You are on page 1of 11

Ang Mag-inang Alimasag

Gusto ng Inang Alimasag na tularan siya ng mga anak sa lahat ng bagay. Para sa kaniya,
siya ang modelong dapat na tingalain. Gusto naman ng mga anak na ituro lang sa kanila ang
dapat nilang gawin at sila na mismo ang gagawa sa mga bilin.

Mabuti kung tama ang ipinagagawa ng Inang Alimasag. Kung tama, walang problemang
pinapasan ang mga bata pero kung mali, nagrerebelde ang mga bata na ikinaiirita ng matanda.

"Sa mga umpukan dapat lang na makipag-usap kayo sa mga bisita. Pakikipagkapwa ang
tawag ninyo dito." payo ng Inang Alimasag.

Maganda ang gustong ipamulat ng Ina sa mga anak. Ang pakikipag-usap nga naman ay
pagpapatunay ng pakikipagkapwa. Dapat na makipag-usap ang Alimasag sa mga Pagong at
Palaka, sa Bibe at Gansa. Pero napagmasdan ng mga batang Alimasag na hindi pakikipagkapwa
ang pakikipag-umpukan ng Inang Alimasag. Punung-puno ng pamimintas ang kinauuwian ng
pakikipagpalagayan. Ang kanilang inang dapat sanang ipagparangalan ay ikinahihiya nila sa mga
kaibigan.

"Sa mga nangangailangan," payo ng Inang Alimasag sa mga anak, "dapat lang na
tumulong kayo bilang kawanggawa. Ang nagugutom ay dapat ninyong pakainin at ang nauuhaw
ay dapat na painumin."

Sabi-sabi lang iyon ng Inang Alimasag. Ipinanghihingi nito ng pagkain at inumin ang
nagkasakit na Unggoy at Loro. Ang di matanggap ng mga batang Alimasag ay inimbak ng Inang
Alimasag ang sobrang tulong sa kaniyang taguan para sa sariling pangangailangan.

Minsan, tinawag ng Inang Alimasag ang pinakamatanda niyang anak.

"Ikaw na pinakamatanda kong anak ang aking tinawag. Napapansin kong pare-pareho
kayong magkakapatid kung maglakad. Dapat na taas noo at tuwid kayong maglakad na
magkakapatid."

"Bakit? Hindi po ba taas noo at tuwid kaming maglakad?"

"Ituturo ko ba sa inyo kung hindi ko nakita?"

"Sige. Ituro nga po ninyo at nang matutuhan ko. Ang lahat ng matututuhan ko sa inyo ay
ituturo ko sa mga kapatid ko."

"Ganito, pagmasdan mo." Itinaas na ng Inang Alimasag ang leeg niya at nagsimulang
maglakad. Pero kahit anong pagsisikap ay hindi rin niya napilit ang mga paang maglakad nang
tuwid. Katulad ng lahat ng Alimasag sa buong daigdig, kung maglakad din siya ay patagilid.
Ang Mambububuyog
May isang mambububuyog o tagapag-alaga ng mga Bubuyog na masigasig na taga-ipon
ng pulot. Kapag naghahanap ng nektar at polen ang mga Bubuyog ay kinukuha ng mga tagapag-
alaga ang mga nagawa nang pulot sa mga pulutpukyutan. Laging may iniiwang sapat na pulot
ang tagapag-alaga upang magpatuloy sa pagpupulot pukyutan ang mga Bubuyog.

Isang araw habang naghahanap ng polen ang mga Bubuyog at dumadalaw sa mga kamag-
anak ang tagapag-alaga ay may magnanakaw na pumasok sa pukyutan. Kinuha ng magnanakaw
ang lahat ng pulot. Sinira rin niya ang lahat ng pukyutan.

Nang magbalik ang tagapag-alaga ay galit na galit ito sa pagnanakaw at paninirang


ginawa sa kaniyang pukyutan. Pinilit na pagdugtung-dugtungin ng tagapag-alaga ang pukyutang
winasak.

