You are on page 1of 2

Jennifer T.

Vinluan Abril 03, 2020


AFL799M (SAT: 9AM-12NN) Pag-aaral sa Erotika at Surreal

Lampas sa Realidad at sa Libog: Ang Sining ng Pagsulat ng Erotica at Surreal

Maaaring pumasok ang pagsulat ng Erotica sa Surreal at Surreal sa Erotica. Ang mga genreng
ito ng panitikan ay mas lalong nagiging makapangyarihan lalo kung matututuhan ng mga mambabasa
ang mga elemento at layunin nito—lampas pa sa pagbibigay ng inspirasyon at aliw sa mga mambabasa.
Malaki ang naitulong ng pagbabasa at panonood ng ilang batis upang lubos kong maunawaan ang
kaibahan ng mga genreng ito. Halimbawa sa pagsulat ng Erotica, ayon kay Elissa Wald (2013) mula sa
kanyang kolum na The Do’s And Dont’s Of Writing Erotic Fiction, mahalagang madala ng manunulat
ang kanyang mababasa sa ibang mundo upang hindi lamang nito maipakita ang mga pangyayari kundi
maiparamdam sa mambabasa ang katotohanan ng akda. Sa mga katotohanang ito makikita ang pagiging
madilim, kakaiba, malungkot at mahina ng mga tauhan. Dito ko lubos na naunawaan na ang pagsulat ng
erotica ay hindi lamang sa pagitan ng mga hita, dito binibigyan ng trabaho ng mambabasa ang kanyang
mga tainga. Ang isang mabuting erotica ay lampas sa mga halinghing kung hindi pati ang
pinagsasaluhang pighati at kasiyahan ng mga halinghing na iyon. Sa kabilang banda, mahalaga ang
mambabasa sa pagsulat ng erotica, ayon na rin kay Lisa Lane (2010) mula sa artikulo sa web na Writer’s
Digest, mahalagang matukoy ng isang awtor ang kanyang target na mambabasa. Sa gayon, malalaman
ng manunulat kung ano ang gagamitin niyang mga subgenre na kakagatin ng kanyang mambabasa; ito
man ay erotica at horror o erotica at science fiction upang sa gayon ay alam ng manunulat kung paano
niya ipatatangkilik ang kanyang katha. Ngunit, sa usapin ng pagpapatangkilik o pagbebenta ng isusulat
na erotica, taliwas sa isang ideya ni Leon G. Seltzer na mababasa sa kolum ng CNN Philippines na
sinulat ni Ian Rosales Casocot, ang erotica ay hindi lamang nagpapakita ng galaw ng mga parte ng
katawan tungo sa libog ng mambabasa, ito ay tumatawid tungo sa pagpapakita ng kagandahan o ayon
sa kanya ay beauty. Napag-alaman kong malaki ang kaibahan ng erotica sa pornograpiya. Tinatanong
ko nga ang sarili noon kung ano ang pagkakaiba ng mga ito samantalang parehang nagpapakita ng
senswalidad at pagtatalik. Mahalagang malaman na ang erotica ay nagpapakita ng estetikang pagtanaw
samantalang ayon kay Seltzer, ang pornograpiya ay para sa kapitalismo. Ipinapain ito sa merkado dahil
hindi mapasusubaliang katotohanan na ang pakikipagsex o ang sex ay kinokunsumo na rin. Sa Pilipinas,
isang mapangahas na kilos ang pagsulat ng erotica dahil sa konserbatismo. Salamat sa ilang mga
manunulat katulad nina Nick Joaquin, Joi Barrios, Tina Cuyugan at napakarami pang iba dahil mas
madali ng nailalapit ang pagbasang ng erotica sa mga Pilipino. Surreal.
Sinubukan kong titigan ang mga likhang sining nina Salvador Dali at Leonora Carrington.
Wala akong maunawaan dahil ang mga imahen ay iba-ibang larawan na walang koneksyon sa isa’t isa.
Kadalasan ko itong makita sa mga panaginip. Ayon kay Leonora Carrington isang manunulat at visual
artist ng surrealism mula sa aklat na The Art of Fiction ni David Lodge, mas madaling maipaunawa ang
sureyalismo sa visual arts kaysa sa literatura. Isa sa mga dahilan nito ay ang pagbibigay kahulugan sa
surealismo bilang sining mula sa mga imahen ng ating kawalang malay o unconscious mula sa pag-aaral
ni Sigmund Freud. Ipinakikita nito ang mga bagay na hindi rasyunal, mga bagay sa ating kailaliman,
mga kagustuhan at ating mga takot na malayo sa lohika ng tao. Oo nga naman, dahil sa mga imahen na
ito, mas mabilis gamitin ang visual arts na midyum kaysa sa pagsulat, na gumagamit ng mga konkretong
salita sa paglalarawan at paglalahad. Ironic nga naman iyon. Malaki tuloy ang responsibilidad ng isang
manunulat ng surreal na akda dahil kailangan niyang unti-unting maipatanggap sa mambabasa ang mga
pangyayari sa kwento na hindi naman nangyayari sa ating realidad. At dahil sangkap ng surrealismo ang
pagpapaunawa ng mga panaginip ng isang tao o manunulat, ayon kay Brett John, ito ay hindi lamang
sining, ito ay isang paraan ng pamumuhay at repleksyon ng eksistensya. Isa sa mga natutuhan ko sa
pagbabasa ng mga batis sa pagsulat ng surrealismo ay ang sinabi ni Andre Breton (1924) sa pagsulat
niya ng Surrealist Manifestos na paggamit ng unconscious bilang lagusan ng pagbuo ng isang akdang
surreal. Sinabi niyang kailangan lamang na bigyang tuon ang natural na pag-iisip, pinakamalayang pag-
iisip na walang isinasaalang-alang—kalimutan ang talino, kakayahan, isiping ang sinusulat ay hindi para
basahin muli kundi paglalabas ito ng natural at sariwang mga imahen mula sa isip. Ngunit isang paalala
na sa pagsulat nito, hindi lamang dapat labas na labas sa realidad ang pagsulat ng surrealism, nagagawa
rin dapat itong pagsamahin ang realidad at panaginip para sa gayon, kapani-paniwala at madulas ang
pagpapatanggap ng akda sa mambabasa, plausible kumbaga. Nang sinubukan kong isipin ang isang
pangyayari sa akda ni Carrington: napanalunan ng isang tauhan ang bangkay ni Joseph Stalin sa isang
lottery at ginamit ito upang pagalingin ang kanyang ubo at syphilis, iyon ang nagbigay sa akin ng ideya
na ang surrealism ay talagang lumalabas sa kumbensyunal na paraan ng pagkukuwento. Isa sa
interesanteng katangian ng surrealism ang pagtagni-tagniin ang mga bagay na hindi naman talaga
magkakaugnay sa una pa lamang.
Sa pagbabasa ng mga batis na ito tungkol sa pagbasa at pagsulat ng erotica at surreal, malaki
ang naitulong nito sa akin upang makabuo ng mga konsepto sa susulating akda. Nagsimulang magbuo
sa isip ng mga kwento tungkol sa kagandahan ng pagtatalik na lampas sa pisikal na pangangatawan.
Paano kaya ako makasusulat ng akdang dahan-dahan, unti-unti patungo sa katarsis gamit ang
pakikipagtalik? Paano magiging katanggap-tanggap ang isang paksang hindi malimit isulat at basahin
ng mayorya? Paano maging katanggap-tanggap ang bawal at bawal ang katanggap-tanggap? Sa surreal
naman, baon ko sa pagsisimula ng pagsusulat ng sariling akda ang teknik o payo ni Breton, palayain ang
isip, ingatan ang paggamit ng mga salita at paglalarawan upang maipatanggap sa mambabasa ang
layunin ng pagsulat; sa gayon ay madaling maibahagi sa mambabasa ang sarili. Iyon man din ay isang
layunin ng pagsulat.

