You are on page 1of 8

RITUWAL NG PAGTANGGAP AT PAGKAKALOOB NG KASUOTAN

SA PAGLILINGKOD NG MGA TAGAPAGLINGKOD SA DAMBANA


SA LOOB NG PAGDIRIWANG NG BANAL NA MISA

Ito ay maaaring gawin matapos ang homilya. Sisimulan ito sa pamamagitan ng pagtawag ng
Diyakono o ng Pangulo (o sinumang naatasan) sa mga itatalaga. Pupunta ang mga tinawag sa may
santuwaryo.

Pagtawag sa mga tatanggaping Tagapaglingkod sa Dambana

Diyakono/Pangulo:

Lumapit ang mga tatanggapin


at aatasang Tagapaglingkod sa Dambana.

Lalapit ang mga tatanggaping Tagapaglingkod sa Dambana sa may gawi ng santuwaryo.

Pangulo:

Minamahal naming Padre N.,


narito po ang mga nagnanais magtalaga ng kanilang sarili
sa paglilingkod sa dambana ng Panginoon.
Sumailalim na po sila sa paghubog,
at nakapasa sa mga pagsusulit na nararapat
sa mga nais maging Tagapaglingkod sa Dambana.

Pagpapahayag ng Pananampalataya

Pari: Mga kapatid,


ikinagagalak ng Panginoon at maging ng Kanyang sambayanan
ang inyong pagkakaloob ng sarili
sa paglilingkod sa Kanyang Dambana.
Bilang patunay ng inyong kagustuhan at kahandaan sa paglilingkod,
ipahahayag ninyo ang inyong maging dapat na panuntunan
bilang mga Kristiyano,
lalo na bilang mga lingkod ng Kanyang Dambana.
Sumasampalataya ba kayo
sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat,
na may gawa ng langit at lupa?

Mga itinatalaga:

Opo, sumasampalataya kami.

Pari: Sumasampalataya ba kayo kay Jesukristo,


iisang anak ng Diyos na ating Panginoon,
nagkatawang-tao sa kapangyarihan ng Espiritu Santo,
ipinanganak ni Birheng Maria,
ipinako sa krus, namatay at inilibing,
nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao,
nabuhay muli sa ikatlong araw,
umakyat sa langit,
naluklok sa kanan ng Diyos na makapangyarihan sa lahat,
at mula roon ay paririto
upang hukuman ang mga nabubuhay at namatay?

Mga itinatalaga:

Opo, sumasampalataya kami.

Pari: Sumasampalataya ba kayo sa Diyos Espiritu Santo,


sa Banal na Simbahang Katolika,
sa kasamahan ng mga banal,
sa kapatawaran ng mga kasalanan,
sa muling pagkabuhay ng mga namatay
at sa buhay na walang hanggan?

Mga itinatalaga:

Opo, sumasampalataya kami.


Pari: Ito ang ating sinasampalatayanan,
ang misteryo ng ating pananampalataya
na ipinagdarasal ng Inang Simbahan sa lahat ng tao,
sa lahat ng panahon at dako,
sa ngalan ni Jesukristong ating Panginoon.

Lahat:

Amen.

Pagbabasbas at Pagtatalaga

Pari: Manalangin tayo.

Iuunat ng pari ang kanyang mga kamay sa mga itinatalaga. Samantala, tatayo ang lahat at luluhod
naman ang mga itinatalaga (kung kakayaning lumuhod. Kung hindi, mananatili silang nakatayo.)

Tagapagpaliwanag:

Magsitayo ang lahat.

Darasalin ng pari ang mga sumusunod na panalangin:

Amang mapagmahal,
Ikaw ang tumatawag sa mga anak Mong ito
upang magtalaga ng sarili sa paglilingkod sa Iyo.
Ikaw ang humihirang at nagpapagindapat sa kanila
upang maging mga Tagapaglingkod sa iyong dambana.
Basbasan mo + ang mga lingkod Mong ito
upang sila ay maging mabubuting tagapakinig ng Iyong salita
nang sa gayon, maging mahusay din sila
sa pagsasabuhay ng Iyong mga aral.

Liwanagan Mo ang kanilang isip


at pag-alabin sa pag-ibig ang kanilang puso sa pagsunod sa Iyo,
at nawa'y maganap nilaang kanilang gampanin ng buong katapatan.
Maging magalang nawa sila sa Iyong harapan,
at magsumikap na tumulad sa Iyong kabanalan.
Patuloy nawa silang maging halimbawa
ng tunay na buhay panalangin,
masikap na pagkilala sa Iyo,
at puspusang paglilingkod sa kapwa.
Pagsikapan nawa nilang mamuhay lagi
nang ayon sa Iyong kalooban.

Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Jesukristo


kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Lahat:

Amen.

Kung lumuhod ang mga bagong Tagapaglingkod sa Dambana, tatayo sila. Wiwisikan ng pari ng
banal na tubig ang mga itinalaga. Samantala, dito rin maaaring ganapin ang pagbabasbas at pagbibigay ng
kasuotan sa paglilingkod, o anumang itinalaga bilang tanda ng pagtatalaga.

