Ang SOGIE Bill o Sexual Orientation and Gender Identity or
Expression ay isang batas na patungkol sa pagbabawal ng kahit ano mang diskriminasyon o karahasan batay sa oryentasyong seksuwal at pagkakakilanlang kasarian o pagpapahayag nito. Kung ikaw ay mapapatunayan na naging dahilan ng diskriminasyon, kailangan mong magbayad ng kaparusahang multa o ikaw ay makukulong sa loob ng isa hanggang anim na taon. Ngunit bago natin isa-isahin o himayin ang mga bagay na nakapaloob dito ay bigyan muna natin ng kahulugan ang mga termino na ginamit dito.
Ano ang “oryentasyong seksuwal? (sexual orientation)” Ito
ay tumutukoy sa kakayahan ng isang tao na makaranas ng malalim na atraksiyong apeksyonal, emosyonal, seksuwal at ng malalim na pakikipagrelasyon sa taong ang kasarian ay maaaring katulad sa kanya (homosexual orientation), iba sa kanya (heterosexual orientation), kasariang higit sa isa (bisexual orientation), o hindi kahit sa sinuman (asexual orientation).
Ano ang “pagkakakilanlang kasarian? (gender identity)” Ito
ay isang paraan ng isang indibidwal sa pagkilala sa kanyang sarili sa isang kategoryang pangkasarian, naaayon man (cisgender) o hindi (transgender) sa kanyang biyolohikal na kasarian.
Ano ang “pagpapahayag ng kasarian? (gender expression)” Ito
ay tumutukoy sa pagpapakita ng mga ugali na may kaugnayan sa mga panlalaki (masculine) o pambabaeng (feminine) kumbensyon.
At ano ang “diskriminasyon?” Ito ay anumang pagbubukod,
paghihigpit o pagtatangi batay sa SOGIE ng isang tao.
Naging maugong sa bansa ang SOGIE Bill simula ng mapabalita
ang pagbawal ng isang staff sa mall na pagamitin ng CR na pambabae ang isang transgender woman at ito umano ay kinaladkad palabas ng mall matapos itong harangin. Ang isyung ito ang naging dahilan upang i-pasa muli sa kamara ang batas na SOGIE bill. Bagaman umani ito ng iba’t-ibang mga opinyon. Totoo nga ba na ito ay isa lamang batas na pumapabor sa mga miyembro ng LGBT+ o ito ba ay isang batas na dapat ipatupad sa bansa? Kumakalat sa iba’t-ibang midyum ng midya ang mga dahilan kung bakit hindi dapat gawing batas ang SOGIE bill ngunit ang mga dahilan na ito ba ay rasyonal at makabuluhan o nagpapakita lamang ng takot sa pagbabago at takot na maungusan kaya binabaluktot ang katotohanan?
Una, sinasabi ng mga kritiko na ang batas na ito ay hindi
na kailangan dahil may mga batas na naumiiral para sa pagbabawal ng diskriminasyon. Ngunit sa tingin ba ninyo ay sapat na ang mga batas na ito kung talamak pa rin na nangyayari ang iba’t-ibang mga karahasan? Marahil ay mayroon nang mga batas na umiiral ngunit saan ba nakasentro ang mga ito? Sa mga kababaihan at kanilang mga anak, PWD at iba pa. Ngunit parehas lamang na nakakaranas ng pang-aapi at malala pa ay pambubugbog, pagpapalayas sa sariling tahanan, pang-iinsulto at pag-apak sa katauhan ang mga taong iba sa paningin ng karamihan na sila ang kadalasang biktima ng diskriminasyon. Kaya nandito ang batas na ito ay upang itigil na ang mga hindi makatarungan na diskriminasyon sa kasarian.