Mga Pinagkunan:

Capaldi, Peter. Exploring the Surreal with Peter Capaldi. Unlock Art: Tate, 2014,
https://www.youtube.com/watch?v=uPD6okhfGzs

Casocot, Ian Rosales. A short history of sex in Philippine Literature. CNN Philippines Life, 2017,
https://cnnphilippines.com/life/culture/literature/2017/04/26/phililippine-l iterary-smut.html.

Lodge, David. The Art of Fiction. Viking Penguin. New York, NY, 1993.

Playle, Sophie. How to Write Surrealist Fiction. Liminal Pages, 2017,


https://www.liminalpages.com/how-to-write-surrealist-fiction?

Sambuchino, Chuck. Everything You Always Wanted to Know About Writing Erotica (But Were Afraid
to Ask). Writer’s Digest, 2010, https://www.writersdigest.com/guest-columns/everything-you-
always-wanted-to-knowabout-writing-erotica-but-were-afraid-to-ask.

Temple, Emily. Your Surrealist Literature Starter Kit. Literary Hub, 2019, https://lithub.com/your-
surrealist-literature-starter-kit/.

Wald, Elissa. The Do's and Dont's of Writing Erotic Fiction. Lit Reactor, 2013,
https://litreactor.com/columns/the-dos-and-donts-of-writing-erotic-fiction.

You might also like