You are on page 1of 24

5

Republika ng Pilipinas
Kagawaran ng Edukasyon
Rehiyon III
SANGAY NG ZAMBALES

FILIPINO
Kagamitan sa Pinatnubayang
Kasanayang Pampagkatuto
Paggamit ng Iba’t Ibang Uri
ng Pangungusap sa Debate
Ikaapat na Markahan – Ikalawang Linggo
(Aralin 1)
FILIPINO – Ikalimang Baitang
Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto
Paggamit ng Iba’t Ibang Uri ng Pangungusap sa Debate
Ikaapat na Markahan – Ikalawang Linggo (Aralin 1)

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring magkaroon ng
karapatang-sipi sa anomang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas. Gayonpaman, kailangan
muna ang pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng pamahalaan na naghanda ng akda kung
ito ay pagkakakitaan. Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan
ay ang pagtakda ng kaukulang bayad.

Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o brand name,
tatak o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa modyul na ito ay
nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsumikapang matunton ang mga ito upang
makuha ang pahintulot sa paggamit ng kagamitan. Hindi inaangkin ng mga tagapaglathala at
mga may-akda ang karapatang-aring iyon. Ang anomang gamit maliban sa modyul na ito ay
kinakailangan ng pahintulot mula sa mga orihinal na may-akda ng mga ito. Walang anomang
parte nito ang maaaring kopyahin o ilimbag sa anomang paraan nang walang pahintulot sa
Kagawaran.

Bumuo sa Pagsulat ng Kagamitan


sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto
Manunulat: Christine April E. Agustin
Editor: Evangeline P. Romano
Edelle R. Agustin
Tagasuri: Marie Ann C. Ligsay PhD
Marites Antolin
James Leo R. Angeles
Elvis A. Domingo
Tagaguhit / Tagalapat: Jefer M. Macaalay
Tagapamahala: Ma. Editha R. Caparas EdD
Leonardo D. Zapanta EdD, CESO V
Michelle Ablian-Mejica EdD
Manolito B. Basilio EdD
Ma. Lilybeth M. Bacolor EdD
Garry M. Achacoso
Rachelle C. Diviva

Inilimbag sa Republika ng Pilipinas ng Kagawaran ng Edukasyon


Rehiyon III
Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan ng Zambales
Zone 6, Iba, Zambales
Tel./Fax No. (047) 602 1391
E-mail Address: zambales@deped.gov.ph
Website: www.depedzambales.ph
Paggamit ng Iba’t Ibang Uri
ng Pangungusap sa Debate

Panimula

Ang pagbigigay ng katuwiran ay bahagi na ng ating pang-araw-araw na


pamumuhay. Maging ang batang kagaya mo ay marunong nang mangatwiran at
magpahayag ng kaniyang saloobin at damdamin. Minsan ay nakikipagtalo ka pa nga
upang panindigan ang iyong panig. Hindi masamang makipagtalo kung tama ang
iyong katuwiran at nagagawa ito nang may paggalang.

Sa pakikipagtalo ay dapat na marunong kang tumanggap ng pagkakamali,


maging mapagpakumbaba at kalmado upang hindi makasakit sa iba.

Tandaan mong hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasa tama ka. Sa araling ito
ay matututuhan mo ang pagbibigay ng katuwiran ng dalawang magkaibang panig
tungkol sa isang isyu na kung tawagin ay debate.

Kasanayang Pampagkatuto

Nagagamit ang iba’t ibang uri ng pangungusap sa pakikipagdebate tungkol


sa isang isyu. (F5WG-IVb-e-13.2)

Mga Layunin

Sa pagtatapos ng Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto


na ito, ikaw ay inaasahang:
1. nakikilala ang mga uri ng pangungusap ayon sa kayarian mula sa debate;
2. nailalahad ang katuwiran ng pagsang-ayon at pagsalungat sa isang debate;
3. nakasusulat ang isang debate gamit ang iba’t ibang uri ng pangungusap
tungkol sa isang isyu.

1|Pahina
Balik-Aral

Panuto: Uriin kung ito ay pangungusap na pasalaysay, patanong, pautos o


padamdam. Isulat ang PS kung pasalaysay, PT kung patanong, PU kung pautos at
PD kung padamdam. Isulat ang sagot sa sagutang papel.

1. Nagsimula ang kontrobersiya nang ihayag mismo ng Sanofi Pasteur noong


Nobyembre, 2017 na magkakaroon ng malubhang dengue ang mga batang
nabakunahan pero hindi pa tinatamaan ng sakit.
2. Mayroon bang itinatago ang mga dating Health officials at tutol sila sa pag-
awtopsiya?
3. Isulat mo nang maayos ang iyong liham.
4. Paano natin malalaman ang katotohanan?
5. Sa wakas, nakatapos din tayo sa ating gawain!

