You are on page 1of 4

Pangalan:

Baitang at seksyon:
Petsa:

Quarter II: Module 5

Basahin nang mabuti ang seleksyon. Ito ang magsisilbing iyong batayan sa pagsagot sa
mga gawain sa Modyul 5.

KALAYAAN
May mga kabataang nag-aakala na ang kalayaan ay kapangyarihan na gawin
ang anomang naisin ng tao. Kung susuriin ayon kay de Torre, ang tao ay walang
kakayahang gawin palagi ang anomang kanyang naisin. Maraming bagay ang nais
niyang mangyari at gawin subalit hindi niya magawa ang mga ito. Nais ng taong hindi
magkasakit, hindi tumanda, manatiling buhay, malaman ang lahat ng bagay – ngunit
wala siyang kalayaan upang magawa ang mga ito.
Sa kabila ng limitasyong ito ng kalayaan ng tao, ang tao ay tunay na malaya sa
kanyang pagpili o pagpapasya. Binigyang-kahulugan ni Santo Tomas de Aquino ang
kalayaan bilang “katangian ng kilos-loob na itakda ng tao ang kanyang kilos tungo sa
kanyang maaaring hantungan at ang paraan upang makamit ito”. Nangangahulugan ito
na malaya ang taong gamitin ang kanyang kilos-loob upang pumili ng partikular na
bagay o kilos. Ang tao ay nagtatakda ng kanyang kilos para sa kanyang sarili. Walang
anumang puwersa sa labas ng tao ang maaaring magtakda nito para sa kanya. Maaari
siyang mahikayat, maganyak o maakit subalit hindi maaaring puwersahin o pilitin.
Subalit ang kalayaang ito ay hindi tumutukoy sa kalayaan upang piliin ng tao ang
kahihinatnan ng kanyang pagpili. Hindi sakop ng kanyang kalayaan ang likhain ang
kahihinatnan ng kanyang piniling kilos. Halimbawa, malaya ang isang mag-aaral na
piliing magbarkada kaysa mag-aral ng leksyon, subalit hindi siya malaya sa maaaring
kahihinatnan nito.
Hindi maaaring mataas pa rin ang kanyang marka sa kabila ng kanyang piniling
gawin. Hindi malaya ang tao na piliin ang kahihinatnan ng kilos na kanyang pinili.
Samakatuwid, ang kalayaan ay hindi lubos, at ito ay may limitasyon. Ang limitasyong ito
ay itinakda ng Likas na Batas Moral. Ipinaliwanag ni Sr. Felicidad C. Lipio ang
kaugnayan ng kalayaan sa batas na ito katulad ng kaugnayan ng dalampasigan sa
baybay dagat. Ang dalampasigan ang nagbibigay hugis sa tubig at ang siyang
nagbibigay hangganan dito. Gayundin, ang Likas na Batas Moral ang nagbibigay –hugis
sa paggamit ng tunay na kalayaan at nagtatakda ng hangganan nito. Ang batas moral
kung gayon ay alituntuning kailangang sundin na nagbibigay-hugis at direksiyon sa
kalayaan.
URI NG KALAYAAN
Mayroong dalawang uri ng kalayaan:

1. Panloob na Kalayaan. Ayon sa obserbasyon ni Santo Tomas de Aquino,


nakasalalay sa kilos-loob ng tao ang kanyang kalayaan. Tinutukoy ng
Panloob na Kalayaan ng kilos-loob ang:

a) kalayaang gumusto (freedom of exercise) – ito ang kalayaang


magnais o hindi magnais
b) kalayaang tumukoy (freedom of specification) – ito naman ang
kalayaan upang tukuyin kung alin ang nanaisin

