You are on page 1of 21

“Ang Agila at ang Itim na Sisiw ni Jose”

Lumaki sa bukid ang batang si Jose. Anak siya ng magsasaka na si Mang Tino at
isang maybahay na si Aling Carmen. Bukod sa pagsasaka ng ama niya, nabubuhay rin
sila sa pag-aalaga ng mga hayop.
May mga manok sina Jose. Katulad ng tatay niya, mahilig rin siya dito kung kaya’t
binigyan sya ng ama niya ng isang inahen. Nagkaroon ng limang itlog ang inahin na iyon
at naging sisiw.
Sa limang sisiw, isa lang yung kulay itim. Ang itim na sisiw ay siyang palaging
pinupulot ni Jose kung saan-saan dahil lumalayo siya sa kanyang mga kapatid. Hindi
alam ng bata na inaaway pala ito ng mga kapatid niyang sisiw.
“Pangit! Pangit! Hindi ka namin siguro tunay na kapatid dahil iba ang kulay mo sa
amin,” sabi ng pinakamaganda sa magkakapatid na sisiw sa itim na sisiw.
Kung saan pumupunta ang inahin ay sumusunod rin ang apat na sisiw maliban
sa itim na sisiw. Nagpapa-iwan na lang siya upang hindi na awayin ng kanyang mga
kapatid.
“Ang pangit-pangit ko nga siguro kaya ayaw nila sa akin. Mabuti pa si Jose palagi
akong pinupuntahan,” sabi ng itim na sisiw sa sarili niya.
Mahal na mahal ni Jose ang itim na sisiw at hindi maikaka-ila na paborito niya ito.
Subalit, hindi niya alam na malungkot ito sa pinanggagawa ng mga kapatid nito.
Isang araw, inubusan nila ng pagkain ang itim na sisiw. Mabuti na lamang at may
natira sa pagkain ng isa sa mga tandang nila ni Jose. Doon siya naki-kain habang tulog
ang tandang.
“Pangit! Pangit! Kunin ka na sana ng agila!” sigaw ng isang sisiw habang nakiki-
kain ang itim na sisiw sa kainan ng tandang.
Nakita siya ni Jose, kinuha, at dinala sa loob ng bahay nila. Nilalaro siya ng bata.
Paglabas ni Jose, saktong nakita niyang parating ang agila at kukunin na nito ang mga
kapatid ng itim na sisiw.
Sumigaw si Jose at sinubukang takutin ang agila pero wala siyang nagawa.
Nakuha ng agila ang apat na kapatid ng itim na sisiw at hindi na ito bumalik kailan pa
man.
“Walang pinipili ang agila pagdating sa sisiw na kukunin. Mag-isa man ito o marami
sila, talagang kukunin niya pag gusto niya,” paliwang ng tatay ni Jose.
Lumaki ang itim na sisiw at mas lalong naging paborito siya ni Jose. Nagkaroon
siya ulit ng mga kapatid dahil umitlog muli ang inahin ni Jose ngunit ligtas na sila sa
agila dahil sinigurado ito ng bata na hindi na muling mangyayari yun.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
 Huwag maging mapanghusga sa itsura ng kapwa
 Maging mabait sa ibang tao o sa mga hayop
 Maging maaalahanin sa kapwa
 May mga pangyayari na hindi natin mapipigilan pero mapaghahandaan
“Si Alas At Ang Ginintuan Niyang Puso”
Matagal nang magkaibigan sina Alas at Diego. Magkababata silang lumaki sa
Barangay Uso at pareho nang nasa ika-limang baitang na nila sa elementarya ngayon.
Sa kabila ng hindi pagkakasundo ng kanilang mga magulang, nanatili ang
matatag na samahan sa pagitan ng dalawang bata. Para na silang magkapatid dahil
sabay silang lumaki at magkasama rin sa halos lahat ng bagay.
Ang ama ni Alas at ang ama ni Diego ay palaging magkalaban sa ano mang
posisyon sa Barangay nila. Noong nakaraang taon, natalo ng ama ni Alas ang ama ni
Diego sa pagiging kapitan.
Isang araw, nagpaalam si Diego sa tatay niya na lalabas sila ni Alas at maglalaro
ng basketbol. Nasa pintuan na si Alas at hinihintay niyang lumabas si Diego. Dinig-na-
dinig niya ang sabi ni Mang Melchor.
“Aalis ka na naman kasama ang anak ng mandaraya? Dinaya nila ako sa eleksyon
tapos okay lang sa’yo. Umalis ka kung gusto mo,” sabi ng ama ni Diego.
Nagpaalam si Diego sa nanay niya at pinayagan siya nito kung kaya’t umalis siya.
Naglaro sila at nabilang sa magkalaban na koponan. Sa kalagitnaan ng laro, hindi
sinasadyang natulak ni Alas si Diego.
“Pasensya tol hindi ko sinasadya,” agad na paghingi ni Alas ng paumanhin sa
kaibigan.
Tumayo si Diego pero halatang napikon ito sa nangyari. Makaka-iskor na sana
ang koponan nila. Natalo sila sa koponan nina Alas.
“Kung ‘di ka sana tinulak ni Alas tol panalo sana tayo. I-uuwi sana natin ang P3,000
na panalo,” sabi ng isa sa mga kasama ni Diego sa koponan niya.
Kinabukasan, naglaro ulit sila at panalo na naman sina Alas. Noong pauwi na sila, hindi
sumabay si Diego kay Alas.
“Mauna ka na may pupuntahan pa kami nina Alex,” sabi ng binata na parang
umiiwas sa tingin ng kaibigan niya.
Umuwi si Alas ng mag-isa at habang siya ay naglalakad sa madilim na parte ng
eskinita, may biglang humatak sa kanya at tinakpan ang mga mata niya. Sinaktan ang
binata at iniwang namamalipit sa sakit.
Kinabukasan, himalang maaga pa pumunta si Diego kina Alas at nagdala ng
makakain. Nagtaka ang kaibigan niya kung paano nito nalaman ang nangyari sa kanya,
e, wala namang nakakita.
