You are on page 1of 31

ANG MISA NG SAMBAYANAN

PASIMULA

Kapag natitipon na ang sambayanan, ang pari at mga tagapaglingkod ay lalakad patungo sa dambana samantalang ang awiting
pambungad ay ginaganap.

Pagsapit sa dambana, ang pari at mga tagapaglingkod ay magbibigay-galang alinsunod sa hinihinging paraan. Magbibigay-
galang ang pari sa dambana sa pamamagitan ng paghalik sa ibabaw. Kung minamabuti niya, maiinsensuhan niya ito.
Pagkatapos, ang pari ay paroroon sa kanyang upuan.

Matapos ang awiting pambungad, habang nakatayo ang lahat, ang pari at ang mga tao ay magkukrus. Ipahahayag ng paring
nakaharap sa mga tao:

+ Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Sasagot ang mga tao:

Amen.

Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay bilang pagbati sa mga tao, habang ipinahahayag:

Ang pagpapala ng ating Panginoong Hesukristo,


ang pag-ibig ng Diyos Ama,
at ang pakikipagkaisa ng Espiritu Santo ay sumainyong lahat.

Sasagot ang mga tao:

At sumaiyo rin.

Ang pari ay makapagbibigay ng maikling paliwanag tungkol sa buod ng Misang ipagdiriwang.

Susunod na gaganapin ang pagsisisi sa kasalanan. Aanyayahan ng pari ang mga tao:

Mga kapatid, aminin natin ang ating mga kasalanan


upang tayo’y maging marapat gumanap sa banal na pagdiriwang.

Magkakaroon ng saglit na katahimikan. Pagkatapos nito, lahat ay sabay-sabay na aamin sa nagawang kasalanan.

Inaamin ko sa makapangyarihang Diyos,


at sa inyo, mga kapatid,
na lubha akong nagkasala

Ang lahat ay dadagok sa dibdib.

sa isip, sa salita, sa gawa


at sa aking pagkukulang.
Kaya isinasamo ko
sa Mahal na Birheng Maria,
sa lahat ng mga anghel at mga banal
at sa inyo, mga kapatid,
na ako’y ipanalangin sa Panginoong ating Diyos.

Ipahahayag ng pari ang pagpapatawad:

Kaawaan tayo ng makapangyarihang Diyos,


patawarin tayo sa ating mga kasalanan,
at patnubayan tayo sa buhay na walang hanggan.

Sasagot ang mga tao:

Amen.

PANGINOON, KAAWAAN MO KAMI (Aawitin)

Pari: Panginoon, kaawaan mo kami.


Bayan: Panginoon, kaawaan mo kami.

Pari: Kristo, kaawaan mo kami.


Bayan: Kristo, kaawaan mo kami.

Pari: Panginoon, kaawaan mo kami.


Bayan: Panginoon, kaawaan mo kami.

PANALANGING PAMBUNGAD

Pari: Manalangin tayo.

Ama naming makapangyarihan,


niloob mong ang iyong Anak
ay mabayubay sa krus para sa aming lahat
upang ang paniniil ng kalaban ay kanyang mabigyang wakas.
Ipagkaloob mong amin nawang makamtan
ang pagpapalang kaloob ng muli niyang pagkabuhay
bilang Tagapamagitan kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.
UNANG PAGBASA (Is 50, 4-9a)

Lektor: Ang Salita ng Diyos mula sa Aklat ni Propeta Isaias.

Ang Makapangyarihang Panginoon


ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko’t balbas,
gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.
Ang Diyos ay malapit
at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang maghabla sa akin?
Magharap kami sa hukuman,
at ilahad ang kanyang bintang.
Ang Panginoon mismo ang magtatanggol sa akin.

Ang Salita ng Diyos.

Bayan: Salamat sa Diyos.


SALMONG TUGUNAN (Salmo 68, 8-10, 21bkd-22, 31 at 33-34)

Tugon: POON, AKO'Y IYONG DINGGIN


SA PANAHONG IYONG IBIGIN

1. Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi,


napahiyang lubos sa pagkaunsiyami.
Sa mga kapatid parang ako’y iba,
kasambahay ko na’y di ako kilala.
Ang pagmamahal ko sa banal mong templo,
matinding-matindi sa kalooban ko;
sa akin bumagsak, paghamak sa iyo. R.

2. Kaya naman ako’y wala nang magawa;


ang inasahan kong habag ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong aba.
Sa halip na pagkain, nang ako’y magutom,
ang dulot sa aki’y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom. R.

3. Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,


dadakilain ko’t pasasalamatan.
Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo’y di nalilimutan. R.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA

Nagpupuri kami sa'yo,


Hari naming Hesukristo,
ang pagdamay mo sa tao
ay talagang patotoo
na kami'y minamahal mo.
MABUTING BALITA (Mt 26, 14-25)

Pari: Sumainyo ang Panginoon.


Bayan: At sumaiyo rin.

Pari: + Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo.


Bayan: Papuri sa Iyo, Panginoon.

Pari: Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa,


ay nakipagkita sa mga punong saserdote.
“Ano po ang ibibigay ninyo sa akin
kung tulungan ko kayong madakip si Jesus?” tanong niya.
Noon din ay binilangan nila siya ng tatlumpung salaping pilak.
Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon
upang maipagkanulo si Jesus.