Sa babalang ito halimbawa, “Bawal ang Maligo Dito”. Ang iyong kilos-loob ay malayang
magnais o hindi magnais na sundin o kaya balewalain ang babala. Sakaling nagpasya
ang kilos-loob na sundin ang sinasabi ng babala, malaya nitong tukuyin kung ano ang
nanaising gawin bilang kapalit sa planong paliligo. Nanaisin niya marahil ang magpiknik
na lamang sa dalampasigan, lumipat ng ibang lugar o umuwi na lang.
Walang maaaring magtanggal ng panloob na kalayaan ng tao. Hindi ito maipagkakait,
makukuha o maaalis sa kanya.
2. Panlabas na Kalayaan. Ito ang kalayaan upang isakatuparan ang gawain na
ninais ng kilos-loob. Naiimpluwensiyahan ng mga panlabas na salik ang kalayaang
ito. Maaaring mabawasan o maalis ang kalayaang ito sa pamamagitan ng puwersa
sa labas ng tao. Kapag ang tao ay ikinulong, mawawala ang kanyang panlabas na
kalayaan. Halimbawa ng panlabas na kalayaan ay ang politikal, propesyonal at
pangakademikong kalayaan. Nakapaloob sa politikal na kalayaan ang kalayaang
pumili ng sasalihang samahang politikal, bumoto o pumili ng taong mamumuno.
Ang pang-akademikong kalayaan halimbawa ay ang kalayaang pumili ng paaralang
papasukan at kursong kukunin sa kolehiyo. May kalayaan ang mga propesyonal na
gampanan ang kanilang tungkulin ayon sa sariling pamamaraan subalit hindi
taliwas sa mga panuntunan.
Ayon kay Esther Esteban (1990), ang konsepto ng kalayaan ay
nangangahulugan na nagagawa o nakakayang gawin ng tao ang nararapat upang
makamit ang pinakamataas at pinakadakilang layunin ng kanyang pagkatao. Malaya
ang taong linangin ang kanyang sarili at paunlarin ito. Ang kalayaan ng tao ay
nakabatay sa pagsunod sa Likas na Batas Moral. Ang tunay na kalayaan ay
masusumpungan sa pagsunod sa batas na ito. Sa bawat batas na nauunawaan at
sinusunod ng tao, mas nadaragdagan ang kanyang kalayaan. Bakit nga ba pinayagan
ng Diyos na maging malaya ang tao na tanggapin o suwayin ang Kanyang batas? Bakit
hinahayaan ng isang magulang ang kanyang anak na sumubok, pumili at magpasya
para sa kanyang sarili? Ito ay sa dahilang umaasa ang Diyos o maging ang magulang
ng pagsunod mula sa pag-unawa at pagmamahal hindi dahil sa pinilit at pagsunod na
may takot.
Dahil dito, ang kalayaan ng tao ay palaging may kakambal na pananagutan.
Ang tao ay kailangang maging mapanagutan sa anumang kilos at pagpapasyang
gagawin. Paano mo malalaman kung naging mapanagutan ka sa paggamit ng
kalayaan? Narito ang ilang palatandaan ayon kay Esteban (1990):
1. Kung naisaalang-alang mo ang kabutihang pansarili (personal good) at
ang kabutihang panlahat (common good). Halimbawa, ginagamit mo ang
kalayaan upang malampasan ang mga balakid sa pag-unlad ng ating
pagkatao. Ang maging malaya sa kamangmangan, kahirapan, katamaran,
kasamaan ay ilan sa mga ito. Itinatalaga din ang kalayaan para sa ikabubuti
ng kapwa katulad ng pakikilahok sa mga proyektong pampamayanan o
maging sa pagtatanggol sa mabubuting adhikain.
2. Kung handa kang harapin ang anumang kahihinatnan ng iyong
pagpapasya. Ang bawat kilos o pagpapasya ay may katumbas na epekto,
mabuti man o masama. Hindi lamang sapat na harapin ang kahihinatnan ng
pasiya o kilos kundi ang gamitin ang kalayaan upang itama ang anumang
pagkakamali.
3. Kung ang iyong pagkilos ay hindi sumasalungat sa Likas na Batas Moral.
Ang Likas na Batas Moral ay ibinigay sa tao noong siya’y likhain. Nakasaad
sa mga batas na ito ang dapat gawin at di dapat gawin ng tao. Ang mga
batas na ito ang siyang batayan sa pagsasaalang-alang sa pagkilala ng
kabutihang pansarili at kabutihang panlahat.
Bagamat may kalayaang pumili ang tao dahil sa kanyang kilos-loob, ang tao ay
may kamalayan, kaya siya ay may kakayahan na magsuri at pumili ng nararapat. Siya
ay may moral na tungkulin na piliin ang ayon sa moral na batayan. Ang kalayaan ng
kilos-loob ay bahagi ng ating ispirituwal na aspeto ng ating pagkatao. Bigay ito ng Diyos
sa tao upang malaya niyang mahubog ang kanyang pagkatao. Ang tunay na kalayaan
ay mapanagutan kaya’t inaasahang ito ay gagamitin sa paggawa nang naaayon sa
kabutihan. Ang tunay na kalayaan ay ang paggawa nang mabuti.
Gawain:
I. Tayain natin ang iyong pag-unawa
Ano ang naunawaan mo sa iyong binasa? Upang masubok ang lalim ng
iyong naunawaan sagutin mo ang sumusunod na tanong sa iyong kuwaderno:
a. Paano maipamamalas ang tunay na kalayaan?
b. Bakit kailangang may hangganan ang kalayaan ng tao?
c. Paano naging malaya ang taong gumagawa ng mabuti?

You might also like