You are on page 1of 14

“KOMPARATIBONG PANANALIKSIK TUNGKOL SA MGA TSINO AT PILIPINO-TSINONG

GURO NA NAGTUTURO NG WIKANG TSINO SA MAYNILA”

I. Panimula

  A. Panukalang pahayag

 Kumpara sa gurong Tsino, mas epektibo ang approach, teknik at mas mataas ang kalidad
ng mga gurong Pilipino-Tsino pagdating sa pagtuturo ng wikang Tsino.
   B. Introduksiyon / Paglalahad ng suliranin

Ang paksa ng mga mananaliksik ay nagkukumpara sa gurong Pilipino-Tsino at Tsino na


nagtuturo ng wikang Tsino sa mga paaralang Philippine Sun Yat Sen High School at Philippine
Cultural College.

Napili nila ang paksang ito upang malaman ang pagkakatulad at pagkakaiba sa approach at
teknik, malaman ang mga katangian ng epektibong pagtuturo na tinataglay ng bawat piling guro.

Kung babalikan ang kasaysayan ng ating bansang Pilipinas, hindi maikakailang napakalaki ng
naging papel at kontribusyon ng mga Tsino dito sa Pilipinas. Naging parte ang Tsina at mga
Tsino ng malawakang kalakalan na naging susi upang maimpluwensyahan nang husto ang
pamumuhay ng mga Pilipino noon at ngayon.  Mula sa aklat na Ten Centuries of Philippine-
Chinese Relations ni Eufronio M. Alip, Ph. Litt. D. na dating propesor ng Philippine History sa
University of Santo Tomas at Adamson University at naging presidente ng Philippine National
Historical Society, noong 977 A.D nag-umpisa ang relasyong Pilipino at Tsino nang ang isang
Arabeng mangangalakal na si Abu Ali ay humarap sa korte ng Tsina at nagpahayag nang
kanyang pagbisita sa Brunei, Sulu, Mindoro at Luzon. Sinundan ito ng pagpunta ng nasabing
mangangalakal sa Canton upang ipahayag rin ang kanyang pagbisita sa mga isla ng Luzon. Ayon
sa Mingh Shih (Ming Dynastic Records, 1368 – 1644) at Sung Shih (Sung Dynastic Records,
960 – 1278), sinundan na rin ito ng pagdayo ng mga Tsinong mangangalakal sa Luzon noon pa
mang ika-sampung siglo.

Hanggang sa panahon ngayon, malaki ang papel ng trades at investments sa solidong ugnayan ng
Pilipinas at Tsino sa kalakalan. Mula sa komentaryong “Philippines-China Relations: Beyond the
Territorial Disputes” na isinulat ni Andrea Chloe A. Wong ng Center for International Relations
& Studies (isang ahensya ng Foreign Service Institute ng Pilipinas), inilahad ng Department of
Trade and Industry na ang bansang Tsina ang ikatlo sa pinakanangungunang  trading partner ng
Pilipinas noong 2013 sumunod sa bansang Hapon at Estados Unidos. Umabot sa USD 14.61
billion ang naging total trades sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa nasabing taon. Mahigit sa
400,000 Tsinong turista rin ang bumisita sa bansa noong 2013.

Kasabay ng lumalaking kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, ay ang patuloy na pagtaas ng


bilang ng mga Tsino at Pilipino-Tsino na naninirahan dito sa ating bansa. Hindi lang upang dito
magnegosyo, dito na rin sila namamalagi na naging dahilan upang sila ay makihalubilo sa mga
Pilipino.

Ayon naman sa pananalisik ni Ellen H. Palanca, Direktor ng Ateneo de Manila University


Confucius Institute, na pinamagatang “A Comparative Study of Chinese Education in the
Philippines and Malaysia”, mayroong 142 Tsinong paaralan na nagsisilbi sa 92,760 estudyante
dito sa Pilipinas. Ang mga paaralang ito ay may sistemang pang-edukasyon na tunay nga
namang nakatutulong sa libo-libong tao, Tsino man o hindi. Isang patunay lamang na
lumalaganap na rin ang Tsinong edukasyon sa ating bansa.

