You are on page 1of 4

Kahon

(Ang Anak Kong Nag-iisa)


Rommel N. Angara

Trece años lamang ako’y nagsimulang bumalikat


sa tungkuling wika nila sa ’ki'y di pa nararapat.
Nagalaw ko ang mutya kong yumi’y walang makatulad.
Kaming dal’wa’y nagpisan na, bata pa mang matatawag.

Ako’y masyado pang musmos sa paningin ng barkada.


Isip-paslit lamang ako’y ba’t daw agad nag-asawa?
Kayt’yaga kong newspaper boy. Ang gamit ko’y bisikleta.
Sa  may bangketa kab’yak ko’y kay-alindog na tindera.

Ngayong ako’y beinte años anong daming pagbabago!


’Saktong pitong taong gulang supling namin ng irog ko.
Aking anak na babae tutuntunga’y unang grado.
“Ang ibig ko, hija, anak, lumaki kang matalino.”

Sa ’king mahal na esposa ako’y nagtataka lamang.


Anong laking pinag-iba ugali n’ya pati asal!
O! Pinatitingkad niya ang angkin n’yang kagandahan.
Kahit araw ng pahinga’y wala siya sa tahanan.

Noong una, asawa ko’y sakdal-hinhin kung manamit.


Bandang huli, tila siya’y malaswa na sa pangmasid.
Mumurahing pabango n’ya’y ’dali niyang nasasaid.
Sa marubdob na halik n’ya’y sino ang di mananabik?

Isang gabing maliwanag, pag-uwi ko sa ’ming dampa,


mayro’n akong natuklasan. Ako’y labis na nabigla.
Ang kasiping ng giliw ko’y estrangherong ubod-sama!
Taksil pala ang babaing noon ko pa minumutya!

O, kaytindi ng galit ko! Esposa ko’y sinumbatan.


“Bakit? Bakit nagawa mong ako’y kusang pagtaksilan?”
Yaong kanyang paliwanag hindi ko na pinakinggan.
“Lumayas ka sa bahay ko kung ayaw mong kita’y saktan!”

Page 1 of 4
Mula noon, ang mutya ko’y hindi ko na nakita pa.
Ayaw ko nang masilayan ang marikit na anyo n’ya.
Tuloy, napagnilayan kong ’pag ang puso’y bubot pala,
namnamin mo unti-unti’t ubod nito’y anong pakla!

Pagkawala ng irog ko sa ’ki’y di magpatahimik.


Ang anak kong iniwan n’ya’y malalim kong iniisip.
Paano ko tatanggaping ako’y bigo sa pag-ibig?
Ba’t nabura sa palad ko ang ligayang natititik?

“Hindi ka na mag-aaral,” ang wika ko sa ’king anak.


“Ika’y maghahanapbuhay pagkat tayo’y kapos, salat.
Doon sa may pamiliha’y mamamasukan kang ganap
bilang tindera. Pal’gay ko, ikaw nama’y matatanggap.”

Ang anak ko’y napaiyak. Siya’y tunay na nalito.


Nakiusap siya sa ’kin: “Pa’no na po kaya ako?
Gusto ko pang mag-aral, ’Tay. Sa ’ki’y maawa po kayo!
Top one ako sa ’ming klase. Sana’y maunawaan n’yo.”

“H’wag mo akong iinipin! Ano’t ika’y nagmamaktol?


Narinig mo? Hindi ka na mag-aaral! ’Kaw ba’y ulol?”
Anong tindi ng galit ko! Ang anak ko’y humagulhol.
Agad ko s’yang pinadapa’t hinagupit ng sinturon.

Doon, doon nagsimulang ibunton ko yaong poot


sa ’king nag-iisang anak. ’Dalas ko s’yang binubugbog.
“Ikaw, bata, ang dahila’t nasisikil yaring loob!
Pabigat ka sa buhay ko, hindi mo ba natatalos?”

Di ko tantong sa trabaho’y ganap akong tatamarin.


Pa’no’y aking natutunan ang mag-inom, ang maglasing.
Ah, wala na’ng sigasig ko sa trabaho, ni katiting!
Parang ako’y naghihintay kung kailan ililibing.

Ang bubuhay sa ’king anak sana’y akong kanyang ama.


