You are on page 1of 12

Paniwalaan Mo Ito

(Buhay at Paniniwala sa Quiapo)

Ni Samantha Karen D. Morano

(World Ethnography)

Page 1 of 12
Panimula

Ang lugar ng Quiapo ay kilala bilang isa sa busy na lugar sa lungsod ng Maynila dahil na rin sa

maraming tao at maaaring masabi na magulong lugar – maraming kalat, may ilang mga nakapaskil sa

may simbahan, at iba’t ibang uri ng mga tinitinda tulad ng pagkain, mga gamit tulad ng tsinelas, mga

bulaklak, mga santo o may kinalaman sa mga kagamitan na sumisimbolo sa Katoliko, at herbal medicine.

Ang naging pokus ng Etnograpiyang ito ay ang mga tindera na nagtitinda ng herbal medicine.

Sa pag-iikot mula sa bahaging Isetann hanggang sa simbahan ng Katoliko, aakalain na mga

simpleng tindera at tindero lamang ang mga nandoon na tulad ng mga tindero/a sa Divisoria na ang

pinagkaiba lang ay nagtitinda sila malapit hanggang tapat ng simbahan ng Katoliko.

“Tanong ka lang.”Ito ang katagang madalas kong marinig mula nang magsimula akong

magpabalik-balik sa Quiapo. Minsan pa nga’y tinatawag ako ng ilang mga tindera at sinasabing

magtanong lang ako dahil karaniwan sa mga namimili doon ay nahihiyang lumapit sa kanila lalo na kung

ang bibilhin ay may kinalaman sa herbal medicine tulad ng kilala na “Pamparegla.”

Malaki ang Quiapo ngunit ang mga tindera na nagtitinda ng mga herbal medicine ay halos

nakapalibot lamang sa simbahan ng Katoliko. Ang istruktura sa ibaba ay ang ayos kung saang bahagi ng

simbahan makikita ang mga nagtitinda nito:

Page 2 of 12
Ang mga arrow ang magsisilbilbing batayan kung saan matatagpuan ang mga tinderang ito.

Pagsisimula ng Pagtuklas

Nakarating na ako ng Mediola at Isetann. Sa katunayan, isa sa mga unibersidad doon ang aking

pinagsanayan noong nasa kolehiyo pa ako pero kahit isang beses ay hindi ako nagawi sa may simbahan

ng Quiapo. Hindi ko rin alam ang mga tinitinda roon, basta ang alam ko lang, maraming tao roon at

delikado. Sa unang pagkakataon, ako’y nagpunta roon upang alamin at tingnan ang lugar kung saan ako

magsasagawa ng fieldworks. Gabi nang makarating ako, wala ng tao, walang nagtitinda, sarado ang

simbahan na para bang isang mapayapang gabi para sa buong Quiapo ang araw na iyon. Mag-aalas-

onse pa lang naman ng gabi, maaga pa kung titingnan para sa ganoong lugar lalo na’t araw ng Sabado,

ngunit kahit ang mga sasakyan na dumadaan ay madalang na rin. Kaya nabuo sa aking isipan na parang

tindahan o mall din sila na may oras ng pagbubukas at pagsasara. Makikita rin sa kapaligiran ang pwesto

nila sapagkat ang kanilang mga tinitinda, hindi man lahat ay iniiwan nila, tinakpan lamang ng mga plastik

at ang iba’y trapal. Ibang-iba naman ang kalagayan nito kapag may araw o Biyernes at Linggo sapagkat

maraming tao dahil na rin sa simbahan ng Katoliko na matatagpuan doon. May ilang mga taong

Page 3 of 12
pagkatapos magsimba ay dumidiretso sa ilang mga tindera/o, karamihan ay sa mga kandila. Minsan pa

nga’y nagdarasal lang sa may labas ng simbahan tapos diretso na sa bangketa para bumili ng kandila

dahil ang bawat kulay ng kandila na kanilang tinitinda ay may katumbas na kahulugan tulad ng white –

purity, green – financial, black – conscience, at marami pang iba na makikitang nakapaskil sa tabi ng mga

kandila. Isa ito sa nakita kong dahilan kung bakit mas pinili ng mga tindera/o na magtinda sa labas ng

simbahan.

