You are on page 1of 1

SUGAT

ni Rem Tanauan

Walang sinuman sa atin ang hindi


nagkasugat. Gasgas sa musmos nating
mga tuhod. Bubog sa talampakang

nagmadali sa pagyapak. Hiwa


sa hintuturong nalimutang mag-ingat.
Tusok ng perdible sa hinlalaking

nagulat. Minsan ding pumutok


ang anit, napaso ang mga balat,
ginupit ang mga tumór at lamad,

at tinahi ang mga laman. Naoperahan


na tayo ng mga aksidente't nakaraan,
merong alaalang nagdugo

sa pantal, at malalang nagnaknak


nang sobrang tagal. Sabay sa tindi
ng hapdi at antak na kalát na kalát

sa buong katawan. Humuhupa pa rin


ang sakít, kusa ring naglalangib
nang di napapansin, kahit pa mabagal.

Babalik ang katawan natin sa kanyang


naturál - mistulang walang muwang,
parang walang nangyari. May maiwan mang

peklat, iisa ang mensahe ng lahat ng


sugat: walang di natutuldukan ang panahon.
Walang ibang tadhana ang sugat

kundi ang maghilom.


031321

You might also like