You are on page 1of 3

Modyul 2.

Mga Hakbang at Kasanayan sa Pagsulat ng Pananaliksik


Ang pananaliksik ay isang akademikong gawain na nangangailangan ng kritikal, masusi, at lohikal
na pag-iisip. Ang isang bumubuo ng pananaliksik ay may kaalaman sa gawain ng mga eksperto sa
disiplinang pinagkakadalubhasaan at may kakayahang makabuo ng panibagong kaalaman mula sa mga
nauna nang kaalaman. Magagamit niya ang mga impormasyon at opinyon ng iba upang suportahan ang
paksang nais talakayin.

Paano Sumulat ng Pananaliksik?

1. Pumili ng Paksa
Pumili ng paksang kinagigiliwan at nangangailangan ng malalim na pagsusuri. Ang iyong pagtingin
sa napiling paksa ang siyang magbibigay ng direksyon sa paggawa ng pananaliksik.
Gawing espisipiko o tiyak ang paksa. Halimbawa, kung ang paksang napili ay tungkol sa relihiyon,
kung anong relihiyon ang pagtuunan ng pananaliksik. Ito ba ay tungkol sa relihiyong Romano
Katoliko, Buddhismo, Islam, Hinduismo, o iba pa? Tandaan lamang na ang paksang dapat piliin ay
iyong gamay mo na o alam na alam mo na. Iwasan ang mga paksang masyadong teknikal o
nangangailangan ng mahabang panahon ng paghahanda, gayundin ng mga paksang tumatalakay
sa moralidad o nagpapahiwatig ng pagiging “mali” ng isang posisyon na ang batayan ng moralidad
sa isang institusyon. Iwasan ding pumili ng mga paksang limitado ang maaaring paghanguan ng
sanggunian.
2. Kumalap ng mga Impormasyon
Maaaring kumuha ng mga ideya at impormasyon mula sa Internet. Gamitin ang iba’t ibang search
engine sa pagsisiyasat tungkol sa iyong paksa. Bumisita sa iba-ibang website upang makahanap ng
iba pang sanggunian. Siguruhin lamang na mapagkakatiwalaan ang paghahanguan ng
impormasyon. Higit sa paggamit ng Internet, humanap din ng mga sanggunian sa silid-aklatan
gamit ang OPAC o card catalog. Habang kumakalap ng mahahalagang impormasyon, isulat ang
buong impormasyon tungkol sa bibliyograpiya ng ginamit na sanggunian (awtor, pamagat, petsa
at lugar ng publikasyon, ang tagapaglathala, pahina, URL, petsa kung kailan ito na-access, petsa
kung kailan ito binuo o binago). Tandaan na walang halaga ang anumang datos na nakalap kung
hindi mababanggit ang pinaghanguan nito dahil mauuwi lamang ito sa pangongopya o plagiarism.
3. Bumuo ng Tesis na Pahayag
Ang tesis na pahayag, ay kadalasang isang pangungusap na nagsasaad ng argumento ng sulatin at
karaniwang makikita sa panimulang bahagi. Ang katawan naman ng saliksik ay tumatalakay sa
mga ebidensiyang nagpapatibay o sumusuporta sa tesis na pahayag. Nagsisilbi rin itong gabay sa
mambabasa kung ano ang dapat asahan at isang paalala sa manunulat sa magiging direksyon ng
kaniyang isusulat.
Isaalang-alang ang kaibahan ng tesis sa paksa. Ang paksa ay nagmula sa salitang Griyegong
“topos” na nangangahulugang “lugar”. Ibig sabihin ang paksa ay ang “lugar” ng pananaliksik. Mula
sa paksa, maraming espisipikong tesis ang maaaring mahango at malinang. Gamitin ang tesis na
pahayag bilang lunsaran sa pagpapatibay ng argumento. Ang tesis na pahayag ang magiging
sentro ng lahat ng pagtalakay at sumasaklaw lamang sa mga bagay na tatalakayin sa sulatin at
sinusuportahan ng mga ebidensiyang batay sa katotohanan.
Mga Halimbawa:
Paksa: Tesis na Pahayag:
Parusang Kamatayan Maaaring:
Ang pagpapatupad ng parusang kamatayan sa
mga kriminal ay magbubunga ng pagbaba ng
bilang ng krimen sa Pilipinas.
Maaring:
Ang pagpapatupad ng parusang kamatayan sa
mga kriminal ay walang maidudulot na
pagbabago sa bilang ng krimen sa Pilipinas.
Paksa: Tesis na Pahayag:
Genetic Research Maaaring:
Nararapat ipagpatuloy ng siyensya ang
Genetic research dahil may malaking
pakinabang dito ang sangkatauhan.
Maaaring:
Ang genetic engineering ay isang mapanganib
na banta sa sangkatauhan at nilalabag nito ang
batas ng kalikasan at Diyos.

