You are on page 1of 16

PIK-AP

nina Wennielyn F. Fajilan at Rachelle Joy M. Rodriguez


(Panukalang Salita para sa Sawikaan: Salita ng Taon 2012)

Habang tinititigan mo ang bangin


Ang bangin ay tumititig rin sayo
(amin ang salin)
-Friedrich Nietze

Dugtungan ang mga sumusunod na sikat na pick-up line:


1. Hindi ka pa ba napapagod? ____________________. (Kasi kanina ka pa tumatakbo sa isip
ko.)
2. Puwede ba tayong magpapiktyur? ____________________. (Para ma-develop tayo.)
3. Keyboard ka ba? ____________________. (Kasi type kita e.)
4. Centrum ka ba? ____________________. (Kasi you make my life complete.)
5. Red horse ka ba? ____________________. (Ang lakas kasi ng tama ko sa iyo e.)

Sapol ba o mintis ang mga nabanggit na pick-up-line? Wagi ba o sawi? Havey o


waley? Sa tindi ba ng pick-up lines ay wala kang ibang masasabi kundi Boom!?

Saan napik-ap ang pik-ap?

Pamilyar ang salitang pik-ap sa ating mga Filipino. Halaw sa Ingles na pick-up,
matagal nang ginagamit ang konseptong ito na maaaring tumukoy o panlarawan sa mga
pangngalan gaya ng pick-up truck [trak na walang bubong ang likod na bahagi], pick-up
sticks [laro ng pagpulot ng mga patpat nang hindi nagagalaw ang iba pang patpat], at
pick-up girls [mga sex worker na nag-aabang sa mga lansangan para makakuha ng
kostumer]. Mula rin sa Ingles, marami pang kaugnay na kahulugan ang pick-up tulad ng
sumusunod:

(1) pagkuha at pagpulot ng bagay na nahulog;


(2) pagsundo;
(3) hindi inaasahang pag-alam sa isang bagay o tao;
(4) insidental na pagbili;
(5) digri ng rehistro sa mga pandama; at
(6) pagbuo ng interaksiyong seksuwal

Bus Pick-up naman ang tawag sa bus o anumang publikong sasakyan na patigil-
tigil sa kalsada para lamang kumuha o punuin ang sasakyan ng mga pasahero. Tumatagal
ang biyahe at lalong sumisikip ang daloy ng trapiko, tulad ng sa EDSA, dahil sa dami ng
mga bus na pumi-pik-ap pa ng mga pasahero.

Sa lahat ng ito, ang pinakasikat na konseptong nabuo gamit ang salitang pick-up
ay ang pick-up line. Nangangahulugan ito ng anumang pahayag na nagsisilbing panimula
sa isang pag-uusap sa panig ng hindi pa (gasinong) magkakilalang lalaki (na siyang
karaniwang nagdedeliber ng mga pick-up line) at babae (na siyang karaniwang
pinopormahan).i Karaniwan ding umuusbong, nagaganap, at sumisikat ang mga pick-up
line sa mga publikong lugar na tulad ng mga bar, o panlipunang pagtitipon na tulad ng
PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 1/ 16
mga parti na hindi magkakakilala ang mga tao roon. Mahirap ma(gpa)pansin sa mga
ganitong lugar at panahon; at talaga namang nakakailang kumausap ng taong hindi mo
kilala at hindi ka rin kilala, kaya kakailanganin talaga ng matindi-tinding diskarteang
mga pick-up line.

Ang pangangailangang magpapansin ang nagbunsod na rin para magkaroon ng


ibat ibang uri ng pick-up line.Depende sa intensiyon at sa bisa ng mga linya, maaaring
maikategoriya ang mga pick-up line sa hirit, banat, cheesy/korni, pilyo/bastos (green
joke), at pambasag. Mula sa konteksto ng panunuyo, magbabanyuhay ito bilang pik-ap o
pagpapansin sa ibat ibang anyo.

Pik-ap bilang hirit.


Ito ang bersiyon ng Filipino para sa one-liner bilang makatawag-pansin na
pahayag. Samakatwid, walang pick-up line na mahaba. Nakadepende ang bisa ng pick-up
line sa husay ng pagbitaw ng mga salita; tayming at datng ng namimik-ap ang tagumpay
ng hirit. Gaya na lamang nito:

BOY: Miss, may payong ka?


GIRL: Bakit?
BOY: Umuulan kasi ngayon ng kagandahan dito.

Tiyak na mapapangiti ang babae sa gayong hirit. Paniguradong kantiyawan ang


aabutin ng lalakit babae sa sandaling marinig ng ibang tao ang usapang nabanggit. Kuha
agad ng lalaki ang atensiyon at interes ng babae. Marahil, ang taglay na kaguwapuhan at
kamatsohan o ang kakulangan nito ng isang lalaki ay napapogi dahil sa galing niya sa
paghirit. Kung kapos sa gandang-lalaki, daanin na lang sa hirit, sa pick-up line, at tiyak
na kakayanin ng lalaking makipagsabayan sa mga guwapong lalaki. Sense of humor,
kumbaga ang panlaban niya.

Pik-ap bilang banat.


Mula sa simpleng hirit, nagiging banat ang matagumpay na pick-up line. Hindi na
lang basta asosasyon o pag-uugnay ng katangian ng isang bagay ang maaaring gamitin
sa pagbubuo ng mga analohiya na maikokonekta sa babaeng nais na makapansin kundi,
napapatingkad ng personipikasyon, malalim na metapora o pagtutulad ang ginagamit.
Halimbawa:

Parang lumiliit ka yata kanina nasa isip pa lang kita, ngayon nasa puso ko na.

