You are on page 1of 8

Filipino 201

KEVIN C. BARRERA 09/08/12


II – ED1 GNG. TAMAYO

Hating Kapatid
(Pagsusuring Pampelikula)

A. Uri ng Panitikan
Ito ay isang pelikula. Binubuo ito ng magkakaibang eksena na pinagsama-sama para mabuo
ang isang istorya. Ipinapakita nito ang naging buhay ng dalawang magkapatid na babae na sina
Rica at Cecil na iniwan ng kanilang mga magulang para sila ay mabuhay. Maihahalintulad din ang
pelikulang ito sa mga nangyayari sa ating lipunan lalo na sa mga mahihirap nating kababayan;
mga nagbabaka-sakali sa ibang bayan upang matustusan ang pangangailangan ng mga anak.
Karaniwan na itong nagaganap at hindi ito nawawala sa bawat taong dumaraan.
Naglalaman ito ng mga pangyayari na may bahid ng kasiyahan, kalungkutan, galit at pag-
ibig na natahi sa isang napagkagandang pelikula na tiyak na kapupulutan ng aral ng nakararami.
Walang bahaging nakaka-antok sapagkat punung-puno ito ng mga eksenang pipitik sa puso at
magpapasakit sa inyong mga tiyan.
B. Istilo ng Paglalahad
Ang peikula ay nasa anyong pasalaysay sapagkat inilahad ito sa wastong pagkakasunud-
sunod ng kwento. Makikita ang kanilang pagkabata hanggang sa pagdadalaga papunta sa
kanilang pagtanda at pag-aasawa.
Sa pelikulang ito, makikita ang iba’t-ibang uri ng teoryang pampanitikan tulad ng mga
sumusunod:
1. Realismo – Ang mga ipinakitang pangyayari sa pelikula ay posible o karaniwan na talagang
nangyayari sa ating lipunan. Marami sa ating mga kababayan na mga magulang ang
nakikipagsapalaran sa ibang bansa para lamang mabuhay ang kanilang mga anak. Alam naman
natin na sobrang hirap ng kalagayan dito sa ating bansa kaya marami talaga ang umaalis at
nagbabaka-sakali ng kanilang kapalaran sa baybaying-dagat kahit masakit man sa kanilang mga
kalooban na iwan ang kanilang mga anak.
Sa isa pang banda sa bahagi ng mga anak, totoo nga na maituturing na nawawalan ng
gabay ang mga anak habang dumadaloy ang panahon. Minsan, napapariwara ang buhay ng mga
ito at naliliko ang landas na tinatahak. Pero sa pelikulang ito, makikita na nag-iba ang pag-uugali
ni Rica sapagkat natuto siyang mabuhay na nakatayo sa sariling paa habang pinag-aaral ang
kanyang kapatid. Halos siya na nga ang tumayong ama at ina ni Cecil para lamang mapalaki ito ng
maayos.
Sa bahagi naman ni Lola Amor, lola nina Rica at Cecil, kahit delikado ang pagtitinda ng
mga paputok lalo na’t nabiktima nito si Cecil noong siya’y bata pa, patuloy pa rin sa paghahanap-
buhay sapagkat dito rin sila umaasa na maipanggagastos sa araw-araw.
2. Romantisismo – Sa pelikula, umikot ang pag-ibig sa buhay ng magkapatid. Una ay ang kay Rica.
Ipinakita kung paano naging malungkot si Rica matapos niyang makipaghiwalay kay Bong dahil sa
naganap na insidente na pagsabog ng mga paputok na ikinapahamak ni Cecil. Sobrang laki ng
nagging epekto nito sa kanya kaya kahit mayroong mga umaakyat ng ligaw sa kanya ay patuloy
pa ring nakasarado ang kanyang puso. Pero bigla ulit may sumibol na pag-ibig sa kanyang puso
nang magkadaupan sila ni Bong sa tulong ng kanyang kapatid. Unti-unting bumalik ang siglang
