You are on page 1of 4

Rasonabe, Jazella M.

BSAR-4D

I. Pamagat: Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros (The Blossoming of Maximo


Oliveros)
II. Tauhan: Maximo “Maxie” Oliveros- Isang tinedyer na pangunahing tauhan sa
kwento. Lalaki man siya nang isilang, babae naman ang silakbo ng kaniyang
damdamin. Sa kanilang pamilya, siya ang pinakabata at
pinakapinoprotektahan ng kaniyang ama at nakatatandang mga kapatid. Sa
kwento, nahulog ang kaniyang loob sa isang baguhang pulis na susubok
hindi lang sa kaniyang nararamdaman, subalit pati na rin sa kaniyang
pamilya.
Victor Perez- Isang baguhan sa lugar at matipunong pulis na nagmula
sa probinsya. Sa kwento, siya ang natipuhan ng pangunahing tauhan dahil
sa taglay nitong kabutihang loob at nang siya ay iniligtas nito. Taglay sa
kaniyang puso ang prinsipyong sundin ang tama at mabuti at masidhing
pagmamahal at pagpapahalaga sa trabaho.
Paco Oliveros- Isang butihing ama sa pangunahing tauhan. Sa kabila ng
pagiging bakla ng anak ay tanggap niya ito at ipinakita sa kwento kung
gaano niya kamahal ang kaniyang bunso. Isang byudo na itinaguyod ang
kaniyang tatlong anak sa pagtitinda ng mga nakaw na cellphone. Sa
kanilang lugar, siya ang nilalapitan at pinakapinagkakatiwalaan ng
kaniyang mga ka-barangay. Sa kasawiang palad namatay siya sa tama ng
baril sa dibdib.
Boy Oliveros- Nakatatandang kapatid ng pangunahing tauhan at panganay
na anak ni Paco. Inilarawan siya ng pangunahing tauhan na simula ng
mamatay ang kanilang ina, naging seryoso na ito sa buhay. Kasama ng
kaniyang ama sa pagtatrabaho at pagpapalaki sa pangunahing tauhan. Sa
kaniya nagsimula ang isang pangyayaring maghahatid ng pagsubok, takot
at pighati sa kaniyang pamilya.
Bogs Oliveros- Isa pang nakatatandang kapatid ng pangunahing tauhan at
pangalawa sa mga magkakapatid. Inilarawan ng pangunahing tauhan bilang
isang masayahing kuya, kakampi sa tuwing pinapagalitan siya ng kanilang
ama at kalaro nang sila ay bata pa.
III. Tagpuan/ Saan Naganap ang Pelikula: Naganap ang pelikula sa isang lugar na
siyudad at tipikal na mailalarawang marahas, magulo, masikip, at marumi,
na kung saan ang mga tao roon ay kuntento na sa kung anong meron sila at
ang hanap-buhay ay kapit sa patalim- ang Maynila.
IV. Konsepto ng Pelikula: Sa pelikulang “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” ay
ipinakita rito ang konsepto ng buhay ng isang batang Homosekswal sa
kanyang adolescent stage na edad na labindalawang taong gulang, kung
saan ay nabubuhay sa mundo ng kahirapan, karahasan at krimen.
Sa mga kagaya ni Maxie, taglay niya ang pusong babae. Siya ay
nagbibihis ng pambabae tulad ng headband, bracelets at spaghetti straps,
at kumikilos na parang isang dalaginding. Ang kaniyang mga kaibigan ay
kagaya niya rin na mahilig sa panggagaya sa mga pageants at pagkahilig sa
mga romance na mga pelikula.
Dito ipinapakita ang pagmamahal ng pamilya ni Maxie sa kanya sa
kabila ng kaniyang kasarian, taliwas sa nararanasan ng karamihan.
Ipinamamalas niya ang mga dapat gawin ng isang tunay na babae, tulad ng
paglalaba, pagsusulsi, pagluluto, at paglilinis para sa kaniyang mga kapatid
at kaniyang ama na pawang mga tunay na lalaki.
Busog man sa pagmamahal ng pamilya, hindi pa rin niya natakasan
ang kalupitan ng lipunan sa mga kagaya ni Maxie. Sa isang scene, naipakita
ang pambu-bully sa kaniya ng dalawang lalaki na kung saan pinagtulungan
at hinubaran siya ng mga ito habang naglalakad sa isang eskinita pauwi.
May ibang mga scene din na nagpapakita ng panunukso ng ibang mga pulis
sa tuwing dadalawin niya si Victor.
Sa kabilang banda, hindi lang isyu ng kasarian ang ipinapakitang
konsepto ng pelikula, kundi pati na rin ang isyu ng kahirapan at krimen na
kinalakihan ni Maxie. Simula ng mamatay ang kanilang ilaw ng tahanan, ay
hindi na kailanman humanap ng marangal na trabaho ang kanilang ama,
bagkus nagtinda na lamang ito ng mga nakaw na cellphone, kung saan higit
