You are on page 1of 6

Ano ang Bagong mga Pagsulong sa Pagkuha ng Enerhiya?

HANGIN:

▪ Matagal nang ginagamit ng tao ang lakas ng hangin sa paglalayag, pagpapaikot ng mga
gilingan, at pagbomba ng tubig. Gayunman, tumindi ang interes ng daigdig sa enerhiyang
makukuha sa hangin nitong nakalipas na mga taon. Lumilikha ngayon ang makabagong mga
molino (windmill) ng sapat, malinis, at di-nauubos na enerhiya na nagsusuplay ng kuryente para
sa 35 milyon katao. Ang 20 porsiyentong suplay ng kuryente ng Denmark ay nakukuha nito sa
lakas ng hangin lamang. Mabilis na ring ginagamit ng Alemanya, Espanya, at India ang lakas ng
hangin, at inaangkin ng India na sila ang ikalima sa pinakamalakas gumamit ng enerhiya ng
hangin sa daigdig. Sa kasalukuyan, ang Estados Unidos ay may 13,000 molino na lumilikha ng
kuryente. At ayon sa ilang analista, kung gagamitin sa layuning ito ang lahat ng angkop na lugar
sa Estados Unidos, makukuha ng bansang ito ang 20 porsiyento ng kanilang pangangailangan sa
kuryente buhat sa lakas ng hangin.

ARAW:

▪ Ang mga photovoltaic cell na ginawa ng tao ay nakalilikha ng kuryente mula sa liwanag ng
araw kapag tinamaan ng sinag ng araw ang mga elektron na nasa cell. Sa buong daigdig, halos
500 milyong watt ng kuryente ang nalilikha sa pamamaraang ito, at ang pangangailangan para sa
mga solar cell ay tumataas nang 30 porsiyento taun-taon. Gayunman, sa kasalukuyan, hindi
gaanong mabisa ang mga photovoltaic cell, at mas mahal ang kuryenteng nililikha ng mga cell
kung ihahambing sa nililikha ng mga fossil fuel. Bukod dito, ginagamit sa pagbuo ng mga cell
ang nakalalasong mga kemikal na gaya ng cadmium sulfide at gallium arsenide. Palibhasa’y
nananatili sa kapaligiran ang gayong mga kemikal sa loob ng maraming siglo, ang sabi ng
Bioscience, “maaaring maging malaking problema ang pagtatapon at pagreresiklo ng mga
materyales ng sirang mga cell.”

ENERHIYANG GEOTHERMAL:

▪ Kung maghuhukay ang isang tao mula sa pinaka-ibabaw ng lupa hanggang sa mainit na
pinakagitna nito, na tinatayang 4,000 digri Celsius, tataas ang temperatura, sa katamtaman, nang
mga 30 digri Celsius para sa bawat kilometrong nahuhukay. Gayunman, para sa mga taong
nakatira malapit sa maiinit na bukal o mga bitak ng bulkan, mas madaling makakuha ng init
mula sa lupa. Ang mainit na tubig o singaw na nililikha ng maiinit na lugar sa pinaka-ibabaw ng
lupa ay ginagamit sa 58 bansa upang magpainit ng mga tahanan o lumikha ng kuryente.
Nasasapatan ng Iceland ang humigit-kumulang sa kalahati ng enerhiyang kailangan nito sa
pamamagitan ng paggamit ng enerhiyang geothermal. Pinag-aaralan naman ng iba pang mga
bansa, gaya ng Australia, ang paggamit ng enerhiyang nakakulong sa malalawak na lugar sa
ilalim ng lupa na may mainit at tuyong mga bato na ilang kilometro lamang ang lalim mula sa
pinaka-ibabaw ng lupa. Iniulat ng Australian Geographic: “Naniniwala ang ilang mananaliksik
na kung bobombahan ng tubig ang nakakulong na init na iyon at gagamitin ang mainit na tubig
upang paikutin ang mga turbina habang bumabalik ito nang may napakalakas na presyon sa
ibabaw ng lupa, makalilikha tayo ng enerhiya sa loob ng maraming dekada—sa loob pa nga ng
maraming siglo.”
TUBIG:

▪ Sinasapatan na ng mga plantang hydroelectric ang mahigit sa 6 na porsiyento ng


pangangailangan ng daigdig sa enerhiya. Ayon sa ulat ng International Energy Outlook 2003, sa
loob ng susunod na dalawang dekada, “ang kalakhang bahagi ng pagsulong sa di-nauubos na
pinagmumulan ng enerhiya ay magaganap sa malawakang mga proyekto ng enerhiyang
hydroelectric sa papaunlad na mga bansa, lalo na sa mga bansa sa umuunlad na Asia.”
Gayunman, nagbabala ang Bioscience: “Ang imbakan ng tubig ay karaniwan nang sumasaklaw
sa kapaki-pakinabang, mabunga, at mabanlik na mga lupain sa mabababang lugar. Bukod diyan,
nakaaapekto ang mga dam sa nabubuhay na mga halaman, hayop, at mikrobyo sa ekosistema.”