Pagtalakay sa Paksa

Isang araw, habang nagsasaliksik si Shasha ng kaniyang aralin tungkol sa


Online Learning ay may napansin siyang paksang akma sa kaniyang takdang aralin.
Narito ang nilalaman ng kaniyang nabasa:

Alin ang Higit na Nakatutulong sa mga Mag-aaral: Aklat ba o Kompyuter?


ni Christine April E. Agustin, San Juan Elementary School

Tagapamagitan:
Isang mapagpalang-araw po sa ating lahat.
Ngayon ay ating matutunghayan ang
pangangatwiran ng dalawang panig tungkol sa
paksang “Alin ang Higit na Nakatutulong sa mga
mag-aaral: Aklat ba o Kompyuter?”
Mula sa aking kanan, ang tagapagtanggol sa
panig ng Kompyuter at sa kaliwa naman, para sa
panig sa aklat.

Halina’t ating umpisahan ang palitan ng katuwiran. Aking inaanyayahan ang panig
ng kompyuter na simulang ipabatid ang kaniyang panig. Tayo’y makinig at
magtimbang sa katuwiran ng bawat panig.

2|Pahina
Kompyuter:
Magandang araw mga giliw kong tagapakinig. Ngayo’y pakinggan ang aking
pagmamatuwid. Gusto nating lahat na ang pag-usad ng panahon ay mabilis. Mula
sa ‘takatak’ ng makinilya ngayo’y may kompyuter na. Ang trabahong dati’y mabilis
na ngayon ay higit na mabilis pa. Iyan ay dahil may kompyuter na! Ang mga
katanungan ng iyong guro ay hindi masasagot nang mabilisan kung aasa ka lamang
sa aklat. Samantalang kung kompyuter ang gagamitin mo mas madaling masagot
ang mga katanungan sa isang click lang. Kaya’t para sa akin, kompyuter ang higit
na nakatutulong sa pag-aaral ng mga mag-aaral! Lalo na ngayong moderno ang
paraan ng pag-aaral. Kaya mas mainam kung itago na lang ang mga aklat at buruhin
sa iyong lalagyan.

Aklat:
Tila yata ang landas ng aking kalaban ay naliligaw. Ang tingin sa aklat ay
pandekorasyon na lamang. Ngunit naisip mo ba, paano pa gagana ang utak ng mga
bata kung iaasa ang pag-aaral sa kompyuter? Ang aklat ay nakakatulong sa
pagpapatalas ng isipan ng mga mag-aaral. Nahahasa ng aklat ang isipan ng mag-
aaral na maging mapanuri sa impormasyon gayundin na maging matiyaga sa
paghahanap ng kasagutan sa lahat ng katanungan.
Tila yata nakalimutan mo na kung saan ka nag-umpisa, hindi ba sa aklat na iyong
nilalait? Saan ka unang natutong magbasa at magbilang, sa kompyuter ba?

Tagapamagitan:
Sandali kong puputulin ang pagtatalo, unang round pa lang ay talaga namang
mainit na ang palitan ng katuwiran ng magkalaban. Maaari ba natin silang
palakpakan kahit saglit lang nang sa gayon ay mabawasan ang kanilang ngitngit sa
pangangatuwiran. At ngayo’y muli natin pakinggan ang kanilang tagisan sa
pangalawang round.

Kompyuter:
Pag-unlad! Narinig mo na ba iyan? Ang kompyuter ay isang simbolo ng kaunlaran.
Ito ay naghahatid ng mga maraming kaalaman na siyang kailangan ng mag-aaral
upang makipagsabayan sa iba’t ibang larangan, saan mang panig ng mundo.
Hindi na kailangan pang mag-aksaya ng oras sa paghahanap ng aklat at pagbabasa
na kalaunan ay kulang naman pala ang impormasyon sa aklat na nakuha. Kaya
hindi mo rin masasabing marami kang matututuhan sa aklat na iyong
ipinaglalaban.

Aklat:
Alam mo bang habang ikaw ay nakaupo kasama ng iyong kompyuter ay maari kang
magkasakit? Kung aklat ay gagamitin, ay siguradong mas relax ka sapagkat maaari
mo itong dalhin kahit saan na hindi ka nakaupo lang at nadadagdagan pa ang iyong

3|Pahina
kaalaman. Paano ka natulungan ng kompyuter kung ikaw naman ay magiging
sakitin?

Tagapamagitan:
Talaga namang nakamamangha ang kagalingan ng magkabilang panig. Ang
kanilang mga katuwiran ay napakahuhusay. Ating pakinggan ang ikatlo at huling
round.

Kompyuter:
Ito ang natitiyak ko! Kung kompyuter ay gagamitin mas napadadali ang paggawa sa
mga aralin ng bawat asignatura sapagkat hindi mo na kailangan pang pumunta sa
silid-aklatan. Hindi ito makapagdudulot ng sakit kagaya ng sinasabi mo sapagkat
agad mong makikita ang kasagutan sa iyong aralin sa ilang minuto lamang.
Ang mga aklat ay siyang magbibigay sa iyo ng sakit sapagkat kung mamalasin ka
ay kailangan mo pa ng napakaraming babasahin.
Ang mga wastong baybay ng mga salitang iyong gagamitin ay hindi na kailangan
pang tignan sa iba pang babasahin dahil may auto check spelling na sa kompyuter.
Nakatipid ka pa sa oras, hindi ba?

