You are on page 1of 3

Patatas,Itlog at Kape

Isang gabi,
Nagkwento si Juan kay Pedro tungkol sa mga pasan-pasan niyang problema
Tulad nang marami siyang wallet pero walang pera
Mga halo-halong istorya tungkol sa pagiging brokenhearted niya kay Lerma
Na sumabay pa sa mga patong-patong na assignments niya sa skwela
At biglang sumabat si Pedro
Sabi niya
"Sus! Napagdaanan ko na yan! Madali lang yan!
Tsaka di lang naman ikaw ang may problema sa buong sanlibutan
Kaya't kung ako sayo... "
Hindi pa natatapos magsalita si Pedro
Nang biglang sumagot si Juan
Sabi niya
"Eto namang si Pedro,
Alam mo ba yung kwento tungkol sa patatas,itlog at kape?
Sa kung paano nito inilarawan na iba ang ikaw sa ako
At kayo sa kami
Saglit kang makinig, para sayong pag-uwi,
Subukan mong mag-init ng tubig sa tatlong takure
Kapag kumulo na, ilagay mo ang patatas, itlog at kape,
Pagkalipas ng kinse minutos ay buksan mo ule
At unawain kung anong mangyayari sa dating matigas at matatag na patatas,
Hindi ba't lalambot?
At magiging buo at kungkreto
Ang dating itlog na mahina at marupok
At ang kape
Bibigyan nya ng napakagandang lasa ang tubig at panibagong amoy
Kita mo na?
Iba't iba ang dulot ng kanilang paglangoy
Kahit ito'y nasa ibabaw ng pare-parehong apoy
Ganun rin sa tao
Madalas ay may pagkakatulad ang mga problemang tinatahak at tiyak
Na may ilan na tinatawanan na lang lahat at merong idinadaan ito sa iyak
Mayroong kinukwento ito sa iba,
Sa pagbabakasakaling gumaan ang pakiramdam
At meron rin naman
Na hinaharap nang mag-isa at tahimik ang sarili nilang labanan
Iba't iba ang paraan natin sa pagharap ng problema,
Kaya't hindi porket madali lang para sayo ay madali na rin para sa iba
Ang bawat isa ay may kalakasan at kahinaan
Gayung hindi tayo pare-pareho nang nakaraang napagdaanan
Isipin mo
Bago naging matatag ang patatas,
Ilang linggo itong nagtiis sa ilalim ng lupa
Subalit ang tibay niya'y humupa
Noong kumukulong tubig na ang dito ay lumapat
Ang itlog nama'y may rupok na taglay
Kaya't iniingatan ito ng bawat humahawak
Ngunit noong dumaan ito sa kumukulong tubig
Ay naging matibay at matatag na 'tong matatawag
Ang kape,
Ang kape ang pinaka-kakaiba
Sa subrang dami na ng napagdaanan niya ay halos alam niya na
Kung paano lalagyan ng panibagong panlasa ang pagharap sa problema
Alin ka sa tatlo?
Alin ka man sa tatlo, ay sana wag kang mawawalan ng pag-asa
Sa bawat pagdating ng umaga,
May panibagong hamon tayong laging kinakaharap,
At ang maganda rito
Ay sa bawat hamon ay lalo tayong tumatatag
Kahit gaano pa karami ang pagsubok
Meron sating mga patatas palang, merong mga katulad na itlog,
Meron rin namang mga kape na sa pagdaan ng panahon ay lalong nahuhubog
Ano mang problema ang mayroon ka
Lahat yan ay may sulusyon
Ngunit hindi ibig sabihin nun na ang sulusyong naging epektibo sa kanila noon
Ay magiging epektibo na rin sa suliranin mo ngayon
Gayun pa man, ano't ano pa yan,
Huwag kang mawawalan ng paniniwalang kaya mo yang lagpasan,
Pagkat ang paniniwala
Ang pinakamakapangyarihang sandata na meron ang isang nilalang,"
Napatahimik si Pedro sa sinabi ni Juan
At bigla niyang natanto
Niyakap niya ang kaniyang kaibigan
At sinabing
"Tol, Nandito lang ako, "
Ikaw? Alin ka sa tatlo?
Patatas?
Itlog?
O kape?

You might also like