Dumating ang unang araw ng Kapistahan


ng Tinapay na Walang Lebadura.
Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong,
“Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?”
Sumagot siya,
“Pumunta kayo sa lunsod at hanapin ninyo ang taong ito.
Sabihin sa kanyang ganito ang ipinasasabi ng Guro:
‘Malapit na ang aking oras.
Ako at ang mga alagad ko’y sa bahay mo kakain
ng Hapunang Pampaskuwa.’”
Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus,
at inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.
Nang gabing yaon, dumulog sa hapag si Jesus,
kasama ang labindalawang alagad.
Samantalang sila’y kumakain, nangusap si Jesus,
“Sinasabi ko: isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.”
Nanlumo ang mga alagad, at isa’t isa’y nagtanong sa kanya,
“Ako po ba, Panginoon?”
Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok
ang siyang magkakanulo sa akin.
Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat,
ngunit sa aba ng magkakanulo sa kanya!
Mabuti pang hindi na ipinanganak ang taong iyon.”
Si Judas, na magkakanulo sa kanya, ay nagtanong din,
“Guro, ako po ba?”
Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Bayan: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.


HOMILIYA

PANALANGIN NG BAYAN

Pari: Habang nalalapit tayo sa Biyernes Santo, taglay ang pagtitiwala sa ating
mapagmahal na Diyos, alalahanin natin ang mapanligtas na gawain ni Kristo na
kanyang lingkod.

R. PANGINOON, DINGGIN MO ANG AMING PANALANGIN.

1. Ang mga nagdaranas ng hindi makatarungang pagdurusa nawa'y magtamasa ng pagpapaginhawa


ng Panginoon sa pamamagitan ng kanilang malilinis na budhi, manalangin tayo sa Panginoon. R.

2. Ang ating mga sariling pagdurusa nawa'y magpalago ng ating pananampalataya sa Panginoon,
manalangin tayo sa Panginoon. R.

3. Ang mga kasama natin na nagpapaliban ng kanilang pangungumpisal bunga ng pagmamalaki, takot
o katamaran, nawa'y maging bukas ang isip sa pangangailangan sa kapatawaran ng Diyos,
manalangin tayo sa Panginoon. R.

4. Ang mga maysakit at lahat ng nagdurusa nawa'y makaranas ng nakapagpapagaling na presensya ni


Kristo, manalangin tayo sa Panginoon. R.

5. Ang mga namayapa nawa'y makabahagi sa Muling Pagkabuhay ni Kristo, manalangin tayo sa
Panginoon. R.

Pari: Panginoong Diyos,


ibinigay mo sa amin ang halimbawa ng iyong Anak
upang ipakita sa amin kung paano mabuhay at mamatay.
Nawa ay pagkalooban mo kami
ng pananampalatayang kailangan namin
upang makasunod sa kanya.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Bayan: Amen.
PAGDIRIWANG NG HULING HAPUNAN

Pagkatapos, sisimulan ang awit ng pag-aalay. Samantalang ito’y ginaganap, ilalagay ng mga tagapaglingkod ang telang
patungan ng Katawan ni Kristo, ang pamahiran, ang kalis at ang Aklat ng Pagmimisa sa ibabaw ng dambana.

Nababagay na ang pakikiisa ng mga nagsisimba ay ipahayag sa pamamagitan ng prusisyon ng pag-aalay ng tinapay at alak at
ng iba pang handog para sa Simbahan at para sa mga dukha.

Ngayon nama’y tatayo ang pari sa gawing gitna ng dambana, hahawakan niya ang pinggan ng tinapay nang bahagyang
nakaangat sa dambana, habang dinarasal niya nang pabulong:

Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.


Sa iyong kagandahang-loob, narito ang aming maiaalay.
Mula sa lupa at bunga ng aming paggawa ang tinapay na ito
para maging pagkaing nagbibigay-buhay.

Ilalapag niya ang pinggan ng tinapay sa telang patungan ng Katawan ni Kristo.

Kapag hindi ginaganap ang awit ng pag-aalay, ang mga pangungusap na ito ay madarasal nang malakas ng pari at sa katapusan
makapagbubunyi ang mga tao:

Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman!

Ang diyakono o ang pari ay magbubuhos ng alak at kaunting tubig sa kalis habang dinarasal nang pabulong:

Sa paghahalong ito ng alak at tubig


kami nawa’y makasalo sa pagka-Diyos ni Kristo
na nagpagindapat makihati sa aming pagkatao.

Pagbalik sa gawing gitna ng dambana, hahawakan ng pari ang kalis ng bahagyang nakaangat sa dambana habang dinarasal
niya ng pabulong:

Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.


Sa iyong kagandahang-loob, narito ang aming maiaalay.
Mula sa katas ng ubas at bunga ng aming paggawa ang alak na ito
para maging inuming nagbibigay ng iyong Espiritu.

Ilalapag niya ang kalis sa telang patungan ng Katawan ni Kristo.

Kapag hindi ginaganap ang awit ng pag-aalay, ang mga pangungusap na ito ay madarasal nang malakas ng pari at sa katapusan
makapagbubunyi ang mga tao:

Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman!

Pagkatapos, yuyuko ang pari habang dinarasal niya nang pabulong:

Diyos Amang Lumikha, nakikiusap kaming mga makasalanan.


Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog
upang kami’y matutong sumunod sa iyo nang buong puso.
Kung minamabuting gawin, iinsensuhan ng pari ang mga alay at ang dambana; pagkaraa’y iinsensuhan ng diyakono o ng
tagapaglingkod ang pari at ang mga nagsisimba.

Pagkatapos, ang pari’y pupunta sa gilid ng dambana, maghuhugas siya ng mga kamay samantalang pabulong niyang dinarasal:

O Diyos kong minamahal,


kasalanan ko’y hugasan
at linisin mong lubusan
ang nagawa kong pagsuway.