HIDROHENO:

▪ Ang hidroheno ay isang gas na walang kulay, walang amoy, at madaling magliyab at ito ang
pinakasaganang elemento sa uniberso. Sa lupa, ang hidroheno ay mahalagang bahagi ng
himaymay ng halaman at hayop, isang sangkap ng mga fossil fuel, at isa sa mga elemento na
bumubuo sa tubig. Karagdagan pa, kaunting polusyon lamang ang nalilikha ng hidroheno at mas
mabisa ito kaysa sa mga fossil fuel.

Sinasabi ng babasahing Science News Online na “mapaghihiwalay ang hidroheno at oksiheno [ng
tubig] kung pararaanan ito ng kuryente.” Bagaman napakaraming hidroheno ang makukuha sa
pamamaraang ito, sinasabi ng babasahin na “hindi pa abot-kaya ang tila simpleng prosesong ito.”
Gumagawa na ang mga pabrika sa buong daigdig ng mga 45 milyong tonelada ng hidroheno, na
pangunahin nang ginagamit sa mga pataba at mga produktong panlinis. Subalit nakukuha ang
hidrohenong ito sa prosesong ginagamitan ng fossil fuel—isang prosesong naglalabas din ng
carbon monoxide, isang nakalalasong gas, at ng carbon dioxide, isang gas na nagpapainit sa
atmospera ng lupa.

Sa kabila nito, iniisip ng marami na ang hidroheno ang malamang na magiging pinakakapaki-
pakinabang sa lahat ng iba pang alternatibong panggatong at na makasasapat ito sa
pangangailangan ng sangkatauhan para sa enerhiya sa hinaharap. Ang ganitong positibong
pananaw ay batay sa pambihirang mga pagsulong kamakailan sa isang kagamitan na tinatawag
na fuel cell.

ENERHIYA MULA SA FUEL CELL:

▪ Ang fuel cell ay isang kagamitang lumilikha ng kuryente mula sa hidroheno—hindi sa


pamamagitan ng pagsunog dito, kundi sa pamamagitan ng paghahalo dito ng oksiheno sa ilalim
ng kontroladong kemikal na reaksiyon. Kapag purong hidroheno ang ginamit sa halip na fossil
fuel na sagana sa hidroheno, ang kakambal na produkto ng prosesong ito ay init at tubig lamang.

Noong 1839, ginawa ni Sir William Grove, isang Britanong hukom at pisiko, ang kauna-unahang
fuel cell. Gayunman, magastos ang paggawa ng mga fuel cell, at mahirap makuha ang
panggatong at mga bahagi nito. Kaya sumulong lamang ang teknolohiyang ito nang sumapit ang
kalagitnaan ng ika-20 siglo kung kailan nilikha ang mga fuel cell upang magsuplay ng enerhiya
sa mga sasakyang pangkalawakan ng Amerika. Mga fuel cell pa rin ang ginagamit upang
magsuplay ng enerhiya sa modernong sasakyang pangkalawakan, subalit pinasusulong sa ngayon
ang teknolohiya upang higit itong magamit sa lupa.

Sa ngayon, pinasusulong ang mga fuel cell upang halinhan ang mga makina ng sasakyang de-
motor na gumagamit ng gasolina o krudo at upang magsuplay ng kuryente sa komersiyal na mga
gusali, tahanan, at sa maliliit na kagamitang de-kuryente, gaya ng cellphone at computer.
Magkagayunman, sa panahong isinusulat ang artikulong ito, ang enerhiyang nililikha ng
nakapirming mga planta ng fuel cell ay apat na beses na mas mahal kaysa sa mga fossil fuel.
Gayunman, daan-daang milyong dolyar ang ginugugol upang pasulungin ang teknolohiyang ito
na nasa unang mga yugto pa lamang.