na mas malakas ang kita kesa sa pakikipagtrabaho. Ayon sa salaysay ng
kaniyang ama sa pelikula, ang pagkakaroon ng maliit na sweldo ang dahilan
ng pagkapanaw ng kanilang ina na hindi man lang naipagamot sa ospital.
Sa taglay na pagiging mabuti ni Maxie ay humaharap siya sa gitna
ng krisis sa pagitan ng pagiging tapat sa pamilya at usaping hustisyang
panlipunan (social justice). Dagdag pa rito nang mahulog siya kay Victor,
ang pulis na nagligtas sa kaniya sa eskinita. Ipinakita sa pelikula ang
pagpupumilit na pag-amin sa kaniya ng pulis ukol sa nalalaman niyang
ginawang krimen ng kaniyang kuya Boy.
Sa pangkalahatan, ang konsepto ng pelikula ay buuin ang karakter
ng pangunahing tauhan na nakararanas ng mga karaniwang isyu sa lipunan.
Dahil sa mga aspetong ito, nagkakaroon ng pagkatanto at pagkamulat sa
katauhan ni Maxie maging sa kaniyang desisyon sa pangwakas ng pelikula.
V. Kongklusiyon: Mula sa konspeto ng pelikula, masasabing sa kaniyang gulang,
bagama’t musmos at inosente pang maituturing ay namulat na si Maxie sa
ganoong problema sa pamilya, mabigat na pagdedesisyon, dagdag pa ang
krisis sa pagkakakilanlan sa sarili (identity crisis).
Sa mga iba’t ibang aspetong ipinakita sa pelikula, napagtanto ko na
hindi natutugunan ang mga ibang mahahalagang karapatan si Maxie bilang
isang bata.
Una na rito ang karapatang manirahan sa payapa at tahimik na lugar.
Sa pelikula, nasaksihan ko ang kapaligirang pinaninirahan ni Maxie, na
kung saan ay magulo, marahas at laganap ang krimen. Ang kaniyang
sariling ama ay nagtitinda ng mga nakaw na cellphone at protektor ng mga
sindikato sa kanilang lugar, ang kanyang kuya Bogs ay nagpapataya ng
ilegal na jueteng, habang ang kaniyang kuya Boy ay sangkot sa isang
pagpatay. Ang mga ganitong krimen ay lumilikha ng gulo kapag nahuli sila
ng mga pulis na siyang nagbibigay takot at trauma sa bata.
Ikalawa, ang mabigyan ng sapat na edukasyon. Sa salaysay ni
Maxie, hindi na siya pinag-aral ng kaniyang ama dahil sa kahirapan. Dagdag
pa ng kaniyang ama, basta’t nakakabasa siya at nakakasulat ay hinding-
hindi na siya maloloko ng mga tao, bagay na nakalulungkot, bagay na
napakababaw na dahilan at hindi makatarungan.
Ikatlo, mabigyan ng proteksiyon laban sa pang-aabuso, panganib at
karahasan. Sa pelikula, likas na mabuti at mapagmahal si Maxie, kung
kaya’t ganoon na lamang siya gamitin ng kanyang ama at kapatid upang
mapagtakpan ang kanilang krimen na nagawa. Habang sa pulis naman ay
ang pagpupumilit na pag-amin nito sa kanyang nalalamang krimen na
siyang nagawa ng kaniyang pinahahalagahang pamilya. Sa aspetong ito
naaabuso at nagagamit ang kamusmusan ng bata para sa sariling interes. Sa
kabilang banda ay naabuso rin ang bata dahil siya ang nagsilbing kapalit ng
kaniyang yumaong ina. Sa aking palagay ay ginagamit ng kaniyang ama at
mga kapatid ang kaniyang pagiging pusong babae upang gawin lahat ng
gawaing bahay sa kanila, bagay na hindi dapat.
At panghuli ay makapagpahayag ng sarili. Sa karapatang ito, tatlong
aspeto ang nalabag kay Maxie. Una ang kaniyang kasarian, na kung saan
bagama’t tanggap siya ng kaniyang pamilya, ay nakararanas pa rin siya ng
pambubully sa ibang tao na kung saan hindi man lang siya nabigyan ng
pang-unawa at respeto bilang tao. Ikalawa, ay ang pagpigil sa kanya ng
kanyang ama at kuya Boy sa pagsisiwalat ng kaniyang nalalaman ukol sa
krimen. At ang panghuli ay ang pagtutol nito ukol sa hanap-buhay at gawain
ng kanyang ama, na sa halip initindihin ay siya namang ikinagalit ng
kaniyang ama. At kung hindi pa mamamatay ang kaniyang ama ay hindi pa
sila magbabagong buhay.
Sa pangkalahatan, ang pelikula ay hindi lang nagpapakita sa isyu ng
kasarian ni Maxie kundi ang kapaligiran na kaniyang kinabibilangan.
Bagama’t napakanegatibo, namangha ako sa ipinamalas niyang karakter at
pagharap sa mga pagsubok. Sa huli ay sa wakas nakapag-aral na siya at
tuluyan nang nagbago ang kaniyang mga kapatid.

You might also like