You are on page 1of 2

FEATURE ARTICLE:

SASAKYANG RODILYO
ni: JOY KAREN M. MORALLOS

Saya. Lungkot. Tawa. Iyak.Kaba.Saya. Lungkot. Tawa. Iyak. Kaba.


Ito ang mga samu’t saring pakiramdam na aking naramdaman at patuloy na nadarama sa
halos humigit kumulang limang libong araw na pagiging guro. Katulad ng pagdaloy ng ilog ay
ang tuloy-tuloy at paulit ulit ding pagsikat at paglubog ng araw bilang isang gurong paulit-ulit
ding nakakaramdam ng iba’t ibang emosyon na para bang laging nakasakay sa sasakyang
rodilyo.
Hindi kaila sa akin bilang isang guro ang makaramdam ng iba’t ibang emosyon sa tuwing
pumapasok ako sa apat na sulok ng aking silid-aralan at maging sa pag uwi ko sa aking munting
tahanan. Marahil ito nga talaga ang normal na pakiramdam ng isang guro.
Sa labing-anim na taon ng aking panunungkulan, sari-saring emosyon na ang aking
napagdaanan. Ito ay batay na rin sa mga kaganapan at mga pangyayaring araw-araw kong
dinaranas at patuloy pang daranasin. Mga pakiramdam na dulot marahil ng mundong aking
ginagalawan na siyang nakakaapekto sa akin bilang isang dakilang guro.
Hindi kaila sa atin na kamakailan lamang ay nagpalabas ng panibagong Memorandum
ang ating Kagawaran na nag -uutos na isagawa ang Catch-Up Friday. Ito ay sa bisa ng DepEd
Memorandum 001 s . 2024 na ipinalabas noong unang araw ng Enero 2024. Ayon sa
memorandum na ito, ang araw ng Biyernes ay ilalaan bilang isang espesyal na araw upang
magsagawa ng iba’t ibang gawaing pambata na mas maghahasa pa sa kanyang kakayahan sa
pagbabasa at pag-unawa. Ito ay upang mas lalong paigtingin din ang programang National
Recovery Program na nakapaloob sa MATATAG AGENDA na ipinaiiral ng kasalukuyang
administrasyon. Ngunit hindi maikakaila na sa tatlong buwang pa lamang na pagsasagawa nito
ay marami pa rin ang naguguluhan at hindi pa matiyak kung paano nga ba dapat isagawa ang
panibagong programang ito. Marahil katulad kong pakiramdam ay sumasakay sa sasakyang
rodilyo, ang kapwa kong mga guro ay paniguradong ganun din ang nararanasan.
Sa tatlong buwang pagsasagawa ko ng nasabing programa, hindi ko maitatanggi sa aking
sarili na ang Catch-Up Friday ay isang panibagong hamon na namang gaya ng dati ay aking
haharapin ng buong tapang. Katulad ng isang sundalo, pakiramdam ko ako ay may panibagong
labang kailangang harapin at sagupain. Pakiramdam ko din ay sa tuwing araw ng Huwebes ay
may kakaibang puwersang dumadaloy sa aking isipan sapagkat sa kaibuturan ng puso ko ay may
kailangang paghandaan sa susunod na bukas. Kailangang paghandaan at isaalang -alang, pag -
isipan at magbuwis ng pawis at lakas upang maplanuhang mabuti kung ano-anong gawain ang
angkop na ibigay sa mga mag-aaral na walang kamuwang muwang. Sa kabila nito, may
malaking katanungan pa ring umiiral sa likod ng aking isipan. May patutunguhan na naman ba
ang gawaing ito? Saan kaya ako dadalhin at ang aking mga mag-aaral ng panibagong yugtong
ito?
Bilang isang gurong itinuturing na bayani ng bayan kong mahal, marahil wala naman
akong magagawa kundi ay lakasan at pagtibayin ang aking kalooban. Masugatan man ay patuloy
na lalaban at tatayo upang harapin ang hamon ng buhay, tatagan ang isipan at sabihin lagi sa
sarili na kaya ko to! Araw-araw na papasok at itatak sa isipan na ang kabataan ay siyang pag-asa
ng bayan. Mga kabataang sa akin ay umaasa ta patuloy na umaangkla. Mga kabataang may
kalakasan at kahinaang kailanganang gabayan. Mga kabataang kailangang hubugin at himukin na
sa pagtitiyaga ay tiyak na may magandang patutunguhan at aanihin. Ang mga kabataang ito ang
dahilan ng iba’t ibang emosyong aking nararamdaman sa araw-araw na pagpasok ko sa silid-
aralan. Katulad ng pagsakay sa rodilyo, samu’t samong emosyon at pakiramdam ang kanilang
hatid na masasabi kong nagbibigay kulay din sa aking buhay.
Alam kong sa mga susunod na araw ay marami pang mga iba’t ibang programa at
panunutunang iimplementa ang Kagawarang aking kinabibilangan. Kaakibat nito ay ang
kaisipang ang mga ito at paniguradong magbibigay sa akin ng masasaya, malulungkot at
magugulong pakiramdam katulad ng pagsakay sa sasakyang rodilyo. Lagi ko ring ng sinasabi sa
aking sarili na ang lahat ng mga nangyayari sa aking buhay ay may dahilan. Alam kong ang lahat
ng mga programang ipinapatupad na siya ring nagiging hamon sa atin bilang isang guro ay may
kaakibat na mabigat na kadahilanan. At alam ko rin na ang kadahilanang ito ay para sa ikabubuti
ng ating pangunanging pinagsisilbihan na walang iba kundi ang ating mga mag-aaral. At ang
mga ito ay aking itatanim sa puso’t isipan na sa pagdaloy ng mga araw, magpapatuloy ako sa
pagsakay sa daloy ng buhay. Dahil ang buhay ng guro ay parang buhay na laging nakasakay sa
sasakyang rodilyo, saya,lungkot, tawa, kaba, saya, lungkot, tawa, at kaba.

You might also like