You are on page 1of 5

Electronics and Communications Engineering, isang kurso sa kolehiyo na kung saan ay hindi natin

pwedeng maiwanan sa pagbibigay diin sa Engineering na hindi nalalayo sa "pag likha". Kaya hindi ka
matatawag na isang engineer kung wala kang nililikha. Nahahati sa iba't ibang linya ng paggawa ang
Engineering, may Civil, Electrical na iba pa sa Electronics (raw), at Mechanical Engineer (Bautista, M.,
2012). Ang mga pangunahing asignatura na binibigyang diin at pinag-aaralan sa kursong ito ay ang
Matematika at ang Agham.

Ang Agham ay ang proseso sa pagtamo ng kaalaman at ang organisadong bahagi ng kaalaman na
natamo sa pamamagitan ng pamamaraang nito. Ang prosesong makaagham o "scientific process" ay ang
sistematikong pagtamo ng bagong kaalaman tungkol sa isang sistema (Wiki, 2014). Magmula pa noon,
Ingles ang karaniwan at kadalasang ginagamit sa pagtuturo nito maging sa hayskul at kolehiyo. Bihira
lamang ang mga guro na nagtuturo nito sa Wikang Filipino. Mula sa isang artikulo ni Jefferson O.
Evalarosa, ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, ang dalawang pangunahing suliranin sa pagpapairal ng
isang patakarang pangwikang Filipino sa pagtuturo ay ang pangangailangan ng mga babasahin at gamit
na panturo sa Filipino, lalo na sa Agham, Matematika, at Teknolohiya; at ang kawalan ng pagkakasundo
sa uri ng Filipinong gagawing modelo sa pagtuturo at pag-aaral. Naniniwala si Fortunato Sevilla III ng UST
College of Science na kailangan pa rin ang Ingles, ngunit hindi ito nangangahulugang Ingles lamang ang
dapat gamitin sa mga diskursong pang-agham.

Naitakda ng Executive Order 210 na ang Wikang Ingles ang gagamitin bilang pangunahing
wikang-panturo sa paaralan, kabilang na ang mga asignaturang Matematika at Agham. Isinaad pa dito na
hindi bababa sa 70% ng oras sa klase ang ilalaan sa pagtuturo gamit ang Wikang Ingles, ngunit maraming
guro at mga estudyante ang hindi pabor sa naturang order na ito.

Kapansin-pansin ang kalituhan at kahirapan na dinaranas ng mga estudyante lalo na sa mga nag-
aaral ng mga asignaturang Wikang Ingles ang gamit. Maaaring ang ilan sa mga estudyante ay maayos na
nakakasunod sa panayam, ngunit hindi natin maaaring isantabi ang nakararaming estudyante na
nahihirapan sa ganitong paraan ng talakayan. Dapat din nating isaalang-alang ang mas mabisang paraan
upang mabawasan ang kahirapan na kinakaharap ng mga estudyante. Isang halimbawa na lamang ang
asignaturang Agham, alam ng nakararami na Wikang Ingles ang kadalasang ginagamit na midyum ng
talakayan sa asignaturang ito dahil sa mga komplikadong terminolohiyang tinatalakay dito, ngunit hindi
natin napapansin na ang paggamit ng Wikang Ingles ay nagdudulot ng kahirapan sa pagsagot dahil
nahihiya ang estudyante, pagbibigay ng tanong dahil hirap isalin sa Ingles ang nais iparating, at iba pang
suliranin hindi lamang para sa estudyante, kung hindi maging sa guro.

MUNGKAHING TITULO O PANGALAN NG GAWAIN

"Agham sa Wikang Filipino, ano sa tingin mo?" Ito ang napagkasunduan ng aming grupo na
maging pamagat ng aming adbokasiya upang malaman ang preperensya ng bawat estudyante sa
pagsasalin ng asignaturang Agham sa Wikang Filipino. Karagdagan pa rito, nais din naming malaman
kung saang wika mas madaling matuto ang isang estudyante sa isang klase.

Kung palalalimin ang paksa na aming napili bilang pamagat, ito'y isang katanungan na
posibleng maraming masasabing opinyon ang bawat estudyante.
RASYUNAL, MITHIIN AT MGA LAYUNIN

Hindi lingid sa ating kaalaman na ang asignaturang Agham ay mahirap unawain sapagkat ito ay
komplikado. Ang asignaturang ito ay gumagamit ng mga terminolohiya na kung hindi bibigyan ng
maayos na pagpapaliwanag, ay hindi maiintindihan.