Kitang-kita ang mabubuting epekto sa kapaligiran ng paggamit ng mas malinis na pinagmumulan


ng enerhiya. Gayunman, malaking halaga pa rin ang kinakailangan upang magawa ito nang
malawakan. Ganito ang sabi sa ulat ng IEO2003: ‘Hinggil sa enerhiya sa hinaharap, sinasabing
mas lálaki ang pangangailangan para sa mga fossil fuel (langis, likas na gas, at uling), sapagkat
inaasahang mananatiling mas mura ang mga presyo ng fossil fuel, at ang halaga ng pagkuha ng
enerhiya mula sa iba pang panggatong ay magiging napakamahal.’\

Paghahanap sa Pinagmumulan ng Lahat ng Enerhiya

ANG araw ang pangunahing pinagmumulan ng enerhiya sa lupa. Naniniwala ang maraming
siyentipiko na ang uling at langis ay nabulok na mga labí ng mga puno at halaman na kumukuha
ng enerhiya mula sa araw.* Ang tubig na dumadaloy sa mga dam na hydroelectric ay
nagmumula sa karagatan na nagiging singaw dahil sa init ng araw at kumakalat sa ibabaw ng
lupa sa anyong ulap. Dahil sa mainit na sinag ng araw, humihihip ang hangin at pinaaandar nito
ang mga generator na pinatatakbo ng hangin. Gayunman, tinatayang mga kalahati lamang ng
ikaisang bilyong bahagi ng enerhiya ng araw ang nakararating sa lupa.

Bagaman kagila-gilalas ang lakas ng bituin na tinatawag nating araw, isa lamang ito sa bilyun-
bilyon at pagkalaki-laking bukal ng enerhiya sa uniberso. Ano ang talagang pinagmumulan ng
lahat ng enerhiyang ito? Sa pagtukoy sa mga bituin, sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Isaias:
“Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito?
Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa
pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang
kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”—Isaias 40:26.

Kapag dinidili-dili natin ang napakalakas na enerhiya ng mga bituin, maaaring lubha tayong
nasisindak—at lalo na kung iisipin natin ang hinggil sa Maylalang ng mga ito. Gayunman,
pinasisigla tayo ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Oo,
ang Maylalang ng lupa at ng saganang mga pinagmumulan ng enerhiya nito, ang nagbigay sa
atin ng buhay, ay maaaring masumpungan ng mga humahanap sa kaniya.—Genesis 2:7; Awit
36:9.

Kapag nakikita ng ilang tao na dinudumhan ang lupa at hindi naipamamahagi nang pantay-
pantay ang likas na yaman nito, marahil ay nag-aalinlangan sila kung interesado nga ba ang
Diyos sa lupa at sa mga taong naririto. Gayunpaman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na malapit nang
maganap ang pagbabago at nangangako ito ng malaking pagbabago sa paraan ng pamamahagi ng
likas na yaman sa daigdig at sa paraan ng pamamahala sa lupa mismo. (Daniel 2:44; Mateo
6:9, 10) Sa pamamagitan ng pagtatalaga ng isang makalangit at pandaigdig na pamahalaan sa
ilalim ng pangangasiwa ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus, titiyakin ng Diyos na Jehova na ang
lahat ng nabubuhay ay pantay-pantay na makikinabang sa saganang likas na yaman ng lupa.
(Mikas 4:2-4) ‘Ipapahamak din niya yaong mga nagpapahamak sa lupa,’ samakatuwid nga, ang
mga sumisira sa kapaligiran ng lupa, sa espirituwal man o pisikal na paraan.—Apocalipsis 11:18.

Sa panahong iyon, matutupad ang pangakong nakaulat sa Isaias 40:29-31 kapuwa sa espirituwal
at pisikal na paraan: “Siya ay nagbibigay ng lakas sa pagod; at ang isa na walang dinamikong
lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan. Ang mga batang lalaki ay kapuwa mapapagod
at manlulupaypay, at ang mga kabinataan ay walang pagsalang mabubuwal, ngunit yaong mga
umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas. Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya
ng mga agila. Sila ay tatakbo at hindi manlulupaypay; sila ay lalakad at hindi mapapagod.”
Maaari ka ring matuto nang higit pa tungkol sa Pinagmumulan ng lahat ng enerhiya at sa
solusyon sa mga problema ng lupa hinggil sa enerhiya kung gugugol ka ng panahon na pag-
aralan ang Bibliya.

Bakit Kailangan ang Bagong Pinagmumulan ng Enerhiya?

“Kung iniisip nating problema sa ngayon ang langis, maghintay lamang tayo ng 20 taon.
Malagim ang mangyayari.”—Jeremy Rifkin, Foundation of Economic Trends,
Washington, D.C., Agosto 2003.