"Napakasama ng ugali. Ninakaw na niya ang lahat ng pulot, sinira pa ang pukyutan ng
mga alaga kong Bubuyog," masamang-masama ang loob na bulong ng tagapag-alaga.
"Napakababait ng mga Bubuyog ko. Ang mga pulot na handog nila sa akin ay naipagbibili ko sa
maraming parokyano."

Habang pinupulot ang nawasak na mga pukyutan ay narinig ng tagapag-alaga ang tila
businang mga ugong ng mga Bubuyog na papadating. Nang makita ng mga Bubuyog na wasak
na ang kanilang mga pukyutan ay inakala nilang ang tagapag-alaga ang may kagagawan. Sama-
sama nilang pinagkakagat ang tagapag-alaga sa kamay, sa leeg, sa mukha.

"Magsitigil kayo!" galit na sigaw ng tagapag-alaga. "Hindi ako kundi ang magnanakaw
ang sumira ng inyong pukyutan."

Napatigil ang mga Bubuyog at atentibong nakinig sa amo nila.

"Hindi makatarungang ako na nag-alaga sa inyo ang mananagot sa pagkasira ng mga


pukyutan. Pinakawalan ninyo ang buhong na magnanakaw. Bakit ako ang inyong
pagbibintangan? Hindi kayo makatarungan."
Ang Mapagkunwaring Palaka

Gustong magkapera ng palaka kaya umisip siyang magdunung-dunungan upang


makapanggamot bilang ekspertong doktor. Umakyat siya sa isang malaking kahon at parang
tunay na manggagamot na nagsalita.

"Ako si Dr. Palaka, nag-aral ng medisina sa iba't ibang bansa. Tinatawagan ko kayong
lahat upang lalo kong magabayan ang inyong kalusugan, kakisigan at kagandahan."

Marami ang nag-usyosong nagpunta. Gusto nilang malaman kung anong uri ng doktor
itong mayabang na nananawagan.

"Dr. Palaka, Dr. Palaka," usisa ng ibong Pugo, "kayo po ba yung palakang naligo
kahapon sa sapa?"

"Hindi. Hindi ako yon." pagsisinungaling ng Palaka. "Maraming mikrobyo sa sapa. Bakit
maliligo ako doon?"

"Dr. Palaka, Dr. Palaka," tanong ng Daga, "kayo po ba yung narining kong kokak nang
kokak sa ilalim ng puno ng saging nang umulan noong Biyernes?

"Hindi, hindi ako yon." pagsisinungaling ng Palaka. "Hindi dapat magpabasa sa ulan
upang hindi tayo dapuan ng karamdaman."

Upang di na siya pagtatanungin at usi-usisain, binigyang diin niya na dapat matuwa ang
lahat ng hayop at nakapiling siya.

"Masuwerte kayo sapagkat dala ko ang mga biyaya ng mga bathalang natulungan ko.
Napalaki ko ang mga bisig ni Hercules. Napabilis ko ang pagtakbo ni Merkuryo at napaganda ko
ang kutis ni Venus. Sa kaunting halaga lang ay matutulungan ko kayong makamit ang isang libo
at isang kakisigan, kagandahan at kalusugan. Ako po si Dr. Palaka."

"Ano, matutulungan mo akong kumisig? E kung ang malaki mong bibig ay hindi mo
mapaliit, matatabasan mo kaya ang nguso ko?" walang tiwalang pahayag ng Lobo.

"At kung hindi mo napaliliit ang nakabural mong mga mata, paano mo mapauunlad ang
aking kagandahan kung hindi mo mababawasan ang nakausli kong mga tenga?" pag-aalinlangan
ni Binibining Kuneho.

"Ikaw na manggagamot na dapat sana ay may malusog na pangangatawan at walang


bundat na tiyan ay dapat lang na maging halimbawa ng karamihan!" galit na puna ng malusog na
Kambing.

"Hindi kami naniniwala sa iyo."

"Hindi ka talagang doktor." paratang ng Pusa. "Impostor! Impostor!" sigaw ng lahat.