Pangalawa, ito daw ay hindi makatarungan sa mga “straight
people” dahil sila ay paparusahan para lang sa pananakit ng damdamin ng mga miyembro ng LGBT+. Hindi ganito kababaw ang nilalaman ng SOGIE Bill. Ikaw lamang ay parurusahan kapag ikaw ay napatunayang nagkasala sa paggawa ng diskriminasyon sa iyong kapwa at hindi sa pananakit ng damdamin. Magkaiba ang dalawang ito. At kailanman hindi ito magiging hindi makatarungan, dahil sakop ng SOGIE Bill ang lahat ng kasarian. Ibig sabihin, makikinabang din at maaaring kasuhan ng mga “straight people” ang mga LGBT+ kung sila ay nakagawa ng kamalian. At bakit ka matatakot sa parusa kung wala ka namang balak na ituring na mali ang iyong kapwa?
Pangatlo, ito lamang daw ay isang batas na magiging daan
upang mapasa ang “same-sex marriage bill.” Ang batas na ito ay para sa diskriminasyon, at wala nakapaloob na kahit ano mang may kinalaman sa same-sex marriage. Kung iniisip niyo na ang pagbawal sa pagtanggi sa pagbibigay ng lisensya ang magiging daan dito ay nagkakamali kayo. Dahil hindi magbabago ang mga kriterya sa pagkuha ng lisensya, pagtatrabaho, sa paaralan, at medika bagkus iniiwasan lamang na gamitin ang kasarian upang hindi ito maipagkaloob ang mga serbisyong ito. Pang-apat, hinadlangan umano nito ang “religious freedom” at “academic freedom.” Para sa kaalaman ng lahat hindi kokontrolin ng SOGIE BILL ang mga turo sa paaralan o simbahan. Maaari paring magsalita o magturo ang mga guro o lider sa simbahan ng mga aralin o salita ng Diyos patungkol o hindi man sa LGBT+, huwag lamang itong gamiting daan upang mang-atake at mag-insulto. Hindi “freedom of speech” ang “hatred speech.”
Panglima, ito daw ay papayagang baguhin ang “gender-
markers” sa “birth certificate.” Ito ay isang malaking maling pag-unawa. Dahil ang gagawin ng batas na ito ay protektahan ang mga bata sa pamamagitan ng mga programa na magtuturo sa kanila patungkol sa SOGIE ng isang tao upang hindi maging mangmang at sarado ang utak tulad ng kasalukuyang lipunan.
Pang-anim, ito daw ay nagbibigay ng chansa na mapahamak ang
tunay na mga babae sa sarili nilang palikuran kung papayagan itong gamitin ng mga transwoman, dahil maaari itong gawing “advantage” upang harasin o rape-in ang isang kababaihan. Sa datos na aking nakalap isa lamang sa loob ng 35 taon ang napatunayang naging biktima ng ganitong kaso, mas marami pa nga ang na harass na LGBT upang matuwid ang kanilang kasarian. Ang pangunguna at “pag-ro-romanticized” na walang pruweba ng isang sitwasyon ay hindi nakatutulong sa ating paglago.
Kung papansinin ang bawat bato ng argumento ng kalaban,
takot sa pagbabago at takot na maungusan ang mga nakapailalim na dahilan. Marami sa atin ang gusto ng pagbabago, pag-unlad at katarungan ngunit takot na lisanin ang nakasanayan. Marami sa atin ang sumasalungat ng walang sapat na nalalaman sa takot na maungusan. Ang sa akin lamang walang dapat katakutan kung ang pagbabago naman ay para sa ikabubuti ng karamihan. At walang dapat katakutan dahil ang pagbibigay ng karapatan at proteksiyon sa isang grupo o sektor ng lipunan ay hindi kabawasan sa iyong karapatan. Hindi mo kailangan pagdamutan ang mga nakararanas ng kakulangan ng oportunidad sa karapatan, hindi ka naman mawawalan niyan. Huwag nating ugaliing maging makasarili. Ang diskriminasyon ay seryosong usapin at hindi lamang basta-basta ang mga epekto kaya kailangan din nito ng seryosong solusyon at batas na po-protekta sa mga taong nangangailan.