You are on page 1of 5

Pagtalakay

Ang mall ang lunan kung saan maaaring mamili, kumain, manood ng pelikula, maglibang, magbayad
ng bills, magpagupit ng buhok, magpamasahe, bumili o magpalinis ng alagang hayop, may mga mall na rin na
may klinika at laboratoryo sa loob. Ayon kay Tolentino ang kapaligiran nito ay: may pantay na ilaw, malinis,
malamig, may mga puno, walang basura, nagpa-flush ang toilet, maayos ang serbisyo, at walang krimen
(313).

ZJay. SM Mall Of Asia interior. Larawan. Pasay City, Setyembre 2, 2012. Wikimedia Commons.

Dahil ideyal ang karaniwang danas natin sa mall ay nalalagpasan ng ating mga mata ang politika at
iba pang realidad na umiiral sa espasyong ito. Kung para sa atin ay isa itong espasyo kung saan tayo
kumakain, namimili, at nagpapalamig, iba naman ang dating ng espasyong ito sa mga guwardiya, saleslady,
crew ng fast food, at iba pang manggagawa sa loob nito.

Maaari itong maging kuna ng opresyon para sa manggagawa na hindi maregular. Maaari itong
espasyo na sumisimbilo ng hindi pagkakapantay-pantay para sa pagod na tauhan na nagbebenta ngunit
walang pambili. Ibig sabihin, hindi nagsasalo sa iisang realidad ang mga tao sa iisang lunan. Kailangang
wasakin ang pagtingin sa mall bilang isang ideyal at perpektong espasyo.

Ang mismong istruktura ng mall ay may politika. Pansinin na ang ng mga establisyimento na
matatagpuan sa ibaba ng mall ay gitnang uri pababa. Ayon kay Tolentino, matatagpuan ang mga
espesyalisadong tindahan sa mataas na bahagi ng mall. Idinisenyo ito sa ganitong paraan dahil ang mga
espesyalisadong tindahan ay dadayuhin ng mismong parokya nito. Halimbawa, hindi kailangang ilagay ang
tindahan ng mga furniture, painting, o pet shop sa ibaba ng mall kung saan nagkukumpulan ang mga tao.
SM Pampanga - Painting Shop - Ground Floor Dior Cosmetics - Glorietta - Ground Floor
Vertis North Ayala Malls - Furniture Shop - Ground Floor
Sasadyain ito ng may perang kostumer na may partikular na pakay sa mall. Ang mga produktong karaniwang
makikita sa mataas na bahagi ng mall ay may mataas na presyo na hindi biglaang makukuha ang interes na
bumili ng mamimiling naparaan lamang.

Pati ang akto ng pagkakaligaw sa mall ay hindi aksidente, bagkus ay isa ring estratehiya. Ayon kay
Tolentino, sadyang nakalilito ang disenyo ng mall upang mapasadahan ng mga mamimili ang bawat tindahan
na mas nagpapalakas sa pagkakataong mag-impulsive buying. Ang pagkakapwesto ng mga produkto ay
planado rin. Inilalagay ang mga premium brand sa gitnang bahagi ng mga shelf dahil ito ang bumubungad sa
mga mamimili.

Maraming pre-determined na danas sa loob ng mall. Ang hinaharap na realidad sa iyo sa loob nito ay
sadya at idinisenyo. Mula sa lamig, pagkaligaw, makikita sa bawat sa palapag ay pinag-isipan. Hindi
nagkataon na pula ang maraming fast food chain na kulay raw ng pagkagutom, ganoon din ang pagiging
maliit ng mga pinggan sa maraming eat all you can buffet at pagiging malaki ng mga pinggan sa fine dining.
Pati ang laki ng -mga pushcart ay nakaapekto sa dami ng iyong bibilhin. Ngunit hindi natin ito napapansin
dahil lubog tayo sa danas sa mall. Tandaan, ang bagay na nakalakihan ang pinakamahirap kuwestiyunin dahil
tumimo ito sa ating mga isipan bilang normal.

Kung ganito ang kaso, nangangahulugan ba na walang kapangyarihan ang mamimili sa loob ng mall?
Idinidikta ba ng mall sa mamimili kung ano ang magiging popular? Ayon kay Tolentino ang sumusunod ay ang
tatlong pananaw sa kulturang popular bilang terrain ng tunggalian.

1. Institusyonal na Pananaw

• May kapasidad ang mga kultural at politikal na institusyon na hubugin ang kamalayan ng tao
(Tolentino, 314).
• Sa pananaw na ito, naging popular ang isang partikular na kultura dahil ito ang ipinalaganap ng
naghaharing uri.
2. Popularistang Pananaw

• Sa pananaw na ito, ang pagiging popular ay idinidikta ng mga taong tumatangkilik.

• Aktibo ang papel ng mga tao sa paglikha ng kulturang popular. Hindi lamang siya basta dinidiktahan
kung ano ang magiging popular, bagkus ay may kakayahan siyang magdikta.

3. Sa ikatlong pananaw, may kapangyarihan ang tao ngunit ang kapangyarihang ito ay limitado ng kaniyang
indibidwalidad o subkultura (Tolentino, 315). Nangangahulugang bagamat may kapangyarihan ang tao na
pumili ay naiimpluwensiyahan pa rin ang kaniyang pagpili ng kaniyang pang-araw-araw na pamumuhay.

