You are on page 1of 5

Ang Kalagayan ng Intelektuwalisadong Wikang Filipino at ang Istandardisasyon nito

ni Kyle Santos

May mga nagsasabing ang wikang Filipino ay wikang hindi para sa mga edukado, may
mga nagsasabing ayaw nila gamitin ang wikang Filipino dahil ito raw ay hindi babagay para sa
katayuan nila sa lipunan, at may mga nagsasabing ang wikang Filipino ay isang wikang walang
kuwenta dahil hindi nila mahanap ang mga salita para maipahayag ang kanilang mga damdamin.

Ayon kay Petras (2013), isa sa mga dahilan kung bakit hindi ginagamit ang wikang Filipino
ay dahil sa pagtalima sa kulturang Anglo-Amerikano bunga ng paggamit ng wikang Ingles.

Makikita rin ito noon pa sa sanaysay na ginawa ni Tinio (1975). Sinabi niya na kaya lang
naman iniiwasan ang paggamit ng wikang Filipino ay dahil sa mga sumusunod: Kakulangan ng
tiwala ng mga Pilipino sa wikang Filipino bilang wikang intelektuwal; at ang pangambang maiwan
sa kanluraning pag-iisip kung titiwalag nang tuluyan sa wikang Ingles.

Isa sa mga epekto ng kanluraning pag-iisip ay makikita sa saliksik ni Bautista noong 1980
na nagsasaad na kung ang Tagalog at ang Ingles ay patuloy na magsasama katulad ng
nangyayari ngayon at magtatagal, at kung ang pagsasama ng Tagalog at ng Ingles ay
pinagyabong ng mga prestihiyosong miyembero ng komunidad, hindi maglalaon ay kailangan
itong suriin bilang isang sistemang lingguwistika.[1]

“If Tagalog and English continue being in contact as they are now, if the contact
between them lasts long enough, and if the mixing of Tagalog and English is fostered
by the prestige-carrying members of the community, then Tagalog-English mixing will
eventually have to be analyzed within just one linguistic system” (Bautista, 1980)

At ang sinabing ito ni Bautista ay mababanaag na sa kasalukuyang panahon, na nagresulta


sa pagkakalikha ng terminong “Taglish”. Ayon kay Tangco at Ricardo (na binanggit sa Lesada,
2017), ito ay isang kalat at hindi masyadong dominanteng baryasyon ng pinaghalong
lengguwahe, na kung saan ang Tagalog at Ingles ay malaki ang naging impluwensiya sa
ponolohiya, morpolohiya, sintaks at ang semantiks.[2]

“a very widespread predominantly spoken “mixed” language variety, whose phonology,


morphology, syntax and semantics have been greatly influenced by English and
Tagalog” (Tangco and Ricardo 2002, 391).
Ayon sa sanaysay ni Arao (2010), “Ang wikang Filipino raw ay pangkubeta na lang”. Nasabi
niya ang pahayag na ito dahil kadalasan ay hindi na nagagamit ang wikang Filipino para sa
intelektuwal na diskurso. Hindi maikakaila ang katotohanan ng pahayag na ito dahil noon pa lang
ay mababa na ang tingin natin sa wikang Filipino. [3]
Isa sa malaking salik nito ay nang
isakatuparan ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 210 noong taong 2003, na nagpatatag sa
wikang Ingles bilang midyum sa sistemang pang-edukasyon. Nagresulta ito sa pagkakaroon ng
mas komprehensibong pag-iimplementa sa mga estudyante ng wikang Ingles. Isang halimbawa
rito ang mga English-speaking zones na itinatatag ng mga institusyon. Nakatatawa lang na sa
isipin na sa sariling bayang kinagisnan ay iba ang wikang sinasalita dulot mismo ng mamamayan
nito.

Kung sa gayon, pinatutunayan lang nito ang sinabi ni Tinio (1975) na kaya natin hindi
ginagamit ang wikang Filipino dahil ang tingin natin dito ay hindi pang matalino o intelektuwal,
na bunga ng mga hakbang ng pamahalaan at ng lipunan.