Habang kumakain ang magkaibigan, napansin ni Alas ang sugat sa kanang
kamay ni Diego. Katulad ito ng sugat sa kamay ng taong humatak sa kanya bago takpan
yung mga mata niya. Tinanong niya ang kaibigan kung napano ang kamay nito.
“Ah wala. Sa babasketbol natin ito, ang haba kasi ng kuko ni
Berhel,” pagdadahilan ni Diego na parang na-uutal.
Pinalampas ito ni Alas. Isang araw, habang naglalakad pauwi si Alas, may nakita
siyang grupo ng kabataan sa may kanto at may ginagawa sila. Katulad ito ng ginawa sa
kanya.
Laking-gulat ni Alas noong makita na si Diego pala ang sinasaktan nila. Sumigaw
siya habang papalapit sa grupo ng kabataan.
“Hayaan mo ‘to Alas. Ikaw nga nagawa niyang saktan, may sinisingil lang kami sa
kanya hayaan mo siya,” sabi ni Clarence.
Lumapit pa rin si Alas at habang papalapit siya ay tine-text nya sa bulsa niya ang
Papa niya kung nasaan sila. Nagtangkang umalis ang grupo nina Clarence at bago sila
umalis ay hinagis pa nila ng kahoy sa batok si Alas.
Agad-agad na dumating ang mga barangay tanod at nahuli ang grupo nina
Clarence. Sina Diego at Alas naman ay dinala sa klinika sa barangay upang magamot.
“Patawad tol at salamat. Kahit alam mo ang ginawa namin sa iyo, hindi ka pa rin
nagdalawang-isip na tulungan ako. Hindi talaga kinakalawang ang ginintuan mong
puso,” sabi ni Diego sa kaibigan.
“Kalimutan mo na iyon tol. Halos kapatid na ang turing ko sa’yo at hindi ko
makakayang pabayaan ka lalong-lalo na sa mga oras na kailangan mo ang tulong
ko,” sagot ni Alas.
Simula noon, palagi na uling magkasama sina Diego at Alas. Sising-sisi si Diego
na nagpadala siya sa mga masamang payo ng mga kasama niya sa basketbol.
Napagtanto niya na palagi man silang magkalaban ni Alas sa laro, sa totoong buhay
naman ay lagi niyang kakampi ito.
Ilan sa mga aral na makukuha sa maikling kwento na ito:
 Huwag magtanim ng galit sa kapwa
 Maging isang tapat na kaibigan
 Huwag magpapadala sa mga masamang payo ng ibang tao
Si Kuneho at si Pagong
Isang araw ay nagkasalubong sa daan ang Kuneho at ang Pagong.
Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang Pagong.
“Hoy, Pagong,” sigaw ng Kuneho, “pagkaikli-ikli ng mga paa mo at pagkabagal-bagal
mong lumakad.”
Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang patunayang may
maipagmamalaki din naman ay sinagot niya ang mayabang na kalaban.
“Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero nakasisiguro akong
matatalo kita sa palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong makaakyat sa tuktok ng
bundok pagsikat ng araw bukas. Tinatanggap mo ba ang hamon ko?”
Tuwang-tuwa ang Kuneho sa hamon ng Pagong. Nakasisiguro siyang sa bagal ng
Pagong ay tiyak na mananalo siya. Upang mapahiya ang Pagong ay pinagtatawag ng Kuneho
ang lahat ng kamag-anak niya.
Pinulong niya ang mga ito at inutusang palakpakan siya kapag matagumpay na
naakyat na niya ang tuktok ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-
usad ang kalaban.
Maagang-maaga dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban.
Maaga ring dumating ang iba’t ibang hayop na tuwang-tuwang makasasaksi ng isang
tunggalian.
Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay higit na maraming
kamag-anak ni Kuneho ang nagsulputan.
Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda na ng Alamid ang maglalaban. Ang mabilis
na pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na simula na ang laban.
Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis na tumalun-talon ang
mayabang na Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang marating na niya ang
kalahatian ng bundok at lumingon paibaba ay natanawan niya ang umiisud-isod na kalaban.
Maraming naawa sa mabagal na Pagong.
“Kaya mo yan! Kaya mo yan!” pagpapalakas ng loob na sigaw ng kaniyang tatay,
nanay, kuya, ate, at mga pinsan.
“Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal-bagal!” sigaw na panunudyo ng mga kamag-
anak ni Kuneho.
Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang nagpatuloy sa pag-
isod.
Malayung-malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito ilang sandali upang
tanawin ang anino ng kalaban. Nang walang makitang anumang umuusad ay ngingisi-ngising
sumandal ito sa isang puno at umidlip.
Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng Pagong na ibigay ang lahat
ng lakas upang unti-unting makapanhik sa bundok.
Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang katunggali ay lalong nagsikap
umisud-isod pataas ang pawisang Pagong.
Palabas na ang araw nang magising si Kuneho. Nanlaki ang mga mata nito nang
matanawang isang dipa na lamang ang layo ng Pagong sa tuktok ng bundok.
Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong. Huli na ang lahat
sapagkat narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng tagumpay.
Aral:

