You are on page 1of 5

Introduksiyon sa Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino

Kahulugan ng Pananaliksik
• Base sa aklat ni Viscarra (2003), ang pananaliksik ay isang sistematiko, kontrolado, empiriko at kritikal na pag-imbestiga sa
haypotetikal na pahayag tungkol sa inaakalang relasyon o ugnayan ng mga natural na penomenon.
• Ayon kina Atienza, et al. (1996), ang pananaliksik ay matiyaga, maingat, sistematiko, mapanuri, at kritikal na pagsisiyasat o
pag-aaral tungkol sa isang bagay, konsepto, kagawian, problema, isyu, o aspekto ng kultura at lipunan.
• Ayon kay Sanchez (1998), ito ay puspusang pagtuklas paghahanap ng mga hindi pa nalalaman.
• Ayon kina Alejo, et al. (2005), batay sa ensayklopedya, ang pananaliksik ay isang aktibo, matiyaga at sistematikong proseso ng
pagsisiyasat para makatuklas, makapagbigay ng interpretasyon, o baguhin ang katotohanan, pangyayari, asal, teorya, makagawa
ng praktikal na aplikasyon sa tulong ng mga makatotohanang pangyayari, batas o teorya.
• Ayon kina Ordoñez, et al. (2007), ang pananaliksik ay pahayag sa mataas na lebel ng pagsusulat dahil nangangailangan ito ng
pangangalap ng mga datos, pag-iimbestiga, pagsusuri, pagbibigay hinuha, at sa pagtatapos ay pagbibigay kongklusyon at
rekomendasyon.
• Ayon kay Good (1963), ang pananaliksik ay isang maingat, kritikal, disiplinadong inquiry sa pamamagitan ng iba’t ibang
teknik at paraan batay sa kalikasan at kalagayan ng natukoy na suliranin tungo sa klaripikasyon at/o resolusyon nito. Ang mga
iba’t ibang awtor ay nagbigay ng iba’t ibang kahulugan ng kanilang pananaw ay naaayon sa kani-kanilang aspekto. Ang
pananaliksik ay magkakaugnay na mga gawaing nagsisimula sa pag-iisip ng paksa o katanungan. Kasunod ang mga pamamaraan
ng paglikom ng mga datos at impormasyon, ang mga nalikom na datos ay iaayos, susuriin, bibigyan ng interpretasyon, at
lalapatan ng kongklusyon. Pagkatapos ay i-dodokumento. Inaasahan na ang pinal na sulatin o dokumentasyon ay maibabahagi sa
iba sa pamamagitan ng pag-uulat at/o paglalathala nito para sa kapakinabangan ng iba. Ito rin ay isang gawaing pang-akademiko
na tinutugunan ng mga taong sangkot sa isang akademikong lipunan at ang ilan sa mga ito ay ang mga propesor at mga mag-
aaral. Karaniwang binibigyan ng ganitong gawain ang mga mag-aaral dahil sa sumusunod na mga
Layunin ng Pananaliksik
1. Nagpalalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa isang paksa o mga bagay-bagay sa paligid nang higit pa kaysa sa
pagbabasa at pakikinig sa loob ng silid-aralan;
2. Nagbabahagi ng mga bagong karanasan gaya ng pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan sa ibat ibang uri ng mga tao, pagpunta
sa ibat ibang lugar, pagharap sa suliranin o dilema (sarili man o hindi), at marami pang iba;
3. Nagpapayaman ng isipan ng mag-aaral sapagkat inilalantad siya sa iba’t ibang pananaw na maaaring malapit o malayo sa
kaniyang paniniwala;
4. Nagtutulak sa mga mag-aaral na mag-isip, magtanong, magsuri, bumuo ng kongklusyon mula sa nakolektang mga datos at
ibahagi ang mga nakalap na impormasyon sa kaniyang komunidad;
5. Nagpapaunlad ng kasanayan sa pakikisalamuha, pamumuno, pakikipagtalastasan, pamamahala, pagbuo, at pag-isip;
6. Naghahasa ng mga mag-aaral na humarapat lumutas ng suliranin na bahagi ng gawaing pananaliksik at kung anoman ang