Tinotodo ang paghahambing; sukat nang maging eksaherasyon. Sapagkat ang


pagbanat, tulad ng Ingles na salin nito na stretch, nangangahulugan itong
pagpapaigting ng paghirit. Tumitindi ang mga imahen; tumitindi rin ang pamimik-ap.
Kaugnay rin ng banat ang paghataw o matinding sapol ng suntok (katumbas ng
punchline sa Ingles). "Boom! ang reaksiyon sa pinakamalupit na banat na naririnig. Tila
pasabog ang linyang ito sa mga nakikinig. Nakakabilib ang pinakamatinding banat.

Pik-ap na cheesy.
Natural, kilig ang dulot ng epektibong pick-up line. Mahalagang elemento ng pick-
up line ang cheesiness nito, na nagpapahiwatig ng pagiging korni pero nakakaaliw.
PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 2/ 16
Parang pilt pero nakakatuwang nakakaasar, o nakakaasar na nakakatuwa. Katatawanang
nakukuha sa kakornihan.

Sa mga pick-up line, hindi na lang atensiyon ang nakukuha mula sa kausap; kundi
maging paghanga, atraksiyon, pag-ibig. Kaya nga matagumpay itong nagamit sa mga
linya ng mga nagliligawang tauhan sa Pinoy romcom film na My Amnesia Girl (2010) na
itinanghal na pinakatumabo sa takilyang pelikula ng taong iyon. Pati ang soundtrack ng
pelikula, umikot sa mga pick-up line. Una itong kinanta ng isang sikat na babaeng DJ na
si Nicole Hyala, na nakilala rin sa galing nitong humirit kung hindi man bumanat sa
kaniyang programang panradyo. Pinagsama-sama ng kantang ito ang mga itinuturing na
pinakasikat na pick-up line sa bansa.

Mahal Kita (Nicole Hyala)

Bangin ka ba? Kasi


Nahuhulog na ako sa 'yo, naman kasi
Unggoy ka ba? Kasi
Sumasabit ka sa puso ko, naman kasi
Pustiso ka ba? Kasi
You know I can't smile without you
Pagod na pagod na ako
Maghapon ka na kasing tumatakbo sa isipan ko
Kasi naman kasi

Mahal kita
Bagay tayong dalawa
Papicture nga
Para mapadevelop kita
Hindi tayo tao, hindi rin tayo hayop
Bagay tayo, bagay talaga

Papupulis kita, kasi


Ninakaw mo ang puso ko, naman kasi
Kuto ka ba? Kasi
Palagi ka sa ulo ko
Naman kasi
Apoy ka ba? Kasi
Alab-alab I love you

Magsalbabida ka nga
Kasi baka malunod ka sa pag-ibig ko
Kasi naman kasi
Mahal kita
Bagay tayong dalawa
Papicture nga
Para mapadevelop kita
Hindi tayo tao, hindi rin tayo hayop
Bagay tayo, bagay talaga

Kamukha mo si Papa P, Papa P (Ding Dong)


PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 3/ 16
P Papa P, Papa P
P Papa P, Papa P (Dingdong)

Exam ka ba, kasi


Sasagutin kita agad-agad, naman kasi
Drugs ka ba? Kakaadik ka kasi, kasi, naman kasi
Kulangot ka ba? You're really really hard to get
Posporo ka ba? E di posporo rin ako
Para match
Kasi naman kasi
Mahal kita
Bagay tayong dalawa
Papicture nga
Para mapadevelop kita

Hindi tayo tao, hindi rin tayo hayop


Bagay tayo, bagay talaga

Pustiso ka nga, kasi


I really really can't smile without you.

Pik-ap na pambasagan.
Hindi lamang ginagamit ang mga pick-up line para pakiligin o purihin ang kausap.
Nakapang-aaliw din ang pick-up kapag ginagamit itong pang-asar o pambasag sa kausap.
Hindi kailangang mapikon kung pagbibiro lamang ang motibo sa pamimik-ap;
gayunpaman, puwedeng gamitin ang gayong mga pick-up line bilang patama. Halimbawa
nito ay pinasikat ni Senador Miriam Defensor Santiago:

Alarm clock ka ba? Kasi pag gising ko sa umaga, ikaw ang una kong gustong
patayin.

Ika nga, tablado ang kausap sa gayong pick-up line. Asar-talo sa huntahan. Dito
nagagamit ang pick-up line bilang pambasag ng trip.

Pik-ap sa usapang bastos


Maaaring maging pilyo, o bastos na nga, ang mga pick-up line. Green jokes na,
kumbaga. Ngunit muli, dahil batid na biro lamang ang pick-up, nakakalusot at
pinagtatawanan na lamang ang gayong paghirit. Halimbawa,

Steady ka ba? Gusto kasi kitang galawin e.

Para kang paaralan, gusto kitang pasukan araw-araw.

Siguro freezer ka tapos tubig naman ako. Pag pinasok kita, tumitigas ako!

Lamesa ka ba? Gusto kitang patungan e!

Baril ka ba? Patira naman, kahit isang putok lang.

PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 4/ 16


Ngunit tulad ng karamihan sa mga bastos na patawa, babae ang binabastos ng
mga pick-up line na ito.

Samakatwid nagiging pik-ap ang pick-up line bilang ibat ibang paraan ng
pagpapansin: bilang hirit nakakatawa, bilang banat nakakabilib, bilang linyang cheesy
nakakakilig, bilang pambasag nakakapikon at bilang green joke ay nakakapambastos rin.
Subalit, nakasalalay ang bisa ng pick-up line sa pagpili rin ng angkop na mga pagtutulad
para tagumpay na mapik-ap.