Aklat:
Paano naman gagamitin ang kompyuter kung walang koryente? Ang aklat mayroon
man o walang koryente ay tiyak na iyong magagamit.
Sa kompyuter ay tiyak na maraming sagabal sa pag-aaral, mas malamang hindi
makakapagpokus ang mga mag-aaral sa paggawa ng mga aralin dahil nandiyan
sumisingit ang online at offline games!
Ang mag-aaral ay tiyak na mawiwili na lamang sa paglalaro.
Kaya aklat pa rin ang pinakaepektibong kagamitan sa pag-aaral dahil walang ibang
aagaw sa iyong pansin maliban sa mga nakalimbag at napakahalagang mga aralin.

Tagapamagitan:
Mga giliw na tagapanood at tagapakinig, ating palakpakan ang mga nagtunggali
ngayong araw na ito. Ang kahulugan ng kompyuter ay kaaya-ayang totoo. Ito ay
naimbento upang ang bawat isa ay umunlad at umasenso. Ang aklat naman ay
napakahalaga rin sapagkat nahahasa nito ang kaisipan ng mga mag-aaral. Ito rin
ay nakatutulong sa paghubog sa kahusayan ng mag-aaral. Ang dalawang ito ay
talaga namang magagamit na armas laban sa kamangmangan maging wasto lamang
sana ang paggamit sa mga ito. Kaya ang aking desisyon ay parehong panalo ang
dalawang panig. Muli, palakpakan natin ang tagapagtanggol ng dalawang panig.
Magandang araw po muli.

4|Pahina
Mga Pamatnubay na Tanong:
1. Ano ang paksa ng pagtatalo?
2. Batay sa mga katuwirang inilahad sa panig ng kompyuter, bakit sinasabing
higit itong nakatutulong?
3. Paano sinalungat ng panig ng aklat ang mga katuwiran ng panig ng
kompyuter? Ilahad ang mga ito.
4. Bilang mag-aaral, alin ang higit na nakatutulong sa iyo? Pangatwiranan.

Ang nabasa ni Shasha ay halimbawa ng isang teksto na naglalahad ng


pagpapalitan ng katuwiran. Ang tawag dito ay debate. Ito ay isang pormal na
pagpapahayag ng katuwiran ukol sa isang paksa.

Balikan mo ang mga pamatnubay na tanong at tingnan kung wasto ang iyong
mga naisagot. Sa iyong pagbabasa, natukoy mo na ba ang paksa ng pagtatalo? Ang
paksa ng pagtatalo ay kung alin ang higit na nakatutulong, kompyuter o aklat.
Bawat panig ay nagsasabing sila ang higit na nakatutulong sa pamamagitan ng
paglalahad ng kanilang katuwiran.

Suriin mo ngayon ang tsart na nagpapakita ng mahahalagang katuwiran ng


bawat panig.

➢ Kaya hindi natututo


➢Sa isang click lang ay masasagot na
ang bata sapagkat
ang katanungan sa mga asignatura.
hindi na nagbabasa ng
➢Naghahatid ng kaunlaran ang
aklat.
kaalaman sa kompyuter.
➢ Nasasagot ang
➢Kapag may kompyuter ay hindi na
mahihirap na tanong
kailangang pumunta ng silid-
dahil sa pagbabasa ng
aklatan upang humanap ng
aklat.
kailangang impormasyon.
➢ Ang aklat ay madadala
➢Dahil sa kaalaman sa kompyuter ay
kahit saan
kayang-kayang makipagsabayan sa
samantalang ang
mga kaganapan sa mundo.
kompyuter ay hindi.
➢ Hindi magagamit ang
kompyuter kapag
walang kuryente.

5|Pahina
Ikaw, sumasang-ayon ka ba sa katuwiran ng bawat panig? Tiyak na bilang
isang mag-aaral na gumagamit ng aklat at kompyuter ay batid mo ang naitutulong
ng bawat isa.
Upang malubos ang iyong pagkilala at pagkaunawa sa debate ay basahin at
unawain mo ang mga mahahalagang impormasyon ukol dito.

Pagpapakilala sa Aralin

Ang debate ay pangangatuwiran ng dalawang pangkat mula sa


magkasalungat na panig tungkol sa paksang napagkaisahang pagtalunan
sa tiyak na oras at lugar na pangyayarihan.

Binibigyang halaga sa isang debate ang paglalahad ng sapat na


katibayan o patunay upang ang isang proposisyon ay maging kapani-
paniwala.

Ano ang proposisyon?

Ang proposisyon ay isang paninindigan sa anyong pangungusap na


pinatutunayan sa pamamagitan ng mga argumento. Ito ay maaaring sang-
ayunan o tutulan.

Ang pangkat ng sang-ayon ang nagpapatunay o naninindigan sa


proposisyon habang ang pangkat ng salungat naman ang nagpapasubali
o tumututol sa proposisyon.

Ano-ano ang dapat isaalang-alang sa pagpapahayag ng


proposisyon?