matutuhan niya rito ay magamit niya sa kinabibilang ang lipunan gayondin sa kaniyang pagtatrabaho.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa kahalagahan ng pananaliksik. Ang pagpapabuti ng programang pananaliksik sa isang
paaralan ay maghahanda sa mga mag-aaral nito na linangin ang kanilang kakayahan, kasanayan, kahusayan at tiwala sa sarili
upang sa susunod ay sila na mismo ang humanap at magpresenta ng mga datos na maaaring makatulong sa kaunlaran. Ang
pananaliksik, samakatwid, ay masistemang gawain ng pangangalap ng datos o impormasyon na nagpapataas ng kaalaman at
pang-unawa ng mga mag- aaral/mananaliksik tungkol sa isang pangyayari. Tungkulin ng mananaliksik na maihayag ang
kaniyang nasaliksik sa pamamagitan ng publikasyon bilang simbolo na ito ay dumaan sa mabusising pag-aaral at makaabot sa
maraming mambabasa. Sa kabilang banda, ang pananaliksik ay isa ring pagtatangka sa maingat na pag-uusisa, pag-aaral,
pagmamasid, pagsusuri, at pagtatala ng mga bagong impormasyon, katotohanan at kaalaman na may kaugnayan sa iba’t ibang
aspekto ng buhay.

Kahalagahan ng Pananaliksik
1. Benepisyong Edukasyonal – Tumutukoy ang benepisyong ito sa mga kapakanang edukasyonal. Nakatutulong ang
pananaliksik sa guro upang maging gabay niya ang mga natuklasan at mapagtagumpayan niya ang kaniyang epektibong
pagtuturo sa mga nag-aaral. Sa panig naman ng mga mag-aaral, natututo ka sa mga isyu, metodolohiya, at iba pang epekto sa
iyong napiling larangan.
2. Benepisyong Propesyonal – Nakapaghahanda ka para sa iyong karera sa hinaharap dahil nasasanay kang magbasa at mag-
analisa ng mga datos na nagbubunga ng pagkakaroon ng mas malawak na kaalamang magagamit sa iyong propesyon.
3. Benepisyong Personal – Sa proseso, napauunlad mo ang iyong pagiging analitikal, at kritikal na pag-iisip na nagreresulta ng
pagiging matatag mo sa buhay, nakakaya mong tumayong mag-isa.
4. Benepisyong Pambansa – Ang pananaliksik ay may ginagampanang tungkulin sa paghubog ng kinabukasan ng isang bansa at
tagapagbigay ng kaunlaran at mabuting pamumuhay para sa lahat.
5. Benepisyong Pangkaisipan – Nangangahulugan itong nadaragdagan ang iyong kaalaman at pagkatuto. 6. Benepisyong
Pangkatauhan – Nahahasa rin ang iyong kagalingan sa pakikipagkapwa-tao dahil sa iyong pakikipanayam.
Mga Katangian ng Pananaliksik
Mahalaga ring malaman mo ang mga katangian ng pananaliksik. Nakatutulong ang mga katangiang ito upang magkaroon ka ng
malalim na pagkakakilanlan at kaalaman hinggil sa iyong pananaliksik.
1. Kontrolado – Ang mga baryabol o datos na pinag-aaralan ay hindi dapat manipulahin sapagkat nagdudulot ito ng kawalang
katiyakan at pagkainbalido (invalid) ng resulta ng pananaliksik.
2. Balid – Lahat ng aspekto nito ay suportado ng mga datos na nakamkam o dating nasaliksik na.
3. Sistematiko – May sinusunod itong proseso o magkakasunod-sunod ng mga hakbang tungo sa pagtuklas ng katotohanan,
solusyon ng suliranin, o ano pa mang nilalayon sa pananaliksik.
4. Empirikal – Kailangang maging katanggap-tanggap ang mga pamaraang ginagamit sa pananaliksik maging ang mga datos na
nakalap.
5. Mapanuri – Ang mga datos na nakalap ay kailangang suriin nang kritikal upang hindi magkamali ang mananaliksik sa
paglapat ng interpretasyon sa mga datos sa kaniyang nakalap.