Sa kabilang dako, dahil sa patuloy na pagdami ng mga Tsinong paaralan dito sa Pilipinas,
tumataas ang demand sa mga gurong  bihasa sa wikang Tsino at may kakayahang ituro ang
wikang ito. Ayon na rin sa pananaliksik ni Ellen H. Palanca, ang naging solusyon ng maraming
Tsinong paaralan dito ay kumuha ng mga Tsinong guro mula sa mga bansang Taiwan at Tsina.
Hindi naglaon ay nakipagsabayan na rin ang mga Pilipino sa pagtuturo ng wikang Tsino.

Ang pananaliksik na ito ay ang kauna-unahang pananaliksik na nagkukumpara sa Pilipino-Tsino


at Tsino na guro sa wikang Tsino. Ito ay nagbibigay daan upang matugunan ang
pangangailangan na malaman ang mga kalakasan at kahinaan ng mga guro sa pagtuturo ng
wikang Tsino na  magiging kapaki-pakinabang sa iba pang guro kasali man sa pananaliksik o
hindi.

Kaya sino nga ba sa mga gurong Pilipino-Tsino o Tsino ang may mas magandang approach sa
pagtuturo? Sino sa mga guro ang mayroong mas epektibong teknik at sino ang mas mataas ang
kalidad sa pagtuturo ng wikang Tsino?

   C. Rebyu / Naunang pag-aaral

              Napag-alaman ng mga mananaliksik mula sa aklat na Ten Centuries of Philippine-


Chinese Relations ni Eufronio M. Alip, Ph. Litt. D. na noon pa lang 977 A.D ay nagsimula na
ang relasyong Pilipino at Tsino. Nagsimula ito nang humarap sa korte ng Tsino ang
mangangalakal na si Abu Ali at inihayag ang kanyang pagbisita sa Brunei, Sulu, Mindoro at
Luzon. Simula noon, patuloy na ang pagdayo ng mga mangangalakal na Tsino sa Luzon. Noon
pa man ay hindi makakailang napakalaki ng naging papel at kontribusyon ng mga Tsino dito sa
Pilipinas.

              Ayon naman sa pananalisik ni Ellen H. Palanca, Director ng Ateneo de Manila


University Confucius Institute, na pinamagatang “A Comparative Study of Chinese Education in
the Philippines and Malaysia”, mayroon ng 142 Tsinong paaralan na nagsisilbi sa 92,760
estudyante dito sa Pilipinas. Ang mga paaralang ito ay may sistemang pang-edukasyon na
nagtuturo ng wikang Tsino. Isang patunay lamang na lumalaganap na rin ang Tsinong edukasyon
sa ating bansa. Ayon pa rin sa pananaliksik na ito, tumataas ang demand sa mga gurong  bihasa
sa wikang Tsino at may kakayahang ituro ang wikang ito. Naging solusyon ng maraming
Tsinong paaralan dito ay kumuha ng mga Tsinong guro mula sa mga bansang Taiwan at Tsina.

              Mula sa artikulong pinamagatang “Effective Teaching and Learning” na isinulat ni


Analyn M. Quinogoran, nagkakaroon ng epektibong pagtuturo at pagkatuto kapag ang paraan ng
pagtuturo ng guro ay naka-ayon sa intelektuwal na kakayahan ng estudyante. Ayon din kay
Analyn M. Quinogoran, ang pagkatuto ng estudyante ay dapat i-evaluate upang malaman kung
ang estudyante ba ay natuto ng aralin at nakamit ang kinakailangang kakayahan. Ang pagkatuto
ay hindi lamang daw sa pagkaunawa ng mga kumplikadong konsepto kundi sa pagpapahalaga sa
maliliit na konsepto. Sa ganitong paraan, matututo ang mga estudyante na mag-obserba,
kumilatis, at magbigay ng katwiran. Mahalaga sa mga gurong nagnanais mapataas ang antas ng
kanilang pagtuturo na maunawaan kung paano natututo ang mga estudyante.

             Mula sa aklat ni Gaudencio V. Aquino na pinamagatang “Effective Teaching (Third


Edition)”, ang mga katangian ng isang epektibong guro ay ang mga sumusunod: Ang kaaya-
ayang pag-uugali ng guro, ang kagustuhan na matuto ang mga estudyante, pagiging masinop,
organisado at epektibong approach.