Nakayukong bumaba sa kaniyang entablado ang Palaka na nagtago sa maputik na sapa.
Ang Maya at ang Magsasaka
Masayang tumutuka ng mga butil ng mais ang Pamilya Maya nang marinig nila ang mga
yabag ng magsasakang papalapit. Sinilip ng mga ibon kung sino ang dumating. Nang malaman
nilang kasama ng may-ari ng sakahan ang dalawa nitong anak na bumibisita sa taniman ay
naglapit-lapit ang mga Maya at nagyukuan. Ayaw nilang ipaalam sa magsasaka na sa maisan sila
nagsisipanirahan. Nalungkot sila sa narinig nilang usapan ng mag-aama.

"Ama, buo na po ang mga butil ng mais. Kailan po ninyo ito gagapasin?"

"Ipagagapas ko yan sa mga kaibigan ko sa isang linggo." Masayang kinapa-kapa ng


magsasaka ang malulusog na butil ng mais at dali-dali silang lumabas sa pataniman.

"Nakaalis na po sila, Inang Maya. Kailangan na po siguro nating umalis dito."

"Huwag kayong mag-alala mga anak. Kami ng Tatay ninyo ang bahala. Hindi ba, Tatay
Maya?"

Tama ang Nanay Maya ninyo. Huwag kayong mag-alala. Hindi pa tayo paaalisin dito."

Kinalingguhan, nakita na naman ng Pamilya Maya ang mag-amang magsasaka. Wala


silang kasamang mga kaibigan.

"Ama, kitang kita na po ang malagintong butil ng mga mais. Kailan ba talaga ninyo ito
gagapasin?"

"Huwag kang mainip. Ipapagapas ko na yan sa mga kamag-anak natin sa isang buwan."

Makalipas ang isang buwan ay nagbalik ang mag-aamang magsasaka na walang kasama
isa man sa mga kamag-anak nila.

"Ama, ama, bahagyang yumuyuko na po yata ang mga mais. Kailan po ba ninyo talaga
ipagagapas ang mga ito?"

"Sa lalong madaling panahon ay pipitasin ko mismo ang mga mais at personal na
tatabasin ko na ang mga namungang puno."

Madaling lumabas ang magsasaka kasunod ang mga anak.

"Naku po," nangangatog na sabi ng mga munting Maya. "Kailangan na po siguro nating
lumipat, Tatay at Nanay Maya."

"Ta... tama kayo. Noong una ay kailangan pa nilang magpatulong sa mga kaibigan.
Ngayon ay kailangang kailangan na nilang anihin ang mga mais at tagpasin ang mga namungang
puno. Hinding-hindi na ipagpapabukas pa ng magsasaka ang pagpapaalis sa atin. Ngayon din ay
dapat natin itong paghandaang lisanin."
Ang Mayabang na Pulang Tandang

Minsan may isang napakayabang na pulang Tandang na tinitingala at kinatatakutan sa


isang komunidad. Pinakamalaki at pinakamataba siya sa lahat ng manok na naroroon.

Lagi at laging kinatatakutan ito sapagkat mapalapit lang dito ang alinmang manok ay
ginigirian na nito at hinahabol ng tuka. Kapag lumalapit na ito ay nagkakaripasan ng takbo ang
ibang matatakuting tandang, inahin at mga sisiw.

Walang makatatalo sa Tandang na ito. Pinakamagarbo itong tumindig, pinakamalakas


tumilaok, pinakamabilis tumakbo at pinakamataas lumipad. Walang ibang tandang na naglakas
loob na lumaban dito. Lagi at laging nanginginig ang tumbong nila iniisip pa lamang nilang
hamunin ito.

Lagi nitong pinaiiral ang pananakot kaya ang lahat ng mga biyaya ay napupunta rito.

Ang pulang Tandang ang nagpapasasa sa mga butil ng palay na unang nakikita ng iba
pang tandang sa mga pilapil.