 Walang imposible sa taong nagsusumikap.


 Huwag maging mayabang. Tandaan, ang taong nagmamataas ay lalong bumababa at
ang taong nagpapakababa ay siyang tinataas.
 Huwag magpaka-kampante sa isang labanan o tunggalian. Huwag mong hamakin
ang kakayahan ng iyong kalaban.
Si Mario, si Ana, at ang Isda
Tuwang-tuwa ang mangingisdang si Mario nang may nabingwit siyang isang
malaking isda. Nang ilalagay na niya ito sa buslo, bigla itong nagsalita, “Huwag!” Muntik nang
mahulog sa bangka si Mario sa malabis na pagkagulat.
“Ibalik mo ako sa tubig at bibigyan kita ng kayamanan,” sabi ng isda, na nagpipilwag.
Nang mahulasan si Mario, tinanong niya ang isda, “Ano ka ba, impakto?”
“Hindi, ako ay alagad ng mga sirena na naatasang magbantay dito sa malapit sa
pampang. May kapangyarihan ako – mahika! Kaya ibalik mo lang ako sa tubig at
ipagkakaloob ko sa iyo ang hihilingin mo.”
Naalaala ni Mario ang dampang tinitirhan niya. Lagi itong inirereklamo ng asawa
dahil sa kaliitan. “Nais ko ang malaking tirahan,” sabi niya sa isda.
“Masusunod. Umuwi ka na at makikita mo ang iyong malaking tahanan,” sabi ng isda
na kaagad namang ibinalik ng lalaki sa tubig.
Hindi lang malaki ngunit tila palasyo ng hari sa gara ang nadatnan niya. “Sa palagay
ko, hindi na ako aawayin ni Ana. Malaki na ang bahay namin.”
Nguni’t hindi pa pala nasisiyahan ang asawa. “Hulihin mo uli ang isda. Sabihin mong
walang mga kasangkapan. Dapat ay iyong magagandang mesa, silya, kama at mga
dekorasyon sa bahay.”
Palibhasa’ y takot sa babae, bumalik si Mario sa dagat at namingwit. “Sana’y huwag
ko na siyang mahuli para hindi na ako makahingi. Nakakahiya naman ang asawa ko,” bulong
niya sa sarili.
Nagkataong lumalangoy pala sa malapit ang malaking isda at nang makita si Mario,
ito’y lumukso sa kanyang bangka. “Ano, kaibigan, nagustuhan mo ba ang bahay mo?”
“Oo nga, maraming salamat. Nguni’t nakikiusap ang asawa ko, kung maaari raw,
mabibigyan mo ba raw kami ng mga kasangkapan?” nahihiyang tanong ng mangingisda.
“O, sige. Bumalik ka na sa inyo at naroon na ang mga hinihiling ng asawa mo.”
Natitiyak ni Mario na matutuwa na ngayon si Ana. Malaking biyaya na talaga ang
ibinigay sa kanila ng isda. Pagdating niya sa bahay, sinalubong siya ng asawa sa pintuan.
“Balikan mo uli ang isda. Humingi ka naman ngayon ng magagarang alahas at
magagandang kasootan. Nais kong makita ng lahat dito sa bayan natin na tayo ang
pinakamayaman dito,” utos ng babae sa asawa, na alam niyang hindi kayang sumuway sa
bawa’t sabihin niya.
Hiyang-hiya si Mario na humarap uli sa isda, na madali niyang nakita sa pampang na
pinaglalagian nito. “Nakakahiya sa iyo,” halos hindi niya maibuka ang bibig, “ngunit may
hinihingi na naman ang asawa ko.”
Matagal na hindi sumagot ang isda, parang nag-iisip. Kapagkaraka ay nagsalita,
“Nakikilala ko na kung ano ang uri ng pagkatao ang asawa mo. Isa siyang sakim at walang
pakundangang babae. Hindi siya marunong mahiya, at hindi rin siya mabait na asawa.
Parurusahan ko siya. Kukunin ko uli lahat ng naibigay ko na sa kanya.” Lumukso sa tubig ang
isda at matuling lumangoy papunta sa laot.
Nang umuwi si Mario, nakita niya si Ana na nakaupong umiiyak sa hagdang kawayan,
ng dati nilang dampa.
Si Juan, ang Pumatay ng Higante
Isang umaga, tinawag si Juan ng kanyang ina. “Anak, dalhin mo kaya ang baka natin
sa bayan at ipagbili mo. Wala na tayong maibili ng ating mga kailangan.”
Madali namang sumunod sa ina ang bata. Malapit na siya sa bayan, at hila-hila nga
niya ang ipagbibiling baka nang may nasalubong siyang matandang lalake.
“Saan mo dadalhin ang baka?” tanong ng matanda.
“Sa bayan po, para ipagbili,” sagot ni Juan.
“Gusto mo, palitan ko na lang siya nitong mahiwagang buto? Magic ito, makikita mo,”
alok ng matanda.
“Siyanga po? Mahiwaga?” Sapagkat bata, mahilig sa magic talaga si Juan, at madali ring
mapaniwala. “Sige po, payag ako.”
Iniuwi niya ang isang dakot na buto ng halaman na palit sa baka. “Nasaan ang perang
pinagbilhan mo sa baka?” tanong ng kanyang ina.
“Wala pong pera. Ipinagpalit ko po ang baka sa mga butong ito. Mahiwaga raw po ito,
sabi ng matanda.”
Sa galit ng ina sa anak dahil nagpaloko raw ito, itinapon niya ang mga buto sa bintana.
“Ikaw talagang bata ka, hanggang ngayon ay madali ka pa ring maniwala sa mga manloloko.”
Nang magising kinaumagahan si Juan, nagulat siya na may punong mataba sa labas ng
bintana niya. Lumabas siya para masdan ang bigla na lamang na lumitaw na puno at nakita
niyang pagkataas-taas nito. Hindi niya maabot ng tingin ang tuktok nito dahil nasa mga