Pagbalik ng pari sa gawing gitna ng dambana, ilalahad niya ang kanyang kamay sa mga tao at muli niyang pagdaraupin habang
kanyang ipinahahayag:

Manalangin kayo, mga kapatid,


upang ang paghahain natin ay kalugdan
ng Diyos Amang makapangyarihan.

Sasagot ang mga tao:

Tanggapin nawa ng Panginoon


itong paghahain sa iyong mga kamay
sa kapurihan niya at karangalan
sa ating kapakinabangan
at sa buong Sambayanan niyang banal.

Pagkaraa’y ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at darasalin niya ang panalangin ukol sa mga alay.

PANALANGIN UKOL SA MGA ALAY

Pari: Ama naming Lumikha,


tanggapin mo ang aming paghahain
at gawin mong ang pagganap namin
sa pagsasakasalukuyan sa pagpapakasakit ng iyong Anak
ay magdulot sa amin ng katapatang wagas
sa pamamagitan niya kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.
IKALAWANG PAGBUBUNYI O PREPASYO SA PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON:
Ang pagwawagi bunga ng pagpapakasakit

Pari: Sumainyo ang Panginoon.


Bayan: At sumaiyo rin.

Pari: Itaas sa Diyos ang inyong puso at diwa.


Bayan: Itinaas na namin sa Panginoon.

Pari: Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos.


Bayan: Marapat na siya ay Pasalamatan.

Pari: Ama naming makapangyarihan,


tunay ngang marapat na ikaw ay aming pasalamatan
sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon.

Nababanaagan na namin ang pagdiriwang


sa kanyang pagpapakasakit at pagkabuhay.
Malulupig na ang dating pagsuway
sa pag-ako sa kanyang kusang-loob na katapatan
at magaganap na ang pag-alala sa aming pag-anib
sa iyong tinubos na angkan.

Kaya kaisa ng mga anghel


na nagsisiawit ng papuri sa iyo
nang walang humpay sa kalangitan,
kami'y nagbubunyi sa iyong kadakilaan:

Santo, Santo, Santo


Panginoong Diyos ng mga hukbo!
Napupuno ang langit at lupa
ng kadakilaan mo!
Osana sa kaitaasan!
Pinagpala ang naparirito
sa ngalan ng Panginoon!
Osana sa kaitaasan!
IKALAWANG PANALANGIN NG PAGPUPURI AT PAGPAPASALAMAT

Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal.

Ama naming banal,


ikaw ang bukal ng tanang kabanalan.

Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay at lulukuban ng mga kamay niya ang mga alay habang siya’y nagdarasal.

Kaya’t sa pamamagitan ng iyong Espiritu


gawin mong banal ang kaloob na ito

Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay at kukrusan niya ang tinapay at kalis, samantalang kanyang dinarasal:

upang para sa ami’y maging Katawan at Dugo +


ng aming Panginoong Hesukristo.

Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

Ang mga salita ng Panginoon sa mga sumusunod na pangungusap ay ipahahayag ng malinaw at nauunawaan ng tanan ayon
sa hinihingi ng kahulugan ng mga ito.

Bago niya pinagtiisang kusang loob na maging handog,

Hahawakan ng pari ang tinapay nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang kanyang patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang tinapay,


pinasalamatan ka niya,
pinaghati-hati niya iyon,
iniabot sa kanyang mga alagad
at sinabi:

Bahagyang yuyuko ang pari.

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN:


ITO ANG AKING KATAWAN
NA IHAHANDOG PARA SA INYO.

Ipamamalas niya ang ostiyang itinalagang maging Katawan ni Kristo, ipapatong niya ito sa pinggan, at luluhod siya bilang
pagsamba.

Ang pari ay magpapatuloy.

Gayun din naman, noong matapos ang hapunan,


Hahawakan ng pari ang kalis nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang kanyang patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang kalis


muli ka niyang pinasalamatan,
iniabot niya ang kalis sa kanyang mga alagad
at sinabi:

Bahagyang yuyuko ang pari.

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN:


ITO ANG KALIS NG AKING DUGO
NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN,
ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS
PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT
SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN.

GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.

Ipamamalas niya ang kalis, ipapatong niya ito sa telang patungan ng Katawan ni Kristo, at luluhod siya bilang pagsamba.

Pagkatapos, ipahahayag ng pari:

Ipagbunyi natin ang misteryo ng pananampalataya.

Ang mga tao ay magbubunyi:

(Aawitin)
Aming ipinahahayag
na namatay ang iyong Anak
nabuhay bilang Mesiyas
at magbabalik sa wakas
para mahayag sa lahat.

Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay samantalang siya ay nagdarasal:

Ama,
ginagawa namin ngayon ang pag-alala
sa pagkamatay at muling pagkabuhay ng iyong Anak
kaya’t iniaalay namin sa iyo
ang tinapay na nagbibigay-buhay
at ang kalis na nagkakaloob ng kaligtasan.
Kami’y nagpapasalamat
dahil kami’y iyong minarapat
na tumayo sa harap mo
para maglingkod sa iyo.
Isinasamo naming kaming magsasalu-salo
sa Katawan at Dugo ni Kristo
ay mabuklod sa pagkakaisa
sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ama,
lingapin mo ang iyong Simbahang
laganap sa buong daigdig.
Puspusin mo kami sa pag-ibig
kaisa ni FRANCISCO, na aming Papa
at ni JOSE na aming Obispo,
at ng tanang kaparian.