Ito ang tumutuka sa mga butil ng mais na unang nahahanap ng mga inahin sa mga
lansangan.

Ito rin ang umaagaw sa mga bulateng nakakahig ng mga sisiw sa mga bakuran.

Ang pulang Tandang ang dapat mauna sa pagtilaok kapag sumikat na ang araw sa umaga.

Ang pulang Tandang ang dapat mauna sa pag-ikut-ikot nito sa kabukiran, sa kagubatan,
sa mga lansangan at sa mga bakuran matapos makapananghalian.

Ang pulang Tandang ang dapat mauna sa paglipad sa pinakamagandang sanga kapag
humahapon na.

Ang pulang Tandang ang Hari ng lahat, lumiwanag o dumilim man ang kapaligiran.

Isang umaga ay nanakot na naman ang pulang Tandang. Itiningkayad nito ang
mahahabang mga paa sa kinatatayuang sanga. Sinipat nito ang mababang puno na kinaroroonan
ng nangakapikit pang mga tandang, inahin at sisiw. Nang mapansing siya pa lang ang gising ay
lalo nitong pinakatuwid-tuwid ang pagkakatindig at parang torotot ng haring rumapido ng
pagtilaok sa kaitaasan.

"Ko... ko... ro... kok!" tilaok nito.

Nangagising ang lahat na napatingala. Nagulat ang mga tandang, inahin at sisiw nang
matanawan sa kalawakan ang isang malaking Lawin na dumagit sa pulang Tandang.

Inilipad paitaas ang mayabang na pulang Tandang na walang nagawa kundi


magkakawag. Nang mataas na mataas na ang nalilipad ay binitawan ng higanteng Lawin ang
biktima.

Nagkabali-bali ang mga buto ng masibang Tandang nang bumagsak sa lupa.

Magmula noon, matahimik na nabuhay sa komunidad ang mga tandang, inahin at sisiw.

Wala na ang mayabang na pulang Tandang. Naglaho na ang naghahari-harian.


Ang Tigre at ang Langgam

Isang tigre ang naglalakad. Naghahanap siya ng mapagpapahingahan. Nakakita siya ng


isang malilim na puno. Agad siyang nahiga sa ilalim nito. Ngunit bigla siyang napatayo! May
naramdaman siyang kumagat sa kanya. Inalam niya kung ano ito. Isang langgam ang nakita
niyang papaakyat na sa puno.

"Hoy, Langgam! Ikaw ba ang kumagat sa akin?" usig niya sa langgam.

"Pasensya ka na. Hindi ko sinasadya. Nasaktan kasi ako nang ako'y mahigaan mo,"
paliwanag ng langgam.

"Kayliit mo'y ang tapang mo! Gusto mo bang lumaban sa akin?" hamon ng tigre sa
langgam.

"Aba, hindi! Paano ako lalaban sa iyo ay ang laki-laki mo?" mabilis na sagot ng langgam.

"Lalong hindi ako papayag na pakawalan ka na lang pagkatapos mo akong kagatin.


Bumaba ka riyan at harapin mo ako!" galit na sabi ng tigre.

"O sige na nga. Pero dahil malaki ka, tatawag ako ng aking mga kasama," wika ng
langgam.

"Sige, tawagin mo pa ang buong lahi mo. Wala kayong laban sa akin," mayabang na
sagot ng Tigre.

Hindi na sumagot ang langgam.

Tahimik na umalis na lamang ito.

Maya-maya ay nagbalik ito kasama ang napakaraming langgam.


"Narito na kami. Ako at ang aking mga kasama ay handa na. Gusto mo pa bang lumaban?"
tanong ng langgam.

"Kahit ako nag-iisa, sa laki kong ito, wala kayong panalo sa akin. Isang tapak ko lang ay
patay kayong lahat," nagyayabang na sagot ng tigre.

"Kung gayon, umpisahan na natin," sabi ng langgam.

