You are on page 1of 12

Romblon State University

San Fernando, Romblon


Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

Modyul 1

Kurso: Kontekstwalisadong Komunikasyon sa Filipino (KOMFIL)

Yunit No. 1
Topiko: Pagtataguyod ng Wikang Pambansa sa mas Mataas na Antas ng Edukasyon
at Lagpas Pa

Pangalan: Iskor:
Taon at Kurso:
Petsa:

Wika ang kumakatawan sa pagkakakilanlan ng mga tao sa isang bansa. Binibigyang-


anyo nito ang kilos, ugali, kaisipan, paniniwala, maging ang gawi at kultura ng mga
mamamayan. Sa bawat panahong lumilipas, kasama ng tao ang wika. Tulad ng tao na
nagbabago, nagbabago rin ang wika kasabay sa pagbabago ng panahon at batay sa
pangangailangan nito. Kaya‟t mahalagang mabatid ng bawat isa ang kahalagahan ng
pagtataguyod na magkaroon ng wikang pambansa upang mapanatiling buhay ang isang
wika na nagsisilbing pagkakakilanlan nating mga Pilipino at nagbubuklod sa atin upang
mapag-isa ang bansa.

Inaasahang Matutuhan:

Sa modyul na ito, inaasahang malinang sa mga mag-aaral ang sumusunod na kaalaman,


kakayahan at pag-unawa:
A. natatalakay ang mga prinsipyong ipinaglaban ng mga tagapagtanggol ng wika upang
maitaguyod ang wikang pambansa sa lalong mataas na antas nito;
B. nasusuri ang mga legal na pamantayan sa ipinaglalabang pagtataguyod sa wikang
pambansa sa lalong mataas na antas ng edukasyon;
C. nakabubuo ng mga diskursong may kinalaman sa mga usaping pangwika.

Paghahabi

Panuto : Suriin ang mga pangungusap sa ibaba. Magbigay ng sariling opinyon o obserbasyon
batay sa pagkakabuo ng mga pangungusap. Bigyang-pansin din ang mga katanungan sa
ibaba.
1. Dadaan muna ako sa SM, gusto ko munang mag-malling.
2. Pakikuha ng mga notebook ninyo sa table ko.
3. Gora na tayo sa restaurant para lumafang.
4. Gamit ang facebook, masaya akong nakikipag-chat sa aking mga kamag-anak.
5. Lodi ko si Piolo kaya parati kong inaabangan ang kanyang mga palabas.
Romblon State University
San Fernando, Romblon
Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

Ano ang mapapansin mo sa mga pahayag na ito?


Maituturing bang karaniwan ang mga pahayag na ito sa kasalukuyang panahon?
Kung ikaw kaya ay namuhay noong unang panahon, ganito rin ba ang paraan ng iyong
pagpapahayag. Bigyang-katwiran ang iyong sagot.

Paggalugad

PAGTATAGUYOD NG WIKANG PAMBANSA SA LALONG MAS MATAAS NA ANTAS NG EDUKASYON

KASAYSAYAN NG WIKANG PAMBANSA

Bawat bansa ay may pinakapananaligang batas, ito ang Saligang Batas.


Makapangyarihan ang batas na ito sapagkat ito ang nagdidikta ng mga prinsipyo at
polisiyang kailangan para sa isang lipunang kaaya-ayang panahanan ninuman. Ang mga
probisyong nakapaloob dito ang sanligan ng mga bagay na dapat na sundin at ikilos sa isang
mapayapang bansa.

Wikang Filipino ang tanikalang nag-uugnay sa mga tao sa lahat ng pulo sa Pilipinas.
Kinakatawan ng wikang ito ang kabihasnan at kultura na minana natin sa ating mga ninuno at
patuloy nating isasalin sa mga susunod pang salinlahi. Wikang Filipino ang wikang magiging
kakampi sa ating mga pakikibaka sa usapin ng istandardisasyon at internalisasyon. Kung
babalikan ang kasaysayan, masalimuot ang mga pinagdaanan ng wikang Filipino upang
makamtan ang pagkilala ng pang-internasyunal na komunidad at maging sa kapwa Pilipino.