Narito ang ilang gabay na makatutulong sa iyong gawain:

1. Kailangang ibigay ang suliranin sa anyong kapasiyahan.

2. Ilahad ito sa pamamagitan ng paggamit ng payak at pasalaysay na


pangungusap. Tiyakin na may isa lamang suliraning patutunayan.

3. Ilahad ang proposisyon sa mga salitang walang bahid ng pag-


aalinlangan ang kahulugan.

4. Tiyakin na ang proposisyon ay nakalahad sa paraang pagsang-ayon.

Ang debate ay isang paraan ng pagpapaliwanag ng mga katuwiran


ng bawat panig na maaaring gawing pasulat at pasalita.

6|Pahina
May dalawang uri ng debate:
1. Debateng Pormal
Ang paksa sa uring ito ay masining na pinag-uusapan at masusing
pinagtatalunan. Ito ay may takdang panahon, araw at oras kung kailan
gaganapin.

2. Debateng Impormal
Ang pagtatalo sa uring ito ay karaniwang hindi gaanong
pinaghahandaan. Ang sinomang may katuwiran ay maaaring tumayo o
magtaas ng kamay para magsalita at magpahayag ng kaniyang panig. Ang
uring ito ng debate ay kalimitang nangyayari sa paaralan o oras ng klase.

Mga Dapat Tandaan sa Pakikipagdebate:


1. Kailangan ang masusing pag-aaral at pagsusuri sa paksang pagtatalunan.
Magpangkat at magpalitang kuro ukol sa paraang gagawin sa pagtalakay sa
paksa.
2. Umisip at gumamit ng iba’t ibang paraan ng pagsisiyasat at pagsusuri.
3. Bumalangkas nang maayos o organisadong paglalahad ng katuwiran.
4. Pakinggan ang katuwiran ng katunggali at talasan ang isipan sa pagbibigay
ng katuwiran.
5. Iwasan ang pagiging personal. Laging isiping isyu ang pinagtatalunan at hindi
ang karakter o personalidad ng katunggali.
6. Sundin ang alituntunin nang may kagandahang-asal at tanggapin nang
maluwag ang kapasyahan ng mga hurado.

Sa pagpapahayag ng iyong panig ay maaari kang gumamit ng iba’t ibang kayarian


ng pangungusap upang higit na maging masining at mabisa ang iyong
pangangatuwiran.

May apat na kayarian ang pangungusap: payak, tambalan, hugnayan at


langkapan.

➢ Payak

Ito ay isang simpleng pangungusap na may payak na simuno at payak


na panaguri.

Halimbawa:
Si Mayumi ay tagapagmatuwid sa panig ng kompyuter.
Simuno Panaguri

7|Pahina
➢ Tambalan

Ito ay binubuo ng dalawang payak na pangungusap na may buong


diwa. Ang mga ito ay pinag-uugnay ng mga pangatnig tulad ng at, saka,
ngunit, samantala, dahil sa, subalit, kaya at iba pa.

Halimbawa:
Ang paggamit ng kompyuter ay naghahatid sa atin sa kaunlaran at
pangungusap na may buong diwa pangatnig

nagiging kasangkapan rin ito upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng


mundo.
Pangungusap na may buong diwa

➢ Hugnayan
Ito ay binubuo ng isang sugnay na makapag-iisa at isa o higit pang
sugnay na di-makapag-iisa.

Halimbawa:
Ang aklat naman ay mahalaga ring talaga
Sugnay na makapag-iisa

sapagkat tayo ay matututo sa palagiang pagbabasa.


sugnay na di-makapag-iisa

➢ Langkapan

Ito ay kayarian ng pangungusap na binubuo ng isa o mahigit pang


sugnay na makapag-iisa at dalawa o mahigit pang sugnay na di-makapag-
iisa.

Halimbawa:
Ang aklat ay iyong madadala kahit saan maging sa bahay man o sa
paaralan
sugnay na makapag-iisa

kaya itigil na natin itong pagtatalo

sugnay na di- makapag-iisa 1

sapagkat may nanalo na,

sugnay na di-makapag-iisa 2

8|Pahina
Gawain

Pinatnubayang Pagsasanay 1
Panuto: Basahin ang debate. Magtala ng tigdalawang halimbawa ng payak,
tambalan, hugnayan at langkapang pangungusap na ginamit sa debate. Kopyahin
ang tsart sa sagutang papel.

Online Class: Sang-ayon ka ba o Hindi?


ni Christine April E. Agustin, San Juan Elementary School

Tagapamagitan:
Isang magandang araw sa lahat ng panauhin. Narito ang dalawang magiting na mag-
aaral na magtatagisan ng katuwiran ukol sa paksang Online Class: Sang-ayon ka ba
o Hindi? Si Jerome ang magtatanggol sa panig ng sang-ayon at si Karen naman ang
magtatanggol sa panig ng hindi sumasang-ayon. Pakinggan at timbangin natin ang
kanilang mga katuwiran.

