Sa lumang simbaha'y patuloy ang buhos ng ulan Sa bayan ay hindi na humupa ang bagyo, basa ang lupa ng tubig at dugo
Sa madilim na bahagi ng daan,
sa gilid ng simbahan panay ang palahaw at atungal ng bagong Tasyong tila nagdadasal, di malaman ng bayan kung sumpang inuusal,
Sa mga luhuran, sa pulpitong nilisan,
patuloy ang pabulong-bulong na unti-unting umiingay tinig ng mga nananalangin, hikbing nasasaktan
Sa may tarangkahan ng simbahan,
nangakaupong walang nakapupuna ang mga kaluluwang ligaw,
Sa kalye sa tapat ng simbahan,
patuloy ang mga businang walang kawawaan
Sa tapat ng altar, may katawang duguan,
may walong babaeng nag-alay ng rosas, sa labas ng simbahan, nakatanaw ang naligtas na kawan, nagluluksang walang katapusan pinapatay ang kalooban sa sàkit na kapantay sarili na ring kamatayan, bakit, bakit? itong aming Kristo'y patuloy na pinag-uusig? Ang matandang baliw sa gilid ng simbahan ay nagwika, "sawimpalad kong bayan,"