Unang nagkaroon ng liwanag at pag-asa ang pangangailangan na magkaroon ng


wikang nagbubuklod sa ating lahi at sa buong bansa nang magkaroon ng kasunduan ang mga
katipunero, batay sa Saligang-batas ng Biak-na-Bato ang 1897 na gawing opisyal na wika ng
rebolusyon ang Tagalog.

Ang Saligang- Batas ng 1935 ay nag-atas sa Kongreso na gumawa ng mga hakbang


upang paunlarin at pagtibayin ang isang wikang pambansa na nakabatay sa isa sa mga
umiiral na katutubong wika. Nakasaad sa saligang batas na ito na ang Ingles at Kastila ang
mananatiling opisyal na wika hangga‟t itinatadhana ng batas. Sa ilalim ng saligang batas na
ito, mababatid na wala pang pambansang wika. Makikita sa probisyong ito ang pagbibigay ng
kapangyarihan sa Kongreso na gumawa ng mga hakbangin upang mapayabong at
mapagtibay ang pambansang wika na batay sa isa sa mga umiiral na wika. Maaaring
mananatili ang Ingles at Kastila bilang mga opisyal na wika habang isinasagawa ang proseso
ng pagpili ng pambansang wika.

Dahil sa Batas Komonwelt Blg.184 ( akda ni Norberto Romualdez) ng Leyte, naitatag ang
Surian ng Wikang Pambansa na may tungkulin na pag-aralan ang mga dayalekto ng buong
bansa para sa layuning mapaunlad at mapagtibay ang isang pambansang wikang batay sa
isa sa mga umiiral na wika.

Mga naging sanligan sa pagpili ng batayan ng pambansang wika ng Pilipinas:


1. Pagkaunlad ng estruktura

KOMFIL Page 2 of 12
Romblon State University
San Fernando, Romblon
Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

2. Mekanismo, at
3. Panitikan na pawang tinatanggap at ginagamit ng malaking bahagi ng mga Pilipino.

Tagalog ang napili na magiging batayan ng wikang pambansa.


Naging patas ang pagpili sa Tagalog batay na rin sa komposisyon na pinamunuan ni Jaime C.
de Veyra ( Samar- Leyte). Ang mga kasapi ay ang mga sumusunod:
 Santiago A. Fonacier ( Ilokano)
 Filemon Sotto ( Sebwano)
 Casimiro F. Perfecto ( Bikol)
 Felix S. Salas Rodriguez ( Panay)
 Hadji Butu ( Moro)
 Cecilio Lopez ( Tagalog)

Sa mga sumusunod na kasapi, si Felimon Sotto at Hadji Butu ay hindi nakaganap ng


tungkulin sapagkat si Sotto ay nagkaroon ng karamdaman at si Butu naman ay namatay sa
hindi inaasahang kadahilanan.

 Kautusang Tagapagpaganap Blg.134 ( Disyembre 13, 1937)


Kinatigan nito ang pagpapatibay sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa ng
Pilipinas na magkakabisa lamang pagkatapos ng dalawang taon.

 Batas Komonwelt Blg. 570 ( Hunyo 7, 1940)


Pinagtibay ito ng Pambansang Asambleya
Kumikilala sa Pambansang Wikang Filipino bilang isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas
sa pagsapit ng Hulyo 4, 1946

 Ordinansa militar Blg. 13 ( 1942)


Ipinahayag ng Komisyong Tagapagpaganap ng Pilipinas ( Phil. Taft Commission) na ang
Ordinansa militar ang siyang nagtatakda sa Nihonggo at Tagalog bilang mga opisyal na
wika sa buong kapuluan. Sa pag-alis ng mga Hapon sa Pilipinas, mapapawalang-bisa rin
ang batas na ito. Nang ganap nang mawala ang mga Hapon sa Pilipinas, muling
nabuhay ang Ingles sa iba‟t ibang transaksyung pampamahalaan, negosyo at
akademya.