6. Objektibo, lohikal at walang pagkiling – Walang pagtatangkang ginawa upang baguhin ang resulta ng pananaliksik.
7. Matiyaga at hindi minamadali – Ginagawa ang pananaliksik gamit ang inaasahang panahon at oras o time table.
Kahalagahan at Kabuluhan ng Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino
Sa panahon ng tumitinding kampanya ng internasyonalisasyon, naisasantabi ang halaga ng sari-sariling yaman ng wika
at kultura ng mga bansa at ang pagkakaiba-iba ng mga ito dahil sa paniniwala na may iisang pamantayang pandaigdig na
nakapadron lamang sa kakayahan at katangian ng mauunlad na bansa. Samantala, ang wika at kultura ng mga bansang nasa
Ikatlong Daigdig, gaya ng Pilipinas, ay lagi’t laging ipinalalagay na mababa at di-kapantay ng mga sumusulong na kalakaran sa
daigdig dahil hindi nakaaagapay sa pamantayang global na hindi kumikilala sa mga katangiang panloob ng bawat bansa. Ngunit
dapat tandaan na bago makibahagi sa pandaigdigang integrasyon, kailangan munang makilala ang sariling kahinaan at kalakasan,
kailangang makilala muna ang sarili at maging matatag ang pundasyon sa sariling kaakuhan, upang hindi lamunin lamang o
manggaya na lamang sa kultura ng ibang bansa. Sa ganitong paninindigan, may mahalagang papel ang pananaliksik sa sariling
wika at kultura bilang pagharap sa globalisasyon. Hinahadlangan ng ganitong oryentasyon ng “pakikiangkas” at “pagnanasa” sa
global na pamantayan ang kakayahan at kaisipang pambansa. Tuluyang naisasantabi ang pagpapalakas ng sarili nating potensiyal
na makalikha pa ng mas maraming pambansang iskolar at pantas sa larangan ng sariling wika at kultura. Malinaw na sa umpisa
pa lamang ay may pagkiling na sa mga kanluraning teorista at sunod-sunuran sa mga panlabas na patakaran ang mga
institusyong pangedukasyon kabilang na ang mga akademya sa bansa na produkto ng kolonyal na karanasan. Halimbawa,
pinapanginoon ng mga pamantasan ang sistema ng ISI (lnstitute for Scientific lnformation)-indexed journals bilang batayan ng
pinakamataas na uri ng publikasyon. Hindi pantay ang kanilang pagtingin sa mga lokal at pambansang publikasyon, lalo yaong
nasa wikang Filipino, na kung tutuusin ay katulad din naman ng prosesong pinagdaanan at maituturing na mas masalimuot pa
nga, sapagkat hindi hamak na mahirap bumuo ng sariling konsepto at palagay sa sariling konteksto kaysa simpleng hiramin na
lamang at ilapat ang mga tanyag na teorya at kaisipan ng mga dayuhang iskolar at pantas sa daigdig. Sa ganitong kondisyon,
malaki ang hamon sa mga mananaliksik ng wika at kulturang Pilipino na igiit ang espasyo para sa maka-Pilipinong pananaliksik
at ituring na kapantay ito ng alinmang iskolarling pamamaraan at larangan sa akademya man o sa labas nito.
