You are on page 1of 19

MODYUL 11

Ang Filipino: Wika tungo sa Mahusay na Pagsasalita

1.0 Mga Layunin

1. Mabatid ang mga teknik at dulog sa mabisang gamit ng wikang Filipino.


2. Maisa-isa ang mga pamamaraan sa pagkamit ng mahusay na pagsasalitang
Filipino.
3. Magamit ang wikang Filipino tungo sa mabisang pagsasalita sa akademikong
setting.

2.0 Paksa ng Pag-aaral

Konsentrikong Modelo sa Dinamikong Pagsasalita

“Sa dinamikong pagsasalita, isang mensahe lamang


ang dapat na makapasok sa kamalayan
ng mga tagapakinig.”
---Henry David Thoreau---

Pangkaraniwan nang maoobserbahan at mararanasan sa loob ng klasrum ang


makarinig sa mga estudyante na sila ay takot o may pangamba sa tuwing sila ay
maaatasang magsalita sa harap ng klase. Ano kaya ang ugat ng suliraning ito? Bakit ito
nangyayari? Saan kaya nagmumula ang ganitong gawi? At higit sa lahat, paano ito
matutugunan?

Pangkalahatang layunin ng papel na ito na makapagbigay nang malalim na


oryentasyon hinggil sa mga makabagong pananaw sa dinamikong pagsasalita. Bilang
mga interlokyutor na nasa akademiya, pundamental na puhunan ang husay at pagiging
dinamiko sa pagsasalita sa harap ng klase. Dahil ang kahusayan sa pagsasalita ay hindi
matatawaran sa pagpapadaloy at pagpapalawak ng impormasyon sa mga tagatanggap
nito tungo sa pagkamit ng mataas na antas ng kakayahan sa pag-iisip o higher order
thinking skills.

Bibigyang-pansin sa papel na ito ang isang konsentrikong modelo sa dinamikong


pagsasalita. Layunin nito na:

a. Maunawaan ang modelo tungo sa mabisang pagkakamit nang husay sa


pagsasalita.
b. Maipakita ang benepisyong hatid ng konsentrikong modelo sa dinamikong
pagsasalita.
c. Magamit ang modelo sa pang-araw-araw na paglalahad at pagpapaabot ng
mensahe sa mga kapwa interlokyutor.
5P ng Konsentrikong Modelo sa Dinamikong Pagsasalita

Patnubay sa Pasalitang Presentasyon

Paglalapat ng Biswal na Presentasyon

Paghahanda ng Papel/Lektyur

Pag-eevalweyt sa Awdiyens

Perpormans Pangwika
Tinawag ang modelong ito na 5P na nagsisimula sa: 1) perpormans pangwika; 2)
pag-eevalweyt sa awdiyens; 3) paghahanda ng papel/lektyur; 4) paglalapat ng viswal na
presentasyon; at 5) patnubay sa pasalitang presentasyon. Mababatid na holistiko ang
lapit o approach na ginamit sa pagtataya upang matunton at masukat ang husay sa
pagsasalita ng isang interlokyutor o ispiker. Sa pamamagitan ng modelong ito
maihahanda kapwa ang titser at mag-aaral tungo sa isang dinamikong pagsasalita
maging ito man ay impormatibong pagtatalumpati, mapanghikayat at/o mga pang-
okasyong tema.

Sa puntong ito, iisa-isahin at susuriin ang limang dimensyong mayroon sa


modelo nang sa gayon ay mas lubos ang maging pagkaunawa rito. Una, ang
perpormans pangwika. Sa dimensyong ito lubos na pinahahalagahan ang
kakayahan ng ispiker kaugnay sa wikang bihasa niyang sinasalita. Ang
kakayahang ito ay tumutukoy sa kinagawiang wika ng ispiker – wika kung saan
naipahahayag niya ang kanyang saloobin at pag-iisip nang mahusay (Baker, 1993:5). Sa
pamamagitan nito, ang isang ispiker ay hindi mag-aalinlangan na konkretong masabi
ang kanyang nasasaisip dahil siya ay komportable at siguradong nauunawaan niya ang
buong konteksto ng kanyang sasabihin. Sa kabilang dako, hindi rin maitatanggi na may
mga ispiker na bihasa hindi lamang sa kanyang unang wika (L1) bagkus matatas din sa
pangalawang wika (L2). Ang ganitong kalagayan ay maituturing na equi-lingual
o ambi-lingual. Ibig sabihin, pantay ang kanyang kaalaman sa paggamit ng una at
pangalawa niyang wika. Hindi ito maitatanggi sa mga bilinggwal at multilinggwal na
lipunan gaya ng Pilipinas. Kapwa mahusay sa Filipino at Ingles (Philippine Variety of
English) ang mga Pilipino dahil na rin sa malakas na impluwensiya ng print, brodkast at
makabagong midya na karaniwan nang naglalaman ng mga kulturang kanluranin.