Mga Inisyatibong ginawa ng mga tagapagsulong ng wikang Pambansang Filipino:

1. Si Lope K. Santos ay nanguna sa maraming palihang pangwika. Siya ay naging punong –


tagapangasiwa ng Surian ng Wikang Pambansa noong 1941- 1946. Isa siyang abogado,
kritiko at lider obrero. Kilala sa palayaw na Mang Openg at pinarangalan bilang Paham
ng Wika, Ama ng Balarilang Pilipino, at Haligi ng Panitikang Pilipino.
2. Ang mga pahayagang pambansa ay naglaan ng ilang seksyon para sa wikang
pambansa. Ang inisyatibong ito ay inasahan na magiging daan upang higit na
magkaroon ng kasanayan ang mga mag-aaral sa paggaamit ng wikang Filipino.
3. Pinasimulan sa panahon ng panunungkulan ni Julian Cruz Balmaceda ang diksyunaryong
Tagalog.

KOMFIL Page 3 of 12
Romblon State University
San Fernando, Romblon
Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

4. Nanguna si Cirio H. Panganiban sa paglikha ng mga talasalitaan sa mga


espesyalisadong larangan tulad ng aritmetika at batas.
5. Ang Lupang Hinirang na orihinal na nakasulat sa Espanyol na Patria Adorada ay
makailang ulit na isinalin sa Filipino bago naging opisyal noong 1956.
6. Sa bisa ng R.A.1265 at ng Kautusang Tagapagpaganap Bilang 08, ang pagbigkas ng
Panatang Makabayan ay ipinag-utos sa lahat ng pribado at pampublikong institusyong
pang-akademiko. Sa inisyatibo ng dating Kalihim ng Edukasyon na si Raul
Roco,nagkaroon ng rebisyon ang panata (1956).
7. Malaki ang papel na ginampanan ng Linggo ng Wika upang maipakita ng bawat
mamamayan ang kanilang pagtataguyod sa wikang Filipino bilang Wikang
Pambansa.Malaking tulong ang paglulunsad ng iba‟t ibang gawain tulad ng sabayang
pagbigkas, balagtasan, paggawa ng slogan, paggawa ng mga sanaysay, pagbigkas
ng mga tula, pagsayaw ng mga katutubong sayaw at pag-awit ng mga katutubong
awit.

 Ang Linggo ng Wika ay unang idineklara ni dating Pang. Sergio Osmena. Alinsunod sa
Proklamasyon Bilang 35, ang Linggo ng Wika ay dapat gunitain tuwing ika-27 ng
Marso hanggang ika-2 ng Abril bilang pagpapahalaga sa kaarawan ng kinikilalang
tanyag na Pilipinong makata na si Francisco Balagtas.Sa pamamagitan ng
Proklamasyon Blg. 186 noong 1954 ay iniusog ni Pang. Ramon Magsaysay ang
selebrasyon ng Linggo ng Wika sa ika-13 hanggang 19 ng Agosto upang maisama ito
sa mga gawain sa paaralan. Ang huling araw ng selebrasyon ay siya ring araw ng
paggunita sa kaarawan ng Ama ng Wikang Pambansa na si Pang. Manuel L. Quezon.

 Pinagtibay ng proklamasyon 19 ni Pang. Corazon Aquino ang selebrasyon ng Linggo


ng Wika sa Agosto 13-19.

 Higit pang pinaglawig ang selebrasyon noong 1997 sa pamamagitan ng


Proklamasyon 1041 na idineklara ni Pang. Fidel V. Ramos na nagsasabing ang
selebrasyon ng wikang Filipino ay magaganap sa buong buwan ng Agosto.