Lahat Puwedeng Pik-apin

Mahalagang kahingian, siyempre, ng pick-up line ay makuha o maintindihan ng


kausap ang siste nito. Na-gets, kumbaga, ang dahilan kung bakit ito nakakatuwa o
nakakatawa o nakakaaliw. Kaya naman, mga pamilyar o karaniwang bagay at/o
karanasan ang pinipiling konsepto sa mga pick-up line. Puwede itong maging bangin,
pustiso, at pagtakbo.Ngunit higit na epektibo ang pick-up line sa pagiging esklusibo nito
bilang Filipinong pagpapansin. Sa nabanggit na awiting Mahal Kita, ang mga
natatanging mga asosasyon ng pagtutulad gaya ng Papa P at Dingdongpara sa mga
sikat na aktor na sina Piolo Pascual at Dingdong Dantesang naging diin upang purihin
nang lubos ang lalaking tinutukoy ng awitin. Tiyak ang pagpili sa kanila bilang mga icon
ng popular na nosyon ng guwapo sa kasalukuyan. Nababago ito depende sa panahon
tulad ng pagbanggit noon kay Rio Locsin sa awiting Langit na Naman o kay Paraluman
sa Huling El Bimbo. Kailangan ang pamilyaridad sa mga pagtutulad para makasakay sa
mga hirit. Ang makakaintindi lang nito ay iyong nakakakilala sa mga binabanggit na
alusyon.
Kaugnay nito, meron ding mga hirit na kailangan ng pag-uugnay di lamang sa
popular na kaalaman, lalo na sa konseptong pang-agham, tulad ng mga ito:

Global warming ka ba? Kasi pinapainit mo ang mundo ko.

Carbon sample ka ba? Kasi gusto kitang i-date.

at matematikal, tulad ng mga ito:

Para kang algebraic expression

ang hirap mong intindihin,

pero the best ka pag nasa simplest form.

Geometry ka ba? Kasi ang cute mo sa kahit anong angle.

Kailangan ng pamilyaridad at pag-uugnay sa mga konseptong akademiko para


matuwa at kiligin. Kung hindi alam ang mga konsepto ng global warming, carbon dating,
algebraic expression o ng mga anggulo- hindi mapipik-ap ang mga banat na iyon. Sa
ganitong sitwasyon, napapagaan kahit papaano ang mga paksang pang-agham at
matematika na kalimitang kinatatakutan at inaayawan ng mga estudyante. Sa mga
PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 5/ 16
proyekto sa klase sa Filipino nagiging hamon ang pamimik-ap gamit ang mga konseptong
natutuhan ng mga estudyante sa iba nilang mga sabjek para mag-ugnay-ugnay ng mga
konsepto. Sa pamimik-ap higit na natutuwa ang mga estudyante sa kanilang kurso at
nagagamit rin nila ang kanilang pagkamalikhain sa kanilang paghirit. Bukod pa sa
napapaigting rin ng pamimik-ap ang identidad ng mga estudyante bilang bahagi ng
kanilang paaralan at institusyon.
Kung kaya nabubuo at napaghihiwalay ng pik-ap ang mga nagpapansin at ang
pumapansin dito. May mga pik-ap na tagumpay sa isang grupo at sa iba naman ay hindi,
depende sa pinipiling pagtutulad. Kung hindi pasok sa umiiral na signipikasyon, hindi
mabubuo ang hirit, mabibigo ang banat.

Puwedeng Pumik-ap ang lahat

Tulad ng nabanggit, mula sa interpersonal na komunikasyon sa panig ng lalakit


babae, lumawak ang mga pick-up line bilang instrumento ng pagpapapansin,
pagpapakyut, at pagpapasikat ng ibat ibang grupo. Sa lawak nito, tumagos din ito sa iba
pang pangunahing wika sa Filipinas gaya ng mga sumusunod na halimbawa mula sa mga
website at forum sa Internet:

Saluyot ka la koman! Apaya? Tapno maikaglis ka ditoy pusok. (Iluko)


(Saluyot ka daw? Bakit? Upang dumulas ka sa puso ko.)

Day ang imong kaanyag daw sama sa bulawan -kidlap kidlap sa kawanangan.
(Sebwano)
(Day ang ganda mo katulad ng buwan-kumikislap sa liwanag.)

Sana exam na lang ako basi simbagun mo ako. (Bikol)


(Sana exam na lang ako para sagutin mo ako.)

Sika amo si Angel Locsin? Ta PHIL kong maging YOUNGHUSBAND mo.


(PANGASINAN)
(Ikaw ba si Angel Locsin? Dahil PHIL kong maging YOUNGHUSBAND mo).

Dire ka naman kwarta? Kay anu nga nagkukuri aku kung waray ka. WARAY
(Hindi ka naman pera? Bat naghihirap ako pag wala ka).

Naging daan rin ang pick-up line upang palakasin ang paggamit ng sariling wika
tulad ng paligsahan sa social networking site na FaceBook na Pick-up Ed Pangasinan o ng
mga pick-up fest para sa mga paaralan na humahamon sa paggamit ng mga konseptong
pangmatematika at siyensiya sa pagbuo ng pick-up line.

Mulang kabataan hanggang sa mga artista, mapa-Tagalog man o mapa-Pangasinan,


pelikula man o kanta, tunay ngang napakalawak na ng larangang pinasok at sinakop ng
pick-up lines. Lahat puwedeng pumik-ap; wala sa edad iyan, estado sa lipunan, wika,
midyum, o sitwasyon. Si Nicole Hyala ngang hindi naman talaga singer, nagka-album pa.

PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 6/ 16


Sina John Lloyd Cruz at Toni Gonzaga nga na hindi naman talaga magka-loveteam,
nagkaroon pa ng box-office hit na pelikula. Lahat sila, napansin, sumikat, at kinaaliwan
dahil sa mga pick-up line.

Hanggang ngayon, patuloy na ginagamit ang mga pagpapakilig na pick-up line sa


programang pantelebisyong Its Show Time ng Channel 2 tuwing tanghali. Maging sa
radio, partikular na sa estasyong Big Radio 91.5 FM, oras-oras may Pick-up Time bilang
segue na nagpapakilig sa pagitan ng mga awitin o komersyal.