Maliban sa isyu ng wastong paglalagay ng espasyo at pantay na pagkilala sa mga paksa at pamamaraang nakatuon sa
lokal na pag-aaral ng wika at kultura, matingkad ding problema kaugnay nito ang namamayaning katiwaiian ukol sa pagbubuo
ng maling kamalayan at kaisipan ukol sa kulturang katutubo at kaalamang bayan. Sa papel na “Mga Katiwalian sa ating
Kamalayan Tungkol sa Kaalamang Bayan” ni Arnold Azurin (1991), pinuna niya ang kawalang-ingat ng mga mananaliksik at
manunulat sa kanilang mga paksang sinasaliksik na nagreresulta ng katiwalian sa paglikha ng kahulugan at pagsasawalang-
bahala sa kapakanan ng pinag-aaralang paksa. Nagreresulta rin ang ganitong kakulangan ng panlilinlang sa mga mambabasa
sakaling mailabas bilang aklat o sanggunian ang mga maling impormasyong magluluwal din ng maling pag-unawa at kamalayan
sa mambabasang Pilipino. Upang malutas ang ganitong katiwalian, kailangang maging kritikal at ipinanukala niyang pag-aralan
ang paksa ukol sa katutubong kultura at kaalamang bayan, na nangangailangan din ng praktis (lampas sa pagteteorya) at
pagpaloob sa mismong proseso ng pag-unawa rito. Matibay pa ring pamamaraan ang karanasan at dunong na nagmumula sa
kapuwa at hindi paniniwala sa indibidwal o sariling palagay lamang. Matingkad din niyang iginigiit ang kahalagahan ng aktuwal
na pagdanas sa loob ng pinag-aaralang paksa upang makabuo ng matibay na pagsusuring nakabatay sa konteksto at hindi bukod
sa pinag-aaralan. Sa ganitong punto, nakikita ang halaga ng pananaliksik sa wika at kulturang Pilipino bilang makabuluhang
gawain ng pag-unawa sa sarili, pagwawasto sa binaluktot na kamalayan, at ambag sa proyekto ng dekolonisasyon. Sa pag-aaral
ng wika at kulturang Pilipino, matinding usapin din ang paglilihis ng landas sa pananaliksik na bunga ng kahinaan sa pagpili ng
paksa at tinatanaw na tunguhin ng pananaliksik. Maraming pananaliksik ang nakabatay sa interes ng mananaliksik at hindi sa
interes ng kaniyang paksang sinasaliksik. Nahihikayat din ang karamihan na lagi’t laging pag-aaralan ang kulturang dayuhan sa
hailip na magkaroon ng motibasyong linangin ang sariling kaparaanan. Kadikit ng ganitong pagkahumaling sa dayuhang kultura
ang pagkiling sa mga tanyag na konsepto at pamamaraang kanluranin na hindi umaangkop sa kalagayan, karanasan, gawi, at
diwang Pilipino.
Problematiko rin ang paksa at tunguhing nakakulong sa pamantayan at panlasa ng akademya lamang habang
isinasantabi ang kabuluhan ng pamumuhay at karanasang panlipunan bilang laboratoryo ng kaalaman at pagpapahalaga. Ang
kawalan ng tiyak at malinaw na konteksto sa pagaaral ng wika at kulturang Pilipino ay nagreresulta ng kawalang tunguhing
makaPilipino at nagpapakita ng baiuktot na katotohanang nagsisilbing katiwahan sa kalagayan at karanasan nito. Sa madaling
salita, hindi kailanman mapagtatagpo ang magkaibang realidad, kailangang unawain ang mga sariling palagay at haka-haka na
nakatanaw sa layunin at kontekstong Pilipino. Bilang tugon sa ganitong mga suliranin at hamon tungo sa makabuluhang
pananaliksik sa wika at kulturang Pilipino, mahalagang ilapat ang modelo ng makaPilipinong pananaliksik. Pangunahing saligan
ng modelong ito ang paggamit ng sariling wika at pamamaraang nakabatay sa sariling karanasan na angkop sa ating konteksto.
