You are on page 1of 6

Republic of the Philippines

BICOL UNIVERSITY TABACO CAMPUS


Department of Nursing
Tabaco City

MODYUL 7
MODYUL PARA SA SOSYEDAD AT LITERATURA/ PANITIKANG PANLIPUNAN

Natapos mo nang pag-aralan ang


hinggil sa panitikang pangmanggagawa
at pangmagsasaka, pag-usapan naman
natin ang panitikan ukol sa isyung
pangkasarian.

Sa modyul na ito, ikaw ay inaasahang:

 Maipaliliwanag ang sanhi at bunga ng mga suliraning panlipunan sa


pamamagitan ng makabuluhang akdang pampanitikan tuon sa isyung
pangkasarian;
 Maibubuod ang mahahalagang pangyayari at/o kaisipan sa panitikan
tungkol sa isyung pangkasarian;
 Makasusulat ng akademikong papel na nagsusuri sa kabuluhang
panlipunan ng isang akdang pampanitikan hinggil sa isyung pangkasarian;
 Mapalalalim ang pagpapahalaga sa sariling panitikan.

INTRODUKSYON

Ang kasarian o gender ay terminong ginagamit nang mas malawakan upang tukuyin ang
lawak ng identidad na hindi limitado sa mga establisyadong ideya ng lalaki at babae. Kaiba ito sa
terminong sex na bagamat ang salin sa Filipino ay kasarian din na limitado lamang sa biolohikal na
dikotomya ng lalaki at babae. Sa araling ito, ang kasarian ay tumutukoy sa gender.

Modyul sa Sosyedad at Literatura / Panitikang Panlipunan


lindacbruto2021
Isa sa mga isyung pangkasarian sa lipunang Pilipino ay ang karahasang batay sa kasarian o
gender-based violence o GBV, tinatawag ding gender violence o gendered violence. Ito ay terminong
ginagamit upang tukuyin ang harm inflicted upon individuals and groups that is connected to normative
understanding of their gender (htpps://en.wikipedia.org). Ayon sa htpps://unhcr.org, ang ganitong
karahasan ay mauuring (1) sekswal, (2) pisikal, (3) emosyonal at sikolohikal at (4) sosyo- ekonomik.
Samantala, ang mga karaniwang sanhi naman ng mga karahasang batay sa kasarian at ang mga
karaniwang sagabal sa prebensyon ng ganitong karahasan ay ang mga sumusunod:

SANHI SAGABAL SA PREBENSYON


Mga Pisikal na Salik Kakulangan ng pisikal na seguridad
Kahirapan
Mga Sosyo-Kultural at Politikal na Salik Mga Panlipunan, pangkultura at panrelihiyong
batas, gawi at praktikang diskriminatori
Pagkasira ng mga estrukturang pampamilya,
panlipunan at komyunal
Kakulangan ng tiwala sa mga panlipunan at
publikong institusyon

Mga Salik na Panghudikatura Kakulangan ng akses sa mga pangkatarungang


institusyon at mekanismo
Kakulangan ng sapat at abot-kayang legal na payo
at representasyon
Kakulangan ng sapat na proteksyon sa mga
biktima
Kakulangan ng mga batayang legal

Mga Indibidwal na Biktimang Salik Pagbabanta o takot sa istigma, isolasyon at


eksklusyon sa lipunan
Eksposyur sa higit pang karahasan
Kakulangan ng impormasyon sa karapatang
pantao

Mga Salik ng Programang Humanitaryan Pagkabigong matugunan at mabigyang-


prayoridad ang GBV
Kakulangan ng mga disenyo at programa sa
sensitibiting pangkasarian
Pang-aabusong sekswal ng mga mismong
tagapagpatupad ng batas
Iba pang hamon tulad ng mahinang ugnayan ng
mga tanggapan at institusyon, kakulangan ng
kompidensyaliti, kakulangan ng suporta sa
komunidad at iba pa.

Modyul sa Sosyedad at Literatura / Panitikang Panlipunan


lindacbruto2021
Ayon kay Crisostomo (2019), maaaring kanais-nais ang ranggo ng Pilipinas sa global gender
equality index,ngunit ang mga karahasang batay sa kasarian ay laganap pa rin sa bansa. Sa Forum for
Family Planning and Development (FFPD) bilang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, sinabing ang
pangkasariang pagkakapantay ng Pilipinas ay niranggo ng World Economic Forum sa pangwalo mula sa
pangsampu sa isandaan an apatnapu’t walong (148) bansa sa mundo. Pinuri ang bansa sa pagkakasara
ng 80% ng gender gap sa larangan ng abot ng edukasyon, paggawa, political na kapangyarihan,kalusugan
at kaligtasan.

Gayon pa man, sa National Demographic and Health Survey (NDHS) noong 2017, natuklasang isa
sa apat na babae ang nakararanas ng karahasan mula sa kanila mismong asawa. Ito ay sa kabila ng
pagsasabatas ng R.A. No. 9262 o kilala sa tawag na Anti- Violence Against Women and their Children at
ng iba pang batas laban sa karahasan, diskriminasyon, pangha-harass at maging pambabastos ng mga
babae. Napag-alaman din sa sarbey na umiiral na ang karanasan ng karahasan ng mga kababaihan kahit
pa bago pa ang kasal, dahil 14% ng kababaihang may edad na labinlima (15) hanggang apatnapu’t siyam
(49) ang nakaranas na ng karahasan mula noong sila ay labinlimang (15) taong gulang pa lamang. Ayon
sa NDHS, ang pinakakaraniwang perpetreytor ng pisikal na karahasang nararanasan ng mga kababaihan
ay ang kanilang kasalukuyan o pinakahuling kapartner o asawa.