May dalawang paraan kung paano matatamo ang mahusay na perpormans


pangwika. Naglahad si Baker (1993:11) nasa Cummins (1984) kaugnay sa tinatawag na
Basic Interpersonal Communication Skills (BICS) at Cognitive Academic
Language Proficiency (CALP). Ang una ay tumutukoy sa wikang konbersasyonal
na ayon kay Cummins ay natututuhan ng tao ang kahusayan sa wika dahil sa araw-
araw siyang nakikipag-interak sa kanyang kapwa. Sa pamamagitan nito, unti-unting
niyang nadedebelop ang katatasan sa pakikipag-usap hanggang sa maging komportable
na siya dahil sa paulit-ulit na paggamit dito. Mapapansin ito sa mga bata na sa edad
labing-isang buwang gulang ay nagkakaroon na ng rekognisyon o pagkilala sa mga
tunog at salita. Ang pagkatuto ng BICS ay mainam lalo na kung sa wastong paraan ito
naisasagawa. Kung kaya, batay na rin sa pag-aaral sa sikolinggwistika, ang isang tatlong
taong gulang na bata ay may kakayahang matuto ng apat hanggang pitong wika. Subalit,
esensyal na bahagi rito ang may matatas na kaalaman sa unang wika nang sa gayon ay
magawa niyang mailipat ang mahahalagang kaalaman sa pangalawang wikang kanyang
pag-aaralan. Sa kabilang dako, ang CALP ay natatamo kapag ang isang ispiker
ay nagawang makisangkot sa matataas na larangang pangwika na
gumagamit ng mga pormal na rehistro ng wika. Makikita ito sa akademiya,
opisina, midya at iba pa. Sa dalawa, ang CALP ang karaniwan nang huling nabibigyan
ng pansin dahil nasasaklawan nito ang isang ispiker ng iba’t ibang tuntuning pangwika
hindi gaya ng nauna na patuluyan ang daloy ng interaksyon at hindi kinakailangan ng
mataas na formalidad.
Ang pagsasaalang-alang ng perpormans pangwika ay isang makabuluhang
paraan upang maging dinamiko sa pagsasalita. Mahalaga rin ang perpormans
panlinggwistika upang matiyak ang kalinawan ng mensahe. Bahagi nito ang wastong
gamit panggramatika, malinaw na pagbigkas ng salita, at paggamit ng simple at
tiyak na salita. Kung masusunod ito, maaaring maiwasan ang pagkakaroon ng mga
pangkaraniwang takot sa pagsasalita gaya ng stage fright o pagiging glossophobic (takot
sa pagsasalita sa harap ng madla).

Ang ikalawang dimensyon ng modelo ay kaugnay naman sa pag-


eevalweyt sa awdiyens. Ayon kay Koch (1992:16), ang tunguhin ng bawat ispiker ay
matugunan ang pangangailangan ng kanyang awdiyens at makatanggap ng inaasahang
tugon mula sa kanila. Sa pamamagitan nito, maaari nang panghawakan na matagumpay
ang pagsasalitang isasagawa. Kung kaya, upang makamit ang dinamikong pagsasalita,
malaking konsiderasyon ang pagsusuri o pag-alam kung sino ang awdiyens. Sa
pamamagitan nito, magkakaroon ng katiyakan ang ispiker kung magiging interesado at
kawili-wili ang gagawin niyang pagsasalita. Ang pag-eevalweyt sa awdiyens ay hindi
nararapat na ipagsawalang-bahala dahil sa kanila nakasalalay ang tagumpay ng
presentasyon. Naglahad si Hamilton (1999:84) ng ilang batayan kung paano
magsagawa ng malawakang evalwasyon hinggil sa awdiyens na binigyan ng
modipikasyon sa kasalukuyang pananaliksik.

Impormasyong
Sitwasyonal?

Demograpikong
Katangian?

Impormasyong
Sikolohikal?

1. Impormasyong Sitwasyonal – Sa pag-eebalweyt ng impormasyong


sitwasyonal ng awdiyens, mahalagang malaman ng ispiker ang kabuuang
bilang ng dadalo/tagapakinig, mga maaaring asahan o matamo ng awdiyens
matapos nilang makinig. Ilan sa mga dapat na isaalang-alang ay ang
sumusunod:
a. Boluntaryo ba ang pagdalo ng awdiyens dahil sila ay may mataas na
interes kaugnay sa tapik?
b. Ilan ba ang inaasahang dadalo?
c. Gaano ba kalalim ang kanilang kaalaman kaugnay sa tapik na
idedeliver ng ispiker?
d. Mayroon na ba silang iskema kaugnay sa iyo? Nagkaroon na ba sila ng
pagkakataon na marinig kang magsalita?
e. Ano’ng uri ng presentasyon ang inaasahan sa iyo ng awdiyens?
f. Mayroon pa bang ibang ispiker bukod sa iyo?

2. Demograpikong Katangian – Bahagi ng demograpikong katangian ng


awdiyens ang kanilang edad, kasarian, estadong panlipunan, nakamit na
edukasyon, trabaho, sosyo-ekonomikong katayuan, kultura’t paniniwala,
relihiyon, gayundin ang kanilang grupong kinabibilangang.

3. Impormasyong Sikolohikal – Ang aspektong ito ay tumutukoy naman sa


saloobin o damdamin ng awdiyens kabilang din ang paniniwala, paraan ng
pagpapahalaga at mga pangangailangan sa buhay.

Sa pamamagitan ng malawakang pagtanaw dito, makatutulong nang malaki sa


ispiker na siya ay maging komportable sa pagsasalita dahil magkakaroon siya ng iskema
kaugnay sa kanyang awdiyens. Dahil dito, ang ispiker ay maaaring makadevelop ng
rapport sa kanyang awdiyens at maiiwasan ang anonymity na siyang nagiging dahilan
ng kawalang-interes ng awdiyens na makinig. Samantala, naglahad din si Hamilton
(1999:96) ng apat na uri ng awdiyens. Sila ay ang sumusunod:

1. Friendly Audience [na binigyang turing ni Koch (1992:27) na Favorable


Audience] – Ito ang uri ng awdiyens na makailang beses nang nakapakinig sa
iyo bilang ispiker at bahagya nang may kaalaman sa mga estilo at
pamamaraan ng iyong pagsasalita. Lagi rin silang nakakaranas ng pagkawili
sa iyo sa tuwing ikaw ay magsasalita, kung kaya lagi na silang may pananabik
sa iyo.

2. Neutral Audience – Sila ang awdiyens na nagkakaroon lamang ng


kawilihan sa pakikinig kung handa ang ispiker. Tanging ang layunin nila ay
obhetibong makinig at tumanggap ng mga makabagong impormasyon.
Rasyonal din sila kung mag-isip na kung minsan ay hindi nila isinasangkot
ang kanilang emosyon sa ispiker at tapik.