Araw-araw ganito halos paulit-ulit ang pamumuhay sa Quiapo. Ang ibang mga tindera/o ay handa

na magtinda ng alas siyete ng umaga, samantalang ang iba naman ay kung anong oras makarating tulad

ni Aling Nora na nagmumula pa sa Caloocan kaya’t kung minsan ay alas-otso na siya nakapagsisimula

magtinda. Para sa kaniya ay ayos lang naman basta ang mahalaga ay makabenta siya sa buong araw at

may maiuwi sa kaniyang pamilya. Kung isa ka rin namang mamimili ay hindi mo iisipin na sayang ang

pagpunta mo doon kung maaga ka nakapunta sapagkat ang mga tindera/o doon ay tabi-tabi lamang at

pare-pareho ang tinitinda, ikaw na lang ang bahalang pumili kung saan ka bibili. Sa tingin ko rin ay hindi

na alintana ng simbahan ang bawat bagay na tinitinda sa paligid nito, mabuti man o hindi ito sa paningin

ng nakararami. Batay sa aking obserbasyon, mas pinipili ng pari na lumabas ng simbahan sa kabilang

bahagi (kalsada) para magbigay ng bendisyon kung saan ang tao ay payapang dumadaan lamang kaysa

sa kabilang bahagi (mga tindera/o) kung saan ang bahaging ito ay maaaring sumimbolo ng pagiging

makasalanan batay sa turo ng Bibliya. Sa bahagi rin kasi ng kalsada makikita ang pagiging malawak ng

daan kaya nakagagalaw nang maayos ang pari, maaari siyang makapaglakad dito o doon na hindi

nakagagambala sa mga tao.

Ang pangkat nila ay matatawag na isang komunidad dahil na rin sa mayroon silang karaniwang

ginagawa at paniniwala kaya patuloy silang nanatili doon kahit araw-araw silang nakikipagsapalaran sa

buhay na kanilang pinili, matugunan lamang ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Page 4 of 12
Pananalig o Pananampalataya?

Ang pananampalataya ay isang matibay na paniniwala sa Diyos o sa mga doktrinang

pinaniniwalaan ng isang relihiyon batay sa espiritwal na pang-unawa sa halip na katibayan samantalang

ang pananalig ay kinakailangan ng paniniwala kahit kanino (UP Diksiyonaryong Filipino). Ang ganitong

usapin ay nakita ko sa mga taong dumadayo at bumubuo sa komunidad malapit sa simbahan ng

Katoliko.

Sa loob ng simbahan ng Katoliko sa Quiapo maaaring makita ang pinakamaraming bilang ng tao sa

lugar na iyon dahil na rin sa nagsisimba sila, minsan napadaan lamang sa simbahan upang magdasal,

mayroon namang iba na nagkataon lamang na sa tapat noon huminto kaya naghandog muna ng dasal

ngunit sa labas lamang, pumipila ng mahaba upang makapasok sa loob ng simbahan, at ang iba naman

ay ginagawang daanan (shortcut) lang ang simbahan upang tumawid sa kabilang lugar ng Quiapo. Ngunit

kahit ganoon, maaaring makita na may pananampalataya ang bawat tao na naroon dahil sa kabila ng

mga nakapalibot sa simbahan ng Katoliko at sa mga kaguluhan na nangyayari sa Quiapo, ito pa rin ang

nagiging takbuhan ng tao, nananampalataya pa rin sila sa Diyos batay na rin sa ilang tao na aking

nakapanayam at naobserbahan.