alapaap na.
“Nanay, tingnan ninyo ang puno! Mahiwaga nga pala ang mga buto! Aakyatin ko po.”
Inakyat nga niya ito at matagal bago siya nakarating sa tuktok. Sa itaas, may nakita siyang
malapalasyong bahay at pumasok siya rito. May babaeng sumalubong sa kanya. “Naku! Bakit
ka pumarito? Hindi mo ba alam na bahay ito ng higante? Naku, ayan na siya, dumarating!
Tago ka diyan sa ilalim ng mesa at baka ka makita.”
“Ho-ho! Ano ba iyong naamoy ko?” Malakas ang tinig ng higante. “May ibang tao ba
rito?”
“Wala po,” sagot ng babae. “Naaamoy lang po ninyo ang masarap na pagkaing luto ko.
Sige po, kumain na kayo.”
Umupo ang higante at kinain ang isang palangganang pagkain na inihain sa kanya.
Nagpahid ng bibig at tumawag sa babae, “Dalhin mo rito ang manok ko.”
Sa pagkukubli ni Juan sa ilalim ng mesa, nakita niyang ibinigay ng babae ang isang
makulay na inahing manok sa higante. “Mangitlog ka, manok, at pagkatapos ay umawit ka
para ako makatulog,” utos ng higante at inilagay sa mesa ang hinahaplos na manok.
Kitang-kita ni Juan na lumabas sa manok ang isang gintong itlog na tuwang-tuwang
isinilid sa bulsa ng higante. “Ngayon, patulugin mo ako sa pag-awit mo.”
Pati ang tinig ng manok ay tila ginintuan din dahil madaling nahimbing ang higante.
Dagling lumabas sa pinagtataguan si Juan, sinunggaban ang manok sa mesa, at nagtatakbo sa
punong inakyatan niya.
Nang bababa na siya sa puno, biglang tumilaok ang inahin, “Tak-ta-la-ok!” Malakas at
hindi na ginintuan ang boses nito, kaya nagising ang higante.
“Huy! Anong nangyari? Nasaan ang manok ko?” Nakita niyang halos nasa kalagitnaan
na ng puno si Juan at ito’y hinabol niya.
“Inay, dali!” tawag ni Juan sa ina.
“Akina ang palakol. Hinahabol ako ng higante.”
Pagkaabot sa kanya ng ina ng palakol, inihataw niya itong dali-dali sa puno. Halos
nasa ibaba na ang higante nang maputol niya ang puno. Patay ang higante nang bumagsak
ito sa lupa.
Naging mariwasa ang buhay ni Juan at ng kanyang ina dahil sa manok nilang umiitlog
ng ginto. Hindi naman nila ipinagmaramot ang mga biyaya nila sapagkat tumulong sila sa
maraming salat sa buhay.
Ang Sapatero at ang mga Duwende
May isang sapatero na ubod ng hirap at may materyales lang para sa isang pares na
sapatos. Isang gabi ginupit na niya at inihanda ang mga materyales para gawin sa umaga ang
sapatos.
Anong laking gulat niya nang magisnan niya kinaumagahan na yari na ang mga
sapatos at kay husay pa ng pagkakagawa! Madaling naipagbili niya ang sapatos at nakabili
siya ng materyales para sa dalawang pares.
Inihanda na uli ang mga gagamitin para sa kinabukasan. Paggising niya sa umaga
nakita uli na yari na ang dalawang pares na sapatos.
Naipagbili niyang madali ang mga sapatos at bumili naman siya uli ng mga gamit para
sa apat na pares. Inihanda niya uli ito sa mesa para magawa sa umaga.
Ganoon na naman ang nangyari, na tila may tumutulong sa kanya sa paggawa ng mga
sapatos. Kinalaunan, sa tulong ng mahiwagang mga sapaterong panggabi, gumaling ang
buhay ng sapatero.
“Sino kaya ang mabait na tumutulong sa akin,” tanong niya sa asawa.
“Sino nga kaya? Gusto mo, huwag tayong matulog mamaya at tingnan natin kung sino
nga siya?” alok ng babae.
Ganoon nga ang ginawa ng mag-asawa kinagabihan. Nagkubli sila sa likod ng makapal
na kurtina para makita kung ano nga ang nangyayari sa gabi. Nang tumugtog ang alas dose,
biglang pumasok sa bintana ang dalawang kalbong duwende.
Tuloy-tuloy ito sa mesa at sinimulan agad ang pagtatrabaho. Pakanta-kanta pa at
pasayaw-sayaw pa na parang tuwang-tuwa sila sa paggawa. Madali nilang natapos ang mga
sapatos at mabilis din silang tumalon sa bintana.
“Mga duwende pala!” sabi ng babae. “Kay babait nila, ano?”
“Oo nga. Paano kaya natin sila pasasalamatan? Ayaw yata nilang magpakita sa tao.”
“Hayaan mo. Itatahi ko sila ng mga pantalon at baro at iiwan na lang natin sa mesa sa
gabi.”
Dalawang pares na maliliit na pantalon at dalawang pang-itaas ang tinahi ng babae
para sa mga matutulunging duwende. Ipinatong nila ito sa mesa kinagabihan at nangubli uli
sila sa likod ng kurtina.
Tuwang-tuwa ang maliliit na sapatero nang makita ang mga damit dahil nahulaan
nilang para sa kanila iyon. Isinuot nila ang mga ito at sumayaw-sayaw sa galak.
Pagkatapos nilang magawa ang mga sapatos na handang gawin, mabilis silang tumalon sa
bintana na suot ang mga bagong damit.
Buhat noon hindi na bumalik ang dalawang duwende ngunit nagpatuloy naman ang
swerte sa buhay ng mag-asawa na marunong gumanti sa utang na loob.
Ang Alkansya Ni Boyet

