You are on page 1of 34

PAALALA BAGO BASAHIN ANG TEKSTO:

1. Guhitan/bilugan/ihighlight ang mga salita o pariralang hindi maunawaan.


2. Subuking sagutin ang mga gabay na tanong habang binabasa ang teksto
(hindi kailangang isulat ang sagot; pwede namang bullet form lang sa
notebook; guide questions lamang ito para mas madaling maintindihan ang
teksto habang binabasa).
3. Iprint ang teksto dahil kailangan ito sa talakayan sa klase.

MGA GABAY NA TANONG:


1. Anu-ano ang ebidensya na naghihirap ang mayorya ng mga mamamayang
Pilipino?
2. Ayon sa teksto, ano ang modernong “tanikalang diyamante” na siyang dahilan ng
paghihirap ng mga mamamayan?
3. Ano ang globalisasyon? Paano ito nakaaapekto sa buhay ng mga ordinaryong
Pilipino?
4. Bakit “free-for-all boxing” ang globalisasyon?
5. Bakit sinasabing “organisadong pandarambong” o “organized plunder” ang
sistemang kapitalista sa Pilipinas?
6. Ano ang ibig sabihin ng “unggoy mentality”? Paano ito umiiral sa kasalukuyan?
7. Ano ang oportunismong lingguwistiko at elitismong pedagohikal? Paano ito
inilapat o inapply ng kolonyalismong Kastila sa Pilipinas? Ano ang
pangmatagalang (long-term) epekto nito sa mga Pilipino?
8. Paano niluto ang “little brown Americans”? Mayroon pa rin bang mga little brown
American sa kasalukuyan?
9. Paano iniluwal ng pananakop ng Amerika sa Pilipinas ang isang “demokrasyang
piramidikal”?
10. Paano naging (o nagiging) kasangkapan o instrumento ang Ingles upang alipinin
ng elite at ng mga dayuhan ang kultura, ekonomya at pulitika ng mga
ordinaryong Pilipino?
11. Bakit hadlang sa kaunlaran ng Pilipinas ang edukasyong neokolonyal at
hegemonya ng Ingles?
12. Bakit praktikal at nararapat ang Filipinisasyon ng edukasyon?
13. Anu-anong reporma ang maaaring ipatupad tungo sa ganap na Filipinisasyon ng
edukasyon sa bansa?

1
Pedagohiyang Mapagpalaya at Makabansa sa Wikang Pangmadla: Ilaw at Lakas

sa Matuwid na Landas ng Demokratisasyong Pampulitika at Pang-ekonomya

ni David Michael M. San Juan

De La Salle University-Manila

“Kung mapapalaya lamang natin ang malikhaing lakas ng ating sambayanan,

makakamtan natin ang isang bansang puno ng pag-asa at puno ng ligaya,

puno ng buhay at puno ng pag-ibig — isang bansang di magiging bansa

para sa ating mga anak, kundi isang bansa ng ating mga anak.”

– Senador Jose “Pepe” Wright Diokno

  Inihayag ng United Nations sa 2010 Human Development Report (HDR) na nasa

ranggong ika-99 ang Republika ng Pilipinas sa talaan ng 169 na bansa sa buong

daigdig. Sa payak na pananalita, mahigit kalahati ng daigdig ang nakalalamang sa

Pilipinas sa aspekto ng edukasyon, kalusugan at kita. Nasa ika-77 puwesto ang bansa

noong 2000 at ika-66 naman noong 1990. Ang “isang bansa ng ating mga anak” na

pinangarap ni Senador Jose Wright Diokno noong dekada 80 ay nananatiling pangarap

pa rin sa panahon ng pangulong nangakong dadalhin ang bayan sa “tuwid na landas”

ng kaunlaran. Sa gitna ng ganitong pambansang trahedya, ang pagtataguyod ng

pedagohiyang mapagpalaya at makabansa sa wikang pangmadla ang

pinakamaliwanag na sulong tanglaw at lakas ng sambayanan tungo sa landas ng

kaunlaran sa pamamagitan ng demokratisasyong pampulitika at pang-ekonomya. Sa

pagbaybay sa landasing ito, mahalagang linawin kung paano nasadlak sa

2
malakumunoy na kalagayan ang bansang dati-rati’y Perlas ng Silangan sa potensyal at

kagandahan.

Matinding Paghihikahos ng Sambayanan sa Panahon ng Globalisasyon

Tinatayang 70% ng mga Pilipino (o 70 milyong mamamayan) ang nabubuhay

nang mas mababa pa sa 42 piso o 1 dolyar bawat araw – ang halagang itinakda ng

United Nations na diumano’y kailangan ng isang tao upang mabuhay nang disente. Ang

karaniwang student meal sa University Belt ng Metro Manila ay nagkakahalaga ng 30 –

80 piso kaya tiyak na mas malaki na ang aktwal na bilang ng mga Pilipinong dukha

kaysa sa isinasaad ng opisyal na estadistika. Halos 70% ng mga Pilipino rin ang

nagsabing sila’y “mahirap” batay sa isang survey na isinagawa ng Ibon Foundation

noong Abril 2010. Sa pag-aaral naman ng Food and Nutrition Research Institute/FNRI

(isang ahensya ng gobyerno) noong 2008, mayroong 4,000,000 batang Pilipino ang

malnourished bunsod ng matinding kahirapan. Sa pagtataya naman ng Kalipunan ng

Damayang Mahirap (KADAMAY), may 30,000,000 Pilipino ang maituturing na

maralitang tagalunsod o urban poor (2008). Malaking porsyento sa kanila ang walang

sariling bahay at lupa, at wala ring trabaho. Batay naman sa National Statistics

Office/NSO (2010), halos 3,000,000 Pilipino ang walang trabaho at mahigit 7,000,000

naman ang kulang sa trabaho o underemployed. Dahil sa kawalan ng sapat na

oportunidad na makapaghanapbuhay sa sariling bansa, 4,000 Pilipino ang umaalis sa

bansa araw-araw para magtrabaho sa ibayong-dagat ayon sa Philippine Overseas

Employment Administration/POEA (2006). Tatlo hanggang apat na OFW bawat araw

3
ang umuuwing “nakakahon” na. Ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs)

ay tinatayang mula mahigit 8,000,000 hanggang 10,000,000.

Bato, Noodles, Prostitusyon at Surrogate Ulam: Kakaibang Sukatan ng Kahirapan

Higit na kagimbal-gimbal ang datos sa mga di karaniwang sukatan ng kahirapan.

Iniulat ng Agence France Presse (2008) na 3,000 sa 50,000 residente ng Baseco (isang

komunidad ng mga maralita sa Maynila) ang nagbenta ng isang bato nila sa mga

dayuhan. Marami ring Pilipino ang nagbebenta ng dugo, ngipin at iba pang bahagi ng

katawan dahil sa matinding kahirapan. Bagamat ilegal ang prostitusyon sa bansa,

tinatayang may “800,000 prostitute ang nakatira at nagtatrabaho sa Pilipinas. Kalahati

sa kanila ang menor de edad” (Yrasuegui at Esselborn, 2008). Tinalakay naman noong

Abril 29, 2010 sa ispesyal na edisyon ng Sine Totoo ng GMA 7 ang matinding

kagutuman na dinaranas ng maraming Pilipino sa isang episode na pinamagatang

“Philippine Agenda: Gutom.” Inilahad nito ang karanasan ng mga pamilyang Pilipino na

kumakain ng tira-tirang pagkain mula sa basura (tinatawag na “pagpag” o “kaning-

baboy”). Maraming Pilipino na rin ang nagtitiis sa kanin na tinambalan ng “surrogate

ulam” gaya ng toyo, kape, mantika ng baboy, asin, pulang asukal, bagoong at iba pa.

Ang lumang euphemism sa pagdaralita – “pagdidildil ng asin” – ay literal na nagaganap

at malaganap na. Tila pinagpala pa nga ang mga nakakakain ng kanin at “surrogate

ulam” dahil ayon sa Global Call to Action Against Poverty/GCAP-Philippines (2008),

“Para sa maraming mahihirap na pamilya, ang instant noodles na naglalawa sa sabaw

ay kumpletong pagkain na.” Ang pagbebenta ng murang noodles ay bahagi na ng isa

4
sa mga programang kontra-kahirapan ng pamahalaan na tinaguriang “Tindahan Natin.”

Sa ilalim ng nasabing programa ay tinitiyak ng gobyerno ang pagkakaroon ng access sa

murang noodles at bigas ng mga maralita. Kaugnay nito, ayon sa Flour Fortification

Initiative (2010), isang internasyunal na network ng mga kumpanya, NGOs at mga

akademista, tumaas ng 11% bawat taon ang pagkonsumo ng noodles ng mga Pilipino

sa nakaraang 10 taon.