Lahat puwedeng pumik-ap. Bastat may akses ang isang tao sa ibat ibang anyo ng
komunikasyon at uri ng midya, maaaring siyang pumik-ap. Bukod sa panonood ng
pelikula o TV, at pakikinig ng radio, maaari siyang pumik-ap sa text, Internet, at social
media.

Ngunit sa lahat ng pumi(pi)k-ap, iisang tauhan ang namayani sa lahatsi Boy Pick-
up. Siya ang responsable sa pambansang penomenon ng pamimik-ap. Sa kaniyang
pamimik-ap uminog ang pagpapatawang Filipino (Filipino humor) noong nakaraan at
kasalukuyang taon.

Ayt! Ayt!: Ang Pagbuo ng Lipunang Pikapista

Walang dudang naabot ng salitang pick-up ang rurok ng kasikatan nito nang
mamayagpag si Boy Pick-Up ang karakter na nilikha ng pinakamatagal na palabas ng
katatawanan sa Filipinas, ang Bubble Gang. Sa kanyang karakter naging mainstream at
popular ang pamimik-ap o ang akto ng pagde-deliver ng pick-up lines bilang siyang usong
paraan ng pagpapatawa.

Narito ang mga tauhang bumubuo sa segment na ito:


(a) Boy Pick-Up, na ginagampanan ni Ogie Alcasid. Pormang hiphop siya (may
baseball cap, oversized T-shirt, low-waist na shorts, at rubber shoes),
nakanguso, at astang-mayabang (o cool). Siya ang kampeon ng mga pick-up
line;
(b) Neneng B. o Neneng Bakit?, na ginagampanan ni Sam Pinto. Maganda at sexy
siya; mahaba ang buhok, labas ang malantik na baywang, at nakapekpek shorts.
Siya ang pinopormahan ni Boy Pick-up. Wala siyang ibang diyalogo kundi,
Bakit?
(c) Boy Back-up, o ang sidekick (o para sa mga Amerikano, wingman) ni Boy Pick-
up. Siya ang nagtsi-cheer kay Boy Pick-up.
(d) Ang Taumbayan, o ang audience ni Boy Pick-Up. Sila ang nakikitawa,
nakikigulo, humahanga, at nagtsi-cheer pa kay Boy Pick-Up.
(e) Ang Katunggali ni Boy Pick-up, siya ang ka-showdown ni Boy Pick-up sa
pagbitaw ng mga pick-up line. Siya, kumbaga, ang humamon (challenger).
(f) MC Bits, ang arbiter o tagapamagitan sa duelo ng mga Pikapista.
Ginagampanan ito Michael V. kaya rap din ang anyo ng kanyang pagre-referee.

Nakasalalay sa kawalan ng koneksyon ang bisa ng banat ni Boy Pick-up. Tulad ng


sumusunod:

BOY PICK-UP: Hindi ikaw ang tipong sinasaktan kasi ang tamis ng champorado.

PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 7/ 16


BOY BACK-UP: Ang tamis nun Pick-up!
(Hiyawan na ang taumbayan.)

Pikapista ang tawag sa mga kalahok ng duwelo sa pik-ap layn. Nagtatagisan sa


pamimik-ap ang mga Pikapista para makuha ang atensyon ni Neneng Bakit. Sa unang
bahagi, may dalawang Pikapista ang magbibigay ng kanilang linya. Nasa taumbayan ang
desisyon kung sino ang mahusay. Ang mananalo, kakalabanin ang default champion na si
Boy Pick-up. Sa championship round, laging mananalo si Boy Pick Up kahit walang
koneksyon ang metapora ng kanyang mga linya, kasi may nakaka-gets, sa pangunguna
ni Boy Back-Up. Sisigaw si Back-up sa sandaling naguguluhan ang mga nakikinig sa
koneksyon ng Pick-up Line. Ang hirit niya ang kukumpleto sa banat ni Boy Pick up.
Huhudyat ito ng aliw sa mga nakikinig kaya panalo si Boy Pick-Up.

Patse-patseng Pamimik-ap bilang Postmodernong siste

Bilang produkto ng telebisyon, umiiral ang Boy Pick-up sa kalakaran ng


postmodernong paglikha, pagtangkilik at pagpapalaganap ng kultural na produkto.

Sa tradisyunal na sining mahalaga ang orihinalidad ng paglikha, ang pagiging


katangi-tangi ng obra ang hangarin ng indibidwal na awtor/manlilikha. Sa larangan ng
telebisyon, isang grupo ang produksyon kabilang ang mga manunulat, artista, technical
crew, direktor, produser at iba pa. Kung kaya, ang programang pantelebisyon ay hindi
sumusunod sa nosyon ng tradisyunal na sining tulad ng pagpipinta, eskultura o
potograpiya, kung saan kailangang pinuhin ng manlilikha ang kanyang
damdamin,emosyon at sining para sa kanilang akda. Bukod pa rito, taliwas sa pribado at
eksklusibong karanasan ng pagsaksi sa isang nakaeksibit na painting o eskultura sa isang
museo o art gallery, publiko ang telebisyon kayat nabasag rin nito ang konsepto ng
pribadong pagtangkilik. Panghuli, lumalampas ang telebisyon sa modernong konsepto ng
pagpapahalaga ng pag-aari ng awtentikong sining dahil sa kakayahan nitong magpaulit-
ulit at mapanood hindi lamang sa isang sandali ng pagtingin at pagtitig kundi sa ibat
ibang panahon kung kailan naisin (Tam, 2003). Nadagdag pa sa lakas ng pag-uulit na ito
ang pagsusog ng internet para sa video sharing ng mga palabas sa tv. Kung kaya,
palakasak ang panonood kahit hindi na umeere ang palabas.

Bukod sa midyum na dinadaluyan, postmoderno ang Boy Pick-up dahil na rin sa


pagkakabuo ng naratibo nito.