8. Ang pinakaunang linggwistang Pilipino na si Cecilio Lopez ay nagtampok ng


linggwistikang pag-aaral sa wikang pambansa at mga katutubong wika sa Pilipinas.
9. Nagsagawa naman ng iba‟t ibang palihan sa korespondensya opisyal sa wikang
pambansa sa panahon ni Jose Villa Panganiban.
10. Noong Agosto 13, 1959, ang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon at Kultura na si Jose A.
Romero ng Tanggapan ng Edukasyon ay nagpalabas ng Kautusang Pangkagawaran
Blg. 7 na kung saan ay tatawaging Pilipino ang wikang pambansa upang maihiwalay
ang kaugnayan nito sa mga Tagalog.
11. Ang paggamit ng “ Pilipino” bilang wikang pambansa ay isang hakbang sa pag-alis ng
rehiyonalismo sa bansa.
12. Ang inisyatibong ito ng kalihim ay hindi gaanong naging matagumpay dahil hindi
matanggap ng ibang sector ang Pilipino bilang pambansang wika.Nangibabaw sa mga
di-Tagalog ang rehiyonalismo.Para sa kanila, sila ay nanatiling kolonya ng Tagalog
sapagkat ang Pilipino ay binagong anyo lamang ng wikang Tagalog.

KOMFIL Page 4 of 12
Romblon State University
San Fernando, Romblon
Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

Noong 1971 ay nagkaroon ng Konstitusyunal Kombensyon na nagbigay-daan upang


mapakinggan ang mga argumento ng mga di-Tagalog hinggil sa usapin na „Pilipino”
ang pambansang wika.

Binuo ang Komite sa Wikang Pambansa upang mamahala sa pagbuo ng mga polisiya
at rekomendasyon at nagmungkahi na gamitin nag “Filipino “ batay sa mga
katutubong wika at maging ang asimilasyon ng mga salita mula sa ibang wika. Kaugnay
nito, inirekomenda ng komite na panatilihin ang Ingles at Kastila bilang mga opisyal na
wika.

Sa Saligang- batas ng 1973 , isinasaad na ang Filipino ay dapat linangin, paunlarin at


pagtibayin alinsunod sa umiiral na mga katutubong wika at dayalekto nang di-alintana ang
pagtanggap ng mga salita mula sa mga dayuhang wika.

13. Ang pagtatatag ng Komisyon sa Wikang Filipino ay isinulong ni Ponciano B. Pineda batay
sa Seksyon 9 ng Saligang-batas. Siya ay isang manunulat, guro, linggwista at abogado.
Itinuturing na “Ama ng Komisyon sa Wikang Filipino”

Sa salin ng Saligang- batas ng 1986 na inihanda ng Surian ng Wikang Pambansa ,dito ay


kinilala ang “Filipino” bilang pambansang wika ng Pilipinas. Nakasaad sa batas na ito na
habang nililinang ang Filipino, dapat itong payabungin at pagyamanin batay sa mga
katutubong salitang umiiral sa wikang Filipino at sa iba pang wika.”

14. Ang Kautusang Tagapagpaganap Blg.117 na lumikha sa Linangan ng Wika sa Pilipinas ay


nilagdaan ni Pang. Corazon Aquino bilang kapalit ng Surian ng Wikang pambansa.

KOMFIL Page 5 of 12
Romblon State University
San Fernando, Romblon
Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

Ang KWF (Komisyon sa Wikang Filipino) ay isang ahensya ng pamahalaan na binigyan


ng kapangyarihan na magmungkahi ng mga plano, hakbang, patakaran, at gawain
hinggil sa wika, lalo na sa paggamit ng wikang Filipino.

Artikulo XIV ng Saligang Batas 1987. Wika

Sek. 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat
payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba
pang mga wika.

Sek.7. Ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at hanggat walang itinatadhana
ang batas, Ingles.Ang mga wika ng rehiyon ay pantulong sa mga wikang opisyal
sa mga rehiyon.

Sek. 8. Ang nilalaman ng batas na ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat
isalin sa mga pangunahing wikang panrehiyon, Arabic at Kastila.