Pagdaralita sa Ika-21 Siglo: Resulta ng Mga Modernong “Tanikalang Diyamante”

Kung pagtatagni-tagniin ang mga kalat-kalat na estadistikang ito, mahihinuhang

habang mabilis na umuunlad ang ibang bansa sa iba’t ibang aspekto (sa antas makro-

ekonomiko man lamang sapagkat ibang usapan pa kung nakarating o nag-trickle down

ba sa mga ordinaryong mamamayan ang “progreso” nila), nananatiling mabagal ang

pag-unlad ng Pilipinas sa kabila ng lubos na pagyakap ng bansa sa kapitalismo at mga

preskripsyon ng huwad na globalisasyon na ipinataw ng mga dayuhan. Inamin ng Puno

ng United Nations Information Center sa Maynila na si Therese Debuque na natatalo

ang bansa sa digmaan kontra kahirapan: “Mula 1990, ang antas ng matinding

kahirapan [sa Pilipinas] ay tumindi sa halip na maibsan.” Samakatwid, bigo ang bansa

na kamtin ang kalakhan ng millennium development goals (mga layuning itinakda ng

192 bansang kasapi ng United Nations at mahigit 20 organisasyong internasyunal

upang masugpo ang matinding kahirapan sa buong daigdig sa ika-21 siglo).

Melodramatikong naibuod ng ekonomistang si Alejandro Lichauco – na nagtapos

sa prestihiyosong Harvard University – ang kalunus-lunos na kalagayan ng

sambayanang Pilipino mula noon hanggang ngayon sa ilalim ng kapitalistang

5
globalisasyon: “Ito’y isang lipunan kung saan ang mga kabataan ay walang inaasahang

magandang bukas; kung saan tinitiis ng mga magulang ang paghihikahos ng kanilang

mga anak, at binabagabag sila ng pag-iisip sa madilim na kinabukasan ng kanilang mga

anak; kung saan ang mga malalakas ang katawan ay napipilitang iwan ang kanilang

pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa; kung saan ang mga matatanda at ang mga

may-kapansanan ay mag-isang namumuhay nang walang tulong; isang lipunan kung

saan ang mga siyentista, guro, alagad ng sining, lingkod-bayan, mga propesyunal at

mga sundalo ay walang trabaho kundi man kulang ang sweldo...kung saan ang isinilang

nang dukha ay namumuhay sa karukhaan at namamatay ring dukha.” Tuluy-tuloy na

ipinatupad ng sunud-sunod na administrasyon ang kapitalismo sa konteksto ng huwad

na “globalisasyon” na pumapabor lamang sa ekonomya ng mauunlad at

industriyalisadong bansa at ilang kasosyo nila sa mga bansang Third World. Kung

ituturing na propesiya ang ikapitong kabanata ng “El Filibusterismo” ni Jose Rizal,

maaaring tawaging bagong “tanikalang diyamante,” ang kapitalistang globalisasyon na

ipinapataw sa bansa ng mga pinunong tila mga karilyong pinagagalaw ng pising hawak

ng mga dambuhalang bansang kapitalista. “Tanikala” sapagkat patuloy nitong inilulubog

sa karukhaan at pagkaalipin ang sambayanan, at “diyamante” sapagkat may

mapanlinlang na kislap ang mga huwad na pangako nito na binalot ng mataginting na

retorika gaya ng “malayang kalakalan,” “kapatiran ng sangkatauhan” at iba pa.

Free-for-All Boxing: Lightweights vs. Heavyweights sa Arena ng Globalisasyon

Lantad na ang katotohanang “maling daan” ang kapitalismo at “globalisasyon”

dahil sa pandaigdigang krisis-pinansyal na nagsimula noong 2008 at patuloy pa ring

nananalasa sa numero-unong bansang kapitalista, ang Estados Unidos. Nalugi ang

6
mga dambuhalang pribadong bangko sa Amerika dahil sa kanilang pagiging ganid sa

tubo at nakapagmaniobra sila upang makakuha ng bilyun-bilyong dolyar na pondong

pansalba sa pagkalugi (bail-out funds) mula sa buwis ng mga mamamayang biniktima

ng kanilang pagiging gahaman. Kung talagang episyente ang kapitalismo, bakit

kakailanganin pa ng mga kapitalistang korporasyon ang tulong ng gobyerno sa

panahong dumanas ito ng pagkalugi? Hindi ba’t “sinolo,” “kinopo” o sinarili ng mga

kapitalistang korporasyon ang tubo sa panahong maganda ang negosyo? Bakit sa

panahon ng pagkalugi’y nais nilang magpasalba sa pamahalaan at taumbayan?

Malinaw kung gayon na hungkag at bangkarote ang padrong kapitalista kung episyente

at pangkalahatang kaunlaran ang layunin sapagkat ni hindi nga nito kayang iligtas ang

kanyang sarili! Walang ipinag-iba sa payat at naghihingalong linta na di kayang

mabuhay sa kanyang sarili – isang parasitikong organismong nakaasa sa kanyang mga

sawimpalad na biktima. Mismong ang mga pari sa “sinapupunan ng imperyalismo” ay

namulat na sa kahungkagan ng kapitalismo gaya ng ipinakikita sa dokumentaryong

“Capitalism: A Love Story” ni Michael Moore. Sa tanong na “Kasalanan ba ang

kapitalismo?” nag-aalab ang sagot ni Padre Dick Preston ng Michigan: “...ang

kapitalismo sa ngayon ay masama...labag sa lahat ng mabuti...kontra sa kapakanan ng

nakararami...kontra sa pagmamalasakit...kontra sa lahat ng mga pangunahing relihiyon.

Kapitalismo ang bagay na tinutukoy sa mga banal na kasulatan na di makatarungan. At

sa Kanyang sariling paraan, bababa ang Diyos at wawasakin ito. Mali ang kapitalismo

at dapat itong buwagin.” Higit pang matalas ang depinisyon ni Padre Peter Dougherty

sa kapitalismo: “Ito’y imoral. Ito’y obscene. Ito’y nakagagalit!...Ito’y matinding

kasamaan.” Binigyang-laman naman ng isang obispo ang dahilan ng gayong mariing

7
pagpuna ng Simbahan sa kapitalismo: “Tila hindi nakapag-aambag ang sistema sa

kapakanan ng lahat ng tao at ito ang dahilan kung bakit taliwas ito sa tinuro ni Hesus na

nagsabing Pagpalain ang mga dukha, sa aba ng mayayaman...”

Ang kapalpakan ng kapitalismo ay awtomatikong nangangahulugan ng

kapalpakan ng “globalisasyon” sapagkat kapitalista ang sistemang ipinatutupad ng mga

internasyunal na ahensyang promotor nito gaya ng World Trade Organization (WTO),

International Monetary Fund (IMF) at World Bank. Sapilitang ipinayayakap ng tatlong

ahensyang multinasyunal ang “malayang kalakalan” sa mga bansang nangungutang

upang ang mga mahihirap na bansa’y mabitag sa kumunoy ng karukhaan. Lalong

yumayaman ang mga mayayamang bansa, at lalo namang naghihirap ang mga

mahihirap na bansa. Sa ilalim ng patakaran ng WTO, maaaring tambakan ng halos

lahat ng produkto ng mga mayayamang bansang industriyal ang mga pamilihan sa

Third World. Hungkag kung gayon ang ipinamamaraling “malayang kalakalan” ng

“globalisasyon” at kapitalismo: “malaya” ang mga bansang may malakas na ekonomya

na pagsamantalahan ang mga bansang mahihina, at “global” ang saklaw ng kalakalan

ngunit hindi global ang pakinabang. Maihahambing sa isang dambuhalang arena ang

kapitalistang globalisasyon: “malayang” makilahok ang bawat bansa, ngunit hindi

pinaghihiwalay ang mga lightweight at heavyweight, alalaon baga’y isang free-for-all na

suntukan kung saan walang rendang bugbugan ang siyang kalakaran.

Kapitalistang Globalisasyon sa Pilipinas = Organized Plunder

Mula sa parity rights, patakarang dekontrol, deregulasyon ng industriya ng langis,

pagpapataw ng value-added tax sa mga pangunahing bilihin, kontraktwalisasyon ng

8
mga mangggagawa, pagtatanggal ng taripa (buwis sa mga produktong imported), tuluy-

tuloy na pangungutang sa International Monetary Fund (IMF) at World Bank,

pribatisasyon ng mga pangunahing industriya at public utilities (gaya ng tubig, minahan,

tren at kuryente), higit na paghihikahos lamang ang idinulot ng kapitalistang

globalisasyon sa mayorya ng mga Pilipino. Sa maagang bahagi pa lamang ng

“malayang kalakalan” sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos mula 1909-1941,

kitang-kita na ang mga disbentahe ng kapitalistang globalisasyon (na walang iba kundi

aplikasyon ng “malayang kalakalan” sa buong mundo) sa mga bansang hindi pa

industriyalisado gaya ng Pilipinas. Mahigit 30 taon pagkatapos ng pagsasabatas ng

malayang kalakalan noong 1909, walang kahit anong industriya ang naitayo sa bansa.

Nanatiling isang bansa ng mga anak-dalitang magsasaka na nag-iimport ng halos lahat

ng produkto ang Pilipinas. Hindi nagtapos sa deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas sa

Estados Unidos noong 1946 ang “malayang kalakalan.” Sa pamamagitan ng Bell Trade

Act na ipinataw sa taon ding iyon, nagpatuloy ang pananalasa ng “malayang kalakalan”

sa Pilipinas. Sinundan pa ito ng patakarang dekontrol na ayon mismo sa noo’y

Pangulong Diosdado Macapagal ay ipinatupad ng kanyang administrasyon alinsunod

sa rekomendasyon ng IMF. Nagdulot ito ng matinding krisis sa mga Pilipino bunsod ng

pagtaas ng presyo ng bilihin at pagbaba ng halaga ng mga eksport ng Pilipinas.

