You are on page 1of 2

"MONOLOGO NI RIZAL MULA SA KABILANG BUHAY" ni Alden Copuyoc

Nang kalabitin nila ang gatilyo ng aking kamatayan, ako ay lumingon -

Upang mata sa mata tumingin sa kalaban, mata sa mata harapin ang kamatayan, mata sa mata
sa huling pagkakataon masilayan ang aking bayan.

Pinihit ko ang aking katawan bilang huling akto ng pag-aalsa. Hindi sumadsad ang mukha ko sa
putik. Wala akong kasalanan.

At ang naghating dilim at liwanag sa talukap ng aking mga mata ay ang mitsa: Lalaya ang aking
bayan at kakawala sa hawla ng daan-taong pagkasikil, pagkapipi, at pagkagapi.

At sa pagpapatuloy ng aking paglalakad tungo sa malaking liwanag, ako ay muling lumingon at


nakitang lumaya na nga ang aking bayan.

Ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad at paminsan-minsan ay lumilingon upang mangumusta


at may mga yugto na ako'y napapailing, nagigitla, at naluluha.

Nilansi ang bayan ko ng puting banyaga….

Ginahasa ng mga sakang ang ating mga kababaihan…

Ngunit ang pinakamasakit sa lahat ay hindi ang pagmamalabis ng mga mananakop... Kundi ang
pagsikil ng karapatan, pambabansot, at pandarahas sa mga Pilipino mula sa kapwa Pilipino sa
ngalan ng kapangyarihan.

Hindi ako sumalo ng mga bala sa aking dibdib para dito. Mga dekada ng diktadurya sa bayan
kong duguan. Hindi ito, hindi ito ang Pilipinas na pinangarap ko.

At dumating ang araw ng tagumpay. Umalingawngaw sa mundo ang sigaw para sa hustisya at
kalayaan.

Ngunit bawat bagong araw ay may kakambal na takipsilim. Ang dilim na naging itim na belo ng
bayang tumatangis.

Mula sa aking kinaroroonan, dinig ko ang iyak ng mga inang nawalan ng anak dahil sa
pamamaslang.

Tanaw sa malayo ang kaluluwang humihingi ng katarungan, naglalakbay habang lumuluha.

Hinagpis ng mga namatay sa pandemya ng korapsyon at kapabayaan.

Ang panaghoy ng mga nasa likod ng rehas na ikinulong nang walang kapararakan.

Mga hikbi sa gabi ng mga tinutugis dahil lang umaalma sa pagmamalabis.

Pagmamakaawa ng mga mangingisdang api sa sarili nating karagatan.


Daing ng mga Pilipinong gutom pa rin ang problema matapos sumugal sa huwad na
pagbabago.

Hindi ako tunay na lumisan. Buhay si Pepe sa bawat kabataang tumitindig. Hangga’t may mga
tao mula sa iba’t ibang hanay na nagbubuklod-buklod at sumisigaw ng pagbabago, buhay ang
mensahe ng aking mga akda. Habang may mga gamu-gamong susuong sa init para makakita
ng liwanag, magdiringas ang damdaming makabansa.

Hangga’t may matatapang na bayan at lugar na tangan ang aking pangalan, ako ay patuloy na
lumalaban. Hangga’t may taong-bayang mulat at hindi napupuwing kahit ng mga alipato ng
digma, patuloy akong mabubuhay sa mundo ng mga buhay.

At bagamat ako ay humayo na at naglalakbay sa kabilang dako, tangan ko ang dasal para sa
katotohanan.

Ang ningning ng mga talang nakasabit sa karimlan ng mga ulap.

Ang apoy ng mga sulo mula sa iba't ibang pulo.

Ang liwanag mula sa mga matang kumikislap sa pangako ng pag-asa.

At kikitilin nito ang dilim. Tatanglawan ang mga anino kung saan nagkukubli ang mga tunay na
kaaway. Iilawan ang daan at masisilaw ang mga multo ng nakaraang nagpupumilit ibalik ang
Pilipinas sa pagkakalugmok.

Tapos na ang mga taon ng pagkapiring. Giba na ang pader ng pagmamalabis. Patid na ang
mahabang tanikala.

Kakawala mula sa talinghaga ang tunay na kalayaan, at Pilipino ang iiral. Pilipino ang
magdedesisyon. Pilipino ang mismong mag-aangat sa bansa.

At sa aking paglalakbay tungo sa malaking liwanag, ako ay panatag na lilingon sa huling


pagkakataon:

Sa magakabilang dulo ng buhay at kamatayan... May espasyo ng pagkatuto, pagkamulat, at


pag-ibig. May liwanag na papasok sa mga siwang ng pagkabigo at bubuwag sa lahat ng
nakaharang.

Pipihit ang mundo, magbubukas ang lahat ng ipininid na pinto, tao sa tao - lahat ay
magdiriwang... May liwanag, may liwanag!

You might also like