Sek. 9. Dapat magtatag ang kongreso ng isang Komisyon ng wikang pambansa na binu-
buo ng mga kinatawan ng iba‟t ibang rehiyon sa pagsasagawa at pagtataguyod
ng mga pananaliksik upang mapaunlad, mapalaganap at mapanatili ang iba
pang wika.

KOMFIL Page 6 of 12
Romblon State University
San Fernando, Romblon
Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

SISTEMANG K to 12

Nagkaroon ng ganap na katuparan noong 2011 ang pagsusulong sa repormang


pang-edukasyon ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang programang K to 12.
Kaugnay ito sa modelo na ginagamit sa edukasyon ng mga kanluraning bansa.
Hindi naging madali ang pinagdaanan ng mga nagsulong nito bago ito pormal na
naipatupad. Para sa mga kasapi ng akademya, mag-aaral at mga magulang, dagdag
pasakit ito sa mga PILIPINO dahil sa dagdag na gastos na gugugulin ng mga mag-aaral
dahil sa matagal nilang pamamalagi sa paaralan. Mula sa 10 taon na “basic education”,
nadagdagan ito ng 2 taon na hindi alam ang patutunguhan. Sa kaliwa‟t kanang mga
pagtutol ay nanaig pa rin ang inisyatibong ito ng pamahalaang Aquino na baguhin ang
sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Pormal na itinalaga ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) bilang tagapagpatupad
at tagapamahala ng Edukasyong K TO 12 noong 2013.
Ang implentasyon ng K-12 at ang ratipikasyon ng Kindergarten Education Act ng 2012 at
Enhanced Basic Education Act ng 2013 ay nagbukas sa 3 taong dagdag sa basic
education ng mga mag-aaral. Mula taong 1945 hanggang 2011, ang mga mag-aaral ay
gumugugol ng 6 na taong pag-aaral sa elementarya at 4 na taon sa sekundarya.
Sa pagpapatupad ng K-12, 1 taon ang gugugulin ng mag-aaral sa kindergarten, 6 na
taon sa elementarya , 4 taon sa junior high school at 2 taon para sa senior high school.

KAHALAGAHAN NG K-12 KURIKULUM NG DEPED

Naging pursigido ang DepEd na maipatupad ang programang ito sa lalong madaling
panahon dahil na rin sa kabutihang maidudulot nito:
1. Pagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na mapagtuunan ng pansin ang
iba‟t ibang larangan ng espesyalisasyon tulad ng pagluluto, tour guiding,
animation atbp.
2. Ang 12 taon ng basic education ay magbubukas ng sapat na pagkakataon sa
mga mag-aaral na higit na matutunan at mapaghusay ang mga kinakailangang
kasanayan sa kolehiyo at unibersidad, pati na rin sa larangan ng kalakalan at
hanapbuhay.

LARANGAN NG PAGPAPAKADALUBHASA
Electives na makukuha sa ika-11 at 12 taong baitang ng pag-aaral sa K-12
1. Academics para sa mga nais magpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.
2. Technical- Vocational para sa mga mag-aaral na nais makapaghanapbuhay
matapos ang kanilang high school.
3. Sports and Arts para sa mga mag-aaral na mahilig sa dalawang larangan (sports
at arts)

USAPIN NG FILIPINO SA CMO 20 SERIES 2013

 Dr. Patricia Licuanan (dating Komisyoner ng CHED)


 Naniniwala na ang K-12 ang sagot sa usapin ng trabaho matapos ang 12 taong
basic education
 Ipinaliwanag niya na hindi naman naging tahasan ang pagkaawala ng Filipino sa
kurikulum dahil may inilaan para rito sa ika-11 at 12 baitang ng pag-aaral ng Senior
High School. Ayon sa kanya ang bawat kolehiyo at unibersidad ay may opsyon na
gamitin ang Filipino sa tatlumpu‟t anim na yunit ng General Education.

