda ng Korte. Ito ay
nakasaad sa Section 32 ng CIVIL CODE.

vii. Ang pinakamabisang pananggalang laban sa pang-aabuso


ay nananatili pa rin sa mga kamay ng mga mamamayang
mapagmatyag, sa malayang media, at sa mga Korte.

16. ANONG MGA PAGBABAGO ANG NAKASAAD SA ATB UPANG


MAPIGILAN AT LABANAN ANG TERORISMO?

Ang mga sumusunod ay ang mga pagbabago na nakapaloob sa


ATB:

i. Ang mga gawaing terorista na labas ng bansa ay maari


nang usigin sa mga Korte sa loob ng Pilipinas;

ii. Magiging krimen na ang pangangalap ng miyembro, at


pagsanib sa mga organisasyong terorista;

iii. Ang mga banyagang terorista ay maari nang arestuhin at


kasuhan sa mga Korte ng Pilipinas; at

iv. Mas nabibigyang pansin ang mga sektor na likas na


mahina at nangangailangan ng karagdagang proteksyon
sa batas.

17
17. ANO AT SINO ANG MGA FOREIGN TERRORIST FIGHTERS
(FTFs)?

Sa UNSCR 2178, lahat ng bansa ay kinakailangang siguraduhin


na mayroon silang sapat na mga batas o patakaran sa pag-uusig
at pagpaparusa ng mga foreign terrorist fighters (FTFs), o mga
banyagang teroristang manlalaban.

Sa ilalim ng ATB, ang mga banyagang terorista ay maari nang


isakdal. Isa itong paraan upang pigilan ang mga banyagang
bumabyahe para suportahan ang mga terorista sa ibang lugar.
Dahil dito, maiiwasan na ang pagdating ng mga banyagang
nagtatago mula sa mga bansang may mahigpit na mga batas
laban sa terorismo.

18. BAKIT KAILANGANG IPASA NGAYON ANG PANUKALANG


BATAS NA ITO?

Ang ATB ay kinakailangan upang pigilan at kalabanin ang


terorismo, na isang palagian, tahimik, at mapanganib na banta
sa buong mundo.

Naging mahirap ito sa ilalim ng Human Security Act dahil na rin


sa (1) napakataas na multa na ipinataw sa mga alagad ng batas
dahil sa maling pag-aresto at pag-freeze ng mga ari-arian;
(2) kinakailangan pang maghintay na may gawing krimen ang
mga terorista; at (3) napakaikli ng panahon para sa
pagmanman at pag-piit sa mga terorista.

Mula nung isinabatas ang Human Security Act noong 2007,


humihiling na ang sektor ng seguridad para sa mga
kinakailangang pagbabago rito. Mula noong ika-17 na
Kongreso, ilang panukalang batas na ang isinumite para dito.
Pinagdebatehan na ito at tinalakay kasama ang iba’t ibang
organisasyong pangkarapatan. Nagkaroon na rin ng
oportunidad ang oposisyon upang siyasatin at aralin ito.

Bukod pa rito, kapag hindi naisabatas ang ATB hanggang


October 2020, maaring ilagay ang Pilipinas sa gray list ng
Financial Action Task Force (FATF) dahil sa hindi pagsunod sa
mga rekomendasyon nito. Ibig sabihin nito, ang bansa ay
ituturing bilang high-risk jurisdiction, na may kakulangan sa
18
pagpaplano laban sa terorismo. Maari itong makaapekto sa mga
transaksyong pinansyal ng bansa at direktang maaapektuhan
ang mga kritikal na sektor tulad ng remittances at iba pang
transaksyon mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), sa
mga namumuhan (investors), sa mga nagbebenta sa labas ng
bansa (exporters), at mga Business Process Outsourcing
Companies (BPOs).

Ito ang dahilan kung bakit itinalaga ang ATB ng Pangulo bilang
urgent kahit na sa kalagitnaan ng pandemyang COVID-19.

Marapat lang na ang malaking bahagi ng atensyon ng bansa ay


nakatutok sa pandemya, ngunit hindi rin dapat kaligtaan ng
mga mambabatas natin ang pagsagawa at pagpasa ng ibang
mga batas na nangangailangan din ng kanilang atensyon.

19

You might also like