matagal na nawala sa kanya. Sa dulo ay makikita ang labis na kasiyahang nadama ni Rica lalo na
nang ikasal siya kay Bong, ang pinakamatagal niyang hinintay na akala niya’y hindi na mangyayari
kahit kailan kasama na rin ang kanyang dalawang anak.
Sa bahagi naman ni Cecil, hindi rin siya sumubo sa isang relasyon sapagkat sinusunod
niya ang kagustuhan ng kanyang Ate Rica. Subalit kapalaran talaga ng tao na may makilala siyang
kabiyak niya. Sa kanyang pagtatrabaho sa isang mall ay kanyang nakilala si Edsel. Noong una ay
naging masama ang kanyang pagkakakilala kay Edsel sapagkat pinagbintangan itong
magnanakaw at miyembro ng isang grupo ng mga ito. Pero nang matapos ito ay unti-unti niyang
nakilala si Edsel at nagustuhan. Hanggang sa nahulog ang kanyang loob at sinagot ito kapalit
lamang ng balut. Sa dulo ng pelikula ay nakita ang pagpapakasal nilang dalawa.
3. Pemenismo – At dahil umiikot ang kwento sa magkapatid na Rica at Cecil na parehong babae ay
sobrang laki ng pagkakataon na pumasok ang teoryang ito. Mahihinuha ang mga pasakit sa
buhay na dinanas ni Rica habang wala ang kanyang mga magulang habang siya ang nagpapalaki
sa kanyang kapatid.
Kay Cecil naman ay ang walang pagod niyang pag-intindi at pagsuyo sa kanyang ate na
kanyang mahal na mahal. Naging tulay si Cecil para muling magkita si Bong at Rica pati na rin
upang gawing pansinin ni Rica ang kanilang mga magulang na labis ang naitanim na sama ng
loob sa mga ito.
C. Mga Tayutay
1. Pagmamalabis (Hyperbole) – Nagpapakita ng mga bagay na imposibleng mangyari.
a. “Nagkasakit lang ang iyong kapatid… na-tensyon na ang buong ospital.”
- Hindi naman ganoong kasikat ang kanyang kapatid pero parang magkakagulo na
ang lahat ng tao na nasa loob ng ospital na imposible naman talagang mangyari.
Kung mayroon mang mate-tensyon ay ayun ay ang mga kamag-anak o kakilala ng
pasyente.
2. Pagpapalit-tawag (Metonymy) – Pagpapalit ng isang katawagan upang mas maging masining ang
paglalahad ng mga pangyayari.
a. “Kaya kami nagpapakakuba dito sa Cuba ay para rin sa inyo.”
- Ipinalit ang salitang nagpapakuba sa nagtatrabaho ng mabuti para mas pasidhiin
pa ang nararamdamang pagod at sama ng loob.
3. Alusyon – Pagkausap sa isang karakter mula sa Bibliya o mitolohiya.
a. “Diyos ko! Huwag Niyo po sanang pabayaan ang kapatid ko.”
- Pagtawag sa Panigoon para humingi ng tulong na animo’y kaharap lamang.
4. Pagtutulad (Simile) – Paghahambing ng isang tao, bagay o lugar na ginagamitan ng mga salitang
parang, tulad, atbp.
a. “Para kayong si B1 at B2…”
- Ikinumpara si Rica at Cecil sa mga karakter sa kartun na sina B1 at B2 sa
pamamagitan ng salitang “parang.”
D. Sariling Reaksyon
1. Mga Pansin at Puna
a. Mga Tauhan
Naging makatotohanan naman ang ginampanan na papel ng mga tauhan sa
peikula. Naipakita naman ng magkapatid ang kinasasapitan ng mga pamilya sa tuwing
nagkakahiwalay ang mga ito. Makikita rin ang mga pagbabago sa pag-uugali na epekto
nito sa mga anak.
Kahanga-hanga rin ang pagiging matatag ni Rica sa kabila ng pag-alis ng kanyang
mga magulang para magtrabaho sa ibang bansa. Pinilit niyang mapatapos ang kanyang