KOMFIL Page 7 of 12
Romblon State University
San Fernando, Romblon
Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

Sa CMO 20 (CHED Memorandom Order 20) series 2013 ng CHED, ipinahayag dito ang
katumbas na mga asignatura ng tatlumpu‟t anim (36) na yunit ng Pangkalahatang
Edukasyon ( General Education) na kinabibilangan ng mga sumusuod:
1. Understanding the Self ( Pag-unawa sa sarili)
2. Readings in the Philipine History ( Mga Babasahin Hinggil sa Kasaysayan ng Pilipinas)
3. The Contemporary World ( Ang Kasalukuyang Daigdig)
4. Mathematics in the Modern World ( Matematika sa Makabagong Daigdig )
5. Purposive Communication ( Malayuning Komunikasyon)
6. Art Appreciation ( Pagpapahalaga sa Sining)
7. Science, Technology ang Society ( Agham, Teknolohiya at Lipunan)
8. Ethics ( Etika)

Nabalot ng kontrobersya ang kautusang ito ng CHED sapagkat lantaran na tinanggal ang
asignaturang Filipino na sana ay makaagapay sa pagsulong ng intelektwalisasyon at
marketisasyon ng kultura at wikang Filipino.

 Ramon Guillermo ng Phil . Studies sa UP, Departamento ng Filipino at Panitikan sa Pilipinas


 Naniniwala na ang pagtanggal ng CHED sa asignaturang Filipino sa kolehiyo batay sa
CMO 20, serye ng 2013 ay magdudulot ng kawalang malay ng mga mag-aaral sa
wikang Filipino. Wala ring magpapatuloy ng mataas na pananaliksik sa Filipino.
 Kanyang sinabi na ang memorandum na ito ay ay nangangahulugan ng panganib
sa wikang Filipino at pagpatay sa intelektwalisasyon. Ito ay maaring magdulot ng
pagsasara ng maraming departamento sa pribadong kolehiyo na maaaring
magbunga ng kontraktwalisasyon at kagyat na kawalan ng trabaho para sa
karamihan (https://www.youtube.com/watch?v=k30O0u7lxdNM).
 Ayon sa kanya,ang pagkawala ng Filipino bilang asignatura sa kolehiyo ay
nangangahulugan ng hindi pagbibigay-galang sa wikang Filipino bilang larangan ng
siyentipiko at akademikong pag-aaral (https://www.youtube.com/
watch?v=k30O0u7lxdNM).

 Antonio Tinio (kinatawan sa Kongreso)


 Ayon sa kanya, ang K-12 ay pagsulong sa labor export-policy na ang hangarin ay
manghikayat ng foreign investors para sa mga serbisyong gaya ng outsourcing, call
center, business cources atbp. Hindi makikita sa K-12 ang suporta sa pagpapaunlad
ng agrikultura at industriyalisasyon (
https://www.youtube.com/watch?v=k30O0u7xldNM).
 Ang K-12 ay nakatuon sa pangangailangan ng ibang bansa kaysa sa
pangangailangan ng higit na nakararaming mga Pilipino. Ito ang dahilan bakit Ingles
ang wikang isinusulong sa ilalim ng kurikulum habang ang Filipino ay patuloy na
pinahihina.
 Obligasyon ng adminitrasyong Aquino na paunlarin ang wikang Filipino bilang wikang
panturo at wikang pambansa ayon sa batas.

ARGUMENTO ng TANGGOL WIKA at iba pa LABAN sa CMO 20,Serye ng 2013

Ang petisyon ng TANGGOL WIKA sa TRO o PRO na nilabas ng Korte Suprema ay :

KOMFIL Page 8 of 12
Romblon State University
San Fernando, Romblon
Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

 Ayon sa kanila, ang pagpapatupad ng CMO 20, Serye ng 2013 ay hayagang


paglabag sa mandatong inilatag ng Konstitusyon ng Pilipinas.
 Lumalabag din ito sa Batas Republika 7104 ( Batas na lumilikha sa Komisyon ng Wikang
Filipino, at ang pagbibigay dito ng kapangyarihan,tungkulin atbp.)., Batas Pambansa
232 ( Batas para sa pagtatag at pagpapanatili ng sistemang integratibo ng
Edukasyon), Batas Republika 7356 (Batas na lumikha sa Pambansang Komisyon ng
Kultura at Sining).