Mahirap lamang ang pamilya ni Boyet. Ang ama niyang si Mang Delfin ay isang
magsasaka subalit walang sariling lupa. Inuupahan lamang nito ang tinatamnan ng palay.
Ang ina naman niyang si Aling Pacing ay simpleng maybahay lamang. Sampung taon na si
Boyet. Siya ang panganay sa kanilang apat na magkakapatid. Sa pasukan ay nasa ika-apat na
baitang na siya ng mababang paaralan.

Kapag ganitong bakasyon ay sinasamantala ni Boyet ang pagkakataon. Gumagawa


siya ng alkansiyang kawayan. Panahon ng pamumunga ng bungangkahoy sa kanilang
bakuran, dahil maluwang ang kanilang bakuran ay maraming punong namumunga. Pinipitas
nila ng kanyang inay ang ay mga bunga at itinitinda iyon sa palengke.

Mabili ang kanilang mga tindang prutas. Kapag nakaubos sila ng paninda ay agad
siyang binibigyan ng pera sa kanyang inay.

“Salamat po, inay. Mayroon na naman akong panghulog sa aking alkansiya.” masayang
sabi ni Boyet.

“Hayaan mo anak, bago siguro maubos ang mga bunga ng ating mga puno ay
mapupuno na ang alkansiya mo,” sabi ng kanyang inay.

Napuno nga ang alkansiya ni Boyet. Masipag kasi siyang mag-ipon.

Nang malapit na ang pasukan ay nagkaroon ng malakas na bagyo at nasira ang mga
tanim na palay ng tatay ni Boyet. Kakaunti lang ang kanilang inani. Nagkautang ang kanyang
itay. Nag-alala naman ang inay ni Boyet. Malapit na ang pasukan at nawala ang inaasahan
nilang panggagalingan ng pera.

“Baka hindi ka makapag-aral ngayong taong ito, anak,” malungkot na sabi ng kanyang
inay.

“Nasira ang mga pananim natin dahil sa bagyo at may utang pa tayo.”

“Makakapagaral po ako, inay. Puno na po ang alkansiya ko. Ito ang gagamitin ko sa
aking pag-aaral,” nakangiting sabi ni Boyet.

Nakapag-aral si Boyet ng pasukang iyon. Salamat at naisipan niyang mag-impok para


sa darating na pangangailangan.
Isang Aral para kay Armando

Laging naiisip ni Armando na napakarami namang ipinagbabawal ang ina sa kanya.


Madalas niyang marinig ang “Huwag mong gawin ito,” “Huwag mong gawin iyan.”
Sumasama ang loob niya kapag naririnig niya ang mga ito.

May isang bagay na talagang lagi niyang gustong gawin kahit ipinagbabawal ng ina –
ang maligo sa ilog. “Napakabilis ng agos ng tubig sa ilog. Maliit ka pa at kaya kang ianod
nito,” laging paalala ng ina.

Ngunit naniniwala si Armando na kaya niya. Marunong naman siyang lumangoy


dahil tinuruan ng Tito Manuel niya. “Matatakutin lang talaga si Nanay,” sabi niya sa sarili.
“Ang sarap siguro talagang lumangoy sa ilog. Mukhang kay la’mig ng tubig.”

Kaya nga, isang araw, kasama ng apat na kalarong bata, nagpunta sila sa ilog.
Masaya silang naghubad ng kamiseta at tumalon sa tubig. Ang sarap maglaro sa tubig.
Wiling-wili ang mga bata. Maya-maya, naisip ni Armando na lumangoy sa banda-bandang
unahan. Unti-unti siyang umusad.

Bigla na lamang bumilis ang agos ng tubig at siya’y tinatangay na palayo, patungo sa
malalim na parte ng ilog. Pinipilit niyang pigilan ang katawan ngunit hindi niya makaya ang
malakas na agos ng tubig.

“Ben!” sigaw niya. “Saklolo!”

Ngunit hindi rin magaling lumangoy ang mga kasama niya. Napamulagat na lang sila
sa di-masaklolohang kababata. Mabuti na lang at may biglang tumalong lalaki mula sa mga
kahuyan. Naroon pala ang isang kanayon nila na may paiinuming baka.

Nasagip si Armando ng lalaki ngunit may ilang sandali bago siya nahulasan.
“Salamat po, Mang Tacio. Akala ko’y katapusan ko na. Nagdasal po ako at kayo ay dumating.
Dapat nga pala akong sumunod sa sinasabi ni Nanay.”