Sang-ayon:
Ako po si Jerome, mag-aaral mula sa ikalimang baitang. Isang mahusay na bata at
may bukas na isipan ukol sa makabagong paraan ng pag-aaral. Nakahandang
sumunod sa mga pagbabagong hatid ng panahon at teknolohiya sapagkat ako ay
naniniwalang ang pagbabago ay pagpapakita ng pag-unlad. Kaya naman, sa Online
class, ako ay pumapanig. Higit na madali at mabilis ang pag-aaral dahil isang click

9|Pahina
mo lang ay nakakausap mo na ang iyong guro at mga kaklase na handang magbigay
ng impormasyon nang agaran.
Samantalang kung modular ang gagamitin mo sa pag-aaral ay tiyak ang hirap na
dadanasin mo. Kailangan mong magbasa nang napakahaba na walang katiyakan
kung mauunawaan mo ang paksa ng pag-aaral. Kaya’t para sa akin, sa online class
ay tiyak ang pagkatuto.

Hindi Sang-ayon
Ako po si Karen. Ang utak ko’y napakayaman sa impormasyon. Ang pag-o-online
class ay hindi ko na kailangan para masabi lang na ako’y may natutuhan. Ang
paniniwala ko kapag modyul ang gamit mo sa pag-aaral ay nahahasa at nalilinang
ang kasanayan sa pagbabasa. Bukod dito, ang pagiging matiisin at pagiging
matiyaga ay nahuhubog sa akin. Sa online class ay totoong maaalalayan ka ng guro
at mga kaklase ngunit hindi mo namamalayan na ang pagbabasa’y hindi mo na
nalilinang at maging ang kalusugan mo ay naaapektuhan.
Magastos at walang katiyakan ang signal ng internet kaya malamang putol-putol
ang paghahatid ng impormasyon sa online class. Kaya bakit pa isusulong ang online
kung ang sitwasyon ay ganiyan naman?

Sang-ayon:
Itong katunggali ko’y hindi yata alam na ang pandemya ay kalaban na hindi
nakikita? Naniniwala ako na online class ang higit na nababagay sa ganitong
sitwasyon kaya kung hindi ka sang-ayon ay huwag ka nang madaldal dahil nasa hi-
tech na gadyet ang solusyon ng buhay ngayon.

Hindi Sang-ayon:
Paano mo masasabing akma ang ganiyang paraan ng pag-aaral kung ang paggamit
ng online ng mag-aaral ay limitado lamang? Ang pag-aaral mo ay tiyak na hindi
magiging epektibo kung dalawang oras lamang dahil siguradong mas maraming
panahon ang ilalaan sa pag-o-online games mo sa halip na pag-aaral.

Sang-ayon:
Ang katunggali ko ay tila hindi pa naliliwanagan na tayo ngayon ay nasa modernong
panahon kaya mga high-tech na gadyet gaya ng laptop, cellphone ay talaga namang
kailangan. Ito ay mga instrumento na magiging daan tungo sa pinakamabisang
paraan ng pagkatuto ng mag-aaral sapagkat kahit may pandemya may kaalaman
kang makakamtan.

Hindi sang-ayon:
Moderno nga ang panahon ngayon ngunit hindi naman lahat ay mayayaman.
Tandaan mong sa online class ay gagamit ng gadgets, kuryente at internet connection
kaya paano magkakaroon ang isang mahirap na mag-aaral ng kaalaman kung

10 | P a h i n a
pambili ng pagkain ay nagkukulang pa nga? Sige, kung nais mo ang online, ikaw na
rin ang bumili ng mga kagamitan, dahil ikaw naman ang may suhestiyon niyan.

Tagapamagitan:
Ating napakinggan ang tunay na tagisan ng katalinuhan ng dalawang panig. Ang
mga sagutan ay talaga namang kapani-paniwala at makatotohanan.
Kaya, kayong mga magiliw naming manonood at tagapakinig, sila’y bigyan ng
malakas palakpakan.
Ang aking hatol sa magkatunggali ay patas lamang sapagkat parehong panig ay
naipagtanggol nang mahusay.

Uri ng Pangungusap Mga Halimbawa ng Pangungusap ayon sa Kayarian


ayon sa Kayarian mula sa Debate
Halimbawa:
Ako po si Jerome.
PAYAK
1.
2.
Halimbawa:
Isang mahusay na bata at may bukas na isipan ukol sa
TAMBALAN makabagong paraan ng pag-aaral.
1.
2.
Halimbawa:
Samantalang kung modular ang gagamitin mo sa pag-
HUGNAYAN aaral ay tiyak ang hirap at pasakit na dadanasin mo.
1.
2.
Halimbawa:
Narito ang dalawang magiting na mag-aaral na
magtatagisan ng katuwiran ukol sa paksang Online Class:
LANGKAPAN
Sang-ayon ka ba o Hindi?
1.
2.

11 | P a h i n a
Pinatnubayang Pagsasanay 2
Basahin at unawain ang debate.