Ilan sa mga mahahalagang puntos na inilatag ng mga petisyoner laban sa CMO 20, Series
2013:
 Ang paghina at maaaring ang pagkamatay ng ating pambansang wika, kultura,
kasaysayan at pagkakakilanlan
 Magdudulot ito ng paghihina at kamatayan ng mga Pilipino bilang nagkakaisang
mamamayan at pagmamahal sa bayan . at ng Pilipinas bilang maunlad na bansa.
 Kapag hindi napahinto ang implementasyon ng CMO No.20, serye ng 2013 sa
pamamagitan ng TRO at writ of preliminary injuction- tuloy na maipapatupad ng
CHED ang kurikulum na anti-nasyonalista, anti-Filipino at hayagang lumalabag sa
konstitusyon.
 Dahil sa kurikulum na ito, hihina ang pundasyon ng ating kultura, demokrasya,
pagkakaisa at pagmamahal sa bansa.

SAGOT NG KATAAS-TAASANG HUKUMAN, KORTE SUPREMA SA PETISYON LABAN SA CMO


20,SERYE NG 2013

Inatasan ng Korte Suprema ang CHED na bigyan ng ganap na implementasyon na ibalik


ang Filipino at Panitikan sa Antas Tersyarya sa pamamagitan ng pagpapatupad sa bagong
Pangkalahatang Kurikulum Pang-edukasyon sa taong-panuruan 2018-2019.
Dahil ito sa ginawang pagsulong ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o
Tanggol Wika, nagpalabas ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema laban sa
pagtanggal ng Filipino at panitikan bilang mga mandatoryong asignatura sa bagong
pangkalahatang Kurikulum na Pang-edukasyon batay sa CHED Memo 20, series 2013.

Pagpapaliwanag

Panuto: Talakayin o ipaliwanag ang iyong pananaw o paninindigan kaugnay ng tanong sa


ibaba.

Sang-ayon Di Sang-ayon

KOMFIL Page 9 of 12
Romblon State University
San Fernando, Romblon
Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

Dapat tanggalin ang asignaturang


Filipino sa kolehiyo
Mga Mga
Katwiran Katwiran

Pagpapalawak

Pumili ng isa sa mga sumusunod na gawain:

a. Magpakita ng isang senaryo kaugnay sa pagpapalakas ng Wikang Pambansa.


Irekord ito sa pamamagitan ng video recorder o cellphone.

Tanong: Paano ka makakatulong sa pagpapalakas ng Wikang Pambansa?

b. Gumawa ng isang diskurso o maikling talumpati kaugnay ng topikong pinag-


aralan.Lagyan ito ng sariling pamagat.

PAGTATASA

Panuto: Piliin ang titik ng pinakamalapit na sagot sa bawat bilang.

1. Ang batas na ito ang nagdidikta ng mga prinsipyo at polisiyang kailangan para sa isang
bansa. Ito rin ang pinakapananaligang batas ng bawat bansa.
a. Kautusang Tagapagpaganap c. Saligang-batas
b. Memorandum Order d. Batas Komonwelt
2. Wikang naging batayan ng ating Wikang Pambansa.
a. Pilipino c. Filipino
b. Tagalog d. Ingles
3. Pinakaunang linggwistang Pilipino na nagtampok ng linggwistikang pag-aaral sa wikang
pambansa at mga katutubong wika ng Pilipinas.
a. Cecilio Lopez c. Ponciano Pineda
b. Jose Panganiban d. Lope K. Santos
4. Ahensya ng pamahalaan na binigyan ng kapangyarihan na makapagmunkahi ng mga
hakbang, patakaran at mga plano kaugnay sa paggamit ng Wikang Pambansang
Filipino.
a. Tanggol Wika c. Surian ng Wikang Pambansa
b. Kagawaran ng Edukasyon d. Komisyon sa Wikang Filipino
5. Tumutukoy ito sa serye ng Kautusan 20 ng CHED na nagpapaliwanag ng mga