             Ang pangunahing pinaka-epektibong paraan sa pagtuturo ng ikalawang wika ay ang


paggamit sa wikang ito bilang mediyum ng komunikasyon at pagtuturo. Hindi lamang natutunan
kundi naisasabuhay at nagagamit na rin ng mga estudyante ang pangalawang wikang pinag-
aaralan na makakapagpabilis sa kanilang pagkatuto. Ang konseptong ito ay mula sa aklat ni John
Corbett, isang senior lecturer sa Department of English Language ng University of Glasgow sa
Scotland, na pinamagatang “An Intercultural Approach to English Language Teaching”. Dagdag
pa dito, ang pag-aaral ng ikalawang wika ay tulay din sa pakikipag-ugnayan at pagpunan sa
tinatawag na information gap.

             Mula sa Unit III: Integrated Approaches ng aklat na “Teaching English as a Second


Foreign Language (Third Edition)”ni Marianne Celce-Murcia, noon pa mang 1980s nasasaksihan
na ng lipunan ang pag-unlad mula sa limitadong paraan ng pagtuturo ng pangalawang wika
patungo sa mas malawak at komprehensibong approach sa pagtuturo ng pangalawang wika.
Isang halimbawa ng approach ay ang content-based language teaching na nagsasabi na
pinakamadaling matutunan ang pangalawang lengguwahe kapag ginagamit ito bilang mediyum
ng komunikasyon sa pagtuturo. Nariyan rin ang literature-based approach na paraan kung saan
ang guro ay gumagamit ng mga akmang likhang panitikan upang mas maituro ng maayos ang
wika.

D. Layunin 

–       Layunin ng pananaliksik na malaman ang kalakasan at kahinaan ng gurong Pilipino-Tsino,


at Tsino sa pagtuturo ng wikang Tsino gamit ang tatlong kategorya: Approach, Teknik at
Kalidad ng Pagtuturo. Ang mga datos, resulta at komparatibong detalye sa pananaliksik na ito ay
makatutulong upang malaman ang kalidad ng kanilang pagtuturo. Layunin din ng pananaliksik
na ito na tukuyin kung sino ang mas maganda ang approach, teknik at mas mataas ang kalidad ng
pagtuturo sa Pilipino-Tsino at Tsinong guro na nagtuturo ng wikang Tsino. Layunin din nito na
maging basehan o inisyal na pananaliksik sa mas malakihang pananaliksik sa hinaharap.

E. Halaga

–              Itatampok ang isang makabagong paksa at usapin tungkol sa gurong Pilipino-Tsino at
Tsino na nagtuturo ng wikang Tsino. Ito rin ay nagbibigay ng panibagong pagsipat sa paksa.
Gamit ang mga naunang pananaliksik, nakapag-ambag ang pananaliksik na ito sa iba’t ibang
disiplina tulad ng mga pag-aaral sa wikang Tsino dito sa Pilipinas.

Ang pananaliksik na ito ay para sa mga estudyanteng nag-aaral at nagnanais na magturo ng


wikang Tsino. Ang mga approach, teknik at kalidad ng pagtuturo na nasabi sa pananaliksik na ito
ay maaari nilang gawing batayan sa pagpapabuti ng kanilang kasanayan at paglinang sa sarili
bilang guro sa hinaharap.

Ang mga paaralan na mayroong asignaturang may kinalaman sa wikang Tsino ay maaaring
makinabang sa pananaliksik. Mula sa pagpili ng mga gurong tatanggapin  hanggang sa mga
hakbang na maaaring gawin, ang mga naging resulta ng pananaliksik ay maaaring gamitin.