Mabuti at Hindi Mabuting Epekto ng Teknolohiya sa Pamumuhay


ni Christine April E. Agustin, San Juan Elementary School

Tagapamagitan:
Ang paksang pag-uusapan ay totoong
napapanahon. Lalo na ngayong ang teknolohiya
ay lagi nang katuwang sa mga pang-araw-araw
nating gawain ngayon. Kaya ang tanong, mabuti
ba o hindi ang epekto ng teknolohiya sa ating
pamumuhay? Ang magkabilang panig ay ating
pakinggang mabuti.

Mabuti:
Ang teknolohiya ay nakapagpapabilis ng gawain ng tao kaya naman masasabi kong
mabuti ang epekto nito. Ang mabigat na trabaho ay napagagaan at napagsasabay-
sabay ang ilang gawain sa iisang pagkakataon. Dahil sa teknolohiya ay napadadali
ang pag-aaral at ang pagkalap ng impormasyon maging ang pakikipag-ugnayan at
ang paglalakbay.

Hindi mabuti:
Totoong dahil sa teknolohiya ay napabibilis ang lahat ngunit dahil rin sa teknolohiya
ay nagiging tamad ang tao. Hindi na nahahasa ang isip kaya humihina na ang
memorya. Itanong mo sa mga bata kung alam pa ba nila ang four fundamental
operations? Hindi na di ba? Iyan ay dahil sa paggamit ng teknolohiya.
Gawin mo na lang halimbawa ang mga application sa cellphone, nariyan din ang mga
online at offline games na siyang nakasasagabal sa pag-aaral. Sa halip na mag-aral
ang inaatupag ay paglalaro.
Ang ating kapaligiran ay masisira rin dahil sa usok na dala ng mga sasakyan. Hindi
naman masama ang pag-asenso gamit ang teknolohiya kung napangangalagaan din
ang kalikasan.

Tagapamagitan:
Tila mainit na ang ating usapan at ang magkabilang panig ay nakapaglahad na ng
kanilang katuwiran. Paano kaya maiibsan ang paglalatag ng kanilang damdamin.
Maaari ba natin silang bigyan muna ng masigabong palakpakan nang maibsan ang
kanilang panggigigil sa pangangatwiran. Muli nating pakinggan ang magkabilang
panig para sa kanilang huling paghahatid ng katuwiran.

12 | P a h i n a
Mabuti:
Gawin mo na lamang halimbawa ang bansang Japan, maunlad na maunlad dahil
sa teknolohiya. Ang Japan ay kilalang-kilala sa larangan ng teknolohiya hindi
lamang sa Asya kundi maging sa buong daigdig. Napadali ng bansang ito ang
pagpapaunlad sa buhay ng kanilang mamamayan sapagkat halos lahat ng
kasangkapan ay masasabing hi-tech at sa kanila lamang makikita ang karamihan.
Dumaan man ang kalamidad ay handang-handa sila sapagkat mabilis na nasasagap
ng kanilang radar ang mga senyales nito.

Hindi Mabuti:
Oo nga at umasenso sila, ngunit masdan mo naman ang epekto sa kanila. Naging
mabilis at magaan ang pamumuhay nila ngunit naging mabilis din ang buhay nila!
Ang kanser ay pangkaraniwang sakit sa kanila dahil sa radiation ng sinasabi mong
makabagong teknolohiya. O, ipipilit mo pa ba ang mabuting dulot ng teknolohiya
kung ang hantungan mo naman ay kamatayan nang maaga!

Tagapamagitan:
Bawat panig ay tunay na nagsaliksik at naghanda para sa pagtatagisan ng
katuwiran. Totoong ako ay nahihirapan sa pagtitimbang ng mga katuwiran ngunit
kung susuriin parehong may halaga ang punto ng kanilang pangangatuwiran.
Ang aking hatol sa magkatunggali ay patas lamang sapagkat parehong panig ay
naipagtanggol nang mahusay. Bigyan natin sila ng masigabong palakpakan.

Panuto: Kilalanin ang mga pangungusap mula sa debate. Isulat ang P-kung payak,
T-kung tambalan, H-kung hugnayan at L-kung langkapan. Isulat ang sagot sa
sagutang papel.

1. Ang paksang pag-uusapan ay totoong napapanahon.

2. Ang teknolohiya ay nakapagpapabilis ng gawain ng tao kaya naman masasabi


kong mabuti ang epekto nito.

3. Totoong dahil sa teknolohiya ay napabibilis ang lahat ngunit nagiging tamad


ang tao.

4. Hindi na nahahasa ang isip kaya humihina na ang memorya ng mag-aaral.

5. Hindi naman masama ang pag-asenso gamit ang teknolohiya kung


napangangalagaan din ang kalikasan.

6. Ang kanser ay pangkaraniwang sakit sa kanila dahil sa radiation ng sinasabi


mong makabagong teknolohiya.

13 | P a h i n a
7. Bigyan natin sila ng malakas na palakpakan.

8. Ang kanilang pagbibigay ng panig sa isa’t isa ay talaga namang kapani-


paniwala at makatotohanan.

9. Ang mabigat na trabaho ay napagagaan at napagsasabay-sabay ang ilang


gawain sa iisang pagkakataon.