3. Uninterested Audience [na tinawag naman ni Koch (1992:27) na


Indifferent Audience] – Ang mga tagapakinig na ito ang kadalasang
nagsisilbing hamon sa mga ispiker dahil maikli lamang ang panahon ng
kanilang pakikinig. Madali silang mabagot na nagreresulta sa tinatawag na
“mental holiday.”Upang maiwasan ito, kinakailangan na maraming
nakahandang materyal ang ispiker o kaya naman ay maraming alam na biro
at mga anekdota. Sa pamamagitan nito, unti-unting maibabalik ang interes ng
iyong awdiyens.
4. Hostile Audience [na para kay Koch (1992:28) ay Opposed Audience] –
Ang awdiyens na ito ang pinakamatinding hamon sa mga ispiker dahil
ipinapakita nila ang hindi nila pagkagusto sa tapik na iyong tinatalakay.
Maaari rin naman na personal nilang ayaw sa ispiker dahil may pangit silang
karanasan dito at iba pang mga kahalintulad na kadahilanan. Upang
maiwasan ito, siguraduhing kumpleto at detalyado ang iyong materyal sa
pagsasalita at hanggat maaari tukuyin ang inyong “common ground” nang
kahit papaano ay mabawasan ang pag-ayaw nila sa iyo bilang ispiker.

Kinakailangan lamang na maging kritikal ang ispiker kaugnay sa kabuuan ng


kanyang presentasyon. Marapat lamang na siya ay sensitibo sa wikang kanyang
gagamitin, sa kultura ng kanyang awdiyens at maalam sa marami at iba’t ibang
pamamaraan o estratehiya sa pampublikong pagsasalita. Kung mahusay itong
maisasakatuparan, maiiwasang magkaroon ng konflik sa pagitan niya at ng kanyang
awdiyens. Sa huli, anupaman ang mangyari, sa kanila pa rin nakasalalay ang tagumpay
ng bawat ispiker.

Bahagi ng evalwasyon sa awdiyens ang paglalapat ng layunin. Sa pamamagitan


nito, makakamit ng ispiker ang kalinawan gayundin ang mga kadahilanan ng
dinamikong pagsasalita. Pangunahing layunin nito ang sumusunod: (Koch, 1992:16):

1. Makapag-enterteyn – Tumutukoy ito sa pagtatalumpati na ang pokus ay


makapagbigay na kawilihan sa awdiyens. Kadalasan itong inaaplay sa mga
seryosong tapik na binibigyan ng magaang na pagtalakay nang sa gayon ay
madali itong maunawaan ng awdiyens. Mga kakatwang karanasan ang ilan sa
mga halimbawa ng layuning ito.

2. Makapag-inform – Ito naman ay ang pagtatalumpati na nagdudulot ng


pagkaunawa sa maraming bagay. Halimbawa nito ang pagsasagawa ng
demonstrasyon kung paano gawin ang isang bagay, pagpapaliwanag ng
proseso, pagbibigay ng report, paglalarawan ng mga pangyayari at iba pa.

3. Makapanghikayat – Kompleks kung ituring ni Koch ang pangatlong


layunin ng pagtatalumpati kung kaya hinati niya pa ito sa tatlong kategorya:
a. Makapangumbinsi (convince) – Layunin nitong mabago ang
pananaw, opinyon gayundin din ang paniniwala ng awdiyens.
Kadalasan itong masasaksihan sa mga debate at mga talakayang
kinapapalooban ng mga problema na naghahanap ng agarang
solusyon.
b. Mapalakas (reinforce) – Layunin naman nitong mas mapalakas pa
ang paniniwala ng awdiyens kaugnay sa isang bagay o pangyayari.
c. Makapagpakilos (actuate) – Sa puntong ito, nilalapatan na ng
kaakibat na aksyon o pagkilos ang mga bagay-bagay o pangyayari na
gusto mong maganap sa awdiyens.

Ang paglalahad ng layunin matapos masuri ang awdiyens ay isang kritikal na


gawain. Interlocking ang papel ng dalawang ito na nangangahulugan na nagkakaroon
sila ng malalim na ugnayan sa isa’t isa. Ibig sabihin, maididisenyo lamang ang layunin
ng dinamikong pagsasalita kung mahusay na matataya ang awdiyens nito. Narito pa
ang isang format na magsisilbing gabay upang maging organisado at sistematiko ang
pagbabalangkas ng layunin:

Sampol ng Paglalahad ng Layunin tungo sa Dinamikong Pagsasalita

Tapik: Pagboto

Pangkalahatang Layunin: Makapanghikayat

Ispesipikong Layunin: Makapanghikayat ng mga


kabataan na bumoto nang wasto at
naaayon sa idinidikta ng kanilang
konsensya.

Sentral na Ideya: Iba’t ibang panlipunang


oportunidad ang naghihintay sa mga
kabataan kung sila ay boboto nang
wasto.

Mapapansin sa sampol na nilahukan ito ng sentral na ideya na ayon kay Ross


(1995:75) ito ay isang payak na balangkas ng kabuuang punto na inilalahad sa awdiyens.
Karaniwan na rin itong karugtong ng ispesipikong layunin. Kung gagamitin ito sa
informativ na pagsasalita, tinitiyak nito ang buod ng buong pagtalakay. Samantala, kung
sa mapanghikayat na pananalita naman, nilalayon ng ispiker na mapakilos ang kanyang
awdiyens kaugnay sa isang gawain.

Ang ikatlong dimensyon ng konsentrikong modelo ay nakapokus sa paghahanda


ng mismong papel/lektyur tungo sa dinamikong pagsasalita. Hindi madali ang bahaging
ito dahil ito ang pinakapuso ng bawat presentasyon. Unang kailanganin dito ang
mahusay at wastong pagpili ng tapik at masusing pananaliksik. Sa bahagi ring ito
puspusang tatalakayin ang ilang mga estilo, teknik at mabibisang kaparaanan upang
maging mahusay ang inaasahang daloy ng presentasyong pasalita. Narito ang isang
kraytirya sa pagpili ng tapik:
Patnubay sa Pagpili ng Tapik

Kung malawak ang tapik na ibinigay ng tagapamahala ng


forum, tuklasin ang pinakamalapit na tapik na kaugnay
dito.
Sa mga pagkakataon na ikaw mismo ang inatasang
makapamili ng tapik, mas mainam na piliin ang mga
tapik na may malalim ka nang kaalaman at karanasan.
Pumili ng tapik na may mataas kang interes.
Pumili ng tapik na sa iyong palagay ay mahalaga sa iyong
awdiyens at makapagdudulot ng malaking epekto sa
kanila.

