You are on page 1of 3

TRANSCRIPT (MODIFIED): MAHIWAGANG ALAMAT NG MGA WAWA SA HAGUNOY ayon sa isang matanda sa Tibagin Noon daw pong ang

bayang hagonoy ay di pa pinaninirhan ng maraming tao ang hagonoy ay panay latian at gubat na hindi mapapasok ng mabubuting tao kundi panay mga tulisan lamang. Sa panahong iyon ay may mag-asawa sa nayon ng Marulao(Sta Elena) na may anak na dalagang ubod ganda. Isang araw ay may napasyal doong isang matipuno at matapang na binata, tubo sa isang nayong walang pangalan sa bayan ng Makabebe, nakita ang dalaga na naglalaba sa bantilan, nagkubli sa isang malagong punong sasa na nasa tabi ng ilog upang ito ay pagmasdan. Noong panahong iyon hindi pa naghahari ang lakas ng matuwid kundi ang katuwiran ng lakas, makuha ang babae sa kahit papaanong paraan. Umuwi sa kanilang bayan at nagtawag ng mga tapat at matatapang na kaibigan at nagsumpaan silang sa mamatay o mabuhay ay iuuwi nila sa kanilang nayon ang dalaga. Kinabukasan lulan ng malaking mandawan. Para namang pinagtiyap ng kapalaran na ang dalaga ay nadatnang naglalaba ulit sa bantilan kinuha ang babae sa paraang tila kidlat at di na nakuha pang sumigaw nawalan ng ulirat, nagkaroon ng malay ay palabas na ng dagat ang kanilang paraw na sinasakyan. Pagkamulat na pagkamulat ng kanyang matang mapupungay ay nakita na lamang niya na siya ay nasa kandungan ng isang binata noon lamang niya nakita kayat nagtangka siyang lumaban ngunit wala siyang nagawa tulad sa isang ibong pipit na dakot ng matutulis na kuko ng mabilis at malakas na limbas na kahit ano ang gawing paghuhulagpos ay di siya makaalis. At noong hindi siya makakilos dahil sa pagkahapo ay itinanong niya sa binatang kinakakandungan niya "Saan tayo naroon?" Ang binata sapagkat hindi marunong ng tagalog ang akala niya ay nanayag na kayat ang ginawa niya'y itinanong sa dalaga "Nanong laguio nio?". Ang dalaga naman sapagkat hindi marunong ng kapampangan ang buong akala niya ay sinagot na siya, kung kaya nasabi niya na "Ah tayo pala ay na sa laguio na" at mula noon ay tinawag ng LAGUIO ang wawang kanilang unang nilabasan. Patuloy ang kanilang paglalakbay sa baybayin ng dagat patungo sa nayon ng binata. Noong sila ay matatapat na sa isang wawa ay nakakita sila ng isang mamalakayang tagalog. Nilapitan upang umamot ng isda. Ang mamalakaya ay kanayon ng dalagang inagaw at nang mapansin ito ay sa halip na amot lamang ang kanilang maiyuulam pagdaka'y inialok na pakyawin ng lahat ang kanyang huli sa halagang di sa tunay na halaga ng kanyang huling isda inanyayahan makisalo sa kanilang pagkain. matapos siya ay mabayaran ng malaki sa kanyang isdang nahuli at mapagkakitaan ng lalong pinakamabuting ugali ay napakiusapan siyang huwag na kumibo at ipagkaila niya na nakita niya ang dalagang kanyang kanayon sa wawang pinamamalakayahan niya kung sakali mang magtatanong sa kanya pagdating sa kanilang nayon. Ang mangingisda ay nangakong susundin lahat ng kanilang pakiusap. At nang marinig ng babae ang kanilang kasunduan ay nasabi sa kanyang kanayon " Ikaw pala namang nasuyo lamang at NASUHULAN ay di mo na lilingapin ang iyong kanayon." At magmula noon ay tinawag na WAWANG MANUHOL ang wawang yaon.