Alalahanin mo rin ang mga kapatid naming nahimlay


nang may pag-asang sila’y muling mabubuhay
gayun din ang lahat ng mga pumanaw.
Kaawaan mo sila at patuluyin sa iyong kaliwanagan.
Kaawaan mo at pagindapatin kaming lahat
na makasalo sa iyong buhay na walang wakas.

Kaisa ng Mahal na Birheng Maria na Ina ng Diyos,


ng kabiyak ng puso niyang si San Jose,
kaisa ng mga apostol at ng lahat ng mga banal
na namuhay dito sa daigdig nang kalugud-lugod sa iyo,
maipagdiwang nawa namin ang pagpupuri sa ikararangal mo

Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay.

sa pamamagitan ng iyong Anak


na aming Panginoong Hesukristo.

Hahawakan ng pari ang pinggang may ostiya at ang kalis na kapwa niya itataas habang kanyang ipinahahayag:

Sa pamamagitan ni Kristo, kasama niya, at sa kanya


ang lahat ng parangal at papuri ay sa iyo,
Diyos Amang makapangyarihan,
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Ang mga tao ay magbubunyi:

Amen.

Susunod ang yugto ng pakikinabang.


ANG PAKIKINABANG

Pagkalapag ng kalis at pinggan sa dambana, ipahahayag ng pari nang may magkadaop na mga kamay:

Sa tagubilin ng mga nakagagaling na utos


at turo ni Hesus na Panginoon natin at Diyos
ipahayag natin nang lakas-loob:

Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat:

(Aawitin)
Ama namin, sumasalangit ka.
Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo
dito sa lupa para nang sa langit.

Bigyan mo kami ngayon


ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
At iadya mo kami sa lahat ng masama.

Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal:

Hinihiling naming
kami’y iadya sa lahat ng masama,
pagkalooban ng kapayapaan araw-araw,
iligtas sa kasalanan
at ilayo sa lahat ng kapahamakan
samantalang aming pinananabikan
ang dakilang araw ng pagpapahayag
ng Tagapagligtas naming si Hesukristo.

Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay. Wawakasan ng sambayanan ang panalangin sa ganitong pagbubunyi:

(Aawitin)
Sapagka’t iyo ang kaharian
at ang kapangyarihan at ang kapurihan
magpakailanman! Amen.

Pagkatapos, malakas na darasalin ng paring nakalahad ang mga kamay:

Panginoong Hesukristo,
sinabi mo sa iyong mga Apostol:
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.
Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo.”
Tunghayan mo ang aming pananampalataya
at huwag ang aming pagkakasala.
Pagkalooban mo kami ng kapayapaan
at pagkakaisa ayon sa iyong kalooban

Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay.

kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Sasagot ang mga tao:

Amen.

Ang pari’y paharap sa sambayanang maglalahad at magdaraop ng mga kamay sa pagpapahayag.

Ang kapayapaan ng Panginoon ay laging sumainyo.

Sasagot ang mga tao:

At sumaiyo rin.

Maidaragdag, kung minamabuti, ang paanyayang ipahahayag ng diyakono o pari:

Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.

At, alinsunod sa kaugalian ng iba’t ibang pook, ang mga nagsisimba ay magbibigayan ng kapayapaan. Ang pari at mga
tagapaglingkod ay makapagbibigayan ng kapayapaan.

Pagkatapos, hahawakan ng pari ang ostiya at hahati-hatiin niya ito sa ibabaw ng pinggan at isasawak niya ang kaputol sa kalis
habang pabulong niyang dinarasal:

Sa pagsasawak na ito
ng Katawan sa Dugo ng aming Panginoong Hesukristo
tanggapin nawa namin sa pakikinabang
ang buhay na walang hanggan.

Samantalang ginaganap ang paghahati-hati sa ostiya, aawitin o darasalin ang pagluhog na ito:

(Aawitin)
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.
Ito ay mauulit-ulit habang ginaganap ang paghahati-hati sa tinapay. Sa huling pag-uulit saka pa lamang idurugtong ang
“ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.”

Magkadaop ang mga kamay ng pari sa pabulong na pagdarasal:

Panginoong Hesukristo, Anak ng Diyos na buhay,


sa kalooban ng Ama kasama ng Espiritu Santo,
binuhay mo sa iyong pagkamatay ang sanlibutan.
Pakundangan sa iyong banal na Katawan at Dugo,
iadya mo ako sa tanang aking kasalanan at lahat ng masama,
gawin mong ako’y makasunod lagi sa iyong mga utos,
at huwag mong ipahintulot na ako’y mawalay sa iyo kailanman.

Luluhod ang pari at pagtayo niya’y kanyang hahawakan ang ostiya na itataas sa ibabaw ng pinggan. Paharap sa mga tao siyang
magsasabi nang malakas:

Ito ang Kordero ng Diyos.


Ito ang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.
Mapalad ang mga inaanyayahan sa kanyang piging.

Idurugtong niyang minsanan kaisa ng sambayanan:

Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo


nguni’t sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.

Siya’y makikinabang nang magalang at nakayuko sa dambana habang pabulong na nagdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Katawan ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.

Mapitagan niyang tatanggapin ang Katawan ni Kristo.

Pagkatapos, hahawakan ng pari ang kalis at pabulong na magdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Dugo ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.

Mapitagan niyang tatanggapin ang Dugo ni Kristo.

PAKIKINABANG
PANALANGIN PAGKAPAKINABANG

Pari: Manalangin tayo.

