You are on page 1of 3

Pagpapatupad ng Limitadong Face-to-Face Classes 2022, Karapat-Dapat Isulong

ni Davie Loyola, Nathaniel Macatangay, Jaymee Maganito, at Aciel Magbuhat

Sa paglaganap ng pandemya ng COVID-19 sa Pilipinas, marami ang


naapektuhan at nabago nito, kabilang na ang sektor ng edukasyon. Dahil sa
pangyayaring ito, pansamantalang isinara ang mga eskwelahan na umabot nang
mahigit sa dalawang taon. Dahil dito, napagpasyahan ng Department of Education
(DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na magkaroon ng
pansamantalang pagbabago sa sistema ng pag-aaral sa Pilipinas. Ito ay naging sanhi
upang mapalitan ang tradisyunal na uri ng edukasyon ng dalawang uri ng pag-aaral na
gumagamit ng modernong teknolohiya, koneksyon sa internet, at mga nakalimbag na
modyul, na mas kilala sa tawag na online at modular classes. Ayon sa DepEd at CHED,
ang pagsasagawa ng mga ito ay magsisilbing daan upang maipagpatuloy ng mga mag-
aaral ang kanilang pag-aaral sa kanilang mga tahanan. Gayunpaman, ang biglaang
pagbabagong ito ay nagdulot ng malaking hamon sa mga paaralan, guro, magulang, at
lalo na sa mga mag-aaral.

Sa loob ng dalawang taon ng pagkakaroon ng pandemya sa ating bansa, nilaan


ng mga estudyante ang kanilang panahon sa pag-aaral gamit ang panibagong paraan
ng pagtuturo. Sa loob ng mga panahong ito, hindi lahat ng estudyante ay nabibigyan ng
tamang pansin sa kanilang mga aralin. Halos lahat ay nahihirapan na ayusin ang
kanilang mga oras marahil sa responsibilidad na kailangan din nilang gawin sa loob ng
kanilang mga tahanan. Ang ibang estudyante naman ay nahihirapang unawain ang
kanilang mga aralin at hindi sapat ang nakukuhang kaalaman at kakayahan mula sa
online at modular classes. Gayundin, marahil ipinipilit ng karamihan sa mga estudyante
na makasabay sa bagong sitwasyon ngunit halos naisasawalang-bahala na nila ang
kanilang kalusugang pangkaisipan. Sa mga kadahilanang ito, isinusulong ng aming
grupo na panahon na upang muling ipatupad ang limitadong face-to-face classes sa
iba‟t ibang paaralan at unibersidad.

Batid naman siguro ng lahat na ang ating bansa ay isa sa mga bansang
tinaguriang “3rd World Country,” na kung saan ay mga bansang nasa proseso pa
lamang ng pag-unlad, kung kaya‟t ang pagkakaroon ng pandemya at biglaang
pagbabago sa sistema ng anumang panlipunang sektor ay maituturing na malaking
dagok sa atin. Dahil dito, ang pagsasagawa ng online at modular classes ay kakikitaan
ng maraming disbentahe sa mga mag-aaral, guro, at magulang.

Una, hindi lahat ng mag-aaral ay may kakayahang gumamit o magkaroon ng


koneksyon sa internet at ang iba naman ay walang kakayahang bumili ng mga gadyets
upang makadalo sa kanilang mga birtwal na klase at makapagsagot ng mga aktibidad.
Pangalawa, ang internet sa Pilipinas ay mabagal, mahina, at magastos. Ayon sa isang
balita ng ABS-CBN News, isa sa mga bagay na inerereklamo ng mga estudyante pati
na rin ng mga guro ay ang mahina at mabagal na internet tuwing sila ay nasa online
class. Nagiging sanhi ito upang hindi magkaintindihan ang mga guro at mag-aaral at
mahadlangan ang maayos na pagkatuto ng mga estudyante (Gulla, 2020). Pangatlo,
ang pagtaas ng bilang ng mga out-of-school youth noong magsimula ang pandemya sa
bansa ay umabot ng humigit kumulang apat na milyong estudyante para sa taong
panuruan 2020-2021 (Angara, 2021). Pang-apat, bumaba ang komprehensyon at
pagkatuto ng mga estudyanteng sumailalim sa online at modular classes. Ayon sa
isang sarbey ng Movement for Safe na pinamagatang Safe, Equitable, Quality and
Relevant Education, animnapu't anim na porsyento ng mga kabataang nasa ilalim ng
online class ang naglahad na mas kaunti ang kanilang natutuhan sa nasabing programa
kumpara noong tradisyunal pa ang pag-aaral. Sa kabilang banda, ang ibang mga
estudyanteng sumailalim naman sa modular na pag-aaral ay kakikitaan ng kakulangan
sa kakayahang self-learning kung kaya‟t hindi naging madali para sa kanila na intindihin
ang mga aralin. Karamihan naman sa mga magulang ay wala ring sapat na oras at
kakayahang turuan ang kanilang mga anak dahil sa kanilang mga trabaho at iba pang
responsibilidad sa kanilang tahanan.