kapatid ng kolehiyo kahit siya na ang tumayong ama at ina nito. Kahit ang naging kapalit
nito ay ang kanyang buhay pag-ibig ay nasuklian naman ang kanyang mga paghihirap at
natupad ang mga pangarap, hindi lamang kanya pati na rin sa kanyang kapatid na si
Cecil.
Gusto ko ring pansinin ang bahagi ng Beauty, ang katulong ng pamilya. Si Beauty
ang nagsilbing tagapagpagaan ng buong pelikula sa tuwing mayroong mga drama na
nagaganap. Sa kabila ng mga kalungkutang nangyari ay napapalitan naman ito ng labis
na kasiyahan sa tuwing papasok si Beauty sa kwento. Hindi matatawaran ang galing niya
para pasayahin din ang mga manonood.
b. Istilo ng Sumulat ng Pelikula
Kung susuriing mabuti ay kakaunti lamang ang nagamit na tayutay at idyoma ng
mga tauhan sa pelikula sapagkat gumamit ng modernong pananalita ang mga ito.
Mayroon din itong bahid ng Ingles kaya masasabi ring uunti lamang ang mga
pampanitikang salita at kadalasang ginamit ay balbal, kolokyal at lalawiganin. Tulad nga
nasabi ay may halo itong Ingles kaya medyo mahihirapang intindihin ito ng mga taong
hindi naman ganoon kahusay ang kakayahan pagdagting sa wikang Ingles.
c. Galaw ng Pangyayari
Naging maayos naman ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari mula sa
kanilang pagkabata hanggang sila ay tuluyang lumaki at nagpakasal. Halu-halo ang mga
pangyayaring nakapaloob dito. Mayroong mga nakakatawa, may nakalulungkot,
nakakakilig at nakaka-iyak. Kaya masasabing hindi nakakabagot ang pelikula.
Subalit sa may bahaging dulo ay hindi ipinakita ang naganap na kasal nina Rica at
Edsel. Kung ikukumpara ang romansa na umikot sa pelikula, masasabi kong mas
inabangan ang kay Rica sapagkat ito ang kanyang nabigong pag-ibig na muling nabigyan
ng buhay. Sa kanila rin nakita ang pag-aaya ng kasal. Kaya naman nakapanghihinayang
talaga na hindi sila makitang ikasal at idinaan na lang ito sa maigsing pagsasalaysay.
2. Bisang Pampelikula
a. Bisa sa Isip
Malaki ang naiambag ng pelikulqng sa aking mga paniniwala sa buhay. Gaano
man katagal na hindi nakita ang iyong mga magulang ay hindi mo pa rin dapat silang
iwasan at kamuhian sapagkat may dahilan kung bakit kailangan nilang lumayo.
Natutunan ko rin na may kanya-kanya talaga tayong buhay. Kahit matagal nating
naging kasama ang ating pinakamamahal sa buhay ay hindi naman sila dapat palagi ang
makakasama natin. Darating at darating ang panahon na kailangan naman din natin na
hanapin ang ating makakasama sa buhay.
b. Bisa sa Damdamin
Labis-labis ang naidulot ng peikulang ito sa aking damdamin. Damang-dama ko
ang sakit na iwanan ka ng mga magulang mo para mabuhay kayo at ikaw ang mag-alaga
sa kapatid mo ng dalawang dekada. Kahit naman sino ay naghahanap ng kalinga ng
kanilang mga magulang upang magabayan sila sa tamang landas. Kaya napakahirap
talaga na walang magulang sa tabi mo para bigyan ka ng payo.
Napakahirap din na layuan ang taong pinakamamahal mo. Alam ko sa sarili ko na
hindi pa talaga ako nahuhulog sa labis na pag-ibig tulad ng nangyari kina Rica at Cecil.
Kumukurot sa aking puso na Makita si Rica na iwanan si Bong para sa kapakanan ng