Ama naming mapagmahal,


pakundangan sa pagkamatay ng iyong Anak
na sa pagdiriwang naming ito ay siyang nagaganap
ipagkaloob mong kami'y makapanalig nang wagas
sa kaloob mo sa aming buhay na walang wakas
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.
PAGHAYO SA PAGWAWAKAS

Maisusunod, kapag may ipagbibigay-alam, ang mga maikling patalastas na sasabihin sa mga tao.

Pagkatapos, gaganapin ang paghayo. Ang paring nakalahad ng mga kamay sa mga tao ay magpapahayag:

Sumainyo ang Panginoon.

Sasagot ang mga tao:

At sumaiyo rin.

Babasbasan ng pari ang mga tao habang kanyang ipinahahayag:

Pagpalain kayo ng makapangyarihang Diyos,


Ama at Anak + at Espiritu Santo.

Sasagot ang mga tao:

Amen.

Ang diyakono o ang paring magkadaop ang mga kamay ay magpapahayag ng paghayo sa sambayanan:

Humayo kayong taglay ang kapayapaan


upang ang Panginoon ay mahalin at paglingkuran.

Sasagot ang mga tao:

Salamat sa Diyos.

Karaniwan, ang dambana ay bibigyang-paggalang sa paghalik dito ng pari at matapos makapagbigay- pitagan kaisa ng mga
tagapaglingkod, siya ay hahayo.
PAGDIRIWANG NG TENEBRAE

Ang pari, ang tatlong tagabasa at ang koro ay siyang mangunguna sa pagdiriwang, sa gitna ng santuwaryo o sa may gilid ay
ilalagay ang kandelero na may pitong tusukan ng kandila o labing-apat na tusukan ng kandila. Maaaring kumuha ng mga tao
na siyang unti-unting magpapatay ng kandila at diliman ng kaunti ang liwanang ng simbahan. Matatapos ang pagdiriwang sa
ganap na kadiliman.

Papasok ang pari kasama ang mga tagabasa; o kaya kung ito'y matapos ang misa, pupunta sa harap ng altar at luluhod doon.

Pari: Ating alalahanin ang kabanal-banalang misteryo


ng pagpapakasakit, kamatayan, at pagkabuhay ng Panginoon.

Sandaling katahimikan. Pagkaraa'y ilalahad ng pari ang panalanging ito:

Amang makapangyarihan,
ibinigay mo sa sangkatauhan si Hesukristo
na aming manunubos bilang halimbawa ng kapakumbabaan.
Tinupad niya ang iyong kalooban
nang siya'y magkatawang-tao
at nang ialay ang kanyang buhay sa krus.
Tulungan kaming maging tunay mong saksi
sa pamamagitan ng pagsunod
sa kanyang halimbawa ng pagpapakasakit
at tulutan kami na maging karapat-dapat
sa pakikihati sa kanyang muling pagkabuhay.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.
SALMO 140
Si Kristo'y nakipagtunggali sa Prinsipe ng Kadiliman

Pari: Panginoon, ipagsanggalang ako sa kamay ng kaaway.

(Umupo ang lahat)

Kanan: Sa mga masama ako ay iligtas,


Iligtas mo, Panginoon, sa mga marahas;
Yaong hangad nila at binabalangkas,
Lagi nang mag-away, magbaka ang lahat.
Mabagsik ang dila na tulad ng ahas,
Tulad ng ulupong, taglay na kamandag.

Kaliwa: Sa mga masama ako ay iligtas


Iligtas mo, Panginoon, sa mga marahas,
Na ang nilalayon ako ay ibagsak.
Yaong mga hambog, ang gusto sa akin,
Ako ay masilo, sa bitag hulihin,
Sa bitag na umang sa aking landasin.

Kanan: Sabi ko sa Panginoon, “Ikaw ang aking Diyos.”


Kaya ako’y dinggin sa aking pagluhog.
Panginoong Diyos, na Tagapagligtas,
Nang ako’y bakahin, ikaw ang nag-ingat;
Yaong masasama, sa kanilang hangad
Ay iyong hadlangan, biguin mo agad.

Kaliwa: Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,


Pagdusahin sila sa banta sa akin,
Lagpakan mo sila ng apoy na baga,
Itapon sa hukay nang di makaalsa.
At ang mga taong nang-uupasala,
Huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
Ang marahas nama’y bayaang mapuksa.

Kanan: Batid ko, O Panginoon, iyong papanigan


Ang mga mahirap, upang isanggalang,
At ipagtatanggol yaong karapatan.
Ang mga matuwid magpupuring tunay,
Ikaw’y pupurihi’t sa ’yo mananahan!

(Tatayo ang lahat)

Lahat: Papuri sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo


kapara noong una, ngayon at magpasawalang hanggan, Amen.
(Lumuhod ang lahat)

Pari: Manalangin tayo nang ang pagpapakasakit ni Hesukristo


ay maging ating tagumpay.

Sandaling katahimikan. Pagkaraa'y ilalahad ng pari ang panalanging ito:

Amang makapangyarihan,
ibinigay mo ang iyong Anak
sa kamay ng mga makasalanan;
ipinahintulot mong siya'y mapako sa krus,
upang ang kamatayan ng matuwid
ay magpabanal sa makasalanan.
Linisin kami sa pamamagitan
ng pagpapakasakit at kamatayan ni Kristo
at ihatid kami sa kanyang pagkabuhay
kaisa ng mga anghel at mga banal.
Hinihiling namin ito
sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Bayan: Amen.