10. Bawat panig ay tunay na nagsaliksik at naghanda para sa pagtatagisan ng


katuwiran.

Madali mong nagawa ang mga naunang pagsasanay, malamang ay mas


handa ka na ngayon sa isa pang gawain na lilinang naman sa iyong kakayahang
magpaliwanag gamit ang iba’t ibang uri ng pangungusap. Simulan mo na.

Pang-isahang Pagsasanay
Panuto: Maglahad ng sariling katuwiran o pagmamatuwid gamit ang mga uri ng
pangungusap ayon sa kayarian. Sikaping makasunod sa pamantayan na itinakda.
Isulat ang sagot sa sagutang papel.

Sino ang Dapat na Maging Bayani? Guro o Doktor


ni Christine April E. Agustin, San Juan Elementary School

Tagapamagitan:
Magandang araw sa lahat ng naririto. Ang paksa ngayon ay tiyak na
kagigiliwan ng manonood sapagkat dalawang tao na may malaking gampanin
sa ating lipunan ang ngayo’y pagtatalunan. Ang mga gurong tagapaghubog
ng kaisipan at mga doktor na tagapangalaga ng kalusugan. Sino nga ba sa
kanila ang dapat ituring na bayani? Ngayon ay ating pakinggan,
pagmamatuwid ng dalawang panig.

Guro:

14 | P a h i n a
Kung kabayanihan lamang ang pag-uusapan, ang mga gurong Pilipino ay
tiyak na walang katulad sapagkat sila ang mga bayaning sumagip sa iyo mula
sa kamangmangan. Ang pagbabasa at pagbibilang ay matiyagang itinuro kaya
naman ikaw ay patuloy na lumalago. Kaya sila ay nararapat lamang na iyong
saluduhan at parangalan. Ituring na bayani kahit na saan.

Doktor:
Hello, ma’am at sir! Kumusta naman po ang inyong pakiramdam? Tila yata
napabayaan na ninyo ang inyong sarili dahil sa sobrang kaabalahan. Huwag
mag-alala, nandito lang kaming mga doktor na inyong magiging sandigan.
Mga bayaning tagapagligtas ng buhay at tagapagbantay ng inyong kalusugan.
Paanong kayong guro ang magiging bayani kung ang kalusugan ninyo ay
kami ang nangangalaga?

Guro:

Doktor:

Tagapamagitan:
Tunay nga naman ang kanilang mga binigkas. Bawat isa ay may taglay na
kabayanihan. Hindi maikakaila na ang guro ay may malaking ambag sa mga
mamamayan sa ating lipunan habang ang doktor naman ay siyang
nangangalaga sa kalusugan ng bawat mamamayan. Sa kabayanihan ay sino
ba ang dapat mangibabaw? Ang guro ba o ang doktor?
Napakahirap magpasiya! Ngunit kung iisiping mabuti, bawat isa ay bayani sa
kani kanilang larangan. Kaya mga kaibigan, ang hatol ko sa magkatunggali
ay patas lamang. Sila ay mga bayaning dapat tularan. Bigyan natin sila ng
masigabong palakpakan.

15 | P a h i n a
Pagsusulit

Panuto: Sumulat ng sariling debate na may tigdalawang pagmamatuwid gamit ang


mga uri ng pangungusap ayon sa kayarian. Sikapin na ang isusulat na debate ay
makasusunod sa itinakdang rubrik. Isulat ito sa sagutang papel.

Face to face class: Sumasang-ayon ka ba?

Tagapamagitan:

Sang-ayon:

Hindi Sumasang-ayon:

Sang-ayon:

Hindi Sumasang-ayon:

16 | P a h i n a
17 | P a h i n a
Pangwakas

Panuto: Punan ang patlang ng wastong sagot. Piliin sa kahon ang salitang bubuo sa
diwa ng mga pangungusap. Isulat ang sagot sa sagutang papel.

pangangatwiran panig pasulat

dalawang pormal

Ang debate ay __________________ ng pangkat mula sa


magkasalungat na tungkol sa paksang napagkaisahang pagtalunan
(proposisyon) sa tiyak na oras at lugar na pangyayarihan.

Ito ay maaring o di pormal na pagtatalo.

Ang debate ay hindi isang uri ng pag-aaway sapagkat ito’y pagpapaliwanag


lamang ng mga katuwiran ng bawat panig na maaring gawaing o
pasalita.

Mahalagang mahasa ang kasanayang ito sapagkat magagamit ito sa mga


gawaing pampaaralan.

18 | P a h i n a
Mga Sanggunian

Agarrado, Patricia Jo, Maricar Francia, Perfecto Guererro III, and Generaro Cruz.
2021. Alab Filipino 5. 1st ed. Quezon City: Vibal Group, Inc.

Arrogante, Jose. 2007. REtorika (Masining na Pagpapahayag). 1st ed.


Mandaluyong City: National Book Store

Lalunio, Lydia, and Francisca Ril. 2010. Hiyas Sa Wika 5. 1st ed. Quezon City:
SD Publications, Inc.

