You are on page 1of 1

Kami, ang mga opisyal at kawani ng Kagawaran ng Edukasyon, ay kaisa ng

sambayanang Pilipino sa laban sa pagpuksa ng COVID-19.

Mula sa Central Office hanggang sa aming mga paaralan, ipinangangako namin ang
paglaan ng aming oras at kasanayan para sa ikabubuti ng ating bansa. Mula sa
pambansa hanggang sa lokal na yunit ng pamahalaan at para sa ating matatapang na
frontliners, susuportahan namin ang buong pagsisikap ng gobyerno tungo sa patuloy na
paghilom ng ating bansa.

Ito ang layunin ng Sulong EduKalidad – ang magpatuloy nang sama-sama habang
inihahanda natin ang sistema ng edukasyon para sa hinaharap.

Sa laban na ito, ang ating mga pagsusumikap at patakaran ay nakaangkla sa


paglilingkod sa kapwa Pilipino, at ang pagtitiyak sa kaligtasan ng ating mga mag-aaral,
guro, at kawani ay unang isasaalang-alang sa ating mga polisiya.

Haharapin natin ang ‘bagong normal’ ng may kahabagan, sensibilidad, at pagiging


makabayan upang ang paraan ng pag-aaral ay hindi maging isang pasanin para sa mga
magulang, mga anak at guro ngunit isang pag-asa sa gitna ng krisis. Sa kabila ng mga
hamon na tatahakin, sisiguraduhin natin na magkakaroon ng balanse sa pagitan ng
pagbibigay ng kalidad ng edukasyon at pag-aaruga sa bawat isa.

Tayo ay maglulunsad ng isang komprehensibong Learning Continuity Plan (LCP) na


tutugon sa mga hamon kabilang ang mga kinakailangang pagsasaayos sa kurikulum,
pagkakahanay ng mga materyales sa pagkatuto, at karampatang suporta para sa mga
guro at magulang.

Habang sinusugpo pa natin ang hindi nakikitang banta, patuloy tayong magiging
matatag sa paghahatid sa publiko ng katotohanan at wagas na paglilingkod upang
sugpuin ang maling impormasyon at pagkakahati-hati.

Marami pang gawain ang dapat na harapin. Hindi ito ang oras upang magpalaganap ng
takot, pag-aalinlangan at poot dahil ito ang panahon upang magkaloob ng pag-unawa at
pagmamahal. Sa hanay ng Kagawaran, ipinangangako namin ang patuloy na paghahatid
ng abot-kaya, dekalidad, mapagpalaya at ligtas na pangunahing serbisyo sa edukasyon
sa panahong ito.

Kami, ang mga kawani ng DepEd, ay hinihikayat ang buong bansa na muling isabuhay
ang diwa ng Bayanihan.

Tayo ay mananatili hanggang ang lahat ay gumaling. Tayo ay patuloy na lalaban upang
makapagbigay ng edukasyon sa milyon-milyong mga Pilipinong mag-aaral.

Bilang isang bansa, tayo ay magtatagumpay at gagaling nang nagkakaisa.

https://www.deped.gov.ph/2020/05/01/pahayag-ng-pakikiisa-ng-kagawaran-ng-edukasyon/

You might also like