You are on page 1of 2

Agrikultura sa Siyudad, Tawag ng Pag-unlad

Minsan, kahit gaano kanais ng mga tao na simulang tahakin ang mundo ng agrikultura, hindi
lahat ay may malawak na lupain para maisakatuparan ito. Kaya naman habang likas na sa mga
Pilipino ang hilig sa paghahalaman, bakit hindi subukan ng mga mamamayan na magtanim sa
kani-kanilang bakuran ng maaaring makain sa kinalaunan? Baka kailangan lang nila ng
magbibigay ng lakas ng loob at inspirasyon.
Diyan umusbong ang ideya ni Gabriel Paul Serrano mula sa Los Baños, Laguna, dalawampu’t
siyam (29) na taong gulang, isa sa mga Regional Young Farmers’ Challenge (YFC) Awardee ng
Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) para sa taong 2022.
“Bringing agriculture in the comfort of your homes” ang pangunahing layunin ng business
venture ni Gabriel na tinawag na Siyudad Agrikultura. Kasama ang kasintahan na si Quisandra
Jean “Sandy” Nera, magkatulong nilang pinaiigting ang adbokasiya ng urban farming sa
pamamagitan ng paggawa ng mga mushroom fruiting bag na hinahangad nilang maipagbili sa
mga naninirahan sa lungsod o siyudad upang manghikayat magtanim sa mga bakanteng
espasyo, balkonahe, at sa kahit saan pang bahagi ng tahanan.
Sinikap din nilang makapagtayo ng isang Hydroponic Set-Up/Farm sa Calauan, Laguna kung
saan may tanim silang lettuce at halamang gamot gaya ng basil na ipinagbibili direkta o sa
pamamagitan ng mga reseller.
“Ang vision namin dito sa Siyudad Agrikultura ay hindi lang basta makapagbenta. Gusto naming
bigyan ng inspirasyon at encouragement ang mga tao na pwedeng dalhin ang agrikultura sa
bahay natin kahit pa nasa cities tayo gaya ng Metro Manila,” pagbabahagi ni Gabriel.
Bata pa lamang si Gabriel nang ipamulat sa kanya ng ama ang pagsasaka. Kwento niya, kung
ang isang photo album ay karaniwang nilalagyan ng mga litrato ng anak noong sanggol pa, ang
photo album na ipinapakita sa kanya noon ay naglalaman ng litrato ng mga pananim na
sinasaka ng kanyang ama. Sa isang village na tinirahan nila noon, minsan na ring naipatawag
ng may-ari nito ang ama ni Gabriel dahil sa pagtatanim sa mga bakanteng espasyo sa lugar.
Dito nabuo ang kanyang interes sa urban farming.
Sa pangarap na makapagtayo ng negosyo sa diwa ng urban farming, kinailangan ni Gabriel
isuko ang pagiging isang Sales Manager sa isang kumpanya. Nag-apply sila ni Sandy sa
Kapital Access for Young Agripreneurs (KAYA) Loan Program ng DA-Agricultural Credit Policy
Council (ACPC) na nagpapahiram ng pinansyal na kapital sa mga Agri-based business
enterprises na nag-uumpisa pa lamang.
“Dati ko pa ‘to gustong simulan pero mahirap isabay sa trabaho ko ang farming. Kaya nga hindi
talaga mawawala ang sakripisyo kapag may pangarap ka. Sobrang thankful ako sa KAYA loan
program ng DA kasi ‘yan ang naging foundation namin,” aniya.
Kalakip ang pagsugal nina Gabriel sa buhay alang-alang sa pagtataguyod ng negosyo, isang
malaking pinto pa ang nagbukas para sa kanila ni Sandy upang ganap na maipakilala ang
Siyudad Agrikultura. Taong 2022 nang mabigyan sila ng pagkakataon na makasali sa YFC ng
DA-4A Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD).
Ang YFC ng DA ay isang kompetisyon na may layuning mahikayat ang mga kabataang
agriprenuers na mai-presenta ang kani-kanilang business model canvas sa harap ng panel ng
mga judge mula sa provincial, regional, at national level. Ang mga nananalo sa lahat ng level ay
nagkakaloob ng tulong-pinansyal upang mapalago ang agribusiness ventures.
Sa lalawigan ng Laguna ay nakamit ng Siyudad Agrikultura ang panalo, dahilan upang
makapag-uwi sina Gabriel at Sandy ng mahigit isang daang libong piso (P100,000). Sinundan
ito ng pagpili ng representante ng YFC sa rehiyon ng CALABARZON kung saan napabilang din
ang Siyudad Agrikultura na tumanggap ng isang daan at limampung libong piso (P150,000).
Ginamit nila ito upang bumili ng mga fruiting bag, kahon para sa paggawa ng mga mushroom
grow kit, at mga kasangkapan o materyales sa tuluyang pagtatayo ng Hydroponics Set-Up.
Naglaan din sila ng badyet para sa pagpapalago ng presensya sa social media ng Siyudad
Agrikultura at sa pagpapasweldo ng mga empleyadong kinuha sa pagmementena ng
produksyon.
Nang makarating sila sa pambansang kompetisyon para sa YFC, mula sa 914 Agri-Enterprises
at 1,384 na mga kabataang partisipante ay muling napili ang Siyudad Agrikultura sa Top 35
National Finalists noong ika-16 ng Disyembre 2022 na ginanap sa Sola Hotel, Laoag City,
Ilocos Norte.
“Bukod sa financial grant, ang pagkapanalo namin sa YFC ay nakatulong para dumami ang
aming connections. Mas lumakas ang loob namin na paunlarin pa ang Siyudad Agrikultura.
Maraming salamat sa DA at sa mga LGU. Makakaasa kayo na mas lalo namin ‘tong
pagbubutihin,” ani Gabriel.
Samantala, sa tulong ng DA Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) ay
naimbitahan din ang Siyudad Agrikultura sa ginanap na World Bazaar Festival 2022 noong
Disyembre 10-19 sa World Trade Center sa Pasay City.
Hindi pa man ganoong kalubusan ang pagkakakilanlan ng Siyudad Agrikultura dahil sa patuloy
na pagsubok sa larangan ng pagmamarket ay naniniwala si Gabriel na maganda ang daan na
kanilang nasimulan sa tulong ng Kagawaran ng Pagsasaka kaakibat ang kooperasyon ng mga
lokal na pamahalaan.
Ang pagsiguro sa mapagkukunan ng pagkain ay isang malaking hakbang tungo sa
pagprogseso ng ekonomiya ng bansa. Kaya ang matutong magtanim at umani sa sariling
tahanan, nasa probinsya man o siyudad, ay nagsisilbi nang munting sagot sa tawag ng pag-
unlad.

You might also like