Tuluy-tuloy na ipinatupad ng mga kontemporaryong rehimen mula kay Marcos

hanggang kay Ramos ang patakarang “malayang kalakalan” sa utos ng IMF at World

Bank. Rumurok ang walang habas na pagyakap sa kapitalistang globalisasyon sa

panahon ni Pangulong Fidel Ramos nang ipatupad ang malawakang “liberalisasyon” ng

import sa pamamagitan ng lansakang pagbabawas at pagtatanggal sa mga taripa.

9
Naging isang malawak na duty-free zone ang bansa. Nasaid ang koleksyon ng buwis

ng pamahalaan kaya’t ipinataw ng administrasyong Ramos ang noo’y 10 porsyento pa

lamang na value-added tax upang “bawiin” sa taumbayan ang kitang itinapon nito sa

hangin nang tanggalin at/o bawasan ang mga taripa. Bumaha ng imported na produkto

na nagbunsod ng pagsasara ng mga maliliit at midyum na negosyong Pilipino. Bunsod

nito, sa pagsambulat ng krisis-pinansyal sa Asya sa mga huling taon ng dekada 90,

matinding pagdaralita ang dinanas ng sambayanang Pilipino. Daan-daang libong

manggagawa ang nawalan ng trabaho at libu-libong maliliit na industriyang Pilipino ang

namatay dahil sa patakarang liberalisasyon ng import. Naglaho ang industriya ng

gulong, papel, sapatos at kemikal sa Pilipinas at maging ang mga malalaking negosyo

gaya ng Hacienda Luisita, Inc. (HLI), Caltex at Matsushita Electric Philippines ay

naapektuhan. Nalugi ang HLI dahil sa pagbaha ng imported na asukal. Isinara naman

ng Caltex ang refinery sa Batangas dahil natatalo na ito ng kumpetisyong dulot ng mas

malalaking refinery sa ibang bansa. Nagsara naman ang pabrika ng colored TV ng

Matsushita Electric Philippines dahil sa pagbababa ng taripa sa mga imported na

produkto. Dahil sa pagkamasunurin ng bansa sa IMF at World Bank, ang Pilipinas ang

pinakaapektado sa pagsambulat ng krisis-pinansyal sa Asya batay sa mataas na antas

ng kawalan ng trabaho sa Pilipinas (11%) na higit na mataas sa mga karatig-bansa

gaya ng Thailand – 5.5%; Malaysia – 5.3%; South Korea – 6% at Indonesia – 8%.

Pangunahing tagapagmana ni Ramos ang administrasyong Gloria Macapagal-

Arroyo sa pagpapatupad ng kapitalistang globalisasyon. Ipinagpatuloy nito ang

patakarang liberalisasyon sa iba’t ibang industriya gaya ng semento na negatibo pa rin

sa pangkalahatan ang epekto. “(N)agbigay lamang ng oportunidad ang globalisasyon

10
sa mga korporasyon, partikular sa mga transnasyunal na korporasyon...na palakihin

ang kanilang puhunan...at unti-unting maisakatuparan ang monopolisasyon ng

industriya...” (Edralin 2003). Nagdulot din ang globalisasyon ng “pagpapaliit ng lakas-

paggawa” (downsizing) sa industriya ng semento sa bansa, bagay na nagpahina sa

mga unyon at sa kolektibong kakayahan ng mga manggagawa na ipaglaban ang

kanilang mga karapatan, at nagpatibay lalo sa kapangyarihan ng mga korporasyon.

Pinasimulan din ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang liberalisasyon ng industriya ng

asukal sa pamamagitan ng Executive Order No. 857 na nagbigay-pahintulot sa National

Food Authority na mag-angkat ng 150,000 metrikong tonelada ng asukal sa kabila ng

mariing pagtutol ng mga lokal na prodyuser. Tinatayang 2,000,000,000 piso ang

nawalang kita sa gobyerno dahil sa walang-taripang (duty-free) importasyon ng asukal.

Hindi rin naprotektahan ng administrasyong Arroyo ang industriya ng sapatos at

garment sa bansa. Nahirapang makipagkumpetensya ang industriya ng sapatos sa

Marikina sa pagdagsa ng mga murang produkto mula Tsina at tila naghihingalo na rin

ang industriya ng garment sa bansa dahil sa pamamayani ng Cambodia, Tsina at

Vietnam sa larangang ito (Beerepoot 2008). Nagdulot ng malawakang pagsasara ng

mga pabrika at tanggalan sa trabaho ang ganitong sitwasyon. Ilan lamang ang mga ito

sa masasamang karanasan ng mga Pilipino sa ilalim ng kapitalistang globalisasyon. Sa

kasamaang-palad, gaya ng ipinakita sa mga halimbawa, halos lahat ng mga nakaraang

administrasyon ay naging sunud-sunuran sa mga dikta ng dayuhan sa ekonomya.

Unggoy Mentality: Mula Kay Charice Pempengco Hanggang sa Mga Pinuno

Sa pinakasimpleng diskurso, nag-asal-unggoy ang karamihan sa mga pinuno ng

Pilipinas sa nakaraang mahigit 100 taon ng “kalayaan” ng bansa sa pamamagitan ng

11
pagbibigay-ayuda sa organisadong pandarambong ng mga dayuhang kapitalistang

korporasyon sa sambayanan, kaya hindi pa rin makaahon sa kumunoy ng kahirapan

ang bansa. Nang ihayag ni Freddie Aguilar na “unggoy” si Charice Pempengco dahil sa

panggagaya sa mga banyagang mang-aawit, maraming Pilipino ang nagalit kay “Ka

Freddie.” Hindi matanggap ng mga Pilipino ang katawagang “unggoy” na salamin ng

pagiging mangongopya, manggagagad, o ng kulturang pamimirata sa ginagawa ng iba;

samakatwid baga’y ang panggagaya sa anumang makitang ginagawa ng mga

Amerikanong dinidiyos, na walang ipinag-iba sa isang matapat na alagang unggoy na

ginagagad ang bawat kilos ng among tagapagsanay (halaw sa Ingles na kasabihang

Monkey see, monkey do). Malibang itakwil ng bansang Pilipinas ang mga dayuhang

padrong sosyo-ekonomiko na bigo sa pagluluwal ng kaunlaran para sa sambayanan,

mananatili ang mga “depekto” ng ekonomya ng bansa, mga depektong "hiniram"

lamang. Magpapatuloy “ang pagkawasak ng inyong pagkamamamayan, ang pagdurog

sa inyong lupang tinubuan, ang pagpapataw ng diktadura!” ang pagiging “(i)sang

bansang walang sariling diwa, bansang walang laya,” ng Pilipinas, ayon sa propesiya ni

Simoun sa ikapitong kabanata ng “El Filibusterismo.”

Masa, Ilustrado at Principalia sa Wika at Kultura: Bunga ng Oportunismong

Lingguwistiko at Elitismong Pedagohikal ng Kolonyalismong Kastila

Ang patuloy na pangingibabaw ng mga dayuhan at ng iilang elite na Pilipino sa

kultura, pulitika at ekonomya ng bansa ay isang malinaw na bunga ng halos walang

patlang na kolonisasyon ng bansang Pilipinas. Nang sakupin ng España ang kapuluan,

naudlot ang dapat sana’y tuluy-tuloy na pag-unlad ng Pilipinas bilang isang malayang

bansa. Unti-unti, makokonsolida sana ang mga baranggay at sultanato sa pamamagitan

12
ng mga digmaan at kasunduan. Unti-unti, mabubuo ang isang bansa sa kapuluang ito.

Maaari ngang ituring na bansa ang Sultanato ng Sulu noon dahil sa lawak ng sakop

nitong lugar (malaking bahagi ng Mindanao at Sabah). Kung hindi dumating ang mga

Kastila, posibleng lumawak pa ang saklaw nito sa Luzon at Visayas. Maaari rin namang

may sumulpot na malakas na sultanato o baranggay sa Luzon o Visayas na

makikipagsanib-teritoryo (merging) o kaya’y mananakop ng ibang lugar. Sa kabuuan,

kung hindi dumating ang mga Kastila, magaganap nang tuluy-tuloy ang natural at

historikal na proseso ng pagbubuo ng bansa o nation-building sa Pilipinas. Gamit ang

taktikang divide et impera, sinamantala ng mga Kastila ang pagkakahati-hati ng mga

mamamayan sa kapuluan sa mga malalaya at nagsasariling pangkat etno-lingguwistiko

upang masakop ang bansa at mapanatili ang gobyernong kolonyal sa mahigit tatlong

siglo. Pinanatili ng mga Kastila ang lingguwistikong dibersidad ng mga indio hindi upang

turuan sila ng multikulturalismo, kundi sa halip ay upang samantalahin ang kanilang

pagkakahati-hati at nang ang mga Kastila ang makapaghari. Hindi tinuruan ng wikang

Kastila at hindi rin binigyan ng sistematikong edukasyon ang lahat ng mamamayan.

Arbitraryong isinantabi ng mga prayle ang dekreto ng monarkiya na nagtatadhana ng

pagkakaroon ng publikong edukasyon para sa lahat ng kolonya, kasama na ang

malawakang pagtuturo ng wikang Kastila sa mga mamamayan ng mga kolonya.

