You are on page 1of 3

Vacation Church School/ VOCATION CHRISTIAN SERVICE

Gospel: Mateo 19:13-15


Sa Pangalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.. Amen

Bilang isang mamayang Pilipino at kabahagi sa simbahan ng Diyos, ano yong inaasahan natin sa
mga bata? Ano ang pagtingin natin sa kanila, at paano natin sila dapat pinapakitunguhan? Hindi
ba’t ang tingin natin sa kanila sila yong grupo ng mga magugulo, makukulit, at halos wala
tayong maasahan mula sa kanila. At tama lamang ba na ikulong natin sila sa iisang kahon na
ganitong kaisipan? Kung ganito ang pagtingin natin sa mga bata, paano natin sila matutulungan?

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag pagbawalan na lumapit sa kanya ang mga bata.
Ito’y pagpapatunay lamang na ang grupo ng mga magugulo’t makukulit ay may mayroong
puwang sa kanyang puso. Sila’y dapat pinapahalagahan, sila’y dapat binibigyang pansin ng
lipunan. Sa panahon natin ngayon, pansinin natin na maraming kabataan ang hindi nakakapag-
aral dahil sa kahirapan, kakapusan ng pera upang pambayad ng matrikula, gutom at kung ano pa
mang kakulangan sa mga dapat kailanganin bago makapasok sa isang paaralan.

Mga kapatid, dapat nating ipagdiwang ang araw na ito sapagkat naririto ang mga kabataan na
kung saan nabigyan ng pagkakataon upang makapag-aral ng libre sa pamamagitan ng programa
ng Simbahan ang “Vacation Church School”.Ano ba ang VCS o Vacation Church School? Ito’y
programa ng Simbahan para sa mga kabataan lalo’t higit sa lahat yaong mga hindi nabibigyan
ng pagkakataon na makapg-aral upang maimulat sa kanila kung paanong lumaki ng may takot sa
Diyos at magandang asal.

Sa ganitong pagkakataon naipapadama natin sa mga bata na mayroon silang halaga, at nailalapit
natin sila sa Simbahan. Sa ganitong pagkakataon mga kapatid, unti-unti rin natin silang
nahuhubog sa isang tunay na paglilingkod. Sapagkat hindi lamang sila naririto upang matuto
bagkus inaasahan natin na sa kanila magmumula ang mga susunod na tagapagturo upang ang
ganitong gawain ay magpatuloy.

Dahil dito mga kapatid, nagbabago ang pagtingin natin sa kanila, sa mga kabataang iniisip natin
na wala tayong maaasahan. At ngayon ay sila nga ang bida sa ating selebrasyon ngayon. Kaya
palakpakan natin ang mga bata na magsisipagtapos sa VCS’10.. Kids kayo ang tunay na bida
ngayon.

1
Alam niyo parang naluluha ako gawa ng kaligayahan kapag nakakakita ako ng mga bata na
nakatapos ng VCS program. Dahil mismo ako na inyong lingkod ay nagmula din sa ganyang
programa. Isa din ako sa produkto ng VCS. Naalala ko tuloy taong 1989 ako pa yung
humahawak ng mikropono habang umaawit ng ako ay may ulo na aking ginagalaw. graduation
din namin yun. Ako ang Most outstanding student sa year level namin. Ako ang pinakamaliit,
pinakamakulit at panikabibo sa aming klase. At di ko nga akalain na ngayong araw na ito ay ako
na ang tagapagbigay ng mensahe sa mga bata na minsan at naging katulad ko din.

Para sa mga bata gayundin sa mga magulang na nandito ngayon sana ang aking mensahe na
ibabahagi sa inyo ay lagi ninyong tandaan at manatili sa inyong mga isip. OK BA YUN? Ang
aking mensahe ay simple lang naman para mas madali na munawaan lalong higit ng mga bata.
Nkikita niyo ba ang tatlong letra sa harapan. VCS.. Alam ko na alam na ng bawat isa ang tunay
na meaning nito. Vacation Church School. Ngunit ating isa-isahin at pagninilayan ang bawat
letra na ito..