Matapos makapamili ng tapik para sa talumpati, makapagsagawa ng masusing


imbestigasyon, pananaliksik at kritikal na pagbasa, panahon na para i-brainstorm ang
mga ideyang nakalap. Ang gawaing ito ay pa-proseso dahil unti-unti nang dinedevelop
ng ispiker sa kanyang isipan ang magiging fokus ng kanyang talumpati. Sa madaling
salita, sasailalim sa eliminasyon ang mga ideyang hindi substansyal para sa tapik na
ilalahad. Karaniwan nang nauunang madevelop ang katawang bahagi o diskusyon ng
talumpati bago ang introduksyon at konklusyon. Normal lamang ang ganitong senaryo
dahil ang diskusyon ay sumasailalim sa maraming revisyon. Sa oras na matapos itong
isagawa, maaari na ngayong mag-isip ng epektibong introduksyon at konklusyon.

TANDAAN:
Kontent ng Talumpati

Introduksyon (15%)
Diskusyon (75%)
Konklusyon (10%)

Kung isang oras o animnapung minuto ang kabuuang oras ng iyong


pagtatalumpati, siyam (9) na minuto ang kinakailangang introduksyon kasama
na ang pagbati at mahahalagang elementong pang-introduksyon. Samantala,
apatnapu’t limang (45) minuto naman para sa kontent ng diskusyon. At higit sa
lahat, mayroon kang anim (6) na minutong nalalabi para sa sintesis ng kabuuang
diskusyon kasama ang mahahalagang puntong tinalakay.
A. Introduksyon
Sa pagpaplano ng introduksyon, laging isaalang-alang na ito ang bahagi ng
dinamikong pagsasalita kung saan kinukuha ng ispiker ang atensyon ng awdiyens. Ang
isang ispiker ay kinakailangang maisagawa ito sa oras na bumuka ang kanyang bibig at
magsalita, kung sa loob ng isang minuto at hindi pa rin nagagawa ng ispiker na makuha
ang sapat na atensyon mula sa kanyang awdiyens, maaari itong magdulot ng malaking
problema hanggang sa dulo na ng kanyang pananalita. Sa pag-oorganisa ng
introduksyon, mahalagang isaalang-alang ang sumusunod na aspekto (Hamilton,
1999:172):

1. Mapamukaw na atensyong panimula


a. Paglalahad ng isang detalyadong pangyayari/karanasan
b. Pag-uugnay ng mga maiikling pangyayari/karanasan
c. Pagsisimula sa pabirong paraan
d. Pagsipi (Qoutation)
e. Mapanggulat na katotohanan (Startling fact)
f. Pagtatanong
g. Pagtukoy sa okasyong dinaluhan
h. Pabula, kasabihan, tula at rhyme
i. Pagpapakita ng demonstrasyon
2. Maiangat ang motibasyon ng awdiyens na makinig
3. Mapatatag ang kredibilidad at rapport
4. Paglilinaw sa mga layunin at daloy ng tapik

B. Diskusyon
Kinakatawan ng bahaging ito ng talumpati ang mga pangunahing ideya at mga
materyal na tutulong upang maging dinamiko ang deliveri ng pagsasalita. Iba’t ibang
lapit o approaches ang maaaring magamit tungo sa ikatatagumpay ng talumpati.
Naglahad sa Hamilton (1992: 161) ng pitong pattern.

1. Kronolohikal (Chronological)
Pattern ito ng pagtatalumpati kung saan isinasaayos ang mahahalagang
detalye batay sa oras ng pangyayari at panahon kung kailan naganap ang
isang senaryo. Mahalaga rito ang order o pagkakasunud-sunod.

2. Spatial o Heograpiko
Sa lapit na ito pinahahalagahan ang wastong ayos ng detalye subalit fokus
nito ang mga detalye na nakaayon sa espasyo. Gaya ng harap-palikod, kanan-
pakaliwa at iba pa.

3. Papaksa (Topical)
Karaniwang ginagamit ang pattern na ito sa mga informatibong
pagtatalumpati. Ang ayos o estruktura ng talumpati rito ay nakabatay sa
kahalagahan ng paksa sa buong daloy ng presentasyon.

4. Sanhi-bunga (Cause and effect )


Kung ang talumpati naman ay naglalahad ng sanhi at resulta o bunga ng
isang kaganapan, maituturing itong sanhi-bungang pagdulog.

5. Suliranin-solusyon (Problem-solution)
Maaari itong iklasipika sa dalawang paraan: Una, suliranin-solusyon-
benepisyo; Ikalawa, suliranin-solusyon-aksyon. Kapwa naglalahad ng
matinding problema kaugnay sa isang bagay o pangyayari. Subalit nagkakaiba
sa epekto: ang una ay nakatuon sa maaaring makuhang benepisyo ng
awdiyens. Samantala ang ikalawa ay nakatuon sa pagkilos ng awdiyens para
maaksyonan ang isang pangyayari.

6. Komparatibong Pagtataya sa Problema at Solusyon (Comparative


advantages)
Ito ay isang paraan ng mapanghikayat na pagsasalita na ang awdiyens ay
sumasang-ayon sa ispiker kaugnay sa isang problemang nararanasan subalit
maaaring sumalungat hinggil sa solusyon.

7. Dulog Pa-kraytirya (Criteria satisfaction)


Ang pattern na ito ay tumutukoy sa paglalahad ng kraytirya hinggil sa
isang produkto, serbisyo at ideya. Inilalahad sa kontent ng talumpati ang
maaaring matamong satisfaksyon o kasiyahan na maaaring maranasan ng
awdiyens.