Sa labas naman ng simbahan kung saan makikita ang iba’t ibang tindero/a at ang kanilang tinitinda

papasok ang konsepto ng pananalig lalo na sa mga nagtitinda ng herbal medicine. Sa palagay ko, unti na

lamang ang gumagamit o nagtitiwala dahil na rin sa mga teknolohiya kasabay ng patuloy na pagbabago

ng panahon, na ginagamit upang pagalingin ang mga karamdaman na ang tingin ng mga doktor ay

medisina lamang ang nakagagawa. Ngunit sa kabilang banda, may mga taong naniniwala na hindi lahat

ng karamdaman ay natural na nakukuha o kagagawan ng kapwa upang marahil ay paghigantihan o

pagsuway sa mga kaugalian ng isang angkan kaya’t madalas ay sa mga nilalang na sinasabing may

angking kakayahang manggamot na hindi gumagamit ng kahit anong bagay na may kinalaman sa

Page 5 of 12
siyensya sa halip mga herbal na gamot, dasal, o engkantasyon ang sinasambit upang labanan ang mga

espiritu na may likha ng ganitong uri ng sakit (Cultural Anthropology II edition). Ayon kay Aling Judy,

kadalasan ang mga manggagamot na ito ang nagmumungkahi sa kanilang mga pasyente kung tawagin,

ang lugar ng Quiapo upang bumili ng mga herbal na gamot na kanilang kakailanganin para tuluyang

gumaling. Ang mga taong ito’y patuloy na naniniwala sa mga “manggagamot” at sa herbal na gamot

kaya binabalik-balikan nila ang Quiapo. Isa ito sa dahilan kaya nakilala ang Quiapo sa mga ganitong

konsepto.

Ang huli, ang mga tindera na nagtitinda ng herbal medicine ay patuloy na namamalagi sa Quiapo at

tumatagal doon nang mahigit sa ilang dekada, ang iba pa nga’y minana pa sa kanilang ninuno kaya’t

makikita na mayroon silang pananalig na kahit anong mangyari, mabubuhay sila kahit na kung titingnan

ay simple lamang ang kanilang paninda pero hindi pangkaraniwan (not common), alam nilang may bibili

sa kanila. Para sa mga tinderang naroroon, sila’y nagtitiwala hindi lamang sa kanilang paninda kung ‘di sa

mga bumibili sa kanila dahil ang hangad lamang naman nila ay makatulong sa kapwa. Ang ganitong

kultura ay salungat sa kultura ng mga Pirahas (pangkat sa Etnograpiya ni Daniel Everett) kung saan wala

sa kanilang nakaugalian ang tumulong sa kapwa dala na rin ng pagkakaiba sa kultura na mayroon sila.

Hindi rin sila gumagawa ng paraan (effort) para masolusyunan ang isang problema lalo na kung may

kinalaman ito sa sakit. Sabi nga ni Aling Judy na, “Hindi ka naman namin pipilitin maniwala at bumili.

Kung gusto mong gumaling at hindi na kaya ng medisina, nasa sa iyo kung susubukan mo ang aming

tinda. Sa’yo naman ang may mawawala.” Kahit sino ata ang makarinig ng ganito ay magdadalawang-isip

na subukang gumamit ng herbal medicine ngunit maaaring mahikayat dahil pansariling kawalan kapag

hindi sinubukan. Kung dumating naman sa punto na ikaw ay bibili, bukod sa pagbibigay ng direksyon sa

tamang paggamit ng gamot ay sinasabihan na “Magtiwala ka para tumalab ang iyong binili” dahil kapag

hindi ito tumalab, ang tanging may dahilan o dapat sisihin ay iyong gumamit nito (Posadas 2012-2013).

Katulad ng misyonero na si Daniel Everett sa kaniyang akda na Don’t Sleep There Are Snakes kung saan

Page 6 of 12
naranasan niya ang matinding pagsubok, ang kaniyang pananampalataya ay nasubok kung hanggang

saan siya mananalig sa kabila ng sitwasyon na kaniyang pinagdaraanan, mga Pirahas na nakapaligid sa

kaniya, at ilang mga tao na hindi handang tumulong para sa iba. Makikita sa akdang ito ang pagkakaroon

ng matibay na pananalig at pananampalatayang malagpasan at mapagtagumpayan lamang ang

pagsubok na pinagdadaanan.