Marapat pahalagahan ang tunguhing maka-Pilipino na makapag-aambag sa karaniwang Pilipino at larangang magpapalakas sa
interes ng paksang sinasaliksik. Kinakailangang maipakita ang resulta na hindi nakatali lamang sa mga aklat kundi sa mismong
aktuwal na praktika sa lipunan kabilang ang pang-arawaraw na gawain, pag-uugali, at pananaw ng isang karaniwang Pilipino sa
tiyak na lipunan. Upang maisagawa ito, kinakailangan ang isang metodo na makapagpapakilala sa mananaliksik at kalahok ng
pananaliksik upang kapuwa nila matamo ang maka-Pilipinong pagpapahalaga at tunguhin gamit ang iskala ng pagmamasid,
pakikiramdam, pagtatanong-tanong, pagsubok, pagdalaw-dalaw o pagmamatyag, pagsusubaybay, pakikialam, pakikilahok, at
pakikisangkot. (Enriquez 1992) Sa pagninilay ukol sa mga naging kahinaan ng pananaliksik sa wika at kulturang Pilipino,
nabubuksan ang mga posibleng landas sa lalong pagpapabuti ng nasabing larangan at maging katuwang ng iba pang disiplina sa
pagbubuo ng isang tunay at makabuluhang maka-Pilipinong pananaliksik. Binubuksan ng makaPilipinong pananaliksik sa wika
at kulturang Pilipino ang magkakaiba ngunit magkakaugnay na pananaw at lapit-pamamaraan sa pagsasagawa ng mga
pananaliksik na may katangiang interdisiplinaryo, krosdisiplinaryo, at multidisiplinaryo na makapagpapalitaw sa mabisang
talaban at diskurso ng iba’t ibang larangan upang makabuo ng isang matatag na araling Filipino na nakasalig sa lakas ng wika at
kultura. Sa interdisiplinaryong pananaw, nilalayong maigpawan ang pagkakaiba tungong pagkakahawig at pag-uugnay upang
pagbigkisin ang dalawang disiplina sa pamamagitan ng integrasyon ng kaalaman at pamamaraan ng dalawang disiplina. May
katangiang krosdisipiinaryo naman ang pagtutuon sa isang paksa na magsisilbing batayan sa pagpili ng ibang pagtingin,
pananaw, at pamamaraan. Tinatanaw ng mga krosdisiplinal na pag-aaral ang isang disiplina sa pananaw ng iba pang disiplina.
Lalim at lawak naman ng dalawa o higit pang disiplina ang tuon ng katangiang multidisiplinaryo.
Pinagtatagpo nito ang iba’t ibang disiplina upang mapalakas ang sariling disiplina. Sa madaling salita, maituturing na
isa sa kahalagahan ng pananaliksik sa wika at kulturang Pilipino ang kakayahang magluwal ng iba pang kaalaman at kabuluhan
lampas sa saklaw ng larangang ito. Maaaring tingnan ang talaban ng wika at sining bilang interdisiplinaryong pananaw, ang iba’t
ibang pamamaraan at lente sa pag-unawa ng sining na tumatawid sa mga disiplina gaya ng antropolohiya, politika, at ekonomiks
ay maituturing na katangiang krosdisiplinal habang ang lawak at lalim ng ugnayan at diskurso sa sining na nilalapatan ng sari-
saring disiplina ay tumutukoy naman sa yugto at paraang multidisiplinaryo. Posible ring ang isang pag-aaral ay maaaring
magtaglay ng mga nabanggit na mga pananaw ng pananaliksik batay sa layunin at pokus ng isinagawang saliksik. Sa mga
natalakay na isyu at argumento ukol sa kahalagahan ng pananaliksik sa wika at kulturang Pilipino, nabubuksan ang malawak na
espayo para sa palitan ng idea, talaban ng bisa, at pagtanaw sa isang diwang Pilipino na mahalagang sangkap sa paghawan ng
mga balakid at pagharap sa hamon ng patuloy na pagdurog at pananalanta sa tumitinding ragasa ng globalisasyon. Sa huli,
mananatiling matatag at nakatindig ang anomang wika at kulturang may matibay na pundasyon ng kaniyang sarili at tumatanaw
sa pangmatagalang aspirasyon ng pagiging malaya at tunay na nakapagsasarili.
Pagsulat ng Panimulang Pananaliksik sa Penomenang Kultural at Panlipunan ng Bansa

Anomang pananaliksik ay isang pagtatangkang tumuklas ng isang bagong bagay o kaalaman sa


pamamagitan ng masinop at sistematikong proseso ng pagbuo nito? Hindi lubusang maisasakatuparan ang anomang siyentipiko
at emperikal na proseso sa pagsasaliksik nang hindi nalilinang ang mga preliminaryong kasanayang inaasahan sa
pagsasakatuparan nito. Sinasabing ang mabisang pananaliksik ay nakabatay sa makabuluhang suliranin na tinatawag na gap. Ang
pagpapasya sa kritikal na isyu o gap ng pananaliksik ang pangunahing kailangang isaisip ng mananaliksik sa pormulasyon ng
pipiliing paksa, pagbuo ng pahayag na tesis, at gabay sa pagbabalangkas.