Tama si Armando. Batid ng mga magulang ang nararapat sa mga anak kaya dapat
silang sundin. Ang isa pang natutuhan ni Armando ay kapag nasa panganib, tumawag agad
sa Diyos at ang tulong ay darating.
Huling Limang Oras
Tumunog na ang bell. Hudyat para magsiuwian na ang mga estudyanteng kagaya ko.
Pero bakit ang aga? Siguro ay nagkaroon na naman ng biglaang pagpupulong ng mga guro
para sa darating na foundation day. Mukhang umaayon sa akin ang tadhana dahil ngayon din
ang pag-uwi ng aking ina galing sa abroad.
Nasasabik na ako dahil noong limang taong gulang lang ako ng huli ko siyang makita.
Ano na kayang itsura nya ngayon na ako ay nasa ikalawang baitang na ng pagiging high
school.
Sa aking pag uwi ay may nasulyapan akong isang babaeng umiiyak, tinulak ako ng
aking pagkausyoso para tanungin kung bakit sya umiiyak.
“Ale, bakit po kayo umiiyak?” natanong ko sa babae.
“Hindi ko na kasi makikita ang aking anak habangbuhay.”
“Kung hindi ninyo po mamasamain, maari ho ba kayong sumama sa akin upang
mawala ang inyong lungkot, iyon ay kung nais nyo lamang,” ang di ko mawari kung bakit ko
nasabi.
Ang pagtango niya at pag-abot sa akin ng kanyang kamay ay senyales lamang ng
kanyang pagpayag.
Hindi namin namamalayan ang oras habang kami ay magkasama, tila isang panaginip
ang nangyayari. Sa kalagitnaan na aming kasiyahan ay nagwika ang ale, “Maari mo bang ipikit
ang iyong mga mata?”
Sinunod ko ang kanyang utos at gayon na lamang ng maramdaman ko ang pagdampi
ng kanyang mga labi sa aking noo at ang narinig ko ay ang kanyang pagsabi sa akin ng “Mahal
Kita”.
Sa aking pagmulat ay nawala ang ale na hindi ko man lang naitanong kung ano ang
kanyang pangalan. Biglang umihip ang malamig na hangin na niyakap ang aking buong
paligid.
Hindi ko namalayan ang oras. Tiningnan ko ang aking relo.
“Aba, anong oras na kailangan ko na pa lang umuwi” nasabi ko sa aking sarili. Nilisan
ko ang lugar na iyon ng may tanong na hindi ko alam kung kailan masasagot.
Sa aking pag-uwi ay nakita ko ang aking ama na tila kakatapos lang lumuha. Anong
problema? Lumapit ako sa kanya at nagmano. Siya ay biglang nagwika,
“Anak iniwan na tayo ng nanay mo, namatay siya sa aksidente limang oras na ang
nakalilipas.”
Imbis na umiyak ay naitanong ko lang sa kanya kung may litrato siya ng aking ina,
nagulat na lamang ako sa aking nakita…
Hindi nya ako iniwan ng walang paalam. Ipinarating niya sa akin kung gaano ako kahalaga
at kamahal niya.
Siya pala ang ale na aking nakasama kanina, ang umiiyak na ale.
Ang inakala ko na isang istranghero ay ang mahal kong ina. Kahit sa kaunting panahon
ay nakasama ko siya. Sa huling limang oras ay pinuno ang buhay ko ng kasiyahan na noon ko
lang naranasan.
Ang Bata at ang Aso
Si Boyet ay may alagang aso. Ang tawag niya dito ay Tagpi. Puting-puti ang makapal na balahibo
ni Tagpi. Sa bandang likod ay mayroon itong isang malaking tagpi na kulay itim. Iyon ang dahilan
kung bakit tagpi ang itinawag ni Boyet sa kanyang aso. Mahal na mahal niya si Tagpi. Palagi niya
itong pinaliliguan. Binibigyan niya ito ng maraming masasarap na pagkain at tubig. Madalas din
niya itong ipinapasyal.

“Habol, Tagpi!” sigaw niya habang nakikipag unahan siya sa pagtakbo sa alaga.

Isang araw ay may naligaw na aso sa lugar nina Boyet. Kasing laki ni tagpi ang aso pero kulay
tsokolate ito. Manipis ang balahibo ng tsokolateng aso kaya hindi ito magandang tingnan.
Marami pang putik sa katawan kaya mukha rin itong mabaho. Hindi ito katulad ni Tagpi na ubod
ng linis dahil araw-araw niyang pinaliliguan.

Nakita ng tsokolateng aso si Tagpi. Lumapit ito sa bakod nila at tinahulan ang kanyang alaga.
Gagalaw-galaw pa ang buntot ni Tagpi na parang tuwang-tuwa.

Hindi nagustuhan ni Boyet na makikipaglaro si Tagpi sa marungis na aso. Binugaw niya ang aso
pero ayaw nitong umalis.

“Tsuu,tsuu!” bugaw niya rito.

Ayaw umalis ng aso, panay ang tahol nito kay Tagpi. Nainis si Boyet. Kumuha siya ng mahabang
patpat at hinampas niya ang aso. Nabuwal ito at nag-iiyak.

Hahampasin sana muli ni Boyet ang kulay tsokolateng aso para tuluyan nang umalis pero
dumating ang kanyang tatay, agad siyang inawat nito.

“Huwag mong saktan ang aso, Boyet” sabi ng kanyang ama.

“Ang baho po kasi, Itay! Baka mamaya ay mahawa pa sa kanya si Tagpi,” katwiran niya.

“Paano kung si Tagpi ang mapunta sa ibang lugar at saktan din siya ng mga bata doon.
Magugustuhan mo ba iyon?” tanong ng ama.

Hindi nakasagot si Boyet. Napahiya siya.

Tinulungan nilang makatayo ang aso. Pinabayaan na niya itong makipaglaro kay Tagpi.
“Si Stella At Ang Mga Kaibigan Niya Sa Araw ng Pasko”

Anak-mayaman si Stella subalit hindi siya katulad ng ibang lumaki sa karangyaan na walang
ginawa kung hindi ay mamasyal sa kung saan-saan at magpakasarap sa buhay.

Kahit ang ama niya, si Don Manuel, at ang ina niya, si Señora Faustina, ay lubos ang
pasasalamat sa mabuting loob ng kanilang nag-iisang anak. Kakaiba ang kabutihan na
ipinapakita nito lalong-lalo na sa mga mahirap na tao.

Tuwing Pasko, niyayaya ni Stella ang mga kaibigan niya na pumunta sa bahay-ampunan sa
Marga Hera. Namimigay sila ng mga laruan, pagkain, at iba pang mga regalo sa mga bata
doon.

“Stella, matanong ko lang, bakit dito tayo pumupunta tuwing Pasko?” tanong ni Fey, isa sa
mga matalik na kaibigan ng dalagita

“Malapit kasi ang puso ko sa mga bata sa bahay-ampunan. Gusto ko na kahit isang beses lang
sa isang taon ay mapasaya ko sila,” paglalahad ng dalagita.