Panghuli, ang pananaliksik na ito ay maaaring gawing batayan ng iba pang pananaliksik na may
kaugnayan sa pagtuturo o pag-aaral ng wikang Tsino. Maaari itong maging ugat ng mas
malakihang pananaliksik sa hinaharap. Kung maaari lamang bigyan ng mas malalim na pansin
ang saklaw at limitasyon ng pananaliksik na ito upang mas mapalawak pa ang pag-aaral sa
disiplinang ito.
F. Konseptuwal na Balangkas

Ang tatlong kategorya kung saan pinagkumpara ang mga guro ay ang mga sumusunod;
Approach na tumutukoy sa paraan ng guro kung papaano niya maituturo at mapaintindi sa mga
estudyante ang pagtuturo ng wikang Tsino, ang Teknik na ginagamit ng mga guro upang mas
mapadali ang pagtuturo ng wikang Tsino, at ang Kalidad kung saan ikukumpara ang katangian
ng mga guro kung sino ang may mas mataas ang kalidad ng pagtuturo ng wikang Tsino. Ang
Approach, Teknik at Kalidad ng pagtuturo ang tatlong pangunahing kasangkapan upang maituro
ng mabuti ang wikang Tsino. Ang mga ito rin ay ang basehan ng mga mananaliksik upang
mabuo ang mga resulta at kongklusyon.

G. Metodolohiya

-              Ang pagpili sa mga gurong pananaliksikan ay nakabatay sa lahi. Dahil ang


pananaliksik na ito ay pagkukumpara sa mga Pilipino-Tsino at Tsinong guro na nagtuturo ng
wikang Tsino, pumili ang mga mananaliksik ng dalawang Pilipino-Tsino at dalawang Tsinong
guro bawat paaralan. Mula sa dalawang paaralang nagpa-unlak upang maisagawa ng mga
mananaliksik ang kanilang pananaliksik, napili sina Gng. Rita Te at Bb. Yi Jia mula sa
Philippine Cultural College, at Gng. Kaw Siu King at Chua Le Pin mula naman sa Philippine
Sun Yat Sen High School. Ang pagpili sa mga guro ay dahil rin sa patnugot at suhestiyon ng
pamunuan ng bawat paaralan.
Sa tatlong aspeto ng pagkukumpara ipinasailalim ng mga mananaliksik ang mga gurong napili,
Ang Approach, Teknik at Kalidad.

CLASS OBSERVATION

Upang matukoy ng mga mananaliksik ang katangian ng mga gurong napili at malaman ang
approach, teknik at kalidad, nagsagawa ang mga mananaliksik ng class observation sa bawat
klase ng mga gurong napili. Dito inilista ng mga mananaliksik ang kaukulang datos para sa
pananaliksik. Ang class observation ay tumakbo ng 45 minuto kada session sa loob ng dalawang
2 session kada guro sa Philippine Cultural College at Philippine Sun Yat Sen High School.

Upang malaman ang pamantayan para malaman ang paraan na approach sa pagtuturo ng guro.
Ang mga mananaliksik ay nabatay at nagsalin sa aklat na “Focus On Teaching: Approaches,
Methods, Techniques” ni Manuel Buenconsejo Garcia na pinamatang “Some Teaching
Approach”, ang pamantayan na ito ay kinapapalooban ng limang approach.

1. Pagtuklas na Approach (Discovery)


– Ito ay ang approach na kung saan ang guro ay tinutulungan ang kanyang mga estudyante na
makahanap ng sapat na datos upang makasagot ang kanyang mga estudyane.
2. Konseptuwal na Approach (Conceptual)
– Ito ay ang approach na kung saan ang guro ay hindi magmamadali at binibigyan ng sapat na
oras ang kanyang mga estudyante na masagot ang kanyang katanungan.
3. Proseso na Approach (Process)
– Ang approach na ito ay tumutukoy sa mga guro na nagtuturo sa kanyang mga estudyante sa
aktwal at mismong pamamaraan.
4. Patanong na Approach (Inquiry)
– Ito ay approach na kung saaan ang guro ay nagbibigay ng sunod-sunod na pagtatanong sa
kanyang mga estudyante.
5. Pinag-isang Approach (Unified)
– Ito ay approach kung saan pinagsasama ng guro ang mga iba’t ibang konsepto mula sa kanyang
mga katanungan upang mas madaling maintindihan ng mga estudyante ang kanyang mga tanong.
Naunang nagsagawa ng class observation ang mga mananaliksik sa klase ng mga Tsinong guro
mula sa Philippine Cultural College na sina Bb. Jia Yi at Gng. Rita Te. Sumunod naman ang mga
gurong Tsino na sina Gng. Kaw Siu King at Gng. Chua Le Pin ng Phillipine Sun Yat Sen High
School.