Unang letra ay V.. Sa halip na Vacation ay maari natin itong gawing Vocation. Ibig sabihin na
ang bawat isa ay may vocation o tayong lahat ay tinawag at may mga tungkulin na dapat
gampanan. Ayon nga sa sulat ni propeta Jeremias na bago pa lamang ipaglihi ay pinili na tayo ng
ating Panginoon. Maging mga batang maliliit na ito ay may mga kakayahan din upang gampanan
nila ang kanilang bahagi bilang binyagan sa ating simbahan. At ang pagtugon ng mga bata sa
Vocation na ito ay malaki ang ambag ng mga magulang kung paano nila gagabayan ang kanilang
mga anak. Minsan kasi ang mga magulang pa ang nagiging hadlang sa patugon ng mga bata.

Ang Pangalawang letra ay C, sa VCS ibig sabihin nito ay Church. Sa aking mensahe ito ay
palitan natin ng salitang Christian. Bakit Christian? Sa buong programa ng ating pag-aaral ay
tinuturuan tayo kung paano ang mga gawain sa simbahan. Tinuruan tayo na magdasal, umawit
ng mga kanta sa misa, magsimba at iba pang mga tungkol sa mga bagay na makikita natin sa
church building. Ngunit nais kong bigyan ng pagpapalawak ang pagiging Christian. Bilang mga
binyagang Kristiyano tayo ay kabahagi na ng katawan ni Kristo. At ang ating
pananampalatayang ito ay kinakailangan na mismo ang buhay ni Kristo Jesus ang maging
magandang halimbawa ng ating pamumuhay. Bilang isang Kristiyano at kabahagi ng simbahang
Malaya ang ating pananampalataya ay kinakailangan din ng mabubuting gawa.

2
At ang huling letra na S na ibig sabihin ay School ay palitan natin ng salitang SERVICE. Nawa
ang programa ng simbahan na ito ay huwag manatili na isang pag-aaral lamang. Bagkus ang
bawat bata maging ang mga magulang ay ito ang maging simula ng isang tunay at tapat na
paglilingkod. Service na hindi lamang sa sarili nating kapakanan bagkus paglilingkod na lagi
natin isipin ang iba pa nating mga kapatid. Maari natin sundan ang buhay ni Kristo na ating
Panginoon, Siya ay nagpahayag ng mabuting balita at naglingkod sa mga mga dukha at
nangangailangan. Paglilingkod sa Diyos, sa ating kapwa at sa bayan.

Mga bata na magsisipagtapos sa VCS sa taong ito gayundin sa mga magulang at mga iba pang
bisita lagi natin tandaan ang ibig sabihin na bawat letra na ito. VCS.. VOCATION,
CHRISTIAN, SERVICE…

Isang napakalaking hamon ito sa ating lahat na ang pagtatapos ng ating programang ito ay
maging panibagong simula at pagkakaron ng panibagong binhi ng mga tinawag ng Diyos o
Vocation, upang tumugon sa pagiging isang tunay na Christian na ginagampanan ang bawat
tungkulin sa pamamagitan ng Service o paglilingkod sa kapwa na nangangailangan at lalong
higit sa ating Panginoon.

At hamon din sa mga lahat na nandirito ngayon na maging kabahagi tayo ng programang ito at
atin pa itong palawakin upang ang ating bilang sa ngayon ay madoble pa o higit pa. Sabi nga ang
mga kabataan ang pag-asa ng bayan at naniniwala din ako na sila ang panibagong buhay ng ating
simbahan. Sa tulong at patuloy na paggabay ng ating Panginoon ay laging pagpalain tayong lahat
lalong higit ang mga bata na magsisipagtapos. Kaya muli kong babangitin ang ating tema: “
Hayaan Ninyong Lumapit sa Akin ang mga Bata, Sapagkat sa mga Katulad Nila Naghahari ang
Diyos”

Sa Pangalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.. Amen

Inihanda ni:

Bro. Constancio Jalos Jr.


BTH III

You might also like