Sa halip, isang elitistang sistema ng edukasyon ang itinayo ng mga misyonerong

prayle para sa mga anak ng mga Kastilang administrador (peninsulares na tubong-

España at insulares na may-dugong Kastila ngunit tubong-Pilipinas). Binigyan din ng

ganitong konsesyong pedagohikal ang mga indio sa alta sociedad, ang mga itinuturing

na principalia at ang mga ilustrado upang sila’y maging mga Hispanisadong

13
tagapagtanggol at kasapakat ng kolonyalismong Español. Samantala, pasambut-

sambot na edukasyong primarya sa panimulang pagbasa, pagsulat at pagbibilang, sa

pamamagitan ng mga eskuwelahang caton – na karaniwa’y mas mahaba pa ang oras

na ginugugol sa katesismo kaysa sa iba pang asignatura – ang pakunswelong alok sa

masang indio. Bunsod nito, sumibol ang tinatawag ni Dr. Zeus Salazar na

"dambuhalang pagkakahating pangkalinangan." Nanatiling gumagamit ng mga wikang

katutubo at semi-edukado kundi man tahas na di edukado ang kalakhan ng masa,

habang narahuyo naman sa wikang Kastila at nagkamit ng kumpleto at de-kalidad na

kanluraning literasi ang mga principalia at ilustrado. Nahati ang sambayanan bunsod sa

linguistic opportunism at pedagogical elitism ng mga Kastila. Hindi kataka-taka na ang

rebolusyonaryong pangkat na namuno sa tahas na paghihimagsik laban sa mga

Español, ang Kataastaasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan

(KKK) ay itinatag ng mga anak-dalitang gaya ng bodegerong si Andres Bonifacio,

habang ang marami-raming mga principalia at ilustrado ang nanatiling tapat sa España

hanggang sa mga huling sandali ng paghihingalo nito sa kapuluan.

Kung hindi dumating ang mga Español, wala sanang dambuhalang

pagkakahating pangkalinangan ang hahadlang sa mabilis na pagkakaisa at pag-unlad

ng ating bansa. Malamang na naging kasing-unlad tayo ng mga bansang gaya ng

Norway, Pransya, Gran Britanya, at Estados Unidos. Nagsimula rin sila sa pagkakaroon

ng watak-watak na mga munting kaharian at teritoryo na unti-unting nakonsolida sa

pamamagitan ng mga kasunduan at digmaan. Nang mabuo na ang kanilang mga

bansa, nagkaroon sila ng bentahe dahil mas malaki ang teritoryo, mas maraming likas

na yaman, mas maraming manggagawa na epektibong maimomobilisa ng isang

14
sentralisadong pamunuan. Ang mga bansang ito’y umunlad dahil natutuhan nilang

pamunuan ang kanilang mga sarili. Natutuhan nilang gamitin ang likas na yaman ng

kanilang mga bansa para sa kanilang mga sarili. Nagtayo sila ng mga industriya na

nakalilikha ng mga kapaki-pakinabang na produkto mula sa kanilang saganang likas na

yaman. Pinaunlad nila ang agrikultura upang mapakain ang lahat ng mamamayan.

Sa ilang aspekto, nagagawa na ng bansa ang mga gayong bagay bago dumating

ang mga Kastila, ngunit tiyak na maaari pa itong umunlad at sumulong sa lahat ng

salik, gaya ng nangyari sa mga bansang binanggit. Sa loob ng 333 taon ng

kolonyalismong Español, "nakalimutan" o hindi na natutuhan ng mga Pilipino kung

paano mamahala, kung paano bumuo ng bansa, kung paano gamitin ang mga biyaya

ng Diyos sa Pilipinas, dahil lahat nga ay kinontrol na ng mga Kastila. Kakatwa ang

problema ng Pilipinas sapagkat nang napalayas na ng mga rebolusyunaryo ang mga

Kastilang kolonyalista, dumating naman ang mga Amerikanong imperyalista.

Magsisimula na sanang muli sa pagtuklas sa sariling pag-unlad ang Pilipinas nang

dumating ang Amerika na nakialam din sa pangangasiwa ng gobyerno at lipunan na

kung tutuusi’y kayang matutuhan ng mga Pilipino sa sariling pagsisikap.

Imperyalismong Amerikano ang lalong nagpatibay sa mga "tanikalang diyamante” ng

Republikang Pilipino.

Hegemonyang Holistiko sa Imperyalismo: Pagluluto ng Little Brown Americans

Sa kabila ng matinding pambubusabos, brutalidad, panloloko at paghihirap na

dinanas ng mga Pilipino sa ilalim ng Star-Spangled Banner, marami pa ring pumupuri

sa diumano’y kabutihang naidulot ng pananakop ng Amerika. Marami pa rin ang

nagsasabing mas mainam pang maging estado tayo ng USA upang makaranas ng

15
diumano’y mga biyaya ng kapitalistang globalisasyon. Ang ganitong pangangayupapa

at pagsamba sa mapagsamantalang dayuhan na bumiktima at bumibiktima pa rin sa

bansa ay di kataka-taka sapagkat maagang nagsagawa ng hakbang ang USA para

kontrolin, manipulahin at lasunin ang isipan ng mga Pilipino. Hegemonyang holistiko

ang ipinataw ng imperyalistang Amerikano: hene-henerasyon ang hinubog sa ilalim ng

bandilang Amerikano bilang mga little brown Americans na Kano sa isip, sa salita, sa

gawa at sa lahat, maliban lang sa kulay ng balat.

Pagdaong sa Pilipinas, inatupag agad ng mga sundalong Kano ang pagtuturo sa

mga batang Pilipino. Malaon, dumating ang mga gurong sibilyan na tinatawag na

Thomasites. Itinayo ng mga Amerikano ang isang pampublikong sistema ng edukasyon

sa antas elementarya at sekundarya upang lalong makontrol ang pag-iisip ng mga

Pilipino. Sapagkat natuto na sa lingguwistikong kamalian ng mga Español, ipinilit ng

mga Amerikano ang pagtuturo ng wikang Ingles upang mas madaling mapasunod ang

mga Pilipino at para ilayo sila sa mga katutubong wika na sumasalamin sa kulturang

Pilipino. Natatakot ang mga Amerikano na kapag napalapit ang mga Pilipino sa

kanilang katutubong kultura sa pamamagitan ng paggamit ng sariling wika ay muling

mag-alab ang damdaming makabayan nila na maaaring mauwi sa rebolusyon. Itinanim

ng mga Amerikano ang binhi ng kolonyal na pag-iisip at linguistic inferiority complex sa

pamamagitan ng tahas na pagbabawal sa paggamit ng wikang katutubo sa mga

paaralan. Ang mga teksbuk na ipinagamit ay puro papuri sa Amerika. Sa History, buhay

ng mga bayaning Amerikano ang itinuturo sa mga Pilipino habang itinatakwil naman

ang mga bayaning Pilipino gaya ni Macario Sakay bilang mga “bandido” na di dapat

tularan. Ipinagbawal ang pag-awit ng Lupang Hinirang at iba pang makabayang awitin.

16
Ipinataw ang sensura maging sa mga sarswela at pelikula na sa mga unang taon ng

pananakop ng Amerika ay ginamit na kasangkapan ng mga makabayan upang

papagningasin ang aandap-andap na sulo ng pakikibakang anti-imperyalista ng

sambayanang nagsisimula pa lamang makarekober mula sa gerang rebolusyonaryo at

anti-kolonyalismo na naipagtagumpay laban sa mga Kastila.

Sa kabuuan, cultural purging ang dinaanang proseso ng mga Pilipino sa kamay

ng mga Amerikano: tila maruruming mikrobyo’t bulateng pesteng pinilit purgahin ng mga

kampon ni Uncle Sam ang sumisibol na identidad ng mga mamamayan. Upang maging

ganap ang cultural purging, walang humpay na tinambakan ang mga Pilipino ng mga

advertisement na nag-eendorso ng mga produktong Amerikano sa mga pelikula,

telebisyon at radyo. Tinuruan silang produktong Amerikano lang ang gustuhin at bilhin.

Hanggang ngayon, laganap pa rin ang pagiging utak-imported ng mga Pinoy. Ayaw ng

bagkat-bao o panutsa, gusto ay Hersheys! Ayaw ng Hapee, gusto’y Colgate! Ayaw ng

sapatos-Marikina, gusto’y Nike! Ayaw ng Sarao, gusto’y Porsche!