C. Konklusyon
Lahat ng awdiyens ay nagnanais ng pagsasara o closure hinggil sa isang
talumpating kanilang dinadaluhan. Kung kaya, pinaniniwalaan ng nakararami na ito
ang pinakamahalagang bahagi ng isang talumpati. Dahil dito, napakahalaga na ito ay
planado sa pinakamabisang paraang nalalaman ng ispiker. Mahalaga kasing
maramdaman ng awdiyens ang kakumpletohan at katiyakan kaugnay sa mga sinabing
punto ng ispiker. Kinakailangan itong kakitaan ng sumusunod:

a. pagbubuod at pagrerefokus sa buong talakayan;


b. pag-uulit ng sentral ideya;
c. mag-iwan ng mahahalagang diwa;
d. mag-iwan ng isang mapanghamong tanong sa awdiyens
e. maipakita sa awdiyens ang hinaharap o ang mga hamon na maaari nilang
kaharapin matapos nilang makinig at tanggapin ang lahat ng impormasyong
hatid ng ispiker; at
f. mailahad sa awdiyens ang mga hindi makakalimutang linya ng kabuuang
presentasyon.

Sa pagtataya, ang mahusay na ugnayan ng mga nabanggit na bahagi ng talumpati


ay kinakailangan na mahigpit na mapanitili dahil kung ang isa man sa bahaging ito ay
magtaglay ng kahinaan, malaki ang magiging epekto nito sa iba pang bahagi.
Samakatwid, ang isang mahinang introduksyon kahit na substansyal ang diskusyon ay
maaari pa ring mahatak pababa at tuluyan nang hindi maging mabisa ang kabuuang
daloy ng talumpati. Samantala, kung sa simula pa lamang ay naging makabuluhan na
ang eksekyusyon, pihado na hanggang konklusyon ay sapat ang atensyong ibibigay ng
awdiyens sa nagtatalumpati.

Ang pangalawa sa huling dimensyon na dinivelop sa modelo ng dinamikong


pagsasalita ay nakatuon sa paglalapat ng viswal na presentasyon. Tandaan, gaano man
kahusay at kahanda sa pasalitang presentasyon ang ispiker, napakalaki pa rin ang
naiaambag ng pagkakaroon ng epektibo at konkretong viswal na pantulong. Nagagawa
nito na mas mapatingkad pa ang presentasyon lalo na sa dinamikong pakikipagsalitaan.
Dahilan ito upang makadevelop ng bagong venyu ang hagod ng mata ng mga awdiyens.
Sa oras na makaramdam ng bahagyang pagod ang awdiyens sa pakikinig, maaari pa rin
silang maging atentiv sa pagbaling sa inihandang viswal na pantulong. Sadyang inilagay
ito ng mananaliksik sa ikaapat na yugto ng konsentrikong modelo dahil sa interlocking
din ang ugnayan nito sa pangatlong dimensyon, ang paghahanda ng papel/lektyur. Sa
madaling sabi, lahat ng mga esensyal na tekstong impormasyon na mayroon sa lekyur
ay mainam na mailapat sa transparencies, slides, films gayundin sa mga makabagong
computer-generated visual aids gaya ng MS Excel, MS Powerpoint, Micrsoft Publisher,
Moviemaker Presentation, Adobe Page Maker at marami pang iba.

Samantala, nagbigay naman ng ilang tip si Mandel (1993: 35) kung kailan dapat
at hindi dapat gumamit ng mga viswal na pantulong sa dinamikong pagsasalita:

Gumamit ng biswal na Hindi na kinakailangan


pantulong kung… pang gumamit ng biswal na
pantulong kung…
1. nais mong makakuha ng sapat 1. layunin mong magpakitang-
na atensyon mula sa iyong gilas lamang sa iyong awdiyens.
awdiyens.
2. gusto mong mapalakas at 2. magagawa nitong mapababa o
mapatatag ang verbal na mabawasan ang inaasahan mong
mensahe ng iyong awdiyens. interaksyon sa iyong awdiyens.
3. pagpapataas ng interes ang 3. limitado at kaunting
layunin mong matamo ng iyong impormasyon lang naman ang
awdiyens. ihahatid mo sa iyong awdiyens.
4. may mga komplikadong 4. simple lang naman ang
ilustrasyon kang ilalahad sa ilalahad mong ideya at baka mas
iyong awdiyens. mainam pa kung patuluyang
pasalita na lamang ang iyong
gagamitin.
Ano ba ang benepisyong
maibibigay sa akin ng viswal na
pantulong?

Madali lang
kayang
Ano kaya ang
magdisenyo ng
pwede kong
viswal na
magamit na viswal
pantulong?
na pantulong?

Paano ba pumili ng
angkop na viswal?

Ang mga katanungang nakalahad sa tekstwal at viswal na grafiks ay kadalasan


nang itinatanong ng mga ispiker na medyo baguhan sa larangan ng viswal na
presentasyon. Ang totoo, walang dahilan para makaramdam ng anumang uri ng
pagkatakot sa pagpili at pagdidisenyo ng wasto at angkop na viswal sa isang
presentasyon. Tandaan, ang pangkalahatang tuntunin sa pagdevelop ng viswal na
pantulong ay ang tamang pagpili ng grafiks na nababatay sa okasyong dadaluhan. Kung
ang okasyon ay nangangailangan ng formalidad gaya ng bisnes miting, kumperensiya,
lektyur-forum at iba pa, mas mainam na konserbatibo ang tekstwal at viswal na grafiks
ang gagamitin. Sa kabilang banda, kung sadya namang may kaimpormalan ang
dadaluhan, maaaring gumamit ng mga mapamukaw na kulay sa teksto at grafiks.
Subalit, sa bahaging ito mas bibigyan pa ng pagpapalawak at pagpapalalim ang
talakayan kaugnay sa sumusunod na aspekto:

1. Benepisyong Hatid ng Viswal na Pantulong


a. Nagagawa ng mga viswal na pantulong na mapatalas ang memorya ng
awdiyens dahil na rin sa mas naiiwan sa kanilang isipan ang mga
kaisipang nakalahad sa paraang viswal.
b. Ang mga viswal na pantulong ay nakatutulong sa ispiker na maging
matipid sa oras at nakadaragdag pa ito ng interes sa awdiyens.
c. Sa pamamagitan ng mga viswal na pantulong, ang mahabang oras ng
presentasyon ay nalilimitahan dahil na rin sa mas mabilis na paraan ng
pagtanggap ng impormasyon ng awdiyens.
d. Nakatutulong din ito para mas mapatatag pa ang kredibilidad ng isang
ispiker. Senyales kasi ito ng masusing kahandaan niya.
e. At higit sa lahat, nakababawas ito ng tensyon at kaba sa ispiker dahil
nagagawa ng mga viswal na pantulong na malihis ang kabuuang
atensyon ng awdiyens sa ispiker.