Sa isa namang sarbey, nakitang sa mga tahanang may kombinasyon ng kasaysayan ng pisikal na
pang-aabuso ng mga magulang, suliraning pinansyal dahil sa kahirapan at ilegal na paggamit ng droga,
ang gumagawa ng karahasan ay ang parehong magulang; mas madalas nga lamang ang lalaking
magulang sa paggawa ng karahasang batay sa kasarian. Samantala, natuklasang ang kadalasang sekswal
na mandarahas ng mga batang babae at maging batang lalaki ay ang kanilang mga matandang kapatid
na lalaki, ama o pinsang lalaki (Crisostomo, 2019)

Samantala, ang mga miyembro ng LGBTQ (Lesbians, Gays, Bisexual, Transexual at Queer) ay
nakararanas din ng pambu-bully, diskriminasyon, kakulangan ng akses sa mga impormasyong kaugnay
ng LGBTQ at sa ilang kaso, ng pisikal at sekswal na pang-aabuso. Nagaganap ito sa paaralan, sa mga lugar
ng trabaho, sa mga pampublikong lugar, sa mga komunidad at maging sa loob ng tahanan.

Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin sa Kongreso ang SOGIE Bill na inaasahang higit na magbibigay
karapatan at proteksyon sa mga miyembro ng komunidad ng LGBTQ, ngunit nakalulungkot na marami
pa ring tumututol sa panukalang ito dahil sa kakulangan ng impormasyon,misimpormasyon,
homophobia, seksismo at/o iba pang dahilan.

Basahin ang susunod na akdang pampanitikan. Suriin ang katayuan ng persona sa tulang ito:

LIHAM NI PINAY MULA SA BRUNEI


ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Ako’y guro, asawa at ina.


Isang babae- pupol ng pabango, pulbos at
seda,
Kaulayaw ng batya, kaldero at kama.
Napagod yata ako’t nanghinawa,
Nagsisikap mangibang-lupa.
Modyul sa Sosyedad at Literatura / Panitikang Panlipunan
lindacbruto2021
Iyo’t iyon din ang lalaking umuupo sa kabisera,
Nagbabasa ng diyaryo uma-umaga.
Naghihintay ng siya ng kape
At naninigarilyo,
Habang kagkag ako sa pagitan ng kuna at libro,
Nagpapahid ng lipstick at nagpapatulo ng gripo.
Hindi siya nag-aangat ng mukha
Umaaso man ang kawali o umiingit ang bata.
Hinahatdan ko siya ng brief at tuwalya sa banyo,
Inaaliw kung mainit ang ulo.
Wala siyang paliwanag
Kung bakit hindi siya umuwi magdamag,
Ngunit kunot na kunot ang kanyang noo
Kapag umaalis ako ng Linggo.
Ayaw niya ng galunggong at saluyot
Kahit pipis ang sobreng inabot,
Ibig pa yatang maghimala ako ng ulam
Kahit ang pangrenta’y laging kulang.

Ako’y guro, asawa at ina.


Isang babae- napapagal sa pagiging babae.
Itinakda ng kabahaging
Masumpa sa walis, labada’t oyayi
Kahit may propesyo’t kumikita ng salapi.
Iyo’t iyon din ang ruta ng araw-araw—
Kabagutang nakalatag sa kahabaan
Ng bahay at paaralan,
Ng kusina’t higaan.

May karapatan ba akong magmukmok?


Saana ko tatakbo kung ako’y malungkot?
May beerhouse at massage parlor na tambayan
Ang kabiyak kong nag-aasam,
Nasa bintana ako’y hinihintay.
Modyul sa Sosyedad at Literatura / Panitikang Panlipunan
lindacbruto2021 Nagbabaga ang katawan ko sa paghahanap,
May krus ang dila ko’t di makapangusap.
Humihingi ng tinapay ang mga anak ko,
Itinotodo ko ang bolyum ng radyo.
Noon ako nanaginip na nakapantalon,
Nagpapadala ng dolyar at pasalubong.
Nakahihinga na ako ngayon nang maluwag,
Walang susi ang bibig, ang isip ay bukas.
Aaminin ko ako’y nangungulila
Ngunit sariling kape ko na ang tinitimpla .
Nag-aabang ako ng sulat sa tarangkaha’t pinto,
Sa telepono’y nabubusog ang puso.
Umiiyak ako noong una,
Nagagamot pala ang lahat sa pagbabasa.
Ito lamang ang sagot,
Bayaang lalaki ang maglaba ng kumot.

(1987)

GABAY SA PAGSUSURI: (GAWAIN SA PAPEL)

A. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa ibaba:

 Sino ang persona sa tula o sino ang nagsasalita sa tula? Ilarawan siya.
 Sino ang lalaking binabanggit sa tula? Ilarawan din siya.
 Ano ang ginawa ng persona sa tula nang siya’y mapagod at manghinawa?
 Ano ang kasalukuyang kalagayan ng persona sa tula. Ilarawan.
 Mayroon ba tayong mga kababaihan tulad ng persona sa tula? Bakit?

B. Batay sa iyong mga namamasid, ano ang kalagayan ngayon ng mga kababaihan
Modyul sa Sosyedad at Literatura / Panitikang Panlipunan
lindacbruto2021
sa lipunan? Isa-isahin at ipaliwanag kung bakit kaya ganoon ang kalagayan nila.

C. Sino ang babaeng hinahangaan mo. Ilarawan siya at sabihin ang dahilan kung
bakit mo siya hinahangaan. Ilakip ang kanyang larawan sa deskripsyon.

Inihanda ni:

LINDA C. BRUTO,M.A.Ed.
Instruktor

Modyul sa Sosyedad at Literatura / Panitikang Panlipunan


lindacbruto2021

You might also like