“Demokrasyang Piramidikal”: Alta Sociedad Bilang Balwarte ng Kapangyarihan

Tinalbugan ng mga Amerikano ang mga Kastila sa paggamit ng nirebisa at lalo

pang pinasahol na taktikang “hatiin sila at pagharian.” Kinuha ng USA ang suporta ng

mga Pilipinong elite, ang ilustrado at principalia noong panahon ng Kastila, sa

pamamagitan ng pag-aalok sa kanila ng masasabaw na pusisyon sa gobyerno. Ang

mga Pilipinong elite na nagtraydor sa mamamayan ay binigyan ng mga pusisyon sa

gobyerno bilang gantimpala sa kanilang pagiging maamong tagasunod ng USA na

katulong sa pagpapatahimik ng mga mamamayang anti-imperyalista. Hindi rin

pinakialaman ng USA ang mga hacienda ng mga Pilipinong elite para matiyak na

17
susuportahan nilang lagi ang gobyernong kolonyal. Sa mga negosyo at industriya,

ginawang kasosyo ang mga elite para sila’y makinabang din sa pamamahala ng USA at

kung gayo’y manatili ring matapat sa mga Amerikano. Ipinadala sa Estados Unidos ang

maraming anak ng mga pinunong elite upang doon mag-aral na maging Amerikano sa

isip, sa salita at sa gawa. Hene-henerasyon ng elite na pensionado ang sinanay ng

Amerika upang maging taliba ng neokolonyalismo sa pulitika, panitikan, edukasyon,

ekonomya at iba pang larangang makatitiyak sa tuluy-tuloy na pagkagapos ng Pilipinas

sa tanikalang kanluranin. Lubos na pinagbuti ng Amerika ang pagtuturo ng Ingles sa

mga elite sa pamamagitan ng mga pribadong paaralang pinayagang umiral sa tangkilik

ng gobyernong kolonyal. Lalong pinaghiwalay ng mga Amerikano ang elite at ang masa

sa wika, kultura at sensibilidad upang ang una ay maging masugid na tagapagpatupad

ng mga pakatarang makadayuhan, habang ang huli’y nananatiling mangmang at may

limitadong partisipasyon lamang sa prosesong elektoral at pagbabalangkas ng mga

polisiyang pambansa sa ekonomya at iba pang larangan. Karamihan sa mga

Hispanisadong elite ay agad nagpalit-wika at nakiayon sa namamayaning kaayusan.

Nagpatuloy at lalo pang umigting ang dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa

pagitan ng elite at ng masa. Samakatwid, ipinagpatuloy ng mga Amerikano ang

elitismong pedagohikal at lingguwistikong oportunismo ng mga Kastila, at inilatag ang

pundasyon ng “demokrasyang piramidikal,” kung saan ang iilang Ingleserong elite ang

nangingibabaw sa mayorya ng mga mamamayang nagsasalita ng wikang katutubo.

Plutokrasya ng Mga Inglesero/a

Upang lalong maglaway ang mga Pilipinong elite, nagpa-eleksyon ang USA sa

bawat bayang nasakop sa Pilipinas sa taktikang maaaring tawaging political

18
conditioning. Kumbaga sa eksperimento ng Rusong si Ivan Pavlov, ang elite ang aso at

ang eleksyon naman ang bell at pagkain. Noong una, ang mga may ari-arian (gaya ng

bahay at lupa) lamang ang maaaring bumoto at maiboto. Kahit malaon ay maaari na

ring mahalal at maghalal ang mga walang ari-arian at sapat na kita, hindi pa rin sila

nakinabang sa eleksyon dahil wala silang panama sa pera ng mga elite. Ang sistema

ng eleksyong itinuro ng USA ay halalang nakabatay sa pera at di sa plataporma.

Nahihirapang manalo ang walang pera kahit maganda ang kanyang plataporma. Dahil

elite lang ang may pera, karaniwang sila lang din ang nahahalal. Bunga nito, sila rin ang

pinakamatatapat na kasapakat ng USA, sapagkat kahit paano’y nakakabahagi sila sa

kapangyarihan, pera at iba pang resources ng pamahalaan.

Sapagkat aral na aral sa Ingles, mula noon hanggang ngayon ay pinanatili at

pinananatili ng mga elite ang pangingibabaw ng Ingles sa lahat ng prosesong pulitikal

ng bansa. Ingles ang ginagamit sa kalakhan ng mga korte, lalo na sa Korte Suprema.

Halimbawa, kakatwang ang mga desisyon ng Korte Suprema sa mga mahahalagang

usaping pambansa at pangmasa gaya ng reporma sa lupa ay pawang nakasulat sa

Ingles. Ang Senado at Kongreso ay nagsasagawa pa rin ng mga pagdinig sa wikang

Ingles, kaya magkaroon man ng panahon ang isang anak-dalita na mag-obserba, maliit

ang tsansa na maiintindihan niyang ganap ang walang katapusang pagtatalo ng mga

senador at mga kongresista. Ang mga batas ng republika ay nakasulat at isinusulat sa

wikang Ingles. Mangilan-ngilang mahahalagang batas pa lamang ang nakasalin sa

wikang pambansa. Ang mismong Saligang Batas ay nasa Ingles ang orihinal at may

kagimbal-gimbal na pasubaling kung magkaroon ng pagtatalo sa kahulugan ng mga

probisyon ng Konstitusyon, ang orihinal sa Ingles ang masusunod at hindi ang salin sa

19
mga wikang katutubo! Samakatwid, malinaw na pinatibay at pinananatili ng hegemonya

ng Ingles ang plutokrasya sa Pilipinas (ang pamumuno ng masasalaping elite).

Bunsod ng pamamayani ng Ingles sa sistemang pampulitika ng bansa, hindi

kataka-takang ang maraming makabayan at makamasang probisyon ng Saligang Batas

ay nagiging palamuti na lamang. Halimbawa, ayon sa Artikulo II, Seksyon 26 ng

Konstitusyon: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public

service and prohibit political dynasties as may be defined by law.” Sa kasamaang-palad,

hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapasa ang isang enabling law na magpapatupad

sa gayong probisyon na naglalayong bigyan ng pagkakataon ang mas maraming

mamamayan na lumahok sa prosesong elektoral bilang mga kandidatong kampeon ng

anak-dalita. Nananatiling nakaimbak sa mga inaalikabok na bulwagan ng mga batas na

naglalayong makapag-ambag sa demokratisasyon ng kapangyarihang pampulitika at

pang-ekonomya sa bansa ang House Bill 3413 (Anti-Political Dynasty Act) na co-

authored ng Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, Anakpawis, Kabataan at ACT

Teachers Partylist. Laging hinahadlangan ng mayorya sa Senado at Kongreso na

pawang Inglesero/Inglesera ang isang batas na babasag sa kanilang monopolyo sa

kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya. Tinitiyak nilang Ingles ang diskusyon

sa anumang pagdinig upang malito at umuwi na lamang ang mga matitiyagang

elemento ng masa na maghahangad makilahok sa pagtataguyod ng mga gayong batas.

“Madugong proseso” ang pagpapatupad ng mga repormang pulitikal dahil

kontrolado ng pinakamayayamang pamilyang asendero at negosyante na pawang

Inglesero ang buong pamahalaan. Mula Batanes hanggang Tawi-tawi, may kanya-

kanyang kaharian ang mga “political dynasty” sa bansa. Mula noong 1900s hanggang

20
sa kasalukuyan, pinaghaharian ng iilang pamilya ang maraming pambansa at lokal na

puwesto at hanggang ngayon, mahirap pa rin ang Pilipinas. Samakatwid, di kalabisang

sabihing walang silbi, inutil at hadlang sa pagbabago ang mayorya ng mga pulitikal na

dinastiyang may edukasyong kanluranin sa wika, kultura at sensibilidad na malayung-

malayo sa katutubong wika, kultura at sensibilidad ng sambayanang naghihikahos. Ang

demokratisasyon ng pulitika ay nangangahulugan ng pagbibigay ng kapangyarihan sa

masa. Sa mas malawak na partisipasyon ng mga ordinaryong manggagawa,

magsasaka at iba pang mga anak-dalita sa pulitika, laban sa tradisyunal na paghahari

ng mga asendero at negosyante, tiyak na hahantong sa tunggalian ng mga interes ang

mga labanan sa sangay lehislatibo, hudisyal at ehekutibo ng pamahalaan. Sa ganitong

konteksto, natural lamang na hadlangan ng elite ang ganap na demokratisasyon ng

pulitika, bagay na hindi maaaring manatiling permanente. Nakasalalay sa tuluyang

pagwawaksi ng neokolonyal na edukasyon ang pampulitikang kamulatan ng

sambayanan na siyang magdadala sa atin sa tuwid na daan ng kaunlaran.

Edukasyong Neokolonyal at Hegemonya ng Ingles: Hadlang sa Kaunlaran

Ang kabiguan ng sistemang pang-edukasyon ng bansa na makapag-ambag sa

paglinang ng makabayang kamalayan at pambansang kaunlaran ay bunga ng kabiguan

ng sambayanan na iwaksi ang mga tanikalang ipinataw ng mga imperyalista. Malinaw

na inilalahad ng historikal na pagsusuri ni Renato Constantino (1982) ang

pangkalahatang kalagayan ng edukasyon sa bansa: “Hindi lamang natin ginaya ang

edukasyong kanluranin, kundi ipinadron natin ang ating edukasyon sa mga

pinakamauunlad na bansang kanluranin.” Ang ganitong bulag na adapsyon ng mga

kanluraning padron ay tiyak na mabibigo sapagkat likas na magkaiba ang kultura, wika,

21
sensibilidad at sistema ng lipunang Pilipino at ng lipunang kanluranin. Sa edukasyong

neokolonyal, malinaw na may hegemonya pa rin ang wikang Ingles sa lahat ng antas ng

edukasyon, sa kabila ng pagsibol ng programang Mother Language-based Education at