KOMFIL Page 10 of 12
Romblon State University
San Fernando, Romblon
Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

mahalagang basikong asignatura ( basic subjects) na dapat ituro sa antas tersyarya.


a. 2013 c. 2016
b. 2015 d. 2018
6. Sistema ng edukasyon na tumutukoy sa hiwalay na paggamit ng Filipino at Ingles sa
pagtuturo.
a. Multilinggwalismo c. Bilinggwalismo
b. K-12 d. Mother Tongue Based- MLE
7. Sino ang itinuturing na “Ama ng Wikang Filipino”?
a. Lope K. Santos c. Ramon Guillermo
b. Manuel L. Quezon d. Ponciano B. Pineda
8. Samahan na nanguna sa pagsusulong na ibalik ang Filipino bilang asignatura sa antas
tersyarya o sa kolehiyo.
a. Komisyon sa Wikang Filipino c. Surian ng Wikang Filipino
b. Tanggol Wika d. Korte Suprema
9. Nakasaad sa Saligang Batas na ito na ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino.
a. Saligang Batas ng 1973 c. Saligang Batas ng 1935
b. Saligang Batas ng 1937 d. Saligang Batas ng 1987
10. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, unang nadama na ang bansa ay nangangailangan
ng isang wika na sinasalita at naiintindihan ng lahat sa isang lugar na may isang
pagkakakilanlan at estado.
a. Joseph Estrada c. Manuel L. Quezon
b. Sergio Osmenia d. Benigno Aquino III
11. Kinilalang “ Ama ng Balarilang Pilipino”.
a. Lope K. Santos c. Ponciano B. Pineda
b. Manuel L. Quezon d. Sergio H. Panganiban
12. Pangulo na nagdeklara na ang ating bansa ay dapat magkaroon ng pagdiriwang ng
Linggo ng Wika.
a. Manuel Roxas c. Joseph Estrada
b. Ramon Magsaysay d. Sergio Osmenia
13. Ayon sa Saligang-batas ng 1967, Artikulo XIV ,Seksyon 7 : Kaugnay sa mga layunin ng
komunikasyon at pagtuturo, ang opisyal na wika ng Pilipinas ay Filipino; at hanggat
walang itinatadhana ang batas ay _____.
a. Tagalog c. Espanyol
b. Ingles d. Romano
14. Sa pamamagitan ng Batas Komonwelt 184, naitatag ang Surian ng Wikang Pambansa
na may tungkulin na pag-aralan ang mga dayalekto sa buong bansa para mapaunlad
at mapatatag ang isang pambansang wika. Sino ang may-akda ng batas na ito?
a. Norberto Romualdez c. Jose Panganiban
b. Isabelo Artacho d. Jose E. Romero
15. Sistemang pang-edukasyon ng DepEd na nagtatakda ng 13 taong dapat gugugulin ng
isang bata sa pag-aaral mula kindergarten hanggang Senior High School, o bago
makatungtong sa kolehiyo.
a. Basic Education Curriculum c. Content Based Instruction
b. K-12 Curriculum d. SEDEP

Annex 1

Pagpupuntos sa Gawain (Diskurso/ Talumpati/Reaksyon)

KOMFIL Page 11 of 12
Romblon State University
San Fernando, Romblon
Teacher Education RSU-SFC TED Form No. 005: Course Module Format

Department

Pamantayan Bahagdan
Kongkreto ang pangkalahatang tindig at paliwanag sa isyu 40
Kritikal ang argumento at ebidensya 40
Malinaw ang panawagan ng pagkilos 20
Kabuuan 100

Pagpupuntos sa Gawain ( Pagpapakita ng Senaryo, Video Clip)

Pamantayan Bahagdan
Organisasyon 30
Konsepto 30
Biswal na Pang-akit 20
Kasanayan sa Pagganap 10
Bisa ng Pagpapahayag 10
Kabuuan 100

KOMFIL Page 12 of 12

You might also like