Ito ang kalagayan ng ating bansa sa kasalukuyan; ang pagtingin na ang paggamit ng
sariling wika ay nangangahulugang pagkakaroon ng mas mababang antas ng intelektuwalidad.

Kung sa gayon marapat lang na baguhin ang pagtingin na ito.

Dumako tayo sa usaping istandardisasyon. Ano nga ba ito?

Ayon kay Fortunato (1991), ang istandardisasyon ay “ang proseso ng pagiging


magkakaanyo, magkakahawig, o uniporme ng isang wika para sa higil na malawakang
pagtanggap at paggamit nito.”[4]

Kung sa gayon, paano nagiging istandard ang isang wika para tanggapin ng nakararami?

Ayon muli sa kaniya, “Ang isang wikang pambansa para maituring na istandardisado, ay
kailangang makarating sa mataas na antas ng kaanyuan at kodipikasyon. Konkretong patunay ng
kanyang kalagayan bilang isang wikang matatag ang dami ng mga likhang leksikograpo. Kabilang
dito ang mga pagkilos kaugnay ng sining, proseso, at pagsulat/pagbuo ng mga diksyunaryo sa
wikang iniistandardisa. Pinakakaluluwa kasi ang mga diksyunaryo sa kodipikasyon ng isang
wikang pambansa, at ang larangan ng leksikograpiya ay malaking hakbang sa intelektuwalisasyon
at istandardisasyon ng wikang pinagyayabong gaya ng Filipino.” [4]
Isa pa rito ang panukalang modelo sa pagpaplanong pangwika ni Elinar Haugen noong 1966 (na
binanggit sa Almario, 2014). Sinabi niya na may apat na hakbang upang maging istandardisado
ang isang wika. Ito ay ang mga sumusunod: Seleksiyon ng pamantayan; kodipikasyon ng
pamantayan; implementasyon; at elaborasyon.

Mula rito, masasabi natin na ang wika ay nangangailangan ng batayan para maisaayos
ang sistema ng mga patakaran, at para ito ay maimplementa at maipaliwanag.

Ang problema ng kaisahan sa wika ay matagal nang paksa. Mula sa mga repormang ipinanukala
sa La Solidaridad na palitan ng K o S ang tunog na C at ng AW para sa diptonggong AO. Hanggang
sa mga salita na pilit na ginagamit dahil ito raw ang tradisyon o nakagaiwan kahit hindi tama.

Lahat ng ito ay bungsod ng kawalan ng batayan o istandard.

Kung ang leksikograpiya ang isa sa mga batayan ng pagiging istandard ng wikang Filipino,
paano na ngayon, lalo na’t ang wikang Filipino ay walang batayan dahil nga ito’y walang
sinusunod na pamantayan? Gaya na rin ng sinabi ni Padre (2006) na “Nakapagpapalito ang
kakulangan ng isang sistema ng istandardisadong ispeling sa karamihan ng gumagamit ng Filipino
sa proseso ng pagsulat at pagbasa ng wika”.[5]

Dito na pumapasok ang Komisyon ng Wikang Filipino—ang namamahala sa pagpapaunlad


at naglalatag ng mga pamantayan ng wikang pambansa. Marami ang nagawa ng komisyong ito
sa paglinang ng wika, ngunit ang pinakaprominante rito ay ang pagkakalathala sa librong “Mga
Tuntunin ng Ortograpiyang Filipino” noong 1977. Ito ang naging unang hakbang tungo sa
pagkakaroon ng istandard sa wikang Filipino. Nasundan pa ito ng iba’t ibang rebisyon hanggang
sa kalaunay nakapagpalimbag ng pinakabagong edisyon, ang “Manwal sa Masinop na Pagsulat”.

Ngunit sa lahat ng ito, ano nga ba ang masasabi ng hakbang na isinagawa tungo sa
istandardisasyon ng wikang Filipino sa intelektuwalisasyon nito?