SA LOOB ng mga 20 taon—kung kailan nasa tamang gulang na si Micah upang magmaneho—
sinasabi ng ulat ng International Energy Outlook 2003 (IEO2003) ng pamahalaan ng Estados
Unidos na “inaasahang tataas nang 58 porsiyento” ang pagkonsumo ng enerhiya sa buong
daigdig. Tinawag ng magasing New Scientist ang pagtayang ito bilang “ang pinakamalaking
porsiyento ng pagtaas sa pangangailangan para sa enerhiya sa buong kasaysayan.” Ligtas kayang
masasapatan ng karaniwang mga pinagmumulan ng enerhiya ang pangangailangang ito?
Isaalang-alang ang seryosong mga bagay na ito.

ULING:

▪ Sa lahat ng fossil fuel, pinakasagana ang uling, na tinatayang may sapat na reserba na maaaring
tumagal nang 1,000 taon. Halos 40 porsiyento ng kuryenteng kinokonsumo sa buong daigdig ay
isinusuplay ng mga planta ng kuryenteng gumagamit ng uling. Ang Australia ang
pinakapangunahing tagapagluwas ng uling, anupat nagsusuplay ng halos sangkatlo ng lahat ng
kinakalakal na uling sa buong daigdig.

Gayunman, ganito ang sinabi sa isang opisyal na pahayag ng Worldwatch Institute: “Ang uling
ang fossil fuel na may pinakamataas na antas ng karbon, anupat naglalabas ng karbon na mas
marami nang 29 na porsiyento kaysa sa langis sa bawat yunit ng enerhiya, at mas marami nang
80 porsiyento kaysa sa likas na gas. Ito ang pinagmumulan ng 43 porsiyento ng inilalabas na
karbon sa buong daigdig taun-taon—humigit-kumulang 2.7 bilyong tonelada.” Bukod sa epekto
nito sa kapaligiran, ano naman ang maaaring ibunga ng pagsusunog ng uling sa kalusugan ng
tao? Bilang halimbawa, sinasabi sa isang kamakailang ulat ng Global Environment Outlook ng
United Nations: “Sa Tsina, ang usok at ang maliliit na partikula mula sa sinusunog na mga uling
ay nagiging sanhi ng maagang kamatayan ng 50 000 katao at ng 400 000 bagong mga kaso ng
malalang brongkitis taun-taon sa 11 malalaking lunsod nito.”

LANGIS:

▪ Araw-araw, 75 milyong bariles na ng langis ang kinokonsumo ng daigdig. Sa kabuuang reserba


ng langis sa daigdig, na tinatayang mga 2 trilyong bariles ang dami, humigit-kumulang
900 bilyong bariles na ang naubos. Kung ibabatay sa bilis ng produksiyon ng langis sa
kasalukuyan, ang suplay ng langis ay tinatayang tatagal pa nang 40 taon.

Gayunman, iginiit ng mga heologong sina Colin J. Campbell at Jean H. Laherrère noong 1998:
“Sa loob ng susunod na dekada, ang suplay ng makukuhang langis ay hindi na makasasapat sa
pangangailangan para rito.” Nagbabala nang ganito ang mga ekspertong ito sa industriya ng
langis: “Mali ang karaniwang palagay na maaaring makuha mula sa ilalim ng lupa ang huling
timba ng langis na kasimbilis lamang ng pagkuha ng bari-bariles ng langis na bumubukal sa mga
balon sa ngayon. Sa katunayan, ang bilis ng produksiyon ng langis sa alinmang balon—o
alinmang bansa—ay laging umaabot sa sukdulang antas at pagkatapos, kapag nakuha na ang mga
kalahati ng langis, unti-unti nang bumabagal ang produksiyon hanggang sa wala na talagang
makuha. Kaya kung ekonomiya ang pag-uusapan, hindi ikinababahala kung kailan masasaid ang
langis sa daigdig: ang ikinababahala ay kung kailan magsisimulang bumaba ang produksiyon.”

Kailan inaasahang bababa ang produksiyon ng langis? Sinabi ni Joseph Riva, heologong
dalubhasa sa petrolyo, na ang “isinaplanong pagpaparami ng produksiyon ng langis . . . ay
kulang pa sa kalahati ng daming kinakailangan upang masapatan ang pangangailangan ng
daigdig para sa langis sa 2010 ayon sa pagtantiya ng IEA [International Energy Agency].”
Nagbabala ang New Scientist: “Kung hihina ang produksiyon samantalang patuloy na lumalaki
ang pangangailangan para rito, malamang na biglang tataas o lubhang magpapabagu-bago ang
halaga ng langis, anupat lálaki ang posibilidad na magkaroon ng kaguluhan sa ekonomiya, ng
suliranin sa pagluluwas ng pagkain at iba pang mga suplay, at ng digmaan pa nga dahil sa pag-
aagawan ng mga bansa sa kakaunting natitirang langis.”