Ayon sa isang artikulo ni Jefferson O. Evalarosa, aminado ang dekano na si Fortunato Sevilla III
ng UST College of Science na sa ngayon, nahihirapan ang mga siyentipikong talakayin sa Filipino ang mga
paksang pang-agham dahil sa limitadong bokabularyo ng Filipino sa mga konseptong teknikal. Aniya,
hindi sapat ang wikang Filipino sa mga katawagang pang-agham dahil sa walang pangangailangan para
sa mga salitang teknikal noon. Gayunpaman, naninindigan siyang kung palalawakin ang pagtanaw sa
wikang Filipino, isang kumpletong diksyunaryong pang-agham na lamang ang kakailanganin.

Maaaring totoo na may kakulangan nga ang Wikang Filipino sa mga salita, ngunit hindi
nabigyang pansin ang maaaring kahinatnan kung Ingles ang gagamitin. Ayon kay Jose T. Saragosa,
mahalaga ang paggamit ng Wikang Filipino sa pagtuturo sapagkat malaki ang maitutulong nito sa
intelektwalisasyon ng mga Pilipino. Sa isang payak na pagsusuri, masasabi nating ang paggamit ng
Wikang Filipino sa pagtuturo ng anumang uri ng kaalaman ay nakapagpapabilis sa proseso ng edukasyon
o pagkatuto.

Kung wikang dayuhan ang gagamitin sa pagtuturo, may tatlong prosesong nagaganap sa ating
isipan: Persepsyon (Kaalaman), Pagsasalin, Pag-unawa. Mula rito, masasabi na kung Wikang Ingles ang
gagamitin, ang mga estudyante ay kinakailangang pagbasihan ang kanilang kaalaman upang maisalin ang
mga impormasyon upang ito ay kanilang maunawaan. Sa kabilang banda, kung Wikang Filipino ang
gagamitin, tuwiran ang pagtanggap ng impormasyon at hindi na kailangan pa ng mahabang proseso ng
pagsasalin.

Ang mithiin namin sa pagsasagawa ng aming adbokasiya ay mabatid and persepsyon sa antas
ng pag-unawa sa pag-aaral ng Agham gamit ang Wikang Filipino. Sa pamamagitan nito, maipapakita at
malalaman namin ang iba’t ibang kapakinabangan ng Wikang Filipino hindi lamang sa mga estudyante
kung hindi para na rin sa iba pang taong nag-aaral ng Agham. Ayon sa isang sarbey o pagsisiyasat ni
Carlito Salazar, isang guro sa De La Salle University, Manila, sakaling makamit namin ang mithiing ito,
maraming kapaki-pakinabang na mga bagay ang maaaring magbunga. Una, mas madaling maintindihan
ang mga teorya at konsepto na makakatulong upang mapabilis ang proseso ng pag-aaral at mas maging
maalwan ang pagsasa-isip ng mga leksyon. Pangalawa, dahil sa komportableng gamitin ang Wikang
Filipino, nagagawa nitong mas buhay at impormal ang mga diskusyon. Mas nagiging magaan ang
pakiramdam ng mga estudyante at mas nahihikayat silang makilahok sa klase kung kaya't hindi na
nahihiya ang mga estudyante na nagbibigay daan upang mawala ang mga hadlang o "barrier" ng
komunikasyon. Huli, walang limitasyon sa mga ideya sapagkat ang mga malalalim na salita o mga
terminolohiyang nakasalin sa Ingles ay maaaring ipaliwanag sa Wikang Filipino upang lubusan itong
maintindihan.

Sa pagtupad ng aming adbokasiya, mayroon kaming ilang layunin upang magsilbing gabay, hindi lamang
para sa amin, kung hindi para na rin sa ibang tao. Ito ay lubos na makakatulong upang maabot ang
mithiin na aming ninanais. Una, nais naming matukoy ang wika kung saan mas matututo ang estudyante
pagdating sa asignaturang Agham. Ito ay upang mas malaman ang kagustuhang wika ng nakararami
bilang midyum sa pagtuturo ng agham sa pamamagitan ng isang sarbey o pagsisiyasat. Mabibigyan din
nito kami ng impormasyon tungkol sa mga rason kung bakit mas gusto ng mga estudyante ang Wikang
Filipino na gamitin sa asignaturang Agham.