Pagpili ng Paksa, Pagbuo ng Tesis na Pahayag at Balangkas

Sa larangan ng agham panlipunan, halimbawa, inaasahan ang isang gap ng pananaliksik na nagpapalawig
at humahamon sa pangkasalukuyang kaalaman, teorya, o mga palagay. Makatutulong din ang gap ng pananaliksik sa paglilinaw
ng tiyak na konteksto ng paksa at makapagsasagawa ng pagtataya ukol sa mahahalagang ambag sa binabalak na pag-aaral at
kaibahan nito sa mga naunang naisagawa na. Sa madaling salita, ang gap at isyung pampananaliksik ang magsisilbing punong
katuwiran at argumento sa kabuoang latag ng pananaliksik. Kung gayon, kinakailangang umisip ng isang matalino at kritikal na
isyung pampananaliksik na magbubukas ng makabuluhang mga posibilidad. Simulan ang panimulang gawaing ito sa pagpili at
pagpapasiya ng tiyak at limitadong paksa batay sa sumusunod na:

Katangian ng Mahusay na Paksa sa Larangan ng Wika at Kultura


1. Tiyaking ang paksa ay malapit sa interes ng mananaliksik at pagkokonsidera sa kapakanan ng paksa;
2. Makapagtitiyak ng sapat na materyal o sanggunian;
3. Makabubuo ng mga tiyak na suliranin at haypotesis;
4. May katangiang napapanahon at nakapag-aambag sa kasalukuyang kalagayan o penomena sa larangan ng wika at kultura;
5. May matibay na kaugnayan at kabuluhang mapaglalapatan ng angkop at malayang metodo o pamamaraan; at
6. Paksang nakapagpapayaman sa pag-unawa, pagdalumat, at pagpapahalaga sa anomang isyu o usapin sa larangan ng kultura at
wika.
Sa pagsisimula ng pagpili ng paksang pampananaliksik, nakabubuo ang mga mananaliksik ng malawak na paksa na
kinakailangang limitahan at itakda ang saklaw upang higit na mailinaw ang tiyak na pokus ng pananaliksik. Ilan sa mga
panukalang estratehiya ng University of Illinois ang maaaring isagawa sa:
Pagpopokus ng Isang Malawak na Paksang Pampananaliksik
1. Lumikha ng tentatibong pokus;
2. Itala ang mga nalalaman sa paksa o mga tanong tungkol sa paksa at hanapin ang higit na interesante; 3. Magsaliksik ukol sa
kaligirang impormasyon ng paksang napili;
4. Magpasya para sa partikular na perspektiba o pananaw sa napiling paksa; at
5. Limitahan ang pagsasaliksik sa tiyak na panahon.
Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagpili ng Paksa
1. Kasapatan ng datos – kinakailangang may sapat na impormasyon tungkol sa napili mong paksa;
2. Limitasyon ng pag-aaral – ang limitasyon ng pag-aaral ay ang deadline o ang oras kung hanggang kailan lamang puwedeng
gawin ang iyong pananaliksik;
3. Kakayahang pinansyal – sa pagpili ng paksa, dapat isaalang-alang ang iyong kakayahang pinansyal;
4. Kabuluhan ng paksa – sa pagpili ng paksa, hindi sapat na ito ay napapanahon lamang, sa halip dapat ito ay makatutulong din
sa iba pang mananaliksik at ibang tao.
5. Interes ng mananaliksik – mas mapadadali ang iyong gawain kung ang iyong paksa ay nakabatay sa iyong interes.
Ayon kay Simbulan (2008), marapat na isaalang-alang sa pagpili ng paksa kung para kanino ang gagawing
pananaliksik, na magtitiyak sa benepisyo ng kaalamang panlahatang lilikha ng mga mambabasang mapag-isip, may bukas na
pag-iisip at may matatalas na pag-iisip. Sa ganyang pananaw ni Simbulan, maaaninag na mahalaga rin ang linaw ng
adbokasiyang panlipunan sa pagpili ng paksa lalo sa larangan ng pambansang kultura at wika.