Nagsimulang maglaban ang tigre at mga langgam. Tila iisang kumilos ang mga langgam.
Sa isang saglit lang ay napuno ng langgam ang buong katawan ng tigre at sinimulan nilang
kagatin ito. Hindi malaman ng tigre ang kanyang gagawin. Nagtatalon siya para mahulog ang
mga langgam. Ngunit matibay ang kapit ng mga ito. Mula ulo hanggang paa ay may nakakagat
sa kanya. Hindi niya makuhang gantihan ang mga langgam. Isa man ay wala siyang mapatay sa
mga ito. Dahil dito, hindi na siya nakatiis.

"Suko na ako! Tama na!" sabi nito. Biglang bumitaw ang mga langgam sa tigre.

"O, bakit nagsisimula pa lamang ang laban ay suko ka na?" tanong ng langgam.

"Ngayon ay alam ko na. Kahit pala kayo maliliit ay hindi ko kayang talunin dahil may
pagkakaisa kayo," malumanay na sabi ng tigre.

"Kung gayon hindi mo na kami aapak-apakan, maging ang ibang maliliit na hayop dito sa
gubat?" tanong ng langgam.

"Oo, ipinangangako ko," sagot naman ng tigre.


Hindi na sumagot ang langgam. Lumakad na ito kasunod ang mahabang pila ng mga
kasamang langgam. Alam niyang magbabago na ang tigre.

Nakaalis na ang mga langgam ay tulala pa rin ang tigre. Hindi pa rin siya makapaniwala
sa nangyari sa kanya. Dati'y halos lahat ng hayop sa gubat ay takot sa kanya. Langgam lamang
pala ang katapat niya.
Ang Tigre at ang Lobo
Isang araw ay nahuli ng Tigre ang isang Lobo sa kasukalan. Kakainin na sana ng
mabangis na Tigre ang kaniyang huli nang itaas ng Lobo ang kaniyang leeg at nagwikang,
"Teka, teka. Alam mo bang kaproproklama lamang ng mga Bathala na ako na raw ngayon ang
Hari ng Kagubatan?"

"Ikaw? Hari ng mga Hayop?" hindi makapaniwalang sabi ng Tigre.

"Kung hindi ka naniniwala ay sumama ka at maglakad tayo sa buong kagubatan. Tingnan


mo lang kung hindi matakot ang lahat makita lang ako!"

Hindi malaman ng Tigre kung paniniwalaan ba o hindi ang tinuran ng Lobo.

Mayabang na lumakad sa harapan ng Tigre ang Lobo. Nang ayain ng Lobo ang Tigreng
umikot sa kagubatan ay napasunod ito.

Malayo pa lamang sa mga Usa ay kumaway-kaway na ang Lobo sa mga hayop na may
mahahabang sungay. Takot na napatakbong papalayo ang mga Usa. Ganoon din ang naging
reaksiyon ng mga Kambing, ng mga Kuneho at ng mga Tsonggo.

Takot ding nagsilayo ang mga Baboydamo at mga Kabayo.

Takang-taka ang Tigre.

Nang magtakbuhan sa sobrang takot ang mga hayop ay mayabang na nagsalita ang Lobo,
"Kaibigan, naniniwala ka na bang ako na nga ang Hari ng Kagubatan?"

Napansin ng Tigre na kapag lumalapit na silang dalawa sa mga hayop ay lagi at laging
nasa likod niya ang tusong Lobo.

Napag-isip-isip niyang hindi sa Lobo takot ang Usa, ang Kambing at Kuneho. Hindi rin
dahil dito kaya kumaripas ng takbo ang Tsonggo, ang Baboyramo at Kabayo. Nang manlisik na
ang mga mata ng Tigre at magsitayo na ang mga balahibo nito sa galit ay mabilis pa sa
alaskwatrong nagtatakbong papalayo ang takut na takot na Lobo.
Ang Tsonggo at ang Alamid

Sa gitna ng isang ilog ay may maliit na isla. Sa nasabing isla ay may nakatanim na mga
puno ng peras na hitik na hitik sa bunga.