Mall at Globalisasyon

Hindi limitado sa mga nabanggit ang nagkukubling politika na umiiral sa mall. Ayon kay Rolando
Tolentino ang mall ay may kakayahan ding manghikayat na tumangkilik ng mga produkto at serbisyo mula sa
iba’t ibang panig ng mundo. Ilan sa ibinigay niyang halimbawa ay winter coat na yari sa ibang bansa, French
bread mula sa aniya ay nagpapanggap na French bakeshops, mga franchised dermatological shop, ice
skating, at iba pa na bagamat hindi taal sa produkto o danas Pilipinas ay matatagpuan sa loob ng mall (312).

Makikita sa mga halimbawang ito ang pagiging artipisyal ng danas sa mall. Nadadala nito sa Pilipinas
ang mga karanasang akala mo ay sa ibang bansa lamang mararanasan. Nagiging midyum ang mall sa
pagpapakilala ng kultura ng ibang bansa sa Pilipinas, ng globalisasyon.

Pansinin na patuloy ang pagdami ng mga tindahang espesyalisado sa pagtitinda ng mga produkto na
nagmula sa isang partikular na bansa. Halimbawa ay mga tindahan na ang tanging ibinebenta ay mga
produkto mula sa bansang Japan o South Korea. Ganoon din ang pagdami ng mga kainan na espesyalisado
sa pagkain ng ibang bansa.
Ang mall ay may kakayahang lumikha ng imitasyon na danas mula sa ibang bansa. May kakayahan
itong magdala ng niyebe sa Pilipinas, magpalabas ng mga pelikula na nagmula sa Kanluran, at magdala ng
mga sikat na kainan sa ibang bansa sa lokal na espasyo. Nagkalat ang mga samgyupsal, Japanese
restaurant, Italian restaurant, Chinese restaurant, Hainanese cuisine, kahit Peruvian at Mexican restaurant ay
mayroon na rin sa mga mall. Hindi lamang nito dinidiktahan ang ating panlasa sa pagkain ngunit pati na rin sa
produkto at serbisyo.

Dagdag pa ni Tolentino, inilalatag ng mall ang hinaharap ng Pilipinas. Bagamat ang Pilipinas ay
nanatili sa kategoryang third world ay mala-first world na mukha ang pilit na pinoprodyek nito. Kung
pagbabatayan ang mga pangyayari sa loob ng mall, aakalain mong maginhawa ang buhay ng bawat tao sa
loob nito. Lumilikha ito ng ideya na maganda ang buhay sa Pilipinas. Abala ang lahat sa pamimili, pagkain,
panonood ng sine, at pamamasyal. Pansinin ang pagbaba ng halaga ng pera pagdating sa mall kung saan
hindi nagagawa ang pagtawad sa mga bilihin. Maliit ang halaga ng 100 piso na sa labas ng mall ay mahirap
dukutin sa bulsa.

Ang mall ay karaniwang sumisimbolo sa pag-unlad ng isang siyudad. Mabilis ang pagtaas ng halaga
ng lupa ng mga lugar na malapit sa mall. Ngunit pansinin na may mga lugar na bagamat nagkukumpulan ang
mga mall ay napapaligiran ng mga informal settler. Binabasag nito ang ideya na ang mall ay simbolo sa pag-
unlad ng isang lugar. Hindi inklusibo ang pag-unlad na ibinibigay ng mall.

Mahalagang tandaan na maraming politika na umiiral sa loob at labas ng mall. Hindi ito isang payak na
pamilihan. Ang iyong karanasan sa loob nito ay idinikta o predetermined. Mula sa estruktura, kulay, ilaw,
puwesto ng mga pamilihan, at mga produkto ay idinisenyo upang ikubli sa iyong mga mata ang politikang
umiiral dito.

Sa susunod na magpunta ka sa mall, subukang sipatin ang iba’t ibang danas at realidad na mayroon
sa loob nito. Kontraktuwal kaya ang mga manggagawa? Direktang empleyado kaya ng mall ang guwardiya na
nag-inspeksiyon ng gamit mo? Bakit kaya kailangang nakatayo maghapon ang mga sales personnel? Saang
bansa kaya nagmula ang mga produktong binibili mo? Bakit ka kaya naliligaw sa loob ng mall? Bakit kaya
may mga rally sa iba’t ibang espasyo ngunit sa loob ng mall?

Tandaan, makapangyarihan na espasyo ang mall. May invisible na timbangan ang bawat entrance
nito. Makakapasok ka dito kung may pambili ka, kung naayon ang damit mo, at kikilos ka na naaayon sa
kanilang pamantayan. Kaya naman walang rally sa loob nito at hindi ka rin makakakita ng pulubi dito dahil pilit
na lumilikha ang mall na ideyal at artipisyal na danas para sa mga mamimili.

Basahin at suriin ang tulang “Big One” ni Keanu Harold G. Reyes. Gamiting gabay ang mga tanong sa ibaba
sa pagsusuri.

Big One ni Keanu Harold G. Reyes

Doon tayo sa SM malagi


Habang hinihintay,
Ang pagdating,
Ang pagyanig,
Ng matinding Lindol.
Dahil guguho,
Ang Angat Dam.
Babahain,
Ang buong lalawigan.
Aanurin tayong lahat,
Hanggang Pacific Ocean.

Kaya sa SM tayo mamalagi,


Dahil ang bawat poste nito ay dingding,
Pasok sa International standard.

Dahil wala raw pondo


Dahil wala raw pondo
Para ang dam ay makumpuni,
Kaya sa SM tayo mamalagi.

You might also like