You are on page 1of 2

LINGGO

1
Paliparan National High School
FILIPINO 9
Ikatlong Markahan
Name: Grade and Section: _ _
Contact Nos.: Date:_ _
Facebook Account Name: _ _ E-mail Address: _

I. Pamagat: Parabula
II. Pinakamahalagang Kasanayan sa Pagkatuto:
a.) Napatutunayang ang mga pangyayari sa binasang parabula ay maaaring maganap sa tunay na buhay sa
kasalukuyan
b.) Nabibigyang-kahulugan ang matatalinghagang pahayag sa parabula
Alam Mo Ba?

Ang talinghaga/talinhaga o parabula ay isang maikling kuwentong kapupulutan ng aral na kalimitang hango
mula sa Bibliya. Ang parabula ay nanggaling sa English word na parable na nanggaling naman sa Greek word na
parabole na ang ibig sabihin ay maiksing sanaysay tungkol sa buhay na maaring mangyari o nangyayari na kung saan
nagtuturo tungkol sa ispiritwal o kagandahang-asal na magiging gabay ng isang taong nahaharap sa pangangailangang
mamili o magdesisyon. Isa itong maikling salaysay na maaaring nasa anyong patula o prosa na malimit nangangaral
o nagpapayo hinggil sa isang pangyayari, na kadalasang isinasalarawan ang isang moral o relihiyosong aral.

Basahin at unawain ang parabula.


Ang Regalo ng Liwanag

Noong unang panahon, sa isang malamig na bahagi ng mundo, may isang grupo ng mga taong naninirahan.
Sinasabing ang mga taong ito ang isa sa mga sinaunang nilalang. Marami pa silang bagay na hindi nalalaman o
natutuklasan. Isang araw, isa sa mga tao sa grupong ito ang naatasang maglakbay upang alamin kung may iba pang
nilalang o uri ng taong tulad nila na naninirahan sa labas ng kanilang lugar. Naglakbay ang taong ito ng ilang araw sa
masusukal na kagubatan at malalawak na karagatan at lupain.

Hanggang sa isang gabi, may nasilayan siyang liwanag sa ‘di kalayuan. Pinuntahan niya ito. Ang liwanag ay
nagmumula sa apoy. Ngunit dahil inosente, hindi alam ng taong iyon ang tungkol sa apoy. Siya ay natakot… “Huwag
kang matakot!” ang sabi ng tinig sa kanyang likuran. Pagtalikod niya ay laking gulat niya nang makitang may nakatayo
na pala sa kanyang likuran. Isang lalaking napakalinis at napakaganda, siya ay may mahabang buhok at balbas at tila
kasama itong nagliliwanag sa sinasabing apoy. “Ano itong aking nakikita?” ang tanong ng tao. “Ang tawag diyan ay
apoy. Lumapit ka at nang maranasan mo ang dulot nito.”

Bahagya ngang lumapit ang tao sa apoy, at siya ay natuwa. May init na nagmumula roon. Noon lamang niya
naramdaman ang gayon. Ang apoy na iyan ay nagdadala ng liwanag. Kapag dinala mo iyan sa iyong mga kasama,
tiyak na makikita nila ang maraming bagay. “Papaano ko dadalhin sa kanila ang liwanag na ito?” ang tanong ng tao.
“Maaari ko bang hawakan ang apoy?” Sinagot naman siya ng lalaki…
“Hindi mo maaaring hawakan, baka ikaw ay masunog. Pero maaari kong ituro sa iyo kung papaano mo ito madadala
sa kanila. “Sige… Ituro mo sa akin,” sagot naman ng kausap. At ganoon nga ang nangyari. Natutunan ng tao na sa
pamamagitan ng pagkiskis sa dalawang tuyong sanga ng kahoy, ang apoy ay nalilikha. At kapag pinagkuskos ang
dalawang bato, ito rin ay nalilikha. Masayang-masaya ang tao sa bago niyang tuklas. Kaagad siyang nagpaalam sa
nagturo sa kanya niyon, at siya nga ay naglakbay pabalik sa kanilang lugar upang ihatid sa kanyang mga kasama ang
magandang natuklasan.

Tinipon niya ang lahat ng tao sa kanilang lugar, at ipinakita niya kung papaanong nalilikha ang apoy. Namangha
ang lahat. ang iba’y natakot. “Huwag kayong matakot,” ang sabi niya. “Maraming magagawa ang apoy na ito sa ating
lahat. Sige, lumapit kayo… Lumapit ang ilan sa apoy.” At sila’y nasiyahan nang makadama ng init mula rito. Hindi lang
iyan. Ang apoy ay nagdadala rin ng liwanag. Liwanag na tatanglaw sa atin sa dilim… liwanag na gagabay sa ating
lahat… At ganoon nga ang nangyari. Lumiwanag ang kanilang bayan nang dahil sa pagkakatuklas nila sa apoy. Ngunit
dahil din sa liwanag na iyon, nahayag ang hindi magagandang bagay na ginagawa ng karamihan sa dilim. Tulad ng
pang-uumit at sari-saring kasamaan. Lubos na nabahala ang mga tao at sila’y nagkagulo. Kinamuhian nila ang liwanag.
At dahil doon, kanilang hinatulan ng kamatayan ang taong nagdala sa kanila niyon.