Ikalawang layunin, nais naming maipakita ang mga bentahe ng paggamit ng Wikang Filipino
sa pag aaral ng Agham. Sa ilalim nito ay may dalawang aspekto kaming nais pagtuunan ng pansin. Isa na
rito ay ang pagpapalawak ng kaalaman patungkol sa mga teknikal na terminolohiya upang maiwasan ang
kaguluhan sa mga bagay-bagay. Maaaring ipaliwanag ng mas maayos ang mga komplikadong
terminolohiya na nakasalin sa Wikang Ingles gamit ang Wikang Filipino. Sa sariling pagpapaliwanag mas
mabibigyang linaw ng mga guro ang nais nilang iparating sa mga mag-aaral. Ayon kay dekano Fortunato
Sevilla III ng UST College of Science, ang layunin ng bawat guro ay maintindihan sila ng kanilang
estudyante, at nakita niyang madali itong makakamit kung gagamitin ang Filipino sa pagtuturo, lalo na sa
mga mahihirap na asignatura na Agham at Matematika.

“Iba ang dating ng Filipino sa estudyante,” diin ni Sevilla. Sinasabi na gumagamit siya ng mga
salitang nasa Wikang Filipino upang mas maunawaan ang mga mahihirap na terminolohiya tulad na
lamang ng, “Haba ng alon” para sa “wavelength,” "bilis" para sa “speed,” at “tulin” naman para sa
“velocity.” Nakakatuwa sa pandinig ngunit naniniwala si Sevilla na higit na mainam gamitin ang wikang
Filipino sa klase. “Hindi lamang tayo sanay, ‘wirdo’ lamang dahil hindi natin ordinaryong ginagamit (sa
Filipino ang agham),” wika ni Sevilla.

Sunod ay ang pagpoproseso ng mga natanggap na impormasyon na kung saan ay nais naming mapadali
ang pagkakatuto at maintindihan agad ng mga estudyante ang ibig sabihin o ipaliwanag ng impormasyon
na kanilang natatanggap. Tulad nga sa nabanggit mula sa pahayag ni Jose T. Saragosa, ang Wikang
Filipino ay mas nakapagpapabilis ng proseso ng pagkatuto ng mga mag-aaral, nasabi rin na kung Wikang
dayuhan ang gagamitin, mayroon pang mahabang proseso at pagsasalin bago pa lubusang maintindihan
ang mga impormasyon. Sa halip na matagalan pa at magamit ang oras para lamang sa pagsasalin ng
Wikang Ingles sa Wikang Filipino ng mga estudyante, mas kapaki-pakinabang na gugulin ang oras na ito
sa pag-iisip ng mga bagay na maaari paglapatan o paggamitan ng natutunan nila at pag-iisip ng mga
katanungan na mas makapagpapalawak pa ng matututunan ng mga estudyante.

Ang huli naman naming layunin ay ang mas mapahalagahan at tangkilikin ang Wikang Filipino upang mas
mapalawak at mapayabong pa ito sa pamamagitan ng pagpapalaki ng saklaw nito. Ang Wikang Filipino
ay ginagamit sa mga asignaturang Filipino at Kasaysayan lamang, kung kaya't dapat din nating ilapat at
gamitin ang Wikang Filipino sa iba pang asignatura kabilang na ang Agham. Naniniwala kami na kung ito
ay maisasakatuparan, mapapatunayan natin na ang wikang Filipino ay kayang makipagsabayan sa ibang
wika at mapapaniwala natin ang iba na mas matututo tayo kung sariling wika ang gagamitin.

DISENYO NG PROYEKTO: ADBOKASIYA

Para sa aming adbokasiya una sa lahat magsasagawa kami ng isang sarbey o pagsisiyasat upang
malaman namin ang kagustuhan ng aming mga kapwa estudyante patungkol sa gagamiting Wika sa
pagtuturo ng asignaturang Agham. Sa tatlong seksyon ng Unang Baitang ng Kolehiyo ng kursong BSECE
sa De La Salle Lipa, pipili kami ng tatlumpung katao, sampu sa bawat seksyon upang malaman ang
wikang nais nila para sa asignaturang agham. Ayon sa isang sarbey ni Carlito Salazar, PhD, 60-70% ng
mga estudyante ay pabor sa paggamit ng Filipino sa klasrum, mula sa ginawang sarbey ni Carlito Salazar,
siya ay nakakuha ng mga impormasyon patungkol sa mga rason kung bakit mas gusto ng mga
estudyante ang Wikang Filipino sa bilang midyum ng Agham. Mula rito, makikita na malaki ang
naitutulong ng pagsasagawa ng sarbey. Maaari rin naming gamiting basihan ang ginawa ni Carlito Salazar
para sa aming sariling pagsisiyasat upang mas maunawaan pa namin ang mga makakalap naming
impormasyon.

