You are on page 1of 1

Pangako ng mga Kanditato: Pangako Bang Napapako?

Heto na naman ang panahon ng pangangampanya at halalan. Kabilaan na naman ang paghahain
ng bawat kandidato ng kani-kanilang mga plataporma na kung mahalal ay bibigyang-katuparan. Kabilaan
din ang mga pangakong binibitiwan na pagkaminsa’y paulit-ulit na lang ngunit hindi naman
naisasakatuparan. Hanggang kailan ba kailangang maniwala at kumapit ang mga estudyante sa mga
pangakong ito? Hanggang matapos ba ang halalan? O hanggang sa susunod na taon na naman?

Sa panahon ng pangangampanya ay walang estudyanteng natatapakan ang karapatan at pagkatao.


Lahat ay nabibigyan ng maayos at mahusay na serbisyo. Walang estudyanteng hindi nabibigyan ng
pagkakataon na marinig ang kanilang boses. Lahat ay may pantay-pantay na pribilehiyo at proteksyon.
Ang mga estudyante ay nagkakaroon ng tulay na nagdurugtong sa administrasyon. Lahat ng bagay ay
positibo. Lahat ay para sa ikagaganda ng paaralan at sa ikabubuti ng mga estudyante. Subalit pagkatapos
ng panahon ng pangangampanya at halalan, ang mga ito ay makikita at mararamdaman ba?

Maraming mga bagay na wika nga nila ay “madaling sabihin ngunit mahirap namang gawin.”
Kumbaga, madaling mangako subalit ang kasiguraduhang matupad ito ay nakadepende minsan sa tao.
Progreso, pagbabago? Maging boses o maging tulay sa administrasyon? Walang pinagkaiba sa bawat isa
ang mga ito dahil para sa mga estudyante, ang mga ito ay pare-parehas lang na pangako. Minsan, hindi
maiwasan na masabing ang mga ito ay mga pangakong napapako. Binitiwan sa panahon ng kampanya
ngunit pagkatapos mailuklok sa puwesto ay mistulang nauntog sa pader at nakalimot na sa mga
binitiwang salita. Gayunpaman, kahit sabihin natin na paulit-ulit na ang mga ito ay pauli-ulit pa rin
namang nagtitiwala at naniniwala ang mga estudyante sa mga pangakong ito. Paulit-ulit na nagiging
biktima ng salitang “pangako”.

Sa kabila ng lahat, mainam pa rin na piliin nang maigi ng bawat estudyante kung sino ang
karapat-dapat na maihalal. Iyong lider na hindi lang puro sa salita kundi magaling din sa gawa. Iyong
lider na karapat-dapat sa boto ng mga estudyante at kayang panindigan at tuparin ang mga binitiwang
pangako sa panahon ng kampanya. Iyong lider na magpapatunay na hindi lahat ng pangako ay napapako.

Roan F. Alejo

BSE 3-1 Filipino

You might also like