“Hindi isang beses sa isang taon bes, isang beses sa dalawang linggo. Swerte nila sa’yo friend,”
sabi ni Bea sa kaibigan.

Masayang-masaya ang mga bata sa ampunan noong araw na iyon. Dinalhan sila nina Stella
ng piniritong manok, spaghetti, sandwich, hotdog, at salad. Marami rin silang bagong laruan
at may mga hindi pa nabubuksan na mga regalo.

Habang sumasakay sa auto ang tatlong magkakaibigan, biglang ikinuwento ni Stella ang
tunay na dahilan kung bakit malapit ang loob niya sa bahay-ampunan sa Marga Hera.

“Alam niyo, nais ko silang mapasaya dahil talagang ibang-iba ang buhay natin sa kanila.
Maswerte tayo at lumaki tayo kasama ang pamilya natin.

Hindi naka-imik sina Bea at Fey sa narinig nila. Nagpatuloy si Stella sa pagsasalita at doon
nila lubusang naintindihan ang kanilang kaibigan.

“Laking-ampunan si Mommy pero marami ang hindi alam iyon. Noong bata pa ako, palagi
niyang kinukwento ang mga naging karanasan niya.

Mahirap raw ang lumaki na walang mga magulang pero nagpapasalamat siya at may mga
mabubuting tao na nag-aalaga sa kanila roon,” sabi ni Stella.

Simula noong narinig nila ang mga sinabi ni Stella, ni minsan ay hindi na uli nagtaka sina Bea
at Fey sa kabutihang ipinapakita ng kaibigan nila sa mga bata. Lubos nilang naunawaan na
labis ang natutunan niya sa karanasan ng kanyang ina.
Ang Bahay Na Bigla Na Lang Nawala Isang Gabi

Nag-iisang anak nina Mang Kanor at Aling Pacita si Jose kung kaya’t ginagawa nila ang
lahat para dito. Nakatira ang maliit na pamilya sa isang baryo sa probinsya ng Santo Tomas.
Simula noong ipinanganak si Jose ay doon na sila tumira.
Hindi masyadong malaki ang bahay nina Jose pero palaging malinis ang loob nito
lalong-lalo na ang silid ng nag-iisang anak ng mag-asawa.
Kahit hindi man marangya ang pamumuhay nila, masasabing komportable ang buhay
na ibinibigay nina Mang Kanor at Aling Pacita kay Jose. Kaya lang, habang lumalaki ay
tumitigas ang ulo ng kanilang anak.
“Wala pa si Jose? Anong oras na,” sabi ni Mang Kanor.
Dali-dali na bumihis ang mag-asawa at naglakat patungong baryo. Wala na kasing
masasakyan na dyip pag sumapit na ang alas diyes ng gabi. Sinundo nila si Jose sa isang
tiyangge.
“Nagku-kwentuhan lang naman po kami ng mga barkada ko. Wala namang masama
doon, uuwi ako kung hindi man mamaya, e, bukas pag may dyip na,” sabi ni Jose.
Walang nagawa ang mag-asawa. Hinintay nila si Jose malapit sa tiyangge na
tinatambayan ng grupo niya hanggang magpasya ang magbabarkada na umuwi.
Padabog pa si Jose noong dumating na sila sa bahay nila habang ang ama’t ina niya ay pagod
kakalakad.
Nagpatuloy ang ganung ugali ni Jose. Palagi siyang sinasabihan ng mga magulang niya
na umuwi agad pagkatapos ng klase pero wala ito sa kanya hanggang isang gabi ay dumating
ang hindi niya inaasahan.
Mag-aalas onse na ng gabi nang dumating si Jose sa kanila. Malayo pa lang ay tanaw
na niya ang mga ka-baryo nila na nagsisitakbuhan papunta sa kanilang bahay na may bitbit
na balde.
“Jose ang bahay niyo nasusunog,” sigaw ni Mang Tomas, ang karpintero na nakatira
malapit sa kanila.
Natulala si Jose. Naalala niya ang bilin ng mga magulang niya na umuwi ng maaga at
nami-miss na nilang maghapunan kasama siya. Pumatak ang luha niya ng hindi niya
namamalayan.
Madaling-araw na ng naapula ang apoy. Halos kusina na lang nina Jose ang natira.
Hindi na rin makilala ang katawan ng mga magulang niya. Natagpuan ang mga ito sa kanilang
hapag-kainan.
“Tay, Nay patawad,” ang nasabi ni Jose sa harap ng mga bangkay ng magulang niya
bago siya nagsimulang humagulgol.
Basahin ang maikling kwento at sagutin ang mga tanong pagkatapos nito.

Ang Plaster ni Bong

Isang araw, pumasok si Bong sa klase na naka-benda ang kamay. Nagtaka ang
kanyang mga kaklase at unti-unting naglapitan sa kanya. “Anong nangyari sa iyo,
Bong?”, tanong ni Annie.

“Plaster yan, hindi ba? Naku, nabalian ka ng buto!” ang malakas na sigaw ni Tito mula
sa likuran

“Oo, Tito. Nabali ang buto ko sa braso. Nag-bisikleta kasi ako sa madulas na kalsada
at nadisgrasya. Dapat talaga nakinig ako kay Nanay. Hindi pa sana nangyari ito.”,
mahinang sagot ni Bong.

“Hayaan mo na, Bong. Gagaling din yan pagkatapos ng ilang buwan.”, sabi ni Emy
habang inaalalayan si Bong sa kanyang upuan.