Halaw sa Fliptop battle ang Boy Pick-up segment ng Bubble Gang. Naging popular
ang paligsahan sa pagra-rap na ito noong taong 2010. Ang Fliptop ay isang aktuwal na
paligsahan ng underground rap na sumikat sa video-sharing website na youtube.
Pagalingan ito ng pagra-rap, pagtula at trash talk na tila modernong Balagtasan (Aquino,
cmablogs.com). Noong unay nag-imbita ang Bubble Gang ng mga aktuwal na rapper
tulad nila Zaito at Silencer para magtagisan sa rap. Sasamahan naman sila nila Snoop
Ogie Doggie (Ogie Alcasid) at B2Y (Michael V). Dalawang round din ang tagisang ito ng
mga walang kabuluhang rap at sa dulo natatapos sa pag-aaway nila Snoop Ogie Doggie
at B2Y. Dahil sa pangangailangang pagaanin ang banatan sa Fliptop para maging higit
na katanggap-tanggap para sa mga manonood ng TV, binago ang format nito tungo sa
labanan sa pick-up line, ang higit na naging tanyag na Boy Pick-up.

Mash up ang konsepto ng Boy Pick-up. Tulad ng usong paghahalo-halo ng mga


nakagawiang pormula ng pagpapatawa at pagtatanghal, pinagsama-sama sa segment na

PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 8/ 16


ito ang mga anyo ng pagtatanghal na matagal nang nasa sensibilidad ng manonood.
Nariyan ang pagduduelo gamit ang wika na nakapaloob sa tradisyon ng Balagtasan,
natimplahan naman ito ng Bagsakan ng mga rapper at Fliptop na naging uso nitong mga
nakaraang taon. Pero sa halip na tagisan ng pangangatwiran gaya ng Balagtasan,
kahusayan sa pagtutugma ng mga rapper o pabilisan ng husay sa angasan sa fliptop;
itinuon ang tagisan sa banat ng pick-up line. Walang bago sa mga elemento ng
pagtatagisan para makuha ang atensyon ng magandang babae, walang bago sa mga pick-
up line na binibitiwan, walang bago sa mala-jejemon at jologs na anyo ng mga Pikapista,
wala ring bago sa pagpalakpak ng taong bayan para ihudyat ang panalo o sa pamsusulsol
ng mga meron tulad ni Boy Back-up.

Halaw naman sa pormat ng Ano raw? Joke ang walang saysay na banat ni Boy
Pick-up. Ito iyong patawa na may tanong na magsisimula sa Ano raw? na susundan
naman ng pagtugon ng kausap ng Ano raw? rin; at magtatapos sa punchline na may
kasama pang Nyeh! ng kausap. Katulad ito ng matagal ng pagpapatawa nina Tito, Vic
at Joey sa kanilang mga pelikula at sa Eat Bulaga na nagbibitaw ng mga banat na walang
katuturan. Pwede ring Acheche! ang sagot ng nakikinig o ng taumbayan o kaya ngiting
aso o mukhang nabuwisit ang ipapakita sa kamera. Pinasikat rin ang ganitong uri ng
pagpapatawa ng Goin Bulilit ng channel 2.

Patse-patse ang konsepto ng Boy Pick-up bilang isang produkto ng kulturang


popular, namik-ap at pinaghalo-halo nito ang mga elemento ng mga tradisyunal na
banatan. Kinatawan nito ang reprodyusabiliti ng kulturang popular bilang bahagi ng
postmodernong kalakaran, kung saan ang midya ay di na lamang dinadaluyan ng sining
kundi humuhubog na rin dito. Ayon nga kay Tolentino (2011),

Bago ang perspektiba, lokasyon, sityo, kanto, lunan at lugar na


nagpapatapos ng lumang karanasan tila bago na rin ito. Wala naman
talagang tunay nabago at orihinal, lahat pa ay tila nagiging orihinal at bago
dahil sa hatid ng midya ang reprodyusabilidad. (152)

Ang mismong paghahalo-halo ng mga lumang elemento ang nagpabago at


nagpaiba sa pagpapatawa ng Boy Pick-up kaya nakuha ang atensyon ng mga manonood.

Ang mga Nakukuha at Di-Nakukuha ng Pamimik-ap

Sa isang banda, maituturing na isang halimbawa ng anti-humor o ang walang


kwentang pagpapatawa ang siste ni Boy Pick-up. Mismong ang kawalan ng kabuluhan ng
banat ang nagiging daan ng katatawanan.

Bukod pa rito, isang metanaratibo ng pick-up line ang segment na Boy Pick-up.
Ginagamit nito ang pick-up line para sa simula ay kiligin at mapangiti ang mga hinihiritan
pero ang pagiging kampeon ng walang kuwentang Pikapista ay pagtuligsa rin sa
sensibilidad na mismo ng pamimik-ap. Hindi naman pala kailangan ng malalim na
pagtutulad at pag-uugnay-ugnay ng mga katangian para sa sinusuyo; pag walang
kabuluhan at hindi maintindihan, nakakatuwa na, basta may su(mu)suporta, isang Boy
Back-up, na mambubuyo sa madla.

Boy Pick-up: Ang Hari ng Pik-apan


Sa pormula ng palabas, si Boy Pick-up ang pinakamahusay na Pikapista. Wala nang
nakatatalo sa kaniya.
PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 9/ 16
Dagdag sa nasabing nakagawiang pagpapatawa ang mismong mga katangian ng
palabas na Boy Pick-up lalo na sa mga tauhan nito, nakasalalay ang datng ng pamimik-ap
sa mismong presensya ni Boy Pick-Upang kaniyang maangas na pagdadala ng sarili,
astig na pagtingin at pagsasalita, at buo niyang persona ala-rapper na astang cool pero
pangmasa. Sa pagpasok ni Boy Pick-up sa tanghalan ng pik-apan, nahahanda sa
manonood na maaaring may kabuluhan ang kanyang sinasabi dahil seryoso siya sa
pakikipagduelo. Hindi pa man siya magsalita, nagpapakita na ng angas ang mukha niya.
Ngunit, taliwas sa banat ng mga challenger ang hirit niya. Walang kaugnayan ang mga
bagay at ang mga katangiang kanyang ibabanat na nagbubunsod sa pagkatulala ng mga
nakikinig. Hindi ito nagbubunsod ng tulad ng agarang kilig at tuksuhan na binubunga ng
nakasanayang banatan. Dito nagbago ni Boy Pick-up ang gamit ng pick-up line para
magpatawa. Sa kawalang kaugnayang ito, nakasalalay ang tagumpay ng kawalan ng
lohika para sa pagpapatawa sa pagmemeron o paghirit mula sa kawalan ni Boy Back-up
matapos ang ilang sandali ng katahimikan.