2. Iba’t ibang Uri ng Viswal na Pantulong


a. Tradisyonal na Overhead Transparencies
b. 35-Millimeter Slides
c. Flipcharts at Poster
d. Objek, Mga Modelong Pandemonstrasyon at Handawt
e. Markerbord at Tsokbord
f. Computer-Generated Visuals at mga Audio Visual Presentation

3. Wastong Pagpili ng Tekstwal at Viswal na Pantulong


a. Paggamit ng teksto at grapikong viswal
b. Siguraduhing sapat lamang ang dami o bilang ng grapikong viswal.
Ang overloaded na viswal ay nakapagdudulot din ng hindi magandang
epekto sa awdiyens. Gamitin ang formula sa ibaba sa pagdedesisyon
kung gaanong karaming viswal ang nararapat na tagalayin ng
presentasyon:

Kabuuang haba ng pagsasalita +1 =Maksimum na bilang ng biswal


2
Halimbawa, ang sampung minutong talumpati
(10 min/2+1)= 6 na viswal

c. Isaalang-alang din ang Typesize at Typface


Sa pamagat: 3 inches pataas
Subpamagat: 2 hanggang 2 ½ inches
Teksto: 1 ½ inches

Pamagat Subpamagat Teksto


Transparencies 30-36 pt. 24 pt. 18 pt. (24 pt.
kung walang
subpamagat)
Computer Visuals 30-36 pt 24 pt. 18 pt. (24 pt.
kung walang
subpamagat)
Slides 24 pt. 18 pt. 14 pt. (18 pt.
kung walang
subpamagat)
Sa paggamit naman ng typeface, mainam na sans serif ang
gamitin, madali kasi itong makilala o marekognays ng ating mata.
Kabilang sa grupo ng san serif ang sumusunod: Helvetica, Arial at
Optima. Siguraduhin din na hindi sobra sa dalawang typefaces ang
gagamitin, nakaaapekto kasi ito sa paraan ng pagbasa ng awdiyens.

4. Paraan ng Pagdidisenyo ng mga Tekstwal at Biswal na Pantulong


a. Mga Tiyak na Tuntunin sa Tekstong Viswal
 Limitahan sa anim na linya ang tekstong nakalahad sa slide
 Tiyakin na sa bawat linya ay apatnapung (40) karakter lamang
ang mayroon
 Parirala ang gamitin sa halip na pangungusap (key words)
 Paraang uppercase at lowercase ang gamitin sa teksto
 Gumamit ng mga simpleng typefaces
 Maglaan ng kaukulang espasyo sa itaas ng slide
 Gumamit ng clipart, malaking font o ibahin ang kulay ng salita
kung nais magbigay-emfasis

b. Mga Tiyak na Tuntunin sa Grafikong Biswal


 Limitahan ang teksto o datos hanggat maaari. Maglaan ng
espasyo sa grafiks.
 Igrupo o iklaster ang mga datos (charts, maps at graphs)
hanggat maaari para organisado itong makita ng awdiyens.
 Limitahan din ang bakgrawnd lalo na sa pagpapakita ng graph
at chart.
 Kung magpapakita ng bar graph, siguraduhing malaki ang mga
bar kumpara sa mga espasyong naghihiwalay sa mga ito.
 Laging gumamit ng heading.

c. Wastong Paggamit ng Kulay sa Biswal na Pantulong


 Iwasan ang paggamit/pagpili ng kulay sa paraang pa-random.
 Sapat na ang tatlo hanggang apat na kombinasyon ng kulay.
 Maging konsistent sa gamit ng mga napiling kulay.
 Ang mga kulay gaya ng blue at green ay nagdudulot ng
kakalmahan ng emosyon. Ang red at orange naman ay dulot
ang matindi at masidhing damdamin.
 Iwasan ang matingkad na kulay sa bakgrawnd ng slide dahil
mas nagdudulot ito ng kahirapan sa pagbasa.
 Ang mga larawan ay mas mabisang maipakikita gamit ang
transparencies sa halip na slide.

Gaya ng mga nabanggit, napakalaki ng papel na ginagampanan ng viswal na


pantulong sa isang ispiker na nagnanais na maging dinamiko sa harap ng kanyang
awdiyens. Hindi matatawaran ang benepisyo at tulong na hatid nito dahil kapwa ispiker
at viswal na pantulong ay nagkakaugnayan upang makuha nang mahusay ang atensyon
ng awdiyens at hayaan silang makinig sa kawili-wiling paraan. Sapat na kaalaman
kaugnay sa mga fundamentals ng paghahanda ng viswal na pantulong ang kailangan
upang maisakatuparan ang mahusay at hindi makakalimutang pagsasalita sa harap ng
malaking bilang ng awdiyens.

Matapos ang ginawang pagtataya kaugnay sa performans pangwika, pag-


eevalweyt sa awdiyens, paghahanda ng papel/lektyur at paglalapat ng viswal na
presentasyon, ngayon naman tatalakayin ang huling dimensyon ng konsentrikong
modelo ng dinamikong pagsasalita, ang patnubay sa pasalitang presentasyon. Hindi
mabubuo at magiging matagumpay ang isang talumpati kung hindi masusukat ang
husay ng isang ispiker sa kanyang kakayahan na ideliver ang kanyang pinaghandaang
talumpati. Ang pinakahuling yugto na ito ang sasaklaw sa kabuuan ng isang dinamikong
tagapagsalita.