Istruktura, kahulugan, at kaisipan

Bawat nakalagay ay may kaakibat na gamit.

Isa sa makikita sa lalagyanan ng mga nagtitinda ng herbal medicine ay ang kilalang “Pamparegla”

na pinakakilala sa lahat at may tatlong uri - liquid na nakalagay sa bote na may halagang P150-200.00 at

madalas na nakadisplay, powder na nakalagay sa pakete at kulay berde na may halagang P100.00, at ang

capsule na patagong binebenta sapagkat ito’y pinagbabawal doon na may halagang P250.00 bawat isa.

Bukod sa “Pamparegla,” makikita rin sa kanilang lalagyanan ang ilan pang herbal medicine tulad ng

“Makabuhay” na gamot sa Diabetes ngunit sinasabi rin ng iba na maaari itong maging pamparegla, ang

“Pito-pito” ay pitong uri ng dahong gamot sa diarrhea at nagpapantal na mabibili sa halagang P20.00

lamang, ang “Kamangya” o “Insenso Kamangya” naman ay ginagamit sa pagpapaalis ng espiritu o

maaaring maging proteksyon upang hindi lapitan ng mga ito, ang “tawa-tawa” ay isang halamang gamot

na ginagamit sa may dengue (Randolf), mayroon din namang gamot sa rayuma, binti, pangontra sa

gayuma, pure coconut oil (Randolf), at marami pang iba na makikita roon. Ang mga nabanggit ay

ginagamit din sa ibang sakit na panlunas.

Page 7 of 12
Ang iba’t ibang herbal medicine na makikita sa kanilang lalagyanan.

Dahil ang “pamparegla” ang kilala, ito ang aking pinakanasiyasat sa lahat dala na rin ng kuryusidad.

Ang pamparegla ay nilikha hindi lamang sa mga nais magpalaglag, ginagamit din ito kapag ang isang

babae ay irregular ang menstruation period, delay dahil may mga kinain na bawal kapag mayroon ang

isang babae, o hindi pa nagkakaroon kahit nasa hustong edad upang datnan. Ang “Pamparegla with

herbal medicine 1-2 months” ay ang natatanging produkto sa kanilang tinitinda na may malaking

pangalan kaya’t malayo pa lang mapapansin na. May ibang mga tindera na ang paskil ng pangalan nito

ay inilalagay sa ibang bahagi ng produkto na kaniyang tinitinda upang hindi mahalata. Sa unang tingin,

aakalaing honey sapagkat gaya ng pangkaraniwan na nabibiling honey, nakalagay rin ito sa bote ng

Tanduay ngunit ito ay mapait at hindi malapot, ayon sa mga tindera.

Ang ayos ng bawat isang produkto ay naaayon sa laki at uri (solid, liquid, dry) nito. Bukod sa herbal

medicine, makikita rin ang tawas, mothball, at pure 100% honey na kabilang sa mga nakahilera sa herbal

medicine. Tinanong ko si Aling Nora kung gumagamit din ba siya ng mga produkto na kaniyang tinitinda,

agad niyang kinuha ang tawas at sabay sagot ng “Oo, gumagamit ako nito.”

Page 8 of 12
Karanasan bilang pagtuklas

Kung hindi mo mararanasan at mararamdaman hindi ka naman maghahanap ng lunas. Ito ang

patuloy na nagtutulak sa mga tindera sa Quiapo, at sa mga patuloy na naniniwala at bumibili sa kanila.

Sa hirap ng buhay ngayon kahit ano papasukin para mabuhay at may ipangtustos lamang sa pamilya.

Hindi iniisip ang possibleng kahinatnan ng kanilang ginagawa lalo na kung isang komunidad silang

nagkakaisa (Society and Personality). Ilan ito sa mga pananaw ng aking mga nakapanayam na tindera na

nagtitinda ng herbal medicine, hindi naman alintana na mas mabili ang mga tinitinda ng kanilang mga

kasamahan ngunit patuloy pa rin nila itong pinanghahawakan dahil na rin sa iba’t ibang dahilan tulad na

lamang ng kanilang pananalig na may bibili sa kanilang mga paninda.

