Sa mitolohiyang Ehipsiyo, si Osiris (wikang Griyego: Usiris; binabaybay din sa
transliterasyon ng wikang Ehipsiyo bilang Asar, Aser, Ausar, Ausir, Wesir, Usir, Usire, o Ausare) ay isang diyos ng mga sinaunang Ehipsiyo, na kalimitang tinatawag na diyos ng Kabilang Buhay. Siya ang diyos na nagdadala ng buhay, ang hari at hukom ng mga namatay na mga tao [1], at ng pagbaha ng Ilog ng Nilo. Si Osiris ang diyos na naghuhukom at tagasakdal ng kaukulang hatol sa mga kaluluwa ng mga yumaong tao na naghahanap ng daan sa paraiso sa kabilang buhay. Ayon sa mga kasulatang natagpuan ng mga arkeyolohiko, si Osiris ay isa sa pinakamatandang diyos na sinamba ng mga sinaunang Ehipto. Ang pangalan niya na nakaukit sa Bato ng Palermo, tinatayang naisulat noong c. 2500 BK, ang pinakamatandang kasulatang nagsasaad ng mga bagay-bagay tukong kay Osiris. Naisulat sa maraming iskriptura ang mga kuwento tungkol kay Osiris; kabilang dito ang Teksto mula sa mga Piramides (Pyramid Text), ang Aklat ng mga Yumao (Book of the Dead), at sa pagsisimula bagong yugto ng Ehipto, ang Bato ni Shabaka—na naglalaman ng tanyag na kuwento ng Tunggalian nila Horus at Set. Nang sakupin ng mga Griyego ang kaharian ng Ehipto, binigyan ng historyador na si Plutarch ng Makabagong interpretasyon ang mga mitolohiya ng Ehipto. Bagamat si Osiris ay isang diyos na sinasabing nagbibigay ng kaligtasan para sa mga kaluluwa ng mga yumaong tao, siya ay isa sa mga naging pinakatanyag na diyos sa buong daigdig. Dahil ito sa kanyang kuwento na nagbibigay pagasa na ang mga tao ay mabubuhay muli ng maligaya sa kabilang buhay. Ang pagsamba kay Osiris ay kumalat sa halos lahat ng dako ng daigdig at ito ay nagpatuloy ng anim na daang-taon matapos isilang si Kristo. Tuluyang nawala ang mga kultong sumasamba kay Osiris matapos ipagbawal na ito ng mga namumunong mga Kristyano at Muslim. Bilang diyos na nangangalaga ng mga yumao, si Osiris ay sadyang binigyan ng pagpapahalaga ng mga tagasunod niya. Tinuturing ng mga Paraon ng Ehipto ang sarili nila bilang mga tagapagmana ng kabilang buhay mula kay Osiris sa kanilang pagyao sa daigdig. Subalit sa paglipas ng panahon, lahat ng mga tagasunod ni Osiris, maging karaniwang tao lamang o may kapangyarihan, ay itinuring na ring mga tagapagmana ng kanyang kaharian sa kabilang buhay. Sari-sari mga ritual at misteryo ang inaalay kay Osiris para masigurado na sila ay tatanggapin niya sa paraiso ng kabilang buhay. Ayon sa mitolohiya, bago siya mamatay at mabuhay muli bilang isang hari ng kabilang buhay, si Osiris ay itinuturing na tagapagdala ng sibilisasyon at agrikultura sa Ehipto. Bilang diyos ng agrikultura, tinuturing rin si Osiris na isang diyos na nagbibigay ng buhay sa mga pananim at mga tao; na matapos ang kamatayan ng isang halaman o tao, si Osiris din ang nagbibigay ng panibangong buhay sa mga ito. Ang kuwentong ito ng muling pagkabuhay ay ginagamit na paliwanag ng ilang mga sinaunang Ehipsiyo kung bakit nagkakaroon ng mga sikulo ng pagkabuhay at pagkamatay, tulad ng sikulo ng kapanganakan at kamatayan, pagtubo at pagkalanta, paglaki at pagliit ng buwan atbp. Si Osiris and panganay na lalaking anak nina Geb, ang diyos ng kalupaan, at Nut, ang diyosa ng kalangitan. Ipinanganak siya sa ikaunang araw ng Interkalinaryo (ang limang mga araw na idinadagdag sa 360 para maging 365 na bilang ng mga araw sa kalendaryo). Kapatid at asawa siya ni Isis at nagkaroon sila ng anak na lalaking na si Horus matapos na mapaslangin si Osiris ng kanyang kapatid. Nang siya ay binuhay muli ni Isis, si Osiris ang naging hari ng mga yumao bagamat pinili niya na maghari na lamang sa lugar ng mga yumao. Bilang diyos ng mga yumao, tuluyang napaglito at napagisa ang katauhan ni Osiris sa isa pang diyos ng mga yumao na si Khenti-Amenti. Ang Khenti-Amenti ay naging bansag na lamang kay Osiris na nangangahulugang Pinuno ng mga Taga-kanluranin bagamat ang kanluran ang pinaniniwalang lugar ng mga yumao dahil dito lumulubog ang araw. Pinatay si Osiris ng kanyang lalaking kapatid na si Set dahil isang paraon si Osiris, isang gampaning ibig angkinin ni Set dahil sa pagseselos.[1]