Sa aming sarbey o pagsisiyasat, maglalaman ito ng mga katanungan na sasagutan ng mga


napiling estudyante. Ang mga katanungang ito ay patungkol sa kanilang preperensya sa kung anong
wika ang gagamitin sa asignaturang Agham. Magtataglay ito ng mga katanungan patungkol sa kung ano
sa tingin nila ang wika na mas mapapadali ang kanilang pag-unawa. Ilan sa mga halimbawang
katanungan ay kung mas nakakatulong ba sa Agham ang Wikang Ingles sa pagkakaroon ng maayos na
palitan ng ideya sa estudyante at guro kumpara sa Wikang Filipino, at kung mabisa ba sa Agham ang
Wikang Ingles sa pagpapaliwanag ng mga konsepto at terminolohiya kumpara sa Wikang Filipino. Sa
pamamagitan nito, magiging bukas ang estudyante sa ideyang pagsasalin ng asignaturang Agham sa
Wikang Filipino at magiging mulat sila sa mga bentahe at pagkakaiba ng Wikang Filipino at Wikang
Ingles.

Matapos gawin ito gagawa naman kami ng brochure o mga flyers upang mapunan ang isipan ng
bawat isa sa minumungkahi naming pagbabago. Ang brochure ay nakalagay sa isang papel na
magpapakita ng mga posibleng paraan ng pagtuturo ng Agham sa Wikang Filipino at mga halimbawa
kung paano ilalahad ang impormasyon sa bawat estudyante. Ito ay maglalaman ng iba’t ibang bentahe
ng Wikang Filipino at mga benepisyo kung gagamitin ito na midyum sa asignaturang Agham.
Maglalaman din ito ng mga artikulo patungkol sa aming paksa na magpapakita rin ng mga palagay ng
ibang tao at saka naming ito ipamamahagi. Ang pagbibigay ng brochure ay makakatulong sa pagbubukas
ng isipan ng mga estudyante na maaaring ang pagsalin ng asignaturang Agham sa Wikang Filipino ay
isang paraan upang mapadali ang kanilang pag-unawa sa nasabing komplikadong asignatura.
Karagdagan pa rito, ilalagay din namin sa brochure ang mga nakalap naming impormasyon ukol sa mga
suliranin ng estudyante sa talakayan ng asignaturang Agham sa Wikang Ingles. Ito ay gagawin naming
makulay at lalapatan naming ng mga disenyo upang maging kawili-wili at hindi ipagsawalang-bahala ng
mga tao ang pagbasa nito.

Sa pamamagitan naman ng isang seminar o talk mas mailalahad namin ang nais naming
makamit at mas maipapakita namin ang pagbabagong maaaring maging rebolusyonaryo sa pag-aaral
gamit ang sariling wika, ang Wikang Filipino. Sa aming talk ang aming mga takapakinig ay mga
estudyante ng De La Salle Lipa sa kursong ECE. Kami ay pipili ng higit kumulang 10 bawat klase ng
kursong ito. Hindi naman namin maaaring basta na lamang kuhanin ang mga estudyante sa kanilang mga
klase. Amin ding isinasaalang-alang ang oras ng mga estudyante at ang taglay na kahirapan ng kursong
ito. Kami ay gagawa ng paraan kung saan walang estudyante ang maaabala. Aming aalamin ang mga
aktibidades ng eskwelahan at ng mga estudyante upang makapagtala ng araw kung saan maisasagawa
namin ang talk. Iimbitahan namin sila at bibigyan ng maagang notipikasyon upang talagang sigurado na
wala silang maiiwanang Gawain at maging handa sila. Sa pagsasagawa naman ng aming talk, nais naming
ipaunawa at ipaintindi ang mga layunin at mithiin ng aming talk. Para naman sa nilalaman at tatalakayin
sa talk, papasok ditto ang isa pang kahalagahan ng aming brochure sapagkat ang nilalaman ng brochure
ang magiging basihan ng aming tatalakayin. Ang mga nilalaman ng brochure ay detalyado naming
ipaliliwanag at magbibigay kami ng mga halimbawa. Malaki ang maitutulong nito kumpara sa simpleng
pagbabasa lamang ng brochure. Kung maaari, nais naming na maisagawa ang talk sa maikli, ngunit
produktibong paraan. Nais naming maiwasan ang pagkawala ng interes ng aming takapakinig kaya hindi
namin nais na gawing napakahaba ang talakayan. Naniniwala rin kami na hindi mahalagang mahaba ang
isang talk, ang mahalaga rito ay ang maunawan ng mga tagapakinig, mapakinabangan at maisabuhay
ang mensaheng nais namin maiparating.

You might also like