SURVEY
Upang matukoy ang mga teknik at kalidad ng pagtuturo ng bawat gurong kasali sa pananaliksik,
bumuo ang mga mananaliksik ng isang ebalwasyon ng mga mananaliksik mula sa ikapitong
aralin sa aklat na “How To Become an Effective Teacher and Trainer?” ni Dr. Tomas Quintin
Donato Andres na pinamagatang “What is an effective Teacher and Trainer?”. Isinalin ng mga
mananaliksik ang teksto sa wikang Filipino at binuo sa konsepto ng isangsurvey questionnaire.
Ang naging output ng mga mananaliksik sa pagbibigay ng survey sa mga estudyanteng
tinuturuan ng mga gurong kabilang sa pananaliksik ay makikita sa susunod na pahina.

Isinagawa ng mga mananaliksik ang survey sa mga estudyante matapos angclass observation.


Bawat isang estudyante ay binigyan ng survey questionnaire at sinagot ang mga ito batay sa
teknik at kalidad ng pagtuturo ng kanilang guro. Ito ang survey:

H. Saklaw / Delimitasyon

–              Ang pananaliksik na ito ay tumatalakay sa pagkakaiba ng mga gurong Pilipino-Tsino


at Tsino na nagtuturo ng wikang Tsino sa approach at teknik sa pagtuturo at ang kalidad ng
pagtuturo.

Ang mga inisyal na listahan ng mga Tsinong paaralan na kukuhanan ng Pilipino-Tsino at Tsino
na guro na pananaliksikan ay walo, mula sa mga pinakamatatandang paaralan sa Pilipinas, ang
UNO High School, Hope Christian High School, Manila Patriotic School, Philippine Sun Yat
Sen High School, St. Stephen High School, Tiong Se Academy at Philippine Cultural College.
Sa walong paaralang ito, ang Philippine Sun Yat Sen at Philippine Cultural College lamang ang
nagbigay ng pahintulot sa mga mananaliksik na gawin ang kanilang pananaliksik. Ang bilang ng
mga gurong napili sa mga paaralan na ito dalawa dahil na rin sa patnugot ng kani-kaniyang
pamunuan. Ang mga guro ay na-obserbahan sa loob ng apatnapu’t limang minuto, ayon na rin ito
sa oras ng kanilang klase. Ang mga estudyanteng kasali sa survey ay naayon sa bilang ng
kanilang klase; mayroong walo, pito, apatnapu’t anim at apatnapu’t lima at pagkatapos ay kinuha
ang average nito.