4. Gumawa ng isang Tentatibong Balangkas


Ang layunin sa pagbubuo ng isang balangkas ay makagawa ng isang lohikal at kongkretong
pagkakasunod-sunod ng mga ideyang kailangang isali sa bubuuing sulatin. Mahalaga ang
pagkakaroon ng maayos na balangkas upang makabuo ng isang organisadong sulatin. Tiyaking
maisasama ang mahahalagang datos na makatutulong sa pagpapatibay ng tesis. Mahalagang
malinaw na maipakita sa balangkas ang tatlong pangunahing bahagi ng isang sulatin: ang
introduksiyon, katawan, at kongklusyon.
Narito ang mga pangunahing bahagi ng balangkas ng isang pananaliksik:
A. Panimula
Ipaliwanag dito ang pangunahing kaisipan at ang kahalagahan ng bagong kaalamang
makukuha mula rito ng mambabasa upang mahikayat siyang basahin ang saliksik. Ilahad dito
ang tesis na pahayag at ang layunin ng pananaliksik. Ano ang iyong pangunahing dahilan sa
gagawing pananaliksik? Ilahad din kung ano ang dulog na gagawin sa pag-aaral.
B. Katawan
Sa bahaging ito inilalahad ang mga argumento na susuporta sa iyong tesis na pahayag.
Tandaan ang kalakarang pagbibigay ng hindi bababa sa tatlong suportang argumento sa
bawat posisyong nais patunayan. Magsimula sa malakas na argumento na susuportahan ng
mas malakas na argumento, at kailangang magtapos sa pinakamalakas na argumento.
C. Kongklusyon
Sa bahaging ito nilalagom ang lahat ng tinalakay sa katawan ng saliksik. Muling binabanggit
ang tesis na pahayag nang nakasulat sa ibang paraan upang muling ipaalala sa mambabasa
ang argumento ng pananaliksik. Sa bahaging ito rin isinasaad ang rekomendasyon para sa iba
pang pananaliksik na maaaring ibunsod ng pag-aaral na ito, at ang nilalayong aksiyon na nais
mapukaw ng manunulat mula sa mambabasa.
5. Pagsasaayos ng mga Tala
Organisahin ang lahat ng mga tala at impormasyong nakalap ayon sa pagkakasunod-sunod ng
inihandang balangkas. Suriing mabuti ang mga datos na nasaliksik kung wasto, tiyak, at
napapanahon. Ito ang pinakamahalagang bahagi sa pagsusulat ng pananaliksik sapagkat dito
sinusuri, binubuo, inaayos, at pinagsasama-sama ang lahat ng impormasyong mahalaga para sa
saliksik. Kailangan ding epektibong maihatid ang mga kaisipan, ideya, at pananaw.
Huwag nang isali ang kahit anong impormasyong hindi mahalaga sa pananaliksik. Siguruhing
naitala ang lahat ng mga datos sa sariling pananalita. Kailangan ding banggitin ang pinagkunan ng
lahat ng nakalap na datos mula sa iba’t ibang sanggunian upang maiwasang mapagbintangan ng
pangongopya.
6. Isulat ang Unang Burador
Matapos ayusin ang mga tala batay sa ginawang tentatibong balangkas, magiging madali na ang
pagsunod na magiging daloy ng nilalaman habang isinusulat ang unang burador. Gumamit ng
paghahawig, buod, o sipi sa pagsulat ng bawat ideya at impormasyong gagamitin mula sa mga
tala. Isulat ito sa kard at markahan ang bawat kard ayon sa pagkakasunod-sunod ng kaisipan na
isinulat sa tentatibong balangkas. Kapag pinagsama-sama na ang mga talang ito upang makasulat
ng buong sulatin, siguruhing magtataglay ng kaisahan at kaayusan. Hindi rin kinakailangang
sunod-sunod ang pagkakasulat ng panimula, katawan, at ang kongklusyon. Maaaring unahin ang
pagsulat ng katawan ng pananaliksik dahil ito ang magsasaad ng nilalaman ng sulatin. Planuhin
nang maigi ang pagsulat ng panimula at kongklusyon.
7. Rebisahin ang Balangkas at ang Burador
Matapos maisulat nang buo ang unang burador, basahin itong muli at iwasto ang mga naisulat
kung maayos ang pagkakasunod-sunod ng mga paksa, ang transisyon ng mga ideya, ang talakay
sa bawat konsepto, at kung wasto ang balarila o gamit ng wika. Kung may makita mang dapat
pang baguhin at pagbutihin, ito ang dapat gawin sa rebisyon.
Kung minsan ay napakalaking pagbabago ang dapat gawin na kailangang baguhin ang
pangunahing bahagi ng pananaliksik tulad ng muling pagsasaayos ng balangkas o pagbabago ng
pamamaraang gagamitin sa pananaliksik. Kahit hindi umabot sa ganito ang antas ng gagawing
rebisyon, mahalaga pa rin ang hakbang na ito upang maging mas pulido pa ang sulatin.
8. Pagsulat ng Pinal na Papel
Pagsapit sa huling bahaging ito, dapat ay ganap nang ginamit ng mananaliksik ang mga batayang
kaalaman sa pagsulat ng pananaliksik. Kaya naman nakatutok na lang ang bahaging ito sa mga
simpleng pagwawasto ng nilalaman dahil inaasahang pulido na ito matapos ang rebisyon. Dito rin
inaayos ang porma ng saliksik. Isinaalang-alang dito ang paglalagay ng pahina, pamagat, mga
espasyo at pagitan ng mga linya; pagwawasto ng mga ginamit na sanggunian, at pagtingin kung
kumpleto ang bibliograpiya. Sa hakbang na ito inihahanda na para ipasa ang buong pananaliksik.

You might also like