Lahat: Panginoon, ipagsanggalang ako sa kamay ng kaaway.

Pupunta sa may kandelero ang magpapatay ng kandila; kung 7 ang kandila, papatayin ang unang kandila at kung 14, papatayin
ang unang dalawa at papatayin ang ilang ilaw ng simbahan.
SALMO 141
Itinaas ni Kristo ang kanyang kamay sa Ama

Pari: Ang aking mga panalangin tulad ng insenso,


ang aking mga kamay tulad ng paghahandog sa gabing ito.

(Umupo ang lahat)

Kanan: Sa iyo, O Panginoon, ako’y dumadalangin


Sa aking pagtawag, ako sana’y dinggin.
Ang aking dalangin sana’y tanggapin mo,
Masarap na samyong handog na insenso;
Ariing panggabing handog ko sa iyo.

Kaliwa: O Panginoon ko, bibig ko’y bantayan,


Ang mga labi ko’y lagyan mo ng bantay.
H’wag mong babayaang ako ay matukso,
Sa gawang masama ay magumon ako;
Ako ay ilayo, iiwas sa lilo,
Sa handaan nila’y nang di makasalo.

Kanan: Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao


Pwedeng magparusa’t pagwikaan ako,
Ngunit ang masama ay hindi ko ibig
Na ang aking ulo’y busan n’ya ng langis;
Pagkat ang dalangin at lagi kong hibik,
Ay laban sa gawa niyang malulupit.

Kaliwa: Kung sila’y bumagsak tuloy na hatulan,


Maniniwala na ang mga nilalang
Na ang salita mo ay katotohanan.
Tulad ng panggatong na pira-piraso,
Sa pinaglibinga’y kakalat ang buto.

Kanan: Di ako hihinto, n’yaring pananalig,


Ang pag-iingat mo’y aking ninanais,
H’wag mong itutulot, buhay ko’y mapatid.
Sa mga patibong ng taong balakyot,
Ingatan mo ako, ilayo mong lubos;
Iyong pabayaang sila ang mahulog,
Samantalang ako’y ligtas mong kinupkop.

(Tatayo ang lahat)

Lahat: Papuri sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo


kapara noong una, ngayon at magpasawalang hanggan, Amen.
(Lumuhod ang lahat)

Pari: Manalangin tayo nang tayo'y magkamit ng kaligtasan.

Sandaling katahimikan. Pagkaraa'y ilalahad ng pari ang panalanging ito:

Amang mapagmahal,
sa gabi ng kanyang buhay
iniunat ng iyong Bugtong na Anak, ang aming manunubos,
ang kanyang mga kamay sa krus
at tumingala sa langit upang dumalangin.
Dinggin ang aming panambitan
at kami'y iligtas mula sa kuko ng kamatayan
sa pamamagitan ng kanyang kabanal-banalang dugo,
sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Bayan: Amen.

Lahat: Ang aking mga panalangin tulad ng insenso,


ang aking mga kamay tulad ng paghahandog sa gabing ito.

Pupunta sa may kandelero ang magpapatay ng kandila; kung 7 ang kandila, papatayin ang ikalawang kandila at kung 14,
papatayin ang ikatlo at ikaapat na kandila at papatayin ang ilang ilaw ng simbahan.
SALMO 142
Dumalangin si Jesus upang siya'y maligtas sa kamatayan.

Pari: Panginoon, ikaw ang aking kanlungan sa daigdig ng mga buhay.

(Umupo ang lahat)

Kanan: Ako ay humingi ng tulong sa Diyos,


Ako ay dumaing, sa kanya’y lumuhog;
Ang aking dinala’y lahat kong hinaing,
At ang sinabi ko’y pawang suliranin.
Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
Ang dapat kong gawi’y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,

Kaliwa: May handang patibong ang aking kaaway.


Sa aking paligid, nang ako’y lumingon,
Wala ni isa man akong makatulong;
Wala kahit isa na magsasanggalang,
Ni magmalasakit na kahit sinuman.

Kanan: Ako ay humibik, sa Panginoon dumaing,


Sa Tagapagligtas, ako’y dumalangin;
Pagkat siya lamang ang lunas sa akin.
Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
Pagkat halos ako’y di makagulapay;
Iligtas mo ako sa mga kaaway,
Na mas malalakas ang mga katawan.

Kaliwa: Sa suliranin ko, ako ay hanguin


At ang pangalan mo’y aking pupurihin,
Sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
Sa kabutihan mong ginawa sa akin!

(Tatayo ang lahat)

Lahat: Papuri sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo


kapara noong una, ngayon at magpasawalang hanggan, Amen.

(Lumuhod ang lahat)

Pari: Manalangin tayo nang tayo'y maligtas sa pagkabilanggo sa kamatayan.


Sandaling katahimikan. Pagkaraa'y ilalahad ng pari ang panalanging ito:

Amang mapagmahal,
sa iyong balak na kaligtasan,
tinanggap ng iyong anak ang krus
upang iligtas kami mula sa kamatayan.
Dagdagan ang aming pananampalataya
sa mapagligtas na kapangyarihan ng Krus,
at palakasin ang aming pag-asa sa buhay na kanyang ipinangako,
sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Bayan: Amen.

Lahat: Panginoon, ikaw ang aking kanlungan sa daigdig ng mga buhay.

Pupunta sa may kandelero ang magpapatay ng kandila; kung 7 ang kandila, papatayin ang ikatlong kandila at kung 14,
papatayin ang ikalima at ikaanim na kandila at papatayin ang ilang ilaw ng simbahan.