Balintuna ang nangyari: bumubuhay sa ’ki’y siya.
Nagbabanat niyong buto ang anak kong nag-iisa.
Wala na ’kong pakialam kahit ano’ng sapitin n’ya.

Page 2 of 4
Ilang buwan ang lumipas. Buhay nami’y buhay-daga.
Nangayayat ang anak ko sa masikhay na paggawa.
’Pag kaunti ang kita n’ya’y pilit akong nagwawala.
Sarili kong dugo’t lama’y halos aking ’sinusumpa.

’Pag ang haplit ng sinturon sa anak ko lumalatay,


walang siyang angking lakas upang sa ’ki’y kumalaban.
Sa kanya ko ’pinamulat: “Ika’y aking anak lamang!
Mahalaga’y susundin mo ang lahat kong kagustuhan!”

Isang hapon, ang anak ko nang umuwi hapong-hapo.


“Ito lamang ang kita mo?” S’ya’y magalang na tumango.
“Ikaw, bata, ang kuwalta’y ibigay mong buong-buo!
Kung di, aking dudurugin, pupulbusin ang ’yong bungo!”

Pagkat tunay na kaunti ang kinita ng anak ko,


siya’y aking pinadapa. “Buong pera’y ibigay mo!"
Ang pagpalo sa pigi n’ya’y isinagad, itinodo.
“Tama na po, ’Tay! Tama na! ’Tay, maawa naman kayo!”

Habang aking pinapalo ang anak kong nag-iisa,


ano’t ang nagunita ko’y pagtataksil ng nanay n’ya?
Ang sigaw ko sa ’king anak: “Nagmana ka sa ’yong ina!
Ang nanay mo’y manloloko. Kayong dal’wa’y ipokrita!”

Ang poot ko sa ’king kab’yak sa anak ko ibinunton.


Pobreng bata’y ’piniit ko sa ’ming munting aparador,
sa masikip na kabinet parang hayop na ’kinulong.
“Iyan, bata, ’yan na mismo ang bahay mo mula ngayon!”

Yaong pinto ng kabinet matapos kong ikandado,


ako’y nagdyaket, nagmaong, nagsapatos, nagsombrero.
Sa ’king mahal na barkada ako’y agad na nagtungo.
Sa kanilang kasayaha’y sabik akong nakisalo.

O! Sa piging ng barkada kunwa ako’y walang lungkot.


Halos libong kopang galak ang pilit kong nilalagok.
Nang sumapit ang sandaling nalalasing akong lubos,
payo nila, “Uwi ka na, pare, upang makatulog!”

Page 3 of 4
Sa tinuran ng barkada ako’y lihim na nainip.
’Pinasya kong umuwi na, di man ako makaidlip.
Aking dampa’y nababalot niyong dilim na pusikit.
Lamparang kasisindi ko’y hinawakang buong higpit.

Maliwanag na ilawa’y agad ’pinatong sa mesa.


Munting kahong parisukat ang sa aki’y sumorpresa,
nakabalot sa plastic bag, sa wari ko’y may ribbon pa.
Chocolate cake pala’ng laman—anong tamis sa panlasa!

May liham pang nakasingit, dulot sa ’ki’y luwalhati:


‘O Tatay, happy Father’s Day! Kayo’y aking binabati.
Sa akin po’y kayo, Tatay, yaong amang bukod-tangi.
Dalangin ko, taglay ninyong kalakasa’y mamalagi.’

Ano’t nang sandaling yaon, tuloy, ako’y napaiyak?


No’n ko lamang naramdaman ang masidhing tuwa, galak.
Naalaala kong bigla ang nagdurusa kong anak
na sa munting aparador ’kinulong kong walang habag.

Anong bilis, binaklas ko yaong pinto ng kabinet!


Waring ako’y mababaliw pagkat ang aking namasid:
ang anak ko’y putlang-putla! Puso n’ya’y di pumipintig.
Kung kailan patay na, s’ya’y niyakap kong buong higpit!

15 Okt. 2001
Baler, Aurora

—Nalathala sa Tinta—The Carmelian Faces (opisyal na publikasyon ng Departamento ng


Lalong Mataas na Edukasyon ng Mount Carmel College of Baler), Nobyembre 2011–Marso
2012, pp. 9–10

Page 4 of 4

You might also like