May ilang tiyak na pokus o sakop sa paglilimita ng paksang pampananaliksik na nakatuon sa panahon, edad, kasarian,
propesyon / grupong kinabibilangan, anyo / uri, perspektiba, at lugar. Ang mga pokus na nabanggit ay maaring makapaglilinaw
sa parametro ng pananaliksik.
Halimbawa sa paksang:
“Pagbanghay sa Iba’t ibang Imahen ng Kababaihan sa Piling TV Adbertisment”
Pagbanghay sa iba’t ibang imahe = pokus sa pananaw o perspektiba
Kababaihan = pokus sa kasarian
Piling TV Adbertisment = pokus sa uri
Batayan sa Pagdedelimita ng Paksa
Sa paggawa at pagdisensyo ng pamagat ng pananaliksik, dapat ito ay maging malinaw, madaling maintindihan, tuwiran at
maging tiyak. Sa bilang ng mga salita, dapat ay hindi bababa sa sampu (10) ngunit hindi tataas sa dalawampu (20). Mas
magandang sumasagot sa tanong na “Saan”, “Kanino”, “Kailan” at “Paano” ang gagawing pamagat para sa pananaliksik.
1. Sakop ng Panahon Pangkalahatang Paksa: Brain Drain at Epekto nito sa Larangan ng Siyensiya at Teknolohiya sa bansa
Espesipikong Paksa: Brain Drain at Epekto nito sa Larangan ng Siyensiya at Teknolohiya sa bansa: 2000-2015
2. Sakop ng Edad Pangkalahatang Paksa: Ang Konsepto ng “Kaibigan” at “Pakikipagkaibigan” ng mga Mag-aaral sa
Paaralang Elementarya ng San Nicolas Espesipikong Paksa: Ang Konsepto ng “Kaibigan” at “Pakikipagkaibigan” ng mga Mag-
aaral ng Baitang 1 sa Paaralang Elementarya ng San Nicolas
3. Sakop ng Kasarian Pangkalahatang Paksa: Ang Kuwento ng Pang-aabuso sa mga Pilipino sa Japan Espesipikong Paksa:
Ang Kuwento ng Kang-aabuso sa Kababaihang Pilipino sa Japan Mas espesipikong Paksa: Danas at Dahas: Mga Kuwento ng
Pang-aabuso sa Ilang Filipina Tsuma ng Batis Aware, Inc. sa Japan 4. Sakop ng Propesyon / Grupong Kinabibilangan
Pangkalahatang Paksa: Katutubong Panggagamot sa Pilipinas Espesipikong Paksa: Katutubong Panggagamot ng mga Pang-
etniko sa Pilipinas Mas espesipikong Paksa: Katutubong Panggagamot ng mga Pang-etnikong Pala’wan sa Brooke’s Point at
Bataraza, Palawan
5. Sakop ng Anyo / Uri Pangkalahatang Paksa: Persepsiyon sa Kababaihan sa Panitikang Ilocano Espesipikong Paksa:
Persepsiyon sa Kababaihan sa Panulaang Ilocano
6. Sakop ng Perspektiba Pangkalahatang Paksa: Epekto ng Pamumuhay ng mga Pilipino Espesipikong Paksa: Epekto ng
Globalisasyon sa Pamumuhay na Espirituwal ng mga Pilipino
7. Sakop ng Lugar Pangkalahatang Paksa: Ang Pagtatanghal ng Penitensiya sa Katagalugan Espesipikong Paksa: Masid,
Unawa, at Arok ng Penitensiya sa Kalayaan, Laguna
Matapos ang pagpili at paglilimita ng paksa, mahalagang gawain din sa pagsisimula at pagtataya sa potensyal ng paksa
ang pagbuo ng tesis na pahayag na makatutulong upang mabigyang-diin ang perspektiba ng binabalak na pag-aaral. Nagsisilbing
gabay ang tesis na pahayag upang mailimita ang paksa sa pokus at limitadong isyu. Naitala sa Online Writing Lab ng Purdue
University ang ilang tips sa pagsulat ng tesis na pahayag:
Tips sa Pagsulat ng Tesis na Pahayag
1. Tukuyin ang uri ng papel na isusulat batay sa katangiang analitikal (pagtalakay sa isang isyu at ebalwasyon ng isyu o idea ng
madla), ekspositori (layuning magpaliwanag sa madla), o agyumentatibo (pagbuo ng katuwiran ukol sa isang paksa at paggigiit
ng tiyak na katibayan; maaaring ang katuwiran ay isang opinyon, panukalang polisiya, isang ebalwasyon o sanhi at bunga, o
interpretasyon).