Ayon naman sa Reedley International School (2020), isa sa mga problema ng


mga estudyante tuwing online at modular classes ay ang mga gambala sa kanilang
paligid na nagsisilbing dahilan kung bakit nabibigo silang matutunan ang kanilang mga
aralin. Dahil dito, kinakailangan na talagang bigyang-pansin ang sistema ng edukasyon
at ibalik ang nakasanayan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng limitadong face-to-
face classes. Kung muling isasagawa ang ganitong uri ng pag-aaral, malaki ang
posibilidad na maging mas maayos ang pokus ng mga mag-aaral at maaari na nilang
maplano ang mga dapat matutunan sa tamang oras na nakalaan. Sa isang panayam
kay Senador Sherwin Gatchalian, ang tagapangulo ng Senate Committee on Basic
Education, Arts, and Culture, inilahad niya na ang pagbabalik ng face-to-face classes ay
makakatulong din sa kalusugang pangkaisipan ng mga estudyante dahil muli silang
mabibigyan ng pagkakataong makipag-ugnayan sa mga kapwa nila mag-aaral. Bilang
karagdagan, ang pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes ay maaari ding
maging sanhi upang mas makatanggap ang mga mag-aaral ng sapat na paggabay
mula sa kanilang mga guro. Sa pamamagitan din nito, ang mga estudyante ay
maaaring magkaroon ng mas maraming kaalaman at mas mapaunlad ang kanilang
kakayahan.

Bukod pa rito, isa sa mga usaping laging kaakibat ng limitadong face-to-face


classes ay ang usapin ukol sa kaligtasan at kalusugan. Marami ang nagsasabing hindi
pa ligtas ang pagsasagawa nito, ngunit ito ay sinalungat ng mga awtorisadong tao at
institusyon. Ayon sa mga pag-aaral na isinagawa ng Centers for Disease Control and
Prevention (CDC) sa Estados Unidos at Public Health Agency (PHA) ng Northen Ireland
at University of Warwick sa Inglatera, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng
COVID-19 ang kabataan kapag sila ay nasa komunidad kaysa sa paaralan. Bilang
pagsuporta sa pahayag na ito, binigyang-diin naman ni Senador Gatchalian na
masasabing ligtas ang pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes hangga‟t
patuloy na sinusunod ng mga tagapangasiwa ng paaralan at unibersidad ang mga
pangkalusugang protokol mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of
Emerging Infectious Diseases (IATF). Sa pamamagitan nito ay matitiyak na ligtas ang
mga mag-aaral, guro, at iba pang tauhan ng mga pang-akademikong institusyon.
Nagpahayag din ang United Nations Children's Fund (UNICEF) Philippines ng kanilang
kagalakan at pagsuporta para sa pagbubukas ng limitadong face-to-face classes sa
mga susunod na taong panuruan sa bansa hangga‟t masisiguradong ligtas ang mga
mag-aaral.

Sa kabuuan, ang grupong ito ay lubos na sumasang-ayon sa pagpapatupad ng


limitadong face-to-face classes dahil sa napakaraming disbentahe ng online at modular
classes na labis na nagpahirap sa mga mag-aaral, magulang, at kaguruan. Ayon sa
mga inilatag na ebidensya, masasabing mas malaki ang maitutulong ng face-to-face
classes sa mga mag-aaral kaysa sa mga bagong uri ng pag-aaral kung kaya‟t
mahalagang bigyang-pansin ito. Sa usaping pangkalusugan at pangkaligtasan naman,
maraming institusyon ang nagpatunay at nagsabing ligtas ang muling pagsasagawa ng
tradisyunal na pag-aaral hangga‟t marunong sumunod ang mga paaralan sa mga
isinaad na protokol ng DOH at IATF. Kung gayon, walang dapat ikabahala ang lahat at
mas mainam na isaisip ang mga pakinabang na maidudulot ng face-to-face classes
para magkaroon ng mas magandang kinabukasan ang mga mag-aaral.

Sanggunian:

Angeles, Arielle Julliana C. (n.d.). Studypool Homework Help - Sanaysay bakit mas
epektibo ang face to face kaysa online class. Studypool Homework Help.
https://www.studypool.com/documents/5472488/sanaysay-bakit-mas-epektibo-ang-
face-to-face-kaysa-online-class

Cargullo, D. (2019, February 11). Pagkakaroon ng limitadong face-to-face classes sa


Pilipinas, suportado ng UN, UNICEF at WHO. Radyo Pilipino News Portal
https://news.radyopilipino.com/article/172/pagkakaroon-ng-limitadong-face-to-face-
classes-sa-pilipinas-suportado-ng-un-unicef-at-who

Escudero, M. (2021, February 20). Pagbabalik ng face-to-face classes Makakatulong sa


mental health NG MGA mag-aaral. Philstar.com. Retrieved from
https://www.philstar.com/pilipino-star-
ngayon/bansa/2021/02/21/2079292/pagbabalik-ng-face-face-classes-makakatulong-
sa-mental-health-ng-mga-mag-aaral

Eusebio, C. (2021, August 27). Studies Show the Disadvantages of Online Learning |
the Asian parent Philippines.ph.theasianparent.com.
https://ph.theasianparent.com/disadvantages-of-online-learning

Gulla, V. (2020, July 21). Internet connection isyu ng ilang estudyante, guro na balik-
eskuwela na. ABS-CBN News. https://news.abs-cbn.com/news/07/21/20/internet-
connection-isyu-ng-ilang-estudyante-guro-na-balik-eskuwela-na

Llaneta, Rolly. (2021). COVID-19 pandemic: Hamon sa kahandaan ng mga


irosanong gurong magulang sa paaralan at tahanan. International Journal of
Research Studies in Education. 10. 10.5861/ijrse.2021.622.

Phillipine News Agency (2021, February 7). Growing number of out-of-school youth
„cause of concern‟. https://www.pna.gov.ph/articles/1129909

Pilipino Star Ngayon (2022, February 15). Handa na ba talaga sa face-to-face classes?.
https://www.philstar.com/pilipino-star-
ngayon/opinyon/2022/02/15/2160914/&v=20220328

You might also like