Bawat individwal ay may kakayahang magsalita subalit hindi lahat ay may


kakayahang makapagsalita sa harap ng maraming tao. Sa pananaliksik ni Francisco
(2007), ang pagsasalita ay nagtataglay ng tatlumpu’t limang porsyento (35%) ng
kabuuang gawain ng isang tao sa isang buong araw. Pangalawa ito sa apat na makrong
kasanayan na nadedevelop sa tao habang siya ay patuloy na nakikipag-interak sa
kanyang kapwa. Nangangahulugan lamang na habang dumadaan ang panahon, patuloy
siyang nagkakaroon ng masteri kaugnay sa kasanayang ito. Dagdag pa, tatlong esensyal
na pananaw sa pagsasalita ang nararapat na mapanghawakan ng isang ispiker
(Francisco et al., 2007:207):

1. Ethos (Etikal) – Tumutukoy ito sa kredibilidad ng ispiker. Mahalaga ito


upang siya ay lubos na panaligan ng kanyang awdiyens.
2. Pathos (Patetik) – Kaugnay naman ito sa emosyong ipinararating ng
ispiker sa kanyang awdiyens. Sa pamamagitan nito matitiyak ang
sinseridad na hatid niya sa kanyang tagapakinig.
3. Logos (Lohikal) – Tumutukoy naman ito sa pagiging rasyonal ng
ispiker.

Tatlong mahahalagang salik naman ang iminungkahi ni Hamilton (1999:245)


kaugnay sa dinamikong pagsasalita: ang viswal na deliveri, vokal na deliveri at verbal na
deliveri. Ayon pa sa kanya, mahalagang magkatulungan ang tatlong ito tungo sa
pagkakamit ng dinamikong pakikipagsalitaan.

1. Biswal na Deliberi
Sa tatlo, ito ang pangunahing binibigyang-pansin ng awdiyens bago pa
man nila pakinggan ang sasabihin ng ispiker. Nagtataglay ito ng apat na
subbahagi:
a. Hitsura (Appearance)
Tanggapin man natin o hindi, hitsura ang nagsisilbing pangunahing
batayan ng awdiyens sa oras na makita na ang ispiker. Bahagi nito ang
parsyal na pagsusuri natin sa ispiker kaugnay sa kanyang estadong sosyal,
kredibilidad, kaalaman at kung siya ay kapani-paniwala. Para naman sa
ispiker, pinakaligtas na ang magdamit ng konserbatibo. Sa babae,
maaaring mag-bestida, slacks at suit. Sa lalake naman, slacks at sports suit
o suit at tie at dark na kulay ng sapatos. Kung mataas na antas naman ng
pormalidad, maaaring mag-Barong Tagalog ang lalaki at Baro’t Saya
naman sa mga babae.

b. Ekspresyon ng mukha at galaw ng mata (Facial expressions and eye


contact)
Napakasarap makinig sa isang ispiker na laging nakangiti sa
kanyang awdiyens at may kaaaya-ayang mukha. Senyales ito na kalmado
ang emosyon ng ispiker. Samantala, ang isang ispiker naman na hindi
mapakali ang mata, kung saan – saan bumabaling ay maaaring
nakakaranas ng matinding nerbyos. Bago magsimulang magsalita,
siguraduhing ihagod muna ang mata mula kaliwa-pakanan nang
maramdaman ng iyong awdiyens na binibigyang halaga mo sila sa
pamamagitan ng pagtingin sa kanila. Gamit ang mata, matatamo ng
awdiyens na sinsero ang ispiker sa kanyang sinasabi. Sa oras na ma-
establish ito, maaari namang tumingin sa isang partikular na awdiyens
mula tatlo (3) hanggang limang (5) segundo. Sapat at normal ang ganitong
tagal ng pagtingin sa awdiyens. Ang mabilisang pagtingin kasi ay senyales
din ng pagkakaroon ng di-kalmadong emosyon.
c. Tindig, Galaw at Kilos (Posture, Movement and Gestures)
Ang pagkakaroon ng relaks na tindig o tamang tayo ay isang tagong
mensahe na mataas ang kompyansa ng ispiker sa kanyang sarili,
kinakikitaan din siya ng pagiging palakaibigan at kawili-wiling atityud.
Iwasan ang pagiging magalaw ng balikat at pagtayong hindi pantay ang
katawan. Sa kabilang banda, ang pagkakaroon ng angkop na galaw ay
nakadaragdag din ng interes sa awdiyens. Tandaan na dapat paralel ang
galaw sa iyong sinasabi. Sa pagkilos naman, laging isaisip na ang
pinakamahusay na kilos ay ang natural na kilos. Hindi paglabag sa
dinamikong pagsasalita ang magsasagawa ng okasyonal na paglalakad-
lakad. Mainam pa nga ito upang madagdagan ang venyu ng hagod ng mga
mata ng iyong awdiyens.

d. Biswal na Pantulong
Bagaman natalakay na ito sa pang-apat na dimensyon ng
konsentrikong modelo ng dinamikong pagsasalita, makabubuti pa ring
planado ang gagamiting viswal na pantulong. Gaya ng nabanggit, kapwa
ispiker at viswal na pantulong ang nagkakaroon ng malalim na ugnayan sa
isa’t isa tungo sa epektibong presentasyon.