2. Kinakailangang maging tiyak ang tesis na pahayag at kinakailangang saklawin lamang nito ang tatalakayin sa iyong papel na
sinusuportahan ng mga tiyak na patunay.
3. Kadalasang inilalagay ang tesis na pahayag sa katapusan ng unang tatata ng iyong papel.
4. Maaaring magbago ang iyong paksa habang nagsusulat, kung kaya maaaring rebisahin ang tesis na pahayag batay sa
pagkakatalakay sa papel.
Halimbawa ng tesis na pahayag:
• Ang iba’t ibang imahen ng kababaihan sa piling adbertisment ay maaaring basahin batay sa isyu ng komodikasyon at
pagkalakal sa uring ito.
• Ang iba’t ibang imahen ng kababaihan sa piling adbertisment sa larangan ng komodipikasyon at pagkakalakal.
• Ang iba’t ibang imahen ng kababaihan sa piling adbertisment ay may kinalaman sa intensiyon ng mga kapitalista na gawing
komoditi at kalakal ang uring ito.
Sa unang tesis na pahayag, inilalatag ang isyu ng papel bilang isang panukalang lente ng pagsusuri. Sa ikalawang tesis na
pahayag naman, nasa antas ng payak na paglalahad lamang ng paksa at isyu ang punto ng pagkakasulat. Samantalang sa ikatlong
tesis na pahayag, malinaw ang argumentatibong katangian ng papel sa paglalahad nito ng kaniyang tiyak na pananaw at
argumento sa paksang napili. Sa ganitong punto, nais ko ring linawin ang halaga ng pagkakaroon ng tiyak na pananaw at panig
sa pagbubuo ng tesis na pahayag lalo kung ito ay may layuning argumentatibo. Gayondin, kahit pa nga ang layunin ng paksa ay
nasa anyong ekspositori at analitikal, mahalaga ang tiyak na pananaw upang makapagbuo ng matatag na tunguhin ang papel.
Iba Pang Halimbawa ng Tesis na Pahayag Pangkalahatang paksa: Migrasyong Tsino Espesipikong Paksa: Migrasyon ng mga
Tsino sa Pilipinas Tesis na Pahayag:
1. Ang migrasyon ng mga Tsino sa Pilipinas ay bunsod ng bukas at mapagtangkilik na katangian ng mga Pilipino.
2. Ang migrasyon ng mga Tsino sa Pilipinas maaaring tingnan bilang ebidensiya ng bukas at mapagtangkilik na katangian ng
lipunang Pilipino sa mga dayo.
3. Mahalaga ang migrasyong Tsino sa Pilipinas sa pag-unawa ng pagtangkilik ng lipunang Pilipino sa mga dayuhan.
Matapos piliin at limitahan ang paksa batay sa napagpasiyahang pokus at pangunahing argumento o pananaw na
nilinaw sa tesis na pahayag, makatutulong ang paglalatag ng tentatibong balangkas na naglalaman ng mahahalagang aspekto at
puntong tatalakayin sa kabuoan ng pananaliksik. Kailangang ibatay ang daloy ng isasagawang balangkas sa mga naitalang tiyak
na suliranin o layunin ng pananaliksik. Maaaring gumamit ng pormal na paraan ng pagbabalangkas na gumagamit ng mga titulo
at subtitulo upang mabusising mailatag ang mahahalagang punto ng pananaliksik. Samantala, maaari din namang isagawa ang
impormal na pagbabalangkas na naglalaman lamang ng pagtatala sa mahahalagang punto ng isasagawang pagtalakay sa papel.

You might also like