(Umupo ang lahat)


PAGBASA (Panaghoy 1:1-12)

Lektor: Ang Salita ng Diyos mula sa Aklat ng mga Panaghoy

Ulilang-ulila ang lunsod na dating matao!


Dating bantog sa buong daigdig ngunit ngayo’y tulad ng balo;
Dating pangunahing lunsod ngunit ngayon ay alipin!
Buong kapaitan siyang umiiyak sa magdamag, ang mga mata’y laging luhaan;
Lumayo na ang lahat at walang natira kahit isa upang umaliw sa kanya.
Ang dati niyang mga kaibigan ngayon ay mga kaaway.
Ang mga taga-Juda’y nabihag at dumanas ng kalungkutan
at paglilingkod na mabigat.
Sa pananahanan nila sa gitna ng mga bansa’y
hindi man lamang sila makapagpahinga.
Napaliligiran sila ng mga kaaway, walang paraan para makatakas.
Malungkot ang mga landas patungong Jerusalem,
pagkat wala nang dumadalo sa kanyang mga takdang kapistahan;
Wala nang nagdaraan sa kanyang mga pintuang-bayan,
Dumaraing at nagbubuntong-hininga ang kanyang mga saserdote,
Pinagmamalupitan ang mga dalagang mang-aawit sa templo.
Napakapait ng sinapit niya!
Naging panginoon niya ang kanyang mga kaaway,
Pinapaghirap siya ng Panginoon dahil sa marami niyang pagsalansang.
Wala na ang kanyang mga anak, sila’y dinalang bihag ng kaaway.
Naparam na ang karangyaan ng Jerusalem.
Ang kanyang mga pinuno’y parang mga usang di makasumpong ng pastulan;
Nanghina na sila sa pag-iwas sa mga humahabol sa kanila.
Ngayong ang mga taga-Jerusalem ay nasa panahon ng pagdadalamhati at paggala,
Nagugunita nila ang maliligayang araw na nagdaan.
Nang mahulog sila sa kamay ng kaaway ay walang sinumang tumulong sa kanila.
Nang sila’y bumagsak, tinuya sila ng mga sumakop sa kanila.
Mabigat ang nagawang kasalanan ng Jerusalem, kaya’t siya’y naging marumi;
Itinatakwil na siya ng mga pumupuri noon sa kanya.
Dahil sa tinamo niyang kahihiyan wala siyang magawa
kundi managhoy at takpan ang kanyang mukha.
Ang kanyang karumhan ay di maikakaila,
at hindi niya alintana ang kanyang kalagayan.
Malagim ang kanyang pagbagsak at wala man lamang umaliw sa kanya.
Nagtagumpay ang kanyang mga kaaway at siya’y lumuhog sa Panginoon.
Sinamsam ng mga kaaway ang lahat niyang kayamanan;
Nakita niyang pumasok sa templo ang mga Hentil,
Ang mga Hentil na pinagbawalang pumasok doon.
Dumaraing ang lahat ng kanyang mamamayan sa paghahanap ng pagkain;
Ipinagpapalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan para lamang mabuhay.
“Panginoon, tunghayan mo kami.
Mahabag ka sa aming kalagayan,” sabi nila.
“Mga nagdaraan, masdan ninyo ako.
May naranasan na ba kayong hirap na gaya ng ipinadala sa akin,
Bilang parusa ng Panginoon dahil sa kanyang matinding poot?

Ang Salita ng Diyos.

Bayan: Salamat sa Diyos.

(Lumuhod ang lahat)

Pari: Ituon natin ang ating paningin


sa Panginoong Hesus na siyang nagbigay
at pinapaging ganap ang ating pananampalataya.

Bayan: Ituon natin ang ating paningin


sa Panginoong Hesus na siyang nagbigay
at pinapaging ganap ang ating pananampalataya.

Pari: Para sa kaluwalhatian na kanyang kakamtin


nang iniunat niya ang kamay sa krus.

Bayan: Ituon natin ang ating paningin


sa Panginoong Hesus na siyang nagbigay
at pinapaging ganap ang ating pananampalataya.

Pari: Papuri sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo.

Bayan: Ituon natin ang ating paningin


sa Panginoong Hesus na siyang nagbigay
at pinapaging ganap ang ating pananampalataya.

Pupunta sa may kandelero ang magpapatay ng kandila; kung 7 ang kandila, papatayin ang ikaapat na kandila at kung 14,
papatayin ang ikapito at ikawalong kandila at papatayin ang ilang ilaw ng simbahan.

(Umupo ang lahat)


PAGBASA (Panaghoy 3:1-9, 55-57)

Lektor: Ang Salita ng Diyos mula sa Aklat ng mga Panaghoy

Naranasan ko kung gaano kahirap ang maparusahan ng Diyos.


Itinaboy niya ako sa lugar na wala kahit bahagyang liwanag.
Walang awa niya akong hinahampas sa buong maghapon.
Tadtad ng sugat ang buo kong katawan at bali-bali ang aking mga buto.
Ibinilanggo niya ako sa kalungkutan at pagdurusa.
Isinadlak niya ako sa kadiliman, laging nasa bingit ng kamatayan.
Ginapos niya ako para hindi makatakas;
Nanambitan man ako at humingi ng tulong,
hindi niya dininig ang aking dalangin.
Susuray-suray ako sa tindi ng hirap,
At kahit saan ako bumaling ay may pader na nakahalang.
O Panginoon, tinawag ko ang iyong pangalan
nang ako’y nasa kailaliman ng balon;
Narinig mo ang aking samo,
‘Huwag mong takpan ang iyong pandinig sa aking paghingi ng tulong!’
Nilapitan mo ako nang ikaw’y tawagan ko; sinabi mo sa akin, ‘Huwag kang matakot!’