K-12 MELCS With CG Codes. 2020. Ebook. 1st ed. Pasig City: Depatment of
Education. https://commons.deped.gov.ph/melc_k12.

19 | P a h i n a
20 | P a h i n a
Balik-Aral
1. PS
2. PT
3. PU
4. PT
5. PD
Pagtalakay sa Paksa
1. Alin ang Higit na Nakatutulong sa mga
Mag-aaral: Aklat ba o Kompyuter?
2. - Sa isang click lang ay masasagot na ang
katanungan sa mga asignatura.
- Naghahatid ng kaunlaran ang kaalaman
sa kompyuter.
- Kapag may kompyuter ay hindi na
kailangang pumunta ng silid-aklatan
upang humanap ng kailangang
impormasyon.
- Dahil sa kaalaman sa kompyuter ay
kayang-kayang makipagsabayan sa mga
kaganapan sa mundo.
3. - Kaya hindi natututo ang bata sapagkat
hindi na nagbabasa ng aklat.
- Nasasagot ang mahihirap na tanong
dahil sa pagbabasa ng aklat. Pinatnubayang Pagsasanay 2.
- Ang aklat ay madadala kahit saan 1. P 6. H
samantalang ang kompyuter ay hindi. 2. H 7. P
- Hindi magagamit ang kompyuter kapag 3. T 8. P
4. T 9. P
walang koryente.
5. H 10. T
4. Maaring magkakaiba ang sagot.
Pagsusulit
Gawain
Maaringmagkakaiba ang mga kasagutan
Pinatnubayang Pagsasanay 1.
Pang-isahang Pagsasanay
Maaringmagkakaiba ang mga kasagutan
Pangwakas
Ang debate ay pangangatwiran ng dalawang pangkat
mula sa magkasalungat na panig tungkol sa paksang
napagkaisahang pagtalunan (proposisyon) sa tiyak na
oras at lugar na pangyayarihan.
Ito ay maaring pormal o di pormal na
pagtatalo.
Ang debate ay hindi isang uri ng pag-aaway
sapagkat ito’y pagpapaliwanag lamang ng mga
katuwiran ng bawat panig na maaring gawaing
pasulat o pasalita.
Susi sa Pagwawasto
Pasasalamat
Ipinaaabot ng Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan ng Zambales ang
taos-pusong pasasalamat sa mga sumusunod, na nakapag-ambag ng tagumpay
para sa paghahanda, pag-unlad, pagtiyak ng kalidad, paglimbag at pamamahagi ng
Ikaapat na Markahang Kagamitan sa Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto sa
lahat ng asignatura sa iba’t ibang antas bilang tugon sa pagbibigay sa mag-aaral ng
naaangkop na kagamitang pampagkatuto hango sa Pinakamahalagang Kasanayang
Pampagkatuto (MELCs) - ayon sa mga pagsasanay na nakabatay sa mga
pamantayan ng pinatnubayang kasanayan at tuwirang pagtuturo:
Una, ang Learning Resource Development Team na binubuo ng mga
manunulat at tagaguhit, sa kanilang iginugol na panahon at kakayahan upang
makabuo ng iba’t ibang kinakailangang kagamitang pampagkatuto.
Ikalawa, ang mga tagapatnugot sa nilalaman, tagasuring pangwika, at mga
tagasuring pandisenyo na maingat na nagwasto at bumuo sa lahat ng Kagamitan sa
Pinatnubayang Kasanayang Pampagkatuto upang matiyak ang kawastuhan at
katugunan sa mga pamantayan ng Kagawaran ng Edukasyon;
Ikatlo, ang mga gurong tagapatnubay at mga guro sa bawat asignatura sa
kanilang malapit na pakikipag-ugnayan sa mga punongguro, sa kanilang
lingguhang pamamahagi at pagbabalik ng mga Kagamitan sa Pinatnubayang
Kasanayang Pampagkatuto at sa kanilang madalas na pagsubaybay sa pag-unlad
ng mag-aaral sa lahat ng paraan; at
Panghuli, ang mga magulang at iba pang pantahanang tagapagdaloy sa
kanilang pagbibigay sa mag-aaral ng kinakailangang patnubay at gabay upang
maisagawa ang mga gawain at upang patuloy na matulungan ang bawat mag-aaral
na maging responsableng indibiduwal sa hinaharap.
Sa inyong patuloy na paghahatid ng kaalaman sa mapanghamong panahon
ay lubos na makamit ang sama-samang pagpupunyagi at matibay na malasakit na
pagsilbihan ang ating mag-aaral na Zambaleño.
Muli, ang aming walang hanggang pasasalamat!

Tagapamahala

21 | P a h i n a
Para sa katanungan o karagdagang puna,
maaaring sumulat o tumawag sa:

Pansangay na Tanggapan ng mga Paaralan ng Zambales


Zone 6, Iba, Zambales
Tel./Fax No. (047) 602 1391
E-mail Address: zambales@deped.gov.ph
Website: www.depedzambales.ph

You might also like