Ang tagumpay ng karakterisasyon ni Boy Pick-up ay kaugnay ng kakayahan ng mga


Pilipino na pagtawanan ang anumang bagay kahit na ang walang kabuluhan (Cruz, 1990).
Dikit na dikit rin sa sensibilidad ng mga manonood ang pag-imahen kay Boy Pick-up
bilang isang ordinaryong mga tambay sa kanto na nag-aangas o kaya naman ng mga
jologs at jejemon na may reputasyon ng pagiging cool at laging in kahit wala naman
talagang ibubuga dahil salat sa buhay.

Naging isang pelikula ang Boy Pick Up nito lamang Hunyo. Patunay na naniwala
ang mga prodyuser na maaaring magamit pa ang konseptong ito patungo sa iba pang
midyum. Sentral pa rin na karakter si Boy Pick-up at ang kanyang mga banat ang dahilan
ng kanyang mga hamon at pagtatagumpay sa buhay. Di-tulad ng segment sa Bubble
Gang, hindi kumita nang malaki ang pelikulang ito; lalo pa, hindi magaganda ang reviews
na natanggap nito. Pahiwatig na may limitasyon ang bisa ni Boy Pick-up kung ilalagay sa
panibagong anyo, gaya ng pelikula na nangangailangan ng mahusay na naratibo at
malikhaing biswalidad. May limitasyon ang mga linya para magpapansin; hindi laging
bebenta ang banat ni Boy Pick-up.

Bakit limitado ang pagpapatawa sa larangan ng mababaw na kulitan?

Kung tutuusin may potensiyal ang Boy Pick-up na bumanat para makapagmulat
dahil kalimitan ang anti-humor ay may katangiang subersibo tulad ng mga tradisyunal na
pagpapatawa na satirikalang mga ordinaryong mamamayan ay tumutuligsa sa mga
makapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapatawa tulad nila Pilandok at Juan Tamad, at
ginamit ang kapilyuhan bilang subersiyon (Evasco, 1998). Ngunit wala lamang politikal
na patama o pasaring si Boy Pick-up. O kaya ang mga patutsada naman ni Senador
Santiago ay para magtaray at ipakita ang kaniyang pagiging matalino sa halip na gamitin
ang Pick-up line upang magpatawa at mamuna sa mga isyu ng lipunan.

Pamomolitika at ang Reyna ng Pamimik-ap

Karaniwang mga kabataan ang nagbibitaw ng mga pick-up line pero napabalita rin
ang mga personalidad na nakikipik-ap na rin. Tulad na lamang ng nabanggit nang
politiko na si Miriam Defensor-Santiago. Tinumbasan ng mga pick-up line ng
mapagpatawang personalidad ang matapang na senadora.Nang maging ispiker siya sa
mga graduation rites nitong nakaraang mga buwan, naging patok sa mga kabataang
nakikinig ang kanyang mga hirit, at naitampok pa nga sa mga TV news program. Gamit
PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 10/ 16
ang pamimik-ap, nadagdagan ang imaheng publiko ng senadora para higit siyang
mapansin, kagiliwan o kaya naman kainisan o pagtawanan. Paraan din ito upang
mabihisan ang senadora ng karakter na may alam sa nauuso, nakikiuso, at puwede pang
magpauso. Maging sa impeachment trial kung saan isa siya sa pinakaaktibong hurado,
nagamit rin niya ang pamimik-ap para patutsadahan ang kaniyang mga kasamang
senador at abogado:

Para kay Senador Juan Ponce Enrile:


Library ka ba? Ang dami mong alam.

Para sa mga miyembro ng prosekusyon (ng Impeachment Trial ni CJ Corona):


Birthday ba ninyo? Mukha kayong surprised at unprepared.

Para kay Senador Lito Lapid:


Kailangan mo ba ng mapa? Palagi ka kasing nawawala.

Sa pamamayagpag ng mga pik-ap ng senadora, itinuturing tuloy siyang Reyna ng


Pick-up Line (Sy, 2012). Sa unang tingin, masasabing pang-aliw lang sa kaniyang mga
talumpati ang pamimik-ap ni Miriam. Ngunit ang pang-aliw na ginagamitan ng mga banat
ng pangkaraniwang tao ay nagpapahiwatig ng pakiki-ugnay ng isang politiko na ang
imaheng pampubliko ay elite, Inglesera at mataray. Sa kauna-uhanang pagkakataon
nagegets agad siya ng mga nakikinig at dahil din dito nakukuha rin niya ang loob ng
publiko. Sa konteksto ng paggamit ng senadora, hindi na lang simpleng pagpapansin ang
pamimik-ap kundi pagbabago rin ng kanyang publikong imahen.

Bilang siste nasasapul ng pamimik-ap ang pagsasaya at biruan bilang integral na


bahagi ng kulturang Filipino. Mababaw ang kaligayahan ng mga Pinoy, nagiging lakas
niya ang kanyang pagkamasayahin upang manatiling panatag ang loob, mapagtawanan
ang awtoridad at malampasan ang mga hamon sa buhay ngunit nahahadlangan rin nito
ang pangangailangan sa seryosong pagtugon sa mga problema (Cruz, 1990).