I. Daloy ng Pag-aaral

           Bago pa man mabuo ang buong konsepto ng pananaliksik na ito, dumaan muna sa
maraming proseso ang mga mananaliksik upang makaisip ng suliranin o katanungan na kanilang
sasagutin. Isinaalang-alang ng mga mananaliksik ang ibinigay na tema ng professor na si Bb.
Beverly Siy na kailangan ang paksa ay naaayon at tungkol sa pag-aaral ng mga Pilipino sa
wikang Tsino.
Bilang mga mag-aaral na kumukuha ng kursong Bachelor of Secondary Education Major in
Teaching Chinese as a Second Language, malaking bagay ang magkaroon ang mga mananaliksik
ng mas malawak na kaalaman at diwa tungkol sa pag-aaral at pagtuturo ng wikang Tsino. Bukod
pa dito nais rin malaman ng mga mananaliksik ang tamang approach, epektibong teknik, at
mataas na kalidad ng pagtuturo ng wikang Tsino na magiging parte ng kanilang kasanayan sa
hinaharap.
Sa katotohanang kakaunti pa lamang ang mga Pilipinong nagkaroon ng pormal na pag-aaral at
pagtuturo sa wikang Tsino ginawang pangunahing basehan ng pananaliksik ang mga Pilipinon-
Tsino, Tsino na nagtuturong ng wikang Tsino.
Dito nabuo ang palaisipan kung sino nga ba ang nagtataglay ng pinaka-epektibong approach,
tamang teknik, at mataas na kalidad ng pagtuturo ng wikang Tsino sa mga gurong ito. Inugatan
ng mga ideyang ito ang nabuong paksa ng mga mananaliksik: Ang komparatibong pananaliksik
sa pagitan ng Pilipino-Tsino at Tsinong guro na nagtuturo ng wikang Tsino.
                Naging unang hakbang ng mga mananaliksik ay humanap at magtala ng mga
sanggunian o nauna nang pag-aaral na konektado sa pananaliksik. Gamit ang mga sanggunian na
libro, magasin, artikulo, at internet. Bumuo ang mga mananaliksik ng isang konseptong papel sa
patnugot ng kanilang propesor na si Bb. Beverly Siy. Sa konseptong papel na ito nabuo ang
pundasyon ng pag-aaral, naging basehan ang mga sanggunian upang mas luminaw pa ang paksa.
Matapos maisapinal ang konseptong papel, binuo ng mga mananaliksik ang panimula. Dito
inilahad ang suliranin, mga rebyu, at sanggunian ng mga naunang pananaliksik at pag-aaral na
konektado sa paksa, layunin, halaga, at saklaw at delimitasyon ng pananaliksik.
Kaakibat ng pananaliksik, naghanap ng modelong papel ang mga mananaliksik upang maging
gabay ito ng pananaliksik na ginagawa. Nakatulong ng mabuti ang modelong ito upang
maaninag na ng mga mananaliksik ang overdue ng buong pananaliksik.
Kaakibat ng mga nais malaman ng mga mananaliksik tulad ng pagkakaiba o pagkakatulad sa
approach, teknik, at kalidad ng pagtuturo ng wikang Tsino ng mga Pilipino-Tsino at Tsinong
guro, nag-isip ng paraan ang mga mananaliksik kung paano makakamit at maiipon ang mga
datos na kailangan upang maisagawa ang pagkukumpara. Dito nag-desisyon ang mga
mananaliksik na magsagawa ng sumusunod:

Class Observation – Ang class observation ang naisip na paraan ng mga mananaliksik upang
malaman at mailista ang mga approach na ginagamit ng mga Pilipino-Tsino at Tsino sa pagtuturo
ng wikang Tsino.

Survey – Ang survey naman ang napiling paraan ng mga mananaliksik upang malaman at
makuha ang mga datos na nagsasaad kung sino ang mas epektibo at mas mataas na kalidad ng
pagtuturo ng wikang Tsino. Ang mga katanungan sa survey na ito ay hinango sa isang librong
pinamagatang “How to be an Effective Teacher and Trainer? “ ni. Dr. Tomas Quintin Donato
Andres. Isinalin ng mga mananaliksik ang Aralin 7, na kinapapalooban ng epektibong teknik at
kalidad ng epektibong pagtuturo ng pangalawang wika, ng akda sa wikang Filipino.

Isinagawa ng mga mananaliksik sa klase ng mga napiling guro mula sa Philippine Cultural
College at Philippine Sun Yat Sen High School. Tumagal ng 45 na minuto kada klase ang class
observation ng mga mananaliksik sa classroom sa loob ng dalawang araw. Matapos ang class
observation, nagpasagot naman ang mga mananaliksik ng survey sa mga estudyante ng mga
piling Pilipino-Tsino at Tsinong guro.
Lumabas ang resulta matapos ang mabusising pagsusuri at analisis ng mga datos na nakalap.
Nabuo ang kongklusyon na magkaiba ang ginagamit na approach ng Pilipino-Tsino at Tsinong
guro, mas epektibo ang teknik at mas mataas ang kalidad ng pagtuturo ng wikang Tsino ng mga
Tsinong guro ayon na rin sa estatistikal na interpretasyon sa resulta ng survey.