Mula sa panayam kay Almario ng KASUGUFIL noong 2014, sinabi niyang ayaw niyang
gamitin ang salitang modernisasyon pagdating sa wika, dahil ito raw ay nangangahulugang
pagsabay sa uso hatid ng Amerikanisasyon ng ating edukasyon. Ngunit ang nangingibabaw sa
kaniyang panayam ay ang mga sumusunod:

“Nitóng dekada 70, inisip ng ating mga eksperto sa lingguwistika, sa pangunguna


nina A. Gonzalez at B. Sibayan, na kailangan na natin ang ikaapat na hakbang. At
tinawag niláng “intelektuwalisasyon” ang elaborasyon ni E. Haugen. Ang totoo,
tinawag din ni E. Haugen na “kultibasyon” (cultivation) ang kaniyang ikatlo at ikapat
na hakbang. Kung pagpaplanong pampatakaran (policy planning) ang una’t
ikalawang hakbang, ang implementasyon at elaborasyon ay nauukol naman sa mga
gawaing kultibasyon—ang paglinang sa wika upang ganap na magamit sa anumang
larangan ng búhay, lalo na sa mga dominyo ng kapangyarihan (batas, pamamahala,
negosyo, industriya, teknolohiya, atbp).”[6]

Nasabi rin niya na handa na tayo sa intelektuwalisasyon/kultibasyon, ang hindi lang handa
ay ang mga Pilipino, lalong-lalo na ang mga tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng wika nito.

Kung tutuusin, totoo nga na ang lahat ay nakalatag na para sa atin: ang mga patakaran
at mga pamantayan. Ang nananatiling hadlang na lang ay ang sarili natin.

Bakit naman ganoon?

Makikita mula sa mga ebidensiyang ipinakita rito na ang pagtalikod sa sariling wika ay
dulot ng iba’t ibang kadahilanan. Malaking parte nito ang oksidentalisasyon ng ating bansa. Kung
sa gayon, kailangang linangin at mas pagtibayin pa ang paggamit ng wikang Filipino hindi lang
sa mga paaralan, kundi sa pamahalaan din. Hindi dahil sa mas nakaaangat ang isang bansa ay
iisipin na natin ang wika nila ang batayan ng pagiging isang intelektuwal.

Ngunit sa mga panukala ng ating gobyernong nakasentro sa oksidentalisasyon ng ating


bansa na nagdudulot ng kawalan ng nasyonalismo para sa sariling bayan at wika, matagal-tagal
pa bago maabot ang inaasam na intelektuwalisadong wikang Filipino.

At dito pumapasok ang tungkulin ng mga intelektuwal, ngunit sa kasamaang-palad,


katulad nga ng sinabi ni Tinio (1975) na ang mga pantas at intelektuwalisado ay nasanay sa
ingles. Ebidente pa rin ito sa kasalukyan lalo na’t lumaki ang puwang ng mayayaman at mahihirap
na nagbunga ng paniniwalang kapag nagsasalita ka ng Ingles ay ikaw ay mayaman at matalino.
Halimbawa na rito ang mga mag-aaral sa mga prestihiyosong paaralan, kolehiyo at unibersidad.
Ang panahon ngayon ay masasabing kapag ikaw ay english-speaking, biro nga ng ilan, ay
matalino at mayaman ka na.

Sa kabila ng mga ito, huwag panghinaan ng loob. Dahil nagbunga ang mga paghihirap ng
mga mangilan-ngilang pantas at intelektuwal nang nakaraang mga dekada; mas marami ngayon
ang mulat sa katayuan ng wikang Filipino at pagiging intelektuwal. Dahil ito sa malaking
kontribusyon ng mga paaralan, kolehiyo at unibersidad, lalong-lalo na ang edukado at mag-aaral
na nakapaglathala ng mga saliksik na gumagamit ng sariling wika, tungo sa intelektuwalisasyon,
at mulat sa katotohanan ng wikang Filipino.

Ngayon kung babalikan ang unang talata. Ang mga nagsabi ng huwad na pahayag ay
nagkakamali. Dahil sa panahon ngayon totoo ngang nakalatag na ang daan tungo sa pagiging
intelektuwal, dahil sa panahon ngayon marami na ang mulat at intelektuwal. Ang tanging kalaban
na lang natin ay ang pagiging ignorante sa katotohanan. Kaya naman masasabi nating tayo na
lang ang hinihintay ng isang intelektuwalisadong Pilipinas at ng isang intelektuwalisadong wikang
pambansa.

You might also like