Multilingual Education (MLE). Hindi pa rin ipinawawalambisa ni Pangulong Noynoy

Aquino ang Executive Order No. 210 ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo, na naglalaman

ng napakaraming probisyong maka-Ingles. Mas mahaba pa rin ang contact time sa

Ingles kaysa sa Filipino sa ilalim ng DepEd Order No. 90, Series of 2009. Bunsod ng

malawak na kultural at sosyo-ekonomikong agwat ng elite na edukado sa Ingles at ng

masang Pilipino na Filipino ang gamit, naging isang “lupain ng mga digmaang-sibil,

isang republika ng mga ganid at ng mga walang kabusugan” ang Pilipinas, gaya ng

propesiya ni Rizal. Sa ganitong diwa, malinaw kung bakit hindi nauunawaan at

nararamdaman ng mga Ingleserong opisyal ng gobyerno ang sentimyento ng masang

Pilipino. Ang lingguwistikong agwat sa pagitan ng dalawang bloke ay lubhang mahirap

igpawan kaya hinahadlangan nito ang pagkakaroon ng malaya at mapagmulat na

pambansang diskurso sa pagitan ng mga pinuno at mga mamamayan. Hindi isang biro

ng tadhana na ang mga nakaraang rehimeng Inglesero/Inglesera ay nabigong intindihin

at lutasin ang mga ugat ng mga suliraning sosyo-ekonomiko ng bansa. Halimbawa, sa

halip na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, pag-akit sa dayuhang

puhunan ang pangunahing programang kontra-kahirapan ng mga administrasyon mula

noon hanggang ngayon, sa kabila ng pagbababala ng United Nations Conference for

Trade and Development (UNCTAD) sa 2011 World Investment Report na hindi dapat

umasa ang mga bansang Third World sa dayuhang puhunan dahil madali itong makuha

at madali rin itong mawala. Ginagamit na palusot ang adyendang pabor sa dayuhang

22
puhunan upang ipilit ang patuloy na pamamayani ng wikang Ingles sa edukasyon. Sa

halip na mga tagapag-ambag sa pambansang kaunlaran, pangunahing eksport ang

trato ng gobyerno sa mga estudyanteng pinipilit mag-Ingles sa paaralan para malao’y

maging mga manggagawa at mga propesyunal na aalipinin ng mga dayuhan.

Unang Hakbang sa Tuwid na Daan: Ganap na Filipinisasyon ng Edukasyon

Upang wasakin ang hegemonya ng Ingles at bigyang-daan ang pedagohiyang

mapagpalaya at makabansa, kinakailangan ang ganap na Filipinisasyon ng edukasyon

sa lahat ng antas. Nangangahulugan ito na sa pangmatagalan, ang Ingles ay dapat na

lamang ituro bilang isang asignatura at hindi na dapat gamitin bilang wikang panturo sa

lahat ng antas, gaya ng ginagawa ng mga pinakamauunlad na bansa na nasa

Scandinavia. Hadlang sa mabisang pagkatuto ang sistema ng edukasyon kung saan

ang dominanteng wika ay isang dayuhang wika sapagkat “Sa halip na direktang matuto

ang bata sa pamamagitan ng kanyang katutubong wika, kailangan muna niyang imaster

ang dayuhang wika, isaulo ang bokabularyo nito, masanay sa mga tunog, intonasyon,

at pagbigkas nito, para lamang ibasura ang lenggwaheng ito kapag hindi na siya nag-

aaral...Ang dayuhang wika ay dapat ituro at mas madaling maituturo kung namaster na

ng mga bata ang kanilang katutubong wika…” (Constantino 1982).

Wikang Panlahat: Praktikalidad ng Filipinisasyon sa Panahon ng Globalisasyon

Mula 1906, Ingles pa rin ang dominateng wika sa gobyerno at edukasyon,

alalaon baga’y “ang wika ng kapangyarihan” o “language of power” kaya nananatiling

etse-pwera ang masa sa sistemang pampulitika at hilaw ang pagkatuto ng mga Pilipino.

Mabagal ang implementasyon ng pananaliksik ng mga researcher at/o siyentista sa

bansa dahil karaniwan, Ingles ang lenggwahe ng pananaliksik pero Filipino o iba pang

23
lokal na wika ang ginagamit ng mga manggagawang katuwang sa pagpapatupad ng

pananaliksik. Tiyak na bibilis ang pananaliksik sa bansa kung ganap na isasakatuparan

ang Filipinisasyon ng edukasyon: hindi na kakailanganin ng mga interpreter at tagasalin

kapag nagtatalakayan ang mga siyentista, manggagawa, magsasaka at iba pang mga

simpleng mamamayan na kasangkot sa pagpapatupad ng pananaliksik. Paghambingin

ang mga website ng mga unibersidad sa mga bansang nangunguna sa paggamit ng

pananaliksik para sa pambansang kaunlaran at kasama sa top 20 ng 2010 Human

Development Index ng United Nations: <www.uio.no>; <www.su.se>; <www.uva.nl>;

<www.uib.no>), at ang mga website ng mga nangungunang unibersidad sa Pilipinas:

<www.up.edu.ph>; <www.dlsu.edu.ph>; <www.admu.edu.ph>; <www.ust.edu.ph>. Ang

mga website ng mga unibersidad sa Pilipinas, Ingles ang default language at ni walang

bersyon sa Filipino, maliban sa kapirasong pahina ng mga Departamento ng Filipino!

Samantala, ang mga website ng unibersidad sa mga bansang nasa top 20 ng Human

Development Index, wikang katutubo nila ang gamit!

Ipinakikita ng pinakahuling resulta ng National Achievement Test (NAT) na ang

mga estudyante ay nakakuha ng pinakamatataas na average na marka sa Filipino,

bagay na nagpapatunay na dapat na itong gamitin bilang pangunahing wikang panturo.

Ayon sa National Statistics Office (2010), sa 17  rehiyon sa buong Pilipinas nangunguna

ang Tagalog bilang wikang sinasalita sa 5,389,246 tahanan o 35.32% ng kabuuang

15,256,942 tahanan. Di hamak na mas magkakalapit ang Tagalog at ang iba pang wika

sa Pilipinas kaysa sa Ingles at mga wikang katutubo sa bansa. Kung gayon, isang

kahunghangan at pagpapatiwakal ang pagpupumilit na panatilihing pangunahing

wikang panturo ang Ingles sa Pilipinas. Ang muling pangingibabaw ng Filipino sa

24
edukasyon at iba pang larangan ang susi sa sosyo-kultural at pulitikal na liberasyon ng

mga Pilipino gaya ng sinasabi ni Simoun: “...kinalimutan ninyong habang

pinangangalagaan ng sambayanan ang kanilang wika, pinangangalagaan nila ang

marka ng kanilang kalayaan gaya ng pangangalaga ng isang tao sa kanyang kalayaan

habang pinananatili niya ang sariling paraan ng pag-iisip. Ang wika ang kolektibong

kaisipan ng sambayanan.” Sa pamamagitan ng pagpapalaya ng kamalayang

pambansa, mapapalapit ang sambayanan sa tuwid na daan ng kaunlarang pang-

ekonomya. Paano nga ba lalaya ang bansa sa kultural, ekonomiko at sosyo-kultural na

dominasyon ng mga dayuhan kung ang mismong dila nito ay nakatanikala? Nilinaw ni

Simoun ang ugnayan ng paglinang ng pambansang identidad at pagpapaunlad ng

bansa: “…Ipakilala ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan ng paglalantad ng inyong

sariling katangian, subukin ninyong itayo ang pundasyon ng bansang Pilipinas!

Pinagkakaitan ba nila kayo ng pag-asa? Mabuti! Huwag kayong umasa sa kanila,

umasa kayo sa inyong sarili at kumilos!...linangin ang sariling wika, palawakin ang

saklaw nito at pangalagaan ang sariling pag-iisip ng sambayanan...magsikhay kayo na

maging isang bansa! Sa halip na maging utak-alipin, mag-isip kayo nang malaya...at

malaon, kakamtin ninyo ang inyong kalayaan!” Hanggang ngayon, nangingibabaw pa

ang mga dayuhan sa ating wika, kultura, pulitika at sa ekonomya, kaya makabuluhan pa

rin ang kaisipang ipinahayag ni Jose Rizal sa “El Filibusterismo.”

Pagsasalin: Karagdagang “Tubig” na Pamuno sa Balon ng Katutubong Kaalaman

Ang ganap na Filipinisasyon ng edukasyon ay isang radikal na preskripsyong

nangangailangan ng pagsasabalikat ng lansakang pagsasalin at/o adaptasyon ng

kaalaman sa mga larangan kung saan dominante ang Ingles (gaya ng Siyensya at

25
Matematika). Isang propesor sa De La Salle University si Dr. Feorillo Petronilo

Demeterio III (2009) ang nagsalin ng mga konsepto ni Einstein sa Filipino upang

patunayan na kaya ng at handa na ang Filipino na maging isang wikang magagamit sa

pagdukal ng siyentipikong kaalaman. Isa lamang ito sa sanlibo’t isang pagsisikhay sa

intelektwalisasyon ng wikang pambansa na naidokumento na ng mga samahang

pangwika gaya ng Sanggunian sa Fililipino (SANGFIL) at Pambansang Samahan sa

Linggwistika at Literaturang Filipino, Ink. (PSLLF) at ng mga akademikong dyornal gaya

ng “Malay” ng De La Salle University na may pinakamataas na download at viewership

rate sa lahat ng dyornal sa Pilipinas. Bukod sa pagsasalin ng mga tekstong siyentipiko