II. Ang Katawan ng Pananaliksik


A. Panimula

 Ang pananaliksik ay pagkukumpara sa approach, epektibong teknik at kalidad ng


pagtuturo ng wikang Tsino ng gurong Pilipino-Tsino at Tsino na nagtuturo ng wikang Tsino.B.
Mga Datosi. CLASS OBSERVATION
Ang mga mananaliksik ay nagsagawa ng obserbasyon sa mga guro habang sila ay nagtuturo.
Upang malaman ang pamantayan sa teknik at kalidad sa patuturo ng guro. Mayroong apat na
guro na na-obserbahan ang mga mananaliksik sila ay sina Gng. Rita Te at Yi Jia na mga guro ng
Philippine Cultural College. Mula naman sa Philippine Sun Yat Sen ay sina Gng. Kaw Siu King
at Chua Le Pin na parehong purong Tsino.
Ang mga mananaliksik ay unang nag-obserba sa Philippine Cultural College at si Gng. Rita Te
ang unang gurong kanilang na-obserbahan, habang nag-oobserba ang mga mananaliksik ay
nakita nila na si Gng. Rita Te ay madalas magtanong sa kanyang mga estudyante tungkol sa
kanyang lekisyon, pinapaulit-ulit niya ang kanyang tanong sa kanynag mga estudyante. Upang
mabigkas ng tama ang mga Chinese words na tinuturo niya.maaliwalas ang kanyang mukha
habang nagtuturo ng kanyang leksyon at tinutulungan nyang makasagot ang kanyang mga
estudyante kapag hindi nila masagot ang kanyang katanungan.

Ang ikalawang guro na sunod na-obserbahan ay si Bb. Yi Jia ng Philippine Cultural College
Umpisa pa lamang ng klase at ng pag-oobserba, napansin na agad ng mga mananaliksik ang
ilang paraan  ng pagtuturo ni Bb. Jia. Binigyan niya ng oras ang kanyang klase upang basahin at
sagutan ang kanilang babasahin. Habang sinasagutan ng  kanyang mga estudyante ang kanilang
babasahin, patuloy siyang nagbabasa at tinitignan niya kung nagsasagot ba ang lahat ng kanyang
estudyante ngunit ang ilang estudyante ay hindi sumasagot at natutulog lamang at hindi na niya
lang ito pinansin. Sa pagpapatuloy ng aming obserbasyon, nag-umpisang ipaliwanag ni Bb. Jia
ang kwento na kanilang babasahin. Pagkatapos ay nagsimula nang magtanong si Bb. Jia.
Random lang ang pagpili niya ng mga estudyanteng sasagot dahil bago palang siya at hindi niya
pa halos kilala lahat ng kanyang tinuturuan. Kapag hindi nakakasagot ang pinili niyang
estudyante ay naghahanap siya agad ng estudyante na pwedeng makasagot sa kanyang tanong.
Hindi siya aware  sa ibang estudyante kung nagbabasa ba ito o hindi dahil wala siyang idea kung
ano ang dapat niyang gawin kaya hinahayaan na lamang niya ito, nalaman namin ito nang siya
ay aming makapanayam. Kapag nagbibigay na ng sagot ang kanyang mga estudyante tungkol sa
kanilang babasahin, hindi na sya nagdaragdag ibang idea upang lalo nilang maintindihan ang
nakapaloob sa kanilang babasahin. Sinusulat lang ni Bb. Jia kung ano ang mga nakalagay na
tanong sa kanilang babasahin at nililinaw niya ang mga kasagutan sa mga tanong, pagkatapos
basahin ng klase ang tamang sagot sa mga tanong. Minsan lang siya magpuri sa kanyang mga
estudyante kapag sila ay nagsasagot ng tama pero kapag hindi nakakasagot ay hinahayaan niya
na lang ang mga ito.