Sa mga pagkakataong may nakalaan at nakahandang kasuotan, dadalhin ito sa harapan ng iba pang
tagapaglingkod (o ng mga magulang o sponsor), at sasambitin ng pari ang sumusunod na panalangin:

Ama naming makapangyarihan,


sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag,
nilinis mo kami mula sa aming karumihan
at sinuotan kami ng damit ng kadalisayan.
Bilang pag-aalaala sa biyaya ng Binyag,
sa pananampalatayang aming pinananaligan at ipinamumuhay,
hinihiling naming basbasan mo +
ang mga kasuotang ito ng mga Tagapaglingkod Mo
sa dambana ng Iyong Kabanalan.
Nawa, sa pagsusuot ng mga ito,
mabatid nila ang dakilang karangalang dapat nilang pangalagaan,
at matanto nila ang dakilang pagtawag
na dapat nilang tugunan nang buong katapatan.
Hinihiling namin ito
sa pamamagitan ni Jesukristong
aming Dakilang Pari.
Lahat:

Amen.

Wiwisikan ng banal na tubig ang mga kasuotan. Pagkatapos, isusuot ng mga bagong tagapaglingkod
ang mga kasuotan sa paglilingkod. Maaaring tumulong ang mga magulang o sponsor ng mga bagong
Tagapaglingkod sa Dambana.

Pagkilala sa mga Itinalaga

Pari: Bilang pagtanggap at pagbati sa kanila,


pasalubungan natin sila ng masigabong palakpakan.

Matapos ito ay gaganapin ang Panalangin ng Bayan. Dito, makabubuting magdagdag ng kahilingang
patungkol sa mga tinanggap na Tagapaglingkod sa Dambana. Sa pag-aalay, maaari rin namang sila na rin
ang magdala ng mga handog na nakatalagang ialay sa Banal na Misa.
RITUWAL NG PAGPAPANIBAGO NG PAGTATALAGA NG SARILI
SA MULING PAGHIRANG AT PAGKAKALOOB NG ATAS NA GAWAIN
SA MGA DATIHANG TAGAPAGLINGKOD SA DAMBANA
SA LOOB NG PAGDIRIWANG NG BANAL NA MISA

Ito ay maaaring gawin matapos ang homilya. Sisimulan ito sa pamamagitan ng pagtawag ng
Diyakono o ng Pangulo (o sinumang naatasan) sa mga muling itatalaga. Pupunta ang mga tinawag sa may
santuwaryo.

Pagtawag sa mga Tagapaglingkod sa Dambana

Diyakono/Pangulo:

Ngayon po ay ating gaganapin


ang Pagpapanibago ng mga Datihang Tagapaglingkod sa Dambana.
Hinihiling sa mga magpapanibagong tagapaglingkod
na lumapit sa may harapan ng dambana.

Lalapit ang mga magpapanibagong Tagapaglingkod sa Dambana sa may gawi ng santuwaryo.

Pagpapanibago ng Pagtatalaga bilang mga Tagapaglingkod sa Dambana

Pari: Mga minamahal na Tagapaglingkod sa Dambana ng Diyos,


hinihiling ko ngayong sama-sama kayong muling magtalaga ng sarili
sa paglilingkod sa Panginoon.

Mga Tagapaglingkod:

Panginoon naming Diyos,


muli ay itinatalaga ko ang aking sarili
upang maging natatanging lingkod ni Kristo,
bilang Tagapaglingkod sa Kanyang Dambana.

Ipinangangako ko pong sa aking salita at gawa


ay maisabuhay ang panananalig kay Kristo,
at maging huwaran sa kapwa kabataan,
na may pag-ibig at paggalang sa Diyos,
sa magulang at sa kapwa.
Kasihan nawa ako ng Iyong Banal na Espiritu,
at kalugdan Mo nawa ang aking paglilingkod.

Pagbabasbas at Pagtatalaga

Pari: Manalangin tayo.

Iuunat ng pari ang kanyang mga kamay sa mga muling itinatalaga. Samantala, tatayo ang lahat at
luluhod naman ang mga itinatalaga (kung kakayaning lumuhod. Kung hindi, mananatili silang nakatayo.)

Tagapagpaliwanag:

Magsitayo ang lahat.

Darasalin ng pari ang mga sumusunod na panalangin:

Amang mapagmahal,
sinugo mo ang Iyong anak na si Jesukristo
upang maturuan kami ng pagsambang
lubos na nakalulugod sa iyong harapan.

Hinihiling naming basbasan mo +


ang mga lingkod mong ito.
Patuloy mo silang samahan at gabayan
upang higit pa nilang pagsikapang
mapabuti ang tapat na paglilingkod sa iyo.

Hinihiling namin ito sa iyo sa pamamagitan ni Jesukristo


kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Lahat:

Amen.

Kung lumuhod ang mga muling itinalagang Tagapaglingkod sa Dambana, tatayo sila. Wiwisikan ng
pari ng banal na tubig ang mga muling itinalaga. Samantala, dito rin maaaring ganapin ang pagbabasbas at
pagbibigay ng anumang itinalaga bilang tanda ng muling pagtatalaga (kung mayroon).
Pagkilala sa mga Itinalaga

Pari: Bilang pagtanggap at pagbati sa kanila,


pasalubungan natin sila ng masigabong palakpakan.

Matapos ito ay gaganapin ang Panalangin ng Bayan. Dito, makabubuting magdagdag ng kahilingang
patungkol sa mga muling itinalagang Tagapaglingkod sa Dambana. Sa pag-aalay, maaari rin namang sila
na rin ang magdala ng mga handog na nakatalagang ialay sa Banal na Misa.

You might also like