Naaaliw ang nakikinig kay Senador Santiago kaya maraming hits sa youtube ang
kaniyang mga video, pero ilan ang nanunuri sa kabuluhan ng kaniyang mga tindig sa mga
isyung panlipunan?

Ang Pik-ap bilang Salita ng Taon ay daluyan ng tunggalian ng ibat ibang


Pikapista sa Lipunan

Limitado ang progresibong pagpapatawa sa pamimik-ap. Tulad ng nabanggit, may


manaka-nakang paggamit ng pick-up line sa pagpapalaganap ng mga konseptong
siyentipiko, matematikal at pagtagos sa wikang rehiyonal.

May potensiyal ang pick-up line na makapagpaisip at makapagpalalim ng diskurso


ngunit nakasalalay ang intelektuwalisasyong ito sa mismong gumagamit at makakarinig
ng mga banat. Kung ang mga banat, lohikal man o hindi ay puro pangungulit na mula sa
tendensiya/produkto ng midyang ang pangunahing motibasyon ay kumita. Sa ganitong

PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 11/ 16


mangilan-ngilang pick-up line nahahamon ang namamayaning pagpapatawa na ang
tunguhin ay pagkakitaan ang lipunan.

Masasabing lunan din ito ng tunggalian sa pagitan ng tradisyon ng pagbalikwas ng


pangkaraniwang wika at ng mapanlamong puwersa ng kulturang popular.

Kung patuloy ang mga popular na sining para sa mga manonood na nakasanayan
iyong uri ng na nagsasabing sinusunod nila ang gusto ng mga manonood, malilimitahan
lang talaga sa emosyonal na mga hirit ang pick-up. Dahil sa mas malawak na pag-ugnay
nagiging patawa lang ang palabas na sumususog sa konsepto ng pagiging masiyahin ng
mga Pilipino na nagiging instrumento ng kawalan ng kakayahang maging kritikal sa
realidad (Cruz, 1990). Pasundot-sundot lang ito para makapang-aliw, dahil ang midyang
dapat na tumatalakay sa aktuwal na pangangailangan ng lipunan ang totoong
makakalikha ng mga banat na hindi lang nakakatawa kundi maaaring magbunga ng
tunay na tuwa.

Subalit sa dulo bilang instrumento ng kulturang popular, kakulitan lang naman


talaga ang puhunan ng pick-up line. Nangungulit si Boy Pick-up at lahat ng pumipik-ap.
Ang kakulitan ng pick-up, lalo na iyong mga walang kwentang pick-up lines, ay paraan
upang matamo ang layuning magpapansin, magpasikat, at mamilosopo. Ngunit hindi
lahat ng nangungulit ay bumebenta; kayat kailangan nitong patindihin ang pamimik-ap
sa pamamagitan ng pagbanggit (o referencing) sa ibat ibang elemento ng kulturang
popular at midya kaya nagagawa nitong maabot ang pinakamaraming audience
(Franklyn, 2006).

E ano kung walang kinalaman ang punchline ng pick-up line? Ang mahalaga,
nakapangulit. Uso ang walang sense kayat pwedeng mamik-ap sa TV, sa pelikula, sa
kanta, sa text, sa social network, sa eleksyon. Gamitin ang anumang midyum. At sa bawat
midyum na ginagamit, halimbaway nagpadala ng pick-up line sa pamamagitan ng isang
text message o nag-tweet ng pick-up line, siguradong may kumita at/o napagkakitaan.

At sapagkat patok, usung-uso ang pamimik-ap, patuloy pa rin itong sasakyan ng


ibat ibang ahensiyang nais kumita (nang malaki). Tuloy lang ang pik-apan hanggat
nagagawa pa nilang ipatangkilik ito sa madla.

Lahat ay puwedeng sumali dito. Lahat ay puwedeng sumali dito. Tulad ng mga
puntong inihain, sa pick-up nagtatagpo ang ibat ibang elemento ng lipunan; nagtatagpo,
nagtutunggali ang mga indibidwal, anuman ang uring panlipunan, pinag-aralan o wika
namimik-ap ang kultura ng namamayani at pinamamayanihan na isang malinaw na
patunay ng pag-iral ng konseptong carnivalesque na dinalumat ng Rusong si Mikhail
Bakhtin (Stallybrass & White, 1993). Magulo, nakakalito, pero nakakaaliw ang
pamumutiktik ng pick-up sa ibat ibang larangan at sitwasyon. Hindi kailangang lubos na
maunawaan ang pick-up; tutal, ang katatawanan naman talaga ay may katangiang
sadyang malabo ngunit nadadala ito ng paglalaro ng wika, maging ng lohika at mga
simbolo. (Franklyn, 2006). Ito ang postmodernong kakulitan.

Samakatwid, sa panahon kung kailan nasa sentro ng mga ugnayan ang midya,
hindi naka(ka)wala ang mga anyo ng pagpapatawa na tulad ng pick-up sa postmodernong
kaayusan. Apektado rin ang pick-up sa mga kalakaran ng posmodernidad kung kayat

PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 12/ 16


hindi dapat tingnan ang pick-up bilang bago, naiiba, at penomenong naghahandog ng
(posibilidad ng) paglaya mula sa mga larangan ng dominasyon.

Oo ngat hindi guwapot macho si Boy Pick-up pero siya ang hari ng pik-apan, oo
ngat hindi singer si Nicole Hyala pero patok ang kaniyang kanta tungkol sa mga pick-up
line, oo ngat matanda na at mataray ang imahen ni Miriam Santiago pero siya ang reyna
ng pick-up, ngunit hindi dapat sila tingnan bilang mga tagumpay ng isinasantabi, sa
larangan man ng pagpapatawa, o sa lipunang Filipino sa pangkalahatan. Sa halip, sila
mismo ay hinuhubog ng mga kalakaran ng mismong midya na nais nilang pasukin upang
ipakitat patunayan na maaari rin silang pumik-ap, mag-aliw, sumikat (Jameson, 1991).