Si Aling Judy ay matagal ng tindera sa Quiapo, ang pagtitinda ng herbal medicine ang ikinabubuhay

ng kaniyang mag-anak. May kumuha lamang sa kaniya upang pumalagi sa Maynila at sa Quiapo

magtinda. Ayon sa kaniya, hindi madali magtinda nito lalo na sa panahon ngayon na matumal ang

bentahan kaya madalas ay wala siyang kita pero patuloy pa rin siya sa ganitong gawain. Minsan ay

nangungutang na lang sila para malampasan ang mga pangangailangan sa isang buong araw. Ang

pangungutang ay karaniwan sa mga tindera na namamalagi doon. Pero bago ko siya nakapanayam ay si

Aling Linda muna ang aking nakausap, hindi pa sana si Aling Linda papayag na makapanayam kaya ang

naging sagot niya ay, “Sige, may anak rin naman ako.” Sa pakikipag-usap sa kaniya, kapansin-pansin ang

hindi niya pagiging komportable, bukod sa limitado ang kaniyang sagot, hindi siya makatingin sa akin,

ang galaw niya rin kaya sa huli noong dumating ang kaniyang kasamahan, ipinasa niya ako kay Aling

Judy. Tulad ng naunang tindera, hindi rin tumitingin si Aling Judy sa akin habang kinakausap niya ako.

Marahil ay naghahanap siya ng mamimili kaya minsan tinutulungan ko na lang siya magtawag sa mga tao

upang lumapit. Sa kabila nito, unti-unti siyang naging komportable kaya may mga pagkakataon na

nagbabahagi siya, mapalawak lamang ang sagot na aking kailangan tulad ng pagbibigay ng personal na

Page 9 of 12
karanasan kung saan mismong siya at ang kaniyang mag-anak ang gumagamit ng herbal medicine. Tulad

ng pagbibigay ng halimbawa, ang kaniyang ama na may cancer, bukod sa umiinom ng gamot ay

sinasabayan din nito ng ilang herbal medicine. Ayon sa kaniya, “Sino pa ba ang magpapatunay nito kundi

ako lang naman dahil naranasan at nasubukan na namin. Nanay ko ang nagturo at nagpakilala sa amin

nito at nakita ko talaga ang pagiging epektibo nito. ” Ang kaisipan na ganito ay makikita hindi lamang kay

Aling Judy kung ‘di sa mga tao na lubos na may pagtitiwala sa kanilang paninda kaya’t alam nila na hindi

sila bibiguin nito. Ito ang patuloy na magbibigay kasiguraduhan sa kanilang pinansyal na

pangangailangan kahit maging matumal man ang bentahan ng mga ito. Sa ganitong pangyayari kaya ako

nagpasya na maghanap ng isang matandang tindera nang saganoon makakuha ako ng sapat na

impormasyon na aking kakailanganin. Ngunit nabigo ako dahil ang mga matatandang tindera bukod sa

marami silang alam, iwas silang makipag-usap kung ang layunin mo ay kapanayamin sila tungkol sa

kanilang buhay at tinitinda. Sanay na sila sa mga ganitong tao at alam nilang sa impormasyon na ibibigay

nila ay maaaring magdulot ng kapahamakan o pagkawala ng lahat ng ito sa kanila kaya naman pinili ko

na lang na maghanap ng ibang tindera, iyong medyo bata at handang makipag-usap.