Ang Alamid at ang Tsonggo na nakatayo sa tabing ilog ay pinanlalakihan ng mga mata.
Gustung-gusto nilang pitasin at kainin ang madidilaw na sa hinog na peras. Ang problema,
malayo sila sa mga puno na natatanaw lamang nila. Hindi sila marunong lumangoy at wala ring
bangka sa paligid nila.

Nagkasundo ang dalawang kumuha sila ng malalaking sanga ng mga puno sa paligid.
Pinagtabi-tabi nila ang mga ito at itinali ng mga yantok. Nang mapahaba ang tulay ng mga sanga
ay itinulak nila ito sa tubig.

"O, hayan, mahabang-mahaba na ang tulay natin papuntang isla. Puwede na tayong
lumakad sa ibabaw ng tulay upang kunin ang mga peras sa isla," paliwanag ni Tsonggo.

"Sampa na!" utos ni Alamid.

Napansin ni Tsonggong tumatagilid ang tulay kapag silang dalawa na ni Alamid ang
sabay na tumatapak. Bumaba na sila sa tulay at nag-usap.

"Hayaan mong mauna akong lumakad sa tulay. Sumunod ka pag narating ko na ang isla,"
suhestiyon ni Alamid.

Pumayag si Tsonggo sa kundisyong paghahatian nila ang mga peras na hating kapatid.

Nauna nga si Alamid pero nang marating na nito ang isla ay naiba na ang simoy ng
hangin. Ngingisi-ngisi nitong inakyat ang mga puno.

"Pagkarami-raming peras! Lahat ng peras ay akin. Wala akong ititira sa iyo."

Matagal na naghintay sa tabing-ilog si Tsonggo. Galit na galit ito sa di pagtupad ni


Alamid sa napag-usapan nila.

Upang makaganti ay may naisip na istratehiya ang Tsonggo. Hinatak niya ang tulay
papuntang tabing ilog. Nang makita ni Alamid na papalayo na sa isla ang tulay ay nagtatalon
siya sa takot.

"Maawa ka, Tsonggo! Maawa ka! Ibalik mo ang tulay. Hahatian kita ng peras. Pangako!"
nagtatalon sa takot ang Alamid.

"Ikaw ang magpahinog!" bulong ni Tsonggo. "Paano mo ko mahahatian e inubos mo na


lahat ang peras. Kailangan pang hintayin ang isang taon para mamulaklak at magbunga ang
puno. Iyo na lahat ng peras. Akin naman ang tulay sa tabing ilog ko papalayo sa isla mo!"
Ang Unggoy at ang Pagong

Magkaibigan sina Unggoy at Pagong. Minsan sa kanilang pamamasyal ay nakakuha sila


ng isang punong saging. Naisip nilang paghatian at itanim ito.

Likas na tuso ang unggoy kaya nagmamadali niyang pinili ang bahaging itaas ng saging.
Sa kanyang palagay ay malapit na itong mamunga dahil marami ng dahon. Masaya niya itong
itinanim. Samantala, walang kibo namang itinanim ni Pagong ang ibabang bahagi ng saging.

Makalipas ang ilang araw ay natuyo nang lahat ang dahon ng saging na itinanim ni
Unggoy. Samantala, dahil may ugat ang bahaging itinanim ni Pagong, unti-unti nang sumibol
ang dahon nito. Labis ang kasiyahan ni Pagong nang magbunga ang kanyang saging. Hindi
nagtagal ay nahinog na ito. Ngunit hindi naman niya maakyat ang puno. Tinawag niya ang
kaibigang si Unggoy upang tulungan siyang makuha ang bunga ng saging.

Mabilis namang umakyat sa puno si Unggoy. Agad itong namitas at kumain nang kumain
sa itaas ng puno. Sa halip na bigyan si Pagong ng bunga ay balat ang itinatapon ni Unggoy kay
Pagong. Dahil dito ay nagalit si Pagong at tahimik itong umalis. Maya-maya ay bumalik itong
may dalang mga tinik. Inilagay niya ito sa katawan ng puno ng saging. Pagkatapos ay dali-dali
siyang umalis nang hindi namamalayan ni Unggoy. Nang mabusog si Unggoy, hinanap niya sa
ibaba si Pagong. Ngunit hindi na niya ito nakita.