Ang Salita ng Diyos.

Bayan: Salamat sa Diyos.

(Lumuhod ang lahat)

Pari: Bagamat siya ang bugtong na Anak,


natutunan ni Hesus na sumunod
dahil siya'y nagpakasakit.

Bayan: Bagamat siya ang bugtong na Anak,


natutunan ni Hesus na sumunod
dahil siya'y nagpakasakit.

Pari: Siya ay naging bukal ng walang hanggang kaligtasan


para sa lahat ng sumusunod sa kanya.

Bayan: Bagamat siya ang bugtong na Anak,


natutunan ni Hesus na sumunod
dahil siya'y nagpakasakit.
Pari: Papuri sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo.

Bayan: Bagamat siya ang bugtong na Anak,


natutunan ni Hesus na sumunod
dahil siya'y nagpakasakit.

Pupunta sa may kandelero ang magpapatay ng kandila; kung 7 ang kandila, papatayin ang ikalimang kandila at kung 14,
papatayin ang ikasiyam at ikasampung kandila at papatayin ang ilang ilaw ng simbahan.

(Umupo ang lahat)

PAGBASA (Panaghoy 5:15-22)

Lektor: Ang Salita ng Diyos mula sa Aklat ng mga Panaghoy

Naparam ang kagalakan sa aming puso;


ang aming pagsasaya ay naging pagdadalamhati.
Walang nalalabi sa aming ipinagmamalaki;
tayo’y nagkasala at ngayo’y nagdurusa!
Nanlupaypay kami, at nagdilim ang aming paningin.
Pagkat iniwan ng tao ang Bundok ng Sion,
mga asong-gubat na lamang ang naninirahan doon.
Ngunit ikaw, O Panginoon, ang hari magpakailanman,
Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong luklukan.
Kay tagal mo kaming pinabayaan,
Kailan mo kami aalalahanin uli?
Ibalik mo kami sa dating kaugnayan sa iyo!
Talaga bang itinakwil mo na kami?
Sukdulan na bang talaga ang galit mo sa amin?

Ang Salita ng Diyos.

Bayan: Salamat sa Diyos.


(Lumuhod ang lahat)

Pari: Ituon natin ang ating mga paningin


kay Hesus na dakilang Pari
na ating kinikilala sa pananampalataya.

Bayan: Ituon natin ang ating mga paningin


kay Hesus na dakilang Pari
na ating kinikilala sa pananampalataya.

Pari: Tinutulungan niya ang mga tinukso…

Bayan: Ituon natin ang ating mga paningin


kay Hesus na dakilang Pari
na ating kinikilala sa pananampalataya.

Pari: Papuri sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo.

Bayan: Ituon natin ang ating mga paningin


kay Hesus na dakilang Pari
na ating kinikilala sa pananampalataya.

Pupunta sa may kandelero ang magpapatay ng kandila; kung 7 ang kandila, papatayin ang ikaanim na kandila at kung 14,
papatayin ang ikalabing-isa at ikalabindalawang kandila at papatayin ang ilang ilaw ng simbahan.
PAPURING AWIT NI MARIA
(Tatayo ang lahat)

Pari: Hindi niya sinagip ang kanyang Anak kundi ibinigay para sa ating lahat.

Lahat: + “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,


At nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi,
Dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan—
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya,
sa lahat ng sali’t saling lahi.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
Pinangalat niya ang mga palalo ang isipan.
Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono,
At itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
At pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
Bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
Kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”

Pari: Papuri sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo.

Bayan: Kapara noong una, ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

Pupunta sa may kandelero ang magpapatay ng kandila; kung 7 ang kandila, papatayin ang ikapitong kandila at kung 14,
papatayin ang ikalabintatlo at ikalabing-apat na kandila.
(Lumuhod ang lahat)

Pari: Panginoong Hesus, Anak ng Diyos na buhay,

Bayan: Kaawaan mo kami.

Pari: Naging masunurin ka hanggang kamatayan, kamatayan sa krus.

Bayan: Kaawaan mo kami.

Pari: Naparito ka upang maglingkod at hindi upang paglingkuran.

Bayan: Kaawaan mo kami.

Pari: Sa iyo natagpuan namin ang kaligtasan at buhay.

Bayan: Kaawaan mo kami.

Pari: Sa pamamagitan ng iyong pagdurusa at pagbuhos ng dugo.

Bayan: Kaawaan mo kami.

Pari: Sa pamamagitan ng iyong kamatayan at paglilibing.

Bayan: Kaawaan mo kami.

Pari: Sa pamamgitan ng iyong pagpanaog sa kinaroroonan ng mga yumao.

Bayan: Kaawaan mo kami.

Pari: Amang maawain,


tunghayan mo ang iyong sambayanan ng may pag-ibig,
ang pag-ibig na ipinakita ng aming Panginoong Hesukristo
nang kanyang ialay ang kanyang sarili
sa mga buktot na tao at magdusa sa Krus,
upang makamit namin ang buhay
sa pamamagitan niya na aming Panginoon
ngayon at magpaswalang hanggan.

Bayan: Amen.

Papatayin ang lahat ng ilaw ng simbahan. Tutugtugin ang matraca o kaya'y tambol at lilisan ang lahat sa katahimikan.

You might also like