You are on page 1of 4

Mga Tula ng Alpabetong Pilipino

Ni: Krystle Ann R. Quinones


Katuray Minority School
Kindergarten Teacher

Atis ni Ama
Ang tamis ng atis na ani ni ama
Sintamis ng asukal, sindami ng abaka
Anim kay Ate Aya, apat kay Aling Ana
Ang natira ay sa akin, sa sarap ay kulang pa.

Bigas sa Bilao
Mga butil ng bigas na nasa bilao
May bilog, may haba, may puti at kulay abo
Kaysarap isaing, pwede ring gawing biko
Malutong, malinamnam lalo na’t binayo.

Dampa sa Damuhan
Ang amin pong tirahan doon sa malayong bayan
Ay maliit na dampa sa gitna ng damuhan
May sariwang hangin na kay sarap langhapin
Payak na pamumuhay doon mo lang mararating.

Enteng Elepante
Ako’y nanaginip, isang dambuhalang hayop.
Malaki pa s’ya sa akin kaya ako ay natakot.
Agad ginising ni ina sa pagkakabaluktot
Si Enteng Elepante lang pala na aking napanood.

Gagamba sa Garapon
Namasyal ako kanina sa itaas ng gulod.
May dalang garapon lalagyan ng mga dahon.
Ngunit ang aking nakita ay kaibigang gagamba
Agad ko siyang hinuli ng hindi na gumala.
Halaman sa Hardin
Magandang pagmasdan ang mga bulaklak
Kaysarap langhapin ng kanilang halimuyak
Heto nga’t si Hannah ay aking napansin
Hinahalikan n’ya ang mga halaman sa hardin.

Ikaw Inay ang aming Ilaw


Bata pa lamang ikaw na ang gumagabay
Kay ate, kay kuya, kay bunso at kay Tatay
Mapagmahal ka’t ang puso mo’y dalisay
Kaya Ikaw Inay, Ikaw ang aming Ilaw.

Mga Kwento ni Kiko


Ako ay may kaibigan Kiko ang kanyang pangalan
Mahilig siyang magkwento, o kay sarap pakinggan.
Kay lutong na halakhak ang laging napakikinggan
Dahil mga kwento niya ay puro katatawanan.

Limang Laso sa Lamesa


Isa, dalawa, tatlo, apat, lima.
Iyan ang bilang ng mga laso sa lamesa.
May lila at luntian para kay Linda at Layla
Tatlo ang natira nakalaan kay Lala.

Masustansiya ang Malunggay


Mahilig akong kumain ng prutas at gulay
Malutong at masarap may sustansiya pang taglay
Ngunit ang paborito ko ay itong malunggay
Malinamnam ang lasa at pampahaba ng buhay.

Si Ninong at Si Ninang
Nagsilbing magulang ko sina ninong at ninang
Gumagabay sa akin kapag wala si nanay.
Inaalagaan ako, binibigyan ng patnubay
Nais nilang ako’y magkaroon ng magandang buhay.

Okra ni Mang Oli


Si Mang Oli ay may tanim na okra
Malapad ang ektarya sa bayan ng Olanda
Itinitinda ito Aling Olivia
Isang oras pa lang, ito’y ubos na.

Pitong Pulang Papel


Itong aking guro na si Ma’am Pina
ay nagpagawa ng parol na pula.
Binigyan niya kami ng pitong pahina
ng pulang papel at pandikit sa pisara.

Regalo kay Rodel


“Maligayang kaarawan!”, ang bati kay Rodel
ng mga kaklase sa Paaralan ng Rafael.
May munting regalo sina Rina at Ruel
relo pala ang laman, tuwang-tuwa si Rodel.

Sa Sitio San Pablo


Ako si Susan, siyam na taong gulang
Ipinagmamalaki ko ang munti naming tahanan
Sa Sitio San Pablo doon kami naninirahan
May malinis na sapa at malawak na batisan.

Tortang Talong
Pumitas si tatay ng bunga ng talong
Amin daw iuulam sa araw na yaon
Tinanong ni nanay, “Ano’ng luto ba yon?
Ang aking sagot, “torta pong talong”.

Ukay-Ukay ni Aling Upeng


Si Aling Upeng ay may munting tindahan
Doon nakatayo sa Bayan ng Ulasan
Mga lumang bag, sapatos at kasuotan
Ukay-Ukay pala ang ganoong tindahan.

Walong Walis ni Wilma


Si Wilma ay masipag sa lahat ng gawain
Kaya si Mang Willy ay tuwang-tuwa mandin.
Walo ang walis halos na kayang gamitin
Sa kanilang tahanan ay nagbibigay-aliw

Yaya ni Yolly
May yaya si Yolly, pangalan ay Yana
Masarap magluto, mag-alaga, mamalantya
Sa kanilang tahanan, kilala na ang yabag niya
Kaya si Yolly ay palaging masaya.

You might also like