at matematikal, dapat ding pag-ukulan ng pansin ang pagsasalin ng mga akdang

klasiko sa daigdig, gayundin ang mga bestseller na aklat sa bawat taon gaya ng

ginagawa sa Europa. Upang patibayin ang nasyunalisasyon ng wikang Filipino at ganap

na magapi ang rehiyunalismo, dapat ding palawakin pa ang saklaw ng pagsasalin ng

panitikan sa bernakular tungo sa wikang pambansa. Kung gayon, isang imperatibo ang

pagpapalakas sa Kawanihan sa Pagsasalin ng Komisyon sa Wikang Filipino at ang

pakikipag-ugnayan nito sa mga nangungunang unibersidad sa buong bansa tungo sa

mabilis at mas mahusay na lansakang pagsasalin. Sa pamamagitan nito, magkakaroon

ng sapat na kagamitang panturo para sa isang ganap na Filipinisadong sistemang

pang-edukasyon. Tanging ang isang ganap na FIlipinisadong sistemang pang-

edukasyon lamang ang makapaghuhubog at makalilinang ng “mga mag-aaral na may

mapanuri at malikhaing pag-iisip,” “isang henerasyon ng mga mahuhusay at

matatalinong mamamayan na magtatayo ng mga industriya, mangangasiwa ng mga

negosyo at lilikha ng mga trabaho – na may dignidad – para sa mga mamamayan” sa

26
halip na maging isang bansa lamang ng domestic helpers, construction workers,

caregivers, at call center operators, batay sa isang pahayag ng Pambansang Komisyon

sa Kultura at Mga Sining-Pambansang Komite sa Wika at Salin (2004).

Telebisyon: Mula Idiot Box Tungong Enlightenment Apparatus

Mahalaga ang papel na gagampanan ng telebisyon sa paghuhubog ng

nasyonalismo ng mga Pilipino at sa lalo pang pagpapalaganap ng wikang pambansa

tungo sa tunay na pambansang kalayaan at kaunlaran. Dapat bigyang-diin na malaki

ang naiambag ng telebisyon sa dalawang dekada ng Filipinisasyon ng midya noong

dekada 80 hanggang dekada 90. Mayorya ng mga tahanang Pilipino ay may telebisyon

kaya anumang ipalabas ng isang channel ay may matinding impact sa buong bansa. Sa

kasamaang-palad, maraming mga palabas sa mga lokal na channel ang hindi gaanong

makabuluhan. Sa halip na mga palabas na lumilinang sa kasanayan sa mapanuring

pag-iisip, karaniwang mababaw na aliwan o entertainment lamang ang laman ng mga

programa sa telebisyon. Karaniwang panghatinggabi pa ang mga matino at seryosong

palabas. Primetime ang mga game show na walang ginawa kundi magpa-iyak ng mga

kalahok at magpasayaw ng mga babaeng kakapiraso ang damit. Tila “idiot box” na nga

ang telebisyon sa Pilipinas. Panahon nang gamitin ang kapangyarihan ng midya sa

akselerasyon ng Filipinisasyon ng edukasyon at ganap na pagtataguyod ng wikang

pambansa sa iba’t ibang larangan tungo sa pambansang pagkakaisa at kaunlaran.

Dapat buhayin ang mga makabayang programang gaya ng “Tatak Pilipino” (isang multi-

awarded at ngayo’y defunct nang TV magazine program hinggil sa sining at kultura ng

bansa na nagsimula noong mga huling bahagi ng dekada 80, kasama sina Jim Paredes

ng APO Hiking Society at ang brodkaster na si Gel Santos Relos bilang mga

27
tagapagpadaloy), “Hiraya Manawari” (isang pambatang palabas hinggil sa mga

kuwentong may mahika at nagkikintal ng mga pagpapahalaga gaya ng pag-ibig,

paggalang, kapayapakan, katapangan, katapatan atbp.), “Sineskwela” (isang palabas

na tumatalakay sa mga konseptong siyentipiko sa wikang Filipino), “Bayani” (isang

pambatang TV series hinggil sa buhay ng mga bayaning Pilipino, kung saan dalawang

bata ang nakapaglalakbay sa panahon upang makilahok sa “paglikha ng kasaysayan).

Ang mga ganitong palabas ay tiyak na makapag-aambag sa pagbubuo ng matibay na

pundasyon para sa Filipinisasyon ng isip, puso at diwa ng mga susunod na henerasyon

ng Pilipino.

Makabayang Panitikan: Pundasyon ng Makabansang Kamalayan

Upang mapatibay ang pedagohiyang mapagpalaya at makabayan,

iminumungkahi rin ang pagkakaroon ng asignaturang mandatory na tatawaging

Panitikang Makabayan sa antas sekundarya at tersyarya. Hindi na magsisimula sa wala

ang mga paaralan dahil ang Unibersidad ng Pilipinas ay matagal nang may Panitikang

Makabayan bilang isang elective subject sa ilalim ng Revised General Education

Program (RGEP). Sa halip na simpleng elective, dapat maging required subject ito sa

ilalim ng General Education Curriculum (GEC). Maaaring saklawin nito ang mga

makabayang nobela (“Kangkong 1896” ni Ceres Alabado; “Mga Ibong Mandaragit” ni

Amado V. Hernandez; “Ang Aso, Ang Pulgas, Ang Bonsai, at Ang Kolorum” ni Jose

Rey Munsayac; “Dekada 70,” “Gapô” at “Desaparecidos” ni Lualhati Bautista, “Tutubi,

Tutubi, Wag Kang Pahuhuli sa Batang Mapanghi” at “Ang Huling Dalagambukid” ni Jun

Cruz Reyes), makabayang sanaysay o talumpati (“Ang Lisyang Edukasyon ng mga

Pilipino” ni Renato Constantino; “Ang Dapat Mabatid ng Mga Tagalog” ni Andres

28
Bonifacio; “Isang Bansa Para sa Ating Mga Anak” ni Jose W. Diokno; “Talumpati sa

ika-111 Taon ng Kalayaan ng Pilipinas” ni Reynato S. Puno) at mga makabayang awitin

(“Sa Bayan ni Juan” ni Mike Hanopol; “Kapayapaan” ng Tropical Depression; “Handog

ng Pilipino sa Mundo”; “Upan” at “Walang Natira” ni Gloc9). Dapat ding tangkilikin ang

mga makabuluhang indie film na naglalahad sa kasaysayan at/o naglalarawan sa

kontemporaryong kalagayan ng bansa gaya ng “Sigwa” at “Patikul” ni Joel Lamangan,

“Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros,” “Mga Munting Tinig,” “Sakay,” “Endo” at

marami pang iba. Nilinaw ni Rizal sa Kabanata 20 ng “El Filibusterismo” ang kabuluhan

ng pagpapahalaga sa katutubong kultura sa pagpapaunlad ng bansa: “Hindi ba

sanlibong beses na mas mainam kung maipakikita natin ang ating mga kostumbre at

tradisyon, upang maunawaan natin ang ating mga bisyo at depekto at upang

maluwalhati natin ang ating mga positibong katangian?” Sa pamamagitan ng

pedagohiyang mapagpalaya at makabayan, mapupukaw ang mga mamamayan na

mag-ambag sa pambansang kaunlaran. Pupuspusin ng ganitong proseso ang

pagsasanib ng teorya at praktika sa pedagohiya at pagbabagong panlipunan na

iminumungkahi ng pamosong edukador na si Paulo Freire sa kanyang obra maestrang

“Pedagohiya ng Mga Inapi” (1993) na akmang-akma sa kalagayan ng mga bansang

Third World gaya ng Pilipinas.

Pambansang Asembliyang Konsultatibo sa Edukasyon, Pulitika at Ekonomya

Anumang reporma’y hindi magiging mabisa kung hindi ito tatanggapin ng

sambayanan. Kailangang basagin ang “kultura ng pananahimik” na idinulot ng mahigit

sansiglong hegemonya ng Ingles sa diskursong pambansa. Kailangang muling

makilahok ang mga mamamayan sa proseso ng pagbubuo ng mga patakarang

29
pambansa at lokal sa edukasyon, pulitika at ekonomya. Napatunayan sa pagtalakay sa

sanaysay na ito na ang mga isyung pedagohikal ay karugtong ng mga usaping pulitikal

at ekonomiko sapagkat ang elitistang sistemang pulitikal at ekonomiko na

pinangingibabawan ng mga dayuhang korporasyong kapitalista at mangilan-ngilang

Pilipinong elite ay bunga lamang ng matagumpay na pagpapataw ng edukasyong

neokolonyal sa bansa. Sa ganitong diwa, ang pagbubuo ng pedagohiyang

mapagpalaya at makabayan sa pamamagitan ng Filipinisasyon ng lahat ng antas ng

edukasyon ay magtatagumpay lamang kung kasabay na ipatutupad ang mga

repormang sosyo-ekonomiko tungo sa demokratisasyon ng kapangyarihang pampulitika

at pang-ekonomya sa bansa. Sa pagsasakatuparan ng adhikaing ito, kinakailangan ang

pagpapatawag ng pambansang asembliyang konsultatibo na pangungunahan ng mga

organisasyong “mula sa masa” at “para sa masa” (gaya ng mga people’s organizations

at non-government organizations) at ang gagamiting wika’y ang wikang panlahat, ang

wikang Filipino. Bilang panimula, ang pambansang asembliyang ito ay dapat magluwal

ng isang sistemang pang-edukasyon alinsunod sa pahayag ng makabayang edukador

na si Renato Constantino (1982): “Ang edukasyon ng mga Pilipino ay dapat maging

edukasyong Filipino. Nakabatay ito dapat sa mga pangangailangan at layunin ng

bansa. Ang layunin nito ay di lamang makapagpatapos ng mga mamamayang

nakababasa at nakasusulat o nakapagbibilang. Ang pangunahing layunin ay makalikha

ng sambayanan na nagpapahalaga at may kamalayan sa kanyang pagkabansa at may

layuning pambansa para sa ikauunlad ng pamayanan, at hindi isang anarkikong masa

ng mamamayan na sariling kapakanan lamang ang nasa isipan.” Samantala, maaari

namang magsilbing padron sa diskusyon ng mga repormang sosyo-politikal ang mga

30
kaisipang ibinandila ng mga makabayang kilusang panlipunan, gaya ng reporma sa

lupa at pambansang industriyalisasyon na panawagan ng mga makabayan mula sa

panahon ng Partido Republikano ni Obispo Maximo Gregorio Aglipay noong 1930s, ng

Alyansang Demokratiko noong 1940s, ng Lapiang Makabansa nina Sen. Claro M.