Ang ikatlong guro na oobserbahan ng mga mananaliksik ay ang guro mula naman sa Philippine
Sun Yat Sen na si Gng. Kaw Siu King napansin ng mga mananaliksik na siya ay bigay lamang
ng bgay ng mga halimbawa ng kanyang tinuturo at hinahayaan ang kanyang mga estudyante na
sagutin ang kanyang mga tanong. Siya ay madalas na nagsusungit sa klase.siya ay mahigpit sa
kanyang mga estudyante. Napansin ng mga mananaliksik na bigay lamang nang bigay ng
katanungan si Gng. Kaw Siu King.
Ang huli na naobserbahan ay si Gng. Chua Le Pin ang kanyang istilo ng pagtuturo ay kakaiba sa
mga ibang gurong naobserbahan ng mga mananaliksik sapagkat habang siya ay nagtuturo ay
gusto nya na nakikilahok ang kanyang mga estudyante. Mabait ngunit strikta gusto niya
nakaayos lahat ang buong klase bago Siya magturo, sinisiguro niya na nasa tamang pwesto ang
kanyang mga estudyante at pinapalinis ang mga kalat sa loob ng silid-aralan. Mabilis sya sa
pagtuturo ng kanyang leksyon mahilig siyang magtawag ng mga estudyante upang makasagot sa
kanyang mga katanungan.

   C. KONGKLUSYON

Ang mga mananaliksik ay nakapag-obserba ng mga gurong Tsino at Pilipino-Tsino at maraming


pagkakaiba ang nakita ng mga mananaliksik mula sa kanilang pag-oobserba mula sa pagbibigay
ng katanungan hanggang sa pagkausap sa mga estudyante.

       ii. SURVEY

Narito ang mga resulta ng survey sa bawat guro:

Gng. Rita Te

Bb. Yi Jia
Gng. Kaw Siu King

Gng. Chua Le Pin


RESULTA NG SURVEY

Pangalan ng guro Paaralan  Marka Average ng marka

PHILIPPINE
CULTURAL
1.     Rita Te COLLEGE 2.23

PHILIPPINE
CULTURAL
2.     JIA YI COLLEGE 2 1.11

PHILIPPINE SUN
YAT SEN HIGH
3.     CHUA LE PIN SCHOOL 2.38

PHILIPPINE SUN
4.     KAW SIU YAT SEN HIGH
KING SCHOOL 2.46 2.42
III. Ang Pangwakas ng pananaliksik

  A. Pangwakas

 Matapos maisagawa ang class observation at survey, naging matagumpay ang pagkalap
sa mga kasagutan ang mga mananaliksik. Nalaman ng mga mananaliksik na magkaiba ang
approach ng Pilipino-Tsino at Tsinong guro, at mas epektibo ang mga tekniks at mas mataas ang
kalidad ng pagtuturo ng mga gurong Tsino ng wikang Tsino.
B. Kongklusyon

 Bagamat dayuhan ang mga Tsinong guro dito sa ating bansa, pinatunayan pa rin nila na
kaya nilang ituro ang wikang Tsino nang may mas epektibong teknik at mas mataas na kalidad
ng pagtuturo kumpara sa mga Pilipino-Tsino.
 C. Rekomendasyon

 Dahil sa kongklusyon, nirerekomenda ng mga mananaliksik na magkaroon ng mga


training o seminars ang mga Pilipino-Tsinong guro sa patnugot ng mga Tsinong guro na
nagtuturo ng wikang Tsino upang malaman at magamit ang mga mas epektibong teknik at mas
mataas na kalidad ng pagtuturo ng wikang Tsino, hindi lamang sa Maynila kundi pati na sa
buong Pilipinas.
Sanggunian:

 Alip, Eufronio M., Ten Centuries of Philippine-Chinese Relations (Historical, Political, Social,


Economic)  Alip & Sons, Inc. Amnila (1959)

Guadencio V. Aquino, Effective Teaching,  ikatlong ed. Chapter 15: Characteristics of Effective


Teachers p. 433-462, National Bookstore

Palanca, Ellen H., A Comparative Study of Chinese Education in the Philippines and
Malaysia, http://www.asj.upd.edu.ph/mediabox/archive/ASJ-38-2-2002/palanca.pdf 

Quinagoran, Analyn M., The Modern Teacher “Effective Teaching and Learning”, LXll, blg. 1
(Hunyo 2014) p.7

Wong, Andrea Chloe A., Philippines-China Relations: Beyond the Territorial


Disputes, http://fsi.gov.ph/wp-content/uploads/2014/07/2014-07-Philippines-China-Relations-
Wong.pdf  

http://help.surveymonkey.com/articles/en_US/kb/What-is-the-Rating-Average-and-how-is-it-
calculated

You might also like