Bagaman itinuturing ng ilang analista na isang suliranin ang pag-unti ng suplay ng langis,
ipinapalagay naman ng iba na mas mabuti nang matapos kaagad ang pagdepende natin sa langis.
Ganito ang sinabi ni Jeremiah Creedon sa kaniyang pagsulat sa Utne Reader: “Ang tanging
bagay na mas malala pa kaysa sa pagkasaid ng langis ay baka ang hindi pagkasaid ng langis. Ang
carbon dioxide na nililikha natin dahil sa pagsusunog ng langis ay patuloy na nagpapainit sa
planeta, gayunman ang ekonomiya at kapaligiran ay patuloy at karaniwan pa ring tinatalakay
bilang magkabukod na usapin.” Sa pagtawag-pansin sa mga resulta ng labis na pagdepende sa
langis ng isang bansa lamang, iniulat ng Australian Broadcasting Commission: “Ang 26 na
milyong sasakyan sa United Kingdom ang pinagmumulan ng sangkatlo ng kabuuang carbon
dioxide sa UK (na humahantong sa pag-init ng globo) at sangkatlo ng kabuuang polusyon sa
hangin sa UK (na kumikitil ng mga 10,000 katao bawat taon).”
LIKAS NA GAS:

▪ Sa susunod na mga 20 taon, “ang likas na gas ang ipinapalagay na magiging pinakamabilis
umunlad at pangunahing pinagmumulan ng enerhiya sa buong daigdig,” ang sabi sa ulat ng
IEO2003. Sa mga fossil fuel, ang likas na gas ang naglalabas ng pinakakaunting polusyon kapag
sinunog, at sinasabing may napakaraming reserba ng likas na gas sa lupa.

Gayunman, “walang sinuman ang talagang nakaaalam kung gaano karami ang likas na gas
hangga’t hindi pa ito nakukuha,” ang sabi ng Natural Gas Supply Association na nakabase sa
Washington, D.C. “Ang bawat pagtantiya ay ibinatay sa iba’t ibang palagay . . . Kaya mahirap
malaman ang eksaktong sagot sa tanong hinggil sa dami ng umiiral na likas na gas.”

Ang methane ang pangunahing sangkap ng likas na gas, at ang methane ay “isang gas na lubhang
nagpapainit sa atmospera ng lupa. Sa katunayan, may kakayahan ang methane na ikulong ang
init nang halos 21 beses na mas mabisa kaysa sa carbon dioxide,” ang sabi ng asosasyon na
sinipi kanina. Gayunpaman, sinabi ng reperensiyang ito na isang malawakang pag-aaral, na
isinagawa ng Environmental Protection Agency at ng Gas Research Institute, ang “sumapit sa
konklusyon na bale-wala lamang ang nakapipinsalang mga epekto ng pagdami ng methane sa
hangin kung ihahambing sa mas maraming bentaha ng pagbaba ng antas ng polusyon sa hangin
dahil sa mas malakas na pagkonsumo sa likas na gas.”

ENERHIYA MULA SA ATOMO:

▪ “Humigit-kumulang 430 reaktor na nuklear ang nagsusuplay ng 16 na porsiyento ng kuryente


sa daigdig,” ang ulat ng Australian Geographic. Bukod pa sa kasalukuyang mga reaktor na ito,
sinasabi sa ulat ng IEO2003: “Pagsapit ng Pebrero 2003, 17 sa 35 reaktor na kasalukuyang
itinatayo sa buong daigdig ay nasa mga bansa ng papaunlad na Asia.”

Ginagamit pa rin ang lakas nuklear sa kabila ng mga posibilidad na magkaroon ng sakuna, gaya
ng nangyari noong 1986 sa Chernobyl, sa dating Unyong Sobyet. Iniulat ng New Scientist na
“nagbibitak-bitak at kinakalawang na ang kasalukuyang mga reaktor sa Amerika” at noong
Marso 2002, ang reaktor na Davis-Besse sa Ohio “ay muntik nang dumanas ng kapaha-pahamak
na meltdown” dahil sa pangangalawang.

Dahil sa limitadong suplay at sa likas na mga panganib ng kasalukuyang pinagmumulan ng


enerhiya, bumabangon ang tanong, Nakatalaga na kayang sirain ng tao ang lupa dahil sa
pagsisikap nilang sapatan ang tila walang-katapusang pangangailangan sa enerhiya? Maliwanag
na kailangan natin ang malinis at maaasahang mga alternatibo. May makukuha ba tayong gayong
abot-kayang mga alternatibo?

You might also like