Recto at Sen. Lorenzo Tañada noong 1960s, ng Partido ng Bayan noong dekada 80 at

ng Makabayang Koalisyon ng Mga Mamamayan (MAKABAYAN) na itinatag noong

2009. Lahat ng mga kilusang ito’y nagmula sa masa at nagsasalita ng wika ng masa.

Binigyan at binibigyang-kapangyarihan ng mga kilusang ito ang taumbayan na umugit

ng sariling landas na palayo sa neokolonyal na edukasyon, elitistang pulitika at

makadayuhang kapitalistang globalisasyon at palapit nang palapit sa mapagpalayang

pedagohiya, makamasang pamamahala at ekonomyang maunlad at umaasa-sa-sarili

(self-reliant). Katunayan, lahat ng ito’y bahagi ng 10-puntong Pangkalahatang Programa

ng MAKABAYAN na ang orihinal ay nasa wikang Filipino, at inaprubahan ng mga

delegado mula sa bawat lalawigan ng bansa sa founding assembly nito noong Abril 16,

2009. Sa unang pagkakataon, may pangulo na ng Pilipinas na wikang panlahat ang

gamit sa mga mahahalagang talumpati, mula sa inaugural speech hanggang sa State

of the Nation Address. Kaylaking tagumpay kung magkakasalubong sa tuwid na landas

ang pangulong ito at ang mga kilusang panlipunan na mula noon hanggang ngayon ay

gumagamit ng wikang panlahat sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng

masang Pilipino! Harinawang magsilbing titis ang sanaysay na ito sa kanilang

pagkakaisa sa pagtataguyod ng isang pedagohiyang Pilipino sa wikang Filipino tungo

sa progresibong bagong panahon ng nasyonalismo at kamalayang panlipunan, isang

31
bansang pinaghaharian ng kapayapaan, katarungan at kaunlaran para sa lahat ng mga

mamamayan.

Mga Sanggunian:
Alave, Kristine. 4M malnourished Filipino children: Rising costs to increase number
FNRI. 05 July 2008. Philippine Daily Inquirer.
<http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/nation/view/20080705-146662/4M-
malnourished-Filipino-children>
Alexandra, Kreisl. “Malnutrition in the Philippines – perhaps a Double Burden?” Journal
für Ernährungsmedizi. 2009. Berlin: Verlagshaus der Ärzte GmbH.
< http://www.kup.at/kup/pdf/8113.pdf >
Agence France Presse. Desperately poor Filipinos sell kidneys. 18 April 2008.
< http://www.abc.net.au/news/stories/2008/04/18/2221064.htm>
Bauzon, Camille. RP losing war vs. extreme poverty. 17 July 2010. Manila Times.
<http://www.manilatimes.net/index.php/component/content/article/42-
rokstories/21730-rplosing-war-vs-extreme-poverty>
Beerepoot, Niels. Local Outcomes of Globalization: Manufacturing Decline and Labor
Response in the Philippine Garment and Shoe Industries. 2008. Quezon City:
Philippine Journal of Labor and Industrial Relations.
< http://journals.upd.edu.ph/index.php/pjlir/article/viewFile/1545/1492 >
Congressional Planning and Budget Department-Philippine House of Representatives.
Facts in Figures: May 2006.
< http://www.congress.gov.ph/download/cpbd/fnfofw.pdf>
Edralin, Divina M. Are the Cement Industry and its Workers Victims of Globalization?
2003. Manila: De La Salle University.
<http://www.dlsu.edu.ph/research/centers/cberd/pdf/bus_focus/cement_industry.
PDF>
Florencio, Cecilia. Food and Nutritional Status of Filipinos and Nutrition
Integration. 2003. Quezon City: UP-Diliman.
< http://www.up.edu.ph/oldsystem/florencio.pdf >.
Flour Fortification Initiative. FFI Country Information: Philippines. 2010.
< http://www.sph.emory.edu/wheatflour/Philippines.php>
Global Call to Action against Poverty (GCAP)-Philippines. Philippine Poverty
and Inequality Situation (as of March 2008).
< http://www.preda.org/main/archives/research/documents/r09073001.html>
Ibon Foundation Inc. Ibon Facts and Figures: Datos sa Isang Sulyap. April-May 2008.
________________. Ibon Facts and Figures (Student Edition): Lessons from Mining
Liberalization: Case of Marinduque. September-October 2008.
Kalipunan ng Damayang Mahirap (KADAMAY). Batayang Kurso ng Maralitang
Lungsod. 2008.
< http://www.mediafire.com/?wdity0fmhym >
Lichauco, Alejandro. “The International Economic Order and the Philippine Experience.”
Mortgaging the Future: The World Bank and IMF in the Philippines. Ed. Vivencio
R. Jose. 1984. Quezon City: Foundation for Nationalist Studies.

32
________________. Hunger, Corruption and Betrayal: A Primer on U.S.
Neocolonialism and the Philippine Crisis. 2005. Manila: Citizen’s Commitee on
the National Crisis.
________________. Nationalist Economics. 1988. Quezon City: Institute for Rural
Industrialization, Inc. 250-268; 127-129
________________. Towards A New Economic Order and The Conquest of Mass
Poverty. 1986. Quezon City.
Moore, Michael. (director). Capitalism: A Love Story. 2009. USA: Overture Films.
Nicasio, Nonie. Freddie Aguilar says Charice Pempengco and Arnel Pineda proved that
Pinoys are monkeys. 06 July 2009.
< http://www.pep.ph/news/22360/Freddie-Aguilar-says-Charice-and-Arnel-
Pinedajust-proved-that-Filipinos-are-%22monkeys%22 >
Pomeroy, William. The Philippines: colonialism, collaboration, and resistance. 1992.
USA: International Publishers Co., Inc.
Rizal, Jose. Political and Historical Writings. 1976. Manila: National Historical Institute,
_________. El Filibusterismo. Leon Ma. Guerrero (trans.). 1965. London: Longman
Group Ltd.
Salgado, Pedro. Second Edition: Social Encyclicals: Commentary and Critique. 1997.
Manila: Lucky Press, Inc.
United Nations Development Program. Human Development Report 2010 - 20th
Anniversary Edition The Real Wealth of Nations: Pathways to Human
Development. November 2010.
<http://hdr.undp.org/en/reports/global/hdr2010/chapters/en/>
Villegas, Edberto. “Debt Peonage and the New Society.” Mortgaging the Future: The
World Bank and IMF in the Philippines. Ed. Vivencio R. Jose. 2006. Quezon City:
Foundation for Nationalist Studies.
_______________. Global Finance Capital and the Philippine Financial System. 2000.
Manila: Institute of Political Economy.
Yrasuegui, Magnolia at Priya Esselborn. Philippines: Women struggling to achieve
sexual equality. 12 January 2009.
< http://www.dw-world.de/dw/article/0,,4465029,00.html >
Constantino, Renato. The Miseducation of The Filipino. Quezon City: Foundation
for Nationalist Studies, 1982.
Department of Education. Department Order No. 90, Series of 2009.
<http://www.deped.gov.ph/cpanel/uploads/issuanceImg/DO%20No.%20
90,%20s.%202009.pdf >
Campoamor II, Gonzalo. “The Pedagogical Role of English in the Reproduction of
Labor.” Mula Tore Patungong Palengke. Bienvenido Lumbera et al.(eds.).
Quezon City: IBON Books, 2007.
Demeterio, Feorillo. Ang mga Teorya ng Relatividad ni Albert Einstein: Isang
Pagsusuri sa Kahandaan ng Wikang Filipino sa Pagtalakay sa mga Paksa
ng Makabagong Agham. (in Malay Journal). Manila: De La Salle University,
2009. <http://www.philjol.info/index.php/MALAY/article/view/1004/916 >
National Commission for Culture and the Arts-National Committee on Language and
Translation. Kartilya ng Wikang Filipino. 2004
<http://www.sawikaan.net/kartilya_ng_wikang_filipino.html >

33
Lumbera, Bienvenido. Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa. Quezon City:
University of the Philippines Pres, 2000.
Freire, Paulo. Pedagogy of the Oppressed. Trans. Myra Bergman Ramos. New York:
Continuum, 1993.

34

You might also like