Sa aking pag-iikot pilit kong iniiwasan kausapin ang mga tindera na halos magkakatabi dahil nakita

kong isa rin ito sa dahilan kaya ayaw nilang makipanayam. Dahil nabigo ako sa pangalawang tindera na

matanda kaya nauwi ako sa isang tindera na napapalibutan ng ilang mga tinderang nagtitinda rin ng

herbal medicine. Noong una, ayaw niya rin pumayag dahil wala siyang boses pero tingin ko tulad din ng

iba, ayaw niya lang magbigay ng impormasyon, sa huli, pumayag din siyang makipag-usap sa akin. Hindi

tulad ng mga naunang tindera na aking kinausap, si Aling Nora ay napakadaldal, bukod sa mga tanong

ko, siya na mismong nagkukuwento at nagsasabi ng mga impormasyon, para bang naging komportable

na siya sa akin kaya lumabas na nagkukuwentuhan lang kami. Kaya nga bago magsimula ay nagsabi na

siya na, “Ano kapalit nito? Kahit pang-meryenda lang. Syempre kinuha mo oras ko kaya dapat kahit

meryenda lang.” Naging maganda ang pag-uusap namin mula sa buhay tindera niya, sa kaniyang mga

Page 10 of 12
tinitinda, sa kaniyang pananaw, at personal na karanasan tungkol sa mga herbal medicine. Ipinakilala

niya rin sa akin kung sino iyong kinukuhanan nila ng plastik, kung paano ang kalakaran nila sa kaniya at

ang pag-utos na bumili ng ilang herbal na mga bagay na kinukuha sa Divisoria. Sa lahat ng kaniyang mga

paninda, natuon ang aking atensyon sa pamparegla kaya iba’t ibang karanasan ang kaniyang mga

binahagi ukol dito. Nabanggit niya rin na para sa kaniya, ang pagtitinda sa labas ng simbahan ay isang

simpleng gawain lamang katulad sa ibang mga lugar. Hindi niya rin nakikita na kasalanan ang kanilang

ginagawa bagkus ang kaniyang pananaw ay nakatuon sa kanila bilang isang dekorasyon sa labas ng

simbahan kapag nawala ay magiging simple at hindi kapansin-pansin tingnan. Nang malapit ng matapos

ang aming usapan, nagtanong ako ngunit hindi nasagot dahil bigla siyang tinawag ng kaniyang mga

kasamahan, ilang minuto rin siyang nawala at pagbalik niya, sabi niya, “Ok na ‘yan, masakit na

lalamunan ko. Iyong meryenda ko ah.”

Kailangan ko na rin bang maniwala?

Maliban sa karanasan ay kinakailangan din na may personal na kaalaman sa medisina dahil ito rin

ay nakatuon sa paniniwala at ugali ng isang tao lalo na’t ito’y kinakailangan ng ibayong pag-iingat

sapagkat buhay ng tao ang nakasalalay (Good). Hindi sapat ang paniwalaan lamang ang sinasabi ng iba,

kinakailangan din magsaliksik upang magkaroon ng matibay na ebidensya lalo na kung ang magiging

basehan lang ay ang tiwala. Marahil sa mga tindera, hindi man sila direktang nanggagamot, sila ang

nagiging tulay sa paggaling ng isang nangangailangan kaya’t ang pananalig at pananampalataya ang

kinakailangan upang maging matagumpay sa larangan na ito.

Page 11 of 12
Sanggunian:

 Good, Byron L. “Medicine, Rationality, and Experience (An Anthropological Perspective),”

Medicinal anthropology and the problem of belief

 Everett, Daniel L. (2008) “Don’t Sleep, There Are Snakes (Life and Language in the Amazonian

Jungle)”

 Randolf, Flores L., et.al, “Scholars Academic Journal of Bioscience (SAJB),” Ethnomedical Study of

Plants Sold in Quiapo, Manila, Philippines. Scholars Academic and Scientific Publisher

 Posadas, Kathleen, et.al (2012-2003) “Organized Chaos (A Cultural Analysis of Quiapo)” Quiapo on

the Fringe: Folk Medicine and Occult Practices pp. 16-18

 “Cultural Anthropology,” 2nd Edition. What Religion Does in Society? pp.277-278

 “Society and Personality” The Group as a Functional Unit pp. 32-39

Page 12 of 12

You might also like