Hindi na muling lumikha ng apoy magmula noon sa pag-aakalang iyon ang susi sa katahimikan at kapayapaan.
Ngunit sa pagkawala ng apoy, lalong tumindi ang lamig. At iyon ang unti-unting kumitil sa buhay ng marami sa kanila.
Upang matapos na ang kamatayan, at bago pa sila maubos ng tuluyan, muli silang nagdesisyong lumikha ng apoy. At
dahil sa init na hatid ng apoy, naiwasan ang kamatayan sa kanilang lugar. Namatay din ang mga mikrobyong kumakalat
na naghahatid sa kanila ng sakit. At dahil iniinit na ang pagkain, mas naging masarap at malinis iyon. Gumanda ang
kanilang buhay nang dahil sa apoy. At nang dahil sa liwanag na dala nito, natakot nang gumawa ng kasamaan ang
ilan sa kanila. Dahil tiyak na ito’y mahahayag sa liwanag.
Halaw mula sa https://www.kapitbisig.com/philippines/tagalog-
version-of-parables-mga-parabula-ang-regalo-ng-liwanag-parabula-
parable_1130.html

Page | 1
Gawain sa Pagkatuto Bilang 1. Panuto: Bigyang-kahulugan ang mga nakahilig na salita sa loob ng pangungusap.
Isulat sa sagutang papel ang kahulugan nito.
Pangungusap Kahulugan
1.Napakabata pa ng sibilisasyon at payak
pa ang pamumuhay.
2.Hanggang sa isang gabi, may nasilayan
siyang liwanag sa ‘di kalayuan.

3.May mahabang buhok at balbas na tila


kasama itong nagliliwanag na apoy.

4.Liwanag na tatanglaw sa atin sa dilim…


liwanag na gagabay sa ating lahat.

5.Ngunit dahil din sa liwanag na iyon,


nahayag ang hindi magagandang bagay
na ginagawa ng karamihan sa dilim.

Gawain sa Pagkatuto Bilang 2: Sagutan ang sumusunod na tanong. Isulat ang iyong sagot sa sagutang papel.
1. Ilarawan ang pamumuhay noong unang panahon.
3. Sa paglalakbay, ano ang nakita ng taong ito? Paano nawala ang kanyang pagkatakot?
3. Ano-ano ang mabuti at masamang naidulot ng liwanag ng apoy? Dahil sa mga natuklasan, ano ang
naging epekto nito sa mga taong nasasakupan?
4. Ipaliwanag: “Ang katotohanan ay parang liwanag na naghahayag ng ating kasamaan. Mahirap itong
tanggapin sa simula. Ngunit sa oras na binuksan natin ang ating puso’t isipan, napakalaking biyaya nito sa atin. Ang
pag-ibig ng Diyos ay parang liwanag na dumating sa ating buhay. Marami ang hindi tumanggap, dahil nahayag ang
kanilang kasamaan. Ngunit ito’y nagdulot lamang ng kamatayan. Ngunit sa mga tumanggap nito, ito ay nagdulot
ng buhay na walang hanggan.”

Gawain sa Pagkatuto Bilang 3: Ang mga pangyayaring naganap sa parabula ay maaaring mangyari sa tunay na
buhay. Magtala ng sitwasyong kaugnay na pangyayari sa talata. Maaaring ito ay personal na nasaksihan, nabasa o
napanood. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.
1. Isang araw, isa sa mga tao sa grupong ito ang naatasang maglakbay upang alamin kung may iba pang
nilalang o uri ng taong tulad nila na naninirahan sa labas ng kanilang lugar.
Kaparehas na pangyayari:
2. Ang liwanag ay nagmumula sa apoy. Ngunit dahil inosente, hindi alam ng taong iyon ang tungkol sa
apoy. Siya ay natakot.
Kaparehas na pangyayari:
3. Pagtalikod niya ay laking gulat niya nang makitang may nakatayo na pala sa kanyang likuran. Isang
lalaking napakalinis at napakaganda. May mahabang buhok at balbas at tila kasama itong nagliliwanag
na apoy.
Kaparehas na pangyayari:
4. “Ang apoy na iyan ay nagdadala ng liwanag. Kapag dinala mo iyan sa iyong mga kasama, tiyak na
makikita nila ang maraming bagay.”
Kaparehas na pangyayari:
5. Ngunit dahil din sa liwanag na iyon, nahayag ang hindi magagandang bagay na ginagawa ng
karamihan sa dilim. Tulad ng pagpapalit-palit ng kasiping, pang-uumit at sari-saring kasamaan.
Kaparehas na pangyayari:

Gawain sa Pagkatuto Bilang 4: Patunayang ang mga pangyayari sa binasang parabula ay maaaring maganap sa
tunay na buhay sa kasalukuyan. Mayroon ka bang karanasan o narinig na may temang nahahawig sa binasang
parabula? Sagutan ang hinihingi sa ibaba. Isulat sa iyong sagutang papel ang iyong kasagutan.
Karanasan o Narinig Ang Regalo ng Liwanag

Pagkakahawig ng Dalawa

Gawain sa Pagkatuto Bilang 5: Punan ang patlang. Isulat ang sagot sa iyong sagutang papel.

Ang mga aral na mapupulot sa parabula ay nagsisilbing _______ sa marangal na pamumuhay ng mga tao. Ang mga
mensahe ng parabula ay isinulat sa ________ pahayag. Ang parabula ay di lamang lumilinang ng mabuting asal na
dapat nating taglayin kundi binubuo rin nito ang ating moral at espirituwal na pagkatao.

Page | 2

You might also like