Patuloy ang kanilang paglalakbay. Di nalaon at biglang umihip ang malakas na hangin at ang kanilang bankang sinasakyan ay ipinaghampasan sa baybayin ng dagat na may mga malalaking puno ng palapat. nang maramdaman ng dalagang sila'y nasa malaking panganib ang ginaway sumigaw at nag-utos "Gumitna tayo, gumitna tayo". Mula nooy tinawag na WAWANG GUMITNA ang wawang nakatapat noong kasalukuyang nagsisigaw ang dalagang ng "gumitna tayo, gumitna tayo". Naghinto ang malakas na hangin at ang kanilang paglalayag ay nagpatuloy na ng buong katahimikan. Nang silay pumapasok na sa isang wawang patungo na sa nayon ng binata ay napansin nilang may malaking butas ang kanilang bangkang sinasakyan at ang ginawa nila'y ipinundo muna nila ang bangka at humanap sila ng kanilang magagawang PAMASAK upang sila'y makapagpatuloy sa kanilang paglalayag. Pagkatapos na mapasakan nila ang butas ng kanilang bangka ay pinamagatan nila ang wawang yaon ng WAWANG PASAK. Palibhasay noong mga panahong yaon ang isang dalaga'y mahipo lamang sa kamay ay ipinalalagay nang silay napurihan na, kung kayat bagamat hindi nakikilala ng ating dalaga ang binatang sa kanya ay nangahas at lumapastangan ay napahinuhod na rin at umibig na sa pangahas datapuwat umibig ng tapat sa kanya. At nang dumating na sa kanilang nayon ay nagdaos na ng isang malaking kasayahan dahil sa tagumpay na kanilang natamo at inabot halos ng dalawang araw ang kanilang pagsasaya at sayawan. At sapagkat ang sayawan sa wikang kapampangan ay terakan, kung kayat ang nayong yaon ng Kapampagan ay tinawag tuloy na TERAKAN. Pagkatapos ng kanilang pagdiriwang ng kanilang pag-iisang dibdib ay ipinakiusap ng ating dilag na bagong kasal sa kaniyang asawa na mangyari lamang na sila ay manirahan sa isang pook na hindi pa pinanahanan ng sino mang tao. Sa pakiusap na ito ang lalaki'y nayag at ang napili nila'y isang pook na nasa bayabayin ng dagat Hagonoy na nasisiko sa isang wawa ng ilog Hagonoy. nang makaraan ang ilang buwan ay napansin nilang ang pook na kanilang napili ay malakas matibag kung kaya't pinagkasunduan nilang lumipat sila sa kabilang wawa. At mula na noon ay tinawag na TIBAGUIN ang wawang yaon. Sa bagong pook na kanilang napili ay tumagal sila ng may tatlong taon at sila ay nagkaanak na ng dalawa. Isang araw ay nabalitaan ng mga magulang ng dalagang nawalang parang bula na ang kanilang anak na tinangisan ng mahabang panahon dahil sa pagkawala ay naninirahan sa isang wawa sa baybayin ng dagat Hagonoy na mayroon nang dalwang anak at namumuhay naman ng tahimik at maligaya sa piling ng kanyang asawa at dalawang anak. Tuwang di mamagkano ang sumakbibi sa puso ng dalawang mag-asawang matanda na malaon nang naghahanap sa kanilang anak na pinakamamahal na parang kinain ng laho at noon din ay pinagkasunduan nilang puntahan at kung mangyayari'y maisama na nila sa kanilang tahanan at nang doon na manirahan sa kanilang piling yayamang silay matatanda na rin lamang. Sa kabutihang palad nila ay nasumpungan nila kaagad ang kanilang hinahanap at sabihin pa sa gaanong pagkakataon ay sino ang hindi luluha sa galak? Magulang at anak ay gayon na lamang ang kaligayahan.

Matapos ang buong magdamag at maghapong kaligayahan ay iminungkahi ng mga matatanda ang kanilang nais na sila ay makapiling na doon sa nayon nila. Ang kanilang manugang ay sang-ayon datapuwat ang kanilang anak na rin ang nakiusap sa kaniyang mga gulang na sanay bayaan na silang doon mamugad yamang ang kanilang dalawang anak ay doon na rin lamang isinilang at nangakita ng unang liwanag. At mula na noon ay tinawag na ng PUGAD ang pook na yaon sampo ng kanyang wawa. Ang pagtakbo ng panahon ay patuloy ng patuloy. Isang araw ay biglang nagkasakit ang babae at di inabot halos ng dalwang araw at namatay. Sa sukal ng loob...nilisan ng lalaki ang pook na yaon upang huwag na niyang maalala pa ang kanyang mga matatamis na kahapong tinamasa sa pook na yaon sa piling ng kanyang asawa at siya ngay nanirahan sa isang wawa na kasunod na... At nang siya ay mapagkaalamang doon nagtitira ay pinamagatan na mula noon ang wawang yaon ng WAWANG NABAO. At ang matandang nagkuwento sa akin nito ay hindi rin masabi kung ano ang kinahinatnan ng buhay ng lalaking kapampangang yaon na naging pangahas sa lapastangan dahil sa udyok ng pagibig sa isang sulyap datapuwat pag-ibig na naging wagas at tapat hanggang sa WAKAS. -RATOMO PAGE 11-15 Hagonoy Fair and Garden Day in Memory of Dr. Jose Rizal March 6, 7 and 8 1931

You might also like