You are on page 1of 2

“Dugo sa Bukang Liwayway” ni Rogelio R.

Sikat

Mapula ang sikat ng araw ng hapong iyon. Sa langit, walang nag iisang ulap; ang laganap na
kabughawan kaninang umaga ay tila kinulapulan ngayon ng mapulang dampol. Ang araw ay isang malaking
bolang nakapaloob sa isang lumbo na nagbabaga ring liwanag. Tuwid na tuwid na nakaturo sa langit ang mga
naninilaw na damo sa pilapil. Hindi kumikilos, wari’y nabibigatan sa liwanag ng araw ang mga tuyong dahon
ng anyas at kugon. Sa pantay bukung-bukong na tubig sa linang, halos nakikita na ang sumisingaw na init.
Uulan mamaya, naiisip ni Tano habang nakatayo sa pilapil at nakatingala sa langit. Hindi siya kalakihang lalaki
ngunit matipuno at siksik ang kanyang katawan. Namumula ang kanyang kayumangging balat, halos
nagkukulay-tanso. Hawak niya sa kaliwang kamay ang isang bigkis na punla; sa kanan naman, nakaipit sa
tatlong daliri, ang isang punlang handa nang itundos. Mahaba ang manggas ng kanyang kupasing gris at may
bahid ng natuyong putik ang kanyang lampas-tuhod na kutod. Madalang ngunit mahaba na at matigas ang
kanyang balbas. Namamalikaskas ang kanyang binti. Kanginang umaga at hanggang nang hapong iyon,
matiyaga niyang hinuhulipan ang mga bahagi ng kanyang pinitak na nakaligtaang tamnan ng pangkat ng
manananim. Mabibilis silang tumundos at palibhasa’y di nila bukid, hindi nila pinagbubuti ang pagtatanim.
May labis pang punla si Tano at ibig niyang maitanim iyon sa mga bahaging maari pang tamnan.
Pinanghihinayangan niya ang maging isang dangkal na lupang di matatamnan. Uulan nga mamaya, may galak
sa pusong muling naisip ni Tano. May kumislap sa tila may kalawang na niyang mata, bumuka ang kanyang
makakapal na labi sa isang piping pagpapasalamat. Tumingin siya Sa silangan. Humagod ang kanyang tanaw sa
malawak at nakalat at dugtong- dugtong na pinitak. Sa liwanag ng di lalo’y lulubog nang araw, hindi na niya
makita ang kabughawan ng Sierra Madre. Ang nakikita niya’y ang nagbibigting banig-banig at maiitim na ulap.
A, uulan nga mamaya. Mamaya lamang, hihipan na ng hangin ang mga ulap na iyon sa bundok. Mamaya’y
uulan, papatak ang ulan, at ang kanyang uhaw at naninilaw na pananim ay magtatamasa ng malamig at
sariwang ulan. Nang maubos ang punla, umunat si Tano at tinunghayan ang pinitak. Kasabay ng paghagod niya
sa nanakit at basa na ng pawis na baywang. Isang malalim na buntunghininga ang kumawala sa kanyang
matipunong dibdib. Wala nang dapat tamnan pa, ang buong pinitak ay nahulipan na niya. Ngayon ay uuwi na
siya. May maganda siyang balitang ihahatid kay Melang, ang kanyang kabiyak.
Panuto: Pagkatapos basagin ang sipi, sagutin ang bawat katanungan ayon sa tinutukoy nito. Isulat mo ang iyong
sagot sa sagutang papel.

1. Magbigay ng mga salitang naglalarawan sa setting ng nobela

2. Paano inilarawan ng awtor ang pangunahing tauhan na si Tano?

3. Bilang mambabasa, paano mo mabibigyan ng pahiwatig ang paglalarawan kay Tano?

You might also like