Sa pag-iimahen kay Boy Pick-up bilang jologs at pangkaraniwan, eksakto ang


pamimik-ap na walang kabuluhan. Nakakatawa na mismo ang kanyang kaanyuan, hindi
na niya kailangan pang magpakitang gilas sa paghirit. Siya mismo ang katatawanan
bilang naghahari-hariang jologs na tsikboy. Tawanan ang kahirapan at kawalan ng
kabuluhan. Sa kabilang banda, tawanan rin ang mga patutsada ng mataray na Senadora
bilang elite at makapangyarihan at ginagamit ang pamimik-ap para sa pagrereyna ng
kanyang mga banat. Parehong napapalabnaw ang mga usapin ng uri at politika ng mga
imahen sa pamimik-ap.

Ang mismong salitang pick-up na nasa wikang Ingles ay patotoo sa pamamayani ng


kulturang Amerikano sa lipunang Filipinosa kasong ito, sa aspekto ng pagpapatawa sa
kasalukuyan. Mula sa fliptop hanggang maging pik-apan, makikita ang pagkilapsaw ng
Amerikanisadong brand of humor, na bagaman sumailalim na sa akulturasyon, ay
nakapaloob pa rin sa sistemang priyoridad ang kita.

Kinakatawan ng pik-ap, sa madaling sabi, ang kontemporaneong kultura ng


pagpapatawa na lagit laging nangangahas, na sa unang tingiy nagtatagumpay, na
maghain at magpalaganap ng bago at naiiba ngunit sa proseso ng pagsasakatuparan nito
ay pumapaloob pa rin sa mga patakaran ng kulturang popular at postmodernidad.

Ngayon, higit kailanman, ang kakulitang taglay ng pamimik-ap ay umiiral na sa


lahat ng posibleng midyum kung hindi kailangang sa lahat ng pagkakataoy may
maganap na pag-intindi. Maaaring maaliw na lamang tayo. Makitawa, makisaya.
Makisigaw ng Boom!

Maaaring sakyan lang natin, sapol o mintis man ang pick-up line. Wagi man o sawi
ito. Havey o waley. O suriin rin kung anong uri ng kalakaran at sensibilidad ang nag-
uugnay-ugnay para makuha tayo at ang ating limitadong panahon para pumansin.

Mga Sanggunian:

Aquino, Christopher. The Humor That is Not: Boy Pick-Up of Bubble Gang's Pick-Up
Lines Battle Skit Brand of Anti-Humor. www.cmablogs.com (Sinangguni noong
Setyembre 2, 2012.)

PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 13/ 16


Cervantes, Behn. 1977. Ang Sining at Aliw sa Pananaw at Panlasang Pilipino, inedit
nina Antonio, 11111Samson at Reyes, Ulat ng Ikalawang Pambansang
Kumperensya sa Sikolohiyang Pilipino. Lathalain ng Pambansang Samahan sa
Sikolohiyang Pilipino.

Cruz, Benjamin B. 1990. The Pinoy Sense of Humor both Saves and Shatters Him,
inedit nina Gapuz at Lozada Jr., Who and What is the Pinoy? Business World
Executive Bookshelf Series No.1.

Evasco, Eugene Y. 1997. Ang Pilyo bilang Subersibo: Himagsikan sa Panitikang Bayan at
Pangkabataan. Diliman Review 45 No. 4. 1997; 46 No.1 1998.

Franklyn, Blair Scott. 2006. Towards a Theory of Postmodern Humour: South Park as
carnivalesque postmodern narrative impulse, isang tesis-masterado sa The
University of Waikato.

Jameson, Frederick Jameson. 1991. Postmodernism, or the Cultural Logic of Late


Capitalism, (London: Verso, 1991).

Sy, Marvin. Miriam, Queen of Pickup Lines The Philippine Star April 01, 2012.
www.phistar.com (Sinangguni noong Setyembre 4, 2012)

Stallybrass, Peter at Allon White. 1993. Bourgeois Hysteria and the Carnivalesque,
inedit Simon During, The Cultural Studies Reader, Second Edition. (London:
Routledge).

Storey, John Storey. 1998. Cultural Theory and Popular Culture: A Reader, Second
Edition, (London: Prentice Hall).

Tam, Pui Kam Ada. 2003. Post-modernism and Popular Culture. MA Tesis English Studies,
University of Hongkong. http://dx.doi.org/10.5353/th_b2690244 Sinangguni noong
Setyembre 8, 2012.

Tolentino, Rolando B. 2010. Gitnang Uring Fantasya at Material na Kahirapan sa


Neoliberalismo: Politikal na Kritisismo ng Kulturang Popular. Maynila: Unibersidad
ng Santo Tomas.

http://estoryahee.blogspot.com/2010/10/visayan-pick-up-lines-boy-missako-ang.html

http://www.idiomeanings.com/idioms/pick-up-line-2/ (Sinangguni noong Setyembre 8,


2012.)

http://www.lyricsty.com/nicole-hyala-mahal-kita-kasi-lyrics.html (Sinangguni noong


Setyembre 5, 2012.)

http://www.ovcrd.upd.edu.ph/researchlines/2010/10/22/why-the-filipino-laughs/
(Sinangguni noong Setyembre 6, 2012.)

http://pinoypickuplines.tumblr.com (Sinangguni noong Setyembre 3, 2012.)

PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 14/ 16


Wennielyn F. Fajilan (wenniefajilan@gmail.com, 0922 802 6149)
Rachelle Joy M. Rodriguez (rachellejoy@gmail.com, 0923 531 3114)

PIK-AP/PICK-UP SAWIKAAN 2012, Fajilan at Rodriguez 15/ 16


i
Hango sa www.idiomeanings.com noong 1 Setyembre 2012.

You might also like