Tumahimik ang lahat ng dumating si Gng. Santos. Hudyat na ito ng simula ng klase.
Matapos nilang magdasal ay nagsalita ang guro sa lahat.

“Salamat sa pag-aalala ninyo sa inyong kaklase. Tulungan muna natin siya sa ilang
mga gawain habang ang kamay niya ay naka-plaster.”

Ano ang damdaming ipinahayag ng bawat sinabi ng mga karakter sa kwento? Isulat
ang titik ng tamang sagot sa patlang.

________1. Bong ________ 2. Annie ______ 3. Tito

________4. Emy __________5.5. Gng. Santos

a. pagbibigay pag-asa b. pagbibigay paalala c. pag-aalala

d. pagtataka e. pagsisisi
Isulat ang iyong palagay sa mga sumusunod na katanungan.

1. Ano kaya ang nangyari kung sinunod ni Bong ang utos ng kanyang ina?

______________________________________________________________________

______________________________________________________________________

2. Bakit kaya naisip kaagad ni Tito na nabalian ng buto si Bong?

______________________________________________________________________

______________________________________________________________________

3. Paano kaya ipapakita ng mga kaklase ni Bong ang pagtulong sa kanya habang ang
kamay niya ay naka-plaster?

______________________________________________________________________

______________________________________________________________________

Basahin ang kwento sa ibaba at pagkatapos ay sagutan ang mga tanong.

Ang Alamat ng Langaw

Noong unang panahon, mayroong isang bayang kahit saan ka lumingon at may basura.
Ang mga tao ay masasayang namumuhay sana ngunit hindi sila marunong maglinis ng
kanilang mga bakuran. Ang mga bata ay laging marurumi at hindi marunong maligo.
Ngunit walang gumagawa ng hakbang para luminis ang lugar. Kuntento lamang ang
mga tao sa kanilang buhay hanggang isa-isang nagkawalaan ang mga tao.

Natakot ang mga mamamayan ng bayan. Napadalas kasi ang pagkawala ng kanilang
mga kababayan. Iniutos ng hari na magkaroon ng mga grupo ng tao na mag-iikot araw
at gabi upang magbantay. Doon nila nakita ang higanteng si Angaw.
“Masarap talagang kumain ng tao lalo na kung ito’y marumi, ” narinig pa nila itong
sinabi ni Angaw habang nag-iikot sa kadiliman ng gabi. Isinumbong ito ng mga
mamamayan sa hari.

Dahil doon, ipinagutos ng hari na magtulong-tulong ang lahat na maglinis ng kanilang


bayan. Tinuruan din nila ang mga batang maglinis ng katawan. Bumango at luminis
ang bayan.

Natigil ang pagkawala ng mga tao mula sa bayang ito. Nagtaka sila kung anong
nangyari kay Angaw. Sa kanilang paghahanap, nakita nilang ito’y namatay na sa
gutom dahil wala nang makaing maruruming tao. Inihagis nila ang bangkay nito sa
isang malalim na bangin kung saan nila itinapon ang mga basura ng kanilang bayan.

Pagkatapos ng ilang lingo ay nawala ang bangkay ni Amok at nagkarooon ng


maraming lumilipad-lipad na insekto dito. Tinawag nila itong Langaw upang maalala
ang higanteng si Angaw. Tinabunan nila ang basura ng lupa at nawala ang mga
langaw na lumilipad-lipad.

Magmula noon ay hindi na pinabayaan ng mga mamamayan ang kalinisan sa kanilang


lugar at mga katawan. Ayaw na nilang bumalik ang mga langaw sa kanilang lugar.

1. Ano ang pangyayaring nagdulot ng takot sa mga mamamayan ng bayan?

______________________________________________________________________

2. Ano ang pangalan ng higanteng kumakain ng tao sa kanilang lugar?

______________________________________________________________________

3. Bakit gustong-gustong kainin ng higante ang mga tao sa kanilang bayan?

______________________________________________________________________

4. Ano ang ginawa ng mga tao upang mapuksa ang higante?

______________________________________________________________________

5. Ano ang kanilang natagpuan sa bangin kung saan nila itinapon ang bangkay ng
higante?

______________________________________________________________________
Pagsunud-sunurin ang mga pangyayari sa pamamagitan ng pagsulat ng mga bilang 1
hanggang 4.

______Naglinis ng pamayanan at katawan ang mga tao.

_______Kinain ng higante ang mga taong marurumi.

______Pinabayaan ng mga mamamayan na maging marumi ang kanilang mga sarili at


ang kanilang bayan.

___ Natagpuan nila ang mga insektong lumilipad-lipad sa bangin kung saan nila
itinapon ang bangkay ng higante.

Tungkol saan ang paksa ng bawat talata? Bilugan ang titik ng iyong sagot.

1. Maraming kayong magagamit sa paglilinis ng bahay. Una na dito ang sabong


panglaba. Ginagamit ito sa paglalaba at sa pag-alis ng dumi sa mga gamit. Maari ring
gamitin ang suka sa pagtanggal ng mantsa.

a. Ang suka ay mabisang pangtanggal ng mantsa.

b. Ginagamit ang sabon sa paglalaba.

c. Ang suka at sabong panglaba ay mabisang panlinis.

2. Ang langaw ay isang insektong hindi nakakatuwa dahil marami itong sakit na
dinadala. Kumakapit ang mikrobyo sa mga paa nito sa tuwing dadapo ito sa basura.
Ang mikrobyo naman ay nalilipat sa pagkain kapag dumapo na ang langaw. Maaaring
magkasakit ang taong makakakain ng pagkaing dinapuan ng langaw.

a. Nakakakuha ng mga sakit sa langaw.

b. Maliit lang na insekto ang langaw.

c. MIkrobyo ang dahilan ng sakit.

You might also like