You are on page 1of 1

Mary Grace H.

Manipon
BSEd 3- Filipino

Ang Katatagan ng Pilipino; Matatag pa ba?

Sa kahit anong sakunang pagdaanan ng mga Pilipino ay kilala na sila sa


kanilang mga pambihirang ugali ng katatagan. Filipino Resiliency ika nga. Gamit na
gamit ang katagang ito sa tuwing susubukin tayo ng unos. Pagbaha, pagsabog ng
bulkan, paglindol at ang kasalukuyang pandemya ang ilan lamang sa humuhubog
ng katatagang taglay ng ating mga kababayan. Sa paglipas ng panahon patuloy pa
rin kayang matatag ito? Katatagan ba ang laging sandigan ng mga Pilipino?

“Magpakatatag ka lang. Kaya niyo ‘yan” isa lamang sa mga pampalubag loob
kung sakaling tamaan ng isang sakuna. Positibong pananaw na hindi man intensyon
na maging negatibo ay hindi maiiwasang tumbasan ng isang tanong na “Sa
paanong paraan ba maging matatag kung ang kahit ang pinakamaliit na paraan ay
mailap sa mga mahihirap?”

“Kahit hirap na sa buhay nagagawa pa ring tumawa ng mga Pinoy” ngunit


pagkatapos ng tawang ito ay isang suntok sa katotohanan na hindi pa rin nito
nasolusyunan ang isang problema na nagpapalugmok pa lalo sa mga hikaos.

“Sinubok muli ang katatagan ng mga Pilipino sa nagdaang pagbaha” sabi sa


isang balita. Hanggang kailan kaya masusubok ang katatagang ito? Hindi pa ba
natin napatunayan ang katatagang ito sa nakalipas na panahon? Marahil hindi pa,
dahil hanggang ngayon sinusukat pa rin ang katatagan ng mga Pilipino sa mga
pabalat bungang konkretong solusyon.

Matatag ang Pilipino. Mas titindi ang katatagan nito kung may progreso ang
pangakong magandang plano para sa mga magdadaan pang unos. Mainam na
naisasabuhay ang kahandaan upang balanse naman ang ipinapamalas na katatagan
ng mga Pinoy. Huwag naman sana magpatuloy na “Filipino Resiliency” na lamang
lagi ang ipantatapal na solusyon dahil maging ang salitang ito ay nagsasawa nang
maging panakip butas sa mga kakulangan.

You might also like