Mabilis siyang bumaba sa puno kaya hindi niya napansin ang mga tinik sa katawan nito.

"Aruy! Bakit napakaraming tinik dito?" panaghoy ni Unggoy.

Matapos alisin ang mga tinik ay hinanap niya si Pagong. Sa di kalayuan ay naabutan niya
ang humahangos na si Pagong.

"Aha! Nahuli rin kita. Bakit mo nilagyan ng tinik ang puno?" usig nito kay Unggoy.

Hindi kumibo ang nag-iisip na si Pagong kaya lalong nagalit si Unggoy.

"Dudurugin kita nang pinung-pino," matigas na sabi ni Unggoy.

"Mabuti naman at dadami kami," mahinahong sagot ni Pagong.

Nag-isip si Unggoy. "Alam ko na! Iihawin kita sa apoy."

"Salamat naman at lalo akong gaganda dahil pupula ang buo kong katawan," wika ni
Pagong.

Muli, nag-isip na naman ang unggoy habang mahigpit pa ring hawak-hawak ang pagong.

"Itatapon kita sa ilog," banta ni Unggoy.

"Huwag! Para mo nang awa! Malulunod ako!" pagsusumamo ni Pagong.

Sa narinig ay dali-daling itinapon ni Unggoy si Pagong sa ilog.

"Ha-ha-ha! Nakalimutan mo na bang dito ako nakatira?" patuyang tanong ni Pagong kay
Unggoy.

Natulala si Unggoy. Bakit nga ba hindi niya naalalang sa tubig nakatira si Pagong?

Sa nangyari ay lalong tumindi ang galit ni Unggoy. Masayang-masaya namang lumangoy


papalayo si Pagong.
Ang Uwak at ang Gansa

Isang Uwak ang nakaramdam ng pagkasawa sa pang-araw-araw na gawain. Sawa na siya


sa paglipad sa kalawakan. Sawa na rin siya sa pamamasyal sa matarik na kabundukan at
malawak na kagubatan.

Ano kaya ang dapat niyang gawin upang malibang? Bigo siya sapagkat di niya makita
kung anong bagay ang makapagpapaligaya sa kaniya.

Isang araw, dumapo siya sa sanga ng punong mangga. Tiningnan niya sa ibaba ang
malinaw na batis. Kitang-kita niya ang kekembot-kembot na paglalakad ng isang pulutong na
mga Gansa. Noon lamang napansin ng Uwak ang mapuputing balahibo ng pinanonood.
Humanga siya sa mahahaba nilang leeg. Masasaya ang mga Gansa sa paglangoy nila sa batis.
Maririnig mo ang malalamyos nilang tinig.

"Masasaya na sila, magaganda pa! Pagkapuputi ng mga balahibo nila. Maitim na maitim
ako. Pagkapangit-pangit ko. Siguro nakapagpapaputi, nakapagpapaganda at nakapagpapaligaya
ang batis na pinaglalanguyan nila."

Upang makalangoy din, nakipagkaibigan siya sa isa sa mga Gansa.

"Binibining Gansa, maaari bang sumabay sa iyong paglangoy?"

"Aba, oo. Halika. Ang batis ay kalikasang handog ng Panginoon. Halika sumabay ka sa
akin!"

Kumislap ang mga mata ng Uwak. Sa wakas ay makalaiangoy na rin siya. Subalit di tulad
ng mga Gansa, ang Uwak ay hindi marunong lumangoy. Sapagkat gustung-gustong madaling
pumuti, gumanda at lumigaya, pinilit niyang lumangoy na malayo sa Gansang kinaibigan niya.
Sa kasamaang palad ay nabasa ang mga pakpak ng Uwak at natangay siya ng rumaragasang mga
alon.

You might also like