2. Bokal na Deliberi
Tinatalakay naman sa vokal na deliveri ang kaangkupan ng boses sa
pakikipagsalitaan. TANDAAN: “Ang pinakamahusay na boses sa dinamikong
pagsasalita ay ang natural, buhay na buhay at konversasyonal na boses!”
Saklaw din nito ang: a) lakas at tono ng boses; b) emfasis, bilis at hinto; at c)
artikulasyon at pagbigkas.

a. Lakas at Tono (Volume and Pitch)


Mahalaga ang paglakas at paghina ng boses upang mataya kung
maririnig ang ispiker saan mang sulok ng lecture hall nakaupo ang
awdiyens. Ang varyasyon ng paglakas at paghina ng boses ay mainam din
upang kainteresan ng awdiyens ang sinasabi ng ispiker. Maaari itong
magamit sa pagbibigay emfasis sa mahahalagang punto ng talumpati. Sa
kabilang banda, ang tono ay tumutukoy naman sa pagtaas at pagbaba ng
boses. Ang pagiging monotone o iisang tono sa diskusyon ay hindi
makatutulong lalo na sa dinamikong pagsasalita.

b. Empasis, Reyt at Hinto (Emphasis, Rate and Pauses)


Ang isang ispiker na nagnanais na mabigyang halaga at kulay ang
isang bahagi ng kanyang pananalita ay sinasabing nagbibigay emfasis.
Maaaring haylayt ito ng kanyang talumpati kung kaya binibigyang-punto
niya ito sa kanyang pananalita. Ang ibang ispiker naman ay nagsasagawa
ng pag-uulit o restatement para sa kalinawan ng ideya. Samantala, ang
reyt ang nagsasabi kung kailan nagiging mabilis at mabagal ang
pagsasalita ng ispiker. Isinasagawa ang mabilis na pagsasalita kung nais
na magkaroon ng excitement ang bahaging sinasabi. Nagsisilbi ring
pampagising ang mabilis na pananalita sa awdiyens na nakararamdam ng
pagkabagot. Angkop naman ang mabagal na pananalita kung
mahahalagang detalye ang pinagtutuunan lalo na kung figyur o estadistika
at resulta ang tinatalakay.

c. Artikulasyon at Pabigkas (Articulation and Pronunciaation)


Kalinawan at katiyakan ng tunog o boses na inilalahad ng ispiker
ang tinatalakay sa tamang artikulasyon. Sapat na enerhiya mula sa
diaphragm ang kailangan upang makapag-prodyus ng wastong tunog o
boses. Layunin nitong mahusay na mahinuha ng awdiyens ang sinasabi ng
ispiker. Ang wastong pagbigkas naman sa kabilang banda ay puhunan din
upang ganap na manamnam ng awdiyens ang mensahe. Ang pagiging
matatas subalit natural na deliveri ang siyang ninanais na marinig ng
awdiyens. Nararapat na isaalang-alang dito ang punto o aksent na
gagamitin.

3. Verbal na Deliberi
Ang ikatlong bahagi ang huling sinusuri ng awdiyens sa ispiker, ang verbal
na deliveri. Tinitingan dito ng awdiyens kung paano magkonstrak ang ispiker ng
kanyang sinasabi at paano niya inoorganisa ang kanyang mga ideya. Sa anumang
uri ng dinamikong pagsasalita, konserbatibo na ang maging semi-pormal sa
paggamit ng salita o wika. Ang masyadong formal ay maaring makapagdulot ng
pagkabagot, samantala, ang sobrang impormal na pakikipagsalitaan naman ay
makapagdudulot ng pagbagsak ng kredibilidad ng isang ispiker lalo na kung
komplikado ang isyung tinatalakay niya. Mainam din ang paggamit ng personal
na panghalip o pronoun nang maramdaman ng awdiyens na kinakausap sila ng
ispiker. Sa delivering ito, ang paggamit ng teknikal at malalalim na salita ay
nararapat ding iwasan. TANDAAN: “Nagsasalita tayo upang makapag-ekspres
at hindi para magpa-impress.”
Sa pagwawakas, layunin ng papel na ito na maipakita ang pangkalahatang
pananaw ng dinamikong pagsasalita. “Domino effect” ang nais na iparating ng
modelong ito dahil alinman sa limang dimensyon ang maalis, magdudulot ito ng malaki
at negatibong epekto sa dinamikong pagsasalita. Dahil isang katotohanan, hindi lahat
ng tao ay nabiyayaan nang husay, galing at kompyansa sa pagsasalita sa harap ng
awdiyens. Sa pamamagitan ng modelong ito matatanaw na ang ekpertis sa pagsasalita
ay madaling matututuhan basta maayos na maisasaalang-alang ang 5P: performans
pangwika, pag-eevalweyt sa awdiyens, paghahanda ng lektyur/papel, paglalapat ng
viswal na presentasyon at higit sa lahat, ang wastong pagsunod sa patnubay sa
pasalitang presentasyon.

Reperensya

Baker, C. (1993). Foundations of bilingual education and bilingualism. Great Britain:


WBC print.
Elizabeth, M. (2003). Painless speaking. Canada: Baron’s educational series.
Escoto, M., et al. (2007). Masining na pagpapahayag. Valenzuela, Philippines: Mutya
Publishing.
Farrell, T and Farrell M., (1997). Public speaking, skills for success. USA: Irwin.
Francisco, C., et al. (2007). Komunikasyon sa akademikong Filipino. Valenzuela,
Philippines. Mutya publishing.
Hamilton, C. (1999). Essentials of public speaking. USA: Wadsworth publishing.
Koch, A. (1992). Speaking with a purpose 2nd ed. New Jersey: Prentice hall.
Lipson, M. & Wixson, K. (2003). Assessment and instruction of reading and writing
difficulty. USA: Pearson education.
Mandel, S. (1993). Effective presentation skills, revised ed. USA: Crisp publications.
Oliva, P. (2005). Curriculum Development. USA:
Ross, R. (1995). Speech communication, the speech making process. USA: Simon &
Schuster.
Santiago, A. (2003). Sining ng pagsasaling-wika. Manila: Rex
3.0 Gawain

Panuto: Ang buong klase ay hahatiin sa apat na grupo. Bawat grupo ay inaasahang
makapagsasagawa ng isang seminar-porum hinggil sa wikang Filipino. Ang paksa ay
maaaring umikot sa mga sumusunod:
1. Filipino ng mga Marino
2. Filipino at Turismo
3. Global na Filipino
4. Ang wikang Filipino bilang wikang ng kaunlaran
Magsisilbing tagapagsalita sa porum ay ang mga miyembro ng grupo. Sila rin ang
mamamahala sa kabuuang daloy ng programa.

You might also like