kanyang kapatid at si Cecil naman dahil sa isang maling paratang.
Pero nakaluluwag naman ng damdamin nang dumating na sa oras na sila ay
muling nagkaayos lalo na ang lamat na nabuo sa magkapatid. Nakakapagpangiti sa
sinumang manonod nito. Sino bang hindi kikiligin na humantong silang lahat sa kasalan?
Nakakaantig din ng damdamin ang pagkakaayos ng buong pamilya na matagal
ding nagkahiwa-hiwalay.
c. Bisa sa Kaasalan
Tinuruan ako ng pelikulang ito na magpatawad kahit gaano pa kabigat ang
kasalanan na nagawa sa iyo. Kailangan ko munang pakinggan ang paliwanag at alamin
ang katotohanan bago ako tuluyang magpasya. Hindi naman natin dapat tikisin ang mga
taong pinakamamahal natin sapagkat sila-sila naman din ang kakailanganin natin sa oras
ng pangangailangan.
Isa pa, huwag magtatanim ng sama ng loob kahit kanino na maaaring
humantong sa galit at poot. Hindi naman natin kailangang panatilihin ang sama ng loob
sa ating puso. Dapat ay palagi tayong masaya para gumaan ang ating damdamin.
I. Mga Pangunahing Tauhan
1. Rica – panganay na kapatid at nag-alaga at nagtaguyod kay Cecil hanggang sa makapagtapos
ito ng pag-aaral ng kolehiyo. Nabigo kay Bong subalit nagkabalikan naman sila muli.
2. Cecil – bunsong kapatid na inaalagaan ni Rica. Pinilit niyang makapagtapos ng kolehiyo
alang-alang sa kanyang Ate Rica. Siya ang naging tulay upang magkabalikan sina Rica at
Bong at para magkabati ang kanilang Ate at mga magulang.
3. Lola Amor – ang kanilang lola na kumupkop sa kanila ng lumisan ang kanilang mga magulang
papuntang ibang bansa. Masayahin at may-ari ng tindahan ng paputok kahit ito ay
nakapahamak na kay Cecil noong siya ay bata pa.
4. Bong – ang kasintahan ni Rica simula pa man subalit pilit na hiniwalayan para sa kapakanan
ni Cecil. Nahanap ni Cecil at kinausap upang balikan ang kanyang Ate Rica. Muling sinuyo
si Rica at niyaya itong magpakasal.
5. Edsel – ang kasintahan naman ni Cecil na nakilala niya sa kanyang pinagtatrabahuhang mall.
Nahulog kay Cecil at patuloy na sinuyo sa kabila ng pagtanggi ni Rica. Nagawang
pasagutin si Cecil kapalit lamang ng dalawang balut.
6. Joseph – ang bunsong kapatid nina Rica at Cecil na isinilang sa ibang bansa. Naging mainit
ang dugo rito ni Rica sapagkat nadala siya ng kanyang galit sa kanyang mga magulang.
7. Noel at Beauty – mga katiwala ng pamilya.
II. Buod
Nagsimula ang kwento sa madamdaming pamamaalam ng mga magulang nina Rica at Cecil
sapagkat sa ibang bansa magtatrabaho ang mga ito. Dalaga na noon si Rica at bata pa lang si Cecil.
Walong taon ang nakalipas ay nagbukas ang telon sa magkapatid na pareho ng malaki. Isang
ganap na dalaga na si Rica at dalagita na si Cecil. Nasa pangangalaga sila ng kanilang lola na si Amor. May-
ari sila ng tindahan ng paputok sa Bulacan at doon masayang namumuhay. Abala sa pagtitinda si Rica
nang dumating si Bong at siya’y niyayang lumabas. Dahil sila naman ni Bong at sa pagpupumilit ni Cecil
ay lumabas ang mga ito.
Subalit may nangyaring hindi inaasahan. Sa tapat ng kanilang tindahan ay may nanigarilyo kaya
ang pinag-upusan nito ay naibato sa kanila kaya sumabog ang kanilang tindahan. Napahamak si Cecil na
kaagad naming nagpasugod kay Rica sa nangyari. Sa may ospital ay nagamot naman si Cecil pero dahil
dito ay nagalit ang lola niya sa kanya at siya ay pinilit na makipaghiwalay kay Bong. Dahil ipinalangin ni
Rica ang kaligtasan ng kanyang kapatid kapalit ng pakikipaghiwalay niya kay Bong.
Walong taon muli ang nakalipas ay pareho ng malalaki ang magkakapatid. Nakatapos na sa
kolehiyo si Cecil dahil sa pagsisikap ni Rica na itaguyod ang kanilang tindahan ng paputok. Si Rica ay hindi
tumanggap ng mga manliligaw kahit tinutulungan siya ng kanyang kapatid. Pero ginagawa niya lamang
ito sapagkat mas mahal niya pa rin si Bong.
Isang araw ay tumawag ang kanilang mga magulang at sinabing sila ay uuwi na ng Pilipinas
matapos ang dalawang dekadang pananatili sa ibang bansa. Ang nakagugulat pa rito ay may bunso pa
silang kapatid. Sinabi ng kanilang magulang na lumipat na sila sa bahay na ipinundar ng mga ito. Sa
pagpupumilit ni Cecil ay pumayag naman si Rica kaya lumipat silang buong pamilya sa kanilang bagong
bahay sa Pasig.
Kaagad namang nakahanap ng trabaho si Cecil dito at may naaninag ang kanyang mga mata na
nagpatibok ng kanyang puso. Dumating ang kanilang mga magulang subalit nanatiling matigas ang loob
ni Rica sa mga ito. Lagi niyang isinasaksak sa kanyang isipan na iniwan sila ng mga ito at babalik na
lamang kung kailan malaki na sila.
Nahulog ang loob ni Cecil kay Edsel, ang lalaking nakita niya sa kanyang pinagtatrabahuhan.
Nagpatuloy sila kahit lingid ito kay Rica. Patuloy na naging bugnutin si Rica kaya naman nag-alala si Cecil
kaya naman gumawa sila ng paraan para bumalik ito sa dati. Hinanap nila si Bong na ng mga panahong
iyon ay naghahanda para sa kanyang pagsabak sa ibang bansa. Kinausap ito ni Cecil at sinabing
nananatiling mahal pa rin siya ng kanyang Ate hanggang sa kasalukuyan.
Muling nagkita sina Bong at Rica at unti-unting bumalik ang dating siya. Masayahin at hindi na
masyadong nagsesermon kahit sa maliliit na bagay. Pero dumating ang araw na natuklasan ni Rica ang
katotohanan na may itinatangi ang kanyang kapatid. Nagalit siya rito kaya nagkaroon sila ng away. Umalis
si Rica at humiwalay sa kanyang pamilya. Sinuyo ni Cecil ang kanyang Ate sa pamamagitan ng palaging
pagbisita rito. Gumaan naman ang loob ni Rica rito at nagkabati na sila muli.
Bumalik si Rica sa kanilang pamilya at nakipag-ayos siya sa kanyang ama at ina. Hindi niya rin
inaasahan na yayayain siya ni Bong na magpakasal. Kaagad siyang um-oo. Kasabay naman din noon ay
sinagot na ni Cecil si Edsel bilang kanyang kabiyak. Naikasal na sila Rica at Bong at mayroon na silang
dalawang anak. Sumunod naman sina Cecil at Edsel at naging Masaya na ang buhay ng magkapatid
pagkatapos.
Filipino 201

Hating Kapatid
PAGSUSURING PAMPELIKULA

Ipinasa ni Kevin C. Barrera II – ED1


Ipinasa kay Gng. Ma. Luisa N. Tamayo

Sumulat: Mel Mendoza – del Rosario


Direktor: Wenn V. Deramas
Mga Gumanap
Judy Ann Santos Sarah Geronimo
JC de Vera Luis Manzano
Cherry Pie Picache Tonton Gutierrez
Gina Pareño Vice Ganda
DJ Durano

You might also like